Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 23:9-33:22

Pagtuligsa sa mga Propetang Sinungaling

Tungkol sa mga bulaang propeta, ito ang pahayag ni Jeremias:

Halos madurog ang puso ko,
    nanginginig ang aking buong katawan;
    para akong isang lasing, na nasobrahan sa alak,
dahil sa matinding takot kay Yahweh
    at sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat napakaraming tao sa lupaing ito ang hindi tapat kay Yahweh;
    ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan sa pagpapairal ng masama.
Dahil sa kanyang sumpa, nagluksa ang buong lupain
    at natuyo ang mga pastulan.

11 “Wala nang takot sa akin ang mga propeta at ang mga pari;
    gumagawa sila ng kasamaan maging sa loob ng aking Templo,” ang sabi ni Yahweh.
12 “Kaya magiging madulas at madilim ang kanilang landas;
    sila'y madarapa at mabubuwal.
Padadalhan ko sila ng kapahamakan;
    at malapit na ang araw ng kanilang kaparusahan.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
13 “Malaking kasalanan ang nakita kong ginagawa ng mga propeta sa Samaria:
    Sila'y nanghuhula sa pangalan ni Baal
    at inililigaw ang Israel na aking bayan.
14 Ngunit(A) mas lalo pang kasuklam-suklam ang namasdan ko sa mga propeta sa Jerusalem:
    Sila'y nangangalunya at mga sinungaling,
    pinapalakas pa nila ang loob ng gumagawa ng masama,
    kaya wala nang tumatalikod sa kanyang masamang gawa.
Naging katulad na sila ng mga taga-Sodoma at Gomorra.”

15 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga propeta:

“Halamang mapait ang ipapakain ko sa kanila
    at tubig na may lason naman ang kanilang iinumin,
sapagkat lumaganap na sa buong lupain ang kawalan ng pagkilala sa Diyos, dahil sa mga propeta sa Jerusalem.”

16 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagpapahayag sa inyo. Pawang kasinungalingan lamang ang sinasabi nila. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi ay kathang-isip lamang nila at hindi nagmula sa akin. 17 Palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa akin, ‘Magiging mabuti ang inyong kalagayan’; at sa mga ayaw tumalikod sa kasalanan, ‘Hindi ka daranas ng anumang kahirapan.’”

18 Subalit isa man sa mga propetang ito'y hindi nakakakilala kay Yahweh. Wala man lamang nakarinig sa kanyang pahayag o sumunod sa kanyang utos. 19 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyong nagngangalit, parang nag-aalimpuyong ipu-ipo na kanyang pababagsakin sa masasama. 20 Hindi maaalis ang poot ni Yahweh hanggang hindi niya naisasakatuparan at nagaganap ang kanyang mahiwagang panukala. Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito.

21 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang hindi ko inuutusan. Nagpahayag sila sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila. 22 Kung tunay nilang natutuhan ang aking mga salita, maipapangaral nila ang aking mensahe sa mga tao at sila'y magsisi at tatalikod sa kanilang masasamang gawa.

23 “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang. 24 Walang(B) makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa. 25 Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain! 26 Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng pandaraya ng kanilang mga puso? 27 Akala nila'y malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng paglimot sa akin ng kanilang mga ninuno at naglingkod kay Baal. 28 Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?” sabi ni Yahweh. 29 “Parang apoy ang aking salita at katulad ng martilyo na dumudurog sa malaking bato. 30 Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe. 31 Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh. 32 Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.”

Ang Pasanin ni Yahweh

33 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kung tanungin ka ng mga taong ito o ng isang propeta o pari, ‘Ano ang ipinapasabi ni Yahweh?’ ganito ang isagot mo, ‘Kayo ang nagiging pabigat kay Yahweh, kaya kayo'y itatakwil niya.’ 34 Ang bawat propeta, pari o sinumang magsalita ng, ‘Ang nakakabigat kay Yahweh,’ ay paparusahan ko, pati ang kanyang sambahayan. 35 Ang sasabihin ninyo sa isa't isa, ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 36 Ngunit huwag na ninyong sasabihin kahit kailan ang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh.’ Mabibigatan talaga ang sinumang gagamit ng mga salitang ito, sapagkat binabaluktot niya ang salita ng kanyang Diyos, ang Diyos na buháy, ang Makapangyarihan sa lahat, si Yahweh. 37 Ganito ang sasabihin ninyo kung kinakausap ninyo ang isang propeta: ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 38 Ngunit kapag ginamit pa ninyo ang mga salitang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh,’ matapos kong ipagbawal ang paggamit niyon, 39 kayo'y ituturing ko ngang pasaning nakakabigat, at itatapon sa malayo, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno. 40 Ilalagay ko kayo sa kahiya-hiyang kalagayan na hindi ninyo malilimutan habang buhay, at kayo ay hahamakin habang panahon.”

Aral mula sa Mabuti at sa Masamang Igos

24 Pagkatapos(C) gapiin at dalhing-bihag sa Babilonia ng Haring Nebucadnezar si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim, kasama ang mga pinuno, mahuhusay na manggagawa at mga panday ng Juda mula Jerusalem patungong Babilonia, ipinakita sa akin ni Yahweh ang dalawang basket ng igos sa harap ng Templo ni Yahweh sa isang pangitain. Napakaganda ng mga igos sa unang basket, mga unang nahinog na bunga; ngunit napakasasama naman ng igos na nasa pangalawang basket, at hindi na maaaring kainin. At tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”

Sumagot ako, “Mga igos po; napakagaganda ng nasa unang basket, ngunit napakasasama ng nasa isang basket at hindi na maaaring kainin.”

Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh, “Akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Katulad ng mabubuting igos na iyan, ang mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ay itinuturing kong mabubuting tao. Pangangalagaan ko sila at ibabalik balang araw sa kanilang lupain. Patatatagin ko sila at hindi lilipulin; itatanim at hindi bubunutin. Makikilala nila na ako si Yahweh; sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos, sapagkat buong puso silang magbabalik-loob sa akin.

“Ngunit kung paanong hindi makain ang napakasasamang igos,” sabi ni Yahweh, “gayon din ang gagawin ko kay Haring Zedekias ng Juda, sa kanyang mga pinuno, at sa mga natira sa Jerusalem na nananatili sa lupaing ito, pati ang mga nanirahan sa Egipto. Sila'y katatakutan sa lahat ng kaharian sa sanlibutan. Hahamakin sila, at ang pangalan nila'y magiging bukambibig sa pag-alipusta at pagsumpa kahit saan sila mapunta. 10 Daranas sila ng digmaan, taggutom, at salot hanggang sa lubusan silang mawala sa balat ng lupa, sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”

Pitumpung Taon ng Pagkaalipin sa Babilonia

25 Ito(D) ang pahayag na tinanggap ni Jeremias tungkol sa mga taga-Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim, anak ni Josias ng Juda, at unang taon naman ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. Ganito ang sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng mga taga-Juda at mga naninirahan sa Jerusalem: “Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula pa noong ika-13 taon ng paghahari sa Juda ni Josias na anak ni Ammon hanggang ngayon, patuloy kong sinasabi sa inyo ang mga ipinahayag ni Yahweh, subalit ayaw ninyong pakinggan. Hindi ninyo pinansin o pinakinggan ang mga propetang sinugo niya. Sinabi nila na talikuran na ninyo ang masama ninyong pamumuhay at likong gawain, upang sa gayo'y mananatili kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga magulang. Sinabi nilang huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga diyus-diyosan; huwag ninyong pag-aalabin ang poot ni Yahweh dahil sa pagsamba ninyo sa mga diyus-diyosang nililok ng kamay. Kung sumunod lamang kayo sa kanya, sana'y hindi niya kayo pinarusahan. Ngunit hindi kayo nakinig kay Yahweh; ginalit ninyo siya dahil sinamba ninyo ang mga diyus-diyosang inyong ginawa. Kaya naman naganap sa inyo ang kapahamakang ito.

“Kaya ito ang sabi sa inyo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Dahil sa hindi ninyo pagsunod sa aking mga salita, tatawagin ko ang mga bansang nasa hilaga, pati ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakayin nila ang bansang ito, at lahat ng bansang nasa paligid. Wawasakin ko nang lubusan ang mga ito, at kasisindakan ng lahat ang kanilang sinapit. Hahamakin sila ng makakakita sa kanila at mananatiling wasak ang lupain habang panahon. 10 Patatahimikin(E) ko ang himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na rin maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Hindi na maririnig ang ingay ng gilingan. At maglalaho rin ang liwanag ng mga ilawan. 11 Madudurog(F) ang buong lupain at walang mapapakinabangan. Ang kanyang mga mamamayan ay aalipinin ng hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon. 12 Pagkaraan ng pitumpung taon, paparusahan ko naman ang hari ng Babilonia, at ang kanyang mga mamamayan, dahil sa kanilang kasamaan; ibabagsak ko ang bansang iyon at hindi na makakabangon kailanman. 13 Magaganap sa bansang iyon ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila; lahat ng nasusulat sa aklat na ito, na ipinahayag ni Jeremias laban sa lahat ng bansa. 14 Gagawin silang mga alipin ng maraming bansa at mga tanyag na hari; gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga ginawa.”

Ang Matinding Poot ni Yahweh

15 Ito ang mga sinabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: “Kunin mo sa kamay ko ang kopang ito na punô ng alak ng kapootan, at ipainom mo sa lahat ng bansang papupuntahan ko sa iyo. 16 Iinumin nila ito, sila'y malalasing at mababaliw sa tindi ng parusang ipadadala ko sa kanila.”

17 Kaya kinuha ko ang kopa sa kamay ni Yahweh, at ipinainom sa lahat ng bansang pinapuntahan niya sa akin. 18 Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda, kasama ng kanilang mga hari at mga pinuno, upang sila'y mawasak nang lubusan at maging nakakatakot pagmasdan. Sila'y kukutyain at ang mga pangalan nila'y gagamiting pansumpa. Nanatili silang gayon hanggang ngayon. 19 Pinainom ko rin ang Faraon, hari ng Egipto, pati kanyang mga lingkod at pinuno, lahat ng kanyang nasasakupan, 20 at ang mga dayuhang nakikipamayan sa kanila; gayon din ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo na taga-Ascalon, Gaza, Ekron at ang natira sa Asdod; 21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon; 22 lahat ng hari sa Tiro, sa Sidon, at sa mga pulo sa ibayong-dagat; 23 sa mga Lunsod ng Dedan, Tema, Buz, at lahat ng nagpaputol ng kanilang buhok; 24 lahat ng hari sa Arabia at ng magkakahalong liping nasa disyerto; 25 lahat ng hari ng Zimri, ng Elam at ng Media, 26 lahat ng hari sa hilaga, malayo man o malapit, at lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nilang lahat, ang hari ng Babilonia ang huling iinom sa kopang ito.

27 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sabihin mo sa mga tao: ‘Uminom kayo at magpakalasing hanggang sa kayo'y magkandasuka; mabubuwal kayo at hindi na makakabangon, sapagkat dumarating na ang digmaang padala ko sa inyo.’ 28 Kapag tinanggihan nila ang hawak mong alak, sasabihin mo sa kanila: ‘Sinasabi ni Yahweh na kailangang inumin ninyo ito. 29 Una kong paparusahan ang lunsod na tinawag sa aking pangalan; at paano kayo makakaligtas sa parusa? Hindi kayo makakaligtas sa parusa sapagkat padadalhan ko ng digmaan ang lahat ng naninirahan sa lupa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.’

30 “Kaya sabihin mo sa kanila ang lahat ng aking sinabi:

‘Si Yahweh ay magsasalita mula sa kaitaasan,
    mula sa kanyang banal na tahanan;
dadagundong ang kanyang tinig sa kalangitan,
    at aalingawngaw sa buong daigdig gaya ng sigawan ng mga lalaking gumagawa sa pisaan ng ubas.
31 Ang ingay ay aabot sa lahat ng panig ng sanlibutan.
Sapagkat hahatulan niya ang mga bansa,
gayon din ang buong sangkatauhan;
    ang masasama ay kanyang lilipulin.
Ito ang sabi ni Yahweh.’”

32 Ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ang sakuna ay lumalaganap na sa bawat bansa, parang malakas na bagyong dumarating mula sa pinakamalayong panig ng sanlibutan. 33 Sa araw na yaon, ang buong daigdig ay mapupuno ng bangkay ng mga pinatay ni Yahweh. Hindi na sila tatangisan, titipunin, o ililibing; magiging dumi na lamang sila sa ibabaw ng lupa!”

34 Tumangis kayo, mga pastol, umiyak kayo nang malakas! Maglagay kayo ng abo sa inyong ulo, kayong tagapag-alaga ng kawan. Oras na ng pagtungo ninyo sa patayan, at papatayin din kayong gaya ng mga tupa. 35 Walang matatakbuhan ang mga pastol; hindi makakatakas ang mga tagapag-alaga ng kawan. 36 Pakinggan ninyo ang iyakan ng mga pastol, at ang panangisan ng mga tagapag-alaga ng kawan. Sinasalakay na ni Yahweh ang dating matiwasay na pastulan. 37 Ang lahat ng tupa sa kawan ay pinuksa dahil sa matinding poot ni Yahweh. 38 Iniwan niya ang kanyang bayan, gaya ng isang leon na umalis sa kanyang yungib. Naging ilang ang lupain dahil sa digmaan at matinding poot ni Yahweh.

Binantaang Patayin si Jeremias

26 Nang(G) pasimula ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim na anak ni Josias, tumanggap si Jeremias ng pahayag mula kay Yahweh: “Tumayo ka sa bulwagan ng templo at sabihin mo sa lahat ng tao mula sa mga lunsod ng Juda na naroon upang sumamba kay Yahweh ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang maglilihim ng anuman. Baka sakaling sila'y makinig at tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay. Kung magkagayon, baka magbago ang aking isip at hindi ko na itutuloy ang parusang inihahanda ko dahil sa kanilang masasamang gawa.

“Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh: Kung hindi kayo makikinig sa akin, at kung hindi ninyo susundin ang aking mga utos na inihanda ko para sa inyo, at hindi ninyo papakinggan ang sinasabi ng propetang sinugo ko sa inyo, ang(H) templong ito'y itutulad ko sa Shilo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lunsod na ito sa panlalait.’”

Ang pahayag na ito ni Jeremias ay napakinggan ng mga pari, ng mga propeta, at ng lahat ng taong nasa Templo ni Yahweh. Pagkatapos niyang magsalita, si Jeremias ay dinakip nila at nagsigawan ng, “Dapat kang mamatay! Bakit nagpahayag ka sa pangalan ni Yahweh na matutulad sa Shilo ang Templong ito, mawawasak ang lunsod, at walang matitirang sinuman?” At siya'y pinaligiran ng mga tao.

10 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno sa Juda, sila'y madaling nagtungo sa Templo mula sa palasyo at naupo sa kanilang mga upuan sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. 11 Pagkatapos ay sinabi ng mga pari at ng mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, “Dapat lang na mamatay ang taong ito sapagkat nagpahayag siya laban sa lunsod, gaya ng narinig ninyo.”

12 Sinabi naman ni Jeremias sa mga pinuno at mga taong naroon, “Sinugo ako ni Yahweh upang magpahayag laban sa Templong ito at laban sa lunsod, gaya ng narinig na ninyo. 13 Kaya nga, magbago kayo ng inyong pamumuhay at mga gawain, at sundin ninyo ang utos ni Yahweh na inyong Diyos. Sa gayon, magbabago siya ng isip at hindi na itutuloy ang parusang inilalaan laban sa inyo. 14 Ako ay nasa ilalim ng kapangyarihan ninyo; maaari ninyong gawin ang anumang iniisip ninyong matuwid at makatarungan. 15 Ngunit ito ang inyong tandaan: Kapag ako'y pinatay ninyo, pumatay kayo ng taong walang kasalanan; at ito'y magiging sumpa sa inyo at sa lunsod na ito, pati sa lahat ng naninirahan dito, sapagkat alam ninyong sinugo ako ni Yahweh upang sabihin sa inyo ang mga bagay na ito.”

16 Nang makapagsalita si Jeremias, sinabi ng mga pinuno at lahat ng tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito sapagkat ipinahayag niya sa atin ang ipinapasabi ni Yahweh.” 17 Tumayo ang ilang matatanda sa lupain at sinabi sa mga taong naroon, 18 “Si(I) Mikas na taga-Moreset ay nagpahayag noong panahon ni Haring Hezekias ng Juda; sinabi niya sa lahat ng naninirahan sa Juda ang pahayag na ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:

‘Ang Zion ay bubungkaling tulad ng isang bukirin,
    magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem,
    at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.’

19 Pinatay ba ni Haring Hezekias at ng lahat ng taga-Juda si Mikas? Hindi! Sa halip, natakot ang hari at nagmakaawa kay Yahweh. Nagbago naman ang isip ni Yahweh at hindi na itinuloy ang parusang ipapataw sa kanila. Ngunit tayo mismo ang naghahatid ng malaking kapahamakan sa ating sarili.”

20 May isa pang lalaking nagpahayag sa pangalan ni Yahweh; siya si Urias, anak ni Semaya na taga-Lunsod ng Jearim. Nagpahayag siya laban sa lunsod na ito at sa lupaing ito, kagaya rin ng sinabi ni Jeremias. 21 Nang ito'y marinig ni Haring Jehoiakim at ng kanyang mga kawal at mga pinuno, binalak ng haring ipapatay siya. Ngunit nang malaman ni Urias ang gagawin sa kanya, tumakas siya patungong Egipto dahil sa malaking takot. 22 Kaya sinugo ni Haring Jehoiakim sa Egipto si Elnatan na anak ni Acbor at ilan pang kasama nito. 23 Kinuha nila sa Egipto si Urias, dinala sa harapan ni Haring Jehoiakim at pinatay sa pamamagitan ng tabak saka inihagis ang kanyang bangkay sa libingan ng mga karaniwang tao.

24 Subalit si Jeremias ay binantayan ni Ahikam, anak ni Safan, kaya hindi siya napatay ng mga tao.

Nagsuot ng Pamatok si Jeremias

27 Nang(J) pasimula ng paghahari sa Juda ni Zedekias[a] na anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Gumawa ka ng pamatok at lubid at ilagay mo sa iyong batok. Pagkatapos, magpadala ka ng mensahe sa mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tiro at Sidon, sa pamamagitan ng kanilang mga sugo na ngayon ay nasa Jerusalem upang makipag-usap kay Haring Zedekias. Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa kanilang mga hari: ‘Ako ang lumikha sa lupa, sa mga tao, at sa mga hayop na naroon, sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ibinibigay ko ito sa sinumang aking kinalulugdan. Ang(K) lahat ng lupaing ito'y ipinasiya kong ibigay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na aking lingkod. Ibinigay ko rin ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya. Lahat ng bansa'y maglilingkod sa kanya, sa kanyang mga anak at mga apo, hanggang sa bumagsak ang kanyang kaharian. Pagdating ng panahong iyon, ang kaharian naman niya ang aalipinin ng mga hari at bansang makapangyarihan.

“‘Ngunit ang alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at hindi papailalim sa kanyang pamamahala ay paparusahan ko sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at salot, hanggang sa ganap silang mapailalim sa kanyang kapangyarihan. Kaya nga, huwag ninyong papakinggan ang inyong mga propeta, mga manghuhula, mga tumatawag sa espiritu ng mga patay, mga nagpapaliwanag ng mga panaginip, at mga manggagaway kapag pinipigil nila kayo na maglingkod sa hari ng Babilonia. 10 Kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo at ito ang magiging dahilan upang mapatapon kayo sa malayong lupain. Kayo'y itataboy ko, at mapapahamak kayong lahat. 11 Subalit kung ang alinmang bansa'y pasakop sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, pananatilihin ko sila sa kanilang bayan; bubungkalin nila ang sariling lupa at doon maninirahan.’”

12 Ganito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekias ng Juda: “Pasakop kayo sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, at paglingkuran ninyo siya at ang kanyang bayan upang kayo'y mabuhay. 13 Kung hindi, mamamatay kayo sa digmaan at salot; ito ang parusang inilaan ni Yahweh sa alinmang bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia. 14 Huwag kayong maniwala sa mga propetang pumipigil sa inyo na maglingkod sa hari ng Babilonia; kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo. 15 Hindi ko sila sinugo; ginagamit lamang nila ang aking pangalan. Kaya, palalayasin ko kayo sa lupaing ito at kayo'y malilipol, pati ang mga propetang nandaya sa inyo.”

16 Sinabi ko naman sa mga pari at sa buong bayan ang ipinapasabi ni Yahweh: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagsasabi sa inyo na ang mga kagamitan sa bahay ni Yahweh ay ibabalik mula sa Babilonia sa madaling panahon. Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. 17 Huwag ninyo silang papakinggan; pasakop kayo sa hari ng Babilonia upang kayo'y mabuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito? 18 Kung sila'y talagang mga propeta, at kung salita nga ni Yahweh ang dala nila, ipakiusap nila kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na ang mga kayamanang natitira pa sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa Jerusalem, ay huwag madala sa Babilonia. 19 Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga haligi sa Templo, sa lalagyan ng tubig na yari sa tanso at mga patungan nito, at sa iba pang kagamitang natira sa lunsod. 20 Ang mga ito'y hindi kinuha ni Haring Nebucadnezar nang dalhin niyang bihag sa Babilonia si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim ng Juda, pati ang kanyang mga pinunong nasa Juda at Jerusalem. 21 Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel tungkol sa mga kagamitang naiwan sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa lunsod ng Jerusalem: 22 Ang mga ito'y dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na itinakda ko. Pagkatapos ay muli ko itong ibabalik sa kanya-kanyang lugar.”

Si Jeremias at si Propeta Hananias

28 Nang(L) taon ding iyon, ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekias sa Juda, si Jeremias ay kinausap sa Templo ni Hananias, anak ni Propeta Azur ng Gibeon. Sa harap ng mga pari at ng mga tao, sinabi ni Hananias: “Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Winakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa Templong ito ang lahat ng kagamitan na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ibabalik ko rin dito si Jeconias, ang anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, at ang lahat ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia; aalisin ko na kayo sa ilalim ng kapangyarihan ng hari ng Babilonia.”

Nagsalita naman si Propeta Jeremias kay Propeta Hananias sa harap ng mga pari at sa lahat ng mga taong naroon sa patyo ng Templo, “Amen! Ganyan nga sana ang gawin ni Yahweh! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo at maibalik nga sana rito ang lahat ng kagamitan ng Templo mula sa Babilonia at lahat ng mga dinalang-bihag! Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at sa mga kilalang kaharian. Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na magkakaroon ng kapayapaan, saka lamang natin malalamang si Yahweh nga ang nagsugo sa kanya.”

10 Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Hananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali ito. 11 Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon: “Sinasabi ni Yahweh na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa lahat ng bansa, at ito'y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.” At umalis na si Propeta Jeremias.

12 Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Hananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ni Yahweh si Jeremias: 13 “Pumunta ka kay Hananias at sabihin mo: Nabali mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ito ng bakal. 14 Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila'y maglingkod kay Haring Nebucadnezar, at ito'y siguradong magaganap sapagkat maging hayop sa parang ay ipinasakop ko sa kanya.” 15 At sinabi pa ni Propeta Jeremias, “Hananias, hindi ka sinugo ni Yahweh, at pinapaniwala mo ang mga taong ito sa isang kasinungalingan. 16 Kaya ang sabi ni Yahweh: ‘Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban kay Yahweh!’”

17 At noong ikapitong buwan ng taóng iyon, si Propeta Hananias ay namatay nga.

Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Dinalang-bihag

29 Nagpadala(M) ng sulat si Propeta Jeremias mula sa Jerusalem para sa nalalabing matatandang bihag, mga pari at mga propeta, at lahat ng taong dinalang-bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia. Ito'y ginawa niya matapos lisanin ni Haring Jeconias ang Jerusalem, kasama ang kanyang inang reyna, mga eunuko, mga pinuno at mga panday ng palasyo. Ang sulat ay ipinadala ng propeta kina Elasa, anak ni Safan, at Gemarias, anak ni Hilkias, na sinugo ni Haring Zedekias kay Haring Nebucadnezar sa Babilonia. Ganito ang sinasabi sa sulat:

“Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad. Huwag kayong magpapalinlang sa inyong mga propeta at mga manghuhula. Huwag kayong basta-bastang maniniwala sa kanilang mga panaginip. Tandaan ninyo: Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo; sila'y hindi ko sinugo, ang sabi ni Yahweh.

10 “Subalit(N) ito ang aking sinabi: Pagkatapos lamang ng pitumpung taon ng pagkabihag sa Babilonia, muli kong ipadarama ang pag-ibig ko sa inyo. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. 12 Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. 13 Kapag(O) hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin. 14 Oo, ako'y matatagpuan ninyo, sabi ni Yahweh, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng bansa at pook na pinagdalhan ko sa inyo, at ibabalik sa dakong pinagmulan ninyo bago kayo nabihag.

15 “Sinasabi ninyong si Yahweh ay humirang ng mga propeta para sa inyo diyan sa Babilonia. 16 Ganito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa haring nakaupo sa trono ni David at sa lahat ng inyong kababayang nakatira sa lunsod na ito at sa hindi nabihag na mga kasama ninyo: 17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom, at salot, at matutulad sila sa mga igos na bulok kaya't hindi na makakain. 18 Sila'y mamamatay sa labanan, sa gutom at salot. Masisindak ang lahat ng bansa sa kanilang sasapitin. Sila'y hahamakin at susumpain ng lahat ng bansang pinagtapunan ko sa kanila. 19 Kung paanong hindi nila pinakinggan ang mga propetang sinugo ko sa kanila, gayon din kayo. 20 Ngunit kayong mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia, makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: 21 Paparusahan ni Yahweh si Ahab na anak ni Kolaias, at si Zedekias, na anak naman ni Maasias, sapagkat ginamit nila sa kasinungalingan ang aking pangalan. Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at papatayin sa inyong harapan. 22 Ang kanilang pangala'y babanggitin ng lahat ng taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia, kapag sinusumpa nila ang kanilang kapwa; sasabihin nila, ‘Gawin sana sa inyo ni Yahweh ang ginawa kina Zedekias at Ahab, na sinunog nang buháy ng hari ng Babilonia!’ 23 Ganito ang mangyayari sa kanila sapagkat kasuklam-suklam ang kanilang ginawa sa Israel. Sila'y nangalunya at ginamit pa ang aking pangalan sa kasinungalingan. Nalalaman ko ito at nasaksihan.”

Ang Sulat ni Semaias

24 Sabihin mo kay Semaias na taga-Nehelam, 25 ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sinulatan mo ang mga taga-Jerusalem, ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, at ang lahat ng mga pari. Sinabi mong 26 si Zefanias ang hinirang ni Yahweh bilang kapalit ng paring si Joiada. At bilang namamahala sa Templo, tungkulin niyang lagyan ng posas at tanikala sa leeg ang bawat nababaliw na lalaking nagpapahayag sa mga tao bilang propeta. 27 Bakit hindi mo pinigil si Jeremias ng Anatot na nagpapahayag sa inyo bilang propeta? 28 Sa mga bihag sa Babilonia'y sinabi niya: ‘Magtatagal kayo rito kaya magtayo kayo ng mga bahay na matitirhan at magtanim kayo para may makain.’”

29 Binasa ng paring si Zefanias ang sulat na ito nang naririnig ni Propeta Jeremias. 30 At tinanggap ni Jeremias ang salita ni Yahweh: 31 “Sabihin mo sa lahat ng mga dinalang-bihag sa Babilonia na ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Semaias na taga-Nehelam: Nagpahayag si Semaias gayong hindi ko naman siya sinugo, at pinapaniwala kayo sa isang kasinungalingan. 32 Dahil dito, siya'y paparusahan ko at ang kanyang mga salinlahi. Hindi na niya masasaksihan ang kasaganaang ipagkakaloob ko sa aking bayan, sapagkat nagpapahayag siya ng paghihimagsik laban sa akin.”

Ang mga Pangako ni Yahweh para sa Israel

30 Kinausap ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, si Jeremias, at sinabi: “Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. Sapagkat darating na ang panahon na palalayain ko ang aking bayan, ang Israel at ang Juda, at ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno; ito'y magiging kanila muli.” Ito ang mga sinabi ni Yahweh tungkol sa Israel at sa Juda:

“Narinig ko ang sigaw ng isang takot na takot,
    ng isang nasindak at walang kapayapaan.
Isipin mong mabuti:
    Maaari bang manganak ang isang lalaki?
Bakit hawak-hawak ng bawat lalaki ang kanyang tiyan,
    tulad ng isang babaing manganganak?
    Bakit namumutla ang kanilang mga mukha?
Nakakatakot ang araw na iyon.
    Wala itong katulad;
    ito'y panahon ng paghihirap para kay Jacob,
    ngunit siya'y makakaligtas.

“Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “babaliin ko ang pamatok sa kanilang mga leeg at kakalagin ko ang kanilang tali; hindi na sila aalipinin ng mga dayuhan. Sa halip, sila'y maglilingkod kay Yahweh na kanilang Diyos, at kay David na kanilang magiging hari.

10 “Ngunit(P) huwag kang matakot, lingkod kong Jacob;
    at huwag kang manlupaypay, Israel.
Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon;
    kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak.
Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob,
    at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
11 Ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo.
Lilipulin ko ang lahat ng bansang pinagkalatan ko sa inyo;
    subalit kayo'y hindi malilipol.
Paparusahan ko kayo nang marapat,
    ngunit ako'y magiging makatarungan sa inyo.”

12 Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Wala nang lunas ang iyong sakit,
    malalâ na ang iyong sugat.
13 Walang mag-aalaga sa iyo,
    walang kagamutan sa iyong sugat;
    wala ka nang pag-asang gumaling pa.
14 Nilimot ka na ng lahat mong mangingibig;
    wala na silang malasakit sa iyo.
Sinaktan kita, gaya ng isang kaaway,
    buong lupit kitang pinarusahan;
    sapagkat matindi ang iyong kasamaan
    at napakarami mong kasalanan.
15 Huwag ka nang umiyak dahil sa iyong sakit;
    wala nang lunas ang sugat mo.
Ginawa ko ito sa iyo
    sapagkat matindi ang iyong kasamaan
    at napakarami mong kasalanan.
16 Gayunman, lahat ng umapi sa iyo ay aapihin;
    lahat ng iyong kaaway ay bibihagin din.
Nanakawan ang nagnakaw ng kayamanan mo.
    Ang bumiktima sa iyo ay bibiktimahin din.
17 Ibabalik ko ang kalusugan mo,
    at pagagalingin ang iyong mga sugat.
Kayo'y tinawag nilang mga itinakwil,
    ang Zion na walang nagmamalasakit.”

18 Sinabi pa ni Yahweh:
“Muli kong ibabalik ang kasaganaan sa lipi ni Jacob.
    Kahahabagan ko ang buong sambahayan niya.
Ang lunsod na winasak ay muling itatayo,
    at muling itatayo ang bawat gusali.
19 Ang mga tao roon ay aawit ng pasasalamat
    at magkakaingay sa kagalakan.
Sila'y aking pararamihin;
    pararangalan ko sila at wala nang hahamak sa kanila.
20 Ibabalik ko ang kanilang dating kapangyarihan,
    at sila'y magiging matatag sa aking harapan.
    Paparusahan ko ang lahat ng mang-aapi sa kanila.
21 Lilitaw ang isang pinuno na mula rin sa kanila.
Aanyayahan ko siya kaya siya nama'y lalapit sa akin,
    sapagkat walang mangangahas na lumapit sa akin kung hindi inanyayahan.
22 Sila'y magiging bayan ko,
    at ako ang kanilang magiging Diyos.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

23 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyo, parang nag-aalimpuyong hangin na hahampas sa ulo ng masasama. 24 Hindi magbabago ang matinding poot ni Yahweh hangga't hindi niya naisasagawa ang kanyang balak. Mauunawaan ninyo ito sa mga araw na darating.

Ang Pagbabalik ng mga Israelita

31 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “ako'y magiging Diyos ng buong Israel at magiging bayan ko sila.”

Ang sabi pa ni Yahweh, “Ang mga taong nakaligtas sa digmaan ay nakatagpo naman ng awa sa ilang. Nang ang Israel ay naghahanap ng kapahingahan, napakita ako sa kanila mula sa malayo; sa simula pa'y inibig ko na sila kaya patuloy akong magiging tapat sa kanila. Muli kitang itatayo, marilag na Israel. Hahawakan mong muli ang iyong mga tamburin, at makikisayaw sa mga nagkakasayahan. Muli kang magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria; magtatanim ang mga magsasaka, at masisiyahan sa ibubunga niyon. Sapagkat darating ang araw na hihiyaw ang mga bantay mula sa kaburulan ng Efraim, ‘Halikayo, umakyat tayo sa Zion, kay Yahweh na ating Diyos.’”

Ang sabi ni Yahweh:
“Umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob,
    ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa;
magpuri kayo at inyong ipahayag
    na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan,
    ang mga nalabi sa Israel.
Narito, sila'y ibabalik ko mula sa hilaga;
    titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan,
kasama ang mga bulag at mga pilay,
    ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak;
sila'y babalik na talagang napakarami!
Uuwi silang nag-iiyakan habang daan,
    nananalangin samantalang inaakay ko pabalik.
Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig,
    pararaanin sa patag na landas upang hindi sila madapa.
Sapagkat ang Israel ay aking anak,
    at si Efraim ang aking panganay.”

10 “Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ni Yahweh,
    at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
‘Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila'y muli kong titipunin at aalagaan,
    gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.’
11 Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob,
    at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na higit na malakas sa kanya.
12 Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Zion,
    puspos ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ni Yahweh:
    saganang trigo, bagong alak at langis,
    at maraming bakahan at kawan ng tupa.
Matutulad sila sa isang halamanang dinidilig,
    hindi na sila muling magkukulang.
13 Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga,
    makikigalak pati mga binata't matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
    aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
14 Bubusugin ko ng pinakamainam na pagkain ang mga pari,
    at masisiyahan ang buong bayan sa kasaganaang aking ibibigay.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

Ang Pagkahabag ni Yahweh sa Israel

15 Sinabi(Q) ni Yahweh:
“Narinig sa Rama ang isang tinig—
    panaghoy at mapait na pagtangis
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
    Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”
16 Sinasabi ni Yahweh:
“Itigil na ninyo ang inyong pag-iyak,
    huwag na kayong lumuha;
sapagkat gagantimpalaan ang inyong mga ginawa,
    babalik sila mula sa lupain ng kaaway.
17 May pag-asa sa hinaharap, sabi ni Yahweh,
    magbabalik sa sariling bayan ang inyong mga anak.

18 “Narinig kong nananaghoy ang mga taga-Efraim:
‘Pinarusahan ninyo kami
    na parang mga guyang hindi pa natuturuan.
Ibalik ninyo kami nang kami'y gumaling,
    sapagkat kayo si Yahweh na aming Diyos.
19 Tumalikod kami sa inyo ngunit ngayo'y nagsisisi na;
    natuto kami matapos ninyong parusahan.
Napahiya kami't nalungkot dahil nagkasala kami
    sa panahon ng aming kabataan.’

20 “Si Efraim ang aking anak na minamahal,
    ang anak na aking kinalulugdan.
Kung gaano kadalas ko siyang pinaparusahan,
    gayon ko siya naaalaala.
Kaya hinahanap ko siya,
    at ako'y nahahabag sa kanya.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

21 “Maglagay ka ng mga batong pananda sa iyong landas;
    hanapin mo ang daang iyong nilakaran.
Magbalik ka, Israel, sa mga lunsod na dati mong tinirhan.
22 Anak ko, hanggang kailan ka pa mag-aalinlangan?
Ako, si Yahweh, ay nagtatag ng isang bagong kaayusan:
    ang babae ang siyang magtatanggol sa lalaki.”

Ang Kasaganaang Mararanasan ng Israel

23 Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Muling sasabihin ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa kanyang mga lunsod, kapag ibinalik ko na sila sa kanilang tahanan:

‘Pagpapalain ni Yahweh
    ang bundok na banal ng Jerusalem, na kanyang tinatahanan.’

24 Ang mga nagsasaka at mga pastol ay muling magkakasamang maninirahan sa Juda. 25 Bibigyan ko ng inumin ang nauuhaw, at bubusugin ang nanlulupaypay dahil sa matinding gutom. 26 At masasabi ng sinumang tao: ‘Ako'y natulog at nagising na maginhawa.’”

27 Sabi ni Yahweh, “Darating ang panahon na pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa Israel at sa Juda. 28 Kung paano ako naging maingat nang sila'y aking ibagsak, bunutin, sirain, saktan, at lipulin, buong ingat ko rin silang itatanim at itatatag. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 29 Pagdating(R) ng panahong iyon, hindi na nila sasabihin, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin.’ 30 Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas ang siyang mangingilo; mamamatay ang isang tao dahil sa kanyang kasalanan.”

31 Sinasabi(S) (T) ni Yahweh, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong tipan sa Israel at sa Juda. 32 Ito'y hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagama't para akong isang asawa sa kanila, sinira nila ang kasunduang ito. 33 Ganito(U) ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan. 34 Hindi(V) na nila kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo si Yahweh’; sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang kasalanan at kalilimutan ko na ang kanilang kasamaan.”

35 Si Yahweh ang naglagay ng araw upang lumiwanag sa maghapon,
    at ng buwan at mga bituin upang tumanglaw sa magdamag;
siya ang nagpapagalaw sa dagat kaya umuugong ang mga alon;
    ang pangalan niya'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!
36 “Habang ang kaayusang ito'y nananatili,
    hindi mawawala kailanman ang bansang Israel,” ito ang sabi ni Yahweh.
37 “Kung masusukat ang kalangitan
    o maaarok ang kalaliman ng lupa,
    maaari kong itakwil ang buong Israel
    dahil sa lahat ng kanilang ginawa.”
Ito'y nagmula sa bibig ni Yahweh.

38 “Darating ang panahon na muling itatatag ang lunsod ng Jerusalem para sa karangalan ni Yahweh, mula sa Tore ng Hananel hanggang sa Panulukang Pinto. 39 Ang hangganan nito'y lalampas sa burol ng Gareb saka liliko sa Goa. 40 Ang buong libis na pinagtatapunan ng mga bangkay at abo, gayon din ang lahat ng bukirin sa itaas ng batis ng Kidron hanggang sa Pintuang Labasan ng mga Kabayo sa gawing silangan, ay itatalaga sa akin. Hindi na mawawasak o masasakop ninuman ang lunsod na ito.”

Si Jeremias ay Bumili ng Bukid sa Anatot

32 Nagpahayag(W) si Yahweh kay Jeremias noong ika-10 taon ng paghahari sa Juda ni Zedekias, at ika-18 taon naman ni Nebucadnezar ng Babilonia. Nang panahong iyon, na sinasalakay ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, si Propeta Jeremias nama'y mahigpit na binabantayan sa bilangguan ng palasyo. Ipinabilanggo siya ni Haring Zedekias dahil sa kanyang patuloy na pagpapahayag at pagsasabing, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Ipapasakop ko ang lunsod na ito sa hari ng Babilonia. Si Haring Zedekias ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia, at ihaharap siya sa hari nito. Makakausap niya ito at makikita nang harap-harapan. Dadalhin siyang bihag sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa muli ko siyang maalala. Kahit anong pakikipaglaban ang gawin ninyo, hindi kayo magtatagumpay laban sa kanila.”

Sinabi pa ni Jeremias, “Ito ang pahayag sa akin ni Yahweh: Si Hanamel na anak ng iyong amaing si Sallum ay lalapit sa iyo upang ipagbili ang kanyang bukirin sa Anatot sapagkat ikaw ang malapit niyang kamag-anak at may karapatang bumili niyon.” Gaya nga ng sinabi ni Yahweh, si Hanamel ay pumunta sa akin at sinabi: “Bilhin mo na ang bukid ko sa Anatot, sa lupain ng Benjamin. Ikaw ang may karapatang bumili niyon bilang pinakamalapit kong kamag-anak.” Naalala ko ang sinabi ni Yahweh, kaya binili ko ang bukid ng pinsan kong si Hanamel, sa halagang labimpitong pirasong pilak. 10 Nilagdaan ko ang kasulatan ng pagkabili at tinatakan; tumawag siya ng mga saksi, at tinimbang sa harapan nila ang salaping kabayaran. 11 Pagkatapos, kinuha ko ang kasulatan ng pagkabili, na tinatakan, at isang kopyang nakabukas, 12 at aking ibinigay kay Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maaseias. Ito'y nasaksihan ni Hanamel, ng mga saksing lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at ng mga Judiong nasa himpilan ng mga bantay. 13 Sa harapan nilang lahat, tinagubilinan ni Jeremias si Baruc ng ganito: 14 “Ito ang utos ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Kunin mo ang mga kasulatang ito—ang tinatakan at ang nakabukas—at ilagay mo sa isang tapayan para hindi masira agad. 15 Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh: Darating ang panahon na muling bibilhin ang mga bahay, bukirin, at ubasan sa lupaing ito.”

Ang Panalangin ni Jeremias

16 Nang maibigay na kay Baruc ang kasulatan ng pagkakabili, 17 si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo. 18 Nagpamalas ka ng kagandahang-loob sa libu-libo ngunit pinaparusahan mo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang. O dakila at makapangyarihang Diyos na ang pangala'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 19 dakila ang iyong mga panukala at kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Nakikita mo ang ginagawa ng lahat ng tao, at ginagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay at gawa. 20 Gumawa ka ng mga tanda at kababalaghan sa Egipto, at hanggang ngayo'y patuloy kang gumagawa ng mga kababalaghan sa Israel at sa ibang mga bansa, kaya kilala na ngayon ang iyong pangalan sa lahat ng dako. 21 Inilabas mo sa Egipto ang iyong bayang Israel, kasabay ng mga tanda at kababalaghan; ikaw ang umakay sa kanila, sa pamamagitan ng iyong lakas at taglay na kapangyarihan. 22 Ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay, gaya ng ipinangako mo sa kanilang mga ninuno; 23 pinasok nila ito at sinakop. Ngunit hindi nila sinunod ang iyong utos o namuhay man ayon sa iyong kautusan. Hindi nila tinupad ang alinman sa mga utos, kaya nga ipinadala mo sa kanila ang lahat ng kapahamakang gaya nito. 24 Sasalakay na ang mga taga-Babilonia; marami ang masasawi sa labanan, sa gutom, at sa salot. Ang lunsod ay mahuhulog sa kamay ng kaaway. Matutupad na ang lahat ng iyong sinabi. 25 Ngunit ikaw ang nag-utos sa akin, Panginoong Yahweh, na bilhin ko sa harapan ng mga saksi ang bukirin, bagaman ang lunsod na ito ay naibigay na sa mga taga-Babilonia.”

26 At sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 27 “Ako si Yahweh, ang Diyos ng lahat ng tao; walang bagay na mahirap para sa akin. 28 Kaya(X) nga, tandaan mo ang sinasabi ko: Ibibigay ko sa mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang lunsod na ito. 29 Ito'y papasukin ng hukbo niya at susunugin; kasamang matutupok ang mga bahay ng mga taong kinapopootan ko. Sapagkat ang mga bubungan nila'y ginamit na sunugan ng insenso para kay Baal, at dito rin ibinubuhos ang mga alak na handog sa ibang diyos.

30 “Buhat pa sa pasimula, wala nang ginawa ang Israel at ang Juda kundi puro kasamaan, kaya nagagalit ako sa kanilang ginagawa,” ang sabi ni Yahweh. 31 “Mula nang itayo ang lunsod na ito, lagi na lamang nila akong ginagalit, kaya wawasakin ko na ito. 32 Suklam na suklam na ako sa likong gawain ng mga taga-Israel at Juda, ng kanilang mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at lahat ng naninirahan dito. 33 Ako'y tinalikuran nila; bagama't patuloy ko silang tinuruan, ayaw nilang makinig o tumanggap man ng payo. 34 Inilagay(Y) pa nila ang kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa aking Templo, at sa gayo'y dinumihan ito. 35 Gumawa(Z) pa sila ng mga altar para kay Baal sa Libis ng Ben Hinom, at doon sinusunog bilang handog kay Molec ang kanilang mga anak. Hindi ko ito iniutos o inisip man lamang na ipagawa sa kanila upang magkasala ang Juda.”

Ang Pangako ni Yahweh

36 Kaya nga, sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias, “Ipahayag mo na ang lunsod na ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, sa pamamagitan ng digmaan, gutom at salot. 37 Ngunit ngayon, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila nang ako'y magalit. Ibabalik ko sila sa lupaing ito, at ligtas na maninirahan dito. 38 At sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos. 39 Magkakaisa sila ng puso at layunin sa pagsunod sa akin para sa kanilang kabutihan at ng kanilang mga anak. 40 Makikipagtipan ako sa kanila ng isang walang hanggang tipan; pagpapalain ko sila habang panahon at tuturuang sumunod sa akin nang buong puso upang hindi na sila tumalikod pa sa akin. 41 Ikagagalak ko ang gawan sila ng kabutihan. Ipinapangako kong patatatagin ko sila sa lupaing ito, at gagawin ko ito nang buong puso't kaluluwa.”

42 Sabi ni Yahweh, “Kung paanong pinadalhan ko ng kapahamakan ang bayang ito; gayon ko ipagkakaloob ang kasaganaang aking ipinangako. 43 Muling magbebentahan ng mga bukirin sa lupaing ito na ngayo'y wala nang naninirahan kahit tao o hayop, at nasa kamay ng mga taga-Babilonia. 44 At sa pagbibilihang muli ng mga bukirin, lalagdaan at tatatakan ang mga kasulatan ng pagkabili, sa harapan ng mga saksi. Ito'y magaganap sa Benjamin, sa paligid ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda, sa kaburulan, sa Sefela, at sa mga lunsod sa timog ng Juda; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan.”

Nanumbalik sa Jerusalem ang Kasaganaan

33 Muling nagpahayag si Yahweh kay Jeremias samantalang ito'y nakabilanggo at mahigpit na binabantayan. Ganito ang sabi sa kanya: “Ako ang lumikha, humugis at nag-ayos ng buong daigdig. Yahweh ang aking pangalan. Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman. Ako, si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito sa iyo. Gigibain ko ang mga bahay sa lunsod ng Jerusalem at ang palasyo ng hari sa Juda upang gamiting tanggulan laban sa sumasalakay na mga hukbo ng Babilonia. Papasukin kayo ng mga kaaway, at marami ang mamamatay sa labanan sapagkat pupuksain ko sila sa tindi ng aking poot. Itinakwil ko ang lunsod na ito dahil sa kanilang kasamaan. Ngunit pagagalingin ko silang muli. Hahanguin ko sa kahirapan ang Juda at Israel, at bibigyan sila ng kapayapaan at kasaganaan. Ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at muli silang itatatag. Lilinisin ko sila sa lahat nilang kasalanan at patatawarin sa kanilang paghihimagsik laban sa akin. At dahil sa lunsod na ito'y matatanyag ang aking pangalan, pupurihin at dadakilain ng lahat ng bansa, kapag nabalitaan nila ang lahat ng pagpapalang ipinagkaloob ko sa kanila. Maaantig sila at mapupuno ng paghanga dahil sa mga pagpapala't kapayapaang ibinigay ko sa aking bayan.”

10 Ito pa ang sabi ni Yahweh: “Sinasabi ninyo na ang lugar na ito'y parang disyerto; walang nakatirang tao o hayop. Wala ngang naninirahan sa mga lunsod ng Juda at walang tao sa mga lansangan ng Jerusalem. 11 Ngunit(AA) darating ang panahon na muling maririnig sa lugar na ito ang katuwaan at kasayahan, ang tinig ng mga ikinakasal habang sila'y nasa bahay ni Yahweh upang maghandog ng pagpupuri at pasasalamat; maririnig ang sigawang,

‘Purihin si Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
    dahil sa kanyang kabutihan,
    pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!’

At ibabalik ko ang kayamanan ng bayan. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.”

12 Ito ang sabi ni Yahweh: “Sa buong lupaing ito na walang pakinabang at walang nakatirang tao o hayop, muling magbabalik ang mga pastol at payapang magsisikain ang kanilang mga kawan. 13 Sa mga lunsod sa kaburulan, sa kapatagan, sa timog, sa lupain ng Benjamin, sa palibot ng Jerusalem at ng Juda, muling magkakaroon ng maraming kawan na inaalagaan ng kanilang mga pastol.”

14 Sinabi(AB) ni Yahweh, “Tiyak na darating ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. 15 At sa panahong iyon, pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katuwiran sa buong lupain. 16 Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila'y tatawagin sa pangalang ito: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’ 17 Si(AC) David ay hindi mawawalan ng kahalili sa trono ng bayang Israel. 18 At(AD) mula sa lahi ni Levi, hindi kukulangin ng pari na mag-aalay sa akin ng mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, at iba pang mga handog sa lahat ng panahon.”

19 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 20 “Kung paanong hindi mababago ang batas na itinakda ko para sa araw at sa gabi, 21 gayon din naman, hindi masisira ang aking pangako sa lingkod kong si David at sa mga Levita. Hindi mawawalan ng uupo sa trono mula sa kanyang lipi; hindi rin mauubos ang mga pari sa lahi ni Levi. 22 Gaya ng hindi mabilang na bituin sa kalangitan at buhangin sa dagat, gayon ko pararamihin ang mga inapo ng aking lingkod na si David at ng mga Levitang naglilingkod sa akin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.