Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Panaghoy 2:1 - Ezekiel 12:20

Pinarusahan ni Yahweh ang Jerusalem

Sa matinding galit ni Yahweh, ipinahiya niya ang Zion!
    Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel;
    sa araw ng kanyang poot nakalimutan niyang Zion ang kanyang tuntungan.

Walang awang winasak ni Yahweh ang lahat ng nayon ni Jacob;
    sinira niya ang matitibay na kuta ng Juda;
    ang kaharian at mga pinuno nito'y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.

Sa tindi ng kanyang galit ay iginupo niya ang hukbo ng Israel;
    hindi niya kami tinulungan nang dumating ang kaaway.
    Nag-aalab ang galit niya sa amin, gaya ng paglamon ng apoy sa buong paligid.

Para siyang kaaway, tinudla niya kami ng pana,
    at nilipol ang lahat ng kinalulugdan nami't ipinagmamalaking mamamayan.
    Ibinuhos niya sa Jerusalem ang tindi ng kanyang galit, parang isang apoy na sa kanya'y tumupok.

Tulad ng kaaway, winasak ni Yahweh ang Israel.
    Giniba niya ang mga palasyo at lahat ng kuta;
    inilagay niya ang Juda sa walang katapusang pagdadalamhati.

Pinaguho niya ang tabernakulo nito gaya ng isang halamanan;
    winakasan ni Yahweh ang mga itinakdang pista at Araw ng Pamamahinga,
    at itinakwil niya ang mga hari at mga pari dahil ang kanyang galit ay matindi.

Itinakwil ni Yahweh ang kanyang altar, tinalikuran ang kanyang templo;
    ipinagiba niya sa mga kaaway ang mga pader nito.
    Dahil sa kanilang tagumpay, nagkaingay sa tuwa ang mga kaaway sa lugar na dati'y buong galak naming pinagdarausan ng pagsamba.

Ipinasya ni Yahweh na wasakin ang pader ng Zion,
    itinakda niya ang ganap na pagkasira nito; hindi niya iniurong ang kanyang balak na pagwasak.
    Ngayon, ang muog at ang kuta ay nakaguho.

Gumuho na rin ang mga pintuang-bayan, bali ang mga panara nito, pati na rin ang mga tarangkahan.
    Nangalat sa mga bansa ang kanyang hari at mga pinuno; wala nang kautusang umiiral,
    at wala na ring pangitain mula kay Yahweh ang kanyang mga propeta.

10 Tahimik na nakalugmok sa lupa
    ang pinuno ng Jerusalem;
    naglagay sila ng abo sa ulo at nakasuot ng damit-panluksa.
    Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod, ang mukha'y halos sayad sa lupa.

11 Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Bagbag na bagbag ang aking kalooban.
    Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan;
    nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.

12 Nag-iiyakan sila at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
    Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.
    Unti-unting nangangapos ang mga hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.

13 Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem, Jerusalem, lunsod na pinakamamahal ko?
    Saan kita maitutulad upang ika'y aking maaliw?
    Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan; tila wala nang pag-asa.

14 Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
    Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
    Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.

15 O lunsod ng Jerusalem,
    hinahamak ka't pinagtatawanan ng lahat ng nagdaraan.
    Sinasabi nila, “Ito ba ang lunsod na huwaran ng kagandahan? Ito ba ang kagalakan ng lahat ng bansa?”

16 Iniismiran ka ng iyong mga kaaway at kanilang sinasabi,
    “Nawasak na rin natin siya!
    Sa wakas bumagsak din siya sa ating mga kamay.”

17 Isinagawa nga ni Yahweh ang kanyang balak; tinupad niya ang kanyang banta.
    Walang awa niya tayong winasak;
    pinagtagumpay niya ang ating kaaway at dinulutan ng kagalakan sa paglupig sa atin.

18 Dumaing ka nang malakas kay Yahweh, Jerusalem.
    Araw-gabi, hayaan mong umagos ang iyong luha gaya ng ilog;
    huwag kang tumigil sa iyong pag-iyak.

19 Bumangon ka't humiyaw nang paulit-ulit sa magdamag, sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
    Tulad ng tubig, ibuhos mo sa harapan ni Yahweh ang laman ng iyong puso!
    Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak; nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.

20 Yahweh, tingnan mo kung sino ang iyong pinaparusahan.
    Matuwid bang kainin ng mga babae ang kanilang supling, na sa kanila rin naman nanggaling?
    O dapat bang patayin sa templo ang pari at ang propeta?

21 Naghambalang sa mga lansangan ang patay, bata't matanda, dalaga't binata.
Nilipol mo sila nang araw na ikaw ay magalit; walang awa mo silang pinatay.

22 Aking mga kalaban iyong inanyayahan; tuwang-tuwa sila na para bang nasa pistahan.
    Kaya ang mga anak kong inaruga sa mga kaaway ko'y pinapuksa,
    dahil sa araw na iyon galit mo'y matindi.

Parusa, Pagsisisi at Pag-asa

Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos.
    Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag.
    Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon.

Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto.
    Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa.
    Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan.

Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan ako ng pader na mataas.
    Nanambitan man ako at humingi ng tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin.
    Susuray-suray ako sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling
    ay may pader na nakaharang.

10 Siya'y parang osong nag-aabang sa akin; at parang leong nag-aantay.
11     Hinabol niya ako saka niluray; at iniwang nakahandusay.
12     Iniakma niya ang kanyang pana, at ako ang ginawang tudlaan.

13 Tinamaan ako sa aking puso ng kanyang mga palaso.
14     Buong araw ako'y pinagtatawanan; sa mga kwentuhan ako ay biruan.
15     Pawang kapaitan at kalungkutan ang ipinalasap niya sa akin.

16 Inginudngod niya sa lupa ang aking mukha at idinikdik sa bato ang aking bibig.
17     Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man.
18     Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.”

19 Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20     Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21     Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:

22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23     Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24     Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.

25 Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,
26     kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.
27     At mabuti sa isang tao na siya'y matutong magtiyaga mula sa kanyang kabataan.

28 Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay;
29     siya'y magpakumbaba sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa.
30     Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin.

31 Mahabagin si Yahweh at hindi niya tayo itatakwil habang panahon.
32     Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig.
33     Hindi niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan.

34 Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban,
35     maging ang ating karapatan, kung tayo'y pagkaitan.
36     Kung ang katarungan ay hayagang tinutuya, siguradong si Yahweh ay hindi magpapabaya.

37 Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh.
38     Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti.
39     Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan?

40 Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh!
41     Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin:
42     “Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad.

43 “Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay.
44     Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin.
45     Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan.

46 “Kinukutya kami ng aming mga kaaway;
47     nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot.
48     Hindi mapigil ang pagbalong ng aking mga luha, dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan.

49 “Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha,
50     hanggang si Yahweh ay tumunghay mula sa langit at kami'y lingapin.
51     Nagdadalamhati ako dahil sa sinapit ng mga kababaihan sa aking lunsod.

52 “Para akong ibong binitag ng aking mga kaaway, gayong wala silang dahilan upang kamuhian ako.
53     Ako'y inihulog nila nang buháy sa isang balon, at tinakpan ng bato ang bunganga nito.
54     Lumubog ako sa tubig, at nasabi ko, ‘Wala na akong pag-asang mabuhay pa.’

55 “O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa kailaliman ng balon;
56     narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’
57     Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’

58 “Tinulungan mo ako, Yahweh, at iniligtas mo ang aking buhay.
59     Hindi kaila sa iyo ang kasamaang ginawa nila sa akin; bigyan mo ako ng katarungan.
60     Nakita mo ang kanilang paghihiganti at masasamang balak laban sa akin.

61 “Narinig mo, Yahweh, ang pangungutya nila't mga pakana laban sa akin.
62     Nagsasalita at nag-iisip laban sa akin ang mga kaaway ko.
63     Mula umaga hanggang gabi kanilang panunuya'y walang pasintabi.

64 “O Yahweh, parusahan mo sila, ayon sa kanilang ginawa.
65-66     Pahirapan mo sila, at iyong sumpain;
    habulin mo sila at iyong lipulin!”

Naganap ang Pagpaparusa sa Jerusalem

Kupas na ang kinang ng ginto,
    nagkalat sa lansangan ang mga bato ng Templo!

Ang mga ipinagmamalaking kabinataan ng Jerusalem ay kasinghalaga ng lantay na ginto,
    ngunit ngayon ay para na lamang putik na hinugisan ng magpapalayok.

Kahit mga asong-gubat ay nagpapasuso ng kanilang mga tuta,
    subalit ang aking bayan ay naging malupit, gaya ng mga ostrits sa kanilang mga inakay.

Namamatay sa gutom ang mga batang pasusuhin;
    namamalimos ang mga bata, ngunit walang magbigay ng pagkain.

Ang mga taong dati'y sagana sa pagkain dahil sa gutom ay namatay na rin.
    Ang dating mayayaman ay naghahalungkat, umaasang sa basurahan ay may mabubulatlat.

Ang(A) pagpaparusa sa aking bayan ay higit pa sa sinapit ng Sodoma
    na sa isang kisap-mata'y winasak ng Diyos.

Dati, ang aming mga pinuno[a] ay matuwid at sindalisay ng yelo;
    sila'y matipuno, malakas at malusog.

Ngayo'y mukha nila'y sing-itim ng alkitran, kanilang mga bangkay sa Jerusalem ay naghambalang.
    Nangulubot na ang kanilang balat, parang kahoy na natuyo ang kanilang mga buto.

Mabuting di hamak ang masawi ka sa digmaan kaysa naman sa gutom ikaw ay mamatay;
    at dahil walang makain, labis kang nanghina.

10 Kalagim-lagim(B) ang naging bunga ng kapahamakang sinapit ng aking bayan.
    Upang ang ina ay may makain, kanilang supling ang siyang isinaing.

11 Ibinuhos ni Yahweh ang kanyang matinding poot,
    sa lunsod ng Zion, lahat kanyang tinupok.

12 Hindi naniniwala ang lahat ng hari sa sanlibutan, ni ang kanilang mga nasasakupan
    na mapapasok ng kaaway ang lunsod ng Jerusalem.

13 Ngunit ito'y naganap dahil sa kasalanan ng mga propeta, at sa kasamaan ng mga pari
    na nagpapatay sa mga walang sala.

14 Ang mga pinuno'y parang bulag na palabuy-laboy sa lansangan
    at natitigmak ng dugo, kaya walang mangahas lumapit sa kanila.

15 “Lumayo kayo, kayong marurumi! Huwag kayong lalapit sa amin!” sabi ng mga tao;
    kaya't sila'y naging pugante't palabuy-laboy, ni isang bansa'y walang nais tumanggap sa kanila.

16 Hindi na sila pinahalagahan ni Yahweh, kaya sila'y pinangalat niya.
    Hindi na niya kinilala ang mga pari at ang mga pinuno.

17 Nanlabo na ang aming paningin sa paghihintay sa tulong na hindi na dumating;
    naghintay kami sa isang bansang wala namang maitulong.

18 Ang kaaway ay laging nakabantay kaya't hindi kami makalabas sa lansangan;
    nabibilang na ang aming mga araw, malapit na ang aming wakas.

19 Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabilis kaysa mga agila sa himpapawid;
    tinugis nila kami sa mga kabundukan, maging sa ilang ay inaabangan.

20 Nabihag nila ang aming tagapagtanggol, ang itinalaga ni Yahweh,
    na inaasahan naming mangangalaga sa amin laban sa mga kaaway.

21 Magalak ka't matuwa, bayan ng Edom at Uz;
    subalit ang kapahamakang ito'y inyo ring mararanasan, malalagay ka rin sa lubos na kahihiyan.

22 Pinagdusahan na ng Zion ang kanyang mga kasalanan kaya't lalaya na siya mula sa pagkabihag;
    ngunit paparusahan ni Yahweh ang Edom dahil sa kanyang kalikuan, at ibubunyag ang kanyang mga kasalanan.

Dalanging Paghingi ng Awa

Gunitain mo, Yahweh, ang nangyari sa amin;
    masdan mo ang sinapit naming kahihiyan!

Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
    at ang aming mga tahanan nama'y ipinagkaloob sa mga taga-ibang bayan.

Ang aming mga ama'y pinatay ng mga kaaway;
    kaya't aming mga ina, wala nang kaagapay.

Kailangang bayaran namin ang tubig na iinumin,
    pati ang panggatong ay binibili na rin.

Pinagtrabaho kaming parang mga hayop,
    hindi man lamang pinagpapahinga.

Para lang magkaroon ng sapat na pagkain,
    nakipagkasundo kami sa Egipto at Asiria.

Nagkasala nga ang aming mga ninuno,
    at dahil sa kanila kami ay nagdurusa.

Mga alipin ang namamahala sa amin;
    walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay.

Sa paghahanap ng pagkain, nanganganib ang aming buhay,
    sapagkat naglipana ang aming mga kaaway.

10 Dahil sa matinding gutom, nag-aapoy ang aming katawan,
    para kaming nakalagay sa mainit na pugon.

11 Ang aming mga asawa ay ginahasa sa Zion,
    ang mga dalaga nama'y pinagsasamantalahan sa mga bayan ng Juda.

12 Ginagapos at ibinibitin ang mga pinuno;
    at ang matatanda ay hindi na nirespeto.

13 Ang mga kabataang lalaki'y pinagtatrabahong parang alipin;
    nakukuba sa bigat ng pasan nilang kahoy ang mga batang lalaki.

14 Ayaw nang magpulong ang matatanda ng bayan,
    ayaw nang tumugtog ng mga kabataan.

15 Naparam ang kagalakan sa aming puso;
    ang aming pagsasaya ay naging pagluluksa.

16 Walang natira sa aming ipinagmamalaki;
    “tayo'y nagkasala kaya tayo'y nagdurusa!”

17 Nanlupaypay kami,
    at nagdilim ang aming paningin,

18 pagkat iniwan ng tao ang Bundok ng Zion,
    mga asong-gubat na lang ang naninirahan doon.

19 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang hari magpakailanman,
    ang iyong luklukan ay walang katapusan.

20 Kay tagal mo kaming pinabayaan.
    Kailan mo kami aalalahaning muli?

21 Ibalik mo kami, O Yahweh,
    sa dati naming kaugnayan sa iyo!

22 Talaga bang itinakwil mo na kami?
    Sukdulan na bang talaga ang galit mo sa amin?

Ang Pangitain tungkol sa Kaluwalhatian ng Diyos

Akong(C) si Ezekiel ay isa sa mga dinalang-bihag sa baybay ng Ilog Kebar. Noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan ng ikatatlumpung taon, nabuksan ang langit at isang pangitain mula sa Diyos ang aking nakita. Ikalimang(D) araw noon ng ikaapat na buwan ng ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Jehoiakin. Ako na isang pari at anak ni Buzi ay nasa Babilonia sa baybayin ng Ilog Kebar nang magpahayag sa akin si Yahweh.

Nang ako'y tumingala, naramdaman ko ang malakas na hanging nagmumula sa hilaga at nakita ko ang makapal na ulap na naliligid ng liwanag. Tuwing kikidlat, may isang bagay na kumikislap, parang makinang na tanso. Sa(E) sentro ng bagyong ito, may apat na nilalang na buháy na anyong tao. Sila'y may tig-aapat na mukha at pakpak. Tuwid ang kanilang mga binti. Ang mga paa nila'y parang paa ng guya at tila makinang na tanso. Nasa ilalim ng kanilang mga pakpak ang kanilang mga kamay na parang kamay ng tao. Magkakadikit ang kanilang mga pakpak. Hindi na sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila kahit saan. 10 Sa(F) harap, mukha silang tao. Sa kanang tagiliran, mukhang leon. Sa kaliwa naman ay mukha silang toro at mukhang agila sa likuran. 11 Ang tig-dalawa nilang pakpak ay nakabukang pataas at magkaabot ang dulo. Ang tig-dalawa naman ay nakatakip sa kanilang katawan. 12 Hindi na nga sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila sa lahat ng dako. 13 Sa(G) gitna nila ay may naglalagablab na apoy na parang sulo, at nagpapalipat-lipat sa apat na nilalang na buháy. Maningning ang liwanag niyon at pinagmumulan ng kidlat. 14 Ang apat na nilalang ay nagpaparoo't paritong simbilis ng kidlat.

15 Nang(H) tingnan kong muli ang apat na nilalang, may nakita akong tig-isang gulong sa tabi nila. 16 Ang mga ito ay kumikislap na parang topaz. Iisa ang ayos nila at parang ang isa'y nakapaloob sa isa. 17 Ang mga ito'y hindi na kailangang ipihit saanman ito gustong pagulungin pagkat nakaharap kahit saan. 18 Ang(I) bawat gulong ay puno ng mga mata sa palibot. 19 Paglakad ng apat na nilalang, kasunod ang mga gulong. Kapag sila'y tumaas, tumataas din ang mga gulong. 20 Saanman gumawi ang apat na nilalang ay kasunod ang apat na gulong pagkat ang apat na nilalang ang nagpapagalaw sa apat na gulong. 21 Kaya paglakad ng apat na nilalang, lakad din ang mga gulong. Pagtigil naman, tigil din sila. Pagtaas, taas din sila. Anuman ang gawin ng apat na nilalang ay ginagawa ng apat na gulong.

22 Sa(J) ulunan ng apat na nilalang, naroon ang isang bubungang tila kristal. 23 Sa ilalim nito'y magkakaabot na nakabuka ang tigalawang pakpak ng apat na nilalang, at ang tigalawa'y nakatakip sa kanilang katawan. 24 Nang(K) sila'y lumipad, parang lagaslas ng malaking baha ang dinig ko sa pagaspas ng kanilang mga pakpak; parang ugong ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan, parang ragasa ng isang malaking hukbo. Nang sila'y tumigil, ibinabâ nila ang kanilang mga pakpak. 25 At mula sa ibabaw ng bubungan, narinig ang isang malakas na tinig. Nang tumigil nga ng paglipad ang apat na nilalang, binayaan nilang nakalaylay ang kanilang mga pakpak.

26 Sa(L) ibabaw ng bubungan, naroon ang tila tronong yari sa safiro at may nakaupong parang isang tao. 27 Mula(M) sa baywang nito pataas ay may nagniningning na tila makinis na tanso. Sa ibaba naman ay may nakapalibot na apoy na nakakasilaw, 28 na ang kulay ay parang bahaghari.

Ganyan ang katulad ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, ako'y nagpatirapa, at may narinig akong tinig.

Ang Pagsusugo kay Ezekiel

Sinabi sa akin ng tinig, “Ezekiel, anak ng tao, tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.” Kasabay noon, nilukuban ako ng kanyang Espiritu at itinayo ako upang pakinggan ang kanyang sasabihin. Ang sabi niya, “Ezekiel, anak ng tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno, naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon. Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan. Kaya puntahan mo sila at sabihin mong ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh. Makinig man sila o hindi, malalaman nilang may isang propeta sa kanilang kalagitnaan. Huwag kang matatakot sa kanila kahit pagbantaan ka nila, kahit na paligiran ka nila na waring nakaupo ka sa gitna ng mga alakdan. Huwag ka ngang masisindak sa kanila bagama't sila'y talagang mapaghimagsik. Sa makinig sila o sa hindi, sabihin mo sa kanila ang ipinapasabi ko sa iyo, pagkat sila'y talagang mapaghimagsik.

“Ezekiel, anak ng tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang tutulad sa kanila na naghimagsik sa akin. Ngumanga ka. Kainin mo ito.” Nang(N) ako'y tumingala, may isang kamay na nag-abot sa akin ng isang kasulatan. 10 Iniladlad ito at nabasa ko sa magkabila ang mga panaghoy, pagdadalamhati, at paghihirap.

Sinabi(O) pa sa akin, “Kainin mo ang aklat na ito. Pagkatapos, magpahayag ka sa sambahayan ni Israel.”

Ngumanga ako upang kanin ang aklat. Sinabi niya sa akin, “Kainin mo ito at magpakabusog ka.” Kinain ko nga ang aklat. Sa aking panlasa ito'y kasintamis ng pulot-pukyutan.

Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, pumunta ka sa sambayanang Israel at sabihin mo ang ipinapasabi ko sa iyo. Ang pupuntahan mo ay ang sambayanang Israel, at hindi ibang bansang mahirap unawain ang salita. Ang pupuntahan mo'y mga taong nakakaunawa sa mga sasabihin mo. Ngunit hindi sila makikinig sa iyo pagkat ako mismo'y ayaw nilang pakinggan. Matigas ang ulo nila. Ngunit ikaw ang gagawin kong katapat nila. Patitigasin ko ang iyong kalooban, tulad nila. Patatatagin kita tulad ng isang batong-buháy. Huwag kang matatakot sa mapaghimagsik na sambayanang iyon.”

10 Sinabi pa niya sa akin, “Pakinggan mong mabuti at tandaan itong sasabihin ko: 11 Pumunta ka sa mga kababayan mong dinalang-bihag na tulad mo. Sa makinig sila at sa hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”

12 Ako'y itinaas ng Espiritu, at narinig ko ang ugong ng isang malakas na tinig na nagsasabi: Purihin ang kaluwalhatian ni Yahweh, ang Panginoon ng kalangitan. 13 At narinig ko ang pagaspas ng pakpak ng mga nilalang na buháy at ugong ng kanilang mga gulong na parang ugong ng malakas na lindol. 14 Naramdaman ko ang kapangyarihan ni Yahweh at nag-aalab ang galit ko habang ako'y inililipad ng Espiritu. 15 At dumating ako sa Tel-abib, sa baybay ng Ilog Kebar, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Pitong araw akong natigilan at hindi makapagsalita.

Ang Bantay ng Israel

16 Pagkaraan ng pitong araw, sinabi sa akin ni Yahweh, 17 “Ezekiel, anak ng tao, ginagawa kitang bantay ng bansang Israel. Makinig ka sa aking sasabihin, at bigyan mo sila ng babala. 18 Kapag sinabi kong tiyak na mamamatay ang mga taong masama, at hindi mo sila binigyan ng babala upang sila'y makapagsisi, ang mga tao ngang iyon ay mamamatay dahil sa kanilang kasalanan; ngunit pananagutan mo sa akin ang kanilang kamatayan. 19 Subalit kapag binigyan mo sila ng babala, at hindi sila nagsisi sa kanilang kasamaan, mamamatay nga sila dahil sa kanilang mga kasalanan; ngunit hindi mo iyon pananagutan. 20 Kapag nagpakasama ang isang matuwid, ilalagay ko siya sa panganib. Mawawalan ng kabuluhan ang kabutihang ginawa niya noong una at mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan. Kapag hindi mo siya binigyan ng babala, pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan. 21 Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang mga taong matuwid, at sila'y lumayo sa kasamaan, hindi sila mamamatay; at wala kang pananagutan.”

Pansamantalang Ginawang Pipi si Ezekiel

22 Hinawakan ako ni Yahweh at sinabi sa akin, “Tumayo ka. Magpunta ka sa kapatagan at may sasabihin ako sa iyo.” 23 Tumayo nga ako at nagpunta sa kapatagan. Pagdating doon, nakita ko ang kaluwalhatian ni Yahweh, tulad ng nakita ko sa baybayin ng Ilog Kebar. Nagpatirapa ako sa lupa. 24 Ngunit nilukuban ako ng Espiritu, itinindig niya ako at sinabi sa akin, “Umuwi ka at magkulong sa iyong bahay. 25 Doon ay gagapusin ka upang hindi ka makasama sa iyong mga kababayan. 26 Ididikit ko ang dila mo sa iyong ngalangala para hindi mo mapagsabihan ang mapaghimagsik mong mga kababayan. 27 At kung may gusto akong ipasabi sa iyo, muli kang makapagsasalita. Kung magkagayon, sasabihin mo sa kanila ang ipasasabi ko. Kung gusto nilang makinig sa iyo, makinig sila; kung ayaw nila, huwag; sapagkat sila'y tunay na mapaghimagsik na sambayanan.”

Ang Halimbawa ng Pagkubkob sa Israel

Sinabi pa sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng tisa. Ilagay mo iyon sa iyong harapan, at iguhit mo roon ang lunsod ng Jerusalem. Upang ipakita ang isang pagkubkob, paligiran mo ito ng muog at mga tanggulan, at umangan ng malalaking trosong pambayo. Kumuha ka ng platong bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lunsod. Huwag mo itong iiwan ng tingin. Ito ay kukubkubin at ikaw ang kukubkob. Magiging palatandaan ito sa bansang Israel.

“Pagkatapos, mahiga ka nang nakatagilid sa kaliwa at ipapataw ko sa iyo ang bigat ng parusa sa Israel. Kung gaano katagal kong ipataw sa iyo ang parusa, ganoon din ang pagpaparusa sa kanila. Sa loob ng 390 araw, mananatili ka sa ganoong ayos; bawat araw ay katumbas ng isang taon. Pagkatapos, bumiling ka sa kanan upang dalhin ang kaparusahan ng Juda sa loob ng apatnapung araw. Bawat araw ay katumbas ng isang taon. Pagkatapos, humarap ka sa Jerusalem. Iunat mong paharap doon ang iyong kamay na nakalilis ang manggas ng iyong baro, at magpahayag ka laban sa lunsod na iyon. Ngunit gagapusin kita hanggang hindi natatapos ang gagawin mong pagkubkob, para hindi ka makabiling.

“Ngayon, kumuha ka ng trigo, sebada, bitsuwelas, lentil, batad, at espelta. Paghalu-haluin mo ito sa isang sisidlan at lutuin. Ito ang kakanin mo sa loob ng 390 araw habang ikaw ay nakahigang patagilid sa kaliwa. 10 May takda ang pagkain mo araw-araw: isang beses maghapon at mahigit na isang kilo lamang araw-araw. 11 May takda rin ang iyong pag-inom: isang beses maghapon at halos isang litro lang sa isang araw. 12 Magluto ka ng bibingkang sebada na dumi ng tao ang panggatong. Kanin mo nang nakikita ng mga tao. 13 Ganyan ang magiging pagkain ng Israel saan ko man sila itapon.”

14 Sumagot ako, “Ngunit Panginoong Yahweh, alam mong hindi ako nagpapakarumi sa aking sarili. Mula sa aking pagkabata ay hindi ako tumikim ng anumang namatay nang kusa o nilapa ng hayop. Hindi rin ako tumikim ng anumang karumal-dumal na karne.”

15 Sinabi niya sa akin, “Kung gayon, dumi ng baka ang igatong mo sa halip na dumi ng tao.”

16 Sinabi pa niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, babawasan ko na ang tinapay na kinakain araw-araw sa Jerusalem. Tatakalin na nila ang kanilang kakanin at iinumin. Paghaharian na sila ng pangamba at kabalisahan. 17 Gagawin ko ito sa kanila hanggang sa sila'y pagharian ng sindak. Gayon sila pahihirapan dahil sa kanilang kasamaan.”

Inahit ni Ezekiel ang Kanyang Buhok at Balbas

Sinabi sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang matalim na tabak at ahitin mo ang iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo iyon at pagtatluhing bahagi. Sunugin mo sa gitna ng lunsod ang unang bahagi matapos itong kubkubin. Ang ikalawang bahagi ay tadtarin mo habang naglalakad ka sa buong lunsod. Ihagis mo naman sa hangin ang ikatlong bahagi at pasusundan ko ng tabak. Kumuha ka ng ilang hibla ng buhok at itali mo sa laylayan ng iyong kasuotan. Kapag naitali mo na, kumuha ka pa ng ilang hibla at sunugin mo. Ang apoy nito ay kakalat at susunog sa buong Israel.”

Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Ang lunsod ng Jerusalem ay ginawa kong pinakasentro ng mga bansa. Ngunit nilabag niya ang aking Kautusan at mga tuntunin. Nagpakasama siya nang higit pa sa mga bansa sa kanyang paligid. Tinalikuran nga niya ang aking Kautusan at iniwan ang aking mga tuntunin. Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: Dahil sa kaguluhan mong higit pa sa bansa sa inyong paligid, sa pagtalikod ng mamamayan mo sa aking mga tuntunin at Kautusan, at sa inyong paglakad ayon sa tuntunin ng mga bansang iyon, ako ay laban sa inyo ngayon. Paparusahan ko kayo sa harapan ng inyong mga kaaway. At dahil sa inyong kasamaan, gagawin ko sa inyo ang isang bagay na hindi ko pa ginagawa at hindi ko na gagawin pa. 10 Kakainin(P) ng magulang ang kanilang mga sariling anak, at ng mga anak ang kanilang mga sariling magulang. Paparusahan ko nga kayo, at ang matirang buháy ay pangangalatin ko sa lahat ng dako. 11 Kayong lahat ay buong lupit kong ibabagsak dahil sa inyong kasamaan at paglapastangan sa aking Templo sa pamamagitan ng kasuklam-suklam ninyong gawain. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay papatayin ko sa salot at sa matinding taggutom. Ang ikalawa'y sa pamamagitan ng tabak. Ang ikatlo'y ikakalat ko sa lahat ng dako, at patuloy kong uusigin.

13 “Ibubuhos ko sa inyo ang aking poot hanggang sa gumaan ang aking loob. Kung madama ninyo ang bigat ng aking parusa, makikilala ninyo na akong si Yahweh ay marunong mapoot dahil sa matinding panibugho. 14 Gagawin ko kayong isang pook ng lagim, at katatawanan ng lahat ng bansa sa paligid, ng lahat ng makakakita sa inyo. 15 Mabibilad kayo sa kahihiyan at lilibakin. Magsisilbi kayong babala sa mga bansa sa inyong paligid sa sandaling ipataw ko sa inyo ang mabigat na parusa bunga ng matinding poot ko sa inyo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 16 Mangyayari ito sa sandaling padalhan ko kayo ng matinding taggutom at iba't ibang kahirapan. 17 Padadalhan(Q) ko kayo ng taggutom at mababangis na hayop na siyang lalapa sa inyong mga anak. Makakaranas kayo ng salot at digmaan; hahayaan ko rin kayong usigin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Pahayag Laban sa mga Bundok ng Israel

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Humarap ka sa mga bundok ng Israel at magpahayag laban sa kanila. Sabihin mo, ‘Mga bundok ng Israel, dinggin ninyo itong ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: Tutugisin ko kayo ng tagâ. Gigibain ko ang inyong dambana sa mga burol. Gagawin kong pook ng lagim ang inyong mga altar. Gigibain ko ang dambanang sunugan ninyo ng insenso, at papatayin ko kayo sa harap ng inyong mga diyus-diyosan. Ang mga patay na Israelita'y ibubunton ko sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan, at ikakalat ko sa inyong altar ang mga buto ninyo. Saanman kayo magtayo ng bayan, ito'y gigibain ko. Wawasakin ko ang inyong dambana sa mataas na dako. Dudurugin ko ang inyong mga diyus-diyosan, ibabagsak ang inyong mga dambanang sunugan ng insenso, at ipagtatatapon ang inyong mga ginawa. Maraming mamamatay sa inyo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’

“May ilan akong ititira sa inyo ngunit mangangalat sila sa iba't ibang panig ng daigdig, at mabibihag ng ibang bansa. Kapag sila'y naroon na sa dakong pagdadalahan sa kanila, maaalala nila kung gaano kalaki ang pagdaramdam ko dahil sa pagtalikod nila sa akin upang maglingkod sa mga diyus-diyosan. At sila mismo'y masusuklam sa kanilang sarili dahil sa ginawa nilang kasamaan. 10 Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh at malalaman nilang hindi panakot lamang ang parusang ipapataw ko sa kanila.”

Ang mga Kasalanan ng Israel

11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Pumalakpak ka't pumadyak, at sabihing mabuti nga sa sambahayan ng Israel. Uubusin kayo sa pamamagitan ng tabak, ng salot at ng taggutom. 12 Ang nasa malayo ay mamamatay sa salot, at sa tabak naman ang nasa malapit. Ang matirang buháy ay papatayin naman sa gutom. Ganyan ang gagawin ko upang ipadama sa kanila ang aking matinding galit. 13 Makikilala nga nilang ako si Yahweh kapag nakita nilang naghalang ang patay sa harap ng kanilang mga diyus-diyosan, sa mga burol, mga bundok, sa ilalim ng mga punongkahoy at malalagong puno ng ensina, o sa alinmang dakong handugan nila ng mababangong samyo para sa kanilang mga diyus-diyosan. 14 Paparusahan ko nga sila at alinmang lugar na tirahan nila'y paghaharian ko ng lagim mula sa kaparangan ng Diblat. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Dumating na ang Wakas

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Sabihin mo sa bayang Israel: Dumating na ang wakas! Dumating na ang wakas sa apat na sulok ng daigdig. Dumating na ngayon ang inyong katapusan. Ibubuhos ko na sa inyo ang aking matinding poot at hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Wala akong patatawarin isa man. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi na magtatagal at sunud-sunod na kasawian ang aabot sa inyo. Dumating na ang wakas! Ito na ang inyong katapusan. Dumating na ang inyong katapusan, mga mamamayan ng lupain. Dumating na ang panahon, malapit na ang araw ng kaguluhan. Tapos na ang masasayang araw sa tuktok ng bundok. Ibubuhos ko ngayon sa inyo ang aking poot. Uubusin ko sa inyo ang matinding galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Wala akong patatawarin ni isa man. Paparusahan ko nga kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayo'y malalaman ninyo na akong si Yahweh ay talagang nagpaparusa.

10 “Ngayon na ang araw! Ito na ang inyong katapusan. Sukdulan na ang inyong kapalaluan. Laganap na ang karahasan. 11 Laganap na ang karahasan at kasamaan. Walang ititira sa kanila, lahat ay mawawala: kasaganaan, kayamanan, kabantugan. 12 Dumarating na ang panahon. Malapit na ang araw. Nagsisisi ang mga namili at natutuwa ang nagbenta; ang poot ng Diyos ay nag-aalab sa kanila at sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos. 13 Ang mga ipinagbili ay di na maisasauli sa nagbenta kahit sila mabuhay; wala nang saulian dahil sa kaguluhan. Sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos at dahil sa kanilang kasamaan, walang matitirang buháy.

Ang Parusa sa Israel

14 “Humudyat na ang tambuli at handa na ang lahat ngunit walang lumabas upang makipagbaka pagkat pare-pareho silang inabot ng aking poot. 15 Nasa labas ng bayan ang digmaan, nasa loob naman ang salot at taggutom. Ang nasa bukid ay namamatay sa digmaan. Ang nasa loob ng bayan ay nauubos sa salot at taggutom. 16 Kung may makatakas man sa bundok, sila'y matatagpuan sa mga bundok, na parang mga kalapating lumisan sa mga libis; sila'y nangangatog[b] sa takot dahil sa kanilang kasamaan. 17 Lahat ng kamay ay nanghihina at bawat tuhod ay nangangatog. 18 Bawat isa'y nakabalot ng sako, pinaghaharian ng matinding takot. Ang kanilang mga ulo'y naahitan, nakatungo dahil sa laki ng kahihiyan. 19 Ipinagtatapon na sa lupa ang kanilang pilak. Ang mga ginto'y wala nang halaga. Ang pilak at ginto nila'y walang maitulong sa kanila sa araw ng poot ni Yahweh. Hindi mapawi ng mga ito ang kanilang gutom, hindi nila ito makain. Ibinagsak sila ng sariling kasamaan. 20 Ang naggagandahan nilang hiyas na ginamit sa kapalaluan at ginawang diyus-diyosan at iba pang kasuklam-suklam na mga bagay ay ginawa kong walang kabuluhan. 21 Ang pilak at ginto nila'y pababayaan kong nakawin ng ibang tao at ipasasamsam sa mga taong walang Diyos, pati itinuturing nilang sagrado upang ipasalaula sa mga ito. 22 Sila'y tatalikuran ko. Pababayaan kong salaulain pati ang aking Templo. Papasukin ito ng mga magnanakaw, sasalaulain, at gagawing isang dakong mapanglaw.

23 “Naghahari ang kaguluhan; laganap ang patayan sa lunsod at ito'y pinaghaharian ng karahasan. 24 Ang mga tirahan nila'y ipasasamsam ko sa pinakamasasamang bayan. Wawakasan ko na ang kanilang pagpapalalo at hahayaan kong masalaula ang kanilang banal na dako. 25 Darating sa kanila ang kaguluhan. Hahanapin nila ang kapanatagan ngunit hindi nila ito makikita. 26 Darating din sa kanila ang sapin-saping kapahamakan at nakakapangilabot na balita. Kaya't sasangguni sila sa propeta ngunit wala itong maipapahayag sa kanila. Hihingi sila ng payo sa mga pari ngunit wala itong maisasagot sa kanila. Pati ang matatanda'y walang masasabi sa kanila. 27 Mananaghoy ang hari, sasakmalin ng takot ang mga pinuno at manginginig sa takot ang mga karaniwang tao. Gagawin ko sa kanila ang nararapat sa kanilang gawa at hahatulan sila ayon sa kanilang pamumuhay. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”

Ang Pangitain tungkol sa Kasuklam-suklam na Gawain ng Israel

Ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon. Kaharap ko noon sa aming bahay ang pinuno ng Juda nang ako'y lukuban ng kapangyarihan ng Panginoong Yahweh. Nagkaroon(R) ako ng pangitain. May nakita akong parang tao. Ang ibaba ng kanyang baywang ay parang apoy at sa itaas ay maningning na parang makinis na tanso. Nakita kong iniunat ang tila kamay. Hinawakan ako nito sa buhok at itinaas sa kalagitnaan ng langit at ng lupa. Dinala ako sa Jerusalem, sa pagpasok sa patyo, sa gawing hilaga, sa may kinalalagyan ng rebulto na naging dahilan ng paninibugho ni Yahweh. At(S) naroon ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, tulad ng nakita ko sa pangitain sa kapatagan.

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tumingin ka sa gawing hilaga.” Tumingin nga ako at sa pagpasok sa altar ay nakita ko ang diyus-diyosang sanhi ng kanyang paninibugho. Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ang kasuklam-suklam na bagay na ginagawa ng bayang Israel upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Higit pa riyan ang ipapakita ko sa iyo.”

At dinala niya ako sa may pinto ng patyo. Ang nakita ko'y isang butas sa pader. Sinabi niya sa akin, “Lakihan mo ang butas ng pader.” Gayon nga ang ginawa ko at may nakita akong pinto. Sinabi niya sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang kasuklam-suklam nilang gawain.” 10 Pumasok nga ako at sa palibot ng pader ay nakita ko ang larawan ng lahat ng hayop na gumagapang, nakakapandiring mga halimaw, at ang iba't ibang diyus-diyosan ng Israel. 11 Sa harap ng mga ito, nakatayo ang pitumpung matatanda ng Israel sa pangunguna ni Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa'y nagsusunog ng insenso. 12 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nakita mo ang ginagawa nila sa madilim na silid na ito? Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita roon sapagkat wala ako roon. 13 Masahol pa riyan ang makikita mo.”

14 Dinala niya ako sa pintuan sa hilaga ng pagpasok sa Templo, at doo'y may mga babaing nananangis para kay Tamuz. 15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Masahol pa riyan ang makikita mo.”

16 Dinala niya ako sa patyo sa loob ng Templo. Sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may nakita akong mga dalawampu't limang tao. Nakatalikod sila sa Templo, nakaharap sa silangan at sumasamba sa araw. 17 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Maliit na bagay ba ang ginagawa ng sambahayan ng Juda na punuin ng karahasan ang buong lupain? Lalo lang nila akong ginagalit sa ginagawa nilang iyan. 18 Kaya nga, paparusahan ko sila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila. Dumaing man sila sa akin, hindi ko sila diringgin.”

Ang Pagpuksa sa Masasama

Sumigaw si Yahweh, “Halikayo, mga itinalaga upang magpahirap sa lunsod. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.” Mula sa pintuan sa hilaga ay pumasok ang anim na taong tigi-tig-isa ng sandata. May kasama silang nakasuot ng kayong lino at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa may altar na tanso.

Noon, ang kaluwalhatian ni Yahweh na nasa pagitan ng mga kerubin ay tumaas papunta sa pasukan ng Templo. Tinawag niya ang lalaking nakadamit ng telang lino at may panulat sa baywang. Sinabi(T) niya rito, “Libutin mo ang lunsod ng Jerusalem at lagyan mo ng tatak sa noo ang lahat ng nagdalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa roon.” Sa iba naman ay narinig kong sinabi niya, “Sumunod kayo sa kanya at patayin ninyo ang mga tagaroon. Huwag kayong magtitira maliban sa mga may tanda sa noo. Patayin ninyong lahat ang mga tagaroon: matanda, binata, dalaga, babae at bata. Umpisahan ninyo sa santuwaryo.” Inuna nga nilang patayin ang matatandang pinuno ng bayan sa harap ng bahay. Sinabi niya sa kanila, “Parumihin ninyo ang Templo at punuin ninyo ng bangkay ang patyo. Sige, umpisahan n'yo na!” Lumakad nga sila at pumatay nang pumatay sa lunsod. Ako'y naiwang mag-isa.

Habang pumapatay sila, nagpatirapa ako at nanangis. Sinabi ko, “Panginoong Yahweh, aking Diyos, dahil ba sa galit mo sa Jerusalem ay uubusin mo ang nalalabing Israelita?”

Sinabi niya sa akin, “Napakalaki ng pagkakasala ng Israel at ng Juda. Dumadanak ang dugo sa lupain. Nawawala ang katarungan. Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita sapagkat umalis na ako sa lupain. 10 Kaya, pagbabayarin ko sila sa ginagawa nila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila.”

11 At bumalik ang lalaking nakasuot ng telang lino, at sinabi kay Yahweh, “Nagawa ko na po ang ipinagagawa ninyo sa akin.”

Umalis sa Templo ang Kaluwalhatian ni Yahweh

10 Tumingin(U) ako sa ulunan ng mga kerubin at may nakita akong parang trono na waring yari sa safiro. Sinabi(V) ni Yahweh sa lalaking nakasuot ng telang lino, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong na umiikot sa ibaba ng kerubin. Dumakot ka ng baga at isabog mo sa buong lunsod.”

Gayon nga ang ginawa ng lalaking nabanggit. Noon, ang mga kerubin ay nasa gawing timog ng Templo. Pagpasok ng lalaki sa patyo sa loob, ito'y napuno ng makapal na ulap. Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may kerubin at lumipat sa may pagpasok ng Templo. Napuno rin ito ng ulap at ang buong patyo'y nagliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay dinig hanggang sa patyo sa labas, wari'y ugong ng tinig ng Makapangyarihang Diyos.

Nang sabihin nga niya sa lalaking nakadamit ng lino na siya'y kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ibaba ng mga kerubin, pumunta ito at tumayo sa tabi ng isang gulong. Ang isa sa mga kerubin ay dumakot ng baga na nasa kanilang kalagitnaan at ibinigay sa lalaki; at ito'y umalis. Ang mga kerubin ay may mga tila kamay nga ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.

Nang(W) ako'y tumingin, nakita kong may isang gulong sa tabi ng bawat kerubin. Ang mga gulong ay kumikislap, tulad ng topaz. 10 Magkakamukha ang mga ito at parang iisa. 11 Sila'y nakababaling kahit saan, hindi na kailangang pumihit. Saanman gumawi ang nasa unahan, sumusunod ang iba nang hindi na pumipihit. 12 Ang(X) kanilang katawan, likod, kamay, pakpak, pati mga gulong ay puno ng mata. Ang mga kerubin ay tig-iisang gulong, 13 at ang tawag sa kanila ay “Mga Umiikot na Gulong.” 14 Bawat(Y) kerubin ay tig-aapat ang mukha: kerubin, tao, leon, at agila.

15 Ang mga kerubin ay tumayo. Ito rin ang mga nilalang na buháy na nakita ko sa may Ilog Kebar. 16 Paglakad ng mga ito, lumalakad din ang mga gulong; pagtaas ng mga ito, tumataas din ang mga gulong. 17 Pagtigil nila, tumitigil din ang mga gulong. Pagtaas noong isa, sunod ang ikalawa pagkat iisa ang nagpapagalaw sa mga nilalang na buháy at sa mga gulong.

18 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may pagpasok ng Templo at nagpunta sa may ulunan ng kerubin. 19 Lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong, at tumigil sa may pintuan ng Templo sa gawing silangan. Nasa ulunan pa rin nila ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel.

20 Ang mga ito ay siya ring apat na nilalang na nakita ko sa may Ilog Kebar at nalaman kong sila'y mga kerubin. 21 Sila'y tig-aapat ang mukha at tig-aapat din ang pakpak at may mga tila kamay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. 22 Ang mukha nila'y tulad din nang nakita ko sila sa may Ilog Kebar. Kung saan gumawi ang isa ay doon din ang iba.

Pinatay ang Masasamang Pinuno

11 Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa pintuan ng Templo sa gawing silangan. May dalawampu't limang tao roon, kasama si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatia na anak ni Benaias; sila'y mga pinuno ng bayan. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sila ang nagpupunla ng masamang kaisipan sa lunsod na ito. Sinasabi nila sa mga tao na hindi na dapat magtayo muli ng mga bahay sapagkat ang siyudad na ito ang matibay na tanggulan. Kaya, magpahayag ka laban sa kanila.”

Nilukuban ako ng Espiritu[c] ni Yahweh at sinabi sa akin, “Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh: Mga Israelita, hindi lingid sa akin ang inyong mga pinagsasabi. Alam ko ang binabalak ninyo. Patuloy ang patayan ninyo sa lunsod na ito at nagkalat ang bangkay sa mga lansangan. Kaya, ito ang sinasabi ko: Ang lunsod ay natulad sa kaldero at ang karne ay ang mga bangkay. Hindi kayo dapat manatili rito. Takot kayo sa tabak kaya ipasasalakay ko kayo sa mga taong bihasa sa paggamit ng tabak. Iaalis ko kayo sa lunsod na ito at ipapabihag sa mga taga-ibang bayan bilang parusa. 10 Mamamatay kayo sa tabak sa may hangganan ng Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 11 Kailanma'y hindi ninyo magiging tanggulan ang Jerusalem at hindi kayo magiging ligtas sa loob nito. Paparusahan ko kayo kahit saan kayo magpunta. 12 Ipapakilala ko sa inyo kung sino ako sapagkat hindi kayo lumakad ayon sa aking mga tuntunin at hindi ninyo sinunod ang aking mga utos. Sa halip, namuhay kayo ayon sa tuntunin ng mga bansang nakapaligid sa inyo.”

13 Nang kasalukuyan akong nagpapahayag, patay na bumagsak si Pelatia. Dahil dito'y tumatangis akong nagpatirapa. Itinanong ko, “Panginoong Yahweh, uubusin mo rin ba ang natitira pang Israelita?”

Muling Titipunin ang mga Natirang Israelita

14 Sinabi sa akin ni Yahweh, 15 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’ 16 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’ 17 Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain. 18 At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon. 19 Bibigyan(Z) ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin 20 upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos. 21 Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.

Inalis ng Panginoong Yahweh ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem

22 Pumaitaas(AA) ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. 23 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan. 24 Inilipad ako ng Espiritu[d] at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain. 25 At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain.

Inilarawan ni Ezekiel ang Paglaya ng Israel

12 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel,(AB) anak ng tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila ngunit hindi nakakakita; may mga tainga ngunit hindi naman nakakarinig sapagkat sila'y mapaghimagsik. Kaya nga, magbalot ka ng kailangan mo sa paglalakbay bilang isang bihag. Bago dumating ang gabi, maglalakad ka sa lansangan nang nakikita nila at baka sakaling makaunawa sila sa kabila ng pagiging mapaghimagsik na lahi. Samantalang maliwanag pa, maghanda ka ng iyong dala-dalahan nang nakikita nila at kinagabihan ay maglalakad kang parang manlalakbay. Pagkatapos, bumutas ka sa pader at doon ka magdaan. Pasanin mo ang iyong dala-dalahan at lumakad kang nakikita nila. Magtakip ka ng mukha para hindi mo makita ang lupain pag-alis mo pagkat ikaw ang gagawin kong pinakababala sa mga Israelita.”

At ginawa ko ang lahat ayon sa utos sa akin. Nang araw na iyon, naghanda ako ng aking madadala bilang isang takas. Kinagabihan, sa pamamagitan lamang ng aking mga kamay, bumutas ako sa pader at nagpatuloy sa paglalakbay na nakikita nila habang pasan ko ang aking mga dala-dalahan.

Kinaumagahan, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hindi ba't itinanong sa iyo ng mapaghimagsik na mga Israelitang yaon kung ano ang iyong ginagawa? 10 Sabihin mo sa kanila na ipinapasabi ko: ‘Ang pahayag na ito ay para sa pinuno ng Jerusalem at sa buong Israel. 11 Sabihin mong ang ginawa mo ay pinakababala sa gagawin sa kanila: Itatapon sila, at ipapabihag.’ 12 Pagdilim, papasanin ng pinuno ng Jerusalem ang kanyang dala-dalahan at tatakas sa pamamagitan ng butas sa pader. Magtatakip siya ng kanyang mukha para hindi niya makita ang lupaing iiwan niya. 13 Ngunit(AC) susukluban ko siya ng lambat. Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia kung saan doon siya mamamatay nang hindi ito nakikita. 14 Ang mga nasasakupan niya ay pangangalatin ko sa lahat ng dako, ang kanyang mga lingkod at buong hukbo. Ang mga ito'y uusigin ko sa pamamagitan ng tabak. 15 At kung mapangalat ko na sila sa iba't ibang lugar, makikilala nilang ako si Yahweh. 16 Ngunit may ilan akong ititira sa kanila para saanman sila mapunta ay maikuwento nila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Palatandaan ng Panginginig ng Propeta

17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain at umiinom. 19 Sabihin mo sa kanila, ‘Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa mga Israelita, Kakain kayo at iinom nang nanginginig sa takot. Ang lunsod ay paghaharian ng lagim sapagkat magaganap ang karahasan sa kabi-kabila. 20 Ang mga lunsod ay mawawalan ng tao, at magiging pook ng lagim ang lupain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.