Bible in 90 Days
May Takdang Panahon para sa Lahat
3 Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras.
2 Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
3 Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
4 Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
5 Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
6 Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.
7 Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
8 Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.
9 Ano ang mapapala ng tao sa kanyang pinagpaguran? 10 Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. 11 Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas. 12 Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gawin ang pinakamabuti habang siya'y nabubuhay. 13 Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. 14 Alam kong mamamalagi ang lahat ng ginawa ng Diyos: wala nang kailangang idagdag, wala ring dapat bawasin. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao'y magkaroon ng takot sa kanya. 15 Lahat ng nangyayari ngayon ay nangyari na noong una, gayon din ang magaganap pa. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari.
Kawalan ng Katarungan
16 Nakita ko rin sa mundong ito na ang katarungan at pagiging matuwid ay nababahiran pa rin ng kasamaan. 17 Sa loob-loob ko'y hahatulan ng Diyos ang masama at ang mabuti pagkat may itinakda siyang panahon para sa lahat ng bagay. 18 Tungkol sa tao, naisip kong sila ay sinusubok ng Diyos upang ipakilalang ang tao ay tulad lamang ng mga hayop. 19 Ang hantungan ng tao at ng hayop ay iisa; lahat ay mamamatay. Ang tao'y walang kaibahan sa hayop, sapagkat ang lahat ay walang kabuluhan.[a] 20 Iisa ang kauuwian: lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi. 21 Sino ang nakakatiyak kung ang kaluluwa ng tao ay aakyat sa itaas at ang kaluluwa ng hayop ay mahuhulog sa kalaliman? 22 Kaya naisip kong walang pinakamabuti sa tao kundi pakinabangan ang kanyang pinagpaguran; ito ang ating bahagi. At sino ang makakapagsabi sa kanya kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?
4 Iginala ko ang aking paningin sa buong daigdig, at nakita ko ang kawalan ng katarungan. Ang mga inaapi ay lumuluha ngunit walang tumulong sa kanila sapagkat makapangyarihan ang sumisiil sa kanila. 2 Dahil dito, naisip kong mas mapalad ang mga patay kaysa sa mga buháy. 3 Ngunit higit na mapalad ang mga hindi na isinilang sapagkat hindi na nila nakita ang kasamaan sa mundong ito.
4 Nakita ko ring ang tao'y nagpapakapagod upang mahigitan ang kanyang kapwa. Ngunit ito man ay walang kabuluhan,[b] tulad lang ng paghahabol sa hangin. 5 Sinasabi nilang mangmang lamang ang maghahalukipkip ng kamay at magpapakamatay sa gutom. 6 Ngunit mas mabuti pa ang isang dakot na may katahimikan, kaysa dalawang dakot ng pagpapakapagod, at paghahabol sa hangin.
7 Mayroon pang ibang mga bagay sa mundong ito na nakita kong walang kabuluhan:[c] 8 ang isang taong nag-iisa sa buhay, walang kaibigan ni kamag-anak ngunit walang tigil sa pagtatrabaho. Wala siyang kasiyahan. Ni hindi niya itinatanong sa sarili kung kanino mauuwi ang kanyang pinagpaguran. Ito man ay walang kabuluhan,[d] isang miserableng pamumuhay.
9 Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila. 10 Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa sapagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal. 11 Kung malamig ang panahon, maaari silang magtabi sa higaan upang parehong mainitan. Ngunit saan siya kukuha ng init kung nag-iisa siya? 12 Kung ang nag-iisa'y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipit na hibla ay hindi agad malalagot.
13 Ang isang batang mahirap ngunit matalino ay mabuting di hamak kaysa sa isang matandang haring mangmang na ayaw nang tumanggap ng payo. 14 Ang batang iyon ay maaaring maging hari mula sa bilangguan o kahit siya'y ipinanganak na mahirap. 15 Nakita ko rin na ang lahat ng tao sa mundong ito'y sumusunod sa isang kabataang papalit sa hari. 16 Walang tigil ang pagdami ng taong nasasakupan ng isang hari ngunit pagkamatay niya, isa man ay walang pupuri sa lahat ng kanyang nagawa. Ito man ay walang kabuluhan,[e] tulad lang ng paghahabol sa hangin.
Huwag Pabigla-bigla sa Pangako
5 Mag-ingat ka sa pagpasok sa bahay ng Diyos. Ang pagsunod ay mabuti kaysa handog ng isang mangmang sapagkat hindi alam ng mangmang kung ano ang mabuti't masama. 2 Huwag kang pabigla-bigla sa pananalangin. Isipin mo munang mabuti ang ipapangako mo sa kanya sapagkat nasa langit siya at ikaw ay nasa lupa. Mag-ingat ka sa pagsasalita. 3 Ang panaginip ay bunga ng maraming alalahanin. Habang dumarami ang iyong sinasabi, lalong nanganganib na makapagsabi ka ng kamangmangan. 4 Kung(A) mangangako ka sa Diyos, tuparin ito agad; hindi siya nalulugod sa taong mangmang. Kaya tuparin mo ang iyong pangako sa kanya. 5 Mabuti pang huwag ka nang mangako kaysa mangangako at hindi mo tutuparin. 6 Huwag mong pabayaang magkasala ka dahil sa iyong pananalita, mangangako ka at pagkatapos ay babawiin mo. Sa ganyan galit na galit ang Diyos. Kung magkagayon, hindi ka niya pagpapalain sa anumang iyong ginagawa. 7 Kaya, gaano man kadalas ang iyong panaginip, gaano man karami ang walang kabuluhan[f] mong salita at gawa, magkaroon ka ng takot sa Diyos.
Ang Buhay ay Walang Kabuluhan
8 Huwag kang magtataka kung makita mong ang mahihirap ay inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Alalahanin mong ganoon din ang ginagawa ng nakatataas sa kanila at bawat pinuno ay may nakasasakop ding mas mataas na pinuno. 9 Sa isang lupaing puno ng kasaganaan, ang hari ang may pinakamainam na kalagayan.
10 Ang gahaman sa salapi ay walang kasiyahan at ang sakim sa kayamanan ay hindi masisiyahan sa kaunting pakinabang. Ngunit ito man ay walang kabuluhan.[g] 11 Habang lumalaki ang kayamanan, dumarami ang pangangailangan at ang tanging kasiyahan ng may-ari ay ang isiping siya ay mayaman. 12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang kanyang pagkain. Ngunit ang mayaman ay hindi man lamang dalawin ng antok.
13 Ito ang isang nakakalungkot na pangyayari na nakita ko sa mundong ito: ang tao'y nag-iimpok para sa kinabukasan. 14 Ngunit nauubos din sa masamang paraan kaya wala rin siyang maiiwan sa kanyang sambahayan. 15 Kung(B) paanong tayo'y walang dala nang isilang dito sa daigdig, wala rin tayong madadala pagpanaw natin. Wala tayong madadalang anuman sa ating pinagpaguran. 16 Narito pa ang isang mahirap isipin: kung ano ang ayos nang tayo'y dumating, gayon din ang ayos sa ating pag-alis. Nagpapakapagod tayo ngunit wala ring napapala. 17 Bukod dito, ang buhay natin ay laging may alinlangan; puno ng pagkabalisa, hinagpis, galit at karamdaman.
18 Ito ang isang mabuting bagay na aking nakita: nararapat lamang na kumain, uminom, at pakinabangan ng isang tao ang bunga ng kanyang pinagpaguran sa mundong ito, sa maikling panahong ibinigay sa kanya ng Diyos; ito ang ating bahagi. 19 Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman: tanggapin ang kanilang bahagi at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran sapagkat ito ay kaloob ng Diyos. 20 Sa gayon, hindi siya malulungkot kahit na maikli ang buhay niya sa daigdig sapagkat puno naman ito ng kasiyahan.
Walang Kabuluhan ang Kayamanan
6 Narito ang isang kawalan ng katarungan na nagaganap sa mundo: 2 Isang tao na binigyan ng Diyos ng malaking kayamanan, maraming ari-arian, at karangalan. Sa kasawiang-palad, hindi niloob ng Diyos na tamasahin niya ang kasiyahang dulot ng mga bagay na ito; bagkus ay iba ang nakinabang. Ito man ay walang kabuluhan[h] at nagdudulot lamang ng sama ng loob. 3 Mabuti pang di hamak ang sanggol na ipinanganak na patay kaysa isang taong nagkaanak ng 100 at nabuhay nang matagal ngunit hindi naranasan ang maging masaya at hindi pinarangalan nang siya ay ilibing. 4 Wala ring kabuluhang[i] matatamo ang isang sanggol kahit siya ipanganak sapagkat mamamatay din siya at malilimutan. 5 Hindi nito nakita ang araw ni natikman ang mabuhay, ngunit mayroon naman siyang ganap na kapayapaan. 6 Kaya mabuti pa siya nang hindi hamak kaysa isang taong nabuhay nang 2,000 taon ngunit di nakaranas ng kasiyahan. Hindi ba't iisa lang ang uuwian ng lahat?
7 Nagpapakapagod ang tao para sa kanyang tiyan ngunit kailanma'y di siya nagkaroon ng kasiyahan. 8 Ano ang kahigtan ng matalino sa mangmang? Ano ang mapapala ng isang mahirap kahit malaman niya ang pasikut-sikot ng buhay? 9 Mabuti pa ay masiyahan sa anumang kalagayan kaysa mangarap nang di naman makakamtan. Ito man ay walang kabuluhan,[j] tulad ng paghahabol sa hangin.
10 Lahat ng nangyayari sa daigdig ay alam na noong una pa, at ang tao'y di makapananaig laban sa kapangyarihang higit sa kanya. 11 Habang humahaba ang pagtatalo, lalo lang nawawalan ng kabuluhan; kaya paano masasabing nakahihigit ang isang tao sa kapwa? 12 Sino ang nakaaalam kung ano ang mabuti sa taong nabubuhay sa maikling panahon at pagkatapos ay mawawalang tulad ng anino? Sino ang makakapagsabi kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?
Patungkol sa Buhay
7 Ang(C) mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango;
at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti kaysa araw ng kapanganakan.
2 Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan
kaysa bahay na may handaan,
pagkat dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay.
3 Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa katuwaan,
pagkat maaaring malungkot ang mukha ngunit masaya ang kalooban.
4 Mangmang ang isang taong nag-iisip ng kasayahan,
ngunit matalino ang isang taong naghahanda para sa kanyang kamatayan.
5 Mas mabuting makarinig ng saway ng matalino
kaysa isang mangmang ang pupuri sa iyo.
6 Ang halakhak ng mangmang
ay tulad ng siklab ng apoy,
walang kabuluhan.[k]
7 Ang matalinong nandadaya ay para na ring mangmang.
Ang suhol ay sumisira sa dangal ng tao.
8 Ang wakas ng isang bagay ay mas mainam kaysa pasimula.
Ang pagtitiyaga ay mabuti kaysa kapalaluan.
9 Pag-aralan(D) mong magpigil sa sarili;
mangmang lamang ang nagtatanim ng galit.
10 Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon,
pagkat iya'y tanong na walang katuturan.
11 Ang taong nagtataglay ng karunungan ay higit na mainam kaysa minamanang kayamanan.
12 Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi.
Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.
13 Pag-isipan mong mabuti ang ginawa ng Diyos. Sino ang makapagtutuwid sa binaluktot niya? 14 Magalak ka kung mainam ang takbo ng lahat ng bagay. Sa panahon ng kahirapan ay isipin mong parehong ipinadadala ng Diyos ang kaligayahan at kahirapan. Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas?
15 Sa loob ng maikling panahon ng aking pamumuhay, nakita ko ang lahat ng bagay. Nakita kong ang tao'y namamatay kahit siya mabuti, at may masamang nabubuhay nang matagal. 16 Huwag kayong magpapakabuti o magpapakatalino nang labis. Bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? 17 Ngunit huwag ka rin namang magpapakasama ni magpapakamangmang at baka mamatay ka nang wala sa panahon. 18 Huwag kang magpapakalabis ng kabutihan o kasamaan. Sa anumang kalagayan mo, magtatagumpay ka kung may takot ka sa Diyos.
19 Higit ang magagawa ng karunungan ng isang tao, kaysa magagawa ng sampung hari sa isang lunsod.
20 Walang taong nabuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.
21 Huwag mong pakinggan ang lahat ng sasabihin sa iyo ng tao at baka kalaunan ay mismong alila mo ang humamak sa iyo; 22 sapagkat alam mo sa iyong sarili kung gaano na karami ang iyong hinamak.
23 Sa lahat ng bagay ay sinubok ko ang karunungan sa pag-aakalang ako'y matalino ngunit napatunayan kong hindi pala. 24 Hindi natin matatarok ang kahulugan ng buhay. Napakahiwaga nito para natin maunawaan. 25 Gayunpama'y nagpatuloy ako sa pagdidili-dili. Nagsuri akong mabuti at mataman kong siniyasat ang dahilan ng lahat ng bagay. Nalaman kong kamangmangan ang magpakasama at walang kabuluhan[l] ang magpakamangmang. 26 Natuklasan ko ang isang bagay na mas mapait kaysa kamatayan: ito'y walang iba kundi ang babae. Ang kanyang pag-ibig ay tulad ng bitag, at ang kanyang mga bisig ay tulad ng tanikala. Ang taong matuwid ay nakakaiwas rito ngunit naaalipin ang mga masama. 27 Sinabi ng Mangangaral, “Pinag-ugnay-ugnay ko ang lahat ng bagay at ito ang aking natuklasan. 28 Pagkatapos ng mataman ngunit bigong pagsisiyasat, natuklasan kong sa 1,000 lalaki, isa lamang ang matalino, at sa 1,000 babae, walang matalino kahit isa. 29 Ito lamang ang natitiyak ko: ang tao'y nilikha ng Diyos sa kabutihan, ngunit ang tao'y nag-iisip ng kung anu-anong bagay.”
8 Sino ang ipapantay sa taong matalino na nakakasaliksik sa lahat ng bagay? Ang karunungan ay nagpapasaya sa mukha ng tao; pati ang matigas na anyo ng mukha ay nawawala.
Sundin ang Hari
2 Sundin mo ang utos ng hari, at huwag padalus-dalos sa pagbibitaw ng pangako sa Diyos. 3 Lumayo ka sa harap ng hari at huwag mong ipagpipilitan ang anumang labag sa kalooban niya sapagkat maaari niyang gawin ang lahat ng magustuhan niya. 4 Ang utos ng hari ay di mababali at walang makakatutol sa anumang gawin niya. 5 Ang masunurin ay di mapapahamak at alam ng matalino kung ano ang dapat gawin, kung kailan, at kung paano dapat isagawa. 6 May kanya-kanyang panahon at paraan para sa lahat ng bagay ngunit di natin ito lubusang nalalaman. 7 Walang makakapagsabi kung ano ang maaaring mangyari at kung paano ito magaganap. 8 Kung paanong di mapipigil ng tao ang hangin, gayon din hindi niya mapipigil ang pagdating ng kamatayan. Sa panahon ng digmaan, walang mapagtataguan; hindi tayo makakatakas. 9 Lahat ng ito'y nakita ko habang pinagmamasdan ang mga pangyayari sa buong mundo, ang iba'y may kapangyarihan, at ang iba naman ay api-apihan.
10 May nakita akong masasamang taong inilibing ngunit pag-uwi ng mga nakipaglibing ang masamang yaon ay pinupuri sa lugar na ginawan niya ng kasamaan. Ito man ay walang kabuluhan.[m] 11 Ang hatol sa kasamaan ay di agad iginagawad kaya naman ang tao'y nawiwili sa paggawa ng masama. 12 Kung sabagay, daan-daan man ang kasamaang gawin ng masama ay wala ring mawawala sa taong nabubuhay nang matuwid pagkat siya'y may takot sa Diyos. 13 Ngunit ang kasamaan ng masama ay di makakabuti sa kanya; mamumuhay silang parang anino at maaga silang mamamatay sapagkat hindi sila natatakot sa Diyos.
14 Narito pa ang isang bagay sa ibabaw ng lupa na walang kabuluhan:[n] ang kaparusahang para sana sa masama ay sa mabuti nangyayari at ang dapat namang mangyari sa mabuti ay sa masama nangyayari. Sa palagay ko, ito man ay walang kabuluhan. 15 Kaya para sa akin, ang tao'y dapat magpakasaya sa buhay. Walang pinakamabuti kundi kumain, uminom at magsaya. Ito ay magagawa niya habang siya'y nabubuhay at nagpapakapagod sa mundong ito.
16 Habang iniisip ko ang mga pangyayari sa daigdig, lalo akong naniniwalang kahit mag-isip nang mag-isip ang tao araw-gabi, 17 hindi niya mauunawaan ang mga gawa ng Diyos. Kahit ano pa ang kanyang pagpaguran sa mundong ito, hindi niya ito mauunawaan. Maaaring ipalagay ng matalino na alam niya ang bagay na ito ngunit ang totoo'y wala siyang nalalaman.
9 Ang lahat ng ito'y pinag-aralan kong mabuti at nalaman kong lahat ng kilos ng matuwid at ng matalino ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, maging pag-ibig o pagkapoot. Walang makakatiyak kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. 2 Iisa ang kasasapitan ng lahat: ang nangyayari sa matuwid ay nangyayari rin sa di-matuwid, ganoon din sa mabuti at sa masama, sa malinis at sa marumi ayon sa Kautusan, sa naghahandog at sa hindi naghahandog. Ang nangyayari nga sa mabuti ay siya ring nangyayari sa masama. Walang pagkakaiba ang nangyayari sa marunong tumupad sa pangako at sa sumisira sa pangako. 3 Ito nga ang isang masamang bagay na nangyayari sa buong mundo: iisa ang kinasasapitan ng lahat. Habang ang tao'y nabubuhay, panay kasamaan ang kanyang iniisip, at ang hantungan ay kamatayan. 4 Ngunit habang nabubuhay ang tao ay di siya dapat mawalan ng pag-asa. Ang asong buháy ay mas mainam kaysa patay na leon. 5 Alam ng buháy na siya'y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman. Wala na silang pag-asa, at nakakalimutan nang lubusan. 6 Nawawala pati kanilang pag-ibig, pagkapoot, at pagkainggit; anupa't wala silang namamalayan sa anumang nangyayari sa mundo.
7 Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom sapagkat iyon ay itinakda ng Diyos para sa iyo. 8 Nawa'y lumigaya ka sa bawat oras.
9 Magpakaligaya ka sa piling ng babaing iyong minamahal habang ikaw ay nabubuhay sa mundong ito sapagkat iyon ang iyong bahagi at bunga ng iyong pinagpaguran sa maikling buhay na ito. 10 Anuman ang ginagawa mo'y pagbuhusan mo ng iyong buong makakaya sapagkat sa daigdig ng mga patay na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan man, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan.
11 Ito pa ang isang bagay na napansin ko sa mundong ito: ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan. Ang matatalino'y di laging nakakasumpong ng kanyang mga kailangan at di lahat ng marunong ay yumayaman. Napapansin ko rin na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay; lahat ay dinaratnan ng malas. 12 Hindi alam ng tao kung kailan ang kanyang takdang oras. Siya'y tulad ng isdang nasusukluban ng lambat, at ibong nahuhuli sa bitag. Ang tao'y parang nahuhulog sa patibong sa biglang pagdating ng masamang pagkakataon.
13 Narito pa ang isang halimbawa kung papaanong ang karunungan ay inuunawa sa mundong ito: 14 Mayroong isang maliit na bayan na kakaunti ang mamamayan. Kinubkob ito ng isang hari. Nagpahanda siya ng lahat ng kailangan sa pagsalakay. 15 Nagkataon na sa bayang yaon ay may isang mahirap ngunit matalinong tao na nakapag-isip ng paraan upang mailigtas ang nasabing bayan. Subalit pagkatapos, wala nang nakaalala sa kanya. 16 Ang sinasabi ko, makapangyarihan ang karunungan kaysa lakas. Ngunit ang karunungan ng taong mahirap ay hindi pinahahalagahan at ang mga salita nito ay hindi pinapansin.
17 Ang mahinang salita ng matalino ay mas may pakinabang kaysa sigaw ng hari sa gitna ng mga mangmang. 18 Ang karunungan ay makapangyarihan kaysa sandata ngunit ang isang pagkakamali ay nagbubunga ng malaking pinsala.
10 Ang isang boteng pabango ay mapababaho ng isang patay na langaw. Ang bahagyang kamangmangan ay nakakasira sa karunungan at karangalan.
2 Ang matalino'y inaakay ng kanyang isipan tungo sa kabutihan. Ngunit ang mangmang ay hinihila ng kanyang damdamin tungo sa kasamaan. 3 Maging sa paglalakad ng mangmang ay nahahalata ang kanyang kahangalan. Nakikilala ng lahat na siya ay mangmang.
4 Kung ang pinuno mo'y magalit sa iyo, huwag kang magbibitiw sa iyong tungkulin, sapagkat maging ang malaking pagkakamali ay mapapatawad kung ikaw ay magiging mahinahon.
5 Ito pa ang isang di-makatuwirang nangyayari sa buong mundo, na may kinalaman sa pamumuno: 6 Ang mga mangmang ay inilalagay sa matataas na tungkulin ngunit ang mayaman ay sa mababang uri ng gawain. 7 Nakakita ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo samantalang ang mga pinuno ay naglalakad.
8 Ang(E) nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon; ang lumulusot sa mga pader ay matutuklaw ng ahas. 9 Ang nagtitibag ng bato ay malamang na mabagsakan nito. Ang nagpuputol ng troso ay nanganganib na madaganan niyon. 10 Ang palakol ay pumupurol kapag hindi hinahasa. Ang mahusay na plano ay nakakatulong nang malaki sa pagtatagumpay. 11 Walang kabuluhan ang kapangyarihan ng nagpapaamo ng ahas kung hindi gagamitin sa pagsaway nito. 12 Ang mga salita ng matalino ay nag-aani ng karangalan, ngunit napapahamak ang mangmang dahil sa kanyang mga salita. 13 Ang pangungusap ng mangmang ay nag-uumpisa sa kamangmangan, hanggang matapos, ito pa ri'y kamangmangan. 14 Ang mangmang ay walang tigil sa pagyayabang. Ngunit sinong makakapagsabi ng susunod na pangyayari at ng magaganap kapag siya ay patay na?
15 Ang pagpapagod ng mangmang ang nagpapahina sa kanya, at hindi man lamang niya alam ang daan papunta sa bayan niya.
16 Kawawa ang lupain na ang hari'y isip bata, at ang mga pinuno'y mahilig sa handaan. 17 Ngunit mapalad ang lupain na may haring matino at may mga pinunong nakakaalam kung kailan dapat magdiwang.
18 Kung pabaya ang may-ari, ang bubong ay masisira; kung siya ay tamad, mawawasak ang buong bahay.
19 Ang pagkain ay nagdudulot ng kasiyahan, at nagpapasaya sa buhay ang inumin. Ito'y mabibiling lahat ng salapi.
20 Ni sa isip ay huwag susumpain ang inyong hari, ni sa pag-iisa'y huwag hamakin ang mayayaman pagkat may pakpak ang balita at may tainga ang lupa.
Ang mga Gawain ng Marunong
11 Maghagis ka ng tinapay sa gitna ng karagatan at may mapapakinabangan ka pagdating ng araw. 2 Hatiin sa pito, sa walo ang kalakal mo pagkat di mo masisiguro kung ano ang kasamaang mangyayari sa mundo.
3 Kapag ang ulap ay maitim na't di makaya ang hangin, nagiging ulan itong bumubuhos sa daigdig. Kung saan nakahapay ang punongkahoy ay doon ito mabubuwal. 4 Ang naghihintay sa pagtigil ng hangin ay di-kailanman makapaghahasik ng kanyang binhi. At ang nag-aalala sa patak ng ulan ay di makapag-aani. 5 Kung hindi mo maaaring malaman kung paanong ang hininga ay pumapasok sa katawan ng isang sanggol na nasa sinapupunan ng kanyang ina, lalong hindi maaabot ng isip mo kung paano ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay. 6 Sa umaga, inihahasik mo ang iyong binhi. Hindi ka tumitigil sa paggawa hanggang gabi sapagkat di mo tiyak kung alin ang magbibigay sa iyo ng tagumpay. O kaya'y umaasa kang lahat ay iyong papakinabangan.
7 Masarap ang nasa liwanag at kay gandang pagmasdan ang araw. 8 Kung ang tao'y mabubuhay nang matagal, dapat niyang ikagalak iyon. Ngunit alalahanin niyang ang darating na panahon ng kadiliman ay mas mahaba. Lahat ng mangyayari ay walang kabuluhan.[o]
9 Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang gusto mo at lahat ng kaakit-akit sa paningin mo. Ngunit tandaan mong ang lahat ng ito'y iyong ipagsusulit sa Diyos.
10 Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang walang kabuluhan.[p]
12 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay. 2 Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka matabunan ng makapal at madilim na ulap. 3 Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawalan ng lakas ang iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. 4 Alalahanin mo nga siya bago dumating ang panahon na sarado na ang mga pintuan at tumigil na ang tunog ng gilingan; bago dumating ang panahon na madali kang magising sa himig ng mga ibon, o ang tunog ng awitin ay tuluyan ng tumigil.[q] 5 Alalahanin mo siya bago dumating ang panahong katatakutan mong umakyat sa mataas na lugar, bago dumating ang panahong di ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal.
Darating ang araw na tayo'y pupunta sa huli nating hantungan at marami ang tatangis sa lansangan. 6 Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto; babagsak ito at madudurog. Darating din ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito'y babagsak at masisira. 7 Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito. 8 “Napakawalang kabuluhan![r] Lahat ay napakawalang kabuluhan,” sabi ng Mangangaral.
9 Lahat ng nalalaman ng Mangangaral ay itinuro niya sa mga tao. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihan at sinubok kung ito'y totoo. 10 Pinipili niya ang mga salitang magdudulot ng kasiyahan at isinusulat ang katotohanan.
11 Ang mga salita ng matalino ay matulis na tulad ng tungkod na pantaboy ng kawan, tulad ng matulis na pakong nakabaon pagkat buhat sa tanging pastol nating lahat. 12 Anak ko, mag-ingat ka sa mga bagay na wala rito. Hindi matitigil ang paggawa ng iba't ibang aklat, at ang labis na pag-aaral ay pahirap sa katawan.
13 Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. 14 Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay ipagsusulit natin sa Diyos.
1 Ito(F) ang pinakamagandang awit ni Solomon:
Ang Unang Awit
Babae:
2 Akong ito'y pinupupog, sinisiil mo ng halik;
ang dulot ng pag-ibig mo'y mainam pa sa alak.
3 Ang taglay mong halimuyak, saan kaya itutulad?
Simbango ng pangalan mong ang samyo'y malaganap,
kaya lahat ng dalaga ay iyo ngang nabibihag.
4 Ako ngayon ay narito, isama mo kahit saan,
at ako ay iyong dalhin sa silid mong pahingahan.
Tiyak akong liligaya ngayong ikaw ay narito,
ang nais ko ay madama ang alab ng pag-ibig mo;
pagsinta mo'y mas gusto ko kaysa alinmang inumin;
hindi ako nagkamali na ikaw nga ang ibigin.
5 Dalaga sa Jerusalem, ang ganda ko'y kayumanggi;
katulad ko'y mga toldang sa Kedar pa niyayari,
tulad ko ri'y mga tabing sa palasyo ng hari.
6 Huwag akong hahamakin nang dahil sa aking kulay,
pagkat itong aking balat ay nasunog lang sa araw.
Itong mga kapatid ko'y hindi ako kinalugdan,
nagkaisa silang ako'y pagbantayin ng ubasan.
Pinagyama't sininop ko ang nasabing pataniman,
anupa't ang sarili ay kusa kong napabayaan.
7 Itong aking pakiusap, O giliw kong minamahal,
sa akin ay sabihin mo, pastulan ng iyong kawan;
sa init ng katanghalian, pahingahan nila'y saan?
Sa akin ay ituro mo nang ako ay di maligaw.
Mangingibig:
8 Kung nais mong malaman, O babaing napakaganda,
ang dapat lang na gawin mo ay sundan ang mga tupa.
Ang kawan ng mga kambing ay doon mo alagaan
sa tabi ng mga tolda ng pastol ng aking kawan.
9 Saan ko ba itutulad ang gayuma mo, aking hirang?
Sa kabayo ng Faraon, anong ganda kung pagmasdan!
10 Mga pisnging malalambot, may balani, may pang-akit,
na lalo pang pinaganda ng pahiyas na naglawit.
Ang nililok na leeg mo, kung masdan ko'y anong rikit,
lalo na nga kung may kuwintas na doon ay nakasabit.
11 Ika'y aming igagawa ng kuwintas na gintong lantay,
palamuting ikakabit ay pilak na dinalisay.
Babae:
12 Habang siya'y nakahimlay, tila hari ang katulad,
ako nama'y magsasabog ng mabangong halimuyak.
13 Ang samyo ng aking mahal ay katulad nitong mira,
habang siya sa dibdib ko'y nakahilig na masaya.
14 Ang kawangis ng mahal ko'y isang kumpol ng bulaklak
sa ubasan ng En-gedi, magiliw kong pinamitas.
Mangingibig:
15 Maganda ka, aking sinta, ang mata mo'y mapupungay,
nagniningning, nang-aakit habang aking minamasdan.
Babae:
16 Makisig ka, aking mahal, anong kisig, anong inam,
magiging himlayan nati'y laging kulay na luntian.
17 At sedar ang siyang biga nitong ating tatahanan,
mga kisame ay pinong pili, kahoy na talagang maiinam.
2 Isa lamang akong rosas na sa Saron ay naligaw
sa libis nitong bundok, isang ligaw na halaman.
Mangingibig:
2 Katulad mo'y isang liryo sa gitna ng kasukalan,
namumukod ka sa lahat, bukod-tangi, aking hirang.
Babae:
3 Sa gitna ng kagubatan katulad niya ay mansanas,
sa lahat ng mga tao, siya'y walang makatulad;
ako'y laging nananabik sa lilim niya'y manatili,
ang tamis ng bunga niya kung kanin ko'y anong sarap.
4 Nang ako ay kanyang dalhin sa sagana niyang hapag,
sa piling niya'y nadama ko ang pag-ibig niyang tapat.
5 Ako'y kanyang pinakain ng sariwang mga ubas,
at magiliw na binusog ng matamis na mansanas;
dahil aking puso'y uhaw sa pagsinta mong wagas.
6 Ang kaliwa niyang bisig ang siya kong inuunan,
habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
7 Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
sa ngalan ng mga usa't mga hayop na matutulin,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikalawang Awit
Babae:
8 Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig,
mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig.
9 Itong aking mangingibig ay tulad ng isang usa,
mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla.
Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya,
sumisilip sa bintana upang ako ay makita.
10 Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang sinabi:
Mangingibig:
Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal.
11 Lumipas na ang taglamig sa buong lupain
at ang tag-ulan ay natapos na rin.
12 Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad,
ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya,
sa bukid, ang mga ibo'y masayang umaawit.
13 Ang mga puno ng igos, hinog na ang bunga,
at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na.
Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka.
14 Ika'y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan,
halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan,
at nang akin ding marinig ang tinig mong ginintuan.
15 Asong-gubat ay hulihin, maninira ng ubasan,
baka pumasok sa ating namumulaklak na ubasan.
Babae:
16 Mangingibig ko ay akin at ako nama'y kanya,
sa gitna ng mga liryo, kumakain ang kawan niya.
17 Hanggang dilim ay maparam, ganito ang ginagawa,
sa pag-ihip ng amihang umaga ang siyang badya.
Magbalik ka, aking sinta magmadali ka, aking mahal
tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan.[s]
3 Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko'y hinahanap,
ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
2 Akong ito'y bumabangon, sa lunsod ay naglalakad,
ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
3 Sa akin ngang paglalakad, nakita ko'y mga bantay,
nagmamanman, naglilibot, sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
4 Nang aking iwan ang nasabing mga tanod,
bigla na lang nakita ang mahal kong iniirog.
Siya'y aking hinawakan at hindi na binitiwan,
hanggang siya'y madala ko sa bahay kong sinilangan.
5 Ipangako ninyo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem
sa ngalan ng mga usa at hayop na matutulin,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikatlong Awit
Babae:
6 Ano itong nakikitang nagmumula sa kaparangan?
Wari'y pumapailanlang usok ng mira at kamanyang,
na ang samyo ay katulad ng pabangong ubod mahal.
7 Dumarating si Solomon, sa trono niya'y nakaupo,
ang kasamang mga bantay ay mayroong animnapu,
pangunahing mga kawal, matatapang, matipuno.
8 Bawat isa ay may tabak at bihasa sa digmaan,
nagbabantay kahit gabi, nakahanda sa paglaban.
9 Ang magandang trono nitong haring si Solomon,
pawang yari sa piling kahoy ng Lebanon.
10 Ang lahat ng tukod nito'y nababalutan ng pilak,
ang habong naman nito'y may palamuting gintong payak,
iyon namang mga kutson, kulay ube ang nakabalot;
mga dalaga sa Jerusalem ang humabi at naggayak.
11 Mga dilag nitong Zion, masdan ninyo si Haring Solomon,
nagputong ng korona niya ay ang kanyang inang mahal
sa oras ng pagdiriwang, sa oras ng kanyang kasal.
Mangingibig:
4 Kay ganda mo, aking mahal,
ang mata mo'y mapupungay!
Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y nagsasayaw
parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
2 Ang ngipin mo ay simputi nitong tupang bagong linis,
walang bungi kahit isa, maganda ang pagkaparis.
3 Ang labi mo'y pulang-pula katulad ng escarlata,
kapag ika'y nangungusap lalo itong gumaganda,
aninag sa iyong belo ang pisngi mong namumula.
4 Ang leeg mo'y ubod kinis, may kuwintas na kay inam,
parang tore ni David, na ligid ng mga kawal.
5 Parang usang magkaparis ang malusog na dibdib mo,
masayang kumakain sa gitna ng mga liryo.
6 Hanggang sa dumating ang bukang-liwayway,
hanggang sa mapawi ang pusikit na karimlan,
sa dibdib mong ubod bango ako ay hihimlay,
pagkat ito ay simbango ng mira
at ng kamanyang.
7 Kay ganda mo, aking sinta; kay ganda mo, aking mahal.
Wala akong maipintas sa taglay mong kagandahan.
8 Halika na, aking mahal, sa akin ay sumama ka,
lisanin na natin ang Lebanon at ang Bundok ng Amana,
iwan mo na ang Bundok ng Senir at ng Hermon,
ang taguan niyong mga leopardo at mga leon.
9 Aking mahal, aking sinta, ang puso ko ay nabihag,
ng mata mong mapang-akit at leeg mo na may kuwintas.
10 Aking mahal, aking sinta, kay tamis ng iyong pag-ibig,
alak man na ubod-tamis, sa iyo'y di maipaparis,
halimuyak ng bango mo ay walang makakatalo.
11 Ang labi mo, aking hirang, sintamis ng mga pulot,
ang dila mo'y waring gatas, ligaya ang siyang dulot,
ang bango ng Lebanon ay tila nasa iyong suot.
12 Katulad ng isang hardin itong aking minamahal,
na may bakod sa palibot at sarili ang bukal.
13 Halaman ay magaganda, waring hardin ng granada,
namumukod, natatangi ang kanyang mga bunga—
mahalimuyak ang mga nardo, mababango ang hena.
14 Nardo at safron, mabangong kanela at kalamo,
at lahat ng punongkahoy ay may samyo ng insenso,
mira, at aloe na pangunahing pabango.
15 Ang tubig na ginagamit na pandilig nitong hardin,
ay ang agos ng tubig na sa Lebanon pa nanggagaling.
Babae:
16 Umihip ka hanging timog, sa hilaga ay gayon din,
nang masamyo ko ang bango na buhat sa aking hardin.
Hayaang ang aking sinta'y magpunta sa hardin niya,
upang pumitas at kumain ng mga bunga.
Mangingibig:
5 Nasa hardin ako ngayon, aking mahal, aking sinta,
at ako ay nangunguha ng balsamo at ng mira.
Nilalasap ko ang tamis nitong pulot ng pukyutan,
iniinom ko ang gatas at alak na malinamnam.
Mga Babae:
Kumain na at uminom, kayong mga mangingibig,
hanggang kayo ay malango sa tamis ng pag-ibig.
Ang Ikaapat na Awit
Babae:
2 Kahit na nga sa pangarap kung ako ay natutulog,
naririnig ang mahal ko, sa pintua'y kumakatok.
Mangingibig:
“Ako'y iyong papasukin, aking mahal, aking sinta,
na tulad ng kalapati, ubod linis at maganda,
basang-basa ang ulo ko nitong hamog sa umaga.”
Babae:
3 Muli pa bang magbibihis, gayong ako'y naghubad na?
Akin bang dudumhan muli, nahugasan nang mga paa?
4 Nang hawakan ng mahal ko ang susian nitong pinto,
damdamin ko ay sumigla, lumundag ang aking puso.
5 Ako ay bumangon upang siya ay pagbuksan,
binasâ ko ng mira itong aking mga kamay,
at ako ay lumapit sa pinto ng aming bahay.
6 Ngunit nang siya'y pagbuksan ko, hindi ko na inabutan.
Hinanap ko nang hinanap ngunit hindi natagpuan.
Sa laki ng pananabik na tinig niya'y mapakinggan,
tinawag ko nang tinawag ngunit walang kasagutan.
7 Ang mahal ko ay hinanap, di tumigil, di naglubay,
hanggang ako ay mahuli, mga tanod nitong bayan.
Hinagupit nila ako, walang awang sinugatan,
balabal ko ay hinatak, pinunit pa at ginutay.
8 Mga dilag ng Jerusalem, ipangako ninyo sa akin
kung mahal ko ay makita sa kanya sana'y sabihin,
“Iyong sinta'y nanghihina, pag-ibig mo'y hanap niya.”
Mga Babae:
9 O babaing napakaganda, bakit di mo ilarawan
hinahanap mong lalaki na sabi mo'y iyong mahal?
Sa amin ay sabihin mo kaiba niyang katangian,
na dahilan ng bilin mo't mahigpit na panambitan.
Babae:
10 Ang irog ko ay makisig, matipuno ang katawan,
sa sanlibo ay siya lang ang may gayong katangian.
11 Alun-alon ang buhok niya, mahaba at nangingintab
mahal pa iyon kaysa ginto, kulay uwak ang katulad.
12 Mata niya'y mapupungay parang ibon sa may batis,
kalapati ang katulad at gatas pa ang panlinis.
13 Ang kanyang mga pisngi'y simbango ng isang hardin,
mga labi'y parang liryo, nakasasabik na simsimin.
14 Kamay niya ay maganda, O kay inam na pagmasdan,
suot niyang mga singsing, bato nito'y ubod mahal.
Wari'y garing ang katulad ng buo niyang katawan,
naliligid ng pahiyas na safirong makikinang.
15 Mga hita niya at binti'y marmol ang kabagay,
ang mga patungan ay gintong dalisay,
parang Bundok ng Lebanon, na makapigil hininga,
kung baga sa mga kahoy, mga sedar ang kagaya.
16 Mga labi ay maalab, matamis kung humalik
buo niyang katauhan, sadyang kaakit-akit.
Iyan ang ayos at larawan nitong aking iniibig.
Mga Babae:
6 O babaing napakaganda,
giliw mo'y saan ba nagpunta?
Ika'y aming tutulungan sa paghanap mo sa kanya.
Babae:
2 Ang mahal kong kasintahan ay nagpunta do'n sa hardin,
sa hardin na ang halama'y mababangong mga tanim
upang kawan ay bantayan at ang liryo ay pitasin.
3 Ang irog ko'y akin lamang, at sa kanya naman ako;
sa kanya na nagpapastol ng kawan sa mga liryo.
Ang Ikalimang Awit
Mangingibig:
4 Katulad ng Jerusalem ang ganda mong tinataglay,
tila Tirzang may pang-akit ang iyong kagandahan.
5 Sa aki'y huwag mong ititig ang mata mong mapupungay,
pagkat ako'y nabibihag, hindi ako mapalagay.
Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y sumasayaw
parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
6 Ang ngipin mo'y kasimputi nitong tupang bagong linis,
walang kulang kahit isa, maganda ang pagkaparis.
7 Ang ganda mo'y di magawang maitago nang lubusan
nasisinag sa belo mo kagandahang tinataglay.
8 Ang reyna ko'y animnapu, walumpu ang kalaguyo;
bukod doo'y marami pang di mabilang na kasuyo.
9 Ngunit ang tangi kong mahal ay iisa lamang,
kalapati ang katulad ng taglay niyang kagandahan.
Nag-iisa siyang anak ng ina niyang minamahal,
kaya siya'y mahal nito nang higit sa kaninuman.
“Tunay na siya ay mapalad,” mga dalaga'y nagsasabi
mga reyna't kalaguyo sa kanya ay pumupuri.
10 “Sino itong sa tingin ko ay tila bukang-liwayway,
kasingganda ng buwan, kasing ningning nitong araw?”
11 Ang hardin ng almendra ay akin nang pinuntahan
upang tingnan sa libis, bagong sibol na halaman.
Pati ang mga ubas, baka nais nang magbunga,
at saka ang mga puno nitong kahoy na granada.
12 Kay laki ng pananabik na ikaw ay makatalik;
katulad ko'y mandirigma, labanan ang siyang nais.
Mga Babae:
13 Magsayaw ka, magsayaw ka,[t] O babaing Sulamita,
upang ika'y mapagmasdan, O dalagang sakdal ganda.
Babae:
Ano't inyong ninanais na masdan ang Sulamita,
na tulad ng mananayaw sa panahon noong una?
Mangingibig:
7 Ang paa mong makikinis,
O babaing tila reyna,
ang hugis ng iyong hita, isang obra maestra.
2 Ang pusod mo'y anong rikit, mabilog na tila kopa,
laging puno niyong alak na matamis ang lasa.
Balakang mo'y mapang-akit, bigkis-trigo ang kapara,
ang paligid ay tulad ng mga liryong kay gaganda.
3 Ang iyong dibdib, O giliw, parang kambal na usa,
punung-puno pa ng buhay, malulusog, masisigla.
4 Ang leeg mo ay katulad ng toreng gawa sa marmol,
mga mata'y nagniningning, parang bukal sa may Hesbon.
Ilong mo ay ubod ganda, parang tore ng Lebanon,
mataas na nakabantay sa may Lunsod ng Damasco.
5 Para bang Bundok ng Carmel, ulo mong napakaganda,
ang buhok mong tinirintas, kasingganda ng purpura,
kaya naman pati hari'y nabihag mo't nahalina.
6 Kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo, aking sinta,
sa akin ay nagdudulot ka ng galak at ligaya.
7 Kay hinhin ng iyong kilos tulad ng punong palmera,
ang dibdib mong ubod yaman ay tulad ng buwig niya.
8 Puno niya'y aakyatin upang bunga ay pitasin.
Sa tingin ko ang dibdib mo'y buwig ng ubas ang kahambing,
hininga mo ay mabango, mansanas nga ang katuring.
9 Ang tamis ng iyong labi ay katulad ng inumin,
dahan-dahang tumatalab habang ito'y sinisimsim.
Babae:
10 Itong buhay na taglay ko'y sa sinta ko nakalaan,
sa akin siya'y nananabik, lagi akong inaasam.
11 Halika na, aking mahal, tayo na ro'n sa may parang,
ang gabi ay palipasing magkasalo sa ubasan.[u]
12 At pagdating ng umaga, isa-isa nating tingnan
kung ang puno'y nagsusupling, bulaklak ay lumilitaw;
ganoon din ang granada, tingnan natin ang bulaklak,
at doon ay lasapin mo ang pag-ibig kong matapat.
13 Ang halaman ng mondragora ay iyo ngang masasamyo,
bungangkahoy na masarap ay naroon sa ating pinto,
ito'y aking inihanda, inilaan ko sa iyo,
at lahat ng kaaliwan, maging luma maging bago.
8 Bakit kaya ika'y hindi naging isa kong kapatid?
Inaruga ng ina ko, lumaki sa kanyang dibdib,
upang kahit sa lansangan, kung sa iyo ay humalik
ay di tayo papansinin, pagkat tayo'y magkapatid.
2 Sa bahay ng aking ina ikaw ay aking dadalhin
upang doon ituro at ipadama ang paggiliw,
dudulutan ka ng alak, ng masarap na inumin.
3 Sa kaliwa niyang kamay ang ulo ko'y nakaunan
habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
4 Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikaanim na Awit
Mga Babae:
5 Sino itong dumarating na buhat sa kaparangan,
hawak-hawak pa ang kamay ng kanyang minamahal?
Babae:
Sa puno ng mansanas, ikaw ay aking ginising,
doon mismo sa lugar na iyong sinilangan.
6 Kaya ako'y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong.
O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon;
sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy.
7 Kahit baha ay di kayang pigilin itong paggiliw,
buhusan man nitong tubig, di makuhang palamigin.
Subukin mong ang pag-ibig ay sa yaman mo daanin,
baka nga ang mangyari ay ikaw pa ang siyang kutyain.
Mga Lalaking Kapatid ng Babae:
8 Kami ay mayro'ng kapatid, dibdib niya ay maliit,
ano kayang dapat gawin kung sa kanya'y may umibig?
9 Kung pader lang sana siya, toreng pilak ay lalagyan,
at kung pintuan lamang siya, tablang sedar, ay lalagyan.
Babae:
10 Ako'y isang batong muog, dibdib ko ang siyang tore;
sa piling ng aking mahal ay panatag ang sarili.
Mangingibig:
11 May ubasan si Solomon sa dako ng Baal-hamon,
mga taong tumitingin, magsasakang tagaroon;
buwis nila'y libong pilak, bawat isa taun-taon.
12 Kung si Haring Solomon ay mayroong libong pilak
at ang mga magsasaka'y may dalawandaang hawak,
ako naman ay mayroong taniman ng mga ubasan.
13 Bawat isang kasama ko'y malaon nang nananabik,
na magmula ro'n sa hardin, ang tinig mo ay marinig.
Babae:
14 Halika na aking sinta, madali aking mahal,
tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan
na punung-puno ng mababangong halaman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.