Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 12:21-23:39

Ang mga Palasak na Kasabihan

21 Sinabi sa akin ni Yahweh, 22 “Ezekiel, anak ng tao, laganap ngayon sa buong Israel ang kasabihang, ‘Humahaba ang mga araw ngunit isa man sa mga hula'y walang katuparang natatanaw.’ 23 Sabihin mo sa kanilang mawawala na ang kasabihang iyan, hindi na ito maririnig sa Israel. Sabihin mo ring malapit nang matupad ang lahat ng inihayag sa kanila. 24 Mula ngayo'y mawawala na ang maling pagpapahayag sa sambayanang Israel. 25 Akong si Yahweh ang magsasabi ng dapat sabihin. Hindi na magtatagal, mga Israelitang mapaghimagsik, at mangyayari sa inyong kapanahunan ang lahat ng aking sasabihin.”

26 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 27 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga Israelita na ang nakikita mong mga pangitain ay hindi magkakatotoo kung ngayon lamang. Magtatagal pa raw bago mangyari ang inihahayag mo ngayon. 28 Kaya, sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ko: ‘Isa man sa mga sinabi ko'y hindi maaantala. Hindi na magtatagal at magaganap ang lahat ng ito.’”

Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propeta

13 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propeta ng Israel sapagkat ang ipinapahayag nila sa mga tao ay sarili nilang kaisipan at hindi mula sa akin. Sabihin mo sa kanilang makinig sa mensahe ni Yahweh!”

Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kaawa-awa ang kalagayang sasapitin ng mga propetang nagpapahayag ng sariling kaisipan at hindi ang mula sa akin. Bayang Israel, ang iyong mga propeta ay parang mga alamid sa mga pook ng lagim. Hindi nila ginawa ang sirang bahagi ng pader ng sambahayan ni Israel para ito'y manatiling nakatayo sa araw ni Yahweh. Pawang kasinungalingan ang ipinahayag nila. Ang pahayag nila'y, ‘Sinasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko sila sinusugo. Sa kabila noon, inaasam nilang pangyayarihin ko ang kanilang ipinahayag. Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang pahayag sapagkat sabi nila'y ipinapasabi ko iyon bagama't wala akong sinasabing ganoon.”

Kaya't ipinapasabi sa kanila ng Panginoong Yahweh: “Huwad ang inyong pangitain at kasinungalingan ang inyong pahayag. Ako'y laban sa inyo. Paparusahan ko ang mga propetang may huwad na pangitain at nagpapahayag ng kasinungalingan. Hindi sila mapapabilang sa lupong sanggunian ng aking bayan o sa aklat-talaan ng bayan ng Israel. Hindi na kayo makakapasok muli sa lupaing ito. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 10 Dinadaya(A) ninyo ang aking bayan. Sinasabi ninyong, ‘Payapa ang lahat’ gayong wala namang kapayapaan. At kapag may nagtatayo ng mahinang pader, tinatapalan ninyo ito ng kalburo. 11 Sabihin mo sa kanila na guguho ang pader na iyon sapagkat bubuhos ang malakas na ulan, babagyo ng yelo at magpapadala ako ng unos. 12 At pagbagsak ng pader na iyon, itatanong sa inyo kung nasaan ang inyong itinapal.”

13 Kaya, ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dahil sa aking galit, magpapadala ako ng unos. Dahil sa tindi ng aking poot, ibubuhos ko ang malakas na ulan. Dahil sa laki ng aking galit, magpapaulan ako ng yelo upang sirain ang pader na iyon. 14 Ang pader na inyong tinapalan ng kalburo ay iguguho ko hanggang sa pundasyon nito. Pagguho nito, matatabunan kayo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 15 Ang matinding galit ko'y ibubuhos ko sa pader na iyon at sa mga nagtapal niyon. Pagkatapos, sasabihin kong wala na ang pader pati ang mga nagtapal niyon. 16 Ang mga nagtapal ng pader ay ang mga propeta ng Israel na nagsabing maayos ang lahat sa Jerusalem ngunit kabaligtaran ang nangyari.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.

Ang Pahayag Laban sa mga Babaing Bulaang Propeta

17 Ang sabi ni Yahweh, “Ngayon, Ezekiel, magpahayag ka laban sa mga kababayan mong babae na nagpahayag ayon sa kanilang sariling isipan. 18 Ganito ang sabihin mo sa kanila: Kahabag-habag ang mga babaing bumibihag sa kalooban ng mga tao sa pamamagitan ng pulseras nila sa kamay at belo sa ulo ayon sa lahi ng tao. Binibihag ba ninyo ang kalooban ng aking bayan para sa inyong kapakinabangan? 19 Ginawan ninyo ako ng malaking kalapastanganan sa harap ng aking bayan sa pamamagitan ng kaunting harina at ng durog na tinapay. Sa pamamagitan ng inyong pagsasabi ng kasinungalingan sa mga mahilig makinig ng kasinungalingan, pinapatay ninyo ang dapat mabuhay at binubuhay ang dapat mamatay.”

20 Kaya nga ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Nasusuklam ako sa mga pulseras ninyong may salamangka para mabihag ang kalooban ng mga tao. Hahablutin ko iyan sa inyong mga kamay, at palalayaing tulad ng ibon ang isipan ng mga taong nabihag ninyo. 21 Hahaltakin ko rin ang inyong mga belo, at palalayain ko ang aking bayan mula sa inyong kapangyarihan. Hindi na ninyo sila masasakop. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 22 Tinakot ninyo ang mga matuwid dahil sa inyong kasinungalingan at pinalakas ninyo ang loob ng masasama para lalong magpatuloy sa kanilang kasamaan. 23 Kaya naman, hindi na ninyo makikita ang huwad ninyong pangitain at hindi na ninyo magagawang magpahayag ng inyong mga kasinungalingan. Ililigtas ko mula sa inyong kapangyarihan ang aking bayan, at malalaman ninyong ako si Yahweh.”

Ang Hatol Laban sa mga Sumasamba sa Diyus-diyosan

14 Minsan, pumunta sa akin ang ilang pinuno ng Israel upang magpasangguni kay Yahweh. Ang sabi naman sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang mga ito'y nahumaling na sa diyus-diyosan at naibunsod sa kasamaan. Hindi ko sila tutugunin sa pagsangguni nila sa akin. Sabihin mo na lamang sa kanila na ipinapasabi kong huwag sasangguni sa mga propeta ang sinumang Israelitang sumasamba sa diyus-diyosan na naging dahilan ng patuloy nilang pagkakasala. Kapag sumangguni sila, tuwiran kong ibibigay sa kanila ang sagot na nararapat sa marami nilang diyus-diyosan. Sa pamamagitan ng sagot kong ito, manunumbalik sa akin ang mga Israelitang ito na nahumaling sa pagsamba sa mga diyus-diyosan.

“Sabihin mo nga sa bayang Israel na ipinapasabi ko: Magsisi na kayo at tigilan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Sapagkat ako ang tuwirang sasagot sa sinumang Israelita o nakikipamayan sa Israel na sasangguni sa propeta habang siya ay malayo sa akin, at patuloy sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa kanyang kasamaan. Itatakwil ko ang ganoong uri ng tao. Gagawin ko siyang usap-usapan ng lahat at babala para sa iba. Sa gayon, hindi na siya mapapabilang sa Israel. Sa gayo'y makikilala ninyong ako si Yahweh.

“Kapag ang isang propeta ay naakit magpahayag ng mali, ako ang dumaya sa kanya. Kung magkagayon, paparusahan ko siya at hindi na ibibilang sa aking bayan. 10 Siya at ang sasangguni sa kanya ay paparusahan ko. Kung ano ang ipaparusa ko sa propeta ay siya ko ring ipaparusa sa sinumang sasangguni sa kanya. 11 Gagawin ko ito para hindi na lumayo sa akin ang Israel at hindi na sila magpakasama. Kung magkagayon, sila ay magiging bayan ko at ako naman ang kanilang Diyos.” Ito nga ang sabi ni Yahweh, ng Diyos.

Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem

12 Sinabi sa akin ni Yahweh, 13 “Ezekiel, anak ng tao, kapag ang isang bayan ay hindi naging tapat sa akin, paparusahan ko sila, at babawasan ang kanilang pagkain. Padadalhan ko sila ng taggutom hanggang sa mamatay ang mga tao, pati hayop. 14 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay.

15 “Kapag pinapasok ko sa isang bansa ang mababangis na hayop, sila'y uubusin ng mga ito. Ang dakong iyon ay magiging pook ng lagim hanggang sa ang lahat ay matatakot magdaan doon dahil sa mababangis na hayop. 16 Isinusumpa kong wala akong ititira isa man sa kanila. Magkataon mang naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas, ngunit hindi nila maililigtas isa man sa kanilang mga anak.

17 “Kapag pinadalhan ko ng tabak ang isang bansa, silang lahat ay aking papatayin, pati mga hayop. 18 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas; wala silang maisasama isa man sa kanilang mga anak. Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh.

19 “Kapag ang isang bansa ay pinadalhan ko ng salot at ibinuhos ko roon ang aking matinding galit, mamamatay silang lahat, pati mga hayop. 20 Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Naroon man sina Noe, Daniel at Job, hindi rin nila maililigtas kahit isa sa kanilang mga anak, sila lamang tatlo ang maliligtas pagkat matuwid ang kanilang pamumuhay.”

21 Ipinapasabi(B) nga ni Yahweh, “Ano pa ang maaaring asahan ng Jerusalem kapag nilipol ko ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, mababangis na hayop, at salot na siyang apat na paraan ng aking pagpaparusa? 22 Sakali mang may makaligtas, aalis sila sa Jerusalem. At kung makita mo ang paraan ng kanilang pamumuhay, sasabihin mong angkop lamang ang pagpaparusang ipinataw ko. 23 Mawawala ang panghihinayang mo kapag nakita mo ang masamang paraan ng kanilang pamumuhay, at sasabihin mong may sapat akong dahilan sa gayong pagpaparusa sa kanila.”

Itinulad sa Baging na Ligaw ang Jerusalem

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ano ba ang kahigtan ng puno ng ubas kaysa punongkahoy sa gubat? Mayroon ba itong ibang mapaggagamitan? Maaari ba itong gawing tulos o sabitan ng kagamitan? Hindi! Ito ay panggatong lamang. At kung masunog na ito'y wala nang silbi. Kung noong buo pa ito ay wala nang mapaggamitan, gaano pa kung uling na. Lalong wala nang gamit!”

Kaya naman ipinapasabi ni Yahweh: “Kung paanong ang baging ay kinukuha sa gubat upang igatong, gayon ang gagawin ko sa mga taga-Jerusalem. Tatalikuran ko sila. Makatakas man sila sa apoy, ito rin ang papatay sa kanila. At makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na sila. Ang lupaing iyon ay gagawin kong pook ng lagim pagkat hindi sila naging tapat sa akin.”

Ang Kawalang Katapatan ng Jerusalem

16 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ipamukha mo sa Jerusalem ang kanyang kasuklam-suklam na gawain. Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh na kanyang Diyos: Ikaw ay mula sa Canaan. Amoreo ang iyong ama at Hetea ang iyong ina. Nang ikaw ay isilang, hindi ka pinutulan ng pusod ni pinaliguan ni kinuskos ng asin ni binalot ng lampin. Walang nag-ukol ng panahon upang gawin sa iyo ang isa man sa mga bagay na dapat gawin. Wala man lamang naawa sa iyo. Basta ka na lamang inilapag sa lupa nang ikaw ay isilang.

“Nadaanan kitang kakawag-kawag sa sarili mong dugo. Sinabi ko sa iyo noon na mabubuhay ka at lalaking tulad ng mga halaman sa parang. Lumaki ka nga at naging ganap na dalaga. Malusog ang iyong dibdib. Mahaba ang iyong buhok ngunit ikaw ay hubo't hubad.

“Nang madaanan kitang muli, nakita kong ikaw ay handa nang umibig. Kaya ibinalabal ko sa iyo ang aking kasuotan upang matakpan ang iyong kahubaran. Nangako ako sa iyo nang buong katapatan. Nakipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay naging akin. Pinaliguan kita. Nilinis ko ang dugo mo sa katawan, at pinahiran kita ng langis. 10 Dinamtan kita ng may magagandang burda, at sinuotan ng sandalyas na balat. Binalot kita ng pinong lino at damit na seda. 11 Sinuotan kita ng pulseras sa magkabilang braso, at binigyan ng kuwintas. 12 Binigyan din kita ng hikaw sa ilong at tainga. Pinutungan kita ng isang magandang korona. 13 Nagayakan ka ng alahas na pilak at ginto. Ang kasuotan mo'y pinong lino, piling seda, at telang nabuburdahan nang maganda. Ang pagkain mo'y yari sa pinakamainam na harina. Pulot-pukyutan at langis ang iyong inumin. Lumaki kang walang kasingganda at nalagay sa katayuan ng isang reyna. 14 Natanyag sa lahat ng bansa ang iyong kagandahan sapagkat lalo itong pinatingkad ng mga palamuting iginayak ko sa iyo.

15 “Ngunit naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Kaya nahumaling ka sa kahalayan at ang sarili mo'y ipinaangkin sa lahat ng makita mo. 16 Hinubad mo ang bahagi ng iyong kasuotan, ginamit sa pagtatayo ng altar sa mga burol, at doon mo isinagawa ang iyong kahalayan. Wala pang nangyayaring tulad nito at wala nang mangyayari pa sa hinaharap. 17 Hinubad mo rin ang ilan sa magagandang alahas na ginto at pilak na ibinigay ko sa iyo, at ginawang larawan ng mga tao na iyong sinamba. 18 Binalot mo ito ng balabal mong puno ng magandang burda at ginamit mong pabango ang aking langis at insenso. 19 Tinustusan kita ng pinakapinong harina, langis at pulot-pukyutan, ngunit pati tinapay na ibinigay ko sa iyo ay inihandog mo sa kanila. 20 Ang mga anak na ipinagkaloob ko sa iyo ay inihandog mo rin sa iyong diyus-diyosan. Hindi ka pa nasiyahan. 21 Pinatay mo pati aking mga anak at sinunog bilang handog sa iyong diyus-diyosan. 22 Nang gawin mo ang mga kasamaang ito at ang iyong kahalayan ay hindi mo na naisip ang kalagayan mo noong bata ka: hubad, at kakawag-kawag sa sariling dugo.”

23 Sinabi ni Yahweh, “Kahabag-habag ang kasasapitan mo. Pagkat bukod sa mga kasamaang iyo nang nagawa, 24 nagpatayo ka pa ng nakaarkong altar at nagpagawa ng mataas na entablado sa bawat plasa. 25 Nagpagawa ka ng mataas na entablado sa mga panulukan ng daan at doon mo ipinaangkin ang iyong kagandahan sa bawat magdaan. Maraming beses mo itong ginawa. 26 Maraming ulit ka ring nagpaangkin sa Egipto, ang makasanlibutan mong kapit-bansa, kaya labis akong nagalit sa iyo. 27 Dahil dito, paparusahan kita. Babawasan ko ang iyong mana. Ipapasakop kita sa mga Filisteo, ang mga taong namumuhi sa iyo. Sila ma'y muhi sa mahalay mong gawain.

28 “Dahil sa iyong kawalang kasiyahan, napaangkin ka rin sa taga-Asiria. 29 Hindi ka pa nasiyahan dito, maraming beses mo ring ipinaangkin ang iyong katawan sa bansang Caldea, ang lupain ng mga mangangalakal. Ngunit hindi ka pa rin nakuntento rito.

30 “Naging talamak na ang iyong kasamaan! Nagawa mo ang mga bagay na itong angkop lamang gawin ng isang babaing makapal na ang mukha dahil sa kasamaan. 31 Nagpatayo ka ng nakaarkong altar sa mga panulukan ng daan at ng mataas na tayuan sa bawat plasa. At masahol ka pa sa babaing bayaran sapagkat kung minsa'y ikaw pa ang nagbabayad sa umaangkin sa iyong kagandahan. 32 O babaing mangangalunya, mas gusto mo pang pasiping sa iba kaysa iyong asawa. 33 Ang mga lalaki'y nagbabayad sa mga babaing bayaran, ngunit iba ka. Ikaw pa ang nagbabayad sa sinumang gusto mong umangkin sa iyo para lamang magawâ mo ang iyong kahalayan. 34 Kabaligtaran ka ng babaing bayaran. Hindi ikaw ang hinahanap, ikaw ang naghahanap. Hindi ka nagpabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Grabe ka talaga.

Ang Hatol ng Diyos sa Jerusalem

35 “Kaya nga, babaing ubod ng sama, dinggin mo ang salita ni Yahweh. 36 Ito ang kanyang ipinapasabi: Winaldas mo ang iyong ari-arian, inilagay mo ang iyong sarili sa kahiya-hiyang kalagayan dahil sa pagiging mahalay. Sumamba ka sa mga diyus-diyosan. Pinatay mo't inihandog sa mga ito ang iyong mga anak. 37 Kaya, titipunin ko laban sa iyo ang lahat ng naging mangingibig mo, maging mga minamahal o maging kinapopootan mo. Sa harap nila'y huhubaran kita upang malagay ka sa matinding kahihiyan. 38 Hahatulan kitang tulad sa isang babaing taksil sa asawa at berdugo ng sariling mga anak. At sa tindi ng galit ko sa iyo, paparusahan kita ng kamatayan. 39 Ibibigay kita sa kanila. Gigibain nila ang mga altar mong nakaarko at ang mataas na entablado. Huhubaran ka nila ng iyong kasuotan at alahas. Kaya't iiwan ka nilang hubo't hubad. 40 Ipadudumog ka nila sa makapal na tao. Babatuhin ka nila at ipatatadtad sa tabak. 41 Susunugin nila ang iyong mga bahay at paparusahan sa harapan ng kababaihan. Mapuputol na ang iyong kahalayan at ang pag-upa para lang angkinin ka. 42 Ganyan ko ipararanas sa iyo ang aking matinding galit bunga ng panibugho. Sa gayon, mapapawi ang aking galit at papayapa na ang aking kalooban. 43 Hindi mo na naalala ang kalagayan mo noong ikaw ay bata, bagkus ay ginalit mo ako nang lubusan dahil sa iyong kasuklam-suklam na gawain. Kaya naman, pagbabayarin kita nang husto.

Kung Ano ang Puno ay Siyang Bunga

“Dahil sa iyong kahalayang ito at sa kasuklam-suklam mong gawain, 44 ilalapat sa iyo ang kasabihang ‘Kung ano ang puno ay siyang bunga.’ 45 Ang iyong ina ay isang Hetea at isang Amoreo naman ang iyong ama. Itinakwil ng iyong ina ang asawa niya't mga anak. Ganoon din ang ginawa ng mga kapatid mong babae, itinakwil ang asawa't mga anak. 46 Ang Samaria na siyang nakatatanda mong kapatid, pati ng kanyang sakop ay nasa gawing hilaga mo. Sa gawing timog naman, ang Sodoma na siya mong kapatid na bata, pati ng kanyang nasasakupan. 47 Hindi ka pa nasiyahang tumulad sa kasamaan ng iyong mga kapatid. Mas masama ka kaysa kanila.

48 “Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Ang ginawa mo at ng iyong nasasakupan ay hindi ginawa ng kapatid mong Sodoma at ng sakop nito. 49 Tingnan mo ang mga kasalanan ng Sodoma: siya at ang kanyang mga anak ay may maipagmamalaking kayamanan at kasaganaan sa buhay, ngunit hindi sila marunong tumulong sa mga nangangailangan, 50 naging palalo sila. Bukod doon, gumawa sila ng kasuklam-suklam na mga bagay. Nang makita ko ito, pinarusahan ko sila, gaya ng iyong nalalaman. 51 Ang kasalanan naman ng Samaria ay wala pa sa kalahati ng iyong kasalanan. Mas matuwid siya kaysa sa iyo sapagkat mas maraming kasuklam-suklam na gawain ang iyong ginawa kaysa kanya. 52 Sa iyo babagsak ang bigat ng kahihiyang akala mo ay nararapat sa iyong mga kapatid, sapagkat higit na kasuklam-suklam ang iyong gawain. Kaya, mararanasan mo ang kahihiyan at kadustaan, sapagkat sa mga ginawa mo'y lumabas pang mas mabuti kaysa sa iyo ang mga kapatid mo.

Ibabalik sa Dati ang Sodoma at ang Samaria

53 “Ibabalik ko sa dati ang Sodoma at ang mga sakop nito, ganoon din ang Samaria at ang kanyang nasasakupan; saka pa lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. 54 Dadanasin mo ang bigat ng parusa at ang kahihiyang bunga ng iyong ginawa. Ito'y magiging pampalubag-loob sa Sodoma at Samaria. 55 Kung maibalik na sa dati ang Sodoma at Samaria, saka lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. 56 Hindi ba't sinisiraan mo ang Sodoma noong panahon ng iyong kapalaluan, 57 noong hindi pa nalalantad ang iyong kasamaan? Ngayon, ikaw naman ang nalagay sa gayong katayuan. Ikaw ngayon ang usap-usapan ng mga nasasakupan ng Edom. Ikaw ngayon ang kinasusuklaman ng Filisteo. 58 Ngayon ay dadanasin mo ang bigat ng parusang bunga ng iyong mahalay at kasuklam-suklam na pamumuhay.”

Ang Walang Hanggang Kasunduan

59 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ilalapat ko sa iyo ang parusang angkop sa pagsira mo sa tipan at pangako. 60 Gayunman, hindi ko na rin kalilimutan ang ginawa kong tipan sa iyo nang ikaw ay bata pa. Ngayon ay gagawa ako ng kasunduan para sa atin, hindi ito masisira kailanman. 61 Kung magkagayon, maaalala mo noong ikaw ay bata pa at mapapahiya ka sa sarili mo kapag nakasama mo na ang mga kapatid mong nakababata at nakatatanda sa iyo. Sila'y isasama ko sa iyo bagaman hindi talagang kabilang sa tipan ko sa iyo. 62 Gagawin ko nga ang aking pakikipagtipan sa iyo. Sa gayo'y makikilala mong ako si Yahweh. 63 Sa sandaling ipatawad ko ang lahat mong kasalanan, matitikom ang bibig mo dahil sa laki ng kahihiyan.”

Ang Talinghaga ng Dalawang Agila at ng Baging

17 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, bigyan mo ng palaisipan ang Israel, para malaman nila na akong si Yahweh ang nagsasalita sa kanila. Ito ang talinghaga: Isang agila ang dumating sa Lebanon. Mahaba ang pakpak nito at malagung-malago ang balahibong iba't iba ang kulay. Dumapo ito sa isang punong sedar. Pinutol nito ang pinakamataas na sanga niyon, tinangay at itinayo sa lupain at itinanim sa matabang lupa sa tabi ng tubig. Tumubo ito at naging baging na gumagapang sa lupa. Ang mga sanga nito'y nakaturo sa puno at ang ugat ay tumubo nang pailalim. Naging baging nga ito, nagsanga at nagsupling.

“Ngunit may dumating na isa pang malaking agila; malapad din ang pakpak at malago ang balahibo. Ang mga sanga at ugat ng baging ay humarap sa agilang ito sa pag-aakalang siya'y bibigyan nito ng mas maraming tubig. Ito'y nakatanim sa matabang lupain sa tabi ng tubig, at maaaring lumago hanggang maging punong balot ng karangalan. Sabihin mong ipinapatanong ko sa kanila: Patuloy kaya itong lalago? Hindi kaya maputol ang mga ugat nito o mabali ang mga sanga at dahil doo'y malanta ang mga usbong? Hindi na kakailanganin ang malakas na tao o ang magtulung-tulong ang marami para mabunot pati ugat nito. 10 Ngunit mabuhay pa kaya ito kung ilipat ng taniman? Kung magbago ng lugar, hindi kaya ito mamatay na parang binayo ng malakas na hangin?”

Ang Kahulugan ng Talinghaga

11 Sinabi sa akin ni Yahweh, 12 “Itanong(C) mo sa mapaghimagsik na bayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng palaisipang ito. Sabihin mong ang hari ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem. Binihag nito ang hari roon pati ang mga pinuno, at iniuwi sa Babilonia. 13 Kinuha niya ang isa sa mga pinuno at gumawa sila ng kasunduan at pinanumpang magtatapat dito. Binihag niya ang pamunuan ng lupain 14 para hindi ito makabangon laban sa kanya, bagkus ay ganap na tumupad sa mga tuntunin ng kasunduan. 15 Ngunit ang pinunong pinili ng hari ng Babilonia ay naghimagsik at nagsugo sa hari ng Egipto upang humingi ng mga kabayo at maraming kawal. Akala kaya niya'y magtatagumpay siya? Hindi! Makaiwas kaya siya sa parusa kung gawin niya iyon? Hindi! Tiyak na paparusahan ko siya. 16 Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Isinusumpa kong mamamatay siya sa Babilonia, sa lupain ng haring nagluklok sa kanya sa trono. Mamamatay siya pagkat hindi niya pinahalagahan ang kanyang salita. Sumira siya sa kanilang kasunduan. 17 Kahit ang makapal na kawal ng Faraon ay walang magagawa laban sa mga itinayong tore at mga tanggulan upang sila'y wasakin. 18 Hindi siya makakaiwas; sumira siya sa kasunduan at pagkatapos ay hindi tumupad sa pangako.”

19 Ipinapasabi pa ni Yahweh: “Ako ang Diyos na buháy. Paparusahan ko siya sa pagbaliwala niya sa aking sumpa at sa pagsira sa aking tipan. 20 Susukluban ko siya ng lambat at masusuot siya sa kaguluhan. Dadalhin ko siya sa Babilonia upang doon parusahan dahil sa pagtataksil niya sa akin. 21 Ang mga pili niyang tauhan ay mamamatay sa tabak at ang matitira'y ikakalat ko sa lahat ng dako. Kung magkagayo'y maaalala mo na akong si Yahweh ang maysabi nito.”

22 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kukuha ako ng isang usbong ng sedar at aking iaayos. Ang kukunin ko'y ang pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok, 23 sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedar. Sa gayon, lahat ng uri ng hayop ay makakapanirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama'y makapamumugad sa mga sanga nito. 24 Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na maibababâ ko ang mataas na kahoy at maitataas ko ang mababa; na mapapatuyo ko ang sariwang kahoy at mapapanariwa ko ang tuyong punongkahoy. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito at ito'y gagawin ko.”

Kamatayan sa Nagkasala

18 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ano(D) ba ang ibig ninyong sabihin sa kasabihan ninyong, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin’?”

“Ako ang buháy na Diyos,” sabi pa ni Yahweh, “hindi ninyo magagamit ngayon ang kasabihang ito sa Israel. Akin ang buhay ng lahat ng tao, maging sa ama o sa anak, at ang kaluluwang magkasala ay mamamatay.

“Halimbawa na may isang taong masunurin sa Kautusan, tapat at lumalakad sa katuwiran. Hindi siya nakikisalo sa handog na inihain sa mga sagradong burol, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan ng Israel. Hindi siya nangangalunya ni sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. Hindi siya nandadaya ng kapwa o nagnanakaw. Ibinabalik niya agad sa may-ari ang sangla ng nangungutang sa kanya. Marunong siyang tumulong sa nangangailangan. Hindi siya nagpapatubo sa pagpapahiram ng pera. Siya ay makatarungan. Sinusunod(E) niya ang aking mga utos at mga tuntunin. Ang ganitong tao ay matuwid at mabubuhay siya.

10 “Sakaling magkaanak siya ng magnanakaw, mamamatay-tao at hindi sumunod sa alinman sa mga tuntuning ito, 11 bagkus ay nakikisalo sa mga handaan sa mga sagradong burol, sumisiping sa asawa ng iba, 12 nang-aapi ng mahihirap, nagnanakaw, hindi marunong magbayad ng utang, sumasamba sa diyus-diyosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, 13 at nagpapatubo. Palagay ba ninyo'y mabubuhay ang anak na ito? Hindi! Tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasuklam-suklam niyang gawain. Kung magkagayon, walang ibang dapat sisihin kundi siya.

14 “Halimbawa namang siya ay may anak. Nasaksihan ng anak na ito ang kasamaan ng kanyang ama, ngunit hindi niya ito pinarisan. 15 Hindi siya nakisalo sa mga handaan sa sagradong burol, hindi sumamba sa mga diyus-diyosan, hindi sumiping sa asawa ng iba. 16 Hindi rin siya gumawa ng masama kaninuman, hindi nanamsam ng sangla, at hindi nagnakaw. Siya ay matulungin sa nangangailangan, 17 lumalayo sa kasamaan, hindi nagpapatubo sa pautang, sumusunod sa aking Kautusan at lumalakad ayon sa aking mga tuntunin. Mabubuhay ang anak na iyon. Hindi siya mamamatay dahil sa kasamaan ng kanyang ama. 18 Ang kanyang ama ay mamamatay sapagkat nagnakaw at gumawa ng masama sa kanyang kapwa.

19 “Maaaring itanong mo kung bakit hindi dapat pagdusahan ng anak ang kasalanan ng ama. Sapagkat matuwid ang mga gawa ng anak, sumunod siyang mabuti sa aking mga tuntunin, kaya dapat siyang mabuhay. 20 Ang(F) nagkasala ang dapat mamatay. Ang anak ay di dapat magdusa dahil sa kasalanan ng ama, at ang ama ay di dapat magdusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pagiging matuwid at ang masama ay mamamatay sa kanyang kasamaan.”

Matuwid ang Tuntunin ng Diyos

21 “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. 22 Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. 23 Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ni Yahweh. “Ang ibig ko nga, siya'y magsisi at magbagong-buhay. 24 Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.

25 “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. 26 Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. 27 At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. 28 Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay. 29 Maaari ngang sabihin ninyong hindi tama ang ginagawa ko. Sasabihin ko namang ang ginagawa ninyo ang hindi tama.

30 “Kaya nga, bawat isa sa inyo ay hahatulan ko ayon sa kanyang ginawa. Magsisi nga kayo't tumalikod sa inyong kasamaan bago bumagsak sa inyo ang parusa. 31 Lumayo kayo sa inyong kasamaan at magbagong-buhay sapagkat di kayo dapat mamatay, mga Israelita. 32 Hindi(G) ko gustong mamatay ang sinuman, kaya magpakabuti na kayo upang mabuhay.”

Pamimighati para sa mga Pinuno ng Israel

19 Ihayag mo ang iyong panaghoy para sa mga pinuno ng Israel.

Sabihin mo:

Ang iyong ina ay parang isang leon.
Pinalaki niya ang kanyang mga anak,
    nakatira siyang kasama ng karamihan sa piling ng mababangis na leon.
Isa sa kanyang mga anak ay tinuruan niya;
    kaya ito ay natutong manila at manlapa ng tao.
Nang mabalitaan ito ng mga bansa sa paligid,
    hinuli siya sa patibong, ikinulong at dinala sa Egipto.
Naghintay siya nang naghintay hanggang sa mawalan ng pag-asa;
kaya, inaruga ang isa pang anak niya,
    na nang lumaki'y naging isang mabangis na leon.
Sumama siya sa ibang leong tulad niya
    at siya'y natutong manlapa ng tao.
Iginuho niya ang mga tanggulan ng kalaban,
    at kanyang winasak ang kanilang mga bayan.
Ang buong lupain, lahat ng mamamayan,
    ay nangingilabot sa kanyang atungal.
At nagkaisa laban sa kanya ang mga bansa sa palibot.
Iniumang nila ang kanilang mga lambat
    at siya ay nahulog sa kanilang patibong.
Siya ay ikinulong nila't dinala sa hari ng Babilonia;
    pinabantayan siyang mabuti.
Mula noon, ang ungal niya'y di na narinig
    sa mga bundok ng Israel.
10 Ang iyong ina ay tulad ng baging ng ubas,
    itinanim sa tabi ng batis.
Sapagkat sagana sa tubig, kaya ito ay lumago at namunga nang marami.
11 Matitigas ang kanyang mga sanga,
    bagay na setro ng hari.
Ito'y tumaas, umabot sa mga ulap.
    Namumukod nga sa taas, namamalas ng lahat.
12 Ngunit dahil sa matinding galit, ito ay ibinuwal,
bunga nito ay nalanta sa ihip ng hangin.
Ang puno ay natuyo, sa huli ay sinunog.
13 At ito nga'y itinanim sa disyerto,
    sa lupaing tuyung-tuyo, kaunti ma'y walang katas.
14 Ang punong iyon ay nasunog,
    bunga't sanga ay natupok,
    kaya't wala nang makuhang gagawing setro.

Ito ay isang panaghoy at paulit-ulit na sasambitin.

Ang Kalooban ng Diyos ay Sinuway ng Tao

20 Noon ay ikasampung araw ng ikalimang buwan ng ikapitong taon ng aming pagkabihag. Lumapit sa akin ang ilan sa pinuno ng Israel upang sumangguni kay Yahweh. Nang isangguni ko sila, sinabi naman sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa kanilang ipinapatanong ko kung naparito sila upang sumangguni sa akin. Ako ang Diyos na buháy. Sabihin mong huwag silang sasangguni sa akin. Ikaw ang humatol sa kanila. Ikaw na ang magsabi sa kanila ng mga kasuklam-suklam na gawain ng kanilang mga ninuno. Sabihin(H) mong ipinapasabi ko na noong piliin ko ang Israel, ako'y nangako sa kanila. Nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto na akong si Yahweh ang magiging Diyos nila. Ipinangako kong iaalis ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing inilaan ko sa kanila, isang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, at pinakamainam sa buong daigdig. Sinabi ko sa kanila noon na talikuran nila ang mga diyus-diyosan ng Egipto at huwag nilang sambahin ang mga iyon sapagkat ako ang Diyos nilang si Yahweh. Ngunit hindi nila ako sinunod, hindi nila ako pinakinggan. Hindi nila tinalikuran ang kasuklam-suklam na mga bagay na iyon ni iniwan ang mga diyus-diyosan ng Egipto.

“Binalak ko sanang ibuhos na sa kanila ang aking matinding poot noong nasa Egipto pa sila. Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga karatig-bansa ng Israel, mga bansang ninanasa kong makakita sa gagawin kong pag-aalis ng Israel sa Egipto. 10 Inialis ko nga sila roon at dinala sa ilang. 11 Doon,(I) ibinigay ko sa kanila ang Kautusan at mga tuntuning dapat nilang sundin upang sila'y mabuhay. 12 Ibinigay(J) ko rin sa kanila ang mga tuntunin para sa Araw ng Pamamahinga para maalala nila na akong si Yahweh ang nagpapabanal sa kanila. 13 Ngunit maging sa ilang ay naghimagsik sila sa akin, hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Ang Kautusan kong dapat sundin upang mabuhay sila ay kanilang tinanggihan, bagkus nilapastangan pa nila ang Araw ng Pamamahinga.

“At binalak ko na noong iparanas sa kanila ang matinding galit ko para malipol na sila. 14 Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa Israel. 15 At(K) doon sa ilang, isinumpa kong hindi sila dadalhin sa lupaing ipinangako ko sa kanila, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, 16 sapagkat tinalikuran nila ang aking Kautusan. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin, at hindi nila iginalang ang Araw ng Pamamahinga; sila'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. 17 Gayunman, kinahabagan ko sila, at hindi nilipol.

18 “At sinabi ko sa kanilang mga anak na huwag nilang tutularan ang masamang pamumuhay ng kanilang mga ninuno, ni susundin ang ginawa nilang mga tuntunin at huwag sasamba sa mga diyus-diyosan. 19 Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. Sinabi kong lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin, at sunding mabuti ang aking Kautusan, 20 at pahalagahan nila ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang mag-uugnay sa kanila at sa akin, at sa ganito'y makikilala nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. 21 Ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin ni sumunod sa aking Kautusan na kung sundin ng tao ay magdudulot sa kanya ng buhay. Hindi rin nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga.

“At inisip ko na namang ibuhos sa kanila ang aking matinding poot. 22 Ngunit hindi ko rin itinuloy ito upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa kanila. 23 At(L) sa ilang, isinumpa kong pangangalatin sila sa iba't ibang bansa, 24 sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin at Kautusan, hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga, at nahumaling sila sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno. 25 Kaya't binigyan ko sila ng mga tuntuning hindi magdudulot sa kanila ng buhay. 26 Hinayaan ko na silang mahumaling sa paghahandog sa kanilang mga diyus-diyosan. Binayaan kong ihandog nila pati ang kanilang mga panganay upang sila mismo'y mangilabot. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.

27 “Kaya, Ezekiel, sabihin mo sa kanila na ito ang ipinapasabi ni Yahweh na kanilang Diyos: Minsan pa'y nilapastangan ako at pinagtaksilan ng inyong mga ninuno. 28 Nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, naghandog sila sa mga altar sa mga burol at sa ilalim ng malalagong punongkahoy. Doon sila nagsunog ng kanilang mga handog na siyang dahilan ng pagkapoot ko sa kanila. Doon din nila dinala ang mga handog na inumin. 29 Itinanong ko sa kanila, ‘Ano bang klaseng altar ang pinaghahandugan ninyo sa mga burol? Hanggang ngayon ang matataas na lugar na yaon ay tinatawag na Bama.’ 30 Sabihin mo rin sa kanila, ‘Ipinapasabi ni Yahweh: Gagawin din ba ninyo ang kasuklam-suklam na gawain ng inyong mga ninuno? 31 Hanggang ngayo'y naghahain kayo ng mga handog tulad ng inihain nila at sinunog ang inyong mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosan. Bakit ngayon ay sasangguni kayo sa akin? Ako si Yahweh, ang Diyos na buháy; huwag kayong makasanggu-sangguni sa akin.’

32 “Hindi mangyayari ang iniisip ninyong pagtulad sa ibang bansa, at pagsamba sa diyus-diyosang kahoy at bato.”

Ang Parusa at ang Pagpapatawad ng Diyos

33 “Isinusumpa ko,” sabi ni Yahweh, “na gagamitan ko kayo ng kamay na bakal; paparusahan ko kayo at ibubuhos ko sa inyo ang aking matinding poot. 34 Ipapakita ko sa inyo ang aking kapangyarihan. Titipunin ko kayo mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, 35 at dadalhin sa gitna ng mga bansa upang doon parusahan. 36 Kung ano ang ginawa ko sa inyong mga magulang nang sila'y nasa ilang ng Egipto, gayon ang gagawin ko sa inyo. 37 Susupilin ko kayo para sundin ninyo ang aking tipan. 38 Ihihiwalay ko ang mga mapaghimagsik at makasalanan. Iaalis ko nga sila sa lupaing pinagtapunan ko sa kanila ngunit hindi sila makakapanirahan sa Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

39 Sinabi ni Yahweh, “Bayan ng Israel, kung ayaw ninyong makinig sa akin, huwag! Sumamba na kayo sa inyong mga diyus-diyosan hanggang gusto ninyo. Ngunit darating ang araw na hindi na ninyo ako lalapastanganin. Hindi na kayo maghahandog sa inyong mga diyus-diyosan.

40 “Ako'y sasambahin ng buong Israel sa bundok na itinalaga ko,” sabi ni Yahweh. “Doon ninyo ako paglilingkuran. Doon ko kayo pakikiharapan. Doon ko hihintayin ang paghahain ninyo ng mga piling handog. 41 Doon ko tatanggapin ang inyong mga handog pagkatapos ko kayong tipunin mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, at doon ko rin ipapakita sa mga bansa na ako ay banal. 42 At kung madala ko na kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga magulang, makikilala ninyong ako si Yahweh. 43 Doon, maaalala ninyo ang inyong masasamang lakad at gawain. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong sarili. 44 At kung tanggapin ko kayong mabuti at di ko gawin ang nararapat sa inyong masasamang lakad at gawain, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Timog

45 At sinabi sa akin ni Yahweh, 46 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa gawing timog, at magpahayag laban dito at sa kagubatan nito. 47 Sabihin mo sa kagubatan ng timog, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Ipalalamon kita sa apoy. Tutupukin ko ang iyong mga punongkahoy, maging sariwa o tuyo. Di mapapatay ang apoy na ito, at lahat ay masusunog nito, mula sa timog hanggang hilaga. 48 Makikita ng lahat na akong si Yahweh ang sumunog niyon at ang apoy nito'y hindi mapapatay.”

49 Sinabi ko, “Yahweh, huwag mong ipagawa iyan sa akin; baka sabihin nilang ako'y nagsasalita nang hindi nila nauunawaan.”

Ang Tabak ni Yahweh

21 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sa Jerusalem ka naman humarap at magpahayag laban sa mga dambana at bigyang babala ang Israel. Sabihin mo, ganito ang sabi ni Yahweh: Ako ay laban sa iyo. Bubunutin ko ang aking tabak at papatayin ang masama't mabuti. Ang pagbunot ko nito ay laban sa lahat ng tao, mula sa timog hanggang sa hilaga. Sa pamamagitan nito'y makikilala ng lahat na akong si Yahweh ang nagbunot ng tabak at hindi ko ito isusuksok muli. Kaya, Ezekiel, manangis kang walang tigil at iparinig mo ito sa kanila. Kapag itinanong nila kung bakit ka nananaghoy, sabihin mong dahil sa balitang iyong narinig. Kapag ito'y nagkatotoo, paghaharian ng takot ang lahat ng tao, mangangalay ang lahat ng kamay, panghihinaan sila ng loob, at mangangalog ang lahat ng tuhod. Dumating na ang panahon at ngayon na.”

Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Sabihin mo sa kanila:

Ang tabak ay inihasa na at pinakintab.
10 Pinatalim ito upang ipamatay nang walang puknat.
    Pinakintab upang kumislap na parang kidlat.
Walang makakahadlang dito,
    sapagkat di ninyo dininig ang payo.
11 Ang tabak nga ay pinakintab upang gamitin.
Ito'y pinatalim para ibigay sa kamay ng berdugo.
12 Managhoy ka, anak ng tao.
    Ang tabak na ito'y gagamitin sa aking bayan
    at sa kanyang mga pinuno.
Sila ay papataying kasama ng buong bayan.
Kaya, tumangis ka.
13 Susubukin ko ang aking bayan,
    at kapag di sila nagsisi,
    ang lahat ng ito'y mangyayari sa kanila.

14 “Magpahayag ka sa kanila. Pumalakpak ka at paulit-ulit na iwasiwas ang tabak. Ang tabak na ito'y pumapatay, naghahasik ng sindak, at pumupuksa. 15 Sa gayon, mababagabag ang kanilang kalooban at marami sa kanila ang mabubuwal. Binabalaan ko sila sa pamamagitan ng tabak na ang kislap ay tulad ng kidlat; handa itong mamuksa. 16 Itataga ito nang kaliwa't kanan, magkabi-kabila. 17 Papalakpak din ako para mapawi ang matindi kong poot. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Tabak ng Hari ng Babilonia

18 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 19 “Ezekiel, anak ng tao, gumawa ka ng magkasangang landas na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na taglay ang kanyang tabak. Ang puno nito ay magbubuhat sa isang bayan lamang. Maglagay ka ng palatandaan sa lugar na pinaghiwalayan ng dalawang daan; 20 ang isa ay patungo sa Lunsod ng Rabba, sa Ammon at ang isa ay sa Juda, sa nakukutaang Lunsod ng Jerusalem. 21 Pagdating ng hari ng Babilonia sa sangandaang iyon, hihinto siya upang sumangguni sa kanyang diyus-diyosan. Hahaluin niya ang kanyang mga palaso sa lalagyan, at susuriin ang atay ng hayop na panghandog. 22 Mabubunot niya ang palaso na may tatak na ‘Jerusalem.’ Ito ang hudyat ng paglusob upang wasakin nila ang mga pintuang-bayan, at magtayo ng mga tanggulan. 23 Subalit ito'y hindi paniniwalaan ng mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga kasunduang pinagtibay. Ngunit ito'y mangyayari para maalala nila ang kanilang kasamaan at magbabala na mahuhulog sila sa kamay ng mga kaaway.”

24 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Alam na ng lahat ang masasama ninyong gawain at paghihimagsik; kayo'y hinatulan ko na. Pababayaan ko kayong mahulog sa kamay ng inyong mga kaaway. 25 At ngayon, masamang pinuno ng Israel, dumating na rin ang iyong oras, ang pangwakas na parusa sa iyo. 26 Akong si Yahweh ang maysabi nito: Hubarin mo na ang iyong turbante at korona. Mababaligtad na ang dating katayuan: ang hamak ay dadakilain at ang mga namamahala ay aalisin sa tungkulin. 27 Lubusan kong wawasakin ang lunsod sa pamamagitan ng taong pinili ko upang magsagawa nito.

Ang Hatol Laban sa mga Ammonita

28 “Ezekiel,(M) anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga Ammonita dahil sa paghamak nila sa Israel. Sabihin mong ako si Yahweh. Ganito ang sabihin mo:

Ang tabak ay binunot na upang ipamuksa;
pinakintab ito upang kumislap at gumuhit na parang kidlat.

29 Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga pahayag. Ang tabak ay igigilit sa kanilang lalamunan dahil sa kanilang kasamaan. Ito na ang kanilang wakas, ang pangwakas na parusa sa kanila.

30 “Isuksok muli ang tabak. Ikaw ay paparusahan ko sa bayan mong tinubuan. 31 Ibubuhos ko sa iyo ang galit kong nag-aalab na parang apoy. Ibibigay kita sa mga taong walang pakundangan kung pumatay ng kapwa. 32 Tutupukin ka sa apoy. Ang iyong dugo ay mabubuhos sa sariling bayan at wala nang makagugunita pa sa iyo. Akong si Yahweh ang may pahayag nito.”

Ang Kasamaan ng Jerusalem

22 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ikaw na ang humatol sa lunsod na itong puno ng mamamatay-tao. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Darating na ang iyong wakas dahil sa pagpatay mo sa maraming tao at pagsamba sa mga diyus-diyosan. Malaki ang pagkakasala mo dahil sa pagdanak ng dugo at sa pagkahumaling sa pagsamba sa diyus-diyosang ikaw na rin ang gumawa. Dumating na ang iyong wakas. Ikaw ay lalaitin at kukutyain ng lahat ng bansa. Aalipustain ka ng lahat ng bansa, malayo o malapit man, dahil sa labis mong kasamaan.

“Ang mga pinuno ng Israel ay nagtiwala sa kanilang lakas at walang awang pumapatay. Nawala(N) na ang paggalang sa mga magulang. Inapi ninyo ang mga dayuhan, gayon din ang mga ulila at balo. Winalang-halaga(O) ninyo ang mga bagay na itinalaga para sa akin, pati ang Araw ng Pamamahinga. Nagsinungaling ang ilan upang maipapatay ang kanilang magustuhan. May mga kasamahan kayong kumain ng handog sa mga diyus-diyosan. Ang iba nama'y gumagawa ng mahahalay na gawain. 10 Sa(P) kapulungan ninyo'y may sumisiping sa asawa ng kanilang ama. Ang iba nama'y sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. 11 Mayroon namang humahalay sa asawa ng kanyang kapwa. May biyenang lalaki na sumisiping sa kanyang manugang at ang iba nama'y sa kanilang kapatid sa ina o sa ama. 12 May(Q) nagpapaupa naman upang pumatay ng kapwa, at mayroon pang nagpapatubo nang malaki kung magpautang. Ako'y lubusan na ninyong kinalimutan.

13 “Ngayon, paparusahan ko kayo dahil sa inyong pagnanakaw at pagpatay. 14 Tingnan ko lang kung matatagalan ninyo ang gagawin ko sa inyo. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko. 15 Ipapatapon ko kayo sa lahat ng dako, pangangalatin sa iba't ibang bayan. Sa gayon ko puputulin ang inyong kasamaan. 16 Lalapastanganin kayo ng ibang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pugon ni Yahweh

17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, mababa na ang tingin ko sa Israel. Siya'y tulad ng latak ng pinagtunawan ng pilak, tanso, lata, bakal, at tingga, matapos dalisayin sa pugon ang pilak. 19 Kaya nga, sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Kayo ay nahaluan, kaya titipunin ko kayo sa Jerusalem. 20 Kung paanong ang pilak, tanso, bakal, tingga, at lata ay inilalagay sa tunawan upang dalisayin, gayon ang gagawin ko sa inyo. Tutunawin ko kayo sa init ng nag-aalab kong poot. 21 Titipunin ko kayo para ibuhos sa inyo ang aking matinding poot, hanggang sa kayo'y matunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa pugon, gayon ang gagawin ko sa inyo sa Jerusalem. Kapag naibuhos ko na sa inyo ang matindi kong poot, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel

23 Muling nagsalita sa akin si Yahweh, 24 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na ang lupain ay marumi dahil sa kanilang kasalanan kaya paparusahan ko ito dahil sa pagkapoot ko. 25 Ang mga pinuno niya ay parang leong umuungal habang nilalapa ang kanyang biktima. Pumapatay sila ng maraming tao, nananamsam ng mga kayamanan, at maraming babae ang nabalo dahil sa kanila. 26 Ang(R) mga utos ko'y nilabag ng kanilang mga pari. Winawalang-halaga nila ang mga bagay na itinalaga para sa akin. Pinagsama-sama na nila ang sagrado at ang karaniwang mga bagay. Hindi na rin nila itinuro kung alin ang malinis at kung alin ang marumi. Winalang-halaga nila ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, hindi na rin nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nila'y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila'y walang awang pumapatay upang yumaman. 28 Pinagtatakpan pa ng mga propeta ang ganitong kasamaan, tulad ng maruming pader na pinipinturahan ng kalburo. Mga huwad ang kanilang pangitain at pawang kasinungalingan ang kanilang ipinapahayag. Sinasabi nilang, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko ipinapasabi. 29 Ang mayayaman ay nandadaya at nagnanakaw. Inaapi nila ang mahihirap, at walang tigil ang panghuhuthot sa mga taga-ibang bayan. 30 Humanap ako ng isang taong makakapaglagay ng pader upang ipagsanggalang ang lunsod sa araw na ibuhos ko ang aking poot, ngunit wala akong makita. 31 Kaya, ibubuhos ko na sa kanila ang nag-aalab kong poot at sila'y aking lilipulin. Sisingilin ko na sila sa masasama nilang gawain.”

Ang Magkapatid na Makasalanan

23 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, may magkapatid na babae. Sa kanilang kabataan, sila'y naging mahalay sa Egipto. Doon ay hinayaan nilang paglaruan ang maseselang bahagi ng kanilang katawan. Ohola[a] ang pangalan ng matanda at Oholiba[b] naman ang bata. Sila'y parehong naging akin at nag-anak ng marami. Ang Ohola ay ang Samaria, at ang Jerusalem ay ang Oholiba.

“Si Ohola ay nagpakasama samantalang nasa aking pagkukupkop. Nakiapid siya sa mga taga-Asiria, mga mandirigmang nakasuot ng kulay ube, mga gobernador, sa mga punong-kawal na puro mga gwapo, at sa mga pinunong mangangabayo. Nakipagtalik siya sa mga piling tauhan ng Asiria, at nakiisa sa pagsamba at paglilingkod sa diyus-diyosan ng mga ito. Patuloy siyang nagpakasama. Noong kabataan niya sa Egipto, siya'y sumiping sa mga kabinataan. Binayaan niyang simsimin ang kanyang bango at ibuhos sa kanya ang kanilang matinding pagnanasa. Kaya, pinabayaan ko na siya sa kamay ng Asiria na kanyang mangingibig. 10 At siya'y ginahasa nito. Pinatay siya sa tabak, pati ang kanyang mga anak. At siya ay naging usap-usapan ng mga kababaihan. Ang parusa ay ipinaranas na sa kanya.

11 “Nakita ito ni Oholiba. Naging mas masama siya kaysa kanyang kapatid. 12 Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria: sa mga gobernador, punong-kawal, mandirigmang larawan ng kapangyarihan, mangangabayo na pawang kaakit-akit. 13 At nakita kong siya man ay nagpakasamang tulad ng kanyang kapatid. 14 Ngunit hindi pa siya nakuntento roon. Nakakita siya ng larawan ng mga lalaki, nakaukit sa pader; ito'y larawan ng mga pinuno ng Babilonia na nakaguhit ng matingkad na pula. 15 Ang mga ito'y may magagandang pamigkis. Magaganda rin ang palawit ng kanilang mga turbante. Sila ay mga pinuno at mga taga-Babiloniang naninirahan sa Caldea. 16 Nang makita niya ang mga ito, nahumaling siya. Kaya, pinasabihan niya ang mga iyon. 17 At pinuntahan siya ng mga taga-Babilonia. Sinipingan siya ng mga ito at pinagpasasaan. Pagkatapos niyang magpakasaya sa piling ng mga ito, siya ay lumayo na muhing-muhi. 18 Nang makita ko ang hayagan niyang pagpapakasama at pagpapaubaya, namuhi ako sa kanya, tulad ng pagkamuhi ko sa kanyang kapatid. Siya'y aking tinalikuran. 19 Nagpatuloy siya sa pakikiapid tulad ng ginawa niya sa Egipto noong kanyang kabataan. 20 Doo'y nahumaling siya sa mga kalaguyo na kung manibasib ay parang asno at kung magbuhos ng binhi ay parang kabayo. 21 Ang ginagawa mo'y tulad ng ginawa mo sa pakikiapid sa Egipto. Hinayaan mong simsimin ang iyong bango at himas-himasin ang iyong mga dibdib.

Ang Hatol ng Diyos sa Nakababatang Kapatid

22 “Kaya nga, Oholiba, ito ang sinasabi ko sa iyo: Ngayon, ang kinamuhian mong mga kalaguyo ay inudyukan ko laban sa iyo. Ipapalusob kita sa kanila mula sa iba't ibang dako. 23 Darating ang mga taga-Babilonia, Caldea, Pecod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria; ang makikisig na kabinataan, gobernador, punong-kawal, pinuno at mandirigma na pawang kabayuhan. 24 Ikaw ay sasalakayin nilang sakay ng mga karwahe at kariton. Magmumula sila sa iba't ibang dako. Sila'y may pananggalang sa braso, at panay naka-helmet. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo. Hahayaan kong gawin nila sa iyo ang gusto nila. 25 Ipalalasap ko sa iyo ang tindi ng aking galit. Tatagpasin nila ang iyong ilong at tainga. At ang iyong mga anak ay ihahagis sa apoy. 26 Huhubaran nila kayo ng kasuotan at alahas. 27 Sa ganyang paraan ko puputulin ang iyong mahalay na pamumuhay mula pa nang ika'y nasa Egipto. Sa gayon, hindi ka na mahuhumaling sa mga diyus-diyosan at malilimutan mo na ang Egipto.” 28 Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo. 29 Ipadarama naman nila sa iyo ang kanilang kalupitan. Sasamsamin nila ang lahat ng iyong ari-arian pati iyong kasuotan. Iiwan ka nilang hubo't hubad. Nagpakasama ka. 30 Nakiapid ka sa mga bansa at nakisamba sa kanilang mga diyus-diyosan. 31 Pinarisan mo ang iyong kapatid kaya naman ipalalasap ko sa iyo ang parusang ipinataw ko sa kanya.”

32 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh:
“Ang iinuman mong saro ng iyong kapatid ay malaki at malalim.
Ikaw ay pagtatawanan at tutuyain;
    pagkat umaapaw ang laman nito.
33 Malalasing ka at matitigib ng kalungkutan,
    sapagkat ang saro ng Samaria na kapatid mo,
    ay saro ng pagkatakot at pagkawasak.
34 Iyong uubusin ang laman ng saro,
    pagkatapos, babasagin mo ito at susugatan ang iyong dibdib.”

35 Kaya nga ipinapasabi ni Yahweh: “Dahil sa iyong paglimot at pagtalikod sa akin, pagdurusahan mo ang iyong pakikiapid at mahalay na pamumuhay.”

Ang Parusa ni Yahweh sa Magkapatid

36 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hahatulan mo na ba sina Ohola at Oholiba? Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 37 Sila'y naging mamamatay-tao at mapangalunya. Pinatay nila ang kanilang mga anak at inihandog sa kanilang diyus-diyosan. 38 Bukod dito, pinarumi pa nila ang aking Templo at winalang-halaga ang Araw ng Pamamahinga. 39 Sinalaula nila ang aking Templo nang sila'y pumasok dito pagkatapos ihandog sa diyus-diyosan ang kanilang mga anak.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.