Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 66:19 - Jeremias 10:13

19 Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba't ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Libya at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Javan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila. 20 Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila'y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad ng pagdadala ng mga handog na pagkaing butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan ayon sa kautusan. 21 Ang iba sa kanila ay gagawin kong mga pari at ang iba naman ay Levita.

22 “Kung(A) paanong tatagal ang bagong langit at bagong lupa
    sa pamamagitan ng aking kapangyarihan,
    gayon tatagal ang lahi mo at pangalan.
23 Tuwing Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan,
    lahat ng bansa ay sasamba sa akin,”
    ang sabi ni Yahweh.

24 “Sa(B) kanilang pag-alis, makikita nila ang mga bangkay ng mga naghimagsik laban sa akin. Ang uod na kakain sa kanila'y hindi mamamatay, gayon din ang apoy na susunog sa kanila. Ang kalagayan nila'y magiging kahiya-hiya sa buong sangkatauhan.”

Ang Pagtawag at Pagsusugo kay Jeremias

Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga sinabi at ginawa ni Jeremias na anak ni Hilkias, isang pari na mula sa bayan ng Anatot, sa lupain ni Benjamin. Si(C) Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong ikalabintatlong taon ng paghahari sa Juda ni Haring Josias, anak ni Haring Ammon. Muling(D) nagpahayag si Yahweh sa kanya nang si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari ng Juda. Maraming beses pa siyang nagpahayag pagkatapos noon hanggang sa ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias na anak rin ni Josias. At noong ikalimang buwan din ng taóng iyon, ang mga taga-Jerusalem ay sinakop at dinalang-bihag sa ibang bansa.

Ang Pagkatawag kay Jeremias

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa.”

Ang sagot ko naman, “Panginoong Yahweh, hindi po ako magaling na tagapagsalita; bata pa po ako.”

Subalit ang sabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Pumunta ka sa mga taong sasabihin ko sa iyo. Ipahayag mo sa lahat ang aking sasabihin sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila sapagkat ako'y kasama mo at iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, iniunat ni Yahweh ang kanyang kamay, hinipo ang aking mga labi, at sinabi, “Ngayon ay ibinigay ko na sa iyo ang mga mensaheng dapat mong sabihin. 10 Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihang mangaral sa mga bansa at kaharian, upang sila'y bunutin at ibagsak, wasakin at itapon, itayo at itanim.”

Dalawang Pangitain

11 Tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”

“Sanga po ng almendra,” sagot ko.

12 “Tama ka,” ang sabi ni Yahweh, “sapagkat ako'y magbabantay upang matiyak na matutupad nga ang aking mga sinasabi.”

13 Muli akong tinanong ni Yahweh, “Ano pa ang nakikita mo?”

Sumagot ako, “Isa pong kalderong kumukulo ang laman at halos tumagilid na mula sa gawing hilaga.”

14 At sinabi niya sa akin, “Mararanasan ng lahat ng naninirahan sa lupaing ito ang isang pagkawasak na magmumula sa hilaga. 15 Tatawagin ko ang lahat ng bansa sa hilaga. Darating silang lahat at ang kanilang mga hari'y maglalagay ng kani-kanilang trono sa harap ng pintuan ng Jerusalem, sa paligid ng mga pader nito, at sa ibang mga lunsod ng Juda. 16 Paparusahan ko ang aking bayan dahil sa kanilang kasalanan; tumalikod sila sa akin. Naghandog sila at sumamba sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang mga kamay. 17 Humanda ka at magpakatatag; sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila kundi'y hahayaan nga kitang matakot kung ikaw ay nasa kalagitnaan nila. 18-19 Subalit pakinggan mo itong mabuti, Jeremias! Ang bawat isa sa buong Juda—kasama na ang mga hari, mga pinuno, mga pari, at ang buong bayan—ay kakalabanin ka. Ngunit hindi sila magtatagumpay. Magiging sintatag ka ng isang lunsod na ligtas sa anumang panganib, sintibay ng haliging bakal o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”

Ang Pag-iingat ng Diyos sa Israel

Sinabi sa akin ni Yahweh na pumunta ako sa Jerusalem at ipahayag ito sa lahat ng naroroon:

“Natatandaan ko ang iyong katapatan noong bata ka pa,
    ang iyong pagmamahal nang tayo'y ikasal;
sinundan mo ako sa gitna ng disyerto,
    sa gitna ng lupaing walang tanim na anuman.
Ikaw, Israel, ay para kay Yahweh,
    ang pinakamainam na bahagi ng kanyang ani;
pahihirapan ang sinumang mananakit sa iyo;
    darating sa kanila ang mga kaguluhan.
Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”

Ang Kasalanan ng mga Magulang ni Israel

Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, mga anak ni Jacob, sambahayan ni Israel. Sinasabi ni Yahweh:

“Ano ba ang nagawa kong kamalian
    at ako'y tinalikdan ng inyong mga magulang?
Sumamba sila sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
    kaya sila'y naging walang kabuluhan din.
Hindi nila ako naalala
    kahit ako ang nagpalaya sa kanila mula sa Egipto;
    pinatnubayan ko sila sa malawak na disyerto,
    sa mga lupaing baku-bako't maburol,
    sa isang tuyo at mapanganib na lugar,
    na walang naninirahan at nagnanais dumaan.
Dinala ko sila sa isang mayamang lupain,
    upang tamasahin nila ang kasaganaan niyon.
Ngunit dinungisan nila ang ibinigay kong lupain
    dahil sa karumal-dumal nilang mga gawain.
Hindi man lamang nagtatanong ang mga pari, ‘Nasaan si Yahweh?’
    Hindi ako nakikilala ng mga dalubhasa sa Kautusan,
hindi sumusunod sa akin ang mga pinuno;
    nangangaral ang mga propeta sa pangalan ni Baal,
    sumasamba at naglilingkod sa mga diyus-diyosan.

Sinumbatan ni Yahweh ang Kanyang Bayan

“Kaya't muli kong susumbatan ang aking bayan
at uusigin ko hanggang kaapu-apuhan.
10 Tumawid kang pakanluran hanggang Cyprus,
    at magpadala ka patungong pasilangan hanggang Kedar.
    Makikita mo kung may nangyaring tulad nito kailanman.
11 Mayroon bang bansa na nagpalit ng kanyang mga diyos,
    kahit na ang mga ito ay hindi naman talagang diyos?
Ngunit ipinagpalit ako ng bayang aking pinarangalan,
    at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosang wala namang kabutihang magagawa para sa kanila.
12 Kaya manginig kayo sa takot, O kalangitan,
    manggilalas kayo at manghilakbot;
    akong si Yahweh ang nagsasalita.
13 Dalawa ang kasalanan ng aking bayan:
Tinalikuran nila ako,
    ako na bukal na nagbibigay-buhay,
at humukay sila ng mga balon,
    ngunit mga balong butas na walang naiipong tubig.

Ang Ibinunga ng Pagtataksil ng Israel

14 “Hindi alipin ang Israel nang siya'y isilang.
    Ngunit bakit siya pinaghahanap ng kanyang mga kaaway?
15 Sila'y parang mga leong umaatungal
    habang winawasak ang lupain;
    giniba ang kanyang mga lunsod kaya't wala nang naninirahan doon.
16 Binasag ng mga taga-Memfis at taga-Tafnes ang kanyang bungo.
17 Ikaw na rin, Israel, ang dapat sisihin sa nangyari sa iyo!
    Tinalikdan mo ako na iyong Diyos,
    akong si Yahweh na umakay sa iyong mga paglalakbay.
18 Ano ang mapapala mo sa pagpunta sa Egipto?
    Ang makainom ng tubig sa Ilog Nilo?
Ano ang inaasahan mong makukuha sa Asiria?
    Ang makainom ng tubig sa Ilog Eufrates?
19 Paparusahan ka ng sarili mong kasamaan.
    Ipapahamak ka ng iyong pagtalikod sa akin.
Mararanasan mo kung gaano kapait at kahirap
    ang mawalan ng takot at tumalikod kay Yahweh na iyong Diyos.
Ako, ang Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
    ang nagsasabi nito.

Ayaw Sambahin ng Israel si Yahweh

20 “Matagal mo nang itinakwil ang kapangyarihan ko, Israel,
    at ako'y ayaw mong sundin
    sapagkat ang sabi mo, ‘Hindi ako maglilingkod.’
Ngunit sa ibabaw ng bawat mataas na burol,
    at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy,
    ikaw ay sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng babaing nagbebenta ng sarili.
21 Maganda ka noon nang aking itanim,
    mula sa pinakamalusog na binhi ng ubas.
Tingnan mo ngayon ang naging buhay mo!
    Para kang ubas na ligaw, nabubulok ang bunga at walang pakinabang!
22 Kahit maghugas ka pa, at gumamit ng pinakamatapang na sabon,
    mananatili pa rin ang mantsa ng iyong kasalanan;
    hindi mo iyan maitatago sa akin,
    ang Panginoong Yahweh ang nagsasalita.
23 Masasabi mo bang hindi nadumihan ang iyong sarili,
    at hindi ka sumamba sa diyus-diyosang si Baal?
Napakalaki ng kasalanang nagawa mo doon sa libis.
Para kang batang kamelyo na hindi mapigilan,
    takbo nang takbo at nagwawala.
24 Tulad mo'y babaing asno na masidhi ang pagnanasa;
    walang makapigil kapag ito'y nag-iinit.
Hindi na dapat mag-alala ang lalaking asno;
    ika'y nakahanda sa lahat ng oras.
25 Israel, huwag mong bayaan na ika'y magyapak
    o matuyo ang lalamunan at mamalat.
Ngunit ang tugon mo, ‘Ano pa ang kabuluhan?
    Mahal ko ang ibang mga diyos,
    at sila ang aking sasambahin at paglilingkuran.’

Nararapat Parusahan ang Israel

26 “Tulad ng magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, kayong lahat na sambahayan ni Israel ay mapapahiyang gaya niya; ang inyong mga hari at mga pinuno, mga pari at mga propeta. 27 Mapapahiya kayong lahat na nagsasabi sa punongkahoy, ‘Ikaw ang aking ama,’ at sa bato, ‘Ikaw ang aking ina.’ Mangyayari ito sapagkat itinakwil ninyo ako, sa halip na kayo'y maglingkod sa akin. Ngunit kung kayo naman ay naghihirap, hinihiling ninyong iligtas ko kayo.

28 “Nasaan ang mga diyus-diyosang inyong ginawa? Tingnan natin kung kayo'y maililigtas nila sa oras ng inyong pangangailangan. Juda, sindami ng iyong lunsod ang iyong mga diyos. 29 Akong si Yahweh ay nagtatanong, ano ang isusumbat ninyo sa akin? Lahat kayo'y mga suwail. Wala na kayong ginawa kundi kalabanin ako! 30 Pinarusahan ko kayo, ngunit di rin kayo nagbago. Para kayong mababangis na leon, pinagpapatay ninyo ang inyong mga propeta. 31 Pakinggan ninyong mabuti ang sinasabi ko. Wala ba kayong napakinabangan sa akin? Ako ba'y naging parang tigang na lupa sa inyo? Bakit sinasabi ninyong malaya na kayong gawin ang inyong maibigan, at hindi na kayo babalik sa akin? 32 Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga alahas, o ng babaing ikakasal ang kanyang damit pangkasal? Subalit ako'y kinalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon. 33 Alam mo kung paano aakitin ang mga lalaki. Talo mo pa ang masasamang babae sa iyong paraan. 34 Ang kasuotan mo'y tigmak sa dugo ng dukha at walang malay, sa dugo ng mga taong kailanman ay hindi pumasok sa iyong tahanan.

“Subalit sa kabila ng lahat ng ito'y sinasabi mo, 35 ‘Wala akong kasalanan; hindi na galit sa akin si Yahweh.’ Ngunit akong si Yahweh ang magpaparusa sa iyo sapagkat sinasabi mong hindi ka nagkasala. 36 Bakit kay dali mong magpalit ng kaibigan? Bibiguin ka ng Egipto, tulad ng ginawa sa iyo ng Asiria. 37 Mabibigo ka rin sa Egipto, iiwan mo siyang taglay ang kahihiyan. Sapagkat itinakwil ni Yahweh ang iyong pinagkatiwalaan, at hindi ka nila mabibigyan ng tagumpay.”

Ang Taksil na Israel

Sinabi ni Yahweh, “Kapag ang isang babae ay pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa, at siya'y mag-asawa ng ibang lalaki, hindi na siya dapat tatanggapin ng unang asawa. Ang ganito'y magpaparumi sa lupain. Subalit ikaw, Israel, kay rami mong kinasama, at ngayo'y ibig mong magbalik sa akin! Tumingin ka sa tuktok ng mga burol; may lugar ba roong hindi mo dinungisan ng iyong kahalayan? Para kang babaing nagbebenta ng sarili na naghihintay ng manliligaw sa mga tabing-daan. Tulad mo'y Arabong nag-aabang ng biktima sa ilang. Dahil sa mahalay mong pamumuhay, ang lupain ay nadungisan. Para kang babaing bayaran, wala ka nang kahihiyan! Dahil dito'y pinigil ko ang ulan at hindi pumatak kahit sa panahon ng tagsibol.

“At ngayo'y sinasabi mong ako ang iyong ama na umiibig sa iyo mula pa sa pagkabata, at hindi magtatagal ang galit sa iyo. Ito'y pansamantala lamang. Iyan ang sinasabi mo, Israel, ngunit ang iyong ginagawa ay pawang kasamaan.”

Isang Panawagan Upang Magsisi

Noong(E) panahon ni Haring Josias, sinabi sa akin ni Yahweh: “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Umaakyat siya sa bawat burol at nakikipagtalik sa lilim ng mayayabong na punongkahoy. Akala ko'y babalik siya sa akin matapos gawin iyon. Ngunit hindi, at sa halip ay nakita pa ito ng kapatid niyang taksil na si Juda. Nakita rin ng Juda nang pinalayas at hiwalayan ko ang Israel dahil sa pagtataksil sa akin at pagiging masamang babae. Ngunit hindi man lamang natakot ang taksil ding Juda. Naging masama rin siyang babae. Ito'y hindi niya ikinahiya, bagkus ay dinumihan ang lupain nang mangalunya siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga bato at punongkahoy. 10 At pagkatapos ng lahat ng ito, nagkunwari ang taksil na Juda na bumabalik sa akin ngunit ito'y hindi taos sa kanyang puso. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh na kahit tumalikod sa kanya ang Israel, ito'y hindi kasinsama ng taksil na Juda. 12 Inutusan niya akong magpunta sa hilaga at sabihin sa Israel, “Manumbalik ka, taksil na Israel. Hindi na kita kagagalitan sapagkat ako'y mahabagin. Hindi habang panahon ang galit ko sa iyo. 13 Aminin mo lamang na nagkasala ka at naghimagsik laban kay Yahweh na iyong Diyos. Sabihin mo na sa ilalim ng bawat punongkahoy ay nakiapid ka sa kahit sinong diyos at hindi ka sumunod sa aking mga utos,” ang sabi ni Yahweh.

14 “Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon,” sabi pa ni Yahweh. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Zion. 15 Bibigyan ko kayo ng mga pinunong sumusunod sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa. 16 At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Hindi na nila ito iisipin o aalalahanin. Hindi na rin nila ito kakailanganin o gagawa ng isa pa. 17 Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay tatawaging ‘Luklukan ni Yahweh’. Lahat ng bansa'y magkakatipon doon upang sambahin ako. Hindi na nila gagawin ang kasamaang kanilang gustong gawin. 18 Magkakaisa ang Israel at ang Juda. Magkasama silang babalik mula sa hilaga at maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang, upang maging kanila magpakailanman.”

Sumamba sa Diyus-diyosan ang Israel

19 Sinabi ni Yahweh,
“Itinuring kitang anak, Israel,
    at binigyan ng lupaing pinakamainam sa lahat,
sapagkat inakala kong kikilalanin mo akong ama,
    at hindi ka na tatalikod sa akin.
20 Ngunit gaya ng taksil na asawa, iniwan mo ako.
    Hindi ka naging tapat sa akin.”

21 May narinig na ingay sa mga kaburulan.
    Nananangis ang mga taga-Israel
    dahil sa mabigat nilang kasalanan;
    at kinalimutan nila si Yahweh na kanilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, mga anak na taksil,” sabi ni Yahweh,
    “pinapatawad ko na kayo sa inyong mga kasalanan.”

Sabihin ninyo: “Oo, lalapit na kami sapagkat si Yahweh ang aming Diyos! 23 Walang naitulong sa amin ang mga diyus-diyosang sinasamba namin sa kaburulan. Si Yahweh lamang na aming Diyos, ang tunay na kaligtasan ng Israel. 24 Dahil sa aming pagsamba kay Baal, nawala sa amin ang lahat ng bagay na pinaghirapan ng aming mga magulang, mula pa noong una—ang aming mga anak, mga hayop at mga kawan. 25 Dapat kaming manliit sa kahihiyan, sapagkat kami'y nagkasala kay Yahweh, kami at ang aming mga magulang. Mula sa pagkabata hanggang ngayon, hindi namin sinunod ang tinig ni Yahweh na aming Diyos.”

Isang Panawagan Upang Magsisi

Ganito ang sabi ni Yahweh: “Mga taga-Israel, kung kayo'y manunumbalik at lalapit kayo sa akin; kung inyong tatalikuran ang mga diyus-diyosan at mananatili kayong tapat sa akin, magiging totoo at makatuwiran ang inyong panunumpa sa aking pangalan. Dahil dito'y hihilingin ng lahat ng bansa na sila'y aking pagpalain at pupurihin naman nila ako.”

Ganito(F) naman ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: “Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa; huwag ninyong ihasik ang binhi sa gitna ng dawagan. Tuparin ninyo ang inyong pangako sa akin, at italaga ang inyong buhay sa paglilingkod. Kung hindi, sisiklab ang aking poot dahil sa inyong mga nagawang kasamaan.”

Binantaang Sakupin ang Juda

Hipan ang trumpeta sa buong lupain!
    Isigaw nang malinaw at malakas:
“Mga taga-Juda at taga-Jerusalem,
    magsipasok kayo sa inyong mga kublihang lunsod.
Ituro ang daang patungo sa Zion!
    Magtago na kayo at huwag magpaliban!
Mula sa hilaga'y magpapadala si Yahweh
    ng lagim at pagkawasak.
Parang leong lumitaw ang magwawasak ng mga bansa.
Lumakad na siya upang wasakin ang Juda.
Ang mga lunsod nito'y duduruging lahat
    at wala nang maninirahan doon.
Magsuot kayo ng damit na panluksa, lumuha kayo at manangis,
    sapagkat ang poot ni Yahweh sa Juda'y hindi makakalimutan.”

Ang sabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, masisiraan ng loob at matatakot ang mga hari at mga pinuno, ang mga pari ay masisindak, at magugulat ang mga propeta.”

10 Pagkatapos ay sinabi ko, “Panginoong Yahweh! Nilinlang ninyo ang mga taga-Jerusalem! Sinabi ninyong iiral ang kapayapaan ngunit ngayon, isang tabak ang nakaamba sa kanila.”

11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa mga taga-Jerusalem: “Umiihip mula sa disyerto ang nakakapasong hangin patungo sa kaawa-awa kong bayan. Hindi upang linisin silang tulad ng trigo kung pinahahanginan. 12 Mas malakas ang hanging aking padala upang hampasin ang bayan ko. Ako, si Yahweh, ang nagpaparusa ngayon sa kanila.”

Napaligiran ng mga Kaaway ang Juda

13 Masdan ninyo! Dumarating na parang mga ulap ang kaaway. Parang ipu-ipo ang kanilang mga karwaheng pandigma; mabilis pa sa agila ang kanilang mga kabayo. Matatalo tayo! Ito na ang ating wakas! 14 Talikdan mo na Jerusalem, ang iyong mga kasalanan, upang maligtas ka. Hanggang kailan ka mag-iisip ng masama?

15 Dumating ang mga tagapagbalita mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim, dala ang malagim na balita. 16 Upang bigyang babala ang mga bansa at sabihin sa mga taga-Jerusalem: “Dumarating na ang mga kaaway mula sa malayong lupain, at sumisigaw ng pakikidigma laban sa mga lunsod ng Juda!” 17 Paliligiran nila ang Jerusalem, parang bukid na ligid ng mga bantay; sapagkat ang mga tagaroon ay naghimagsik laban kay Yahweh. 18 Ikaw na rin, Juda, ang dapat sisihin sa parusang darating sa iyo dahil sa iyong mga kasalanan. Tatagos sa iyong buong katawan ang paghihirap ng iyong puso.

Nagdalamhati si Jeremias Dahil sa Kanyang mga Kababayan

19 Ang hapdi ay hindi ko halos matagalan!
Kumakabog ang aking dibdib!
Hindi ako mapalagay;
naririnig ko ang tunog ng mga trumpeta at ang sigaw ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga kapahamakang dumarating sa bayan.
Bigla na lamang bumabagsak ang aming mga tolda
    at napupunit ang mga tabing.
21 Hanggang kailan magtatagal ang paglalaban
    at maririnig ang tunog ng mga trumpeta?
22 At sinabi ni Yahweh, “Napakahangal ng aking bayan;
    hindi nila ako nakikilala.
Tulad nila'y mga batang wala pang pang-unawa.
Sanay sila sa paggawa ng masama
    ngunit bigo sa paggawa ng mabuti.”

Ang Pangitain ni Jeremias tungkol sa Darating na Pagkawasak

23 Pagkatapos ay tiningnan ko ang daigdig; wala itong hugis o anumang kaanyuan,
    at sa langit ay walang anumang tanglaw.
24 Tumingin ako sa mga bundok at mga burol;
    ang mga ito'y nayayanig dahil sa lindol.
25 Wala akong makitang tao, wala kahit isa;
    pati mga ibon ay nagliparan na.
26 Ang masaganang lupain ay naging disyerto;
    wasak ang mga lunsod nito
    dahil sa matinding poot ng Diyos.

27 Sinabi ni Yahweh, “Masasalanta ang buong lupain ngunit hindi ko lubusang wawasakin.”

28 Magluluksa ang sanlibutan,
    magdidilim ang kalangitan.
Sinabi ni Yahweh ang ganito
    at ang isip niya'y di magbabago.
Nakapagpasya na siya
    at hindi na magbabago pa.
29 Sa yabag ng mangangabayo at mamamana,
    magtatakbuhan ang lahat;
ang ilan ay magtatago sa gubat;
    ang iba nama'y sa kabatuhan aakyat.
Lilisanin ng lahat ang kabayanan,
    at walang matitira isa man.
30 Jerusalem, ikaw ay hinatulan na!
    Bakit nakadamit ka pa ng matingkad na pula?
    Ano't nagsusuot ka pa ng mga alahas, at ang mga mata mo'y may pintang pampaganda?
Pagpapaganda mo'y wala nang saysay!
    Itinakwil ka na ng iyong mga kasintahan;
    at balak ka pa nilang patayin.
31 Narinig ko ang daing,
    gaya ng babaing malapit nang manganak.
Ito ang taghoy ng naghihingalong Jerusalem
    na nakadipa ang mga kamay:
“Ito na ang wakas ko,
    hayan na sila upang patayin ako!”

Ang Kasalanan ng Jerusalem

Mga taga-Jerusalem, magmasid-masid kayo.
    Ang mga lansangan ay inyong libutin at ang buong paligid ay halughugin.
    Maghanap kayo sa mga pamilihan.
May makikita ba kayong isang taong matuwid at tapat kay Yahweh?
Kung mayroon kayong matatagpuan, patawad ni Yahweh sa Jerusalem igagawad.
Nanunumpa nga kayo sa pangalan ni Yahweh,
    ngunit hindi taos sa inyong puso ang inyong sinasabi.
Ang hanap ni Yahweh ay katotohanan.
Pinarusahan niya kayo, ngunit hindi ninyo pinansin ang sakit;
    pinahirapan niya kayo ngunit hindi pa rin kayo nagbago.
Ayaw ninyong talikuran ang inyong mga kasalanan; dahil sa katigasan ng inyong ulo.
At aking naisip, “Ang mga taong ito'y mga mahihirap at walang alam;
hindi nila alam ang hinihiling ni Yahweh,
    ang utos ng kanilang Diyos.
Pupuntahan ko ang mga maykapangyarihan,
    at sila ay aking papakiusapan.
Natitiyak kong alam nila ang kalooban ni Yahweh;
    batid nila ang ipinag-uutos ng Diyos.
Ngunit pati silang lahat ay naging suwail
    at tumangging sumunod sa kanyang mga utos.”
Dahil dito, sila'y papatayin ng mga leon mula sa gubat.
    Sisilain sila ng mga asong-gubat mula sa ilang.
    Maglilibot sa kanilang mga lunsod ang mga leopardo upang lurayin ang sinumang makita.
Sapagkat napakarami na ng kanilang pagkakasala
    at maraming ulit na nilang tinalikuran ang Diyos.
Ang tanong nga ni Yahweh: “Bakit ko kayo patatawarin?
Nagtaksil sa akin ang iyong mga anak
    at sumamba sa mga diyus-diyosan.
Pinakain ko kayo hanggang sa mabusog,
    ngunit nangalunya pa rin kayo,
    at ginugol ang panahon sa babaing bayaran.
Tulad nila'y mga lalaking kabayo,
    nagpupumiglas dahil sa matinding pagnanasa sa asawa ng iba.
Hindi ba marapat na sila ay parusahan ko?
    At pagbayarin ang bansang tulad nito?
10 Sasabihan ko ang kanilang mga kaaway na sirain ang kanilang ubasan,
    subalit huwag naman nilang wawasakin ito nang lubusan.
Sasabihin kong putulin ang mga sanga,
    sapagkat ang mga ito'y hindi naman para sa akin.
11 Kayong mga mamamayan ng Israel at ng Juda,
    pareho kayong nagtaksil sa akin.
Akong si Yahweh ang nagsasalita.”

Itinakwil ni Yahweh ang Israel

12 Si Yahweh ay itinakwil ng kanyang bayan. “Wala naman siyang gagawing anuman!” ang sabi nila. “Hindi tayo daranas ng kahirapan; walang darating na digmaan o taggutom man. 13-14 Ang mga propeta'y walang kabuluhan; hindi talagang galing kay Yahweh ang ipinapahayag nila.”

Ganito naman ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: “Dahil nilapastangan ako ng mga taong iyan, ang aking salitang lalabas sa iyong bibig ay magiging parang apoy. Sila'y parang tuyong kahoy na tutupukin nito.”

15 Mga taga-Israel, magpapadala si Yahweh ng isang bansang buhat sa malayo upang salakayin kayo. Ito'y isang malakas at matandang bansa na ang wika'y hindi ninyo alam o nauunawaan man. Ito'y ipinahayag na ni Yahweh. 16 Mababangis ang mga kawal ng kaaway; kamatayan ang dulot ng kanilang mga pana. 17 Uubusin nila ang inyong mga ani at mga pagkain. Papatayin nila ang inyong mga anak. Kakatayin nila ang inyong mga kawan at baka, at wawasakin ang inyong mga tanim na igos at ubasan. Dudurugin ng kanilang hukbo ang matitibay na lunsod na pinagkakanlungan ninyo.

18 “Gayunman, akong si Yahweh ang nagsasabing hindi ko lubusang pupuksain ang aking bayan sa panahong iyon. 19 Kung sila'y magtanong sa iyo, Jeremias, kung bakit ko ginawa ang lahat ng ito, sabihin mo: ‘Kung papaanong tinalikuran ninyo si Yahweh at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos samantalang nasa sariling lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga dayuhan sa isang lupaing hindi inyo.’”

Nagbabala ang Diyos sa Kanyang Bayan

20 Sabihin mo sa mga anak ni Jacob; gayundin sa mga taga-Juda: 21 “Makinig(G) kayo, mga hangal; may mga mata kayo ngunit hindi naman makakita, may mga tainga ngunit hindi naman makarinig. 22 Ako(H) si Yahweh; hindi ba kayo natatakot sa akin o nanginginig sa presensya ko? Ako ang naglagay ng buhangin upang maging hangganan ng karagatan, isang palagiang hangganan na hindi kayang bagtasin. Kahit magngalit ang dagat at tumaas ang mga alon, hindi sila makakalampas dito. 23 Ngunit kayo'y mapaghimagsik at matitigas ang ulo; tinalikuran ninyo ako at nilayuan. 24 Hindi man lamang ninyo inisip na parangalan si Yahweh na inyong Diyos, gayong siya ang nagbibigay ng ulan sa takdang panahon, at nagpapasapit sa panahon ng pag-aani taun-taon. 25 At sa halip, nagiging hadlang ang inyong mga kasalanan upang makamit ang mabubuting bagay na ito.

26 “Tumira sa aking bayan ang manggagawa ng kasamaan; mga nanghuhuli ng ibon ang katulad nila. Ang pagkakaiba lamang, mga tao ang binibitag nila. 27 Kung paanong pinupuno ng isang nanghuhuli ng ibon ang kanyang hawla, gayon nila pinupuno ng mga ninakaw ang kanilang mga bahay. Kaya naging mayaman sila at naging makapangyarihan. 28 Lagi silang busog at matataba. Sukdulan na ang kanilang kasamaan. Inaapi nila ang mga ulila at hindi makatarungan ang paglilitis na kanilang ginagawa. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.

29 “Dahil dito'y paparusahan ko sila; maghihiganti ako sa kanilang bansa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 30 Nakakapangilabot at nakakatakot ang nangyari sa buong lupain. 31 Pawang kasinungalingan ang pahayag ng mga propeta; ang kanilang utos ang sinusunod ng mga pari, at hindi naman tumututol ang aking bayan. Subalit ano ang gagawin ninyo kapag nagwakas na ang lahat?”

Pinaligiran ng mga Kaaway ang Jerusalem

Mga anak ni Benjamin, tumakas na kayo! Lisanin na ninyo ang Jerusalem! Hipan ang trumpeta sa buong Tekoa, at ibigay ang hudyat sa Beth-hakerem. Sapagkat dumarating na mula sa hilaga ang isang malaking sakuna at pagkawasak. Lunsod ng Zion, katulad ka ng isang magandang pastulan. Ngunit pupuntahan ka ng mga hari at magkukuta ang kanilang mga hukbo saanman nila magustuhan at paliligiran ka ng kanilang mga tolda. Sasabihin nila, “Humanda kayo at sasalakayin natin ang Jerusalem! Bandang tanghali tayo sasalakay!” Ngunit sasabihin nila pagkatapos, “Huli na tayo! Lumulubog na ang araw at unti-unti nang dumidilim. Subalit humanda rin kayo! Ngayong gabi tayo lulusob, at wawasakin natin ang mga kuta ng lunsod.”

Inutusan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga haring ito na pumutol ng mga punongkahoy at magbunton ng lupa upang maging kublihan nila sa kanilang pagkubkob sa Jerusalem. Ang sabi niya, “Paparusahan ko ang lunsod na ito sapagkat naghahari dito ang pang-aapi. Patuloy ang paglaganap ng kasamaan sa Jerusalem, tulad ng pagbalong ng tubig sa balon. Karahasan at pagkawasak ang nababalita; karamdaman at mga sugat ang aking nakikita sa paligid. Mga taga-Jerusalem, ang mga ito'y magsilbing babala sa inyo, sapagkat kung hindi, iiwan ko kayo. Ang inyong lunsod ay gagawin kong disyerto, isang lugar na walang maninirahan.”

Mapaghimagsik ang Israel

Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Uubusin ang Israel katulad ng isang ubasang walang ititirang bunga. Kaya't tipunin mo ang lahat ng maaari mong iligtas, habang may panahon pa.”

10 Ang sabi ko naman, “Sino po ang makikinig sa akin, kung sila'y kausapin ko at bigyang babala? Sarado ang kanilang mga pakinig. Ayaw nilang pakinggan ang iyong mga mensahe at pinagtatawanan pa ang sinasabi ko. 11 Ang pagkapoot mo, Yahweh, ay nararamdaman ko at hindi ko na kayang matagalan.”

At sinabi sa akin ni Yahweh, “Ibuhos mo ang aking poot sa mga batang nasa lansangan, at sa mga kabinataang nagkakatipon. Bibihagin din ang mga mag-asawa, kasama pati matatanda na. 12 Ibibigay(I) sa iba ang kanilang mga bahay, gayon din ang kanilang bukirin at mga asawa. Paparusahan ko ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito. 13 Ang kasakiman ay laganap sa lahat, dakila at hamak; pati mga pari at propeta man ay mandaraya. 14 Hindi(J) nila pansin ang kahirapan ng aking bayan; ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. 15 Nahihiya ba sila sa ginawa nilang kalikuan? Hindi na sila tinatablan ng hiya, makapal na ang kanilang mukha. Kaya't sila'y babagsak tulad ng iba. Ito na ang kanilang wakas, kapag sila'y aking pinarusahan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Tinanggihan ng Israel ang Paraan ng Diyos

16 Sinabi(K) ni Yahweh sa kanyang bayan, “Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang lumang kalsada, at alamin kung saan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan.”

Subalit ang sabi nila, “Ayaw naming dumaan doon.” 17 Kaya't si Yahweh ay humirang ng mga bantay upang marinig ng Israel ang tunog ng kanilang trumpeta. Ngunit sabi nila, “Hindi namin iyon papakinggan.”

18 Kaya sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, mga bansa, upang malaman ninyo ang mangyayari sa sarili kong bayan. 19 Makinig ang buong sanlibutan! Ang mga taong ito'y mapapahamak bilang parusa at iyon ang nararapat sa kanila, sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga utos, at itinakwil ang aking katuruan. 20 Walang halaga sa akin ang kamanyang kahit na galing pa iyon sa Seba. Hindi ko rin kailangan ang mga pabangong mula sa malalayong lupain. Ang mga handog nila'y hindi katanggap-tanggap. Hindi ako malulugod sa kanilang mga hain.” 21 Sabi pa ni Yahweh: “Maglalagay ako ng katitisuran nila, at silang lahat ay madadapa. Mamamatay ang mga magulang at mga anak, gayon din ang mga kaibigan at kapitbahay.”

Paglusob ng mga Taga-hilaga

22 Sinasabi ni Yahweh: “Isang malakas na bansa mula sa hilaga ang naghahanda sa pakikidigma. 23 Mga pana't sibat ang kanilang sandata; sila'y malulupit at walang awa. Kapag nakasakay sila sa kanilang mga kabayo, nagngangalit na dagat ang kanilang katulad. Handa na silang salakayin ang Jerusalem.”

24 Ang sabi naman ng mga taga-Jerusalem: “Narinig na namin ang balita, at nanlulupaypay kaming lahat. Labis kaming naghihirap, katulad ng isang babaing manganganak. 25 Ayaw na naming lumabas sa kabukiran o lumakad kaya sa mga daan, sapagkat ang mga kaaway ay may mga sandata. Takot ang nadarama naming lahat.”

26 Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Kung gayon, magsuot kayo ng damit na panluksa, at gumulong kayo sa abo. Manangis na kayo nang buong pait, na parang nawalan ng bugtong na anak, sapagkat biglang sasalakay ang magwawasak sa inyo! 27 Jeremias, suriin mo ang aking bayan, gaya ng pagsuri sa bakal, upang malaman ang uri ng kanilang pagkatao. 28 Silang lahat ay mapaghimagsik, masasama, walang ginagawa kundi ang magkalat ng maling balita. Sintigas ng tanso at bakal ang kanilang kalooban, at pawang kabulukan ang ginagawa nila. 29 Matindi na ang init ng pugon at nalusaw na ng apoy ang tingga, ngunit hindi pa rin matunaw ang dumi ng pilak. Hindi na dapat ipagpatuloy ang pagdalisay sa aking bayan sapagkat hindi naman naihiwalay ang masasama. 30 Tatawagin silang pilak na patapon sapagkat akong si Yahweh ang nagtakwil sa kanila.”

Si Jeremias ay Nangaral sa Templo

Pinapunta ni Yahweh si Jeremias sa pintuan ng Templo, at ipinasabi ang ganito: “Makinig kayo, mga taga-Juda na nagkakatipon dito upang sumamba kay Yahweh. Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel! Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay at ang inyong ginagawa at kayo'y papayagan kong manatili rito.” Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: ‘Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh!’ Hindi kayo maililigtas ng mga salitang iyan.

“Magbagong-buhay na kayo at iwan na ang dati ninyong ginagawa. Maging makatarungan kayo sa isa't isa. Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Tigilan na ninyo ang pagpatay sa mga walang kasalanan sa lugar na ito. Talikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan, sapagkat ito ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. Kapag sinunod ninyo ito, pahihintulutan ko kayong manatili sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyong mga magulang upang maging tirahan ninyo magpakailanman.

“Bakit kayo nagtitiwala sa mga salitang walang kabuluhan? Nagnanakaw kayo, pumapatay, nangangalunya, nanunumpa sa hindi katotohanan, naghahandog kay Baal, at sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi ninyo nakikilala. 10 Ginawa ninyo ang aking kinamumuhian at pagkatapos, haharap kayo sa akin, sa aking Templo at sasabihin ninyo, ‘Ligtas kami rito!’ 11 Bakit?(L) Ang tahanan bang ito'y mukhang lungga ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang ginagawa ninyo. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 12 Pumunta(M) kayo sa Shilo, ang lugar na una kong pinili upang ako'y sambahin ninyo. Tingnan ninyo ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa mga kasalanan ng aking bayang Israel. 13 At ngayon, ginawa rin ninyo ang mga kasalanang iyon. Paulit-ulit ko kayong pinaalalahanan, ngunit ayaw ninyong makinig. Hindi ninyo pinansin ang aking panawagan. 14 Kaya naman, ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin sa Templong ito na labis ninyong pinagtiwalaan. Wawasakin ko ang lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, gaya ng ginawa ko sa Shilo. 15 Palalayasin ko kayo sa harap ko, tulad ng ginawa ko sa inyong mga kapatid, sa angkan ni Efraim.”

Ang Pagsuway ng mga Tao

16 Sinabi ni Yahweh, “Huwag mong ipapanalangin ang mga taong ito, Jeremias. Huwag kang mananangis para sa kanila o magmamakaawa sapagkat hindi kita papakinggan. 17 Tingnan mo ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. 18 Nangunguha(N) ng panggatong ang kanilang mga anak, nagpaparikit ng apoy ang kalalakihan, at nagluluto ng tinapay ang kababaihan upang ihandog sa diyus-diyosang tinatawag nilang reyna ng kalangitan. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang diyos, upang saktan ang aking kalooban. 19 Subalit ako bang talaga ang kanilang sinasaktan? Hindi, manapa'y ang kanilang sarili ang sinasaktan nila at inilalagay sa kahihiyan. 20 Kaya nga, ibubuhos ko sa lugar na ito ang aking galit at poot. Madadamay sa ipapataw kong parusa ang mga tao, mga hayop, at pati mga punongkahoy at mga halaman. Ang aking poot ay gaya ng apoy na walang sinumang makakapatay.

21 “Mabuti pa'y kainin na lamang ninyong lahat ang inyong mga handog na susunugin, kasama ng mga handog na pinagsasaluhan. Ako, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito. 22 Nang ilabas ko sa Egipto ang inyong mga magulang, hindi ko iniutos sa kanila ang tungkol sa mga handog na susunugin o iba pang handog. 23 Subalit inutusan ko silang sumunod sa akin upang sila'y maging aking bayan at ako naman ang kanilang magiging Diyos. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at magiging maayos ang kanilang buhay. 24 Ngunit hindi sila sumunod; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang bawat maibigan at lalo pa silang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. 25 Mula nang umalis sa Egipto ang inyong mga magulang hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagpapadala ng aking mga lingkod, ang mga propeta. 26 Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga magulang.

27 “Kaya, Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. 28 Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ni Yahweh na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang mga landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at hindi man lamang nababanggit.’”

Ang mga Kasamaang Ginagawa sa Libis ng Ben Hinom

29 “Manangis kayo, mga taga-Jerusalem.
    Putulin ninyo ang inyong buhok, at itapon ito sa malayo.
Managhoy kayo sa ibabaw ng mga burol,
    sapagkat itinakwil at pinabayaan ni Yahweh
    ang mga taong kanyang kinapopootan.

30 “Napakasama ng ginawa ng mga taga-Juda. Ang mga diyus-diyosang kinasusuklaman ko'y inilagay nila sa aking Templo. Nilapastangan nila ang aking tahanan. Akong si Yahweh ang maysabi nito. 31 Sa(O) Libis ng Ben Hinom ay gumawa sila ng altar at tinawag nilang Tofet. Doon nila sinusunog ang kanilang mga anak bilang handog. Hindi ko iniutos sa kanilang gawin ito, at ni hindi man lamang ito sumagi sa aking isipan. 32 Dahil dito, darating ang panahon na hindi na iyon tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom kundi Libis ng Kamatayan. Magiging isang libingan ang Tofet sapagkat wala nang lugar na mapaglilibingan. 33 Ang mga bangkay ay kakanin ng mga ibon at maiilap na hayop; walang sinumang makapagtataboy sa kanila. 34 At(P) sasalantain ko ang buong lupain hanggang ito'y maging isang disyerto. Hindi na maririnig sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na mapapakinggan ang masasayang tinig ng mga ikakasal.

“Pagdating ng panahong iyon,” sabi pa ni Yahweh, “ang kalansay ng mga hari at mga pinuno sa Juda, mga pari, mga propeta, at iba pang naninirahan sa Jerusalem, ay aalisin sa kanilang libingan. Ibibilad ang mga ito sa liwanag ng araw, buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinangguni, at sinamba. Sa halip na tipunin at ibaon, ang mga kalansay ay parang duming ikakalat sa lupa. Para sa mga nabubuhay pa sa makasalanang lahing ito na nagkalat sa mga lupaing pinagtapunan ko sa kanila, nanaisin pa nila ang mamatay kaysa patuloy na mabuhay. Akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagsasabi nito.”

Ang Kasalanan at ang Kaparusahan

“Jeremias, akong si Yahweh ang nagsasalita sa aking bayan. Kapag nabuwal ang isang tao, hindi ba muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya ng daan, hindi ba muli siyang magbabalik? Bayan kong hinirang, bakit kayo lumalayo sa akin ngunit hindi naman nagbabalik? Bakit hindi ninyo maiwan ang inyong mga diyus-diyosan, at ayaw ninyong magbalik sa akin? Naghintay ako at nakinig ngunit walang nagsalita ng katotohanan. Ni walang nagsisi sa kanyang kasalanan. Wala man lamang nagtanong, ‘Anong kasalanan ang nagawa ko?’ Bawat isa ay ginawa ang sariling maibigan, gaya ng kabayong patungo sa digmaan. Nalalaman ng ibong palipat-lipat ng tirahan, ng batu-bato, ng langay-langayan at ng tagak, kung kailan sila dapat lumipat at kung kailan dapat magbalik. Ngunit kayo, na aking bayan, hindi ninyo nalalaman ang aking kautusan na dapat ninyong sundin. Paano ninyo nasabing, ‘Kami'y matatalino; nasa amin ang kautusan ni Yahweh’? Ang kautusan ay binago ng mga mandarayang eskriba. Mapapahiya ang kanilang mga matatalino; sila'y malilito at mabibigo. Sapagkat tinanggihan nila ang salita ni Yahweh, anong karunungan ang taglay nila ngayon? 10 Kaya(Q) ibibigay ko sa iba ang kanilang mga asawa; ang kanilang bukid ay tatamnan ng ibang tao. Ang lahat, dakila man o abâ, ay gumagamit ng pandaraya upang yumaman. Pati mga propeta at mga pari ay nandaraya. 11 Hindi(R) nila pansin ang kahirapan ng aking bayan. Ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. 12 Ikinahiya ba nila ang kanilang masasamang gawa? Hindi! Hindi na sila marunong mahiya! Makapal na ang kanilang mukha. Kaya nga, babagsak sila tulad ng iba. Ito na ang kanilang magiging wakas kapag sila'y aking pinarusahan. Ito ang sabi ni Yahweh.

13 “Lilipulin ko na ang aking bayan sapagkat ang katulad nila'y punong ubas na walang bunga, o puno ng igos na walang pakinabang; nalanta na pati mga dahon. Kaya't tatanggapin nila ang bunga ng kanilang ginawa.”

14 “Bakit tayo nakaupo at walang ginagawa?” tanong nila. “Halina kayo, tayo'y magtago sa mga lunsod na matibay, at doon na tayo mamatay. Hinatulan na tayo ni Yahweh na ating Diyos upang mamatay. Binigyan niya tayo ng tubig na may lason upang inumin sapagkat nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan ngunit walang nangyari; umasa ng kaligtasan ngunit kakila-kilabot na hirap ang dumating sa atin. 16 Naririnig hanggang sa lunsod ng Dan ang ingay ng mga kabayo ng kaaway. Nanginginig na sa takot ang buong bansa sa yabag pa lamang ng mga kabayong pandigma. Dumating na ang wawasak sa ating lupain at sa lahat ng naroon; sa ating lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.”

17 “Humanda kayo!” sabi ni Yahweh. “Magpapadala ako ng mga ahas na makamandag, mga ulupong na hindi mapaaamo, upang kayo'y tuklawin.”

Ang Kalungkutan ni Jeremias Dahil sa Kanyang Bayan

18 Hindi mapapawi ang nadarama kong kalungkutan;
    nagdurugo ang aking puso.
19 Pakinggan ninyo! Naririnig ko
    ang iyakan ng buong bayan,
“Wala na ba sa Zion si Yahweh?
    Wala na ba roon ang hari ng Zion?”
At sumagot si Yahweh,
“Bakit ninyo ako ginagalit? Bakit kayo sumasamba sa mga diyus-diyosan na hindi ninyo kilala at wala namang kabuluhan?”
20 At sumigaw ang bayan:
“Dumaan na ang tag-araw, tapos na rin ang anihan,
    ngunit hindi pa kami naliligtas!”

21 Para akong sinuntok sa dibdib
    dahil sa hirap na sinapit ng aking bayan;
    ako'y nanangis; lubos akong nalilito.

22 Wala na bang panlunas sa Gilead?
    Wala na bang manggagamot diyan?
    Bakit hindi gumagaling ang aking bayan?

Sana'y naging balon ng tubig itong aking ulo,
    at bukal ng luha itong mata ko,
upang ako'y may iluha sa maghapon at magdamag
    para sa aking mga kababayang namatay.
Sana'y may mapagtaguan ako doon sa disyerto,
    kung saan malayo ako sa aking mga kababayan.
Sila'y mapakiapid
    at pawang mga taksil.
Sila'y laging handang magsabi ng kasinungalingan;
    kasamaan ang namamayani sa halip na katotohanan.

Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Sunud-sunod na kasamaan ang ginagawa ng aking bayan,
    at ako'y hindi nila nakikilala.”

Mag-ingat kayo kahit sa inyong mga kaibigan,
    kahit kapatid ay huwag pagkatiwalaan;
sapagkat mandaraya lahat ng kapatid, katulad ni Jacob,
    at bawat isa'y naninira sa kanyang kaibigan.
Ang lahat ay nandaraya sa kanyang kapwa,
    walang nagsasabi ng katotohanan;
dila nila'y sanay sa pagsisinungaling,
    sila'y patuloy sa pagkakasala, at hindi naiisip ang magsisi.
Ang kanilang kasalanan ay patung-patong na,
    hindi tumitigil sa pandaraya sa iba.

Kahit na si Yahweh hindi kinikilala.
Kaya sinabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
“Pahihirapan ko ang bansang ito upang sila'y subukin.
    Sapagkat ano pa ang aking magagawa sa bayan kong naging masama?
Parang makamandag na pana ang kanilang mga dila,
    lahat ng sinasabi ay pawang pandaraya.
Magandang mangusap sa kanilang kapwa,
    ngunit ang totoo, balak nila ay masama.
Hindi ba nararapat na parusahan ko sila?
    Hindi ba dapat lang na maghiganti ako sa kanila?
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”

10 Ang sabi ni Jeremias, “Ang mga bundok ay aking tatangisan,
    at iiyakan ko ang mga pastulan;
sapagkat natuyo na ang mga damo, at wala nang nagdaraang tao.
Hindi na naririnig ang unga ng mga baka;
    pati mga ibon at hayop sa gubat ay nag-alisan na.”

11 Ang sabi ni Yahweh: “Ang Jerusalem ay wawasakin ko.
    Kanyang mga pader, paguguhuin ko,
    at wala nang maninirahan doon kundi mga asong-gubat.
Magiging disyerto, mga lunsod ng Juda,
    wala nang taong doon ay titira.”

12 At nagtanong si Jeremias, “Yahweh, bakit po nasalanta ang lupain at natuyo tulad sa isang disyerto, kaya wala nang may gustong dumaan? Sinong matalino ang makakaunawa nito? Kanino ninyo ipinaliwanag ang nangyaring ito upang masabi naman niya sa iba?”

13 Sumagot si Yahweh, “Nangyari ito sapagkat tinalikuran ng aking bayan ang kautusang ibinigay ko sa kanila at hindi sila sumunod sa akin. 14 Sa halip, nagmatigas sila at sumamba sa diyus-diyosang si Baal, gaya ng itinuro ng kanilang mga magulang. 15 Kaya, akong si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ganito ang gagawin ko. Mapapait na halaman ang ipapakain ko sa kanila at tubig na may lason ang ipapainom ko sa kanila. 16 Pangangalatin ko sila sa iba't ibang bansa, mga bansang ni hindi man lamang nabalitaan ng kanilang mga magulang. At magpapadala ako ng mga hukbong sasalakay sa kanila hanggang sa lubusan silang malipol.”

Napapasaklolo ang mga Taga-Jerusalem

17 Ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Isipin ninyo ang mga nangyayari!
Tawagin ninyo ang mga taga-iyak,
    ang mga babaing sanay managhoy.”

18 Sabi naman ng mga tao,
“Pagmadaliin sila upang managhoy para sa atin,
    hanggang sa bumalong ang ating mga luha
    at mamugto sa pag-iyak ang ating mga mata.”

19 Dinggin mo ang panaghoy sa Zion,
“Nasalanta na tayo!
    Napakalaking kahihiyan nito!
Lisanin na natin ang ating lupain;
    sapagkat wasak na, mga tahanan natin.”

20 Sinabi naman ni Jeremias,
“Mga babae, pakinggan ninyo si Yahweh,
    at unawain ang kanyang sinasabi.
Turuan ninyong managhoy ang inyong mga anak na babae,
    gayon din ang kanilang mga kaibigan.
21 Nakapasok na ang kamatayan sa ating mga tahanan,
    at sa magagarang palasyo;
pinuksa niya ang mga batang nasa lansangan,
    at ang mga kabataang nasa pamilihan.
22 Nagkalat kahit saan ang mga bangkay,
    tila bunton ng dumi sa kabukiran,
    parang uhay na ginapas ng mga mang-aani
    at saka iniwang walang nag-iipon.
Ito ang ipinapasabi sa akin ni Yahweh.”

23 Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ipagmayabang ng matatalino ang kanyang karunungan
    o ng malakas ang lakas na kanyang taglay
    ni ng mayaman ang kanyang kayamanan.
24 Kung(S) may nais magmalaki,
    ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin,
sapagkat ang aking pag-ibig ay hindi nagbabago,
    makatarungan at matuwid ang mga ginagawa ko.
Ito ang mga bagay na nais ko.
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”

25 Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong paparusahan ko ang lahat ng tinuli ngunit ang puso'y hindi naman nababago; 26 mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab at lahat ng naninirahan sa disyerto at ang mga nagpuputol ng kanilang buhok. Sila at lahat ng mga taga-Israel ay hindi pa nagkakaroon ng panloob na pagbabago bagaman sila ay tinuli ayon sa laman.”

Ang Pagsamba sa Diyus-diyosan at ang Tunay na Pagsamba

10 Mga anak ni Israel, pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh. Ang sabi niya,

“Huwag ninyong tutularan ang ginagawa ng ibang mga bansa;
    o mabahala sa nakikitang mga tanda sa kalangitan,
    na labis nilang kinatatakutan.
Ang dinidiyos nila'y hindi maaasahan.
Isang punongkahoy na pinutol sa gubat,
    inanyuan ng mga dalubhasang kamay,
    at pinalamutian ng ginto at pilak.
Idinikit at pinakuan upang hindi mabuwal.
Ang mga diyus-diyosang ito'y tulad sa panakot ng ibon sa gitna ng bukid,
    hindi nakakapagsalita;
pinapasan pa sila
    sapagkat hindi nakakalakad.
Huwag kayong matakot sa kanila
    sapagkat hindi sila makakagawa ng masama,
    at wala ring magagawang mabuti.”

Wala nang ibang tulad mo, O Yahweh;
    ikaw ay makapangyarihan,
    walang kasindakila ang iyong pangalan.
Sino(T) ang hindi matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa?
    Karapat-dapat lamang na ikaw ay katakutan.
Kahit na piliin ang lahat ng matatalino
    mula sa lahat ng bansa at mga kaharian,
    wala pa ring makakatulad sa iyo.
Silang lahat ay pawang hangal at mangmang.
    Ano ang maituturo sa kanila ng mga diyus-diyosang kahoy?
Ang kanilang diyus-diyosa'y binalutan ng pilak na galing sa Tarsis,
    at ng gintong mula sa Upaz,
    ginawang lahat ng mahuhusay na kamay;
pagkatapos ay binihisan ng kulay ube at pula
    na hinabi naman ng manghahabing sanay.
10 Ngunit ikaw, Yahweh, ang tunay na Diyos,
    ikaw ang Diyos na buháy,
    at ang Haring walang hanggan.
Nayayanig ang daigdig kapag ikaw ay nagagalit,
    at walang bansang makakatagal sa tindi ng iyong poot.

11 Sabihin ninyo sa mga diyus-diyosan: ang sinumang hindi makalikha ng langit at lupa ay dudurugin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig.[a]

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

12 Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan,
    at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman.
13 Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan;
    napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa.
Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan,
    at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.