Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 36:1-47:12

Pagpapalain ang Israel

36 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka sa kaburulan ng Israel. Sabihin mo: Kaburulan ng Israel, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Sinabi sa iyo ng kaaway ninyo na, ‘Mabuti nga,’ at, ‘Ang kanilang mga kabundukan ay sakop na natin.’ Kaya, magpahayag ka. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sinakop ng mga bansa ang kaburulan ng Israel at lubusan itong winasak. Dahil dito, pinagtawanan siya ng lahat. Kaya, ito ngayon ang sinasabi ko tungkol sa mga bundok, burol, bangin, kapatagan at mga lunsod na wasak na naging biktima at katatawanan ng mga bansa sa paligid. Ipinapasabi nga ni Yahweh: Sa pag-iinit ng loob ko dahil sa panibugho, maliwanag kong ipinahayag ang aking galit sa mga bansa, lalo na sa Edom, sapagkat buong pagyayabang niyang sinakop ang aking bayan. Hindi na niya ito iginalang, bagkus ay sinamsam ang lahat ng maibigan niya. Kaya, magpahayag ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, bangin, at kapatagan na ako'y nagsasalita sa tindi ng aking galit dahil sa pagkutyang dinanas nila mula sa ibang bansa. Kaya isinusumpa kong daranas din ng pagkutya ang mga bansa sa iyong paligid.

“Kayo naman, mga bundok ng Israel, payabungin na ninyo ang inyong mga sanga at pamungahin nang sagana para sa bayan kong Israel sapagkat uuwi na sila rito. Ako'y inyong kakampi. Bubungkalin at tatamnan ang inyong lupain. 10 Pararamihin ko ang iyong mamamayan. Doon kayo titira sa dati ninyong lunsod at higit ko kayong pasasaganain kaysa noon. 11 Pararamihin ko nga ang mga tao at mga hayop. Marami ang magiging anak nila. Pupunuin kita ng tao, tulad noong una, at higit na maraming mabubuting bagay ang gagawin ko ngayon sa iyo. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. 12 Ibabalik ko kayo, mga Israelita, sa dati ninyong bayan. Magiging inyo na iyon at hindi na kayo magugutom. 13 Akong si Yahweh ang nagsasabi: Sinasabi ng mga tao na ikaw ay kumakain ng tao kaya inaagaw mo ang mga mamamayan ng ibang bansa. 14 Ngunit mula ngayon, hindi mo na gagawin iyon, hindi mo na uubusin ang iyong mamamayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 15 Hindi ka na kukutyain ng ibang bansa at hindi na rin hahamakin ng mga tao. Hindi ka na mang-aagaw ng anak ng may anak. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Bagong Kalagayan ng Israel

16 Sinabi sa akin ni Yahweh, 17 “Ezekiel, anak ng tao, nang ang Israel ay unang tumira sa kanilang lupain, pinarumi nila ito sa kanilang kasamaan. Kaya, ang pamumuhay nila'y kasuklam-suklam sa akin. 18 At dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain, at dahil sa kanilang mga diyus-diyosan, ibinuhos ko sa kanila ang aking matinding poot. 19 Itinapon ko sila at pinangalat sa iba't ibang panig ng daigdig. Ginawa ko sa kanila ang nararapat sa kanila. 20 Ngunit sa mga lugar na kinapuntahan nila, binigyang-daan nila ang mga tao upang hamakin ang aking pangalan. Sinabi ng mga tao sa kanila, ‘Hindi ba sila'y mga mamamayan ni Yahweh, bakit pinaalis sa kanilang bayan?’ 21 Nabahala ako dahil sa banal kong pangalan na ipinahamak ng mga Israelita sa mga dakong kinapuntahan nila.

22 “Kaya, sabihin mo sa Israel na ito ang ipinapasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi dahil sa banal kong pangalan na inyong hinayaang hamakin sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo. 23 Ipapakita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako si Yahweh kung maipakita ko na sa kanila na ako ay banal. 24 Titipunin ko kayo mula sa iba't ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. 25 Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo'y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan. 26 Bibigyan(A) ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin. 27 Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. 28 Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos. 29 Lilinisin ko ang lahat ng inyong karumihan; bibigyan ko kayo ng masaganang ani at hindi na kayo daranas ng gutom. 30 Pamumungahin kong mabuti ang inyong mga punongkahoy at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin upang hindi na kayo hamakin ng kapwa ninyo bansa dahil sa taggutom na inyong dinanas. 31 Maaalala rin ninyo ang inyong kasamaan, at dating kasuklam-suklam na mga gawa. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong mga sarili. 32 Dapat ninyong malaman na ginagawa ko ang lahat ng ito ngunit hindi dahil sa inyo. Dapat kayong mahiya dahil sa inyong kasamaan, mga Israelita.”

33 Ipinapasabi ni Yahweh: “Kapag nalinis ko na kayo sa inyong karumihan, muli kong patitirahan ang inyong mga lunsod at muling itatayo ang mga lugar na wasak. 34 Ang mga ilang na dako ay muling bubungkalin. Kapag nakita ito ng mga tao 35 ay sasabihin nila, ‘Ang lugar na ito'y dating tiwangwang ngunit ngayo'y parang hardin ng Eden. Ang mga lunsod na wasak at walang tao, ngayon ay may nakatira na, muling nakatayo at naliligid ng muog.’ 36 Kung makita nilang muli nang naitayo ang mga guho at puno ng pananim ang dating tigang na lupain, makikilala ng mga karatig-bansa na ako si Yahweh. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko.”

37 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ito pa ang gagawin ko sa kanila. Ipagkakaloob ko ang hilingin nila sa akin. Pararamihin ko sila, tulad ng makapal nilang kawan. 38 Pararamihin ko silang tulad ng mga tupang panghandog, tulad ng mga tupa sa Jerusalem kung panahon ng kapistahan. Sa gayon, ang mga lugar na walang nakatira ay mapupuno ng tao. At makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Libis na Puno ng Kalansay

37 Nadama ko ang kapangyarihan ni Yahweh at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu[a] ay dinala niya ako sa isang libis na puno ng kalansay. Inilibot niya ako sa lugar na puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. Tinanong niya ako, “Ezekiel, anak ng tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”

Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Yahweh.”

Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh. Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako'y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. Nakita kong sila'y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinapasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila'y mabuhay.” 10 Nagpahayag(B) nga ako at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila'y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.

11 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ 12 Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinapasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. 13 Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako si Yahweh. 14 Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin.”

Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa ng Juda at ng Israel

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang putol na kahoy at sulatan mo ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo naman ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’ 17 Pagkaraan noon, pagdugtungin mo ito na parang iisa ang hawak mo. 18 Kapag itinanong nila kung ano ang kahulugan noon, 19 sabihin mong ipinapasabi ko na darating na ang panahon at ang kaputol na kahoy na kumakatawan sa Israel ay isasama ko sa kaputol na kahoy na kumakatawan sa Juda upang sila'y maging isa na lang. 20 Kailangang nakikita nilang hawak mo ang mga putol ng kahoy na iyong sinulatan 21 habang sinasabi mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. 22 Sila'y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila'y gagawin kong isa na lamang kaharian. 23 Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging Diyos. 24 Isang(C) tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. 25 Sila'y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at mga susunod pang salinlahi ay mananatili doon habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. 27 Ako'y(D) maninirahang kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila'y magiging bayan ko. 28 At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong si Yahweh ang humirang sa Israel upang maging akin.”

Ang Pahayag Laban sa Gog

38 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel,(E) anak ng tao, harapin mo si Gog sa lupain ng Magog at hari ng mga bansang Meshec at Tubal. Magpahayag ka laban sa kanya at sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pinakapuno ng mga hari ng Meshec at Tubal. Patatalikurin kita ngayon at lalagyan ko ng kawit ang iyong panga. Iaalis kita sa sarili mong bayan, ikaw at ang iyong hukbo; ang iyong mga kabayo at mangangabayo na nasa hustong kasuotang pandigma, may pananggalang at tabak. Kasama nila ang kalalakihan ng Persia, Etiopia[b] at Libya na pawang may pananggalang at naka-helmet. Kasama rin ang Gomer pati ang kanyang hukbo at ang Beth-togarma hanggang sa dulong hilaga pati ang buong hukbo nito at ang kalalakihan ng marami pang bansa.

“Humanda kang lagi, ikaw at ang mga hukbong kasama mo. Tumalaga kayo anumang oras na kailangan ko. Pagkaraan ng maraming taon, titipunin ko kayo; lulusubin ninyo ang isang bansang itinayong muli mula sa pagkaguho. Ang naroon ay mga taong tinipon mula sa iba't ibang dako at payapang naninirahan sa mga bundok ng Israel, isang lugar na dating tiwangwang at walang naninirahan. Sasagasaan ninyong parang bagyo ang lugar na iyon at kakalatan ninyong parang ulap, ikaw, ang iyong hukbo at ang makapal na taong kasama mo.

10 “Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh: Gog, sa araw na iyon, may papasok sa iyong isip at ikaw ay magbabalak ng masama. 11 Isasaloob mo, ‘Ang sasalakayin ko'y isang mahinang bansa. Lulupigin ko ang mga taong naninirahan nang tahimik, walang mga pader na kanlungan ni anumang harang. 12 Sasakupin ko ito, sasamsaman ang tagaroon, at wawasakin ang lupaing dating tiwangwang at walang nakatira ngunit ngayo'y puno ng taong tinipon mula sa iba't ibang dako. Ngayo'y marami na ang kanilang mga hayop, at mga ari-arian, at ang lupain nila'y siyang sentro sa daigdig.’ 13 Sasabihin sa iyo ng Seba at Dedan, ng Tarsis at ng mga mangangalakal nito, ‘Naparito ka ba upang manamsam? Tinipon mo ba ang karamihang ito upang hakutin ang mga pilak, ginto, mga hayop, at mga ari-arian, upang samsamin ang malaking kayamanang ito?’

14 “Kaya, pinapunta ako ni Yahweh sa Gog upang ipahayag ang ganito: Sa araw na namumuhay ng tahimik ang bayan kong Israel, ikaw ay magbabalikwas.[c] 15 Isasama mo ang makapal na tao, isang malaking hukbo na pawang kabayuhan mula sa dulong hilaga. 16 Ang Israel ay sasalakayin ninyo, tulad ng rumaragasang bagyo. Ipapalusob ko sa iyo ang aking bayan upang ipakilala sa mga bansa kung sino ako, at upang sa pamamagitan mo'y maipakita sa kanila na ako ay banal.

17 “Ipinapasabi pa ni Yahweh: Noong araw pa, iniutos ko na sa mga lingkod kong propeta ng Israel na ipahayag nila na may isang bansang tatayo laban sa Israel, at ikaw ang tinutukoy noon. 18 Pagdating ng araw na iyon, kapag sinalakay na ng Gog ang Israel, aabot na sa sukdulan ang aking poot. 19 At sa tindi ng aking galit, lilindol nang napakalakas sa buong Israel. 20 Ang mga isda, ibon at hayop, malaki o maliit, at ang mga tao, ay manginginig sa harap ko. Ang mga bundok ay guguho, gayon din ang mga bangin at ang lahat ng muog sa lupa. 21 Paghahariin ko sa Gog ang matinding takot at sila-sila'y magtatagaan. 22 Paparusahan ko siya sa pamamagitan ng salot at kamatayan. Siya at ang kanyang mga hukbo ay pauulanan ko ng buhawi, malalaking yelo ng apoy at asupre. 23 Sa ganyang paraan ko ipapakita sa lahat ng bansa na ako ay makapangyarihan at ako ay banal. Sa gayo'y makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Pagbagsak ng Gog

39 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Gog. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pangunahing pinuno ng Meshec at Tubal. Babaligtarin kita, at mula sa dulong hilaga ay itataboy sa kabundukan ng Israel. Pagkatapos, aagawin ko ang pana at mga palaso sa iyong mga kamay. Ikaw at ang iyong buong hukbo ay malilipol sa kabundukan ng Israel, pati ang makapal mong tauhan. Ang inyong mga bangkay ay pababayaan kong kanin ng mga ibon at lapain ng mababangis na hayop. Sinasabi kong mabubuwal ka sa kaparangan. Lilikha ako ng sunog sa Magog at sa baybayin ng dagat, ang lugar na hindi dating nakakaranas ng gulo. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh. Ipapakilala ko ang aking pangalan sa gitna ng bayan kong Israel at di ko na pababayaang malapastangan ito. Sa gayo'y makikilala ng lahat ng bansa na ako si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.”

Sinabi ni Yahweh, “Dumarating na ang araw ng kaganapan ng mga bagay na ito. Pagkaganap ng mga bagay na ito, ang mga taga-lunsod ay lalabas ng bayan upang gawing panggatong ang makapal na gamit pandigma: pananggalang, pana, palaso, punyal, at sibat. Ang daming ito ay magiging sapat na panggatong sa loob ng pitong taon. 10 Hindi na sila kailangang mangahoy sa bukid o sa gubat. Ang mga sandatang iyon na ang kanilang igagatong. Ang mangyayari, sasamsaman nila ang sana'y mananamsam sa kanila. Ang Panginoong Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Libingan ng Gog

11 Sinabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, ang Gog ay bibigyan ko ng isang libingan sa Israel, ang Libis ng Manlalakbay, sa silangan ng Dagat na Patay. Doon siya ililibing kasama ang makapal na taong kasama niya. Ang libingang ito'y tatawaging Libis ng Hukbo ng Gog, at lilihisan ng mga manlalakbay. 12 Sa paglilibing lamang sa kanila, mauubos ang pitong buwan bago mailibing ng mga Israelita ang lahat ng bangkay. 13 Lahat ng tutulong sa paglilibing ay pararangalan sa araw ng aking tagumpay. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 14 Pagkaraan ng pitong buwan, magtatalaga kayo ng isang pangkat upang patuloy na maghanap at maglibing sa mga kalansay na hindi pa naililibing para malinis nang lubusan ang lupain. 15 Sinuman sa kanila ang makakita ng kalansay, lalagyan niya iyon ng tanda hanggang hindi nadadala sa pinaglibingan kay Gog at sa kanyang mga kasama. 16 (Isang malapit na bayan ay tatawaging Ang Hukbo ni Gog.) Gayon ang gagawin ninyo upang ganap na malinis ang lupain.”

17 Sinabi(F) ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito naman ang sabihin mo sa lahat ng uri ng ibon at hayop: ‘Halikayo at magpakabusog sa handog na itong inihanda ko sa inyo, isang malaking handa sa mga bundok ng Israel. Magpakabusog kayo sa laman at dugo. 18 Kanin ninyo ang laman ng mga mandirigma at inumin ang dugo ng mga pinuno ng daigdig. Ito ay siya ninyong pinakatupang lalaki, kordero, kambing, toro, at baka. 19 Magsasawa kayo sa taba at malalango sa dugo dito sa maraming handog na inilaan ko sa inyo. 20 Sa hapag ko'y mabubusog kayo sa kabayo at mandirigmang sakay nito at sa lahat ng uri ng kawal.’ Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ibinalik sa Dati ang Israel

21 Sinabi ni Yahweh, “Ipapakita ko sa lahat ng bansa ang aking kaluwalhatian sa pamamagitan ng paggamit ko sa aking kapangyarihan sa pagsasagawa ng aking pasya. 22 Mula sa araw na iyon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. 23 At malalaman ng lahat ng bansa na ang Israel ay nabihag dahil na rin sa kanilang kasamaan; dahil sa pagtataksil nila sa akin, sila ay aking pinabayaan at ibinigay sa kanilang mga kaaway upang patayin. 24 Pinabayaan ko sila sapagkat iyon lang ang marapat sa kanilang kasamaan.”

25 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ngayon, ibabalik ko ang dating kalagayan ni Jacob. Muli kong ipadarama sa sambayanang Israel ang aking pag-ibig sa kanila upang mabigyan kong karangalan ang aking pangalan. 26 Ang kahihiyang sinapit nila at ang kanilang kataksilan sa akin ay malilimutan na rin nila kapag sila'y payapa nang naninirahan sa sarili nilang lupain at wala nang liligalig sa kanila. 27 At kapag natipon ko na sila mula sa lupain ng kanilang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagkalinga ko sa kanila'y ipapakita ko sa lahat ng bansa na ako ay banal. 28 Sa gayon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos sapagkat itinapon ko sila sa lahat ng panig ng daigdig at pagkatapos ay muling tinipon sa sarili nilang lupain. Titipunin ko silang lahat at walang matitira isa man sa ibang bansa. 29 Ibubuhos ko sa Israel ang aking Espiritu at hindi ko na sila tatalikuran. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Pangitain tungkol sa Templo

40 Noong ika-10 araw ng bagong taon at ika-25 taon ng aming pagkabihag, labing-apat na taon pagkatapos masakop ang lunsod ng Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ni Yahweh. Sa(G) isang pangitain, dinala niya ako sa tuktok ng isang napakataas na bundok sa Israel. Sa tapat ko, may nakita akong tila isang lunsod. Inilapit(H) niya ako roon at may nakita akong isang tao sa may pagpasok ng lunsod. Siya'y tila tanso, may hawak na pising lino, at panukat. Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, talasan mo ang iyong mata at tainga. Tandaan mong mabuti ang lahat ng ipapakita ko sa iyo sapagkat ito ang dahilan ng pagkadala sa iyo rito. Pagkatapos, sabihin mo naman ito sa mga Israelita.”

Ang Tarangkahan sa Gawing Silangan

Ang(I) nakita ko ay templo na napapaligiran ng pader. Kinuha noong tao ang kanyang panukat na tatlong metro ang haba at sinukat ang pader sa paligid ng templo: Tatlong metro ang kapal nito, gayon din ang taas. Pagkatapos, pumunta siya sa tarangkahan sa gawing silangan. Pumanhik siya sa mga baytang nito at sinukat ang pintuan; ang taas nito ay tatlong metro rin. Sa kabila nito ay may daanan at may tigatlong silid sa magkabila. Ang mga silid na ito ay parisukat; tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang at ang pader sa pagitan ay dalawa't kalahating metro. Sa kabila ng mga silid na ito ay may daanan patungo sa malaking bulwagan sa harap ng templo. Ang haba nito ay tatlong metro. 8-9 Sinukat niya ang bulwagan. Ang lalim nito ay apat na metro. Ito ang pinakadulo ng daanan sa pintuang malapit sa templo. Ang kapal ng dulo ng pader nito ay isang metro. 10 Pare-pareho ang sukat ng mga silid na ito, at magkakasingkapal ang mga pader sa pagitan. 11 Sinukat din niya ang pasukan papuntang tarangkahan. Ang kabuuang luwang nito'y anim at kalahating metro at limang metro naman ang tarangkahan. 12 Sa harap ng mga silid ng bantay-pinto ay may pader na kalahating metro ang taas, gayon din ang kapal. Ang mga silid ay kuwadrado: tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang. 13 Pagkatapos, sinukat niya mula sa gilid ng unang silid hanggang sa huling silid. Ito'y may labindalawa't kalahating metro. 14 Sinukat din niya ang bulwagan sa pasukan at ito'y may sampung metro. 15 Ang kabuuang haba ng daanan mula sa tarangkahan hanggang sa huling silid ay dalawampu't limang metro. 16 Ang mga silid ay may bintana upang makita ang labas at mayroon din sa mga pader sa pagitan ng mga silid. Sa mga pader naman sa loob ng silid ay may dibuhong puno ng palmera.

Ang Patyo sa Labas

17 Dinala niya ako sa patyo sa labas. Doon ay may tatlumpung silid na nakadikit sa pader. Sa harap ng mga silid na ito ay may bahaging nalalatagan ng bato 18 na abot sa gusali sa pasukan. Ito ay mababa kaysa patyo sa loob. 19 May mas mataas na daanan patungo sa patyo sa loob. Sinukat noong tao ang pagitan ng dalawang daanan at umabot ng limampung metro.

Ang Tarangkahan sa Gawing Hilaga

20 Pagkaraan, sinukat niya ang daanan sa gawing hilaga na papunta rin sa patyo sa labas. 21 Ang tigatlong silid ng mga bantay-pinto, ang mga pader sa pagitan at ang bulwagan ay kasinlaki rin ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro ang luwang. 22 Ang bulwagan, mga bintana, at dibuhong puno ng palma ay katulad nga ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Pito ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. 23 Sa tapat ng tarangkahang ito ay may tarangkahan ding papasok sa patyo sa loob, tulad ng sa gawing silangan. Sinukat niya ang pagitan ng tarangkahan sa hilaga at ng tarangkahan sa timog at ito'y umabot ng limampung metro.

Ang Tarangkahan sa Gawing Timog

24 Dinala niya ako sa gawing timog at doo'y mayroon ding tarangkahan. Sinukat niya ito. Ito'y kasukat din ng ibang tarangkahan. 25 May mga bintana rin ito sa paligid tulad ng ibang tarangkahan. Ang haba ng daanan nito ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang. 26 Pito rin ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. May tig-isang dibuho ng puno ng palmera ang pader ng pasilyo. 27 Mayroon din itong daanan papunta sa patyo sa loob. Ang haba nito ay limampung metro.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Timog

28 Ako'y ipinasok niya sa patyo sa loob. Sa tarangkahan sa gawing timog kami nagdaan. Sinukat niya ito at kasukat din ng iba. 29-30 Ang bulwagan, mga silid nito, at pader sa pagitan ay tulad din ng sa ibang tarangkahan. May mga bintana rin ito. Ang haba ng pasilyo ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang. 31 Ang bulwagan nga nito ay paharap sa panlabas na patyo, may dibuho ring puno ng palmera ang pader ng daanan at walo ang baytang patungo sa tarangkahang ito.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Silangan

32 Itinuloy niya ako sa loob ng patyo sa gawing silangan. Sinukat niya ang tarangkahan nito. Ito ay kasukat din ng iba, 33 gayon din ang bulwagan, mga silid ng bantay-pinto, at ang pader sa pagitan. Naliligid ito ng mga bintana. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad. 34 Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan, may dibuho ring puno ng palmera ang pader at walong baytang ang hagdan.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Hilaga

35 Pagkatapos, dinala niya ako sa may tarangkahan sa gawing hilaga at ito'y kanyang sinukat. Kasukat din ito ng iba, 36 gayon din ang bulwagan, mga silid at ang pader sa pagitan. Ang haba ng bulwagan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad. Ito ay may mga bintana rin sa paligid. 37 Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan nito, may dibuho ring puno ng palmera ang pader na pasilyo at walo ang baytang ng hagdan.

Ang mga Gusali sa Tabi ng Tarangkahan sa Hilaga

38 Ang patyo sa labas ay may isang kuwarto; nakadikit ito sa tarangkahan sa loob sa gawing hilaga at abot sa bulwagang nakaharap sa patyo. Doon nila nililinis ang mga hayop na pinatay upang sunugin sa altar bilang handog. 39 Sa magkabilang panig ng bulwagan ay may apat na mesa. Dito naman nila pinapatay ang mga hayop na ihahandog, kahit na susunugin, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, o handog na pambayad sa kasalanan. 40 May apat na mesa rin sa labas, tigalawa sa magkabila ng tarangkahan sa gawing hilaga. 41 Tig-apat ang mesa sa loob at labas ng bulwagan. Sa mga mesang ito pinapatay ang lahat ng hayop na panghandog. 42 Yari sa tinapyas na bato ang apat na mesang patungan ng hayop na susunugin bilang handog. Ang taas nito ay kalahating metro, 0.7 metro ang lapad at ang haba. Dito inilalagay ang mga kasangkapang pangkatay sa mga handog. 43 Sa paligid ng mga mesa ay may pinakapasamanong singlapad ng isang palad. Sa mesa ipinapatong ang karneng panghandog.

44 Dinala ako sa patyo sa loob. Doon ay may dalawang tanging silid: ang isa'y nakaharap sa timog at ang isa nama'y nakaharap sa hilaga. 45 Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang silid na nakaharap sa timog ay ukol sa mga paring nangangasiwa sa templo, 46 at ang nakaharap sa hilaga ay para naman sa mga paring nangangasiwa sa altar. Sila'y mga anak ni Zadok, ang sambahayan mula sa lipi ni Levi na siya lamang maaaring maglingkod sa harapan ni Yahweh.” 47 Sinukat ng lalaki ang patyo sa loob. Ito'y parisukat na limampung metro. Nasa gawing kanluran ang templo at nasa harap nito ang altar.

Ang Patyo sa Loob at ang Templo

48 Isinama niya ako sa bulwagang papasok ng templo. Sinukat niya ang pasukan nito: dalawa't kalahating metro ang lalim at pitong metro naman ang luwang. Ang kapal ng pader ay isa't kalahating metro. 49 Ang haba ng bulwagan ay sampung metro at anim na metro ang lalim. Ito ay may dalawa pang pinakatukod sa magkabila, bukod sa dalawang malalaking poste.

41 Pagkatapos, ipinasok ako ng lalaking iyon sa Dakong Kabanal-banalan. Sinukat niya ang daanan nito: tatlong metro ang taas, limang metro ang luwang at dalawa't kalahating metro naman ang kapal ng pader. Sinukat niya ang bulwagan. Ang haba nito ay dalawampung metro at sampung metro ang luwang. Pumasok siya sa huling silid. Sinukat niya ang daanan nito. Ang taas nito ay isang metro, tatlong metro ang luwang at ang kapal ng pader ay tatlo't kalahating metro. Sinukat niya ang bulwagan. Ang luwang nito ay sampung metro, gayon din ang haba. Sinabi niya sa akin, “Ito ang Dakong Kabanal-banalan.”

Ang mga Silid na Nakadikit sa Pader

At sinukat din niya ang panloob na pader ng templo. Ang kapal nito ay tatlong metro. Sa pader na ito na nakapaligid sa templo ay may sunud-sunod na mga silid na tig-dadalawang metro ang luwang. Tatlong palapag ang mga silid, bawat palapag ay may tatlumpung silid. Ang pader ng palapag sa itaas ay manipis kaysa nasa ibaba pagkat sa gilid ng pader nakasalalay ang bawat palapag. Sa labas ng mga silid na ito ay may malapad na hagdanang nakadikit sa pader at siyang daanan papunta sa mga palapag. Kung tingnan sa labas ay waring pareho ang kapal ng pader mula sa ibaba hanggang sa itaas. Ngunit sa loob, ang itaas na palapag ay maluwang kaysa sumusunod na palapag. Nakita kong may balkonaheng dalawa't kalahating metro sa paligid ng templo. Tatlong metro ang taas nito mula sa lupa at kapantay ng pundasyon ng mga silid sa gilid. 9-10 Ang kapal ng pader ng mga silid na ito ay dalawa't kalahating metro. Sa paligid ng templo ay may bahaging bukás sa pagitan ng balkonahe at ng silid ng mga pari. Ang bakanteng lugar ay may sukat na sampung metro. 11 May isang pinto papunta sa lugar ng mga silid sa gawing hilaga at isa sa timog; ito'y palaging bukás. Ang luwang ng asutea sa palibot ng templo ay dalawa't kalahating metro.

Ang Gusali sa Gawing Kanluran

12 Sa dulo sa gawing kanluran ay may isang gusali na apatnapu't limang metro ang haba at tatlumpu't limang metro naman ang luwang; dalawa't kalahating metro ang kapal ng pader nito.

Ang Kabuuang Sukat ng Templo

13 Sinukat ng lalaki ang labas ng templo. Ang haba nito ay limampung metro. Mula sa likod ng templo hanggang sa gusali sa kanluran ay limampung metro rin. 14 Ang pagitan mula sa harap ng templo, pati ng patyo ay limampung metro rin.

15 Sinukat din niya ang haba ng gusali. Ito'y limampung metro pati ang mga silid sa magkabila.

Ang Templo

Ang mga silid na pasukan sa templo, ang Dakong Banal at ang Dakong Kabanal-banalan, at ang bulwagan sa gawing labas ay 16 nababalot ng tabla, mula sa sahig hanggang bintana. 17-18 Ang loob naman ng templo ay balot ng tablang kasintaas ng pinto at may ukit na larawan ng palmera at kerubin; salitan ang larawan ng palmera at kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha: 19 isa ay mukha ng tao, mukha naman ng leon ang isa. Ang mga ito'y magkatalikod at parehong nakatingin sa puno ng palmera. Ganito ang larawang nakaukit sa lahat ng dingding ng templo. 20 Kasintaas ng pinto ang mga tablang may nakaukit na larawan ng kerubin at puno ng palmera.

Ang Altar na Kahoy

21 Ang mga hamba ng pinto ng Dakong Banal ay parisukat. Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan ay may parang 22 altar na kahoy. Ang taas nito'y isa't kalahating metro, isang metro naman ang luwang. Kahoy ang mga paa nito, gayon din ang patungan at ang dingding. Sinabi sa akin ng lalaki, “Iyan ang mesa sa harapan ni Yahweh.”

Ang mga Pinto

23 Sa magkabilang dulo ng daanan papunta sa Dakong Banal ay may pinto, gayon din ang papunta sa Dakong Kabanal-banalan. 24 Ang mga pinto ay tigalawang paypay; bawat paypay ay may tigalawang bisagra. 25 Ang pinto papunta sa Dakong Banal ay may nakaukit ding larawan ng kerubin at puno ng palmera, tulad ng nasa dingding. May kahoy na panakip sa labas ng bulwagang-pasukan. 26 Sa bawat panig ng Dakong Banal ay may mga bintana at ang mga dingding ay natatakpan ng tablang may inukit na puno ng palmera.

Ang Dalawang Gusali na Malapit sa Templo

42 Ako'y isinama ng lalaki sa patyo sa labas at nagtuloy kami sa gusali sa gawing hilaga ng templo at malapit sa dulo nito sa kanluran. Ang haba ng gusaling ito ay limampung metro at dalawampu't limang metro naman ang luwang. Ang kalahati nito ay nakaharap sa patyong sampung metro ang luwang at ang isa pang kalahati sa patyong nalalatagan ng bato. Ito ay tatlong palapag. Sa hilaga ng gusali ay may isang daanang apat at limang metro ang luwang at limampung metro ang haba. Ang mga silid sa pangatlong palapag ay maliit kaysa una at pangalawa dahil sa balkon nito. Ang mga silid mula sa una hanggang ikatlong palapag ay walang haligi, di tulad ng ibang gusali sa patyo sa labas. 7-8 Ang pader sa ibaba ay may luwang na dalawampu't limang metro, kalahati ng kabuuang haba; sa natitirang dalawampu't limang metro ay may mga silid. Sa itaas na palapag ay nakahanay ang mga kuwarto mula puno hanggang dulo. 9-10 Sa silangang dulo ng gusali sa ilalim ng mga silid na ito ay may mga pinto palabas sa patyo.

Sa gawing timog ng templo ay may isa pang gusali, hindi kalayuan sa kanlurang dulo ng templo. 11 Sa harap ng mga silid ay may daang katulad at kasukat ng nasa gawing hilaga. 12 Sa dulo ng hanay ng mga silid sa gawing timog ay mayroon ding pinto.

13 Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang mga gusaling ito ay sagrado. Dito kakanin ng mga pari ang ganap na sagradong bahagi ng mga handog. Dito rin ilalagay ang mga pinakasagradong handog tulad ng handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan, pagkat itinalaga ang mga silid na iyon. 14 Pagkagaling nila sa templo at ibig nilang lumabas sa patyo, huhubarin muna nila roon ang kanilang kasuotan. Iba ang kasuotang gagamitin nila pagharap sa mga tao.”

Ang Sukat ng Paligid ng Templo

15 Matapos sukatin noong tao ang loob ng templo, lumabas kami sa tarangkahan sa gawing silangan at sinukat niya ang labas. 16-19 Ang gawing silangan ay 250 metro, gayon din ang gawing timog, kanluran, at hilaga. 20 Sinukat nga niya ang apat na panig. Napapaligiran ng pader upang mabukod sa karaniwan ang tanging lugar na ito.

Ang Templo'y Muling Napuno ng Kaluwalhatian ni Yahweh

43 Dinala ako ng lalaki sa tarangkahan sa gawing silangan. Doon,(J) nakita kong dumarating mula sa silangan ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, parang dagundong ng malaking baha. Nagliwanag ang lupa dahil sa kaluwalhatiang yaon. Ang pangitaing ito ay tulad ng nakita ko nang wasakin ang Jerusalem. Tulad din ito noong nakita ko sa Ilog Kebar. At ako'y dumapa sa lupa. Ang nakakasilaw na liwanag ay nagdaan sa pintuan sa silangan at pumasok sa templo. Itinayo ako ng Espiritu at ipinasok sa patyo sa loob. Nakita kong ang buong templo'y punung-puno ng kaluwalhatian ni Yahweh.

Magkatabi kaming nakatayo noong lalaki. Maya-maya, may narinig akong nagsasalita sa akin mula sa templo. Ang sabi, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang aking trono, at ito ang tuntungan ng aking mga paa. Ito ang magiging tahanan ko sa aking paninirahan sa gitna ng Israel. Ang pangalan ko'y di na nila lalapastanganin, ni ng kanilang mga hari, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosan at sa kanilang mga yumaong hari. Ang pintuan nila at ang aking pintuan ay may pagitan lamang na isang pader. Nilapastangan nila ang aking pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam nilang gawain kaya nilipol ko sila. At ngayo'y titigil na sila sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa yumao nilang mga hari. Kaya, maninirahan ako sa gitna nila habang panahon.”

10 Sinabi ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ipaliwanag mo sa sambahayan ni Israel ang kaayusan ng templong ito upang mahiya sila sa kanilang kasamaan. 11 Kung magkagayon, ilarawan mong mabuti sa kanila ang kabuuan ng templo: ang kaayusan, pasukan at labasan. Ipaliwanag mo sa kanila at isulat pagkatapos ang mga tuntunin at kautusan tungkol dito upang ito'y masunod nilang mabuti. 12 Ito ang tuntunin tungkol sa templo. Lahat ng lugar sa paligid nito sa tuktok ng bundok ay aariin ninyong kabanal-banalan.”

Ang Altar

13 Ito(K) ang sukat ng altar: Ang patungan sa lupa ay may kalahating metro ang lalim, gayon din ang lapad. Ang paligid nito'y lalagyan ng moldeng 0.3 metro ang lapad. Ang taas naman 14 mula sa patungan ay isang metro hanggang sa unang pasamano, at kalahating metro ang lapad. Mula sa maliit hanggang sa malaking pasamano ay dalawang metro pataas, at kalahating metro ang lapad. 15 Ang taas ng bahagi ng altar na sunugan ng mga handog ay dalawang metro. Ang pinakasungay nito sa apat na sulok ay mataas kaysa altar. 16 Ang altar ay parisukat: anim na metro ang luwang, gayon din ang haba. 17 Parisukat din ang panggitnang bahagi: pitong metro ang haba, gayon din ang luwang. Ito'y paliligiran ng molde na 0.3 metro ang lapad. Ang lapad ng pinakaalulod ay kalahating metro. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan.

Ang Pagtatalaga sa Altar

18 Sinabi(L) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang tuntuning ipinapasabi ko tungkol sa altar. Kapag ito'y yari na, itatalaga mo ito sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga handog at pagwiwisik ng dugo ng mga hayop na inihandog. 19 Ang mga paring Levita lamang na mula sa sambahayan ni Zadok ang makakapaglingkod sa akin. Akong si Yahweh ang nag-uutos. Bibigyan mo sila ng isang torong panghandog para sa kasalanan. 20 Kukuha ka ng dugo nito upang ipahid sa apat na sungay ng altar, sa apat na sulok ng panggitnang bahagi, at sa gilid. Sa ganito mo lilinisin at itatalaga ang altar. 21 Ang panghandog na ito para sa kasalanan ay susunugin sa isang tanging lugar sa labas ng templo. 22 Kinabukasan, isang kambing na lalaki at walang kapintasan naman ang inyong ihahandog; lilinisin din ang templo sa paraang ginawa nang ihandog ang toro. 23 Pagkalinis ng altar, maghahandog kayo ng isang toro at isang lalaking tupa, parehong walang kapintasan. 24 Ang mga ito'y ihahandog ninyo sa akin; aasnan muna ito ng mga pari bago sunugin bilang handog. 25 Pitong araw kayong maghahandog; araw-araw, isang lalaking kambing, tupa at baka na parehong walang kapintasan. 26 Pitong araw ninyong lilinisin ang altar upang ganap itong maitalaga sa akin. 27 Sa ikawalong araw, ang inyong handog na susunugin at handog na pagkain ay maaari na ninyong ihain sa altar. Sa gayon, ako'y malulugod sa inyong lahat. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Tuntunin tungkol sa Pintuan sa Gawing Silangan

44 Lumabas kami sa pinto ng templo, sa pinto sa gawing silangan. Pagkalabas namin, sumara ito nang kusa. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mananatiling nakasara ang pintong ito. Walang dadaan dito sapagkat ito'y dinaanan ni Yahweh. Ang pinuno lamang ng Israel ang maaaring kumain sa hapag ni Yahweh; siya ay papasok sa tarangkahan patungo sa gawing dulo; doon din siya lalabas.”

Ang mga Tuntunin sa Pagpasok sa Altar

Dinala ako ng lalaki sa may pintuan sa gawing hilaga, sa may harap ng templo, at nakita kong ito'y nagliliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ako'y sumubsob sa lupa. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, pakinggan mo at tandaang mabuti itong mga tuntuning sasabihin ko sa iyo tungkol sa templo ni Yahweh. Tandaan mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok dito at ang hindi. Sabihin mo sa sambahayang yaon na matigas ang ulo, sa sambahayan ni Israel: Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Diyos: Sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang kasuklam-suklam ninyong gawain. Ang mga dayuhan, mga taong may maruruming puso at isipan ay pinahihintulutan ninyong pumasok sa aking templo; sa gayo'y nasasalaula ito. Nangyayari ito sa inyong paghahandog sa akin ng pagkain, taba at dugo. Sinira ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong kasuklam-suklam na gawain. Sa halip na kayo ang mangalaga sa mga bagay na itinalaga sa akin, ipinaubaya ninyo sa ibang tao.

“Mula ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo na walang taga-ibang bayang may maruming puso at hindi tuli ang maaaring pumasok sa aking templo, kahit na ang mga ito'y kasamang namamahay ng mga Israelita. 10 Ang mga Levita na tumalikod sa akin at nalulong sa pagsamba sa diyus-diyosan ay paparusahan ko. 11 Gayunman, sila pa rin ang maglilingkod sa aking templo at magbabantay sa mga pintuan nito. Sila pa rin ang gagawa ng mga dapat gawin sa loob ng templo. Sila rin ang magpapatay at maghahandog ng mga haing susunugin ng mga mamamayan, at maglilingkod sa akin para sa mga tao. 12 Ang mga paring ito ay naglingkod sa mga diyus-diyosan, anupa't naging dahilan ng kasamaan ng sambahayan ng Israel, kaya naman isinusumpa kong sila'y aking paparusahan. 13 Hindi sila makakalapit sa akin, ni makakapaglingkod bilang mga pari. Hindi rin sila maaaring lumapit sa mga dakong itinalaga sa akin. Sa gayon, malalagay sila sa kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain. 14 Gagawin ko na lamang silang katulong sa ibang gawain sa loob ng templo.”

Ang mga Pari

15 “Ang mga paring Levita lamang na mula sa angkan ni Zadok ang maaaring lumapit sa akin at maglingkod nang tuwiran, sapagkat sila ang patuloy na nangalaga sa aking templo nang talikuran ako ng Israel. Kaya naman, sila lamang ang maaaring maghandog sa akin ng pagkain, taba at dugo,” sabi ni Yahweh. 16 “Sila lamang ang papasok sa aking templo at lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at magsakatuparan ng aking iniuutos. 17 Telang(M) lino ang kasuotan nila pagpasok pa lamang sa patyo. Huwag silang magsusuot ng anumang yari sa lana habang sila'y naglilingkod sa loob ng patyong ito. 18 Telang lino rin ang gagamitin nilang turbante, gayon din ang salawal. Huwag silang magbibigkis para hindi sila pawisan. 19 Bago(N) sila humarap sa mga tao sa patyo sa labas, huhubarin muna nila ang kasuotan sa paglilingkod sa Diyos. Itatago ito sa sagradong silid, saka magbibihis ng iba upang ang kabanalan ng kasuotang iyon ay hindi makapinsala sa mga mamamayan. 20 Huwag(O) silang magpapakalbo ngunit huwag namang gaanong magpapahaba ng buhok; ito ay kanilang gugupitin sa katamtamang haba. 21 Huwag(P) silang iinom ng alak kung sila ay papasok sa patyo sa loob. 22 Huwag(Q) silang mag-aasawa ng babaing pinalayas at hiniwalayan ng asawa, ni sa balo liban na lamang kung balo ng isa ring pari. Ang kukunin nilang asawa ay isang Israelitang hindi pa nasisipingan o kaya'y balo ng kapwa nila pari. 23 Ituturo(R) nila sa mga tao kung ano ang pagkakaiba ng itinalaga kay Yahweh at ng hindi. Ituturo rin nila kung paano ang pagkilala sa malinis at sa marumi ayon sa tuntunin. 24 Kung may hidwaan ang mga mamamayan, sila ang hahatol ayon sa kanilang kaalaman sa usapin. Isasagawa nila sa takdang panahon ang lahat ng aking mga tuntunin at Kautusan. Patuloy rin nilang susundin ang mga tuntunin ukol sa Araw ng Pamamahinga. 25 Huwag(S) silang lalapit sa kaninumang bangkay liban sa ama, ina, kapatid na lalaki o kapatid na dalaga, upang hindi sila ituring na marumi ayon sa Kautusan. 26 Pagkatapos niyang isagawa ang tuntunin ng paglilinis makaraang marumihan siya ng bangkay, bibilang pa siya ng pitong araw bago ibilang na malinis ayon sa Kautusan. 27 At pagpasok niya sa patyo sa loob upang maglingkod sa Banal na Dako, maghahandog siya ng kanyang handog para siya luminis at makapaglingkod muli sa templo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.

28 “Ang(T) mga pari ay hindi kasama sa partihan sa lupain; ako mismo ang kanilang pinakamana. Hindi sila bibigyan ng anumang ari-arian sa Israel, ako ang kanilang pinakabahagi. 29 Ang(U) ikabubuhay nila ay ang handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pambayad ng kasalanan. Tatanggap sila mula sa lahat ng handog na iniaalay ng mga Israelita sa akin. 30 Ang pinakamainam sa mga unang bunga at lahat ng handog ng Israel ay mauukol sa mga pari, gayon din ang pinakamasarap ninyong pagkain. Sa gayon, patuloy ko kayong pagpapalain. 31 Ang(V) mga pari ay hindi kakain ng anumang hayop o ibon na kusang namatay o nilapa ng mailap na hayop.”

Tuntunin tungkol sa Partihan ng Lupain

45 Sa paghahati ninyo ng lupain, magbubukod kayo ng isang bahagi para kay Yahweh. Ito ang sukat ng inyong ibubukod: 12.5 kilometro ang haba, at 10 kilometro naman ang luwang. Susukat kayo rito ng 250 metro parisukat para tayuan ng templo at ang paligid ay lalagyan ng patyong dalawampu't limang metro ang luwang. Para sa Dakong Kabanal-banalan, susukat kayo ng 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang. Ito ang pinakatanging lugar ng lupain at siyang mauukol sa mga paring maglilingkod sa templo, sa harapan ni Yahweh; ito ang magiging tirahan nila at tayuan ng templo. Isa pang lote na 12.5 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para naman sa mga paring maglilingkod sa kabuuan ng templo.

Karatig ng bahaging itinalaga para sa akin, mag-iiwan kayo ng isang lote na 12.5 kilometro ang haba at 2.5 kilometro naman ang luwang. Ito ay para sa lahat ng Israelita.

Ang Lupain Ukol sa Pinuno ng Israel

Sa pinuno ng Israel, ang iuukol ay ang karatig ng bahaging itinangi kay Yahweh. Ang nasa gawing kanluran ay sagad sa Dagat Mediteraneo, at ang sa gawing silangan ay abot sa ilog. Ito ay magkakasinlaki ng kaparte ng bawat lipi. Ito ay para sa kanila at nang hindi na nila apihin ang iba pang lipi ng Israel.

Ang mga Tuntunin para sa Pinuno

Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Mga pinuno ng Israel, tigilan na ninyo ang karahasan at pang-aapi sa aking bayan. Sa halip, pairalin ninyo ang katarungan at ang katuwiran. Tigilan na ninyo ang pangangamkam sa lupain ng aking bayan.

10 “Ang(W) inyong timbangan, sukatan ng harina, at kiluhan ay kailangang maaayos, walang daya, at husto sa sukat. 11 Ang panukat na ginagamit sa mga harina at ang panukat na ginagamit sa langis ay kailangang pareho ang sukat, tig-ikasampung bahagi ng isang malaking sisidlan;[d] ang malaking sisidlan naman ay ang pamantayan ng sukat. 12 Ang takalang siklo ay katumbas ng labindalawang gramo. Ang inyong mina ay katumbas ng animnapung siklo.

13 “Ito naman ang inyong ihahandog: 1/60 na bahagi ng lahat ng inyong inaning trigo at gayundin sa sebada, 14 1/100 na bahagi sa lahat ng inyong nagawang langis. (Ang panukat na gagamitin sa harina at langis ay parehong tig-isang bahagi ng malaking sisidlan.) 15 Sa tupa naman ay isa sa bawat dalawandaan. Ito ang inyong handog na pagkaing butil, susunugin, at pangkapayapaan bilang kabayaran nila,” sabi ni Yahweh. 16 “Ang mga handog na ito ay ibibigay sa pinuno ng Israel. 17 Ang pinuno ng Israel ang mamamahala sa mga handog na susunugin, pagkaing butil, inumin para sa mga pista, pagdiriwang kung bagong buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at sa lahat ng takdang pagdiriwang ng bayang Israel. Siya rin ang bahala sa mga handog para sa kasalanan, handog na susunugin at handog pangkapayapaan, bilang kabayaran sa kasalanan ng bayang Israel.”

Mga Kapistahan(X)

18 Ipinapasabi ni Yahweh: “Sa unang araw ng unang buwan, pipili kayo ng isang toro na walang kapintasan upang gamitin sa paglilinis ng templo. 19 Ang paring nanunungkulan ay sasahod ng dugo ng handog para sa kasalanan. Ipapahid niya iyon sa poste sa pinto ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga poste sa pintuan patungo sa patyo sa loob. 20 Ganito rin ang gagawin sa ikapitong araw para sa sinumang nagkamali o nagkasala nang di sinasadya. Ganito ninyo lilinisin ang templo.

21 “Sa(Y) ikalabing apat naman ng unang buwan, ipagdiriwang ninyo ang Pista ng Paskwa; pitong araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. 22 Sa araw na iyon, ang pinuno ng Israel ay maghahanda ng isang toro bilang handog para sa kasalanan niya at ng buong bayan. 23 Sa pitong araw na kapistahan, maghahanda siya araw-araw ng isang toro at isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin, at isang kambing na lalaki bilang handog naman para sa kasalanan. 24 Para sa isang toro o sa tupa, limang salop ng harina bilang handog na pagkaing butil, kasama ang apat na litrong langis.

25 “Ganito(Z) rin ang ihahanda sa pitong araw na Pista ng mga Tolda tuwing ika-15 araw ng ika-7 buwan, bilang handog para sa kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil.”

Ang Pinuno at ang mga Pista

46 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ang daanan sa gawing silangan papunta sa patyo sa loob ay mananatiling nakasara sa loob ng anim na araw ng paggawa at ibubukas lamang kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan. Ang pinuno ay papasok sa bulwagan at tatayo sa may poste ng tarangkahan habang inihahandog ng pari ang handog na susunugin pati ang haing pangkapayapaan; doon lamang siya sasamba sa labas. Pagkatapos, lalabas siya ngunit iiwang bukás ang pinto hanggang sa gabi. Ang bayan naman ay sasamba kay Yahweh kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan ngunit doon lamang sila sa may pintuan. Kung Araw ng Pamamahinga, ang ihahandog ng pinuno ay anim na tupa at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. Para sa tupang lalaki ay limang salop ng handog na pagkaing butil, kasama ng apat na litrong langis. Ang para naman sa bawat kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod sa apat na litrong langis. Kung Pista ng Bagong Buwan, ang ihahandog niya'y isang toro, anim na tupa, at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. Sa bawat toro at tupang lalaki ay tiglimang salop ng handog na pagkaing butil. Ang para naman sa batang kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod pa sa apat na litrong langis. Ang pinuno ay sa bulwagan ng tarangkahan papasok at doon din lalabas.

“Pagsamba naman ng mga tao tuwing takdang kapistahan, lahat ng papasok sa pinto sa hilaga ay sa timog lalabas, at lahat ng pumasok sa timog ay sa hilaga lalabas. Walang pahihintulutang lumabas sa pintong pinasukan niya; lahat ay tuluy-tuloy. 10 Ang pinuno ay kasabay nilang papasok at lalabas ng templo.

11 “Tuwing kapistahan at bawat takdang panahon, ang handog na pagkaing butil ay limang salop ng harina para sa bawat toro o tupang lalaki, at ayon sa kakayanan naman para sa batang kordero, bukod sa apat na litrong langis. 12 Kung ang pinuno ay maghahain ng handog na susunugin o ng handog pangkapayapaan, bilang kusang handog, doon siya pararaanin sa pinto sa gawing silangan; gagawin niya ito kung Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, isasara ang pinto.

Ang mga Handog Araw-araw

13 “Tuwing umaga, maghahanda ng isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin. 14 Ito'y sasamahan ng isang salop ng handog na pagkaing butil, at 1 1/3 litrong langis na pangmasa sa harina. Ito ang inyong tuntunin ukol sa pang-araw-araw na handog kay Yahweh. 15 Araw-araw ay ganyan ang tupa, pagkaing butil at langis na inyong ihahandog.”

Ang Pinuno at ang Lupain

16 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kapag ang anak ng pinuno ay pinamanahan niya ng kanyang ari-arian, iyon ay mananatiling pag-aari ng anak. 17 Ngunit(AA) kapag binigyan ang isang alipin, ang ibinigay ay kanya lamang hanggang sa pagsapit ng Taon ng Paglaya. Paglaya niya, ibabalik niya sa pinuno ang ari-ariang ibinigay sa kanya pagkat iyon ay para sa mga anak nito. 18 Ang pinuno ay hindi dapat mangamkam ng ari-arian ng mga mamamayan. Ang ari-arian lamang niya ang maaari niyang ibigay sa kanyang mga anak. Sa gayon, maiiwasang agawan ng ari-arian ang sinuman sa aking mamamayan.”

Ang Lutuan ng mga Handog

19 Dinala ako ng lalaki sa hanay ng mga silid ng pari sa gawing timog at doo'y itinuro niya sa akin ang isang lugar sa gawing kanluran. 20 Sinabi niya sa akin, “Ang handog na pambayad sa kasalanan at ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pagkaing butil ay diyan lulutuin ng mga pari. Huwag itong ilalabas para hindi mapinsala ng kabanalan niyon ang mga tao.”

21 Dinala niya ako sa patyo sa labas, at ibinaybay sa apat na sulok nito. Sa bawat sulok ay may patyo; 22 maliit at pare-pareho ang laki. Dalawampung metro ang haba ng bawat isa, at labinlimang metro naman ang luwang. 23 Napapaligiran ito ng mababang pader at may apuyan sa tabi. 24 Sinabi niya sa akin, “Dito naman lulutuin ng mga katulong ang handog ng mga mamamayan.”

Ang Batis mula sa Templo

47 Bumalik(AB) kami sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito'y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo'y paharap sa silangan. Ang agos ay nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan.

Nagtuloy kami sa gawing silangan; may hawak siyang panukat. Sumukat siya ng 500 metro. Pagkatapos, lumusong kami sa tubig na hanggang bukung-bukong. Sumukat muli siya ng 500 metro at umabot ito hanggang tuhod. Sumukat siyang muli ng 500 metro at nang lumusong kami sa tubig, ito'y hanggang baywang. Sumukat uli siya ng 500 metro ngunit iyon ay isa nang ilog at hindi na ako makalusong. Malalim ang tubig at kailangang languyin upang matawid. Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, tandaan mo ang lugar na ito.”

Naglakad kami sa pampang ng nasabing ilog. Nang ako'y pabalik na, nakita ko ang makapal na puno sa magkabilang pampang ng ilog. Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay. Pag-abot nito sa Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos nito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. 10 Pupuntahan ito ng mga mangingisda. Ang En-gedi hanggang En-eglain ay magiging lugar ng pangisdaan sapagkat iba't ibang uri ang isda rito, tulad ng nasa Dagat Mediteraneo. 11 Ngunit ang mga latian ay mananatiling maalat para may makunan ng asin. 12 Sa(AC) magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga sapagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.