Bible in 90 Days
14 Sa harapan niya ang bawat tao'y mistulang mangmang;
malalagay sa kahihiyan bawat panday
sapagkat ang ginawa nilang mga diyus-diyosan ay hindi totoo at walang buhay.
15 Sila'y walang silbi sapagkat likha lamang ng pandaraya;
wawasakin silang lahat ni Yahweh.
16 Ngunit hindi ganito ang Diyos ni Jacob;
siya ang maylikha ng lahat ng bagay;
at pinili niya ang Israel upang maging kanyang bayan.
Yahweh ang kanyang pangalan, ang Diyos na Makapangyarihan
sa lahat.
Ang Darating na Pagkabihag
17 “Mga taga-Jerusalem na napapaligiran ng kaaway, ipunin ninyo ang inyong mga ari-arian. 18 Palalayasin na kayo ni Yahweh at ipapatapon sa ibang lupain. Pahihirapan kayong lahat hanggang sa walang matira.” Ito ang sabi ni Yahweh.
19 At dumaing naman ang mga taga-Jerusalem,
“Napakatindi ng parusa sa amin!
Hindi gumagaling ang aming mga sugat.
Akala namin, ito'y aming matitiis.
20 Ang aming mga tolda ay nawasak;
napatid na lahat ang mga lubid.
Ang aming mga anak ay naglayasang lahat,
walang natira upang mag-ayos ng aming tolda;
wala isa mang magsasabit ng mga kurtina.”
21 At sumagot si Jeremias, “Ang aming mga pinuno'y pawang mga hangal;
hindi sila sumangguni kay Yahweh.
Kaya hindi sila naging matagumpay,
at ang mga tao'y nagsipangalat.
22 Makinig kayo! May dumating na balita!
Nagkakagulo sa isang bansang nasa hilaga;
ang kanilang hukbo ang pupuksa sa mga lunsod ng Juda,
at ito'y magiging disyerto, tahanan ng mga asong-gubat.”
23 Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay;
at walang nakakatiyak ng kanyang sasapitin.
24 Ituwid mo ang iyong bayan, O Yahweh;
ngunit huwag naman sana kayong maging marahas.
Huwag kaming parusahan sa panahong kayo'y napopoot;
na siyang magiging wakas naming lahat.
25 Ibaling mo ang iyong poot sa mga bansang ayaw kumilala sa iyo
at sa mga taong hindi tumatawag sa iyong pangalan.
Pinatay nila ang mga anak ni Jacob;
at winasak ang kanilang lupain.
Si Jeremias at ang Kasunduan
11 Sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias: 2 “Pakinggan mong mabuti ang nakasulat sa kasunduang ito, at sabihin mo sa mga taga-Juda at sa mga taga-Jerusalem 3 na susumpain ko ang sinumang hindi susunod sa itinatakda ng kasunduang ito. 4 Ito ang kasunduan namin ng inyong mga magulang nang iligtas ko sila sa Egipto, ang lupaing parang pugon na tunawan ng bakal. Sinabi kong pakinggan nila at sundin ang aking mga utos. At kung susunod sila, sila'y magiging bayan ko at ako'y magiging Diyos nila. 5 Sa gayon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanilang mga magulang, na ipapamana ko sa kanila ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay na tinatahanan nila ngayon.”
Sumagot naman si Jeremias, “Opo, Yahweh.”
6 Pagkatapos, inutusan ni Yahweh si Jeremias: “Pumunta ka sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. Ipahayag mo ang aking mensahe sa kanila, at sabihin mo sa mga tao na unawain ang isinasaad sa kasunduan, at sundin ang mga ito. 7 Nang ilabas ko sa Egipto ang kanilang mga magulang, mahigpit kong ipinagbilin na sundin nila ang aking mga utos. Patuloy kong pinaaalalahanan ang aking bayan hanggang sa panahong ito. 8 Subalit hindi sila nakinig. Sa halip ay patuloy na nagmatigas at nagpakasama ang bawat isa sa kanila. Iniutos kong sundin nila ang kasunduan, ngunit sila'y tumanggi. Kaya naman ipinalasap ko sa kanila ang lahat ng parusang sinasabi dito.”
9 Muling sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Naghihimagsik laban sa akin ang mga taga-Juda at Jerusalem. 10 Ginawa rin nila ang kasalanan ng kanilang mga magulang; hindi nila sinunod ang aking utos; sumamba sila sa mga diyus-diyosan. Ang Israel at ang Juda ay kapwa sumira sa kasunduan namin ng mga magulang nila. 11 Kaya binalaan ko sila na sila'y aking lilipulin, at wala isa mang makakaligtas. At kapag sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan. 12 Dahil dito'y tatawag sa mga diyus-diyosan ang mga taga-Juda at Jerusalem at magdadala ng mga handog sa harapan ng mga ito. Subalit hindi sila maililigtas ng mga diyus-diyosang ito kapag dumating na ang oras ng paglipol. 13 Kung ano ang dami ng mga lunsod sa Juda, gayon din kadami ang kanilang mga diyus-diyosan. At kung ano ang dami ng mga lansangan sa Jerusalem ay siya ring dami ng kanilang mga altar na handugan para kay Baal. 14 At ikaw naman, Jeremias, huwag mo nang idalangin ang mga taong iyan. Kapag naranasan na nila ang paghihirap at sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan.”
15 Ang sabi ni Yahweh, “Ang mga taong iniibig ko'y gumagawa ng kasamaan. May karapatan pa ba silang pumasok sa aking Templo? Sa akala ba nila'y maililigtas sila ng kanilang mga pangako at pagdadala ng mga hayop bilang handog na susunugin? Magagalak ba sila pagkatapos niyon? 16 Noong una'y inihambing ko sila sa isang malagong puno ng olibo na hitik sa bunga. Ngunit ngayon, kaalinsabay ng pagdagundong ng kulog, susunugin ko sa tama ng kidlat ang kanilang mga dahon, at babaliin ang kanilang mga sanga.
17 “Ako, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang siyang nagtatag sa Israel at sa Juda; ngunit paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Ginalit nila ako nang magsunog sila ng mga handog sa harapan ni Baal.”
Isang Pagtatangka sa Buhay ni Jeremias
18 Ipinaalam sa akin ni Yahweh ang masamang balak ng aking mga kaaway laban sa akin. 19 Tulad ko'y isang maamong tupa na dinadala sa katayan at hindi ko alam na may masamang balak pala sila sa akin. Ang sabi nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.”
20 At(A) nanalangin si Jeremias, “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinapaubaya ko sa iyong mga kamay ang anumang mangyayari sa akin.”
21 Si Jeremias ay binantaan ng mga taga-Anatot na papatayin kung hindi siya titigil ng pangangaral sa pangalan ni Yahweh. 22 Kaya ito ang sabi ni Yahweh: “Paparusahan ko sila! Mapapatay sa digmaan ang kanilang mga kabataang lalaki; mamamatay sa gutom ang kanilang maliliit na anak. 23 Walang matitira sa kanila kapag dumating na ang panahon na parusahan ko sila.”
Tinatanong ni Jeremias si Yahweh
12 Ikaw ay matuwid, Yahweh,
at kung ako ma'y mangatwiran, mapapatunayan mong ikaw ay tama.
Ngunit bayaan mong magtanong ako.
Bakit nagtatagumpay ang masasamang tao?
At ang mandaraya ay umuunlad?
2 Sila'y itinatanim mo at nag-uugat,
lumalago at namumunga.
Maganda ang sinasabi nila tungkol sa iyo
subalit malayo ka sa kanilang mga puso.
3 Ngunit ako, Yahweh, ay iyong kilala;
nakikita mo ako, ang mga ginagawa ko, nasa iyo ang puso ko.
Hilahin mo ang mga taong ito, gaya ng mga tupang kakatayin;
ihiwalay mo sila hanggang sa sandali na sila ay patayin.
4 Hanggang kailan pa mananatiling tigang ang lupain,
at tuyot ang mga damo sa parang?
Nagkakamatay na ang mga ibon at mga hayop
dahil sa kasamaan ng mga tao doon.
At sinasabi pa nila, “Hindi niya nakikita ang aming ginagawa.”
5 At sumagot si Yahweh,
“Jeremias, kung hindi ka makatagal sa pakikipaghabulan sa mga taong ito,
paano ka makikipagpaligsahan sa mga kabayo?
Kung ika'y nadarapa sa patag na lupain,
paano ka makakatagal sa kagubatan ng Jordan?
6 Kahit na ipinagkanulo ka ng iyong mga kapatid at sariling kamag-anak,
at kasama sila sa panunuligsa sa iyo.
Huwag kang magtitiwala sa kanila bagama't magaganda ang kanilang sinasabi sa iyo.”
Nagdadalamhati si Yahweh Dahil sa Kanyang Bayan
7 Sinasabi ni Yahweh,
“Pinabayaan ko na ang aking bayan,
itinakwil ko na ang bansang aking hinirang.
Ang mga taong aking minahal ay ibinigay ko na
sa kamay ng kanilang mga kaaway.
8 Lumaban sa akin ang aking bayan,
tulad ng mabangis na leon sa kagubatan;
nagtataas sila ng kanilang tinig laban sa akin,
kaya kinamumuhian ko sila.
9 Ang bayang pinili ko'y tulad sa isang ibong
pinagtutulungan ng mga ibong mandaragit.
Tawagin ang lahat ng mababangis na hayop,
at makisalo sa kanyang bangkay!
10 Sinira ng maraming pinuno ang aking ubasan,
pati ang aking kabukiran ay kanilang sinagasaan;
ang aking magandang lupain, ngayon ay wala nang mapapakinabangan.
11 Wala nang halaga ang buong lupain;
tigang na tigang sa aking harapan.
Ang bayan ngayon ay isa nang ilang,
at walang nagmamalasakit na sinuman.
12 Mula sa kahabaan ng maburol na ilang
ay lumusob ang mga mandarambong.
Pinalaganap ko ang digmaan upang mawasak ang buong bayan;
at walang sinuman ang makakaligtas.
13 Naghasik ng trigo ang mga tao, ngunit tinik ang inani;
nagpakahirap sila sa paggawa, subalit wala silang pinakinabangan.
Wala silang inani sa kanilang itinanim
dahil sa matinding galit ko sa kanila.”
Ang Babala ni Yahweh sa mga Karatig-bansa ng Israel
14 Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa masasamang naninirahan sa paligid ng Israel, mga taong nanira sa lupaing ipinamana niya sa kanyang bayan: “Aalisin ko ang mga taong ito sa kanilang bansa, gaya ng halamang binubunot sa lupa. At ililigtas ko ang Juda sa kanilang pananakop. 15 Subalit matapos ko silang alisin, sila'y aking kahahabagan. Ibabalik ko sa kani-kanilang sariling lupain ang bawat bayan. 16 At kung buong puso nilang tatanggapin ang pananampalataya ng aking bayan at kung matututo silang manumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh’, ang Diyos na buháy[a] gaya ng itinuro nila sa aking bayan na pagsumpa kay Baal—sila ay mapapabilang sa aking bayan at uunlad ang kanilang pamumuhay. 17 Subalit ang alinmang bansang hindi susunod sa akin ay bubunutin at lubos kong wawasakin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Ang Talinghaga ng mga Damit-panloob
13 Ganito ang utos sa akin ni Yahweh, “Bumili ka ng mga damit-panloob na yari sa linen at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.” 2 Kaya bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ni Yahweh, at aking isinuot. 3 Pagkatapos ay inutusan akong muli ni Yahweh, 4 “Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang butas sa bato.” 5 Kaya ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh at pagkatapos, ako'y umuwi.
6 Makalipas ang maraming araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago. 7 Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at hindi na mapapakinabangan.
8 Muling nagsalita si Yahweh, 9 “Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at sa mas palalo pang Jerusalem. 10 Ang masasamang taong ito'y hindi sumunod sa aking mga utos; lalo silang nagmatigas at sinunod ang kanilang sariling kagustuhan. Sumamba pa sila at naglilingkod sa mga diyus-diyosan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan. 11 Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang nais ko sa mga taga-Israel at taga-Juda—na sila'y kumapit sa akin nang mahigpit. Ginawa ko ito upang sila'y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo'y papurihan nila at parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang sumunod sa akin.”
Ang Talinghaga ng Lalagyan ng Alak
12 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Punuin ninyo ng alak ang bawat tapayan. Ganito naman ang isasagot nila, ‘Alam namin na dapat punuin ng alak ang bawat tapayan.’ 13 Pagkatapos, sasabihin mo sa kanila, ‘Ang mga tao sa lupaing ito ay paiinumin ni Yahweh ng alak hanggang sa sila'y malasing: mula sa mga hari na mga salinlahi ni David, mga pari, mga propeta, at lahat ng tao sa Jerusalem. 14 At pagkatapos, pag-uumpug-umpugin ko silang parang mga tapayan hanggang madurog na lahat, matatanda't mga bata. Hindi ko sila kahahabagan kaunti man kapag ginawa ko ito.’”
Nagbababala si Jeremias tungkol sa Kapalaluan
15 Mga Israelita, si Yahweh ay nagpahayag na!
Magpakumbaba kayo at siya'y dinggin.
16 Parangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
bago niya palaganapin ang kadiliman,
at bago kayo madapa sa mga bundok kapag dumilim na;
bago niya gawing matinding kadiliman
ang liwanag na inaasahan ninyo.
17 Ngunit kung hindi kayo makikinig,
palihim akong tatangis dahil sa inyong kapalaluan;
buong kapaitan akong iiyak, at tutulo ang aking mga luha
sapagkat nabihag ang bayan ko.
18 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa hari at sa kanyang inang reyna na bumabâ na sa kanilang trono sapagkat naalis na sa kanilang ulo ang magaganda nilang korona. 19 Nasakop na ang mga bayan sa timog ng Juda; wala nang makapasok doon. Dinalang-bihag ang mga taga-Juda at ipapatapong lahat.”
20 Masdan ninyo, mga taga-Jerusalem! Dumarating na mula sa hilaga ang inyong mga kaaway. Nasaan ang mga taong ipinagkatiwala sa inyo, ang bayang ipinagmamalaki ninyo? 21 Ano ang sasabihin mo kapag sinakop ka at pinagharian ng mga taong inakala mong mga kaibigan? Maghihirap ka tulad ng isang babaing nanganganak. 22 At kung itanong mo kung bakit nangyari ito sa iyo: kung bakit napunit ang iyong damit, at kung bakit ka pinagsamantalahan; ang dahilan ay napakabigat ng iyong kasalanan. 23 Kaya bang baguhin ng isang Etiope ang kulay ng kanyang balat o maaalis kaya ng isang leopardo ang kanyang mga batik? Kapag iyan ay nangyari, matututo na rin kayong gumawa ng matuwid, kayo na walang ginagawa kundi pawang kasamaan. 24 Dahil dito, pangangalatin kayo ni Yahweh, tulad ng ipang ipinapadpad ng hangin. 25 “Iyan ang mangyayari sa inyo,” sabi ni Yahweh. “Iyan ang gagawin ko sa inyo, sapagkat ako'y kinalimutan ninyo at naglingkod kayo sa mga diyus-diyosan. 26 Huhubaran kita at malalantad ka sa kahihiyan. 27 Nakita ko ang mga kasuklam-suklam na gawa mo: Ang iyong pagsamba sa mga diyus-diyosang nasa mga burol at kabukiran; tulad ng lalaking nagnanasa sa asawa ng kanyang kapwa, gaya ng kabayong lalaki na humahalinghing pagkakita sa isang kabayong babae. Nakatakda na ang iyong kapahamakan, Jerusalem! Kailan ka pa kaya magsisisi upang maging malinis ka?”
Ang Matinding Tagtuyot
14 Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jere mias tungkol sa tagtuyot:
2 “Nananangis ang Juda, naghihingalo ang kanyang mga lunsod,
nakahandusay sa lupa ang mga tao dahil sa matinding kalungkutan,
at napapasaklolo ang Jerusalem.
3 Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin upang kumuha ng tubig;
nagpunta naman ang mga ito sa mga balon,
ngunit wala silang nakuhang tubig doon;
kaya nagbalik sila na walang laman ang mga banga.
Dahil sa kahihiyan at kabiguan
ay tinatakpan nila ang kanilang mukha,
4 sapagkat bitak-bitak na ang lupa.
Tuyung-tuyo na ang lupain dahil hindi umuulan,
nanlupaypay ang mga magbubukid,
kaya sila'y nagtalukbong na lang ng mukha.
5 Iniwan na ng inahing usa ang kanyang anak na bagong silang,
sapagkat wala ng sariwang damo sa parang.
6 Umakyat sa mga burol ang mga asnong maiilap,
humihingal na parang mga asong-gubat;
nanlalabo ang kanilang paningin
dahil sa kawalan ng pagkain.
7 Nagsumamo sa akin ang aking bayan:
‘Yahweh, bagaman inuusig kami ng aming mga kasalanan,
gayunman, kami'y tulungan mo gaya ng iyong pangako.
Tunay na maraming beses na kaming tumalikod;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
8 Ikaw ang tanging pag-asa ng Israel,
ikaw lamang ang makakapagligtas sa amin sa panahon ng kagipitan.
Bakit para kang dayuhan sa aming bayan,
parang isang manlalakbay na nakikitulog lamang?
9 Bakit para kang isang taong nabigla,
parang kawal na walang tulong na magawâ?
Ngunit ang totoo, O Yahweh, kasama ka namin;
kami ay iyong bayan,
huwag mo kaming pabayaan.’”
10 Ang sabi ni Yahweh tungkol sa mga taong ito, “Ginusto nilang lumayo sa akin, at walang nakapigil sa kanila. Kaya naman hindi ako nalulugod sa kanila. Hindi ko malilimot ang masasama nilang gawa, at paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
11 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Huwag mong hilingin sa akin na tulungan ko ang mga taong ito. 12 Kahit na sila'y mag-ayuno, magsunog ng mga handog at magdala ng handog na pagkaing butil, hindi ko diringgin ang kanilang panalangin at hindi ako malulugod sa kanila. Sa halip, pababayaan ko silang mamatay sa digmaan, sa matinding gutom, at sa sakit.”
13 Ang sabi ko naman, “Panginoong Yahweh, alam mong sinasabi ng mga propeta na hindi magkakaroon ng digmaan o taggutom, sapagkat iyong ipinangako na kapayapaan lamang ang mararanasan sa buong bayan.”
14 Subalit ganito ang sagot ni Yahweh: “Pawang kasinungalingan ang sinasabi ng mga propetang iyan; hindi ko sila sinugo, inutusan, o kinausap man. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi sa inyo ay hindi galing sa akin, kundi pawang kathang-isip lamang nila. 15 Ito ang gagawin ko sa mga propetang hindi ko sinugo ngunit nagpapahayag sa aking pangalan at nagsasabing hindi daranas ng taggutom ang lupain—lilipulin ko sila sa pamamagitan ng digmaan at taggutom. 16 Pati ang mga taong pinagsabihan nila ng mga bagay na ito ay masasawi sa digmaan at sa taggutom. Itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem ang kanilang mga bangkay, at walang maglilibing sa kanila. Ganyan ang mangyayari sa kanilang lahat kasama ang kanilang mga asawa't mga anak. Pagbabayarin ko sila sa kanilang kasamaan.”
17 Inutusan ni Yahweh si Jeremias na ipaalam sa bayan ang kanyang kalungkutan; at sabihin,
“Araw-gabi'y hindi na ako titigil ng pag-iyak;
sapagkat malalim ang sugat ng aking bayan,
sila'y lubhang nasaktan.
18 Kapag lumabas ako sa kabukiran,
nakikita ko ang mga nasawi sa digmaan;
kapag ako'y pumunta sa mga bayan,
naroon naman ang mga taong namamatay sa gutom.
Patuloy sa kanilang gawain ang mga propeta at mga pari,
subalit hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.”
Nagmakaawa kay Yahweh ang mga Tao
19 Yahweh, lubusan mo na bang itinakwil ang Juda?
Kinapootan mo na ba ang mga taga-Zion?
Bakit ganito kalubha ang parusa mo sa amin,
parang wala na kaming pag-asang gumaling?
Naghanap kami ng kapayapaan ngunit nabigo kami;
umasa kaming gagaling ngunit sa halip takot ang dumating.
20 Yahweh, kinikilala namin ang aming kasamaan,
at ang pagtataksil ng aming mga magulang;
kaming lahat ay nagkasala sa iyo.
21 Huwag mo kaming itakwil, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong itulot na mapahiya ang Jerusalem,
ang kinalalagyan ng marangal mong trono.
Alalahanin mo ang ating kasunduan; huwag mo sana itong sirain.
22 Hindi makakagawa ng ulan ang mga diyus-diyosan ng alinmang bansa;
hindi makapagpapaambon man lamang ang mga langit.
Nasa iyo, O Yahweh, ang aming pag-asa,
sapagkat ikaw lamang ang makakagawa ng mga bagay na ito.
Kapahamakan para sa mga Taga-Juda
15 Pagkatapos(B) ay sinabi sa akin ni Yahweh, “Kahit na sina Moises at Samuel ang makiusap sa harapan ko, hindi ko kahahabagan kahit kaunti ang mga taong ito. Paalisin mo sila; ayoko na silang makita. 2 Kapag(C) itinanong nila sa iyo kung saan sila pupunta, sabihin mong itinakda na ang kanilang hantungan:
Ang iba sa kanila'y mamamatay sa sakit.
Masasawi naman sa digmaan ang iba.
Ang iba'y sa matinding gutom.
At bibihagin ng mga kaaway ang iba pa!
3 Apat na nakakapangilabot na parusa ang ipinasiya kong ipadala sa kanila: Sila'y mamamatay sa digmaan; lalapain ng mga aso ang kanilang mga bangkay; kakainin ng mga buwitre ang kanilang laman; at sisimutin ng mababangis na hayop ang anumang matitira. 4 Gagawin(D) ko silang kahindik-hindik sa lahat ng tao sa buong daigdig, dahil sa mga ginawa sa Jerusalem ni Manases na anak ni Hezekias noong siya'y hari sa Juda.
5 “Sino ang mahahabag sa inyo, mga taga-Jerusalem,
at sino ang malulungkot sa sinapit ninyo?
Sino ang mag-uukol ng panahon
upang alamin ang inyong kalagayan?
6 Ako'y itinakwil ninyong lahat;
kayo'y tumalikod sa akin.
Kaya pagbubuhatan ko kayo ng kamay at aking dudurugin,
sapagkat hindi ko mapigil ang poot ko sa inyo.
Akong si Yahweh ang nagsasalita.
7 Kayo'y parang mga ipang itatahip ko,
at tatangayin kayo ng hangin sa buong lupain.
Padadalhan ko kayo ng kapighatian, kayo'y aking pupuksain, bayan ko,
sapagkat ayaw ninyong iwan ang inyong masasamang gawa.
8 Mas marami pa ang magiging balo sa inyong kababaihan
kaysa dami ng buhangin sa dagat.
Lilipulin ko ang inyong mga kabataan,
aking patatangisin ang kanilang mga ina.
At biglang darating sa kanila ang dalamhati at takot.
9 Ang inang mawawalan ng pitong anak na lalaki
ay mawawalan ng malay at hahabulin ang kanyang hininga.
Para sa kanya, magdidilim ang dating maliwanag
dahil sa malaking kahihiyan at pagdaramdam.
Ang matitirang buháy ay pababayaan kong mamatay
sa kamay ng kanilang mga kaaway.
Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.”
Dumaing kay Yahweh si Jeremias
10 Napakahirap ng kalagayan ko! Bakit pa ba ako isinilang sa daigdig na ito? Lagi akong may kaaway at kalaban sa buong lupain. Hindi ako nagpautang, o kaya'y nangutang; gayunman, nilalait ako ng lahat. 11 Yahweh, mangyari nawa ang kanilang mga sumpa sa akin kung hindi kita pinaglingkurang mabuti, at kung hindi ako nakiusap sa iyo para sa aking mga kaaway nang sila'y naghihirap at naliligalig. 12 Walang makakabali sa bakal, lalo na kung ang bakal ay mula sa hilaga, sapagkat ito'y hinaluan ng tanso.
13 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Pababayaan kong agawin ng mga kaaway ang mga kayamanan at ari-arian ng aking bayan, bilang parusa sa mga kasalanang kanilang nagawa sa buong lupain. 14 At sila'y magiging mga alipin ng kanilang kaaway, sa isang lupaing hindi nila alam, sapagkat ang poot ko'y parang apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
15 Sinabi naman ni Jeremias, “Yahweh, ikaw ang nakakaalam ng lahat. Alalahanin mo ako't tulungan. Ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin. Huwag kang papayag sa kanila at baka ako'y kanilang patayin. Ako'y hinahamak nila dahil sa iyo. 16 Nagsalita ka sa akin, at pinakinggan kitang mabuti. Ang mga salita mo'y aking kagalakan. Ako'y sa iyo, Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 17 Hindi ko sinayang ang aking panahon sa pagpapakaligaya sa buhay, kasama ang ibang mga tao, ni hindi ako nakigalak sa kanila. Dahil sa pagsunod sa iyong utos, nanatili akong nag-iisa at nagpupuyos sa galit ang kalooban ko. 18 Bakit hindi na natapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumaling ang mga sugat ko? Talaga bang wala nang lunas ito? Nais mo bang ako'y mabigo, gaya ng isang batis na natutuyo sa tag-araw?”
19 Ganito ang isinagot ni Yahweh, “Kung manunumbalik ka, tatanggapin kita, at muli kitang gagawing lingkod ko. Kung magsasalita ka ng mga bagay na may kabuluhan, at hindi ng walang kabuluhan, muli kitang gagawing propeta. Lalapit sa iyo ang mga tao, at hindi ikaw ang lalapit sa kanila. 20 Sa harapan ng mga taong ito'y gagawin kitang isang matibay na pader na tanso. Lalabanan ka nila, ngunit hindi sila magtatagumpay. Sapagkat ako'y sasaiyo upang ingatan ka at panatilihing ligtas. 21 Ililigtas kita sa kamay ng masasama at iingatan laban sa mararahas.”
Ang mga Utos ni Yahweh kay Jeremias
16 Muling nagsalita sa akin si Yahweh at ang sabi, 2 “Huwag kang mag-aasawa o kaya'y magkakaanak sa lupaing ito. 3 Sasabihin ko sa iyo ang mangyayari sa mga anak na isisilang dito, gayundin sa kanilang mga magulang: 4 Mamamatay sila dahil sa nakamamatay na karamdaman, at walang tatangis o maglilibing sa kanila. Ang kanilang mga bangkay ay parang basurang matatambak sa lupa. Sila'y mapapatay sa digmaan o mamamatay sa matinding gutom, at kakainin ng mga buwitre at mababangis na hayop ang kanilang mga bangkay.
5 “Huwag kang papasok sa alinmang bahay na may patay. Huwag mo ring ipagdadalamhati ang pagkamatay ninuman. Sapagkat inalis ko na sa aking bayan ang kapayapaan; hindi na ako magpapakita sa kanila ng pag-ibig at kahabagan. 6 Mayaman at dukha'y mamamatay sa lupaing ito; hindi sila ililibing o iiyakan man. Walang taong susugat sa sarili o mag-aahit ng ulo bilang tanda ng pagdadalamhati. 7 Wala nang sasalo sa naulila upang aliwin ito. Wala nang makikiramay sa namatayan, kahit pa ama o ina ang namatay.
8 “Huwag kang papasok sa bahay na nagdaraos ng isang malaking pista. Huwag ka ring sasalo sa kanilang kainan at inuman. 9 Ako(E) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Pakinggan mo ang aking sasabihin: Sasalantain ko ang lugar na ito. Hindi na maririnig pa ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Ang kaganapan ng mga bagay na ito'y masasaksihan ng mga narito.
10 “At kapag sinabi mo sa kanila ang lahat ng ito, itatanong nila sa iyo kung bakit ko sila pinaparusahan nang gayon. Itatanong nila kung anong kasalanan ang nagawa nila laban sa akin na kanilang Diyos. 11 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang inyong mga ninuno ay tumalikod sa akin; sumamba at naglingkod sila sa mga diyus-diyosan. Itinakwil nila ako at hindi sinunod ang aking mga utos. 12 Ngunit higit na masama ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno. Kayong lahat ay matitigas ang ulo, masasama, at hindi sumusunod sa akin. 13 Dahil dito, ipapatapon ko kayo sa isang bayang hindi ninyo alam maging ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang diyos araw at gabi, at hindi ko kayo kahahabagan.’”
Ang Pagbabalik mula sa Pagkatapon
14 “Darating ang panahon,” sabi ni Yahweh, “na wala nang manunumpa nang ganito, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto!’ 15 Sa halip, ang sasabihin nila'y, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[c] na nagpalaya sa Israel mula sa lupain sa hilaga, at mula sa iba't ibang bansang pinagtapunan sa kanila.’ Ibabalik ko sila sa sarili nilang bayan, ang lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Akong si Yahweh ang nagsasalita.”
Ang Darating na Kaparusahan
16 “Magpapadala ako ng maraming mangingisda upang hulihin ang mga taong ito na gaya ng isda. Magsusugo rin ako ng maraming mangangaso upang hanapin sila sa bawat bundok at burol, pati sa mga guwang ng mga bato. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 17 Nakikita ko ang lahat ng ginagawa nila. Walang anumang maitatago sa akin; hindi mawawala sa aking paningin ang kanilang mga kasalanan. 18 Magbabayad sila nang makalawang beses sa kanilang mga kasalanan at kasamaan sapagkat nilapastangan nila ang aking lupain sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosang walang buhay at kasuklam-suklam na gawain.”
Ang Panalangin ng Pagtitiwala ni Jeremias kay Yahweh
19 O Yahweh, ikaw ang aking lakas at tanggulan; ang aking takbuhan sa oras ng kagipitan. Sa iyo magsisilapit ang mga bansa mula sa kadulu-duluhan ng daigdig at kanilang sasabihin, “Ang mga diyos ng aming mga ninuno'y pawang bulaan at walang kabuluhan. 20 Maaari bang gumawa ng sarili nilang diyos ang mga tao? Hindi! Kung gagawa sila, hindi ito maaaring maging tunay na diyos.”
21 “Kaya nga magmula ngayon,” sabi ni Yahweh, “ipapaalam ko sa lahat ng bansa ang aking kapangyarihan at lakas, at makikilala nilang ako nga si Yahweh.”
Ang Kasalanan at ang Kaparusahan ng Juda
17 Sinasabi ni Yahweh, “Mga taga-Juda, ang inyong mga kasalanan ay isinulat ng panulat na bakal; iniukit sa pamamagitan ng matulis na diyamante sa inyong mga puso, at sa mga sulok ng inyong mga altar. 2 Naalala ng inyong mga anak ang mga altar at haliging ginawa ninyo para sa diyosang si Ashera. Ang mga ito'y nakatayo sa tabi ng malalagong puno sa ibabaw ng mga sagradong burol, 3 at sa mga bundok na nasa maluwang na lupain. Pababayaan kong makuha ng inyong mga kaaway ang mga kayamanan at mga ari-arian ninyo dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong lupain. 4 Mapipilitan kayong isuko ang lupaing ibinigay ko sa inyo. At gagawin ko kayong mga alipin ng inyong mga kaaway sa lupaing wala kayong nalalaman, sapagkat parang apoy ang aking galit, at mananatiling nagniningas magpakailanman.”
Kay Yahweh lamang Magtiwala
5 Sinasabi ni Yahweh,
“Susumpain ko ang sinumang tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa-tao,
sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
6 Ang katulad niya'y halamang tumubo sa disyerto,
sa lupang tuyo at maalat, na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa kanya.
7 “Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh,
pagpapalain ang umaasa sa kanya.
8 Katulad(F) niya'y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan;
ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,
sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito,
kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin;
patuloy pa rin itong mamumunga.
9 “Sino ang makakaunawa sa puso ng tao?
Ito'y mandaraya at walang katulad;
wala nang lunas ang kanyang kabulukan.
10 Akong(G) si Yahweh ang sumisiyasat sa isip
at sumasaliksik sa puso ng mga tao.
Ginagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay,
at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.”
11 Ang taong nagkakamal ng salapi sa pandaraya
ay parang ibong pumipisa sa hindi niya itlog.
Mawawala ang mga kayamanang iyon sa panahon ng kanyang kalakasan,
at sa bandang huli, siya'y mapapatunayang isang hangal.
12 Ang ating Templo'y katulad ng isang maharlikang trono,
nakatayo sa isang mataas na bundok buhat pa noong una.
13 Ikaw, Yahweh, ang pag-asa ng Israel;
mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa iyo.
Maglalaho silang gaya ng pangalang isinulat sa alabok,
sapagkat itinakwil ka nila, Yahweh,
ang bukal ng tubig na nagbibigay-buhay.
Humingi ng Tulong kay Yahweh si Jeremias
14 Yahweh, pagalingin mo ako, at ako'y lubusang gagaling; sagipin mo ako, at ako'y ganap na maliligtas. Ikaw ang tangi kong pupurihin!
15 Sinasabi sa akin ng mga tao, “Nasaan ang mga banta ni Yahweh laban sa amin? Bakit hindi niya ito gawin ngayon?”
16 Hindi ko hiniling na parusahan mo sila, o ninais na sila'y mapahamak. Yahweh, nalalaman mo ang lahat ng ito; alam mo kung ano ang aking mga sinabi. 17 Huwag mo sana akong takutin; ikaw ang kublihan ko sa panahon ng kagipitan. 18 Biguin mo ang mga umuusig sa akin; ngunit huwag mo akong ilagay sa kahihiyan. Hasikan mo sila ng takot ngunit huwag mo akong tatakutin. Parusahan mo sila at sila'y iyong wasakin.
Paggalang sa Araw ng Pamamahinga
19 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Pumunta ka at tumayo sa Pintuang-bayan na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda; pagkatapos, gayundin ang iyong gawin sa lahat ng pintuang-bayan sa Jerusalem. 20 Sabihin mo sa mga hari, sa lahat ng taga-Juda, sa sinumang nakatira sa Jerusalem, at sa pumapasok sa mga pintuang-bayang ito, na pakinggan ang sasabihin ko: 21 Kung(H) ayaw ninyong mapahamak, huwag kayong magbubuhat ng anuman kung Araw ng Pamamahinga; huwag kayong papasok sa pintuang-bayan ng Jerusalem na may dalang anuman sa araw na iyon. 22 Huwag(I) din kayong magbubuhat ng anuman mula sa inyong bahay at huwag kayong gagawa ng anumang trabaho sa Araw ng Pamamahinga; ito'y igalang ninyo bilang banal na araw, gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang. 23 Ngunit hindi sila nakinig sa akin o kaya'y sumunod, sa halip, nagmatigas pa sila. Ayaw nila akong sundin o paturo sa akin.
24 “Ngunit kung kayo'y makikinig sa akin, at hindi magdadala ng anuman pagpasok sa pintuang-bayan ng lunsod na ito kung Araw ng Pamamahinga; kung igagalang ninyo ang araw na ito bilang banal at hindi kayo gagawa ng anumang gawain, 25 makakapasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem ang inyong mga hari at pinuno, at mauupo sa trono gaya ni David. Kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, sasakay sila sa mga karwahe at mga kabayo, at laging mapupuno ng mga tao ang lunsod ng Jerusalem. 26 Darating ang mga tao mula sa bawat bayan sa Juda at sa mga nayon sa paligid ng Jerusalem; may darating mula sa lupain ng Benjamin, mula sa paanan ng mga bundok, mula sa kaburulan, at mula sa timog ng Juda. Magdadala sila sa aking Templo ng mga haing susunugin at mga handog na pagkaing butil at inumin, kamanyang, gayundin ng mga handog bilang pasasalamat. 27 Ngunit kailangang sumunod sila sa akin. Dapat nilang igalang ang Araw ng Pamamahinga, at huwag magbubuhat ng anuman sa araw na iyon pagpasok nila sa Jerusalem. Kung hindi, susunugin ko ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem. Matutupok ang mga palasyo sa Jerusalem, at walang sinumang makakapatay sa sunog na ito.”
Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok
18 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Magpunta ka sa bahay ng magpapalayok, at may ipahahayag ako sa iyo.” 3 Kaya nagpunta naman ako, at dinatnan ko ang magpapalayok sa kanyang gawaan. 4 Kapag ang ginagawa niyang palayok ay nasira, hinahalo niyang muli ang putik, at hinuhugisan nang panibago.
5 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, 6 “O Israel, wala ba akong karapatang gawin sa iyo ang ginawa ng magpapalayok sa putik na iyon? Kayo'y nasa mga kamay ko, tulad ng putik sa kamay ng magpapalayok. 7 Kung sinabi ko man sa isang pagkakataon na aking bubunutin, ibabagsak o lilipulin ang alinmang bansa o kaharian, 8 at ang bansang iyon ay tumalikod sa kanyang kasamaan, hindi ko na itutuloy ang aking sinabing gagawin. 9 Sa kabilang dako, kung sinabi ko man na itatayo ko o itatatag ang isang bansa o kaharian, 10 at gumawa pa rin ng kasamaan ang bansang iyon at hindi nakinig sa akin, babaguhin ko ang aking magandang balak. 11 Kaya nga, sabihin mo sa mga naninirahan sa Juda at sa Jerusalem na may binabalak ako laban sa kanila at ako'y naghahanda upang parusahan sila. Sabihin mo sa kanila na tigilan na ang makasalanang pamumuhay at magbago na sila. 12 Ang isasagot nila, ‘Hindi! Lalo pa kaming magmamatigas at magpapakasama hanggang gusto namin.’”
Itinakwil ng mga Tao si Yahweh
13 Kaya nga, ito ang sabi ni Yahweh:
“Tanungin mo ang alinmang bansa,
kung may nangyari na bang ganito kahit kailan?
Napakasama ng ginawa ng bayang Israel!
14 Nawawalan ba ng yelo ang mabatong kabundukan ng Lebanon?
Natutuyo ba ang umaagos at malamig na batis doon?
15 Subalit ako'y kinalimutan ng aking bayan;
nagsusunog sila ng kamanyang sa mga diyus-diyosan.
Nadapa sila sa daang dapat nilang lakaran,
at hindi na nila dinaanan ang lumang kalsada;
lumakad sila sa mga daang walang palatandaan.
16 Ang lupaing ito'y ginawa nilang pook ng katatakutan,
at pandidirihan habang panahon.
Masisindak ang bawat dadaan dito dahil sa makikita nila;
mapapailing na lamang sila sa malaking pagtataka.
17 Pangangalatin ko ang aking bayan sa harapan ng kanilang mga kaaway,
gaya ng alikabok na hinihipan ng malakas na hangin.
Tatalikuran ko sila at hindi tutulungan
pagdating ng araw ng kapahamakan.”
Ang Pagtatangka Laban kay Jeremias
18 Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Patayin na natin si Jeremias! May mga pari namang magtuturo sa atin, mga matatalino na magbibigay ng payo, at mga propetang magpapahayag ng mensahe ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag nang pakinggan ang mga sinasabi niya.”
19 Kaya nanalangin si Jeremias, “Yahweh, pakinggan mo ang aking dalangin; nalalaman mo ang binabalak ng aking mga kaaway. 20 Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano't naghanda sila ng hukay upang ako'y patayin? Nalalaman mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot. 21 Kaya ngayon, Yahweh, pabayaan mo nang mamatay sa gutom ang kanilang mga anak. Pabayaan mong mamatay sila sa digmaan. Pabayaan mong maulila sa asawa't mga anak ang mga babae, mamatay sa sakit ang mga kalalakihan, at masawi sa pakikidigma ang kanilang mga kabataang lalaki. 22 Magpadala ka ng masasamang-loob upang nakawan ang kanilang mga tahanan nang walang babala. Pabayaan mo silang magsigawan sa takot. Naghanda sila ng hukay upang mahulog ako at ng mga bitag upang ako'y mahuli. 23 Yahweh, nalalaman mo ang kanilang balak na pagpatay sa akin. Huwag mo silang patawarin sa kanilang kasamaan; huwag mong alisin sa iyong paningin ang kanilang kasalanan. Ibagsak mo silang lahat. Parusahan mo sila habang nag-aalab ang iyong poot.”
Ang Basag na Banga
19 Inutusan ako ni Yahweh na bumili ng isang banga. Pagkatapos, inutusan rin niya akong tumawag ng ilang matatandang pinuno sa bayan at ng ilang nakatatandang pari, 2 at(J) isama sila sa Libis ng Ben Hinom, sa makalabas ng Pintuan ng Magpapalayok. Doon ko ipahahayag ang mensaheng ibibigay niya sa akin. 3 Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo, mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ang pook na ito'y padadalhan ko ng malagim na kapahamakan, at mangingilabot ang sinumang makakabalita niyon. 4 Ganyan ang gagawin ko sapagkat ako'y itinakwil ng bayang ito, at pinarumi nila ang lupain dahil naghandog sila sa mga diyus-diyosang hindi naman nila nakikilala maging ng kanilang mga ninuno at ng mga hari ng Juda. Ang lupaing ito'y tinigmak nila ng dugo ng mga taong walang kasalanan. 5 Nagtayo(K) sila ng mga altar para kay Baal upang doon sunugin ang kanilang mga anak bilang handog sa kanya. Kailanma'y hindi ko iniutos o inisip man lamang na gawin nila ito. 6 Kaya darating ang panahon na hindi na tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom ang lugar na ito. Sa halip ay tatawagin itong Libis ng Kamatayan. Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito. 7 Sa pook na ito'y bibiguin ko ang lahat ng panukala ng mga taga-Juda at Jerusalem. Ipapalupig ko sila sa kanilang mga kaaway, at marami ang mamamatay sa labanan. Ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga buwitre at mga hayop sa gubat. 8 Nakakapangilabot na pagkawasak ang magaganap sa lunsod na ito, at ang bawat maparaan dito'y manghihilakbot. 9 Kukubkubin ng mga kaaway ang lunsod na ito upang ang mga nanirahan dito'y patayin sa gutom. At dahil sa matinding gutom ng mga tao, kakanin nila ang laman ng kanilang kapwa, at pati na ng kanilang sariling mga anak.”
10 Pagkatapos, iniutos sa akin ni Yahweh na basagin ang banga sa harap ng mga isinama ko, 11 at sabihin sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: Dudurugin ko ang lunsod na ito at ang mga naninirahan dito, gaya ng ginawa mo sa banga; ito'y hindi na muling mabubuo. Pati ang Tofet ay paglilibingan ng mga bangkay sapagkat wala nang ibang mapaglilibingan sa kanila. 12 Ganito ang gagawin ko sa lunsod na ito at sa mga naninirahan dito. Matutulad sila sa Tofet. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 13 Magiging maruming gaya ng Tofet ang mga bahay sa Jerusalem, ang mga palasyo ng mga hari sa Juda, at lahat ng gusali, sapagkat sa mga bubungan ng mga gusaling ito'y nagsunog sila ng kamanyang para sa mga bituin at nagbuhos ng inuming handog sa ibang mga diyos.”
14 Nilisan ko ang Tofet pagkatapos kong sabihin doon ang pahayag ni Yahweh. Pumunta naman ako at tumayo sa bulwagan ng Templo at sinabi sa lahat ng naroroon, 15 “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ipapataw ko na sa lunsod na ito at sa mga karatig-bayan ang lahat ng parusang binanggit ko, sapagkat matitigas ang ulo ninyo at ayaw ninyong pakinggan ang aking sinasabi.”
Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur
20 Si Pashur na anak ni Imer ay isang pari at siyang pinakapuno ng mga naglilingkod sa templo. Narinig niya ang pahayag ni Jeremias. 2 Kaya ipinabugbog niya ito, ikinadena ang mga paa't kamay, at ipinabilanggo sa itaas ng Pintuan ni Benjamin, na nasa hilagang bakuran ng templo. 3 Kinaumagahan, nang siya'y pakalagan na ni Pashur, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi na Pashur ang tawag sa iyo ni Yahweh kundi Takot sa Lahat ng Dako. 4 Sapagkat ang sabi ni Yahweh: ‘Gagawin kitang katatakutan ng iyong sarili at ng mga kaibigan mo. Makikita mo ang pagkamatay nilang lahat sa tabak ng kaaway. Ipapailalim ko ang lahat ng taga-Juda sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia; ang iba'y dadalhin niyang bihag sa Babilonia at ipapapatay naman ang iba. 5 Pababayaan ko ring makuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan sa lunsod na ito, at kamkamin ang lahat ninyong ari-arian, pati ang mga kayamanan ng mga hari ng Juda. Dadalhin nila sa Babilonia ang lahat ng maaaring pakinabangan. 6 Ikaw naman, Pashur, at ang iyong buong sambahayan ay mabibihag at dadalhin sa Babilonia. Doon na kayo mamamatay at malilibing, kasama ng inyong mga kaibigan na pinagsabihan mo ng mga kasinungalingan.’”
Si Jeremias ay Dumaing kay Yahweh
7 Yahweh, ako'y iyong hinikayat,
at naniwala naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin
kaya ikaw ay nagwagi.
Pinagkatuwaan ako ng lahat;
at maghapon nila akong pinagtatawanan.
8 Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkawasak!”
Pinagtatawanan nila ako't hinahamak,
sapagkat ipinapahayag ko ang iyong salita.
9 Ngunit kung sabihin kong, “Kalilimutan ko na si Yahweh
at hindi na ako magsasalita para sa kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita,
apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Sinikap kong tiisin ito,
ngunit hindi ko na kayang pigilin pa.
10 Naririnig kong maraming nagbubulungan.
Tinagurian nila akong “Takot sa Lahat ng Dako.”
Sinasabi nila, “Isumbong natin! Isumbong natin sa may kapangyarihan!”
Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan.
Sabi pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
pagkatapos, hulihin natin at paghigantihan.”
11 Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko,
tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma;
mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin,
mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman.
Hindi na makakalimutan ang kanilang kahihiyan habang panahon.
12 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip.
Kaya ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
13 Awitan ninyo si Yahweh,
siya'y inyong papurihan,
sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
14 Sumpain(L) nawa ang araw nang ako'y isilang!
Huwag ninyong ituring na araw na pinagpala ang araw nang ako'y ipanganak!
15 Sumpain nawa ang taong nagbalita sa aking ama,
“Lalaki ang anak ninyo!”
na nagdulot sa kanya ng malaking kagalakan.
16 Matulad nawa ang taong iyon
sa mga lunsod na winasak ni Yahweh nang walang awa.
Makarinig nawa siya ng iyakan sa umaga,
at hiyawan naman sa tanghali;
17 sapagkat hindi niya ako pinatay bago ako isinilang.
Sa gayon, naging libingan ko sana ang tiyan ng aking ina.
18 Bakit pa ako isinilang kung ang mararanasan ko lamang ay hirap,
kalungkutan at kahihiyan habang ako'y nabubuhay?
Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem
21 Sina Pashur na anak ni Malchias, at ang paring si Zefanias na anak naman ni Maaseias, ay pinapunta ni Haring Zedekias kay Jeremias upang 2 ipakiusap(M) kay Yahweh ang binabalak ni Haring Nebucadnezar na pakikipagdigma sa kanila. Sabi pa nila, “Marahil ay gagawa ng isang kamangha-manghang bagay si Yahweh, gaya ng ginawa niya noong unang panahon, upang hindi na ituloy ni Nebucadnezar ang kanyang balak na pagsalakay.”
3 Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias bilang tugon sa kanila: 4 “Sabihin mo kay Zedekias na ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Itataboy kong pabalik ang mga kawal na pinahaharap mo sa hari ng Babilonia at sa kanyang hukbo na ngayo'y nakapaligid sa inyo. Kukunin ko ang kanilang mga sandata at ibubunton ko sa gitna ng lunsod na ito. 5 Ako mismo ang lalaban sa inyo dahil sa tindi ng aking galit at poot na parang apoy na naglalagablab. Ang buong lakas ko'y gagamitin ko laban sa inyo. 6 Pupuksain ko ang lahat ng naninirahan sa lunsod, maging tao o hayop; mamamatay sila sa matinding salot. 7 Pagkatapos, si Haring Zedekias ng Juda, ang kanyang mga tauhan at nasasakupan, at lahat ng nasa lunsod na nakaligtas sa labanan, sa salot, at sa gutom, ay ibibigay ko naman sa kamay ni Nebucadnezar, hari ng Babilonia, at ng iba pa nilang kaaway. Papatayin silang lahat, at walang sinumang makakaligtas. Hindi niya sila kahahabagan kahit kaunti man. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.
8 “Sabihin mo sa bayang ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Narito ang buhay at ang kamatayan. Mamili kayo sa dalawa. 9 Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot; ngunit ang susuko sa mga taga-Babilonia na sumasalakay na ngayon sa inyo ay hindi mamamatay. Maililigtas nila ang kanilang sariling buhay. 10 Nakapagpasya na akong wasakin ang lunsod na ito; ito'y sasakupin at susunugin ng hari ng Babilonia.
Ang Kahatulan sa mga Namumuno sa Juda
11 “Sabihin mo sa angkan ng mga hari ng Juda: Pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. 12 Sa buong angkan ni David, ito ang sabi ni Yahweh sa inyo: Pairalin ninyo ang katarungan araw-araw. Iligtas ninyo sa kamay ng mapang-api ang mga dukha; kung hindi, mag-aalab laban sa inyo ang aking poot, parang apoy na hindi maaapula dahil sa inyong masasamang gawa. 13 Ikaw, Jerusalem, nakatayo ka sa itaas ng mga libis, parang batong namumukod sa gitna ng kapatagan. Ngunit kakalabanin kita. Sinasabi mong walang makakadaig sa iyo; walang makakapasok sa iyong mga kuta. 14 Paparusahan kita ayon sa iyong masasamang gawa. Susunugin ko ang iyong palasyo at lalaganap ang apoy sa buong paligid at tutupukin nito ang lahat ng naroon. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Tagubilin sa mga Namumuno sa Juda
22 Pinapunta ako ni Yahweh sa palasyo ng hari ng Juda at 2 ipinasabi niya sa hari, sa mga lingkod nito, at sa lahat ng taga-Jerusalem: 3 “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi laban sa mapagsamantala. Huwag ninyong sasaktan o aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Huwag kayong papatay ng mga taong walang kasalanan sa banal na lunsod na ito. 4 Kung susundin ninyo ang mga utos ko, mananatili ang paghahari ng angkan ni David. At papasok silang nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, kasama ang kanilang mga tauhan at nasasakupan. 5 Subalit(N) kung hindi kayo makikinig sa sinasabi ko, isinusumpa ko na aking wawasakin ang palasyong ito. 6 Ganito ang sabi ni Yahweh tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:
“Ang palasyong ito'y singganda ng lupain ng Gilead, at nakakatulad ng Bundok ng Lebanon. Ngunit isinusumpa ko na gagawin ko itong isang disyerto, isang lunsod na walang mananahan. 7 Magpapadala ako ng mga wawasak dito; may dalang palakol ang bawat isa. Puputulin nila ang mga haliging sedar nito at ihahagis sa apoy.
8 “Magtatanungan ang mga taong magdaraan dito mula sa iba't ibang bansa, ‘Bakit ganyan ang ginawa ni Yahweh sa dakilang lunsod na ito?’ 9 At ang isasagot sa kanila, ‘Sapagkat hindi nila tinupad ang kasunduan nila ni Yahweh na kanilang Diyos; sa halip, sumamba sila at naglingkod sa mga diyus-diyosan.’”
Ang Pahayag tungkol kay Sallum
10 Huwag ninyong iyakan ang isang taong patay,
o ikalungkot ang kanyang kamatayan.
Sa halip, tangisan ninyo si Sallum,
sapagkat siya'y dinalang-bihag, at hindi na magbabalik.
Hindi na niya makikita pa ang lupang kanyang sinilangan.
11 Ito(O) ang pahayag ni Yahweh tungkol kay Sallum na humalili sa kanyang amang si Josias bilang hari ng Juda, “Umalis siya ng Juda at hindi na magbabalik. 12 Doon na siya mamamatay sa lugar na pinagdalhan sa kanya bilang bihag, at hindi na niya makikita pang muli ang kanyang bayan.”
Ang Pahayag tungkol kay Jehoiakim
13 “Kahabag-habag ang magiging wakas ng taong nagtatayo ng kanyang bahay sa pamamagitan ng pandaraya,
at naglalagay ng mga silid dito sa pamamagitan ng panlilinlang.
Pinagtatrabaho niya ang kanyang kapwa nang walang kabayaran.
14 Sinasabi pa niya,
‘Magtatayo ako ng malaking bahay
na may malalaking silid sa itaas.
Lalagyan ko ito ng mga bintana,
tablang sedar ang mga dingding,
at pipinturahan ko ng kulay pula.’
15 Kung gumamit ka ba ng sedar sa iyong bahay,
ikaw ba'y isa nang haring maituturing?
Alalahanin mo ang iyong ama; siya'y kumain at uminom,
naging makatarungan siya at matuwid;
kaya siya'y namuhay na tiwasay.
16 Tinulungan niya ang mga dukha at nangangailangan,
kaya pinagpala siya sa lahat ng bagay.
Pinatunayan niyang ako'y kanyang nakikilala.
17 Subalit kayo, wala kayong iniisip kundi ang sariling kapakanan.
Pumapatay kayo ng taong walang kasalanan,
at pinagmamalupitan ang mga tao.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
18 Kaya(P) ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Jehoiakim, anak ni Haring Josias ng Juda:
“Walang tatangis sa kanyang pagpanaw o magsasabing,
‘Mahal kong kapatid! O, ang kapatid ko!’
Wala ring tatangis para sa kanya, at sisigaw ng,
‘O, panginoon! O aking hari!’
19 Ililibing siyang tulad sa isang patay na asno;
kakaladkarin at ihahagis sa labas ng pintuang-bayan ng Jerusalem.”
Ang Pahayag tungkol sa Sasapitin ng Jerusalem
20 Umakyat kayo sa Lebanon at humiyaw,
sumigaw kayo hanggang sa marinig sa Bashan ang inyong tinig.
Kayo'y manangis mula sa tuktok ng Bundok Abarim,
sapagkat nilipol nang lahat ang kapanalig ninyo.
21 Nagsalita ako sa inyo noong kayo'y masagana,
subalit hindi kayo nakinig.
Ganyan na ang ugali ninyo mula pa sa inyong kabataan;
kahit minsan ay hindi kayo sumunod sa akin.
22 Tatangayin ng malakas na hangin ang inyong mga pinuno;
mabibihag ang lahat ng nagmamahal sa inyo.
Wawasakin ang lunsod ninyo at kayo'y mapapahiya
dahil sa inyong masasamang gawa.
23 Kayong nakatira sa mga bahay na yari sa sedar buhat sa Lebanon,
kaawa-awa kayo sa hirap na daranasin ninyo pagdating ng panahon,
gaya ng hirap ng babaing manganganak!
Ang Kahatulan ni Yahweh kay Jehoiakin
24 Sinabi(Q) ni Yahweh, “Kung ikaw man, Conias, anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, ay naging singsing na aking pantatak, huhugutin kita sa aking daliri. 25 Ibibigay kita sa kamay ng mga ibig pumatay sa iyo, sa mga taong iyong kinatatakutan, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa kanyang mga sundalo. 26 Itatapon ko kayong mag-ina sa isang lupaing malayo sa lupang sinilangan mo. Doon na kayo mamamatay. 27 At hindi na kayo makakabalik sa sariling bayan na nais ninyong makitang muli.”
28 Ito bang si Conias ay tulad sa isang bangang itinakwil, basag, at walang ibig umangkin? Bakit siya itinapon, pati ang kanyang mga anak, sa isang bansang wala silang nalalaman?
29 O aking bayan!
Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh!
30 Ganito ang sinasabi niya:
“Isulat mo tungkol sa lalaking ito na siya'y hinatulang mawawalan ng anak,
na hindi magtatagumpay sa kanyang buhay,
sapagkat wala siyang anak na hahalili sa trono ni David
at maghaharing muli sa Juda.”
Ang Pag-asang Darating
23 Paparusahan ni Yahweh ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito ay magkawatak-watak at mamatay. 2 Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga pinunong nangangalaga sa kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at ipinagtabuyan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya kayo'y paparusahan ko dahil sa inyong ginawang ito. 3 Ako na ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami. 4 Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at pag-aalala, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
5 “Nalalapit(R) na ang araw,” sabi ni Yahweh, “na pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David, isang hari na mamamahala ng buong karunungan. Paiiralin niya sa buong lupain ang katarungan at katuwiran. 6 Magiging ligtas ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’”
7 Ang sabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang panahon na ang mga tao'y hindi na manunumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[d] na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’ 8 At sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[e] na nagpalaya at nanguna sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.