Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 33:23-47:7

23 Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias: 24 “Hindi mo ba napapansin na sinasabi ng mga tao, itinakwil ko raw ang dalawang angkang hinirang ko? Kaya hahamakin nila ang aking bayan at hindi na ituturing na isang bansa. 25 Ngunit sinasabi ko naman: Kung paanong itinakda ko ang araw at gabi at ang tiyak na kaayusan sa langit at sa lupa, 26 mananatili rin ang aking pangako sa lahi ni Jacob at sa lingkod kong si David. Magmumula sa angkan ni David ang hihirangin kong maghahari sa lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Ibabalik ko ang kanilang kayamanan at sila'y aking kahahabagan.”

Ang Babala ni Jeremias kay Zedekias

34 Ito(A) ang pahayag ni Yahweh kay Jeremias nang ang Jerusalem at mga karatig-bayan ay sinasalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ng kanyang hukbo, katulong ang lahat ng kaharian at bansang sakop nito. “Pumunta ka at sabihin mo kay Haring Zedekias ng Juda ang ganito: Ang lunsod na ito'y ibibigay ko sa hari ng Babilonia at kanyang susunugin. Hindi ka makakaligtas; mahuhulog kang tiyak sa kamay niya. Makikita mo't makakausap nang harap-harapan ang hari ng Babilonia at dadalhin kang bihag sa bansang iyon. Ngunit pakinggan mo ang sabi sa iyo ni Yahweh, Haring Zedekias: Hindi ka mamamatay sa digmaan; mapayapa kang papanaw, at magsusunog sila ng insenso sa iyong libing, gaya ng ginawa nila sa libing ng iyong mga ninunong hari. Ipagluluksa ka at tatangisan ng ganito, ‘Patay na ang aming hari!’ Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito.”

Inulit namang lahat ni Jeremias ang pahayag na ito sa harapan ni Haring Zedekias ng Juda, nang panahong ang hukbo ng Babilonia ay sumasalakay na sa Jerusalem, sa Laquis at Azeka, ang nalalabing mga lunsod sa Juda. Ito na lamang ang natirang lunsod sa Juda na may mga kuta.

Nilabag na Kasunduan tungkol sa mga Aliping Hebreo

Dumating kay Jeremias ang salita ni Yahweh matapos pagkasunduan ni Haring Zedekias at ng mga taga-Jerusalem na palayain ang mga alipin. Lahat ng may aliping Hebreo, maging babae o lalaki, ay magpapalaya sa mga ito; upang hindi manatiling alipin ang kapwa nila Judio. 10 Sumunod naman ang lahat ng pinuno at mga taong may mga alipin sa bahay. Pinalaya nila ang mga ito at hindi na muling aalipinin. 11 Subalit pagkalipas ng ilang panahon, nagbago ang kanilang isip at pilit nilang inaliping muli ang mga aliping pinalaya nila.

12 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias: 13 “Nagkasundo kami ng inyong mga ninuno nang araw na sila'y palabasin ko sa Egipto, sa lupain ng kanilang pagkaalipin. Ganito ang aming kasunduan: 14 Pagkalipas(B) ng anim na taon ng paglilingkod, palalayain nila sa ikapitong taon ang sinumang Hebreo na binili nilang alipin. Ngunit hindi nila ako sinunod. 15 Kayo nama'y nagsisi at ginawa ninyo ang matuwid na pasyang palalayain ang inyong mga aliping Hebreo. Pinagtibay ninyo ito sa aking harapan, sa Templong itinayo ninyo para sa aking karangalan. 16 Ngunit nagtaksil din kayo at nilapastangan ninyo ang aking pangalan, nang muli ninyong alipinin ang mga lalaki't babaing inyong pinalaya. 17 Kaya nga, sinasabi ni Yahweh: Hindi ninyo ako sinunod matapos ninyong ipahayag na palalayain ang inyong mga kalahi. Kaya naman, bibigyan ko kayo ng kalayaan, ang kalayaang mamatay sa digmaan, sa salot at sa gutom. Lahat ng bansa ay masisindak sa aking gagawin sa inyo. 18 Nilabag ninyo ang ating kasunduan at hindi ninyo tinupad ang tuntuning sinang-ayunan ninyong gawin. Gagawin ko sa inyo ang ginawa ninyo sa guya na inyong pinatay, hinati, at dinaanan sa pagitan. 19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, mga eunuko, mga pari, at lahat ng dumaan sa guyang hinati ay 20 ibibigay ko sa kaaway. Mamamatay sila at ang bangkay nila'y kakanin ng mga ibon at mababangis na hayop! 21 Ibibigay ko si Haring Zedekias ng Juda at ang kanyang mga pinuno sa mga kaaway na tumutugis sa kanila, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na tumigil na sa pagsalakay. 22 Ako ang mag-uutos sa kanila, at muli nilang sasalakayin ang lunsod na ito. Masasakop nila ito at susunugin; gagawin kong tulad sa disyerto ang mga lunsod ng Juda, at wala nang maninirahan doon.”

Ang Pagkamasunurin ng mga Recabita

35 Nang(C) si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari sa Juda, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Puntahan mo at kausapin ang mga Recabita. Pagkatapos ay dalhin mo sila sa isa sa mga silid sa Templo at bigyan ng alak.” Sumunod naman si Jeremias; pinuntahan niya si Jaazanias, anak ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak naman ni Habasinias, pati ang mga kapatid nito at ang buong angkan ng mga Recabita. Sila'y dinala niya sa Templo at pinapasok sa silid ng mga anak ni Hanan, anak ni Igdalias na lingkod ng Diyos. Ang silid na ito'y karatig ng silid ng mga pinuno, at nasa itaas naman ang silid ni Maaseias na anak ni Sallum, isang mataas na pinuno sa Templo. Naglabas si Jeremias ng mga lalagyang puno ng alak at ng mga kopa, at sinabi sa mga Recabita, “Uminom kayo.”

Subalit sinabi nila, “Hindi kami umiinom ng alak sapagkat iniutos sa amin ni Jonadab, anak ng aming ninunong si Recab, na huwag kaming iinom ng alak, maging ang aming mga anak. Iniutos din niya na huwag kaming magtatayo ng mga bahay, magbubungkal ng bukirin, at magtatanim ng mga ubasan o bibili ng mga ito. Sinabihan niya kaming manirahan habang buhay sa mga tolda, upang patuloy kaming manirahan sa lupain na pinananahanan namin bilang mga dayuhan. Sinusunod namin ang lahat ng bilin ng aming ninunong si Jonadab. Kahit kailan ay hindi kami uminom ng alak, maging ang aming mga asawa't mga anak. Hindi kami nagtatayo ng bahay, wala kaming mga ubasan, bukirin, o triguhan; 10 sa mga tolda kami nakatira. Sinusunod namin ang lahat ng utos sa amin ni Jonadab. 11 Ngunit nang sakupin ni Haring Nebucadnezar ang bayang ito, nagpasya kaming pumunta sa Jerusalem upang makaiwas sa mga hukbo ng Babilonia at Siria. Kaya naninirahan kami ngayon sa Jerusalem.”

12 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 13 “Sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem: Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Bakit ayaw ninyong makinig sa akin at sumunod sa mga utos ko? 14 Tingnan ninyo ang mga anak ni Jonadab. Hindi sila umiinom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat gayon ang minsa'y iniutos ng kanilang ninuno. Ngunit ako'y laging nagsasalita sa inyo, hindi naman kayo sumusunod. 15 Lagi akong nagsusugo ng aking mga lingkod na propeta upang sabihin sa inyong talikuran na ninyo ang inyong masamang pamumuhay at gawin ang nararapat. Binabalaan nila kayo na huwag sasamba at maglilingkod sa ibang diyos, upang patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Ngunit ayaw ninyong makinig sa akin; ayaw ninyo akong pansinin. 16 Ang mga salinlahi ni Jonadab ay sumusunod sa utos ng kanilang mga ninuno, subalit kayo ay hindi sumusunod sa akin. 17 Kaya naman, ipadadala ko na ang mga sakunang aking ibinabala. Gagawin ko ito sapagkat ayaw ninyong makinig sa akin, at ayaw ninyong pansinin ang aking pagtawag. Ako si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ang maysabi nito.”

18 At sinabi ni Jeremias sa angkan ng mga Recabita, “Ganito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh: Naging masunurin kayo sa utos ng inyong ninunong si Jonadab. Sinunod ninyo ang lahat ng kanyang batas, at tinupad ninyo ang lahat ng iniutos niya sa inyo. 19 Kaya naman, akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ay nangangako: Ang lahi ni Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng isang lalaking mamumuno at maglilingkod sa akin.”

Binasa ni Baruc ang Kasulatan

36 Noong(D) ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kumuha ka ng isang sulatang balumbon at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo laban sa Juda, sa Israel, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa inyo mula nang una kitang kausapin, sa panahon ni Haring Josias, hanggang sa kasalukuyan. Marahil, kung maririnig ng taga-Juda ang lahat ng kapahamakang binabalak kong iparanas sa kanila, tatalikuran nila ang kanilang masamang pamumuhay. At patatawarin ko naman sila sa kanilang kasamaan at mga kasalanan.”

Kaya tinawag ni Jeremias si Baruc, anak ni Nerias. Isinalaysay niya rito ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, at isinulat namang lahat ni Baruc sa isang kasulatan. Pagkatapos, sinabi niya kay Baruc, “Ayaw na akong papasukin sa Templo. Kaya, ikaw na ang pumaroon sa araw ng pag-aayuno ng mga tao; basahin mo nang malakas ang kasulatang iyan upang marinig nila ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh. Tumayo ka sa dakong ikaw ay maririnig ng lahat, pati ng mga Judiong nanggaling sa kani-kanilang bayan. Baka sa ganito'y maisipan nilang tumawag kay Yahweh at talikuran ang kanilang masamang pamumuhay sapagkat binabalaan na sila ni Yahweh na labis nang napopoot at galit na galit.” Sumunod naman si Baruc; binasa niya nang malakas sa loob ng Templo ang mga pahayag ni Yahweh na nakasulat sa kasulatan.

Noong ikasiyam na buwan ng ikalimang taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, ang mga tao'y nag-ayuno upang matamo ang paglingap ni Yahweh. Nag-ayuno ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem at sa mga lunsod sa Juda. 10 Si Baruc ay pumasok sa Templo, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim ng hari. Ang silid na ito'y nasa gawing itaas, sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. Mula roon, binasa niya sa mga tao ang ipinasulat sa kanya ni Jeremias.

Binasa ang Kasulatan

11 Nang marinig ni Micaias, anak ni Gemarias at apo ni Safan, ang pahayag ni Yahweh na binasa ni Baruc mula sa isang kasulatan, 12 nagpunta siya sa palasyo ng hari, sa silid ng kalihim. Nagpupulong noon ang lahat ng pinuno—si Elisama, ang kalihim, si Delaias na anak ni Semaias, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at lahat ng iba pang pinuno. 13 Sinabi sa kanila ni Micaias ang narinig niyang binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Inutusan ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Selemias mula sa lahi ni Cusi, upang sabihin kay Baruc na dalhin ang kasulatang binasa nito sa harapan ng kapulungan. Kaya dumating si Baruc na dala ang kasulatan. 15 “Maupo ka,” sabi nila, “at basahin mo sa amin ang nasasaad sa kasulatan.” Binasa naman ito ni Baruc. 16 Nang marinig nila ang buong kasulatan, may pagkabahala silang nagtinginan, at sinabi kay Baruc, “Ito'y kailangang ipaalam natin sa hari!” 17 At siya'y tinanong nila, “Paano mo naisulat ang lahat ng iyan? Idinikta ba sa iyo ni Jeremias?”

18 Sumagot si Baruc, “Ang bawat kataga nito'y idinikta po sa akin ni Jeremias, at isinulat ko naman po.”

19 At sinabi nila kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias. Huwag ninyong ipapaalam kahit kanino ang kinaroroonan ninyo.”

Sinunog ng Hari ang Kasulatan

20 Ang kasulatan ay inilagay ng mga pinuno sa silid ni Elisama, ang kalihim ng hari; pagkatapos, nagtungo sila sa bulwagan ng hari at ibinalita sa kanya ang lahat. 21 Ipinakuha ng hari ang kasulatan kay Jehudi. Kinuha naman nito ang kasulatan sa silid ni Elisama at binasa sa harapan ng hari at sa mga pinunong nakapaligid sa kanya. 22 Noon ay ika-9 na buwan at taglamig. Ang hari'y nasa kanyang silid na may apoy na painitan. 23 Kapag nakabasa si Jehudi ng tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng isang lanseta at inihahagis sa apoy. Gayon ang ginawa niya hanggang sa masunog ang buong kasulatan. 24 Gayunman, hindi natakot o nagpakita ng anumang tanda ng pagsisisi ang hari, maging ang mga lingkod na kasama niya. 25 Kahit na nakiusap sa hari sina Elnatan, Delaias at Gemarias, na huwag sunugin ang kasulatan, sila'y hindi nito pinansin. 26 Pagkatapos, iniutos ng hari sa kanyang anak na si Jerameel na isama si Seraias na anak ni Azriel at si Selenias na anak ni Abdeel, upang dakpin si Propeta Jeremias at ang kalihim nitong si Baruc. Subalit sila'y itinago ni Yahweh.

Muling Isinulat ang Nilalaman ng Sinunog na Kasulatan

27 Matapos sunugin ng hari ang kasulatang ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ni Yahweh kay Jeremias 28 na ipasulat uli ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. 29 Iniutos rin sa kanya ni Yahweh na sabihin kay Haring Jehoiakim, “Sinunog mo ang kasulatan, at itinatanong mo kung bakit sinulat ni Jeremias na darating ang hari ng Babilonia, sisirain ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at hayop. 30 Kaya ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa iyo, Haring Jehoiakim, na sinuman sa mga anak mo'y walang maghahari sa trono ni David. Itatapon sa labas ang iyong bangkay at mabibilad sa init ng araw at lamig ng gabi. 31 Paparusahan kita, at ang iyong mga salinlahi, pati ang iyong mga pinuno, dahil sa mga kasalanan ninyo. Ang mga babala ko'y hindi mo pinansin, gayon din ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda, kaya pababagsakin ko na sa inyong lahat ang mga kapahamakang ibinabanta ko.”

32 Kumuha nga si Jeremias ng isa pang kasulatan, at ipinasulat muli kay Baruc ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. Marami pang bagay na tulad ng ipinasulat niya kay Baruc ang nadagdag dito.

Ang Kahilingan ni Zedekias kay Jeremias

37 Si(E) Zedekias na anak ni Haring Josias ang inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia bilang hari ng Juda, kahalili ni Conias, na anak ni Haring Jehoiakim. Ngunit ang pahayag ni Yahweh na ipinapasabi kay Propeta Jeremias ay hindi rin dininig ni Zedekias, ng kanyang mga pinuno, at ng mga tao.

Inutusan ni Haring Zedekias si Jehucal, anak ni Selemias, at ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, upang hilingin kay Jeremias na idalangin kay Yahweh ang bansa. Hindi pa nabibilanggo si Jeremias nang panahong iyon; kaya malaya pa siyang nakakausap ang mga tao. Samantala, lumabas na ng Egipto ang hukbo ng Faraon upang tumuloy sa Juda. Nang mabalitaan ito ng hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa Jerusalem, iniwan muna nila ito upang harapin ang mga Egipcio.

Noon sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa iyo upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ng Faraon na inaasahan mong darating upang tumulong sa inyo ay babalik sa Egipto. At ang mga taga-Babilonia ay babalik. Muli nilang sasalakayin ang lunsod, sasakupin at susunugin. Akong si Yahweh ay nagbababala sa iyo. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Huwag mong akalaing ligtas ka na sa mga taga-Babilonia. Tiyak na babalik sila. 10 At kahit na matalo mo pa ang buong hukbo ng Babilonia, kahit walang matira sa kanila kundi ang mga sugatang nasa kanilang mga tolda, babangon ang mga ito at sasakupin nila ang lunsod at tuluyang susunugin!’”

Ibinilanggo si Jeremias

11 Nang umatras ang mga taga-Babilonia upang harapin ang hukbo ng Faraon na sasaklolo sa Jerusalem, 12 binalak ni Jeremias na pumunta sa lupain ng Benjamin para kunin ang kanyang bahagi sa ari-arian ng kanyang sambahayan. 13 Ngunit pagsapit niya sa Pintuan ng Benjamin, pinigil siya ng pinuno ng pintuan na si Irijas, anak ni Selemias at apo ni Hananias at sinabi sa kanya, “Tumatakas ka upang kumampi sa mga taga-Babilonia!”

14 Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo ang bintang mo. Hindi ako kumakampi sa kanila!” Subalit ayaw maniwala ni Irijas; dinakip niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15 Galit na galit ang mga ito kay Jeremias; siya'y ginulpi saka ibinilanggo sa bahay ni Jonatan, ang kalihim ng hari. Ang bahay niya ay ginawang bilangguan. 16 Ikinulong si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at matagal na pinigil doon.

Kinausap ni Zedekias si Jeremias

17 Isang araw, ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at pagdating nito ay kanyang palihim na tinanong, “May pahayag ka ba mula kay Yahweh?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon. Ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia.” 18 Pagkatapos ay itinanong pa ni Jeremias, “Anong kasalanan ang nagawa ko sa iyo o sa iyong mga pinuno o sa mga taong-bayan at ako'y iyong ipinabilanggo? 19 Nasaan ngayon ang iyong mga propeta na nagsabi sa iyo na hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang bansang ito? 20 Kaya ngayon, mahal na hari, isinasamo kong pakinggan mo ang kahilingan ko. Huwag na po ninyo akong ibalik sa bahay ni Jonatan na iyong kalihim. Ako po'y tiyak na mamamatay doon.”

21 Kaya iniutos ni Haring Zedekias na dalhin si Jeremias sa himpilan ng mga bantay at dalhan siya roon ng isang pirasong tinapay araw-araw hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya sa himpilan ng mga bantay nanatili si Jeremias.

Si Jeremias sa Tuyong Balon

38 Narinig ni Sefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jucal na anak naman ni Selemias, at ni Pashur na anak ni Malquias, ang sinasabi ni Jeremias sa mga tao. Ganito ang narinig nilang sinabi ni Jeremias: “Sinabi ni Yahweh na mamamatay sa labanan o sa matinding gutom at sakit ang sinumang mananatili sa lunsod na ito. Ngunit ang lalabas at susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay, bagkus ay maliligtas. Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang lunsod na ito ay pababayaan kong masakop ng mga taga-Babilonia.”

Kaya sinabi ng mga pinuno, “Mahal na hari, dapat ipapatay ang taong ito. Sa kasasalita niya ay natatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakakatulong sa bayan ang taong iyan; nais pa niyang mapahamak tayong lahat.”

Kaya sinabi ni Haring Zedekias, “Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang nais ninyo; hindi ko kayo mapipigil.” Dinakip nila si Jeremias at inihulog sa balon ni Malquias, ang anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay. Hindi tubig kundi putik ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik.

Ang pangyayaring ito'y nabalitaan ni Ebed-melec, isang Etiopeng naglilingkod sa palasyo ng hari. Ang hari naman ay kasalukuyang nasa may Pintuan ni Benjamin. Pinuntahan ni Ebed-melec ang hari at sinabi, “Mahal na hari, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom sapagkat wala nang pagkain sa lunsod.” 10 Inutusan ng hari si Ebed-melec na magsama ng tatlong lalaki[a] at pagtulung-tulungan nilang iahon sa balon si Jeremias bago ito mamatay. 11 Isinama ni Ebed-melec ang mga lalaki, kumuha sila ng mga lumang damit sa taguan, at inihulog kay Jeremias sa pamamagitan ng lubid. 12 Sinabi ni Ebed-melec kay Jeremias, “Isapin po ninyo sa inyong kili-kili ang mga lumang damit para hindi kayo masaktan ng lubid.” Sumunod naman si Jeremias, 13 at hinila nila siya paitaas hanggang sa maiahon. Pagkatapos ay iniwan nila si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.

Si Zedekias ay Humingi ng Payo kay Jeremias

14 Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at kinausap sa ikatlong pintuan ng Templo. “May itatanong ako sa iyo at huwag kang maglilihim sa akin kahit ano,” sabi ng hari.

15 Sumagot si Jeremias, “Kung sabihin ko sa inyo ang katotohanan, ipapapatay ninyo ako, at kung payuhan ko naman kayo, ayaw ninyong pakinggan.”

16 Palihim na nangako kay Jeremias si Haring Zedekias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagbibigay-buhay sa atin! Ipinapangako kong hindi kita ipapapatay, at hindi rin kita ipagkakanulo sa mga taong ibig pumatay sa iyo.”

17 Matapos marinig ang gayon, sinabi ni Jeremias kay Zedekias ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung kayo'y susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang buhay ninyo at hindi nila susunugin ang lunsod. Kayo at ang inyong sambahayan ay mabubuhay. 18 Ngunit kung hindi kayo susuko, ibibigay sa taga-Babilonia ang lunsod na ito. Susunugin nila ito, at hindi kayo makakaligtas.”

19 Sumagot si Haring Zedekias, “Natatakot ako sa mga Judiong kumampi sa mga taga-Babilonia. Baka ibigay ako sa kanila, at ako'y pahirapan nila.”

20 “Hindi kayo ibibigay sa kanila,” sabi ni Jeremias. “Ipinapakiusap kong sundin ninyo ang salita ni Yahweh, gaya ng pagkakasabi ko sa inyo. Sa gayo'y mapapabuti kayo at maliligtas. 21 Ipinaalam na sa akin ni Yahweh, sa pamamagitan ng isang pangitain, ang mangyayari kapag hindi kayo sumuko. 22 Nakita kong inilalabas ng mga pinunong taga-Babilonia ang lahat ng babaing naiwan sa palasyo ng hari sa Juda. Pakinggan ninyo ang sinasabi nila:

‘Ang hari'y iniligaw ng pinakamatalik niyang mga kaibigan;
    naniwala siya sa kanila.
At ngayong nakalubog sa putik ang kanyang mga paa,
    iniwan na siya ng mga kaibigan niya.’”

23 Pagkatapos ay sinabi ni Jeremias, “Bibihagin ng mga taga-Babilonia ang lahat ng babae at mga bata; pati ikaw ay hindi makakaligtas. Dadalhin kang bihag, at susunugin ang lunsod na ito.”

24 Sumagot si Zedekias, “Huwag mong ipapaalam kahit kanino ang pag-uusap na ito, at hindi na manganganib ang buhay mo. 25 Kung mabalitaan ng mga pinuno na kinausap kita, lalapitan ka nila at itatanong kung ano ang pinag-usapan natin. Mangangako pa sila na hindi ka papatayin kung magtatapat ka. 26 Ngunit sabihin mong nakikiusap ka lang sa akin na huwag na kitang ipabalik sa bahay ni Jonatan upang doon mamatay.” 27 Nagpunta nga kay Jeremias ang lahat ng pinuno at tinanong siya. At sinabi naman niya sa kanila ang iniutos ng hari na kanyang isasagot. Wala silang magawâ sapagkat walang nakarinig sa pag-uusap nila. 28 At(F) nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay hanggang sa masakop ang Jerusalem.

Bumagsak ang Jerusalem

39 Dumating si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, kasama ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Jerusalem noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias sa Juda. At noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan naman ng ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias, napasok nila ang lunsod. Matapos makuha ang Jerusalem, lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay sama-samang naupo sa Gitnang Pintuan ng lunsod. Kabilang dito sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsequim ng Rabsaris, Nergal-sarezer ng Rabmag, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia. Nang makita sila ni Haring Zedekias at ng kanyang mga tauhan, tumakas sila pagsapit ng gabi. Sila'y dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at tumakas patungo sa Libis ng Jordan. Ngunit hinabol sila ng mga kawal ng Babilonia, at inabutan sa kapatagan ng Jerico. Nabihag si Zedekias at ang mga kasama niya, at dinala kay Haring Nebucadnezar na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Iginawad ni Nebucadnezar ang hatol na kamatayan. Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan nito pati ang mga pinuno ng Juda. Ipinadukit ang mga mata ni Zedekias, at pagkatapos ay ginapos ng kadena upang dalhin sa Babilonia. Sinunog din ng mga kaaway ang palasyo ng hari at ang mga bahay sa lunsod, at iginuho ang mga pader ng Jerusalem. Sa pangunguna ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay, dinalang-bihag sa Babilonia ang mga taong nalabi sa lunsod, pati ang mga kumampi sa kanya. 10 Ang tangi niyang iniwan sa lupain ng Juda ay ang mahihirap na taong walang anumang ari-arian; binigyan pa niya sila ng mga ubasan at bukirin.

Kinalinga ni Nebucadnezar si Jeremias

11 Iniutos ni Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan, 12 “Kunin mo si Jeremias at alagaang mabuti. Huwag mo siyang sasaktan at sundin mo ang kanyang kahilingan.” 13 Kaya isinama ni Nebuzaradan ang matataas na pinunong sina Nebuzazban, Nergal-sarezer, at lahat ng iba pang pinuno ng hari sa Babilonia. 14 Kinuha nila si Jeremias mula sa himpilan ng bantay at ipinagkatiwala kay Gedalias, anak ni Ahicam na anak naman ni Safan. Doon siya tumira, kasama ng sarili niyang mga kababayan.

Pag-asa para kay Ebed-melec

15 Samantalang nasa himpilan ng bantay si Jeremias, sinabi sa kanya ni Yahweh, 16 “Pumunta ka kay Ebed-melec na taga-Etiopia at sabihin mo: Ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Matutupad na ngayon ang lahat ng sinabi kong pagkawasak laban sa lunsod na ito. Makikita mo ang kapahamakang aking ibinabala sa takdang araw. 17 Subalit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga taong kinatatakutan mo. 18 Ikaw ay tiyak na ililigtas ko at hindi mapapatay ng mga kalaban. Mabubuhay ka sapagkat nanalig ka sa akin.”

Si Jeremias at ang mga Nalabing Kasama ni Gedalias

40 Nagpahayag muli si Yahweh kay Jeremias matapos itong palayain sa Rama ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay ng Babilonia. Dinala kami ditong nakagapos, kasama ng iba pang mga taga-Jerusalem at taga-Juda upang dalhing-bihag sa Babilonia.

Sinabi sa kanya ni Nebuzaradan, “Ibinabala ng Diyos mong si Yahweh na wawasakin ang lupaing ito. Ang babalang iyon ay isinagawa niya ngayon sapagkat nagkasala at sumuway kay Yahweh ang bayang ito. Subalit ikaw, Jeremias, ay pawawalan ko na. Kung ibig mo'y sumama ka sa akin sa Babilonia, at kakalingain kita. Ngunit kung ayaw mo, ikaw ang bahala. Masdan mo ang buong lupain sa harapan mo; maaari kang magpunta kung saan mo nais.”

Hindi sumagot si Jeremias, kaya nagpatuloy si Nebuzaradan. “Kung gusto mo naman, pumunta ka kay Gedalias; siya ang inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain ng Juda. Malaya kang makakapanirahan doon o kahit saan na iniisip mong mabuti.” Pagkatapos, binigyan niya si Jeremias ng pagkain at kaloob, at pinaalis na. Si Jeremias nama'y pumunta kay Gedalias sa Mizpa, at doon nakipamayan kasama ng mga taong naiwan sa lupain ng Juda.

Naging Gobernador si Gedalias(G)

May(H) mga pinuno at mga kawal ng Juda na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nila ang pagkahirang kay Gedalias bilang gobernador ng lupain at tagapamahala sa pinakamahihirap na mamamayan na hindi dinala sa Babilonia. Kaya pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa. Kabilang sa mga pinunong ito sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Metofat, Jezanias na anak ng taga-Maaca. At sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga taga-Babilonia. Manirahan kayo sa lupaing ito, paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at kayo'y mapapabuti. 10 Ako ay mananatili rito sa Mizpa upang maging kinatawan ninyo sa mga sugo ng Babilonia na maaaring dumating dito. Kayo'y manirahan sa mga nayong inyong magustuhan. Anihin ninyo ang mga ubas, olibo at iba pang bungangkahoy, at mag-imbak kayo ng langis at alak.” 11 Nabalitaan din ng mga Judio sa Moab, Ammon, Edom, at iba pang bansa, na may mga kababayan silang naiwan sa Juda, at si Gedalias ang inilagay ng hari ng Babilonia para mamahala sa kanila. 12 Kaya sila'y umalis sa lupaing pinagtapunan sa kanila at nakipagkita kay Gedalias sa Mizpa. Nakapagtipon sila ng napakaraming prutas at alak doon.

Pinatay ni Ismael si Gedalias(I)

13 Si Johanan na anak ni Karea, at lahat ng namumuno sa hukbong hindi sumuko ay nagpunta kay Gedalias sa Mizpa. 14 Ang sabi nila, “Alam ba ninyong si Ismael na anak ni Netanias ay sinugo ni Baalis na hari ng mga Ammonita upang patayin kayo?” Subalit ayaw maniwala ni Gedalias. 15 Pagkatapos, palihim na sinabi ni Johanan sa kanya, “Bayaan po ninyong patayin ko si Ismael. Hindi kayo dapat masawi sa kamay ng taong iyon. Kapag kayo'y namatay, mangangalat ang lahat ng Judio na nasa inyong pamamahala; mapapahamak pati ang mga nalabi sa Juda.”

16 Ngunit sumagot si Gedalias, “Johanan, huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ismael.”

41 Si(J) Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama ay mula sa lahi ng hari at isa sa matataas na pinuno sa palasyo. Noong ikapitong buwan ng taóng iyon, pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa, kasama ang sampu niyang tauhan. At habang sila'y kumakain, tumayo si Ismael at ang sampung tauhan nito at sinunggaban si Gedalias. Pinatay nila ang hinirang ng hari ng Babilonia sapagkat ginawa itong gobernador ng lupain. Pinatay rin ni Ismael ang mga Judiong kasama ni Gedalias sa Mizpa, pati ang mga kawal na taga-Babilonia na nagkataong naroon.

Kinabukasan, matapos patayin si Gedalias, at bago pa nalaman ng sinuman, may walumpung kalalakihang dumating buhat sa Shekem, Shilo, at Samaria. Ahit ang kanilang balbas, punit ang damit, at pawang sugatan; may dala silang trigo at insenso upang ihandog sa Templo ni Yahweh. Lumabas mula sa Mizpa si Ismael; umiiyak siyang sumalubong at ang sabi, “Pumasok kayo, naririto si Gedalias na anak ni Ahicam.” Pagkapasok nila sa lunsod, sila'y pinatay ni Ismael at ng mga tauhan nito, at itinapon sa isang hukay ang mga bangkay.

May sampung lalaking hindi napatay, at sila'y nakiusap kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin. Marami kaming nakaimbak na trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan. Nakatago ang mga ito sa kabukiran.” Kaya, naawa siya at hindi sila pinatay. Ang malaking hukay na ipinagawa ni Haring Asa ng Juda nang pagbantaan siyang salakayin ni Haring Baasa ng Israel ay napuno ng mga bangkay na itinapon doon ni Ismael. 10 Pagkatapos, binihag ni Ismael ang lahat ng nasa Mizpa—ang mga anak na babae ng hari at ang mga mamamayang iniwan ni Nebuzaradan sa pamamahala ni Gedalias. At sila'y umalis patungo sa lupain ng Ammon.

11 Nabalitaan ni Johanan, at ng mga kasama niyang pinuno at mga kawal ang kasamaang ginawa ni Ismael. 12 Isinama nila ang lahat ng kanilang tauhan at hinabol si Ismael; inabutan nila ito sa may malaking deposito ng tubig sa Gibeon. 13 Gayon na lamang ang tuwa ng mga bihag ni Ismael nang makita si Johanan at ang kanyang mga tauhan. 14 At silang lahat ay nagtakbuhan papunta kay Johanan. 15 Subalit si Ismael, kasama ang walo niyang tauhan, ay nagtuloy sa lupain ng mga Ammonita.

16 Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang mga bihag na dala ni Ismael mula sa Mizpa, matapos patayin si Gedalias. Kabilang dito'y mga kawal, babae, bata, at eunuko; silang lahat ay ibinalik ni Johanan buhat sa Gibeon. 17 Nagpunta sila at tumigil sa Gerut-quimam, malapit sa Bethlehem, subalit may balak na magtuloy sa Egipto. 18 Natatakot silang paghigantihan ng mga taga-Babilonia dahil sa ginawa ni Ismael kay Gedalias, na inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador ng Juda.

Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias

42 Lumapit kay Jeremias si Johanan na anak ni Karea, si Azarias na anak ni Hosaias, ang iba pang pinuno ng hukbo, at lahat ng mamamayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. Ang pakiusap nila sa propeta, “Idalangin ninyo kami kay Yahweh na inyong Diyos, ang lahat ng natirang ito. Kakaunti na lamang kaming natira ngayon tulad ng nakikita ninyo. Hilingin po ninyo na ituro niya sa amin ang nararapat naming puntahan at gawin.”

Sinabi sa kanila ni Jeremias, “Oo, idadalangin ko kayo kay Yahweh at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sagot niya. Wala akong ililihim na anuman.”

Sinabi pa nila kay Jeremias, “Parusahan kami ni Yahweh kapag hindi namin ginawa ang sasabihin niya. Mabuti man ito o hindi, susundin namin ang sasabihin ni Yahweh sapagkat alam naming mapapabuti kami kung susunod sa kanyang salita.”

Tinugon ni Yahweh ang Dalangin

Pagkaraan ng sampung araw, tinanggap ni Jeremias ang pahayag ni Yahweh. Kaya tinawag niya si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbong kasama nito, at ang lahat ng mamamayan, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa inyong kahilingan: 10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, pagpapalain ko kayo at hindi ipapahamak; itatanim at hindi bubunutin. Nalulungkot ako dahil sa kapahamakang ipinadala ko sa inyo. 11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia sapagkat ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo. 12 Kaaawaan ko kayo upang kaawaan din niya at payagang manatili sa inyong lupain. 13 Datapwat kapag sinuway ninyo ang mensahe ni Yahweh na inyong Diyos, kapag hindi kayo nanatili rito, 14 at sa halip ay pumunta kayo sa Egipto, sa paniniwalang walang digmaan doon, at hindi kayo magugutom, 15 ito ang sinasabi ko sa inyo: Kayong nalabi sa Juda, kapag kayo'y pumunta at nanirahan sa Egipto, 16 aabutan kayo roon ng kaaway na inyong kinatatakutan; daranas kayo ng taggutom na inyong pinangangambahan, at doon kayo mamamatay. 17 Lahat ng maninirahan doon ay mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot. Walang makakaligtas sa inyo.”

18 Sinabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung paano ko ibinuhos sa Jerusalem ang aking galit at poot, gayon ko ito ibubuhos sa inyo, kapag kayo'y pumaroon sa Egipto. Kayo'y katatakutan, pagtatawanan, susumpain, at hahamakin. At hindi na ninyo makikita pa ang lupaing ito.

19 “Akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo, kayong nalabi sa Juda, na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan ninyo, 20 mamamatay kayo kapag kayo'y sumuway. Si Jeremias ay sinugo ninyo upang dumalangin sa akin; sinabi ninyo na inyong gagawin ang anumang sasabihin ko. 21 Ipinahayag ko naman ito sa inyo ngayon, subalit hindi ninyo tinutupad ang ipinapasabi ko. 22 Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot na aking ipadadala sa lugar na ibig ninyong puntahan.”

Si Jeremias ay Dinala sa Egipto

43 Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ni Yahweh sa mga tao, sinabi sa kanya nina Azarias, anak ni Hosaias, Johanan na anak ni Karea, at ng mga lalaking mayayabang, “Sinungaling! Ikaw ay hindi sinugo ni Yahweh upang sabihin sa amin na huwag kaming manirahan sa Egipto. Sinulsulan ka lamang ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga taga-Babilonia; sa gayon, papatayin nila kami o kaya'y dadalhing-bihag.” Si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbo, at ang mga tao'y hindi nakinig sa mensahe ni Yahweh; ipinasiya nilang umalis sa Juda. Kaya,(K) tinipon ni Johanan at ng mga pinuno ng hukbo ang lahat ng nalabi na nagbalik sa Juda mula sa mga bansang pinagtapunan sa kanila, mga lalaki, mga babae, mga bata, mga anak na babae ng hari, at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan, ang pinuno ng mga bantay, kay Gedalias na anak ni Ahicam at apo ni Safan; kabilang din dito sina Propeta Jeremias at Baruc. Hindi sila nakinig sa mensahe ni Yahweh at sila'y nagpunta sa Egipto; una nilang narating ang Tafnes.

Sa Tafnes ay nagpahayag si Yahweh kay Jeremias: “Kumuha ka ng ilang malalaking bato at ibaon mo sa daanang papasok sa palasyo ng Faraon sa Tafnes; gawin mo itong nakikita ng mga Judio. 10 Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Dadalhin ko ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, at ang kanyang trono ay ilalagay niya sa ibabaw ng mga batong ito na aking ibinaon; ilalatag niya sa ibabaw nito ang kanyang tolda. 11 Pagkatapos ay sasalakayin niya ang Egipto at papatayin ang mga dapat mamatay, bibihagin ang dapat bihagin, at papatayin ang itinakdang mamatay sa digmaan. 12 Susunugin niya ang mga templo ng mga diyus-diyosan ng Egipto, gayon din ang mga gusali, at bibihagin ang mga diyos. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto, gaya ng paglilinis ng isang pastol sa kanyang kasuotan upang maalis ang mga pulgas. Kung maganap na niyang lahat ito, matagumpay niyang lilisanin ang Egipto. 13 Gigibain din niya ang mga haliging itinuturing na sagrado sa Egipto, at susunugin ang lahat ng templo ng mga diyus-diyosan doon.’”

Ang Pahayag ni Yahweh sa mga Judio sa Egipto

44 Si Jeremias ay kinausap ni Yahweh tungkol sa mga Judiong naninirahan sa Egipto, sa Migdol, sa Tafnes, sa Memfis, at sa lupain ng Patros. Ito ang kanyang sinabi: “Nakita ninyo ang kapahamakang nangyari sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda. Ngayon ay wasak na ang mga ito, at wala nang naninirahan doon. Ginawa ko ito dahil sa kasamaan nila. Nagsunog sila ng insenso at naglingkod sa mga diyos na hindi nila nakikilala, maging kayo o ng inyong mga ninuno. Gayunman, patuloy kong sinugo sa inyo ang aking mga lingkod na propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na bagay na iyan.’ Subalit hindi sila nakinig; hindi nila pinagsisihan at tinalikuran ang kanilang kasamaan at patuloy rin silang nagsunog ng handog sa mga diyus-diyosan. Napoot ako sa kanila kaya winasak ko ang kanilang mga lunsod hanggang ngayon.”

Ngayon nga'y sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Bakit ninyo ginawa ang kasamaang ito? Nais ba ninyong mamatay ang mga lalaki't babae, mga bata at sanggol? Nais ba ninyong lubusang maubos ang mga taga-Juda? Bakit ninyo ako ginagalit sa pamamagitan ng inyong pagsamba at pagsusunog ng handog sa mga diyus-diyosan sa Egipto na inyong tinatahanan? Winawasak ninyo ang inyong sarili at kayo'y magiging tampulan ng paghamak at pagsumpa ng lahat ng bansa. Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, ng mga hari at ng kanilang mga asawa, ang mga ginawa ninyo at ng inyong mga asawa, sa lupain ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 10 Hanggang ngayo'y hindi kayo nagpapakumbaba o natatakot man, hindi sumusunod sa aking utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo at sa inyong mga magulang.

11 “Kaya akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Nakapagpasya na akong kayo'y padalhan ng kapahamakan upang wakasan na ang buong Juda. 12 Paparusahan ko rin ang mga nalabi sa Juda na nagpumilit na manirahan sa Egipto; doon nila sasapitin ang kanilang wakas. Ang iba'y mamamatay sa digmaan; sa gutom naman ang iba. Dakila't hamak ay sama-samang mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot. At pagtatawanan, pandidirihan, hahamakin at susumpain. 13 Paparusahan ko ang mga nakatira sa Egipto, tulad ng ginawa kong parusa sa mga taga-Jerusalem; ito'y sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, at salot. 14 Ang mga nalabi sa Juda ay nagpunta upang manirahan sa Egipto, at nagtitiwala silang makakabalik upang muling manirahan sa Juda. Ngunit hindi na sila makakabalik; isa man sa kanila'y walang mabubuhay o makakatakas.”

15 Ang lahat ng kalalakihang naroon na nakakaalam na ang kanilang mga asawa'y nagsusunog ng handog sa ibang diyos, gayon din ang mga kababaihang nakatayo sa malapit, at lahat ng naninirahan sa Patros, sakop ng Egipto, ay nagsabi kay Jeremias, 16 “Hindi namin papakinggan ang sinasabi mo sa amin sa pangalan ni Yahweh. 17 Sa halip, gagawin namin ang lahat ng aming ipinangako sa aming sarili: magsusunog kami ng handog sa reyna ng kalangitan, mag-aalay kami ng handog na alak para sa kanya, gaya ng ginagawa ng aming mga ninuno, mga hari, at mga pinuno, at gaya ng ginawa namin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan sa Jerusalem. Noon ay sagana kami sa pagkain, payapa kami, at walang anumang kapahamakang dumating sa amin. 18 Ngunit simula nang ihinto namin ang pagsusunog ng handog sa reyna ng kalangitan at ang pag-aalay ng handog na alak sa kanya, dumanas kami ng matinding paghihirap. Marami sa amin ang nasawi sa digmaan at sa gutom.”

19 At sumagot ang mga babae, “Pinausukan namin ng insenso ang reyna ng kalangitan at kami'y naghandog ng alak sa kanya. Alam ng aming mga asawa na gumagawa kami ng mga tinapay na inukitan ng larawan niya. Nag-alay din kami ng alak na handog sa kanya.”

20 Kaya sumagot si Jeremias sa lahat ng mga nagsabi sa kanya nito, 21 “Hindi nakakalimutan ni Yahweh ang mga sinunog ninyong handog sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, kayo at ang inyong mga ninuno, mga hari, mga pinuno, at lahat ng nasa lupain. 22 Umabot na sa sukdulan ang inyong kasamaan kaya winasak ni Yahweh ang inyong lupain. 23 Dumating sa inyo ang kapahamakang ito sapagkat nagsunog kayo ng mga handog na ito, at iyan ay kasalanan kay Yahweh. Hindi rin ninyo sinunod si Yahweh o tinupad ang kanyang mga utos at tuntunin.”

24 Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, lahat kayong taga-Juda na nakatira sa Egipto. Ito'y mga mensahe ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel. 25 Kayo at ang inyong mga asawang babae ay nagsabi ng ganito: ‘Gagawin namin ang aming ipinangako; magsusunog kami ng mga handog sa reyna ng kalangitan, at mag-aalay ng handog na alak sa kanya.’ Patunayan ninyo at tuparin ang inyong mga ipinangako. 26 Ngunit pakinggan ninyo ang sabi ng Panginoong Yahweh, kayong taga-Juda na naninirahan sa Egipto, “Isinusumpa ko sa aking dakilang pangalan na ang pangalan ko'y hindi na muling sasambitin ng mga taga-Juda. Hindi ko na ipapahintulot na gamitin ang aking pangalan sa panunumpa sa lupain ng Egipto. 27 Magbabantay ako upang padalhan kayo ng kasamaan at hindi kabutihan; lahat ng lalaking taga-Juda na nasa Egipto ay mamamatay sa digmaan at sa gutom, hanggang maubos silang lahat. 28 Pagkatapos noon, saka mapapatunayan ng lahat ng nalabi sa Juda, na naninirahan sa Egipto, kung kaninong salita ang natupad, ang sa kanila o ang sa akin. 29 Ito ang palatandaang ibibigay ko sa inyo na kayo'y aking paparusahan sa lugar na ito upang malaman ninyo na magaganap nga ang kasamaang sinalita ko laban sa inyo. 30 Ito'y(L) mga salita ni Yahweh: si Faraon Hofra, hari sa Egipto, ay ibibigay ko sa kanyang mga kaaway na nagnanais pumatay sa kanya, katulad ng ginawa ko kay Haring Zedekias ng Juda, na ibinigay ko kay Haring Nebucadnezar na kaaway niya at nais siyang patayin.”

Ang Pangako ni Yahweh kay Baruc

45 Noong(M) ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, kinausap ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias; isinulat naman nito ang lahat ng idinikta ng propeta: “Baruc, ito ang sinasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sinabi mo sa akin na kahabag-habag ka sapagkat dinagdagan ni Yahweh ang iyong paghihirap; pinadalhan ka niya ng kalungkutan. Pagod ka na sa pagdaing, at wala kang kapahingahan. Subalit ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ‘Winawasak ko ang aking itinayo, at binubunot ko ang aking itinanim. Gagawin ko ito sa buong daigdig. Huwag mo nang hangaring makamit ang mga dakilang bagay, sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang lahat; gayunman, ipinapangako kong iingatan ko ang iyong buhay saan ka man pumunta. Akong si Yahweh ang maysabi nito!”

Ang Hatol sa Egipto

46 Ito ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa mga bansa. Tungkol(N) sa Egipto, sa hukbo ni Faraon Neco na nilupig ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, samantalang sila'y nakahimpil sa may Ilog Eufrates sa Carquemis noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias:

“Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag,
    at sumugod sa digmaan!
Lagyan ninyo ng sapin ang mga kabayo, at sakyan ng mga mangangabayo.
Humanay kayo at isuot ang inyong helmet,
    ihasa ang inyong mga sibat,
    at magbihis ng mga gamit pandigma!
Ngunit ano itong aking nakikita?
Sila'y takot na takot na nagbabalik.
Nalupig ang kanilang mga kawal,
    at mabilis na tumakas;
    hindi sila lumilingon, sapagkat may panganib sa magkabi-kabila!
Ngunit hindi makakatakas kahit ang maliliksi,
    at hindi makalalayo ang mga kawal.
Sila'y nabuwal at namatay
    sa may Ilog Eufrates sa gawing hilaga.
Sino itong bumabangon katulad ng Nilo,
    gaya ng mga ilog na ang tubig ay malakas na umaalon?
Ang Egipto ang bumabangong tulad ng Nilo,
    gaya ng ilog na umaalon.
Sabi niya, ‘Ako'y babangon, aapawan ko ang lupa,
    wawasakin ang mga lunsod, at lilipulin ang mga naninirahan doon.
Lumusob kayo, mga mangangabayo!
    Sumugod kayong nasa mga karwahe!
Sumalakay kayo, mga mandirigma,
    mga lalaking taga-Etiopia[c] at Libya na bihasang humawak ng kalasag;
    kayo ring taga-Lud na sanay sa pagpana.’”

10 Ang araw na iyon ay araw ni Yahweh,
    ang Makapangyarihang Panginoon,
    araw ng paghihiganti niya sa mga kaaway.
Ang tabak ay parang gutom na kakain at hindi hihinto hanggang hindi busog,
    iinumin nito ang kanilang dugo.
At ihahandog ni Yahweh ang mga bangkay nila
    sa lupain sa hilaga, sa may Ilog Eufrates.
11 Umakyat ka sa Gilead, kumuha ka roon ng panlunas.
Walang bisa ang maraming gamot na ginamit mo;
    hindi ka na gagaling.
12 Nabalitaan ng mga bansa ang kahihiyan mo,
    at umaalingawngaw sa sanlibutan ang iyong sigaw.
Natisod ang kawal sa kapwa kawal;
    sila'y magkasabay na nabuwal.

Sumalakay sa Egipto si Nebucadnezar

13 Ito(O) ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa pagdating ni Haring Nebucadnezar upang salakayin ang Egipto.

14 “Ipahayag ninyo sa Egipto,
    sa Migdol, sa Memfis, at sa Tafnes:
‘Tumayo kayo at humanda,
    sapagkat ang tabak ang lilipol sa inyong lahat.’
15 Bakit tumakas ang itinuturing na malakas na diyus-diyosang si Apis?
    Bakit hindi siya makatayo?
    Sapagkat siya'y ibinagsak ni Yahweh.
16 Nalugmok ang maraming kawal;
    ang wika nila sa isa't isa,
‘Umurong na tayo sa ating bayan
    upang tayo'y makaiwas sa tabak ng kaaway.’

17 “Ang Faraon ng Egipto ay tawagin ninyong
    ‘Ang maingay na ugong na nagsasayang ng panahon.’
18 Sinasabi ng Hari na ang pangala'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
    Ako ang buháy na Diyos!
Gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok,
    at ng Carmelo sa may tabing-dagat,
gayon ang lakas ng isang sasalakay sa inyo.
19 Mga taga-Egipto, ihanda ninyo ang inyong sarili sa pagkabihag!
Mawawasak at guguho ang Memfis,
    at wala isa mang maninirahan doon.
20 Ang Egipto'y gaya ng isang magandang bakang dumalaga,
    ngunit dumating sa kanya ang isang salot buhat sa hilaga.
21 Pati ang kanyang mga upahang kawal
    ay parang mga guyang walang kayang magtanggol.
Nagbalik sila at magkakasamang tumakas,
    sapagkat sila'y hindi nakatagal.
Dumating na ang araw ng kanilang kapahamakan;
    oras na ng kanilang kaparusahan.
22 Siya'y dahan-dahang tumakas, gaya ng ahas na gumagapang na papalayo.
    Sapagkat dumating ang makapangyarihang kaaway,
may dalang mga palakol,
    tulad ng mamumutol ng mga punongkahoy.
23 Puputulin nito ang mga punongkahoy sa kanyang kagubatan, sabi ni Yahweh,
    bagama't ito'y mahirap pasukin;
mas marami sila kaysa mga balang,
    at halos hindi mabilang.
24 Mapapahiya ang mga taga-Egipto;
    ibibigay sila sa mga taga-hilaga.”

25 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Paparusahan ko si Ammon na taga-Tebes, ang Faraon, ang Egipto at ang kanyang mga diyos at mga hari, at ang mga nagtitiwala kay Faraon. 26 Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga pinuno nito. Pagkatapos, pananahanan ang Egipto gaya noong unang panahon.

Ililigtas ni Yahweh ang Kanyang Bayan

27 “Ngunit(P) huwag kang matakot, lingkod kong Jacob;
    at huwag kang manlupaypay, Israel.
Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon;
    kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak.
Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob,
    at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
28 Inuulit ko, Jacob na aking lingkod, huwag kang matakot,
    sapagkat ako'y sumasaiyo,” sabi ni Yahweh.
“Ganap na magwawakas ang lahat ng bansang pinagtapunan ko sa iyo,
    subalit ikaw ay hindi ko wawasakin.
Paparusahan kita sapagkat iyon ang nararapat;
    hindi maaaring hindi kita parusahan.”

Ang Pahayag ni Yahweh tungkol sa mga Filisteo

47 Ito(Q) ang pahayag na tinanggap ni Jeremias kay Yahweh tungkol sa mga Filisteo bago sinalakay ni Faraon ang Gaza:

“Tumataas ang tubig sa hilaga,
    at babaha, ito'y aapaw sa buong lupain;
magpapasaklolo ang mga tao,
    maghihiyawan sa matinding takot.
Maririnig ang ingay ng yabag ng mga kabayo,
    ang paghagibis ng mga karwahe!
Hindi na maaalala ng mga magulang ang kanilang mga anak;
    manghihina ang kanilang mga kamay,
sapagkat dumating na ang araw ng pagkawasak ng mga Filisteo.
Ang pinakahuling magtatanggol sa Tiro at Sidon ay babagsak;
    sapagkat lilipulin ni Yahweh ang mga Filisteo,
    ang nalabi sa baybayin ng Caftor.
Parang kinalbo ang Gaza;
    pinatahimik ang Ashkelon.
    Hanggang kailan magluluksa ang mga Filisteo?
Kailan pa magpapahinga ang tabak ni Yahweh?
Lumigpit ka na sa kaluban, at doon manahimik!
Paano naman itong mapapahinga?
    Hindi pa tapos ang gawaing itinakda sa kanya ni Yahweh
laban sa Ashkelon at sa kapatagang malapit sa dagat;
    doon nakatakda ang gawain nito.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.