Bible in 90 Days
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.
Sumbat sa Bayan ng Diyos
2 Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan,
sapagkat si Yahweh ay nagsasalita,
“Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak,
ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
3 Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo;
ngunit hindi ako nakikilala ng Israel,
hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”
4 Bansang makasalanan,
mga taong puno ng kasamaan,
mga anak ng masasamang tao,
mga anak ng katiwalian!
Itinakwil ninyo si Yahweh,
nilait ang Banal na Diyos ng Israel
at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.
5 Bakit patuloy kayong naghihimagsik?
Nais ba ninyong laging pinaparusahan?
Ang isip ninyo'y gulung-gulo,
ang damdamin ninyo'y nanlulumo.
6 Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa;
katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat.
Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda,
at wala man lamang gamot na mailagay.
7 Sinalanta ang inyong bayan,
tupok ang inyong mga lunsod,
sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain,
at winasak ang mga ito sa inyong harapan.
8 Ang Jerusalem lang ang natira,
parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan,
parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino,
parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban.
9 Kung(B) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi,
tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.
10 Mga pinuno ng Israel,
pakinggan ninyo si Yahweh!
Ang inyong mga gawa ay kasinsama
ng sa Sodoma at Gomorra.
Kaya't pakinggan ninyo at pag-aralan
ang katuruan ng Diyos ng ating bayan.
11 “Walang(C) halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog.
Sawa na ako sa mga tupang sinusunog
at sa taba ng bakang inyong inihahandog;
hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro,
mga kordero at mga kambing.
12 Sinong nag-utos sa inyo na maghandog sa harap ko?
Huwag na ninyong lapastanganin ang aking templo.
13 Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga;
nasusuklam ako sa usok ng insenso.
Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon,
kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga;
ang mga ito'y walang saysay dahil sa inyong mga kasalanan.
14 “Labis akong nasusuklam
sa inyong pagdiriwang ng Pista ng Bagong Buwan at ng iba pang kapistahan;
sawang-sawa na ako sa mga iyan
at hindi ko na matatagalan.
15 Kapag kayo'y nanalangin sa akin,
hindi ko kayo papansinin;
kahit na kayo'y manalangin nang manalangin,
hindi ko kayo papakinggan
sapagkat marami na ang inyong pinaslang.
16 Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin;
sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
17 Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran;
pairalin ang katarungan;
tulungan ang naaapi;
ipagtanggol ninyo ang mga ulila,
at tulungan ang mga biyuda.
18 “Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh.
Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan,
kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
19 Kung susundin ninyo ang aking sinasabi,
tatamasahin ninyo ang ani ng inyong lupain.
20 Ngunit kung susuway kayo at maghihimagsik,
tiyak na kayo'y mamamatay.
Ito ang mensahe ni Yahweh.
Ang Makasalanang Lunsod
21 “Ang Jerusalem na dating tapat sa akin,
ngayo'y naging isang masamang babae.
Dati'y puspos siya ng katarungan at katuwiran!
Ngayon nama'y tirahan na ng mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging bato,
nahaluan ng tubig ang iyong alak.
23 Naging suwail ang iyong mga pinuno,
kasabwat sila ng mga magnanakaw;
tumatanggap ng mga suhol at mga regalo;
hindi ipinagtatanggol ang mga ulila;
at walang malasakit sa mga biyuda.”
24 Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel,
“Ibubuhos ko ang aking poot sa aking mga kaaway,
maghihiganti ako sa aking mga kalaban!
25 Paparusahan kita at lilinisin,
gaya ng pilak na pinadadaan sa apoy
at tinutunaw upang dumalisay.
26 Bibigyan kita uli ng mga tagapamahalang tulad noong una,
at ng mga tagapayo gaya noong simula,
pagkatapos ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran,
ang Lunsod na Matapat.”
27 Maliligtas ang Zion sa pamamagitan ng katarungan,
at kayong nagsisisi at nagbabalik-loob.
28 Mapupuksang lahat ang mga suwail at makasalanan,
malilipol ang mga tumalikod kay Yahweh.
29 Mapapahiya kayo dahil sa mga punongkahoy na inyong sinamba,
at sa mga halamanang itinuring ninyong banal.
30 Makakatulad ninyo'y mga nalalagas na dahon ng puno
at halamanang hindi na nadidilig.
31 Ang malalakas na tao'y matutulad sa mga tuyong kahoy,
mga gawa nila'y madaling magliliyab,
parehong matutupok,
sa apoy na walang makakapigil.
Kapayapaang Walang Hanggan(D)
2 Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:
2 Sa mga darating na araw,
ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh
ang magiging pinakamataas sa lahat ng bundok,
at mamumukod sa lahat ng burol,
daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
3 Maraming tao ang darating at sasabihin ang ganito:
“Umakyat tayo sa bundok ni Yahweh,
sa Templo ng Diyos ni Jacob,
upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan;
at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Zion magmumula ang kautusan,
at sa Jerusalem, ang salita ni Yahweh.”
4 Siya(E) ang mamamagitan sa mga bansa
at magpapairal ng katarungan sa lahat ng mga tao;
kaya't gagawin na nilang araro ang kanilang mga tabak,
at karit naman ang kanilang mga sibat.
Mga bansa'y di na mag-aaway
at sa pakikidigma'y di na magsasanay.
5 Halina kayo, sambahayan ni Jacob,
lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh.
Wawakasan ang Kapalaluan
6 Itinakwil mo ang lahi ni Jacob na iyong bayan,
sapagkat ang lupain ay punô ng mga salamangkero[a] mula sa silangan
at ng mga manghuhula gaya ng mga Filisteo;
nakikibagay sila sa kaugalian ng mga dayuhan.
7 Sagana ang kanilang lupain sa ginto at pilak,
at walang pagkaubos ang kanilang kayamanan.
Sa buong lupai'y maraming kabayo,
at hindi mabilang ang kanilang mga karwahe.
8 Punô ng diyus-diyosan ang kanilang bayan;
mga rebultong gawa lamang, kanilang niyuyukuran,
mga bagay na inanyuan at nililok lamang.
9 Kaya ang mga tao ay hahamakin at mapapahiya;
huwag mo silang patatawarin!
10 Magtatago(F) sila sa mga yungib na bato at sa mga hukay
upang makaiwas sa poot ni Yahweh, at sa kaluwalhatian ng kanyang karangalan.
11 Pagdating ng araw ni Yahweh,
ang mga palalo ay kanyang wawakasan,
itong mga mayayabang, kanya ring paparusahan;
pagkat si Yahweh lamang ang bibigyang kadakilaan.
12 Sapagkat si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay may itinakdang araw,
laban sa lahat ng palalo at mayabang,
laban sa lahat ng mapagmataas;
13 laban sa lahat ng nagtataasang sedar ng Lebanon,
at laban sa lahat ng malalaking punongkahoy sa Bashan;
14 laban sa lahat ng matataas na bundok
at mga burol;
15 laban sa lahat ng matataas na tore
at matitibay na pader;
16 laban sa mga malalaking barko,
at magagandang sasakyang dagat.
17 Pagdating ng araw na iyon, ang mga palalo ay papahiyain,
at ang mga maharlika ay pababagsakin,
pagkat si Yahweh lamang ang dapat dakilain,
18 at mawawala ang lahat ng diyus-diyosan.
19 Magtatago ang mga tao sa mga yungib na bato
at sa mga hukay sa lupa,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh;
at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
20 Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at paniki,
ang mga rebultong yari sa ginto at pilak
na ginawa nila upang kanilang sambahin.
21 Magtatago sila sa mga yungib na bato
at sa mga bitak ng matatarik na burol,
upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh
at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan,
kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig.
22 Huwag ka nang magtitiwala sa kapangyarihan ng tao.
Siya ay hininga lamang, at tiyak maglalaho.
Ano nga ba ang maitutulong niya sa iyo?
Kaguluhan sa Jerusalem
3 Aalisin na ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
sa Jerusalem at sa Juda
ang lahat nilang ikinabubuhay at pangangailangan:
ang tinapay at ang tubig;
2 ang magigiting na bayani at ang mga kawal;
ang mga hukom at mga propeta,
ang mga manghuhula at ang matatandang pinuno;
3 ang mga opisyal ng sandatahang lakas
ang mga pinuno ng pamahalaan;
ang kanilang mga tagapayo, at ang mahuhusay na salamangkero,
gayundin ang mga bihasa sa mga agimat.
4 Ang mamumuno sa kanila'y mga musmos na bata,
mga sanggol ang sa kanila'y mamamahala.
5 Aapihin ng bawat tao ang kanyang kapwa,
hindi igagalang ng kabataan ang matatanda,
maging ang hamak ay lalaban sa nakatataas sa kanya.
6 Darating ang araw na pupuntahan ng isang tao
ang kanyang kapatid sa mismong bahay ng kanilang ama upang sabihin:
“Mayroon kang balabal kaya ikaw na ang mamuno sa amin,
ikaw na ang mamahala sa gumuho nating kabuhayan.”
7 Ngunit tututol ito at sasabihin:
“Hindi ko kayo matutulungan;
wala kahit tinapay o balabal sa aking bahay.
Huwag ninyo akong pamahalain sa ating bayan.”
8 Gumuho na ang Jerusalem at bumagsak na ang Juda,
sapagkat sumuway sila kay Yahweh, sa salita at sa gawa,
nilapastangan nila ang kanyang maningning na kalagayan.
9 Ang pagkiling nila sa iba ay katibayan laban sa kanila.
Gaya ng Sodoma, hayagan sila kung magkasala.
Hindi nila ito itinatago!
Kawawang mga tao!
Sila na rin ang nagpahamak sa kanilang sarili.
10 Sabihin ninyo sa mga taong matuwid: “Mapalad kayo
sapagkat mapapakinabangan ninyo ang bunga ng inyong pinagpaguran!”
11 At sa masasamang tao: “Kawawa naman kayo! Ang sasapitin ninyo'y kapahamakan,
kung ano ang inyong inutang ay siya ring kabayaran, kung ano ang inyong ginawa, gayundin ang gagawin sa inyo.”
12 Mga bata ang umaapi sa aking bayan;
mga babae ang namumuno sa kanila.[b]
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
nililito nila kayo sa daang inyong nilalakaran.
Hinatulan ng Diyos ang Kanyang Bayan
13 Nakahanda na si Yahweh upang ibigay ang kanyang panig,
nakatayo na siya upang hatulan ang kanyang bayan.[c]
14 Ipapataw na ni Yahweh ang kanyang hatol sa matatanda
at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Ubasan ng mahihirap inyong sinamsam,
inyong mga tahanan puro nakaw ang laman.
15 Bakit ninyo inaapi ang aking bayan
at sinisikil ang mahihirap?” Ito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.
Babala sa Kababaihan ng Jerusalem
16 At sinabi ni Yahweh,
“Palalo ang mga anak na babae ng Jerusalem,
taas-noo kung lumakad,
pasulyap-sulyap kung tumingin,
pakendeng-kendeng kung humakbang,
at pinakakalansing pa ang mga alahas sa paa.
17 Dahil diyan, pagsusugatin ni Yahweh
ang kanilang ulo hanggang sa sila'y makalbo.”
18 Sa araw na iyon, aalisin ni Yahweh ang mga alahas niya sa paa, ulo at leeg; 19 ang mga kuwintas, pulseras at bandana; 20 ang mga alahas sa buhok, braso, baywang, mga sisidlan ng pabango at mga agimat; 21 ang mga singsing sa daliri at sa ilong; 22 ang mamahaling damit, balabal, kapa at pitaka; 23 ang maninipis nilang damit, mga kasuotang lino, turbante, at belo.
24 Ang dating mabango ay aalingasaw sa baho,
lubid ang ibibigkis sa halip na mamahaling sinturon;
ang maayos na buhok ay makakalbo,
ang magagarang damit ay papalitan ng sako;
ang kagandahan ay magiging kahihiyan.
25 Mamamatay sa tabak ang inyong mga kalalakihan,
at ang magigiting ninyong kawal sa digmaan.
26 Magkakaroon ng panaghoy at iyakan sa mga pintuang-lunsod,
at ang mismong lunsod ay matutulad sa isang babaing hubad na nakalupasay sa lupa.
4 Sa araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila: “Kami na ang bahala sa aming kakainin at isusuot na damit; pakasalan mo lamang kami para mawala ang kahihiyang taglay namin sapagkat kami'y walang asawa.”
Muling Itatatag ang Jerusalem
2 Pagdating ng araw na iyon, pasasaganain at pauunlarin ni Yahweh ang lahat ng nanatiling tapat sa kanyang bayan, at ang bunga ng lupain ay magiging dangal at hiyas ng mga nakaligtas na tao sa Israel. 3 Tatawaging banal ang mga matitirang buháy sa Jerusalem, silang mga pinili ng Diyos upang mabuhay. 4 Sa pamamagitan ng makatarungang paghatol, huhugasan ni Yahweh ang karumihan ng Jerusalem at ang dugong nabuhos doon. 5 Pagkatapos,(G) lilikha si Yahweh ng isang ulap kung araw na lililim sa Bundok ng Zion at sa mga nagkakatipon roon at magiging maliwanag na ningas kung gabi. Lalaganap ang kanyang kaluwalhatian gaya ng isang malawak na bubong na 6 magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan kapag may bagyo at ulan.
Awit tungkol sa Ubasan
5 Mayroong(H) ubasan ang aking sinta,
sa libis ng bundok na lupa'y mataba,
kaya ako'y aawit para sa kanya.
2 Hinukay niya ang lupa at inalisan ng bato,
mga piling puno ng mabuting ubas ang kanyang itinanim dito.
Sa gitna'y nagtayo siya ng isang bantayan
at nagpahukay pa ng balong pisaan.
Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsipagbunga,
ngunit bakit ang kanyang napitas ay maasim ang lasa?
3 Kaya ngayon, mga taga-Jerusalem
at mga taga-Juda,
kayo ang humatol sa akin at sa aking ubasan.
4 Ano pa ba ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan?
Bakit nang ako'y mamitas ng bunga,
ang aking nakuha ay maasim ang lasa?
5 Kaya ganito ang gagawin ko sa aking ubasan:
Puputulin ko ang mga halamang nakapaligid dito
at wawasakin ang bakod.
Ito'y kakainin at sisirain ng mga hayop.
6 Pababayaan ko itong malubog sa mga tinik at damo;
hindi ko babawasan ng labis na dahon at sanga,
hindi ko bubungkalin ang paligid ng mga puno nito;
at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
7 Ang ubasang ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ay walang iba kundi ang bayang Israel,
at ang bayan ng Juda ang mga puno ng ubas na kanyang itinanim.
Umasa siyang gagawa ito ng makatarungan,
ngunit sa halip ay naging mamamatay-tao,
inasahan niyang paiiralin nito'y katuwiran,
ngunit panay pang-aapi ang kanilang ginawa.
Ang Kasamaan ng Tao
8 Kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay
at malawak na mga bukirin,
hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao,
at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain.
9 Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat:
Maraming tirahan ang mawawasak;
malalaki at magagandang mga tahanan, sira at wasak na ito'y iiwan.
10 Sa bawat walong ektaryang ubasan, dalawampu't dalawang litrong alak lamang ang makukuha;
sa bawat sampung kabang inihasik, limang salop lamang ang aanihin.
11 Kawawa(I) ang maaagang bumangon
na nagmamadali upang makipag-inuman;
inaabot sila ng hatinggabi
hanggang sa malasing!
12 Tugtog ng lira sa saliw ng alpa;
tunog ng tamburin at himig ng plauta;
saganang alak sa kapistahan nila;
ngunit mga ginawa ni Yahweh ay hindi nila inunawa.
13 Kaya nga ang bayan ko ay dadalhing-bihag ng hindi nila nalalaman;
mamamatay sa gutom ang kanilang mga pinuno,
at sa matinding uhaw, ang maraming tao.
14 Ang daigdig ng mga patay ay magugutom;
ibubuka nito ng maluwang
ang kanyang bibig.
Lulunukin nito ang mga maharlika ng Jerusalem,
pati na ang karaniwang tao na nagkakaingay.
15 Ang lahat ng tao'y mapapahiya,
at ang mayayabang ay pawang ibababa.
16 Ngunit si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, pupurihin siya sa hatol niyang matapat,
at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal.
17 Sa gayon, sa tabi ng mga guho ay manginginain
ang mga tupa at mumunting kambing.
18 Kawawa kayo, mga makasalanan na walang ginawa kundi humabi ng kasinungalingan;
hindi kayo makakawala sa inyong kasamaan.
19 Sinasabi ninyo: “Pagmadaliin natin ang Diyos
upang ating makita ang kanyang pagkilos;
maganap na sana ang plano ng Banal na Diyos ng Israel,
nang ito'y malaman natin.”
20 Kawawa kayo, mga baligtad ang isip!
Ang mabuting gawa ay minamasama,
at minamabuti naman iyong masama,
ang kaliwanaga'y ginagawang kadiliman
at ang kadilima'y itinuturing na kaliwanagan.
Sa lasang mapait ang sabi'y matamis,
sa lasang matamis ang sabi'y mapait.
21 Kawawa rin kayo, mga nag-aakalang kayo'y marurunong,
at matatalino sa inyong sariling palagay!
22 Mga bida sa inuman, kawawa kayo!
Mahuhusay lang kayo sa pagtitimpla ng alak;
23 dahil sa suhol, pinapalaya ang may kasalanan,
at sa taong matuwid ipinagkakait ang katarungan.
24 Kaya kung paanong ang dayami ng trigo at ang tuyong damo ay sinusunog ng apoy,
gayundin ang bulaklak nila'y parang alikabok na papaitaas;
at ang ugat nila'y dagling mabubulok.
Sapagkat tinalikuran nila ang batas ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
at ang salita ng Banal na Diyos ng Israel ay kanilang binaliwala.
25 Kaya dahil sa laki ng galit ni Yahweh, paparusahan niya ang kanyang sariling bayan.
Mayayanig ang mga bundok;
mga bangkay ay mangangalat na parang mga basurang
sa lansanga'y sasambulat.
Ngunit ang poot niya'y hindi pa mawawala,
kanyang mga kamay handa pa ring magparusa.
26 Huhudyatan niya ang isang malayong bansa,
tatawagin niya ito mula sa dulo ng lupa;
at mabilis naman itong lalapit.
27 Isa man sa kanila'y hindi mapapagod
o makakatulog o madudulas;
walang pamigkis na maluwag
o lagot na tali ng sandalyas.
28 Matutulis ang kanilang panudla,
at nakabanat ang kanilang mga pana;
ang kuko ng kanilang kabayo'y sintigas ng bakal
at parang ipu-ipo ang kanilang mga karwahe.
29 Ang sigawan nila'y parang atungal ng batang leon,
na nakapatay ng kanyang biktima
at dinala ito sa malayong lugar na walang makakaagaw.
30 Sa araw na iyon ay sisigawan nila ang Israel
na parang ugong ng dagat.
At pagtingin nila sa lupain,
ito'y balot ng dilim at pighati;
at ang liwanag ay natakpan na ng makapal na ulap.
Ang Pagtawag kay Isaias Upang Maging Propeta
6 Noong(J) taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo. 2 May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. 3 Sinasabi(K) nila sa isa't isa ang ganito:
“Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!
Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”
4 Sa(L) lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok. 5 Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!”
6 Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin. 7 Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.” 8 At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!” 9 At(M) sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga tao:
‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa;
tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita.’
10 Papurulin mo ang kanilang kaisipan,
kanilang pandinig iyo ring takpan,
bulagin mo sila upang hindi makakita,
upang sila'y hindi makarinig, hindi makakita, at hindi makaunawa.
Kundi'y baka magbalik-loob sila at sila'y pagalingin ko pa.”
11 Itinanong ko: “Hanggang kailan po, Panginoon?” Ganito ang sagot niya:
“Hanggang ang mga lunsod ay mawasak at mawalan ng tao,
hanggang sa wala nang nakatira sa mga tahanan,
at ang lupain ay matiwangwang;
12 hanggang sa ang mga tao'y itapon ni Yahweh sa malayong lugar,
at ang malawak na lupain ay wala nang pakinabang.
13 Matira man ang ikasampung bahagi ng mga tao,
sila rin ay mapupuksa,
parang pinutol na puno ng ensina,
na tuod lamang ang natira.
Ang tuod na iyan ay tanda ng isang bagong simula para sa bayan ng Diyos.”
Unang Babala kay Ahaz
7 Nang(N) ang hari ng Juda ay si Ahaz, anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang Jerusalem ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria, at ng hari ng Israel na si Peka, anak ni Remalias, ngunit hindi sila nagtagumpay. 2 Nang mabalitaan ng sambahayan ni David na nagkasundo na ang Siria at ang Efraim, ang hari at ang buong bayan ay nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin.
3 Sinabi ni Yahweh kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Yasub[d] at salubungin ninyo si Ahaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa tipunan ng tubig sa itaas, sa daang patungo sa dakong Bilaran ng Tela. 4 Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Huwag matakot at mabagabag. Huwag kang masisiraan ng loob dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ni Peka na anak ni Remalias; ang dalawang iyon ay parang dalawang putol ng kahoy na umuusok ngunit walang apoy.’ 5 Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:
6 ‘Lusubin natin ang Juda,
at sakupin ang Jerusalem.
Gagawin nating hari doon ang anak ni Tabeel.’
7 Ngunit sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi ito mangyayari.
8 Sapagkat ang Siria'y mas mahina kaysa Damasco na punong-lunsod niya,
at ang Damasco'y mas mahina kaysa kay Haring Rezin.
Ang Israel naman ay mawawasak sa loob ng animnapu't limang taon,
at hindi na ito ibibilang na isang bayan.
9 Malakas pa kaysa Israel ang lunsod ng Samaria na punong-lunsod nito,
at ang Samaria ay mas mahina kaysa kay Haring Peka.
Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Diyos.”
Ang Palatandaan ng Emmanuel
10 Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz: 11 “Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit.” 12 Ngunit sinabi ni Ahaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh.”
13 At sinabi ni Isaias:
“Makinig kayo, sambahayan ni David!
Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao,
at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok?
14 Dahil(O) dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga[e]
at magsisilang ng isang sanggol na lalaki
at tatawagin sa pangalang Emmanuel.[f]
15 Gatas at pulot ang kanyang kakainin
kapag marunong na siyang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti.
16 Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama
at gumawa ng mabuti,
ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin.
17 Ikaw at ang iyong bayan, pati na ang sambahayan ng iyong ama
ay ipapasakop ni Yahweh sa hari ng Asiria.
Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi mo pa nararanasan
mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda.
18 Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga Egipcio
na parang mga langaw mula sa malalayong batis ng Ilog Nilo,
at ang mga taga-Asiria na gaya ng mga pukyutan.
19 Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin,
sa mga lungga ng malalaking bato,
at sa lahat ng dawagan at mga pastulan.
20 Sa araw na iyon, ang Panginoon ay uupa
ng mang-aahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates—ang hari ng Asiria!
Aahitin niya ang buhok mo sa ulo pati na ang iyong balbas
at gayundin ang balahibo mo sa buong katawan.
21 Sa araw na iyon ang bawat tao ay mag-aalaga
ng isang dumalagang baka at dalawang tupa.
22 Sa dami ng gatas na makukuha,
ang lahat ng natira sa lupain ay mabubuhay sa gatas at pulot.
23 Sa panahong iyon ang ubasang noo'y may isang libong punong ubas
na nagkakahalaga ng isang libong salaping pilak
ay magiging dawagan at puro tinikan.
24 May dalang palaso at pana ang papasok doon,
sapagkat ang buong lupain ay mapupuno ng mga tinik at dawag.
25 Wala nang pupunta doon upang magbungkal ng lupa
sapagkat mga tinik ay sanga-sanga na.
Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.”
Babala at Pag-asa
8 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Kumuha ka ng isang malapad na tapyas ng bato at isulat mo sa malalaking letra ang mga sumusunod: ‘Kay Maher-salal-has-baz.’[g] 2 Ikuha mo ako ng dalawang saksing mapagkakatiwalaan: ang paring si Urias at si Zacarias na anak ni Jeberequias.”
3 Sinipingan ko ang aking asawa. Siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh: “Ang ipangalan mo sa kanya'y Maher-salal-has-baz. 4 Sapagkat bago pa siya matutong tumawag ng ‘Tatay’ o ‘Nanay,’ ang kayamanan ng Damasco at ang mga nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria.”
5 Sinabi pa sa akin ni Yahweh:
6 “Sapagkat tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na umaagos nang banayad,
at nangangatog[h] sila sa harapan ni Rezin, at ng anak ni Remalias;
7 ipadadala sa kanila ng Panginoon ang hari ng Asiria at ang kanyang mga hukbo,
na lulusob tulad ng malakas na agos ng Ilog Eufrates.
8 Parang baha ito na aagos sa Juda,
tataas ang tubig nang hanggang leeg, at lalaganap ito sa buong lupain mo, O Emmanuel.”
9 Magsama-sama man kayo mga bansa ay mawawasak din kayo!
Makinig kayo, mga bansang nasa malalayong dako.
Maghanda man kayo sa pakikipaglaban ay matatakot din kayo.
10 Magplano man kayo, tiyak na kayo'y mabibigo;
magpulong man kayo, wala ring mangyayari,
sapagkat ang Diyos ay kasama namin.
Binalaan ni Yahweh ang Propeta
11 Sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, binalaan ako ni Yahweh
na huwag kong sundan ang mga landas na dinadaanan ng mga taong ito.
12 Sinabi(P) niya, “Huwag kayong maniwala sa sabwatan na sinasabi ng bansang ito;
huwag kayong matakot sa kanilang kinatatakutan.
13 Ngunit si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang dapat ninyong kilalanin bilang Banal.
Siya ang dapat ninyong igalang at dapat katakutan.
14 Sa(Q) dalawang kaharian ng Israel,
siya'y magiging isang santuwaryo, isang batong katitisuran;
bitag at patibong para sa mga naninirahan sa Jerusalem.
15 Dahil sa kanya, marami ang babagsak, mabubuwal at masusugatan;
marami rin ang masisilo at mahuhulog sa bitag.”
Babala Laban sa Pagsangguni sa Patay
16 Ingatan mo at pagtibayin ang mensaheng ito para sa aking mga alagad.
17 Maghihintay(R) ako kay Yahweh na tumalikod sa sambahayan ni Jacob;
at sa kanya ako aasa.
18 Ako(S) at ang mga anak na kaloob sa akin ni Yahweh
ay palatandaan at sagisag sa Israel,
mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na naninirahan sa Bundok ng Zion.
19 Kapag may nagsabi sa inyo: “Sumangguni kayo sa mga espiritu ng namatay at sa mga manghuhula.
Hindi ba dapat sumangguni ang mga tao sa kanilang diyos at patay para sa mga buháy?”
20 Ganito ang inyong isasagot, “Nasa inyo ang aral at tagubilin ng Diyos!
Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu,
ipapahamak lang kayo ng mga iyon.”
Panahon ng Kaguluhan
21 Maglalakbay sila sa lupain na pagod na pagod at gutom na gutom,
magwawala sila dahil sa gutom at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang diyos.
Titingala sila sa langit
22 at igagala nila ang kanilang mata sa lupa,
ngunit wala silang makikita kundi kaguluhan at kadiliman;
isang nakakatakot na kadiliman kung saan sila itatapon.
Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan
9 Ngunit(T) napawi na ang dilim sa bayang matagal nang namimighati. Noong mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil!
2 Nakakita(U) ng isang maningning na liwanag
ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman;
sumikat na ang liwanag
sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim.
3 Pinasigla mo ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Nagagalak sila na parang panahon ng anihan,
at parang mga taong naghahati-hati sa nasamsam na kayamanan.
4 Sapagkat binali mo ang pamatok ng kahirapan
at mga bigatin sa kanilang balikat ay pinasan.
Pamalo ng mga mang-aapi, iyong binali
tulad sa Midian na iyong ginapi.
5 Ang panyapak ng mga mandirigma,
at ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
6 Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin.
Ibibigay sa kanya ang pamamahala;
at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo,
Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama,
Prinsipe ng Kapayapaan.
7 Magiging(V) malawak ang kanyang kapangyarihan
at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian.
Itatatag niya ito at pamamahalaan
na may katarungan at katuwiran
mula ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Paparusahan ng Diyos ang Israel
8 Nagsalita ang Panginoon laban kay Jacob,
sa kaharian ng Israel.
9 Malalaman ito ng lahat ng tao sa Efraim
at ng lahat ng naninirahan sa Samaria,
ngunit dahil sila'y pangahas at tunay na palalo, sila ay nagsabi ng ganito:
10 “Gumuho man ang mga gusaling yari sa tisa,
magtatayo naman kami ng gusaling yari sa bato.
Maubos man ang mga punong sikamoro,
papalitan namin ng sedar ang mga ito.”
11 Kaya sila'y ipasasalakay ni Yahweh
sa kanilang mga kaaway.
12 Ang Israel ay sasakmalin ng Siria mula sa silangan
at ng mga Filisteo mula sa kanluran,
ngunit hindi pa rin mawawala ang matindi niyang galit,
at patuloy pa niyang paparusahan ang bayang Israel.
13 Ngunit hindi pa rin magsisisi ang bayan kahit na sila'y parusahan,
ayaw talaga nilang magbalik-loob kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
14 Kaya sa loob lamang ng isang araw ay paparusahan ni Yahweh ang mga pinuno't mamamayan ng Israel;
para silang hayop na pinutulan ng ulo't buntot.
15 Ang ulo'y ang matatandang pinuno na iginagalang,
at ang buntot nama'y mga propetang bulaan.
16 Iniligaw ng kanilang mga pinuno ang bayang ito
kaya ang mga tagasunod nila ay nagkakagulo.
17 Dahil dito, hindi kinalugdan ng Panginoon ang kanilang mga kabataang lalaki,
hindi niya kinahabagan ang kanilang mga ulila at biyuda.
Lahat sila'y walang kinikilalang diyos at masasama;
pawang kahangalan ang kanilang sinasabi.
Sa lahat ng ito'y hindi mawawala ang matindi niyang galit,
patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.
18 Ang kasamaan ay naglalagablab na parang apoy
at sumusunog sa mga tinik at dawag;
tutupukin nito ang masukal na gubat
at papailanlang ang makapal na usok.
19 Susunugin ang buong lupa
dahil sa poot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
at ang mga tao'y parang mga panggatong sa apoy
at walang ititira sa kanyang kapwa.
20 Susunggaban nila ang anumang pagkaing kanilang makikita,
gayunma'y hindi sila mabubusog,
kakainin din nila kahit laman ng kanilang mga anak.
21 Magsasagupaan ang mga naninirahan sa Manases at Efraim
at pagkatapos ay pagtutulungan ang Juda;
ngunit hindi pa rin mawawala ang matinding poot ni Yahweh.
Patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.
10 Mapapahamak kayo, mga gumagawa ng hindi makatarungang batas na umaapi sa mga tao,
2 upang pagkaitan ng katarungan ang mga nangangailangan,
upang alisan ng karapatan ang mahihirap,
at upang pagsamantalahan ang mga biyuda at ulila.
3 Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa,
pagdating ng pagkawasak na magmumula sa malayo?
Kanino kayo lalapit upang humingi ng tulong,
at kanino ninyo iiwanan ang inyong kayamanan,
4 upang hindi kayo mabilanggo, o mamatay sa labanan?
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nawawala ang kanyang poot;
patuloy niyang paparusahan ang kanyang bayan.
Ang Layunin ng Diyos at ang Hari ng Asiria
5 Ikaw(W) Asiria ang gagamitin kong pamalo—
ang tungkod ng aking pagkapoot.
6 Isusugo ko siya laban sa isang bayang walang diyos,
isang bayang kinapopootan ko,
upang ito'y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman
at tapakang parang putik sa lansangan.
7 Ngunit hindi ganito ang binabalak ng hari ng Asiria,
wala nga ito sa isipan niya.
Ang layunin niya'y wasakin ang maraming bansa.
8 Ang sabi niya:
“Hindi ba't pawang hari ang aking mga pinuno?
9 Ano ang pagkakaiba ng Calno sa Carquemis?
Ng Hamat sa Arpad,
at ng Samaria sa Damasco?
10 Kung paanong pinarusahan ko ang mga kahariang sumasamba sa mga diyus-diyosan;
na higit na marami ang mga larawang inanyuan kaysa naroon sa Jerusalem at Samaria,
11 hindi ko rin ba gagawin sa Jerusalem at sa mga diyus-diyosan nito,
ang ginawa ko sa Samaria at sa mga imahen nito?”
12 Ngunit kapag natapos na ni Yahweh ang kanyang layunin sa Bundok Zion at sa Jerusalem, paparusahan niya ang hari ng Asiria dahil sa kanyang kayabangan, kataasan at kapalaluan.
13 Sapagkat ang sabi niya:
“Nagawa ko iyan dahil sa taglay kong lakas at karunungan,
inalis ko ang hangganan ng mga bansa,
at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan;
ibinagsak ko sa lupa ang mga nakaupo sa trono.
14 Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang nasa isang pugad.
Tinipon ko ang buong lupa
tulad ng pagtipon sa mga itlog na iniwanan,
wala man lamang pakpak na nagbalak lumipad,
walang bibig na bumubuka o huning narinig.”
15 Mas magaling pa ba ang palakol kaysa taong may hawak nito?
Mas mahalaga ba ang lagari kaysa taong gumagamit nito?
Ang tungkod pa ba ang bubuhat sa may hawak nito?
16 Kaya nga padadalhan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
ng mapaminsalang sakit ang magigiting niyang mandirigma,
at sa ilalim ng kanilang mga kasuotan, mag-aapoy sa init ang kanilang katawan,
parang sigang maglalagablab nang walang katapusan.
17 Ang ilaw ng Israel ay magiging apoy,
ang Banal na Diyos ay magniningas,
at susunugin niya sa loob ng isang araw
maging ang mga tinik at dawag.
18 Wawasakin niya ang kanyang mga gubat at bukirin,
kung paanong winasak ng sakit ang katawan at kaluluwa ng tao.
19 Ilan lamang ang matitirang punongkahoy sa gubat,
ang mga ito'y mabibilang kahit ng isang batang musmos.
Ang Pagbabalik ng mga Natirang Sambahayan ng Israel
20 Sa araw na iyon ang matitira sa bansang Israel at Juda ay hindi na aasa sa mga nagpahirap sa kanila. Kay Yahweh lamang, sa Banal na Diyos ng Israel, sila mananalig nang buong katapatan. 21 Ang mga natira sa sambahayan ni Jacob ay magbabalik sa Diyos na Makapangyarihan, 22 sapagkat(X) kung sindami man ng buhangin sa dagat ang mga Israelita, ilan lamang ang makakabalik. Nakatakda na ang pagwasak sa iyo ayon sa nararapat. 23 Sa takdang panahon, ang buong bansa ay wawakasan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.
24 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon: “O bayan kong naninirahan sa Zion, huwag kang matakot sa mga taga-Asiria kung ikaw ma'y hampasin nila o pahirapan tulad ng ginawa sa iyo ng mga taga-Egipto. 25 Sapagkat hindi magtatagal at lilipas na ang galit ko sa iyo, at sa kanila ko ibabaling ang aking poot. 26 At hahagupitin ko sila tulad ng puksain ko ang mga Midianita sa Bato ng Oreb. Itataas ko ang aking tungkod sa ibabaw ng dagat tulad ng ginawa ko sa mga taga-Egipto. 27 Sa araw na iyon aalisin sa iyong balikat ang pahirap na ginagawa ng Asiria at wawasakin na ang pamatok sa iyong leeg.”
Sumalakay siya buhat sa Rimon.
28 At nakarating na sa Aiat,[i]
lumampas na siya sa Migron
at iniwan sa Micmas ang kanyang dala-dalahan.
29 Nakatawid na sila sa tawiran,
at sa Geba magpapalipas ng gabi.
Nanginginig ang mga taga-Rama
at tumakas na ang mga taga-Gibea na kababayan ni Saul.
30 Sumigaw kayo ng malakas, mga taga-Galim!
Makinig kayo, mga taga-Laisa;
sumagot kayo, taga-Anatot!
31 Tumatakas na ang Madmena,
nag-alisan na ang mga taga-Gebim para sa kanilang kaligtasan.
32 Sa araw na ito darating sa Nob ang kaaway,
ibinigay na niya ang hudyat
na salakayin ang Bundok ng Zion,
ang Burol ng Jerusalem.
33 Masdan ninyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon!
Sa pamamagitan ng nakakapangilabot na lakas,
ibubuwal niya ang pinakamatataas na puno.
Ibinabagsak niya ang mga palalo.
34 Ibinubuwal niya ang mga punongkahoy sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol,
bagsak na ang Lebanon at ang matatayog nitong punongkahoy.
Ang Mapayapang Kaharian
11 Naputol(Y) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.
2 Mananahan sa kanya ang Espiritu[j] ni Yahweh,
ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
ng mabuting payo at kalakasan,
kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
3 Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
o magpapasya batay sa kanyang narinig.
4 Ngunit(Z) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
5 Maghahari(AA) siyang may katarungan,
at mamamahala ng may katapatan.
6 Maninirahan(AB) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
8 Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Walang(AC) mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
Ang Pagbabalik ng mga Itinapon
10 Sa(AD) araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse,
at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan.
11 Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon
upang pauwiin ang mga nalabi sa kanyang bayan na mga bihag sa Asiria, sa Egipto, sa Patros, sa Etiopia,[k] sa Elam,
sa Sinar, sa Hamat at sa mga pulo sa karagatan.
12 Magbibigay siya ng isang palatandaan sa mga bansa,
at titipunin niya ang mga anak nina Israel at Juda na itinapon sa ibang lupain.
Pauuwiin ang mga nangalat na anak ni Juda
mula sa apat na sulok ng daigdig.
13 Mapapawi na ang pagkainggit ng Israel,
at mapuputol na ang pagkamarahas ng Juda.
Hindi na maninibugho ang Israel sa Juda,
at hindi na kakalabanin ng Juda ang Israel.
14 Lulusubin nila ang mga Filisteo sa kanluran
at magkasama nilang sasamsamin ang ari-arian, ang mga bansa sa silangan;
sasakupin nila ang Edom at Moab,
at susundin sila ng mga Ammonita.
15 Tutuyuin(AE) ni Yahweh ang Dagat ng Egipto,
at magpapadala siya ng mainit na hangin
upang tuyuin ang Ilog Eufrates.
Ang matitira lang ay pitong maliliit na batis
na tatawiran ng mga tao.
16 At magkakaroon ng isang malapad na daan mula sa Asiria
para sa mga nalabi sa kanyang bayan,
kung paanong ang Israel ay may nadaanan
nang sila'y umalis mula sa Egipto.
Awit ng Pasasalamat
12 Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito:
“Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan,
sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon,
nawala na ang galit mo ngayon, at ako'y iyong inaliw.
2 Tunay(AF) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang aking tagapagligtas.
3 Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”
4 Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
5 Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
6 Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”
Paparusahan ng Diyos ang Babilonia
13 Narito(AG) ang isang pahayag mula sa Diyos tungkol sa Babilonia, sa isang pangitain na nakita ni Isaias na anak ni Amoz:
2 Itayo mo ang isang bandila sa tuktok ng burol,
isigaw sa mga kawal ang hudyat ng paglusob,
lusubin ang mga pintuan ng palalong lunsod.
3 Inutusan ko na ang aking mga piling kawal,
tinawagan ko na ang magigiting kong mandirigma. Malalakas sila at masisigla,
upang ipalasap ang aking galit.
4 Pakinggan ninyo ang nagkakagulong ingay sa kabundukan
dahil sa dami ng tao.
Pakinggan ninyo ang ugong ng mga kaharian,
ng mga bansang nagkakatipon!
Inihahanda na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang kanyang mga hukbo para sa isang digmaan.
5 Dumarating sila buhat sa malayong lupain,
buhat sa dulo ng daigdig.
Dumarating na si Yahweh,
upang wasakin ang buong lupain dahil sa kanyang poot.
6 Manangis(AH) kayo sapagkat malapit na ang araw ni Yahweh,
darating na ang araw ng pangwawasak ng Diyos na Makapangyarihan.
7 Sa araw na iyon, manghihina ang lahat ng kamay.
Manlulupaypay ang lahat ng tao,
8 ang lahat ng tao'y masisindak,
at manginginig sa takot,
makadarama sila ng paghihirap, tulad ng isang babaing manganganak.
Matatakot sila sa isa't isa;
mamumula ang kanilang mukha dahil sa kahihiyan.
9 Dumarating na ang araw ni Yahweh,
malupit ito at nag-aalab sa matinding poot,
upang wasakin ang lupain
at ang masasama ay lipulin.
10 Hindi(AI) na magniningning
ang liwanag ng mga bituin sa kalangitan,
magiging madilim ang araw sa pagsikat,
pati ang buwan ay hindi na magsasabog ng liwanag.
11 “Paparusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan nito,
at ang masasama dahil sa kanilang kasalanan;
wawakasan ko na ang pagmamataas ng mga palalo,
at puputulin ko na ang kayabangan ng mga walang awa.
12 Kaunti lamang ang ititira kong tao
at magiging mahirap pa silang hanapin kaysa gintong lantay na galing sa Ofir.
13 Kaya nga yayanigin ko ang kalangitan,
at ang lupa ay malilihis sa kinalalagyan nito,
sa araw na isinabog ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang kanyang matinding poot.
14 Parang usang hinahabol,
parang tupang walang pastol,
ang mga tao'y babalik sa kani-kanilang bayan,
sila ay tatakas pabalik sa sariling lupain.
15 Ang bawat mahuli'y papatayin sa pamamagitan ng tabak.
16 Sa harapan nila'y
luluray-lurayin ang kanilang mga sanggol,
lilimasin ang mga ari-arian sa kanilang mga tahanan,
at ang kanilang mga asawa'y pagsasamantalahan.”
17 Sinabi pa ni Yahweh,
“Ipasasalakay ko sila sa mga taga-Media,
mga taong walang pagpapahalaga sa pilak
at di natutukso sa ginto.
18 Papatayin nila sa pamamagitan ng pana ang mga kabataang lalaki,
hindi nila kahahabagan ang mga sanggol at mga bata.
19 Ang(AJ) Babilonia, na pinakamaganda sa mga kaharian,
ang kayamanang ipinagmamalaki ng mga taga-Babilonia,
ay pababagsakin ng Diyos
tulad sa Sodoma at Gomorra.
20 Wala nang taong maninirahan doon kahit kailan,
wala nang Arabong magtatayo ng tolda roon,
wala nang pastol na mag-aalaga ng tupa doon.
21 Mga(AK) hayop na maiilap ang mananahan doon,
titirhan ng mga ostrits ang kanyang mga bahay,
pagtataguan ang mga iyon ng mga ostrits
at maglulundagan doon ang mga maiilap na kambing.
22 Aatungal ang mga hiyena sa kanyang mga tore,
aalulong ang mga asong-gubat sa kanyang mga palasyo.
Nalalapit na ang wakas ng Babilonia,
hindi na siya magtatagal.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.