Bible in 90 Days
16 Ang lahat ay ginawa ayon sa tagubilin ni Haring Josias: ang pagpupuri kay Yahweh, ang pagdiriwang ng Paskwa at ang paghahandog. 17 Pitong(A) araw na ipinagdiwang ng mga Israelita ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 18 Mula pa noong panahon ni propeta Samuel, wala pang ganitong pagdiriwang ng Paskwa na naganap sa Israel. Wala ring ibang hari sa Israel na nakagawa ng ginawang ito ni Haring Josias. Siya lamang ang nakapagtipon ng lahat ng pari, Levita at ng mga taga-Juda at taga-Israel kasama ang mga taga-Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa. 19 Naganap ito noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Haring Josias(B)
20 Nang maisaayos na ni Josias ang lahat ng nauukol sa Templo, sinalakay ni Haring Neco ng Egipto ang Carquemis sa may Ilog Eufrates. Hindi ito nagustuhan ni Josias kaya't hinarap niya ito. 21 Dahil dito, nagpadala ng sugo si Neco at sinabi, “Wala tayong dapat pag-awayan, mahal na hari ng Juda. Hindi ikaw ang pinuntahan ko rito kundi ang aking mga kaaway. Sinabi sa akin ng Diyos na tapusin ko agad ito. Kakampi ko ang Diyos kaya't huwag mo na akong hadlangan kung ayaw mong puksain ka niya.” 22 Ngunit hindi nagbago ng isip si Josias. Ipinasiya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Neco. Nagbalatkayo siya at pumunta sa labanan sa kapatagan ng Megido. 23 Sa kainitan ng labanan ay tinamaan si Haring Josias ng palaso at malubhang nasugatan. Kaya't iniutos niya sa kanyang mga tauhan na ilayo na siya roon. 24 Inilipat siya ng mga ito sa ikalawang karwahe at dinala sa Jerusalem. Subalit namatay din siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Nagluksa ang buong Juda at Jerusalem dahil sa kanyang pagkamatay. 25 Nagluksa rin si Jeremias at lumikha pa siya ng isang awit ng pagluluksa sa pagkamatay ni Josias. Inaawit pa ito hanggang ngayon ng mga mang-aawit bilang pag-alala sa kanya. Naging kaugalian na ito sa Israel at ang awiting ito'y matatagpuan sa Aklat ng mga Pagluluksa.
26 Ang iba pang mga ginawa ni Josias at ang kanyang paglilingkod sa Diyos, pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, 27 buhat sa simula hanggang wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda.
Si Haring Jehoahaz ng Juda(C)
36 Nagkaisa ang bayan na si Jehoahaz, anak ni Josias, ang ipalit na hari sa Jerusalem. 2 Dalawampu't tatlong taóng gulang siya nang maging hari at tatlong buwan siyang naghari sa Jerusalem. 3 Binihag siya ni Haring Neco ng Egipto at pinagbuwis niya ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto ang Juda. 4 Ang(D) ipinalit kay Jehoahaz bilang hari ng Juda ay ang kapatid nitong si Eliakim. Pinalitan ang kanyang pangalan na Jehoiakim. Si Jehoahaz naman ay dinala sa Egipto.
Si Haring Jehoiakim ng Juda(E)
5 Dalawampu't(F) limang taóng gulang si Jehoiakim nang maging hari at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 6 Dumating(G) si Nebucadnezar, binihag siya at nakakadenang dinala sa Babilonia. 7 Kinuha ni Nebucadnezar ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at inilipat sa kanyang palasyo sa Babilonia. 8 Ang iba pang mga pangyayari sa panahon ni Jehoiakim, pati ang mga kasamaang ginawa niya at ang iba pang kasalanan niya ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jehoiakin.
Si Haring Jehoiakin ng Juda(H)
9 Walong taóng gulang si Jehoiakin nang maging hari at tatlong buwan at sampung araw lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 10 Sa(I) pagtatapos ng taon, ipinakuha siya ni Haring Nebucadnezar pati ang mahahalagang kagamitan sa Templo at dinala sa Babilonia. Ang ipinalit sa kanya bilang hari ay si Zedekias na kanyang tiyuhin.[a]
Si Haring Zedekias ng Juda(J)
11 Dalawampu't(K) isang taóng gulang si Zedekias nang maging hari ng Juda at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. 12 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Hindi siya nagpakumbaba at hindi rin sumunod sa ipinangaral ni propeta Jeremias, na nagpahayag ng mensahe ni Yahweh.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem(L)
13 Naghimagsik(M) si Zedekias laban kay Haring Nebucadnezar na pinangakuan niya sa pangalan ng Diyos na kanyang susundin. Nagmatigas siya at ayaw magsisi at manumbalik kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Sumamâ nang sumamâ ang mga pinuno ng Juda, ang mga pari at ang mga mamamayan. Tinularan nila ang kasuklam-suklam na gawain ng ibang bansa. Pati ang Templo sa Jerusalem na inilaan ni Yahweh para sa kanyang sarili ay kanilang nilapastangan. 15 Gayunman, dahil sa habag ni Yahweh sa kanila at sa pagmamalasakit niya sa kanyang Templo, nagpatuloy siya sa pagpapadala ng mga sugo upang bigyan sila ng babala. 16 Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito, pinagtatawanan ang mga propeta at binabaliwala ang mga babala ng Diyos. Dahil dito'y umabot sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa kanyang bayan at hindi na sila makaiwas sa kanyang pagpaparusa. 17 Dahil(N) dito, ginamit niya ang hari ng Babilonia upang patayin sa tabak maging sa loob ng Templo ang kanilang mga kabataan. Wala itong iginalang, binata man o dalaga, kahit ang matatanda. Ipinaubaya sila ng Diyos sa kapangyarihan ng hari. 18 Lahat ng kagamitan, malalaki at maliliit sa loob ng Templo ni Yahweh, pati ang kayamanang naroon, gayundin ang sa hari at mga opisyal nito ay dinala sa Babilonia. 19 Sinunog(O) nila ang Templo, winasak ang pader ng Jerusalem at ang malalaking gusali. Ang mahahalagang ari-arian doon ay sinunog din, at ang lahat ay iniwan nilang wasak. 20 Ang mga hindi napatay ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Inalipin sila roon ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia ay masakop ng Persia. 21 Ito(P) ang katuparan ng pahayag ni Jeremias na ang lupain ay mananatiling tiwangwang sa loob ng pitumpung taon upang makapagpahinga.
Pinabalik ni Ciro ang mga Judio(Q)
22 Upang matupad ang sinabi niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, inudyukan ni Yahweh si Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad:
23 “Ito(R) ang pahayag ni Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng Templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.’”
Pinabalik ni Ciro ang mga Judio
1 Noong(S) unang taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Jeremias nang udyukan ni Yahweh si Ciro na isulat at ipahayag sa buong kaharian ang utos na ito:
2 “Ito(T) ang utos ni Emperador Ciro, ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa buong daigdig at inatasan niya ako na ipagtayo ko siya ng templo sa Jerusalem na nasa Juda. 3 Kayo na kanyang bayan, patnubayan nawa kayo ng inyong Diyos sa pagbabalik ninyo sa Jerusalem upang muling maitayo roon ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang Diyos na sinasamba sa Jerusalem. 4 Sinuman sa inyo na nangingibang-bayan, kung nais bumalik doon, dapat siyang tulungan ng kanyang mga kababayan. Dapat siyang bigyan ng pilak at ginto, mga bagay na kakailanganin, at mga hayop, gayundin ng mga kusang-kaloob na handog para sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem.”
5 Bilang tugon, agad na nagsipaghanda ang mga pinuno ng mga lipi ng Juda at Benjamin, gayundin ang mga pari at ang mga Levita, at ang mga iba pang inudyukan ng espiritu ng Diyos upang muling itayo ang Templo ni Yahweh sa Jerusalem. 6 Tinulungan sila ng lahat ng mga nakapalibot sa kanila. Binigyan sila ng mga pilak at gintong lalagyan, mga bagay na kakailanganin, mga hayop, iba pang mamahaling gamit, bukod pa sa mga kusang-kaloob na handog para sa Templo.
7 Ibinalik naman sa kanila ni Haring Ciro ang mga mangkok at tasa na dinala ni Haring Nebucadnezar sa templo ng kanyang mga diyos pagkatapos na kunin ang mga iyon mula sa Templo ni Yahweh. 8 Ipinagkatiwala ni Haring Ciro kay Mitredat na ingat-yaman ng kaharian ang pagbilang sa mga bagay na ibinalik. Ang mga ito'y binilang ni Metridat sa harap ni Sesbazar na tagapamahala ng Juda. 9-10 Ito ang bilang ng mga kagamitan:
palangganang ginto | 30 |
palangganang pilak | 1,000 |
lalagyan ng insenso[b] | 29 |
mangkok na ginto | 30 |
iba't ibang sisidlang pilak | 410 |
iba't iba pang kagamitan | 1,000 |
11 Lahat-lahat, umabot sa 5,400 ang bilang ng mga lalagyang ginto at pilak na dinala ni Sesbazar nang bumalik siya sa Jerusalem mula sa Babilonia kasama ng iba pang mga dinalang-bihag doon.
Ang Listahan ng mga Bumalik na Bihag(U)
2 Ito ang listahan ng mga dinalang-bihag sa lalawigan ng Babilonia na bumalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda. Nanirahan ang kanilang mga pamilya sa Babilonia simula pa nang ang mga ito ay dalhing-bihag doon ni Haring Nebucadnezar. 2 Sa kanilang pagbabalik pinangunahan sila nina Zerubabel, Josue, Nehemias, Seraias, Reelaias, Mordecai, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana.
Ito ang bilang ng mga angkan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:
3-20 Ito ang listahan ng mga angkan ng Israelitang nakauwi:
Paros | 2,172 |
Sefatias | 372 |
Arah | 775 |
Pahat-moab (sa mga anak nitong sina Jeshua at Joab) | 2,812 |
Elam | 1,254 |
Zatu | 945 |
Zacai | 760 |
Bani | 642 |
Bebai | 623 |
Azgad | 1,222 |
Adonikam | 666 |
Bigvai | 2,056 |
Adin | 454 |
Ater (tinatawag ding Ezequias) | 98 |
Bezai | 323 |
Jora | 112 |
Hasum | 223 |
Gibar | 95 |
21-35 Ito naman ang listahan ng mga angkang nakabalik na nakatira sa mga sumusunod na bayan:
Bethlehem | 123 |
Netofa | 56 |
Anatot | 128 |
Azmavet | 42 |
Jearim, Cafira at Beerot | 743 |
Rama at Geba | 621 |
Micmas | 122 |
Bethel at Hai | 223 |
Nebo | 52 |
Magbis | 156 |
Elam | 1,254 |
Harim | 320 |
Lod, Hadid, at Ono | 725 |
Jerico | 345 |
Senaa | 3,630 |
36-39 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng pari:
Jedaias (mula kay Jeshua) | 973 |
Imer | 1,052 |
Pashur | 1,247 |
Harim | 1,017 |
40-42 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng Levita:
Jeshua at Kadmiel (mula kay Hodavias) | 74 |
Mga mang-aawit (mula kay Asaf) | 128 |
Mga bantay-pinto (mula kina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Sobai) | 139 |
43-54 Ang mga manggagawa naman ng Templo na nakabalik mula sa pagkabihag ay ang mga angkan nina:
Ziha, Hasufa, Tabaot,
Keros, Siaha, Padon,
Lebana, Hagaba, Akub,
Hagab, Samlai, Hanan,
Gidel, Gahar, Reaias,
Rezin, Nekoda, Gazam,
Uza, Pasea, Besai,
Asnah, Meunim, Nefisim,
Bakbuk, Hakufa, Harhur,
Bazlut, Mehida, Harsa,
Barkos, Sisera, Tema,
Nezias, at Hatifa.
55-57 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga sumusunod na angkan ng mga lingkod ni Solomon:
Sotai, Hasoferet, Peruda,
Jaala, Darkon, Gidel,
Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim,
at Ami.
58 Ang kabuuang bilang ng mga nagmula sa angkan ng mga manggagawa sa Templo at ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag ay 392.
59-60 May 652 na buhat sa mga angkan nina Delaias, Tobias, at Nekoda ang bumalik mula sa mga bayan ng Tel-mela, Tel-harsa, Querub, Adan, at Imer, kahit hindi nila napatunayan na sila'y mga Israelita.
61-62 Hindi rin mapatunayan ng mga sumusunod na angkan ng mga pari ang kanilang pinagmulang lahi: Habaias, Hakoz, at Barzilai. Ang kauna-unahang ninuno ng angkang ito ay nakapag-asawa sa anak na babae ni Barzilai na Gileadita, kaya't ang pangalan ng kanilang angkan ay mula sa pangalan ng kanyang biyenan. Hindi sila ibinilang na mga pari sapagkat hindi nila napatunayan kung sino ang kanilang mga ninuno. 63 Sinabihan(V) sila ng tagapamahalang Judio na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkaing handog sa Diyos hanggang wala pang pari na maaaring sumangguni sa Urim at Tumim.
64-67 Ang kabuuang bilang ng mga bumalik mula sa pagkabihag ay 42,360.
Ang kanilang mga utusang lalaki at babae ay 7,337.
Ang mga manunugtog na lalaki at babae ay 200.
Ang mga kabayo ay 736.
Ang mga mola ay 245.
Ang mga kamelyo ay 435.
Ang mga asno ay 6,720.
68 Nang dumating na sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem ang mga bumalik mula sa pagkabihag, ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng kusang-loob na handog upang gamitin sa muling pagtatayo ng Templo sa dating kinatatayuan nito. 69 Ibinigay nila ang buo nilang makakaya para sa gawaing ito, at ang kabuuang naipon ay 500 kilong ginto, 2,800 kilong pilak, at sandaang kasuotan ng mga pari.
70 Ang(W) mga pari, ang mga Levita, at ang ilang mga tao ay nanirahan sa loob mismo ng lunsod ng Jerusalem at sa palibot nito. Ang mga manunugtog, ang mga bantay sa Templo, at ang mga manggagawa sa Templo ay nanirahan naman sa mga karatig-bayan. Ang ibang mga Israelita ay nanirahan sa mga bayang pinagmulan ng kani-kanilang mga ninuno.
Muling Sinimulan ang Pagsamba
3 Pagsapit ng ika-7 buwan, ang mga Israelita ay panatag nang nanirahan sa kani-kanilang bayan. Isang araw, lahat sila'y sama-samang nagtipon sa Jerusalem. 2 Ang(X) altar ng Diyos ng Israel ay muling itinayo ni Josue na anak ni Jehozadak, kasama ang kanyang mga kapwa-pari at si Zerubabel na anak ni Sealtiel, gayundin ang mga kamag-anak nito. Ginawa nila ito upang makapag-alay sa altar ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. 3 Bagama't[c] (Y) takot sa mga naninirahan sa lupain ang mga nagsibalik na Judio, itinayo pa rin nila sa dating lugar ang altar. Doon ay muli silang nag-alay ng mga handog na susunugin para kay Yahweh sa umaga at sa gabi. 4 Ipinagdiwang(Z) din nila ang Pista ng mga Tolda gaya ng nakasulat, at araw-araw ay nagsusunog sila ng mga handog na ukol sa bawat araw. 5 Bukod(AA) dito, nag-alay sila ng mga palagiang handog na sinusunog, mga handog para sa panahon ng Pista ng Bagong Buwan at para sa lahat ng kapistahang itinalaga ni Yahweh. Nag-alay din sila ng mga kusang-loob na handog para kay Yahweh. 6 Sa pagsapit ng unang araw ng ika-7 buwan, sinimulan na nilang maghandog kay Yahweh kahit hindi pa nasimulang muling itayo ang Templo.
Sinimulan ang Muling Pagtatayo ng Templo
7 Kumuha sila ng mga swelduhang tagatapyas ng bato at mga karpintero. Nagpadala rin sila ng mga pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at taga-Tiro bilang bayad sa mga punong sedar na dadalhin ng mga barko mula sa Lebanon patungo sa daungan ng Joppa. Ang lahat ng ito ay ginawa nang may pahintulot mula kay Haring Ciro ng Persia. 8 Kaya't nagsimula na silang magtrabaho pagsapit ng ika-2 buwan ng ika-2 taon mula nang makabalik sila sa dating kinatatayuan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Sama-samang nagtrabaho sina Zerubabel na anak ni Sealtiel, at Josue na anak ni Jozadak, kasama ang iba pa nilang mga kababayan, gayundin ang mga pari at Levita. Sa katunayan, kasama sa gawaing ito ang lahat ng bumalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Inatasan nilang mamahala sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ang mga Levita na ang edad ay dalawampung taon pataas. 9 Ang mga nagtatrabaho sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ay pinamahalaan nina Josue at ng kanyang mga anak at mga kamag-anak kasama sina Kadmiel at ang kanyang mga anak mula sa angkan ni Hodavias. Kasama rin ang mga anak ni Henadad, ang mga Levita at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak.
10 Nang(AB) inilalagay na ng mga manggagawa ang pundasyon ng Templo ni Yahweh, pumuwesto na ang mga nakabihis na pari, hawak ang kanilang mga trumpeta pati ang mga Levita na anak ni Asaf, na hawak ang kanilang mga pompiyang. Nagpuri sila kay Yahweh ayon sa paraang itinuro ni Haring David ng Israel. 11 Nagsagutan(AC) sila sa pag-awit ng mga papuri at pasasalamat kay Yahweh. Ito ang kanilang inawit:
“Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Malakas na isinigaw ng lahat ng tao ang kanilang papuri kay Yahweh sapagkat ang pundasyon ng Templo ni Yahweh ay inilagay na. 12 Marami(AD) sa matatandang pari, Levita at pinuno ng mga angkan na nakakita sa unang templo ang umiyak nang malakas habang sinasaksihan ang paglalagay ng pundasyon ng bagong Templo. Marami ring tao ang sumigaw nang may kagalakan. 13 Dahil dito'y hindi na malaman kung alin ang sigaw ng kagalakan at alin ang sigaw ng pag-iyak sapagkat ang ingay ng mga tao ay napakalakas at dinig sa malayo.
May Sumalungat sa Muling Pagtatayo ng Templo
4 Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na itinatayong muli ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, 2 kinausap(AE) nila si Zerubabel at ang mga pinuno ng mga angkan at sinabi sa kanila, “Tutulungan namin kayo sa pagtatayo ng Templo sapagkat sinasamba rin namin ang inyong Diyos gaya ng pagsamba ninyo sa kanya. Matagal na rin kaming nag-aalay ng handog sa kanya, simula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”
3 Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Josue at ng iba pang mga pinuno ng mga angkan, “Wala kayong karapatang tumulong sa amin para itayo ang Templo ng aming Diyos. Gaya ng ipinag-utos ni Haring Ciro ng Persia, kami lamang ang magtatayo nito para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.” 4 Dahil dito, ginulo at tinakot ng mga dati nang naninirahan sa lupaing iyon ang mga Judio upang hindi makapagtrabaho ang mga ito. 5 May sinuhulan din silang mga opisyal ng pamahalaan ng Persia upang kumilos laban sa mga Judio at sirain ang plano ng mga ito. Ginawa nila ito mula noong panahong si Ciro pa ang Emperador ng Persia hanggang sa panahon ng paghahari ni Dario.
Sinalungat ang Muling Pagtatatag ng Jerusalem
6 Sa(AF) simula ng paghahari ni Xerxes, ang mga kaaway ng mga Judiong naninirahan sa Juda at Jerusalem ay nagpalabas ng mga nakasulat na paratang laban sa kanila.
7 Noon namang naghahari si Artaxerxes ng Persia, lumiham dito sina Bislam, Mitredat, at Tabeel, kasama ang kanilang mga kapanalig. Sinulat ang liham sa wikang Aramaico kaya't kinailangang isalin sa pagbasa.
8 Sumulat din si Rehum na gobernador at si Simsai na kalihim ni Haring Artaxerxes tungkol sa kanilang pagtutol sa mga nangyayari sa Jerusalem.[d]
9 “Mula kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; mula sa kanilang mga kapanalig na hukom, pinuno, at sugo na galing sa Erec, Babilonia, at Susa sa lupain ng Elam; 10 kasama ng mga iba pang inilipat at pinatira ng dakila at makapangyarihang si Asurbanipal sa lunsod ng Samaria at sa mga lugar sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”
11 Ito ang nilalaman ng liham:
“Isang pagbati sa Kanyang Kamahalan, Haring Artaxerxes; buhat sa kanyang mga lingkod sa Kanluran-ng-Eufrates.
12 “Kamahalan, ipinapaabot po namin sa inyong kaalaman na ang mapaghimagsik at masamang lunsod ng Jerusalem ay muling itinatayo ng mga Judio na dumating mula sa mga bayang inyong nasasakupan, at ngayo'y naninirahan doon. Naisaayos na po nila ang mga pundasyon ng lunsod at kasalukuyan namang itinatayo ang mga pader. 13 Kamahalan, kung maitatayo pong muli ang lunsod at pati ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis ang mga tao roon at mababawasan na ang malilikom na salapi para sa kaharian. 14 Hindi po kami makakapayag na mangyari ito sapagkat kami po'y may pananagutan sa Inyong Kamahalan. Ipinababatid namin ito sa inyo 15 upang siyasatin ang talaan ng kasaysayan ng inyong mga ninuno. Matatagpuan po ninyo at mapapatunayan sa mga nakatalang kasaysayan na ang lunsod na ito ay mapaghimagsik at sakit-ng-ulo ng mga naunang hari at ng mga pinuno ng mga lalawigan. Noon pa ma'y mahirap nang pamahalaan ang mga tao sa lunsod na ito. Iyan po ang dahilan kaya ito'y winasak. 16 Ipinapaalam lamang po namin sa Inyong Kamahalan na kapag naitatag na ang lunsod at ang mga pader nito, tapos na rin po ang inyong pamamahala sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”
17 Ito naman ang sagot na ipinadala ng hari:
“Para kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; para sa kanilang mga kapanalig na naninirahan sa Samaria at sa mga lugar na nasa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates: Isang pagbati ang pinararating ko sa inyo.
18 “Ang liham na ipinadala ninyo ay isinalin sa aking wika at binasa sa harapan ko. 19 Kaya't ipinag-utos kong gawin ang isang pagsisiyasat, at napatunayan na noon pa mang unang panahon ay naghimagsik na ang mga taga-Jerusalem laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at pagsalungat nila sa pamahalaan ay naging karaniwang pangyayari na lamang doon. 20 Binabayaran nga ng buwis ang mga makapangyarihang hari sa Jerusalem na naghari noon sa buong lalawigang Kanluran-ng-Eufrates. 21 Dahil dito, ipag-utos ninyong ihinto na ng mga lalaking iyon ang muling pagtatayo ng lunsod hangga't wala pa akong ipinalalabas na utos tungkol dito. 22 Gawin ninyo agad ito bago pa sila lumikha ng pinsala sa aking kaharian.”
23 Pagkatapos mabasa nina Rehum, Simsai, at ng kanilang mga pinunong kapanalig ang liham ni Haring Artaxerxes, agad silang nagtungo sa Jerusalem at pilit na pinahinto ang mga Judio sa muling pagtatayo ng lunsod.
Ipinagpatuloy ang Gawain sa Templo
24 Napahinto(AG) nga ang pagtatayo ng Templo sa Jerusalem hanggang sa ika-2 taon ng paghahari ni Dario ng Persia.
5 Nang(AH) panahong iyon, ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Ido ay nagpahayag ng propesiya sa pangalan ng Diyos ng Israel tungkol sa mga Judiong nakatira sa Juda at Jerusalem. 2 Nang(AI) marinig sila ni Zerubabel na anak ni Sealtiel at ni Josue na anak ni Jozadak, ipinagpatuloy ng mga ito ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Tinulungan sila ng mga propeta ng Diyos.
3 Agad namang dumating si Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates at si Setar-bozenai, kasama ang iba pang mga pinuno. Tinanong ng mga ito sina Zerubabel at Josue, “Sinong nag-utos sa inyo na gawin at tapusin ang templong ito?” 4 Tinanong pa nila,[e] “Ano ang mga pangalan ng mga lalaking nagtatrabaho rito?” 5 Ngunit binantayan ng Diyos ang pinuno ng mga Judio kaya't hindi sila pinakialaman ng mga pinunong taga-Persia habang hindi pa nakakapag-ulat ang mga ito kay Emperador Dario at habang hinihintay nila ang sagot ng hari. 6 Ito ang ulat na ipinadala nina Tatenai sa hari:
7 “Sumainyo nawa ang kapayapaan, Haring Dario.
8 “Ipinapaalam po namin sa Inyong Kamahalan na binisita na po namin ang lalawigan ng Juda. Ang Templo po ng dakilang Diyos ay muling itinatayo sa pamamagitan ng malalaking tapyas ng bato at ang mga pader naman nito ay pinapatibay sa pamamagitan ng mga troso. Masigasig po ang kanilang pagtatrabaho at malaking bahagi na ang kanilang nagagawa.
9 “Tinanong po namin ang matatandang pinuno roon kung sinong nag-utos sa kanila na gawing muli at tapusin ang templo. 10 Tinanong din po namin ang kanilang mga pangalan upang maipaalam namin sa inyo kung sinu-sino ang mga nangunguna sa gawaing iyon.
11 “Sinagot po nila kami ng ganito: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang Templo na noong unang panahon ay ipinatayo ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12 Ngunit(AJ) dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng kalangitan, sila ay pinabayaan niyang sakupin ng Caldeong si Nebucadnezar, hari ng Babilonia. Winasak ni Nebucadnezar ang Templong ito at ang mga tao ay dinala niyang bihag sa Babilonia. 13 Ngunit,(AK) noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Babilonia, nagpalabas ito ng utos para muling itayo ang Templo ng Diyos. 14 Ipinabalik rin ni Haring Ciro ang mga kagamitang ginto at pilak sa Templo. Ang mga iyon ay kinuha ni Nebucadnezar mula sa Templo ng Jerusalem at inilagay sa kanyang templo sa Babilonia. Kaya ipinagkatiwala ni Haring Ciro ang mga kagamitang ito kay Sesbazar na itinalaga niya bilang gobernador ng mga Judio. 15 Sinabi ng hari kay Sesbazar na dalhin ang mga iyon at ilagay sa Templo sa Jerusalem. Iniutos din niya na muling itayo ang Templo sa dati nitong lugar. 16 Kaya't naparito nga si Sesbazar at inilagay ang mga pundasyon ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noon sinimulan ang pagtatayo ng Templo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan nga'y hindi pa ito tapos.’
17 “Ngayon, kung mamarapatin po ng Inyong Kamahalan, ipahanap po ninyo sa mga taguan ng mga kasulatan ng kaharian sa Babilonia kung tunay ngang ipinag-utos ni Haring Ciro na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem. Hinihiling po namin na ipabatid ninyo sa amin ang inyong pasya sa bagay na ito.”
Muling Natagpuan ang Utos ni Haring Ciro
6 Nagpalabas nga ng isang utos si Haring Dario na saliksikin ang mga kasulatan ng kaharian na nakatago sa Babilonia. 2 At sa lunsod ng Ecbatana, sa palasyong nasa lalawigan ng Media, natagpuan ang isang kasulatan na ganito ang nakasulat:
3 “Nang unang taon ng paghahari ni Ciro, nagpalabas ito ng isang utos na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem upang doo'y mag-alay at magsunog ng mga handog. Kailangang ang Templo'y 27 metro ang taas at 27 metro rin ang luwang. 4 Ang bawat pundasyon nito'y dapat na tatlong patong ng malalaking bato at sa ibabaw ng mga ito'y ipapatong naman ang isang troso. Lahat ng kaukulang bayad dito ay kukunin mula sa kabang-yaman ng hari. 5 Ang mga ginto't pilak na kagamitan sa Templo ng Diyos na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ding isauli sa pinaglagyan nito sa Templo sa Jerusalem.”
Iniutos ni Dario na Ipagpatuloy ang Pagtatrabaho
6 Nang mabasa ito ni Haring Dario, gumawa siya ng liham bilang sagot kay Tatenai at sa mga kapanalig nito.
“Kay Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates, kay Setar-bozenai, at sa mga kasamahan nilang pinuno sa Kanluran-ng-Eufrates.
“Huwag na kayong makialam diyan. 7 Hayaan ninyong ipagpatuloy ng gobernador at ng pinuno ng mga Judio ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa dati nitong kinatatayuan. 8 Iniuutos ko ring tumulong kayo sa gawaing ito. Ang lahat ng gastos dito ay kunin ninyo sa kabang-yaman ng kaharian na mula sa mga buwis ng Kanluran-ng-Eufrates. Dapat na bayaran agad ng husto ang mga taong ito upang hindi maantala ang gawain. 9 Kailangang araw-araw kayong magbigay ng lahat ng mga hinihingi ng mga pari sa Jerusalem, gaya ng batang toro, lalaking tupa, at kordero na sinusunog bilang handog sa Diyos ng kalangitan; pati na trigo, asin, alak, at langis. 10 Gawin ninyo ito upang patuloy silang makapag-alay ng mababangong handog sa Diyos ng kalangitan at upang lagi nilang ipanalangin na pagpalain ang hari at ang mga anak nito. 11 Ipinag-uutos ko rin na parusahan ang sinumang sumuway o magtangkang baguhin ang utos kong ito: Isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay. Patutulisin ang isang dulo nito at itutuhog sa katawan ng taong iyon. Ang kanyang bahay naman ay gagawing isang bunton ng basura. 12 Pinili ng Diyos ang Jerusalem upang doo'y sambahin siya. Kaya pabagsakin nawa niya ang sinumang hari o alinmang bansa na susuway sa utos na ito at magtatangkang wasakin ang Templong ito ng Diyos sa Jerusalem. Akong si Dario ang nag-uutos nito kaya't dapat itong lubusang ipatupad.”
Itinalaga ang Templo
13 Lubos ngang ipinatupad nina Tatenai na gobernador, at Setar-bozenai, pati na ng kanilang mga kasamahang pinuno, ang ipinag-utos ni Haring Dario. 14 Patuloy(AL) namang nagtrabaho ang pinuno ng mga Judio at malaking bahagi na rin ang kanilang nagagawa dahil pinapalakas ng mga propetang sina Hagai at Zacarias ang kanilang loob. Tinapos nila ang pagtatayo ng Templo ayon sa utos ng Diyos ng Israel at ipinatupad nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na magkakasunod na naging mga hari ng Persia. 15 Nang ikatlong araw ng ikalabindalawang buwan, sa ikaanim na taon ng paghahari ni Dario, natapos nila ang pagtatayo sa Templo. 16 Ang buong sambayanang Israel—mga pari at Levita, at ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng Templo ng Diyos. 17 Sa pagtatalagang ito, nag-alay sila ng 100 toro, 200 tupang lalaki, at 400 kordero; labindalawang kambing na lalaki naman ang inihandog nila para sa kasalanan ng buong Israel—isa para sa bawat lipi ng Israel. 18 Inilagay nila ang mga pari at Levita sa kani-kanilang tungkulin para sa paglilingkod sa Diyos sa Templo sa Jerusalem gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.
Ang Paskwa
19 Pagsapit(AM) ng ika-14 na araw ng unang buwan ng sumunod na taon, ang Paskwa ay ipinagdiwang ng mga bumalik mula sa pagkabihag. 20 Sama-samang nilinis ng mga pari at Levita ang kanilang mga sarili ayon sa kautusan. At pagkatapos ay pinatay na nila ang mga korderong pampaskwa para sa mga bumalik mula sa pagkabihag, para sa kanilang mga kapwa pari, at para sa kanilang sarili. 21 Ang mga handog ay kinain ng buong sambayanan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag. Kasalo nila ang lahat ng taong nakipagdiwang sa kanila, mga taong tumalikod na sa mga paganong gawain ng mga naninirahan sa lupaing iyon upang sambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 22 Sa loob ng pitong araw ay masaya nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tumulong sa kanila ang hari sa pagpapatayo ng Templo ng Diyos ng Israel. Punung-puno sila ng kagalakan dahil niloob ni Yahweh na magmalasakit sa kanila ang hari ng Asiria.
Dumating si Ezra sa Jerusalem
7 Makalipas ang ilang panahon, nang si Artaxerxes ang hari ng Persia, dumating mula sa Babilonia ang isang lalaking nagngangalang Ezra. Nagmula siya sa angkan ni Aaron dahil ang kanyang ama na si Seraias ay anak ni Azarias na anak ni Hilkias. Si Hilkias naman ay anak ni Sallum na anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub na anak ni Amarias na anak ni Azarias. Si Azarias naman ay anak ni Meraiot na anak ni Zerahias na anak naman ni Uzi. Si Uzi ang anak ni Buki na anak ni Abisua na anak naman ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar at apo ni Aaron na pinakapunong pari. Si Ezra ay isang eskriba na dalubhasa sa Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Si Ezra ay pinatnubayan ni Yahweh na kanyang Diyos kaya't lahat ng kahilingan niya'y ipinagkaloob sa kanya ng hari. 7 Noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaxerxes, umalis si Ezra sa Babilonia patungong Jerusalem, kasama ang isang pangkat ng mga Israelita na kinabibilangan ng mga pari at mga Levita, mga mang-aawit, mga bantay sa pinto at mga tagapaglingkod sa Templo. 8-9 Umalis sila sa Babilonia nang unang araw ng unang buwan, at sa patnubay ng kanyang Diyos ay dumating siya sa Jerusalem nang unang araw ng ikalimang buwan. 10 Buong sikap na pinag-aralan ni Ezra ang Kautusan ni Yahweh upang maisagawa niya ito at upang maituro niya sa bayang Israel ang mga batas at tuntunin nito.
Ang Dokumentong Ibinigay ni Artaxerxes kay Ezra
11 Ito ang nilalaman ng liham na ibinigay ni Haring Artaxerxes kay Ezra, ang pari at eskriba na dalubhasa sa Kautusang ibinigay ni Yahweh sa Israel:
12 “Buhat kay Haring Artaxerxes;[f] para kay Ezra na pari at eskriba ng Kautusan ng Diyos ng kalangitan,
13 “Ngayo'y ipinag-uutos ko na sinuman sa mga Israelita, mga pari man o mga Levita sa aking kaharian, na gustong sumama sa iyo pabalik sa Jerusalem ay pahihintulutan. 14 Isinusugo kita, at ng aking pitong tagapayo, upang siyasatin ang mga nagaganap sa Jerusalem at Juda. Alamin mo kung sinusunod nilang mabuti ang Kautusan ng iyong Diyos na ipinagkatiwala sa iyo. 15 Dalhin mo ang mga ginto at pilak na ipinagkakaloob ko at ng aking mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang Templo ay nasa Jerusalem. 16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at gintong ipagkakaloob sa iyo mula sa buong lalawigan ng Babilonia, gayundin ang mga kusang-loob na handog na ibibigay ng mga Israelita at ng kanilang mga pari para sa Templo ng Diyos sa Jerusalem.
17 “Tiyakin mong ang salaping ito ay gagamitin mo sa pagbili ng mga toro, mga lalaking tupa, at mga kordero, pati ng mga handog na pagkaing butil at alak na panghandog. Ihandog mo ang mga ito sa altar ng Templo ng Diyos na nasa Jerusalem. 18 Ang matitirang ginto at pilak ay maaari mong gamitin, pati na ng iyong mga kababayan, sa anumang naisin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Diyos. 19 Dalhin mo rin sa Templo ng iyong Diyos sa Jerusalem ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para gamitin sa paglilingkod sa Templo. 20 Kung may iba ka pang kakailanganin para sa Templo, kumuha ka mula sa kabang-yaman ng hari.
21 “Ako, si Haring Artaxerxes, ay nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates na ipagkaloob agad ninyo kay Ezra, na pari at dalubhasa sa Kautusan ng Diyos ng kalangitan, ang anumang hingin niya sa inyo. 22 Maaari ninyo siyang bigyan ng hanggang 3,500 kilong pilak, 100 malalaking sisidlang[g] puno ng trigo, 10 malalaking sisidlang puno ng alak, 10 malalaking sisidlang puno ng langis ng olibo, at gaano man karaming asin na kakailanganin. 23 Ibigay ninyo ang lahat ng kailangan sa templo na ipinag-uutos ng Diyos ng kalangitan. Kung hindi ay baka ibaling niya ang kanyang galit sa aking kaharian at sa aking mga anak. 24 Labag din sa batas na pagbayarin ng buwis ang mga pari, Levita, mang-aawit, bantay sa pinto, manggagawa o iba pang mga naglilingkod sa Templong ito ng Diyos.
25 “At ikaw naman, Ezra, gamitin mo ang karunungang ibinigay sa iyo ng iyong Diyos; maglagay ka ng mga tagapamahala at mga hukom na mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates. Ang ilalagay mo ay ang marurunong sa Kautusan ng Diyos. Sa hindi naman marurunong, ituro mo sa kanila ang Kautusan. 26 Ang lahat ng sumuway sa mga utos ng Diyos o sa mga utos ng hari ay paparusahan ng kamatayan, o pagkabihag, o pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o pagkabilanggo.”
Pinuri ni Ezra ang Diyos
27 Sinabi ni Ezra, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng ating mga ninuno! Inudyukan niya ang hari upang pagandahin ang Templo ni Yahweh na nasa Jerusalem. 28 Sa tulong ng Diyos, napapayag ko ang hari at ang kanyang mga tagapayo, pati ang lahat ng kanyang makapangyarihang pinuno. Lumakas ang aking loob sapagkat pinatnubayan ako ni Yahweh na aking Diyos upang tipunin at isama ang mga pangunahing lalaki ng Israel.”
Ang mga Bumalik Mula sa Babilonia
8 Ito ang listahan ng mga pinuno ng mga angkan na dinalang-bihag sa Babilonia at bumalik na kasama ni Ezra noong panahon ng paghahari ni Artaxerxes: 2 Sa angkan ni Finehas ay si Gersom; sa angkan ni Itamar, si Daniel; sa angkan ni David ay si Hatus 3 na anak ni Secanias; sa angkan ni Paros ay si Zacarias at ang mga kasama niyang 150 lalaki; 4 sa angkan ni Pahat-moab ay si Eliehoenai na anak ni Zeraias at ang kasama nilang 200 lalaki; 5 sa angkan ni Zatu[h] ay si Secanias na anak ni Jahaziel at ang kasama nilang 300 lalaki; 6 sa angkan ni Adin ay si Ebed na anak ni Jonatan at ang kasama nilang limampung lalaki; 7 sa angkan ni Elam ay si Isaya na anak ni Atalias at ang kasama nilang pitumpung lalaki; 8 sa angkan ni Sefatias ay si Zebadias na anak ni Micael at ang kasama nilang walumpung lalaki; 9 sa angkan ni Joab ay si Obadias na anak ni Jehiel at ang kasama nilang 218 lalaki; 10 sa angkan ni Bani[i] ay si Selomit na anak ni Josifias at ang kasama nilang 160 lalaki; 11 sa angkan ni Bebai ay si Zacarias na kanyang anak at ang kasama nilang dalawampu't walong lalaki; 12 sa angkan ni Azgad ay si Johanan na anak ni Hacatan at ang kasama nilang 110 lalaki; 13 sa angkan ni Adonikam ay sina Elifelet, Jeuel, at Semarias ang huling dumating, bukod sa kasama nilang animnapung lalaki; 14 sa angkan ni Bigvai ay sina Utai, Zacur at ang kasama nilang pitumpu.
Humanap si Ezra ng mga Levita
15 Sinabi ni Ezra,
“Tinipon ko sila sa ilog na umaagos papuntang Ahava at tatlong araw kaming tumigil doon. Nalaman ko roon na may mga pari sa grupo ngunit walang Levita. 16 Dahil dito, ipinatawag ko ang mga pinunong sina Eliezer, Ariel, Semaias, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesulam at ang mga gurong sina Joiarib at Elnatan. 17 Isinugo ko silang lahat kay Ido na pinuno ng Casifia para hilingin sa kanya at sa kanyang mga kapanalig na manggagawa ng templo na magpadala ng mga taong maglilingkod sa Templo ng Diyos. 18 Sa tulong ng Diyos ay ipinadala nila sa amin si Serebias, isang matalinong lalaking Levita na mula sa angkan ni Mali. May mga kasama siyang anak at kapatid na ang kabuuang bilang ay labingwalo. 19 Ipinadala rin nila sina Hashabias at Jesaias na nagmula sa angkan ni Merari, dalawampung kamag-anak naman ang kasama nito. 20 Napadagdag pa sa kanila ang 220 trabahador ng templo na ang mga ninuno ay inatasan ni Haring David at ng kanyang mga opisyal upang tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang kanilang mga pangalan.
Pinangunahan ni Ezra ang mga Tao sa Pag-aayuno at Pananalangin
21 “Doon sa pampang ng Ilog Ahava, sinabi ko sa buong grupo na kaming lahat ay mag-aayuno at maninikluhod sa harap ng aming Diyos upang hilingin sa kanya na patnubayan kami at ingatan sa paglalakbay, pati na ang aming mga anak at mga ari-arian. 22 Nahihiya akong humiling sa hari ng mga kawal na magbabantay sa amin laban sa mga kaaway habang kami'y naglalakbay sapagkat nasabi ko na sa hari na pinapatnubayan ng aming Diyos ang lahat ng nagtitiwala sa kanya. Napopoot siya at nagpaparusa sa mga nagtatakwil sa kanya. 23 Nag-ayuno nga kami at hiniling sa Diyos na nawa'y ingatan kami, at pinakinggan naman niya ang aming kahilingan.
Ang mga Handog para sa Templo
24 “Mula sa mga pangunahing pari ay pinili ko sina Serebias at Hashabias, at sampung iba pa na pawang mga kamag-anak din nila. 25 Pagkatapos ay tinimbang ko at ibinigay sa mga pari ang mga pilak, ginto, at lalagyang ipinagkaloob ng hari at ng kanyang mga tagapayo at mga pinuno, at ng buong Israel upang gamitin sa Templo. 26-27 Ang mga ibinigay ko sa kanila ay 22,750 kilong pilak; sandaang sisidlang pilak na may bigat na pitumpung kilo; 3,500 kilong ginto; dalawampung mangkok na ginto na ang timbang ay walong kilo at apat na guhit; at dalawang mangkok na yari sa pinong tanso na kasinghalaga ng mga mangkok na ginto.”
28 Sinabi ko sa kanila, “Kayo'y banal sa harap ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno; sagrado rin naman ang lahat ng pilak at gintong kagamitan na iniaalay kay Yahweh bilang mga kusang-loob na handog. 29 Ingatan ninyong mabuti ang mga ito hanggang sa makarating kayo sa Templo, sa silid ng mga pari, kung saan titimbangin ang mga ito sa harap ng mga punong pari, mga Levita at mga pinuno ng mga angkan ng Israel sa Jerusalem.” 30 Pinamahalaan nga ng mga pari at mga Levita ang mga ginto, ang mga pilak, at ang mga lalagyan. Kinuha nila ang mga ito at dinala sa Templo ng aming Diyos sa Jerusalem.
Ang Pagbalik sa Jerusalem
31 Umalis kami sa pampang ng Ilog Ahava at naglakbay patungong Jerusalem noong ika-12 araw ng unang buwan. Pinatnubayan kami ng aming Diyos at iningatan kami sa anumang pananalakay at pananambang ng mga kaaway. 32 Pagdating namin sa Jerusalem, tatlong araw kaming nagpahinga roon. 33 Noong ikaapat na araw, nagtungo na kami sa Templo at pagkatapos timbangin doon ang mga pilak, ang mga ginto, at ang mga lalagyan, ipinagkatiwala namin ang mga ito sa paring si Meremot na anak ni Urias, Eleazar na anak ni Finehas at sa mga Levitang sina Jozabad na anak ni Josue at Noadias na anak ni Binui. 34 Ang lahat ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng bawat isa ay inilista.
35 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay nagdala ng mga handog na susunugin para sa Diyos ng Israel. Nag-alay sila ng labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na tupang lalaki at pitumpu't pitong kordero; nag-alay din sila ng labindalawang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan. Ang lahat ng ito'y sinunog bilang handog kay Yahweh. 36 Ibinigay din nila sa mga gobernador at mga pinuno ng lalawigan sa kanluran ng Ilog Eufrates ang nakasulat na utos ng hari. Sa bisa ng utos na ito ay tumulong ang mga pinuno sa buong bayang Israel at sa pagsamba sa Templo ng Diyos.
Nalaman ni Ezra na may mga Judiong Nag-asawa ng Di-Judio
9 Nang magawâ na ang mga bagay na ito, kinausap ako ng mga pinuno na dala ang ganitong ulat: “Hindi inihiwalay ng bayang Israel—kasama na rito ang mga pari at mga Levita—ang kanilang sarili mula sa mga naninirahan sa lupain gaya ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio at Amoreo. Dahil dito, gumaya sila sa mga karumal-dumal na gawain ng mga taong ito. 2 Nakipag-asawa sila at ang kanilang mga anak na lalaki sa mga kababaihan doon. Kaya't ang banal na lahi ay nahaluan ng ibang mga lahi, at ang mga pinuno at tagapanguna pa nila ang pasimuno sa pagtataksil na ito.” 3 Nang marinig ko ito ay sinira ko ang aking damit at balabal; bumunot ako ng buhok sa aking ulo at sa aking balbas at naupong nanlulumo. 4 Nakaupo ako roon na nagdadalamhati hanggang sa oras ng panggabing handog. Maya-maya ay nagdatingan na ang mga tao sa paligid ko. Sila ang mga nabagabag dahil alam nila ang sinabi ng Diyos ng Israel tungkol sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag.
5 Nang oras na ng pag-aalay ng panggabing handog, tumayo ako sa aking pagdadalamhati na suot pa rin ang aking sirang damit. Lumuhod ako at nanalanging nakataas ang mga kamay kay Yahweh na aking Diyos. 6 Sinabi ko sa kanya, “O Diyos, wala po akong mukhang maiharap sa inyo, sapagkat ang aming kasamaan ay patung-patong na at ngayo'y lampas na sa aming mga ulo. Ang aming kasalanan ay abot na sa langit. 7 Mula pa sa panahon ng aming mga ninuno hanggang ngayon, kami po na inyong bayan ay lubog na sa kasalanan. Dahil po sa aming mga kasalanan, kami—pati ang aming mga hari at mga pari—ay pinabayaan ninyong madaig at masakop ng mga hari ng ibang mga lupain. Pinagpapatay nila kami, binihag, at pinagnakawan. Ganap ang pagyurak na nangyari sa amin maging hanggang sa kasalukuyan. 8 Gayunman, Yahweh na aming Diyos, pinakitaan pa rin ninyo kami ng kagandahang-loob maging ito ma'y sa isang maikling panahon lamang. Ilang tao ang pinalaya ninyo mula sa pagkaalipin at ligtas na pinatira sa banal na dakong ito upang bigyan ninyo ng bagong pag-asa at buhay. 9 Kami po'y mga alipin ngunit hindi ninyo pinabayaan sa pagkaalipin. Sa halip, ipinakita ninyo ang inyong tapat na pag-ibig nang inudyukan ninyo ang mga hari ng Persia na sumang-ayon sa amin at pahintulutan kaming mamuhay at muling itayo ang Templo na noo'y wasak na wasak. Iningatan din ninyo kami sa Juda at sa Jerusalem.
10 “Ngunit ngayon, O aming Diyos, ano pa ang masasabi namin pagkatapos ng lahat ng ito? Muli naming sinuway ang inyong mga utos 11 na sa ami'y ibinigay ninyo sa pamamagitan ng mga lingkod ninyong propeta. Sinabi nila sa amin na ang lupaing aming papasukin at aariin ay isang maruming lupain sapagkat ang mga nakatira rito ay punung-puno ng mga gawaing karumal-dumal. 12 Sinabi(AN) rin nila sa amin na kailanma'y huwag kaming mag-aasawa sa mga iyon at huwag din naming tulungang umunlad ang kanilang kabuhayan, kung gusto naming pakinabangan ang mga pagpapala sa lupaing iyon at maipamana namin ito sa aming mga susunod na salinlahi magpakailanman. 13 Kahit naranasan na namin ang inyong parusa dahil sa aming mga kasalanan at kamalian, alam namin, O aming Diyos, na ang parusang iginawad ninyo sa amin ay kulang pa sa dapat naming tanggapin; sa halip, pinahintulutan pa ninyo kaming mabuhay. 14 Muli ba naming susuwayin ang inyong mga utos at makikipag-asawa kami sa mga taong ito na kasuklam-suklam ang mga gawain? Kung gagawin namin ito'y labis kayong mapopoot sa amin at wawasakin ninyo kami hanggang sa maubos. 15 O Yahweh, Diyos ng Israel, kayo ay makatarungan, subalit niloob ninyong may matira sa aming lahi. Inaamin po namin ang aming kasalanan sa inyo at wala po kaming karapatang humarap sa inyo dahil dito.”
Nakipaghiwalay ang mga may Asawang Hindi Kalahi
10 Habang si Ezra ay nakadapang nananalangin sa harap ng Templo at tumatangis na ipinapahayag ang mga kasalanan ng bayan, pumalibot sa kanya ang napakaraming tao na buong kapaitan ding tumatangis. 2 Pagkatapos ay sinabi sa kanya ni Secanias na anak ni Jehiel, mula sa angkan ni Elam, “Nagtaksil kami sa ating Diyos dahil nag-asawa kami ng mga babaing dayuhan. Gayunma'y may pag-asa pa rin ang Israel sa kabila ng lahat ng ito. 3 Kaya't sumusumpa kami ngayon sa ating Diyos na palalayasin at hihiwalayan namin ang mga babaing ito pati na ang mga anak nila. Gagawin namin ang payo mo at ng iba pang mga pinuno na may paggalang sa utos ng ating Diyos. Tutuparin namin ang anumang itinatakda ng Kautusan. 4 Bumangon ka at gawin mo ito sapagkat ito'y pananagutan mo at kami'y nasa likuran mo.”
5 Tumayo nga si Ezra at pinanumpa niya ang mga pinakapunong pari at Levita, pati na ang buong Israel, na gagawin ng mga ito ang sinabi ni Secanias. 6 Pagkatapos ay umalis si Ezra sa harap ng Templo at pumunta sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pinalipas niya roon ang magdamag na nagdadalamhati dahil sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Hindi siya kumain ni uminom ng anuman.
7 Isang mensahe ang ipinahayag sa buong Juda at Jerusalem para sa lahat ng bumalik mula sa pagkabihag na kailangang dumalo sila sa isang pagpupulong sa Jerusalem. 8 Ayon sa utos ng mga pinuno, sasamsamin ang lahat ng ari-arian ng sinumang hindi dumalo sa loob ng tatlong araw. Bukod dito ay aalisan pa sila ng karapatang makabilang sa sambayanan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. 9 Sa loob ng tatlong araw ang mga kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipon nga sa harapan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noo'y ika-20 araw ng ika-9 na buwan. Ang mga tao'y nanginginig dahil sa kahalagahan ng bagay na pinag-uusapan at dahil din sa napakalakas na ulan.
10 Tumayo ang paring si Ezra at sinabi sa kanila, “Nagtaksil kayo sa Diyos nang mag-asawa kayo ng mga babaing banyaga at dahil dito'y pinalaki ninyo ang pagkakasala ng Israel. 11 Kaya nga ipahayag ninyo ang inyong mga kasalanan kay Yahweh na Diyos ng inyong mga ninuno, at gawin ninyo ang kanyang kagustuhan. Humiwalay kayo sa mga tagarito; palayasin at hiwalayan din ninyo ang inyong mga asawang banyaga.”
12 Pasigaw na sumagot ang buong kapulungan, “Gagawin namin ang anumang sasabihin mo sa amin! 13 Ngunit masyadong marami ang mga tao at napakalakas ng ulan; hindi kami makakatagal sa labas. Hindi rin naman matatapos ang bagay na ito sa loob lamang ng isa o dalawang araw sapagkat napakarami naming gumawa ng kasalanang ito. 14 Ang mga pinuno na lamang namin ang pananatilihin mo rito para kumatawan sa buong bayan. Pagkatapos ay itakda ninyo ang pagparito ng lahat ng may asawang banyaga, kasama ang matatandang pinuno at mga hukom ng kani-kanilang lunsod. Sa ganitong paraan ay mawawala ang galit ng Diyos dahil sa bagay na ito.” 15 Walang sumalungat sa balak na ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazeias na anak ni Tikva. Sila nama'y sinuportahan nina Mesulam at Sabetai na isang Levita.
16 Sinang-ayunan nga ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang balak na iyon, kaya pumili ang paring si Ezra ng mga lalaki mula sa mga pinuno ng mga angkan at inilista ang kanilang mga pangalan. Nang unang araw ng ika-10 buwan, sinimulan nila ang kanilang pagsisiyasat, 17 at sa loob ng sumunod na tatlong buwan ay nasiyasat nila ang lahat ng kaso ng mga lalaking may mga asawang banyaga.
Ang mga Lalaking may mga Asawang Banyaga
18 Ito ang listahan ng mga lalaking may asawang banyaga:
Sa mga pari, mula sa angkan ni Josue at ng kanyang mga kapatid, ang mga anak ni Jehozadak na sina Maaseias, Eliezer, Jarib, at Gedalia. 19 Nangako silang palalayasin at hihiwalayan ang kani-kanilang mga asawa. Nag-alay din sila ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kasalanan.
20 Mula sa angkan ni Imer: sina Hanani at Zebadias.
21 Mula sa angkan ni Harim: sina Maaseias, Elias, Semaias, Jehiel, at Uzias.
22 Mula sa angkan ni Pashur: sina Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Jozabad, at Elasa.
23 Sa mga Levita: sina Jozabad, Simei, Petahias, Juda, Eliezer, at Kelaias, na kilala rin sa pangalang Kelita.
24 Sa mga mang-aawit: Si Eliasib.
Sa mga bantay sa pinto ng Templo: sina Sallum, Telem, at Uri.
25 Mula naman sa angkan ni Paros: sina Ramias, Izias, Malquijas, Mijamin, Eleazar, Malquijas, at Benaias.
26 Mula sa angkan ni Elam: sina Matanias, Zecarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elias.
27 Mula sa angkan ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza.
28 Mula sa angkan ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai.
29 Mula sa angkan ni Bani: sina Mesulam, Maluc, Adaias, Jasub, Seal, at Jeremot.
30 Mula sa angkan ni Pahat-moab: sina Adna, Helal, Benaias, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases.
31-32 Mula sa angkan ni Harim: sina Eliezer, Isijas, Malquijas, Semaias, Simeon, Benjamin, Maluc, at Semarias.
33 Mula sa angkan ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Simei.
34-37 Mula sa angkan ni Bani: sina Maadai, Amram, Uel, Benaias, Bedeias, Heluhi, Vanias, Meremot, Eliasib, Matanias, Matenai, at Jaasu.
38-42 Mula sa angkan ni Binui: sina Simei, Selemias, Natan, Adaias, Macnadebai, Sasai, Sarai, Azarel, Selemias, Semarias, Sallum, Amarias, at Jose.
43 Mula sa angkan ni Nebo: sina Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaias.
44 Ang lahat ng ito ay may mga asawang banyaga na hiniwalayan nila at pinaalis kasama ang kani-kanilang mga anak.[j]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.