Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Job 8-24

Makatarungan ang Diyos

Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:

“Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan,
    mga salitang parang hangin at walang kabuluhan?
Hindi pinipilipit ng Diyos ang katarungan;
    hindi binabaluktot ng Makapangyarihan ang katuwiran.
Maaaring nagkasala sa Diyos ang iyong mga anak,
    kaya't ibinigay niya sa kanila ang parusang nararapat.
Ngunit kung ikaw ay lalapit at makiusap sa Diyos na Makapangyarihan,
    kung ikaw ay talagang tapat, at malinis ang kalooban,
    tutulungan ka ng Diyos;
    gagantimpalaan at ibabalik niya ang iyong sambahayan.
Maliit na bagay ang mga nawala mong kayamanan,
    kung ihahambing ang sa iyo'y kanyang ibibigay.

“Alamin(A) mo ang mga nagdaang kasaysayan,
    itanong sa matatanda ang kaalamang natuklasan.
Buhay nati'y maikli lang, at kaalaman nati'y kulang;
    parang anino lamang tayong dumaan sa ibabaw ng sanlibutan.
10 Pakaisipin mo ang kanilang mga aral,
    ang kanilang sinasabi ay iyong pakinggan.

11 “Ang halaman sa tubigan ay di mabubuhay,
    kundi sa matubig at malamig na lugar lamang.
12 Ito'y unang nalalanta kapag ito ay natuyuan,
    kahit bagong tubo pa lang at di pa napuputulan.
13 Ganyan ang katulad ng mga taong walang Diyos,
    pag-asa ay mawawala kapag ang Diyos ay nilimot.
14 Ang mga bagay na pinagkakatiwalaan nila'y kasingrupok lamang ng sapot ng gagamba.
15     Kapag ito'y sinandalan, agad itong nalalagot,
    kapag ito'y hinawakan, tiyak itong masisira.

16 “Ang masasamang tao'y parang damong nagsusulputan,
    tulad ng masamang damong kumakalat sa halamanan.
17 Bumabalot sa mga bato ang kanilang mga ugat,
    at sa bawat bato sila'y humahawak.
18 Ngunit kapag sila'y nabunot sa kinatatamnan,
    wala nang nakakaalala sa dati nilang kalagayan.
19 Ganyan ang kasiyahan ng masasamang tao,
    may iba namang lilitaw at kukuha ng kanilang puwesto.

20 “Hindi pababayaan ng Diyos ang mabuting tao,
    ngunit sa masama'y hindi siya sasaklolo.
21 Patatawanin ka niya at pasisigawin sa tuwa,
22     ngunit ang mga kaaway mo'y kanyang ipapahiya,
    at ang tahanan ng masasama ay ganap na mawawala.”

Ang Sagot ni Job

Ito naman ang tugon ni Job:

“Matagal(B) ko nang alam ang mga bagay na iyan,
    ngunit sino bang matuwid sa harap ng Maykapal?
Mayroon bang maaaring makipagtalo sa kanya?
    Sa sanlibo niyang tanong,
    walang makakasagot kahit isa.
Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan,
    sinong lumaban na sa kanya at nagtagumpay?
Walang sabi-sabing inuuga niya ang bundok,
    sa tindi ng kanyang galit, ito'y kanyang dinudurog.
Ang buong lupa ay kanyang niyayanig,
    at inuuga niya ang saligan ng daigdig.
Maaari(C) niyang pigilan ang pagsikat ng araw,
    pati ang mga bituin sa kalangitan.
Mag-isa niyang inilatag ang sangkalangitan,
    kanyang tinapakan ang dambuhalang karagatan.
Siya(D) ang gumawa ng mga bituin sa kalawakan, sa ‘Oso,’ sa ‘Orion,’
    sa ‘Pleyades’ at sa mga kumpol ng mga bituin sa katimugan.
10 Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan,
    ang kanyang mga himala ay hindi mabibilang.
11 Siya'y nagdaraan ngunit hindi ko mamasdan, siya'y kumikilos ngunit hindi ko maramdaman.
12 Nakukuha niya ang anumang magustuhan, at sa kanya'y walang makakahadlang,
    walang makakapagtanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?’

13 “Ang poot ng Diyos ay hindi maglulubag
    sa mga tumulong sa dambuhalang si Rahab.
14 Paano ko masasagot ang tanong niya sa akin? Maghahanap pa ako ng mga salitang aking bibigkasin.
15 Kahit ako'y walang sala, ang tangi kong magagawa,
    sa harap ng Diyos na hukom ay magmakaawa.
16 Kahit bayaan niyang ako'y magsalita,
    hindi ko rin matiyak kung ako'y papakinggan nga.
17 Malakas na bagyo at mga sugat ang sa aki'y ibinigay,
    kahit wala naman siyang sapat na dahilan.
18 Ang hininga ko ay halos kanya nang lagutin,
    puro kapaitan ang idinulot niya sa akin.
19 Sa lakas niyang taglay hindi siya kayang talunin,
    hindi siya maaaring pilitin at sa hukuman ay dalhin.
20 Ako'y walang kasalanan at tapat na namumuhay,
    ngunit bawat sabihin ko ay laban sa aking katauhan.
21 Wala nga akong sala, ngunit hindi na ito mahalaga,
    wala nang halaga ang aking sarili, pagod na akong mabuhay.
22 Iisa ang pupuntahan ng lahat, ito ang aking nasabi.
    Kapwa wawasakin ng Diyos ang masama at ang mabuti.
23 Kung ang taong matuwid ay biglang namatay,
    tinatawanan ng Diyos ang sinapit ng kawawa.
24 Hinayaan niyang ang daigdig ay pagharian ng masama,
ang paningin ng mga hukom ay tinatakpan niya.
Kung di siya ang may gawa nito, sino pa nga kaya?

25 “Ang aking mga araw ay mabilis lumilipas, walang mabuting nangyayari kaya't nagmamadaling tumatakas.
26 Parang mabilis na bangka ang buhay kong ito,
    kasing bilis ng agila kung dumadagit ng kuneho.
27 Kung kakalimutan ko na lang ang aking pagdurusa,
    at tatawanan ko na lang ang aking problema,
28 nangangamba ako na inyong ipalagay,
    na ang kasawian ko ay bunga ng aking kasalanan.
29 Kung ako'y napatunayan nang nagkasala, anong pagsisikap ang magagawa ko pa?
30     Hindi ako malilinis ng kahit anong sabon, hindi na ako puputi kuskusin man ng apog,
31 matapos mo akong ihagis sa napakaruming balon.
    Ikinahihiya ako maging ng aking sariling damit.
32 Kung ang Diyos ay tao lang, siya'y aking sasagutin,
    kahit umabot sa hukuman ang aming usapin.
33 Ngunit sa aming dalawa'y walang tagapamagitan,
    upang alitan namin ay kanyang mahatulan.
34 Ang pamalo ng Diyos sana'y ilayo na sa akin,
at huwag na sana niya akong takutin.
35 At ihahayag ko ang nais kong sabihin,
    sapagkat ako ang nakakaalam ng sarili kong damdamin.

Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan

10 “Ako'y nagsasawa na sa buhay kong ito,
    sasabihin ko nang lahat, mapapait kong reklamo.
Aking Diyos, huwag n'yo muna akong hatulan,
    sabihin ninyo sa akin ang inyong paratang.
Tama ba namang iyong pagmalupitan,
    parusahan at itakwil ang likha ng iyong kamay?
    At ang gawain ba ng masamang tao ang iyong magugustuhan?
Ang iyo bang nakikita'y tulad din ng nakikita namin?
    Ang iyo bang buhay ay maikling tulad ng sa amin?
Kung gayo'y bakit mo ako hinahanapan
    ng pagkakasala at kamalian?
Alam(E) mo namang wala akong kasalanan,
    at walang makakapagligtas sa akin mula sa iyong mga kamay.

“Ang mga kamay mo ang sa aki'y lumikha,
    ngayo'y kamay mo rin ang sa aki'y sumisira.
Di ba't mula sa lupa ay ginawa mo ako,
    ngayon ba'y pupulbusin at ibabalik dito?
10 Niloob(F) mong ako'y manggaling sa aking ama,
    inaruga, pinalaki sa tiyan ng aking ina.
11 Nilagyan mo ng buto at litid ang aking katawan,
    saka binalutan ng balat at kalamnan.
12 Ako'y binigyan mo ng buhay at wagas na pagmamahal,
    at ang pagkalinga mo ang sa aki'y bumuhay.
13 Ngunit ngayo'y alam ko na, ang iyong balak,
    matagal nang panahong gusto akong ipahamak.
14 Kapag ako'y nagkasala, ito'y iyong tinatandaan,
    upang ipagkait mo sa akin ang kapatawaran.
15 Kapag ako'y nagkasala, may katapat itong parusa,
    kapag gumawa ako ng mabuti, wala namang gantimpala.
Punung-puno ng kahihiyan, itong aking abang buhay.
16 Kung ako'y magtagumpay,
    parang leon mong tutugisin,
    gumagamit ka pa ng himala upang ako'y kalabanin.
17 Palagi kang may testigo laban sa akin,
    ang galit mo sa aki'y tumitindi bawat oras,
    palagi kang may naiisip na panibagong bitag.

18 “Bakit mo hinayaang ako ay isilang pa?
    Namatay na sana ako bago pa mayroong sa aki'y nakakita.
19 Bago ako isinilang ako sana'y namatay na,
    sa libingan sana nagtuloy mula sa tiyan ng aking ina.
20 Maikli na ang aking buhay kaya't ako'y tigilan mo na
    upang sa aking natitirang araw makadama ng kaunting ginhawa.
21 Ako'y malapit nang pumanaw, at hindi na magbabalik;
    ang pupuntahan ko'y madilim at mapanglaw na daigdig.
22     Isang lupain ng anino at kaguluhan,
    na ang pinakailaw ay ang kadiliman.”

Ang Sagot ni Zofar kay Job

11 Sumagot naman si Zofar na isang Naamita,

“Palalampasin na lang ba ang napakarami mong sinabi?
    Tama ba ang isang tao kapag ito ay maraming salita?
Akala mo ba'y di masasagot ang mga sinabi mo,
    at sa iyong pangungutya, kami'y di na makapagsasalita?
Ipinipilit mong tama ang iyong paniniwala,
    at sa harap ng Diyos ika'y malinis na lubos.
Magsalita sana ang Diyos upang ika'y masagot.
Upang masabi sa iyo ang mga lihim ng karunungan,
    sapagkat napakalalim ng kanyang kaalaman,
parusa nga niya sa iyo'y mas maliit kaysa iyong kasalanan.

“Masusukat mo ba ang kapangyarihan ng Diyos?
    Kanyang kadakilaan, iyo bang maaabot?
Higit itong mataas kaysa kalangitan,
    at mas malalim kaysa daigdig ng mga patay.
Malawak pa iyon kaysa sanlibutan,
    higit na malaki kaysa karagatan.
10 Kung dakpin ka ng Diyos at iharap sa hukuman,
    mayroon bang sa kanya'y makakahadlang?
11 Kilala ng Diyos ang taong walang kabuluhan,
    kitang-kita niya ang kanilang kasamaan.
12 Ang hangal ay maaaring tumalino
    kung ang mailap na asno ay ipinanganak nang maamo.

13 “Ang iyong puso, Job, sa Diyos mo isuko at sa kanya iabot ang mga kamay mo.
14 Alisin mo ang kasalanan sa iyong mga kamay, linisin mo sa kasamaan ang iyong tahanan.
15 At taas noo kang haharap sa sanlibutan, matatag ang loob, walang kinatatakutan.
16 Mga pagdurusa mo ay malilimutan,
    para lamang itong bahang nagdaan.
17 Magliliwanag ang iyong buhay, higit pa sa sikat ng araw,
    ang buhay mong nagdilim ay magbubukang-liwayway.
18 Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa;
    iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga.
19 Wala kang kaaway na katatakutan;
    maraming lalapit sa iyo upang humingi ng tulong.
20 Ngunit ang masama, kabiguan ang madarama,
    walang kaligtasan kahit saan sila magpunta,
    at kamatayan lamang ang kanilang pag-asa.”

Inilahad ni Job ang Kapangyarihan at ang Kaalaman ng Diyos

12 Ang sagot ni Job:

“Walang duda na ikaw ang tinig ng bayan;
    kapag ika'y namatay, karunungan ay kasama mong papanaw.
Kung may pang-unawa ka, ako'y mayroon din,
    di mo masasabing higit ka kaysa akin,
    lahat ng sinabi mo'y nalalaman ko rin.
Pinagtatawanan ako ngayon ng aking mga kaibigan,
    kahit ako ay matuwid at walang kasalanan,
    minsan din nama'y sinagot ng Diyos ang aking kahilingan.
Maginhawa ka ngayon, ngunit ako'y iyong kinukutya,
    hinahampas mo ang isang taong babagsak na sa hina.
Ang mga tulisan at masasamang tao'y panatag ang buhay,
    kahit ang dinidiyos nila ay ang lakas nilang taglay.

“Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan, magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan.
    Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.
Silang lahat ay nakakaalam na ang Diyos ang sa kanila'y lumalang.
10 Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay,
    ang buhay ng bawat isa ay nasa kanyang mga kamay.
11 Nalalasahan ng dila ang mga pagkain,
    naririnig ng tainga ang salitang dumarating.

12 “Ang matatanda ay may taglay na karunungan,
    pinalawak ang unawa sa haba ng karanasan.
13 Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan,
    taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
14 Walang makakapagtayo muli ng kanyang giniba,
    sinumang ikulong niya'y walang makakapagpalaya.
15 Nagkakaroon ng tagtuyot kapag pinigilan niya ang ulan,
    dumarating ang baha kapag tubig ay kanyang pinakawalan.

16 “Makapangyarihan siya at laging nagtatagumpay,
    ang mandaraya at dinadaya ay nasa kanyang mga kamay.
17 Inaalis niya sa mga pinuno ang taglay nilang dunong,
    ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Inaalis niya sa mga hari ang pamamahala, at sila'y ginagapos niya ng mga tanikala.
19     Maging mga pari'y kanyang hinihiya, mga nasa kapangyarihan kanyang ibinababâ.
20 Mga pinagkakatiwalaang tao'y kanyang pinatatahimik,
    talino ng matatanda'y kanya ring inaalis.
21 Mga pinuno'y inilalagay niya sa kahihiyan,
    mga namamahala'y inaalisan niya ng kalakasan.
22 Pinakamalalim na hiwaga'y kanyang inihahayag,
    maitim na kadilima'y pinapalitan niya ng liwanag.
23 Mga bansa'y pinapalakas niya't pinapalawak,
    ngunit kanya ring ginagapi at tuloy winawasak.
24 Karunungan ng mga hari'y ginagawang kahangalan,
    sa pagpapasya'y nalilito, di alam ang pupuntahan.
25     Sa dilim sila'y nangangapa, sa paglakad ay naliligaw, animo'y mga lasing, sa daan ay sumusuray.

Iginiit ni Job na Wala Siyang Kasalanan

13 “Lahat ng sinabi mo ay narinig ko na rin,
Ang alam mo'y alam ko rin,
    hindi ka higit sa akin.
Hindi kayo ang kausap ko kundi ang Diyos na Makapangyarihan,
    sa kanya ko idudulog itong aking kalagayan.
Ngunit kayo'y mga sinungaling,
    tulad ninyo'y manggagamot, na walang kayang pagalingin.
Tumahimik na lamang sana kayo, baka akalain pa ng iba na kayo'y matalino.
Pakinggan ninyo ngayon ang aking sasabihin, at ang aking panig ay inyong unawain.
    Bakit ba kayo'y nagsasalita ng di katotohanan?
    Makatutulong ba sa Diyos ang inyong kasinungalingan?
Kayo ba ang tatayo at siya ay ipaglalaban?
    Kayo ba ang magtatanggol sa kanyang kalagayan?
Kung siyasatin kayo ng Diyos, ano kaya ang makikita,
    siya ba'y inyong madadayang tulad ng iba?
10 Tiyak na siya'y magagalit, kayo ay pagsasabihan,
    kahit pa lihim na mayroon kayong kinikilingan.
11     Sasakmalin kayo ng takot pagkat siya'y makapangyarihan.
12 Mga kasabihan ninyo'y walang silbi tulad ng abo,
    singhina ng putik ang mga katuwiran ninyo.

13 “Tumahimik na lang kayo at ako'y pasalitain,
    hayaang mangyari ang mangyayari sa akin.
14 Nakahanda akong itaya ang buhay kong angkin.
15 Hindi ako natatakot kung ako man ay patayin,
    maiharap lamang sa kanya itong aking usapin.
16 Maaaring iligtas ako ng aking katapangan,
    sapagkat wala namang masamang tao na makakaharap sa Maykapal.
17 Pakinggan mong mabuti itong aking sasabihin, itong paliwanag ko ay iyong unawain.
18 Nakahanda akong ilahad ang aking panig,
    sapagkat alam ko namang ako ay nasa katuwiran.

19 “O Diyos, lalapit ka ba upang ako'y usigin?
    Kung gayon, handa akong manahimik at mamatay.
20 Mayroon akong dalawang kahilingan,
    at ako'y di magtatago kung iyong papayagan.
21 Itigil mo na itong pagpaparusa sa akin, at sa takot ay huwag mo akong patayin.

22 “Magsalita ka, at aking tutugunin,
    o kaya'y sagutin mo ang aking sasabihin.
23 Saan ba ako nagkamali, ano ba ang aking kasalanan?
    Pagkakasala ko'y maaari ko bang malaman?

24 “Bakit ako'y iyong pinagtataguan?
    Bakit itinuturing mo akong isang kaaway?
25 Para akong isang dahon, huwag mo na akong takutin,
    ang katulad ko'y ipa, na tinatangay ng hangin.
26 Kay pait naman ng iyong mga paratang,
    kasalanan ko noong ako'y bata iyo pang ibinibilang.
27 Itong(G) aking mga paa'y nilagyan pa ng gapos,
    tinitingnan, sinusuri ang aking bawat kilos.
28 Kaya't ako'y parang kahoy na nabubulok,
    parang damit na nasisira, unti-unting nauubos.

Maikli ang Buhay ng Tao

14 “Ang(H) buhay ng tao'y maikli lamang,
    subalit punung-puno ng kahirapan.
Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas,
    parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam.
Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang?
    Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman?
Mayroon bang malinis na magmumula,
    sa taong marumi at masama?
Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw,
    at bilang na rin ang kanyang mga buwan,
nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan.
Lubayan mo na siya at pabayaan,
    nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan.

“Kahoy na pinutol ay may pag-asa,
    muli itong tutubo at magsasanga.
Kahit pa ang ugat nito ay matanda na,
    at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya,
    ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan,
    pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta?

11 “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos,
    at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos.
12 Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon
    hanggang ang langit ay maparam.
13 Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay,
    hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan,
    at muli mong maalala ang aking kalagayan.
14 Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay?
Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin.
15 Ikaw ay tatawag at ako'y sasagot,
    sa iyong nilikha, ikaw ay malulugod.
16 Kung magkagayon, bawat hakbang ko'y iyong babantayan,
    di mo na tatandaan ang aking mga kasalanan.
17 Ang mga kasalanan ko'y iyong patatawarin,
    lahat ng kasamaan ko'y iyong papawiin.

18 “Darating ang araw na guguho ang kabundukan,
    malilipat ng lugar mga batong naglalakihan.
19 Sa buhos ng tubig, ang bato ay naaagnas,
    ang lupang matigas sa baha ay natitibag,
    gayon ang pag-asa ng tao, kapag iyong winasak.
20 Nilulupig mo ang tao at tuluyang naglalaho,
    sa sandali ng kamatayan nagbabago ang kanyang anyo.
21 Anak man niya'y parangalan, hindi na niya malalaman,
    hindi na rin mababatid kung bigyan silang kahihiyan.
22 Ang kanya lamang nadarama ay sakit ng sariling katawan,
    ang tanging iniisip ay ang sariling kalungkutan.”

Ang Ikalawang Sagutan(I)

15 Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman,

“Mga salita mo'y pawang kahangalan,
    ang sinasabi mo ay parang hangin lang.
Ang sinasabi mo'y salita ng isang hangal,
    di ka maililigtas ng salitang walang saysay.
Kung ikaw ang masusunod, wala nang matatakot sa Diyos,
    at nais mong hadlangan ang sa kanya'y dumudulog.
Kasamaan mo'y nahahalata sa iyong mga salita,
    nais mo pang magtago sa mga salitang may daya.
Kaya nga ang humahatol sa iyo ay hindi ako,
    salita mong binibigkas ang humatol sa iyo.

“Akala mo ba'y ikaw ang unang taong isinilang?
    Nauna ka pa ba sa mga kabundukan?
Naroon ka ba nang sabihin ng Diyos ang kanyang plano,
    o sa palagay mo'y ikaw lang ang may talino?
Ano ba ang alam mo na di namin nalalaman?
    Lahat ng naiintindihan mo'y amin ding nauunawaan.
10 Ang mga may uban sa buhok ay aming kasama,
    mga taong matatanda pa sa iyong ama.

11 “Inaaliw ka ng Diyos ngunit ayaw mong pansinin,
    ang banayad naming payo na sa puso nanggagaling.
12 Bakit nagmamatigas pa, ipinipilit ang sarili?
    Mga mata'y nanlilisik, kapag tinitingnan kami.
13 Bakit ba ang galit mo'y sa Diyos ibinubunton
    at sa kanya iniuukol ang salitang walang hinahon?

14 “Sino(J) ba ang walang sala, at malinis na lubos?
    Sinong isinilang na matuwid sa harap ng Diyos?
15 Kung doon sa mga anghel, tiwala ng Diyos ay di lubusan,
    kahit silang nasa langit ay mayroon ding pagkukulang.
16 Gaano pa kaya ang taong nasanay sa kasamaan,
    laging uhaw sa masama at hindi tama.

17 “Makinig ka at sa iyo'y aking sasabihin,
    ang lahat ng nakita ko at naabot ng paningin.
18 Mga taong matatalino ang sa akin ay nagturo,
    mga katotohanang inilahad ng kanilang mga ninuno.
19 Ang lupain ay sa kanila lamang ibinigay
    at walang dayuhan na sa kanila'y nakipanirahan.

20 “Ang taong mapang-api at puno
ng kasamaan,
    laging nasa ligalig habang siya'y nabubuhay.
21 Lagi siyang makakarinig nakakatakot na tinig,
    papasukin siya ng tulisan kung kailan siya'y tahimik.
22 Hindi siya makakatakas sa lagim ng kamatayan
    pagkat mayroong tabak na sa kanya'y nag-aabang.
23     Mga buwitre'y naghihintay upang kainin ang kanyang bangkay,[a]
alam niyang madilim ang kanyang kinabukasan.
24     Takot ang naghahari sa buo niyang katauhan,
    parang laging hinahabol ng haring makapangyarihan.

25 “Ganito ang sasapitin ng taong nagyayabang
    at ng humahamon sa Diyos na Makapangyarihan.
26-27 Ipinagmamalaki pa ang ginagawang pagsuway
    at ang palagi niyang hawak ay kanyang kalasag,
    at ang hangad ay habulin at labanan ang Maykapal.
28 Siya ay nanakop ng maraming bayan,
    mga bahay na nilisan ay kanyang kinamkam,
    ngunit mga iyon ay mawawasak pagdating ng digmaan.
29 Ang kayamanan niya ay hindi magtatagal,
    maging ang buhay niya'y madali ring papanaw.
30 Sa gitna ng dilim siya'y makukubkob,
    siya'y matutulad sa punongkahoy na nasunog,
    na ang bulaklak ay tinatangay ng hangin.
31 Dahil nagtiwala siya sa kahangalan,
    kahangalan din ang kanyang kabayaran.
32 Maaga niyang tatanggapin ang kanyang kabayaran,
    tulad ng sangang nalanta, di na muling mananariwa.
33 Makakatulad niya'y ubas na kahit hilaw na bunga'y nalalagas,
    at tulad ng olibo na ang mga bulaklak ay nalalaglag.
34 Walang matitira sa lahi ng masama,
    masusunog ang bahay na sa suhol nagmula.
35 Ganyan ang mga taong nagbabalak ng kasamaan,
    pandaraya ang palaging nasa puso at isipan.”

Idinaing ni Job ang Ginagawa sa Kanya ng Diyos

16 Sumagot naman si Job,
“Narinig ko nang lahat ang inyong mga sinabi,
    kayong lahat ay mang-aaliw na walang silbi.
Wala na bang katapusan, mga salita mong walang laman?
    Bakit ka ba nagsasalita ng ganyan?

“Kaya ko ring sabihin ang lahat ng sinabi ninyo,
    kapag kayo ang dumaranas ng hirap kong ito.
Matatambakan ko rin kayo ng salita at payo,
    may kibit na ng balikat, may iling pa ng ulo.
Ngunit ang sasabihin ko'y pampalakas ng inyong loob,
    mga salitang bibitiwa'y pampabawas ng kirot.

“Kung ako ay magsalita, hirap ko'y di maaalis;
    kung magsawalang-kibo nama'y naroon pa rin ang sakit.
Pinanlupaypay ng Diyos ang abâ kong katauhan
    at nilipol pa niya pati aking sambahayan.
    Nakadikit na sa buto at kulubot ang aking balat,
larawan ng mga hirap na aking dinaranas;
    ito raw ay katunayan ng aking kasalanan.
Dahil sa matinding poot niya sa akin halos ako'y kanyang pagputul-putulin;
    mga mata'y nanlilisik, may poot kung tumingin.
10 Nilalait ako ng mga tao,
    pinapaligiran at sinasampal ako.
11 Ipinaubaya na ako ng Diyos sa masasama, pinabayaan sa mga taong walang awa.
12 Sa aking pananahimik,
    ako'y kanyang ginambala,
    sinakal, dinurog at pinuntirya ng pana.
13 Tinatamaan ako ng pana sa kabi-kabila,
    sugat ko'y malubha
    ngunit wala pa rin siyang awa.
14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan,
    para siyang mandirigmang galit na galit sa kalaban.

15 “Ako'y nakasuot ng damit-panluksa,
    nakaupo sa alikabok, katawa'y nanghihina.
16 Sa kaiiyak ko'y pula na ang aking mukha,
    mata ko'y wala nang makita pagkat namamaga.
17     Wala naman akong ginagawang masama,
    panalangin ko sa Diyos ay tapat at walang daya.

18 “Huwag mong tabunan, O Lupa, ang aking kaapihan,
huwag ipagkait sa akin ang hangad kong katarungan!
19 Ang(K) aking testigo ay nasa langit,
    siyang tatayo't magtatanggol ng aking panig.
20 Mga kaibigan ko ang sa aki'y humahamak,
    kaya sa Diyos na lamang ako ay iiyak.

21 “May magtanggol sana sa akin sa harap ng Maykapal,
    tulad ng pagpanig ng isang tao sa kanyang kaibigan.
22 Pagkat ilang taon na lang itong aking itatagal,
    ako'y papunta na sa huli kong hantungan.

17 Gulung-gulo ang aking isipan, bilang na ang aking mga araw,
    hinihintay na ako ng libingan.
Pinagmamasdan ko ang sa akin ay lumalait, mga salita nila'y lubhang masasakit.
O Diyos, ako'y tapat, kaya sa aki'y magtiwala,
    ikaw lang ang makapagpapatunay sa aking mga salita.
Isip nila'y sinarhan mo upang di makaunawa;
    laban sa akin, huwag nawa silang magtagumpay.
Siyang dahil sa salapi ay nagtataksil sa mga kaibigan,
    kanyang mga anak ang siyang mawawalan.
Ako ngayo'y pinag-uusapan ng buong bayan,
    pinupuntahan pa upang maduraan lamang.
Halos ako'y mabulag dahil sa kalungkutan,
    kasingnipis ng anino ang buo kong katawan.
Mga nagsasabing sila'y tapat sa akin ay nagulat,
    ang mga walang sala, sa aki'y nanunumbat.[b]
Ngunit ang mga matuwid ay lalong naniniwala,
    at lalo pang nahikayat na sila nga ang tama.
10 Subalit silang lahat, humarap man sa akin,
    wala akong maituturo na may talinong angkin.

11 “Tapos na ang mga araw ko, bigo ang aking mga plano,
    ang aking pag-asa'y tuluyan nang naglaho.
12 Sabi nila, ang gabi ay araw na rin,
    malapit na raw ang liwanag,
    ngunit alam kong ako'y nasa dilim pa rin.
13 Ang tanging pag-asa ko'y ang daigdig ng mga patay,
    at sa kadiliman doon ako mahihimlay.
14 Ang hukay ay tatawagin kong ama,
    at ang mga uod ay ituturing kong mga kapatid at ina.
15 Nasaan nga ang aking pag-asa,
    sino ang dito ay makakakita?
16 Madadala ko ba ito sa daigdig ng mga patay,
    sasama ba ito sa alabok na hantungan?”

Inilarawan ni Bildad ang Wakas ng Masama

18 Sumagot si Bildad na Suhita,
“Kay rami naman ng iyong sinasabi,
    tumahimik ka muna at pakinggan kami.
Kami ba'y ano sa iyong palagay?
    Mga bakang hangal at walang nalalaman?
Sarili mo lang ang iyong sinasaktan, dahil sa galit na iyong tinataglay.
    Pababayaan ba ang daigdig dahil lamang sa iyo,
    at aalisin ang mga bundok sa kanilang puwesto?

“Ang(L) ilaw ng masama'y tiyak na papatayin,
    ang kanyang apoy ay di na papaningasin.
Ang ilaw sa kanyang tahana'y pagdidilimin.
Ang matatag niyang hakbang ngayon ay nabubuwal,
    pagbagsak niya'y nalalapit sa kanya ring kasamaan.
Di niya namamalayang ang kanyang mga paa ay sa bitag pupunta,
    kaya naman nasisilo itong kanyang mga paa.
10 Isang silo ang sa kanya'y iniumang,
    may bitag na nakahanda sa kanyang daraanan.

11 “Saanman siya bumaling, takot ay naghihintay;
    sinusundan siya nito sa bawat hakbang.
12 Mayaman siya noon ngunit ngayo'y hikahos,
    naghihintay sa kanya'y hirap at pagdarahop.
13 Nakamamatay na sakit, sa katawan niya'y kumakalat,
    mga bisig at paa niya'y unti-unting naaagnas.
14 Dati siya'y panatag sa kanyang tahanan;
    ngayo'y kinakaladkad patungo kay Kamatayan.
15 May iba nang nakatira doon sa dati niyang tahanan,
    matapos malagyan ng gamot at malinis nang lubusan.
16 Ang kanyang mga ugat at mga sanga, lahat ay natuyo at pawang nalanta.
17 Lahat niyang alaala ay napawi nang lubusan;
    nakalimutan nang lahat pati kanyang pangalan.
18 Mula sa liwanag, inihagis siya sa karimlan,
    at pinalayas siya sa daigdig ng mga buháy.
19 Isang anak man o apo ay wala siyang naiwan, ni isa'y walang natira sa kanyang sambahayan.
20 Mula silangan hanggang kanluran, nanginginig at kinikilabutan
    dahil sa kanyang matinding kasawian.
21 Ang masasamang tao'y ganyan ang kapalaran,
    mga di kumikilala sa Diyos ganyan ang kahihinatnan.”

Naniniwala si Job na Pawawalang-sala Siya ng Diyos

19 Ang sagot ni Job,
“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan
    sa mga salitang inyong binibitawan?
Maraming ulit na ninyo akong nilait,
    di na kayo nahiya na sa aki'y magmalabis.
Kung nakagawa man ako ng kasalanan;
    walang ibang mananagot kundi ako lamang.
Akala ninyo kayo'y mas mabuti kaysa akin,
    pinagbabatayan ninyo'y ang hirap kong pasanin.
Dapat ninyong malaman, ang Diyos ang may gawa nito;
    ang bitag niyang iniumang ay nasa paligid ko.
Tumututol ako sa ganitong karahasan,
    ngunit walang nakikinig
    sa sigaw kong katarungan.
Hinarangan ng Diyos ang aking daraanan;
    binalot niya ng dilim ang landas kong lalakaran.
Inalis niyang lahat ang aking kayamanan,
    sinira pa niya ang aking karangalan.
10 Saanman ako bumaling, ako'y kanyang pinapalo,
parang punong binunot, pag-asa ko'y natutuyo.
11 Matindi ang galit ng Diyos sa akin;
    isang kaaway ang sa aki'y kanyang turing.
12 Ang hukbo niya ay tinipon at ako ay kinubkob,
    ang aking tahanan ay kanilang sinakop.

13 “Ang mga kapatid ko'y pinalayo niya sa akin;
    mga dating kakilala, hindi na ako pinapansin.
14     Pati mga kamag-anak ko'y nag-alisan; naiwan akong walang kaibigan.
15 Dati kong mga panauhi'y di na ako kilala;
    para na akong dayuhan sa aking mga alila.
16 Ang utos ko sa kanila'y hindi na rin pinapansin,
    makiusap man ako'y ayaw pa rin akong sundin.
17 Pati na ang asawa ko'y nandidiri sa akin;
    mga kapatid ko sa laman, ayaw akong makapiling.
18 Ako'y kinukutya ng mga batang paslit; kapag ako'y nakita, pinagtatawanan at nilalait.
19 Mga(M) kaibigan kong matalik sa akin ay nasusuklam,
    ang mga minamahal ko, ako'y nilalayuan.
20 Buto't balat na lamang ang natitira sa akin,
    ang pag-asa kong mabuhay, maliit na at katiting.
21 Mga kaibigan ko, sa akin sana'y mahabag;
    kamay na ng Diyos ang sa aki'y humahampas.
22 Bakit n'yo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Diyos?
    Di pa ba kayo masaya sa kahirapan kong lubos?

23 “Ang mga salita ko sana'y maisulat
    at maitala sa isang buong aklat!
24 At maiukit sa bato itong mga sinabi ko
    upang habang panaho'y mabasa ng mga tao.
25 Ngunit alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas,[c]
    na magtatanggol sa akin pagdating ng wakas.
26 Pagkatapos na maubos itong aking buong balat,
    makikita ko ang Diyos kahit laman ay maagnas.
27 Siya'y aking mamamasdan, at mukhaang makikita;
    siya'y makikilala nitong aking mga mata.
Ang puso ko'y nananabik na masdan ko na siya.

28 “Ako ay patuloy ninyong uusigin,
    pagkat iniisip ninyong ang sala nga ay sa akin.
29 Kayo sana ay mag-ingat sa talim nitong tabak,
    na siyang maghahatid ng parusa sa kasalanan,
    upang inyong malamang may hahatol nga sa wakas.”

Inilarawan ni Zofar ang Bahagi ng Masama

20 Sinabi ni Zofar na Naamita,
“Ang iyong mga sinabi ay hindi ko na nagugustuhan
    kaya hindi ko na mapigilan ang pagsali sa usapan.
    Ang iyong mga sinabi ay puro panlalait,
    kaya't tugon ko ngayo'y aking ipababatid.

“Hindi mo ba nalalaman na buhat pa sa simula,
    nang ang tao ay ilagay sa ibabaw ng lupa,
    ang pagmamataas ng masama ay di nagtatagal,
umabot man sa langit ang kanyang katanyagan,
    at ang kanyang ulo, sa ulap ay umabot man.
    Ngunit tulad ng alabok, ganap siyang mapaparam;
ang hantungan niya'y hindi alam ng sinuman.
Siya'y(N) parang panaginip na mawawala, parang pangitain sa gabi,
    di na muling makikita.
Di na siya muli pang makikita ng mga dating kaibigan at kapamilya.
10 Makikisama sa mahihirap ang kanyang mga anak;
    kayamanang kinamkam, mapapabalik lahat.
11 Ang lakas ng kabataan na dati niyang taglay,
    kasama niyang mahihimlay sa alabok na hantungan.

12 “Ang lasa ng kasamaan para sa kanya ay matamis,
    ninanamnam pa sa dila, samantalang nasa bibig.
13 Itong kanyang kasamaan ay hindi niya maiwan;
    kahit gusto man niyang iluwa ay di niya magagawa.
14 Ngunit nang ito'y lunukin, dumaan sa lalamunan,
    ubod pala ng pait, lason sa katawan.
15 Kayamanang kinamkam niya, kanya ngayong isusuka;
    palalabasin nga ng Diyos mula sa kanyang bituka.
16 Ang nilulunok ng taong masama ay tulad ng kamandag,
    parang tuklaw ng isang ahas na sa kanya ay papatay.
17 Ang mga ilog at batis na siyang dinadaluyan
    ng pulot at gatas ay di na niya mamamasdan.
18 Di rin niya papakinabangan lahat ng pinaghirapan;
    di niya malalasap ang naipong kayamanan,
19     sapagkat ang mahihirap ay inapi niya,
    kinamkam ang mga bahay na itinayo ng iba.

20 “Kanyang pagkagahaman ay walang katapusan,
    walang nakakaligtas sa kanyang kasakiman.
21 Kapag siya'y kumakain, wala siyang itinitira,
    ngunit ang kasaganaan niya ngayo'y magwawakas na.
22 Sa kanyang kasaganaan, daranas ng kagipitan
    at siya'y daratnan ng patung-patong na kahirapan.
23 Kumain na siya't magpakabusog!
    Matinding galit ng Diyos sa kanya'y ibubuhos.
24 Makaligtas(O) man siya sa tabak na bakal,
    palasong tanso naman ang sa kanya'y magbubuwal.
25 Kapag ito'y itinudla sa apdo niya ay tutusok;
    kung makita niya ito,
    manginginig siya sa takot.
26 Matinding kadiliman ang sa kanya'y naghihintay;
    masusunog siya sa apoy na hindi namamatay.
    Wala ring matitira sa kanyang pamilya.
27 Ipahahayag ng langit ang kasamaan ng taong ito,
    laban sa kanya, ang lupa'y magpapatotoo.
28 Ang lahat ng kayamanan niya ay sisirain,
    sa galit ng Diyos ito ay tatangayin.

29 “Ganito ang sasapitin ng lahat ng masasama,
    kapasyahan ng Diyos, sa kanila'y itinakda.”

Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama

21 Ang sagot ni Job,
“Pakinggan ninyong mabuti itong aking sasabihin;
    ituturing ko nang ito'y pag-aliw sa akin.
Ako muna'y inyong pagsalitain,
    at pagkatapos nito, saka na ninyo laitin.

“Di laban sa tao itong aking hinanakit,
    may sapat akong dahilan, kung bakit hindi makatiis.
Tingnan ninyo ang hitsura ko, hindi pa ba ito sapat
    upang tumahimik na kayo at walang salitang mabigkas?
Tuwing iisipin ko itong sinapit ko,
    ako'y nanginginig at nanlulumo.
Bakit kaya ang masama'y hinahayaan pang mabuhay,
    tumatanda pa at nagtatagumpay?
Mayroon silang mga anak at mga apo,
    naabutan pa nila ang paglaki ng mga ito.
Hindi pinipinsala ang kanilang mga tahanan;
    parusa ng Diyos ay di nila nararanasan.
10 Ang pagdami ng kanilang mga hayop ay mabilis,
    ang inahin nilang baka'y nasa ayos kung magbuntis.
11 Ang kanilang mga anak ay naghahabulan, parang tupang naglalaro at mayroon pang sayawan.
12     Umaawit sa saliw ng tamburin at lira, umiindak, nagsasayaw sa tunog ng mga plauta.
13 Ang buong buhay nila'y puspos ng kasaganaan;
    at mapayapa ang kanilang pagharap sa kamatayan.

14 “Sinasabi nila sa Diyos, ‘Huwag mo kaming pakialaman.
    Ayaw naming alamin ang iyong kalooban!
15 Sino ba ang Makapangyarihang Diyos upang sambahin namin?
    At ano bang mapapala kung sa kanya'y mananalangin?’
16 Ang akala nila, sa sariling lakas galing ang tagumpay,
    ngunit di ako sang-ayon sa kanilang palagay.

17 “Ilawan ba ng masama'y pinatay nang minsan?
    Sila ba ay dumanas ng matinding kahirapan,
at ang parusa ng Diyos, sa kanila ba'y ipinataw?
18     Itinulad ba sa dayaming nililipad nitong hangin
    o ipang walang laman, tinatangay sa papawirin?

19 “Sinasabi ninyong ang anak ay pinaparusahan dahil sa sala ng kanyang magulang.
Parusahan sana ng Diyos ang mismong may kasalanan!
20 Sa gayo'y mararanasan nila ang kahirapang sasapitin;
    sa parusa ng Makapangyarihang Diyos, sila ang pagdanasin.
21 Kapag ang isang tao'y binawian ng buhay,
    ano pang pakialam niya sa pamilyang naiwan?
22 Sinong makakapagturo ng dapat gawin ng Diyos,
    na siyang humahatol sa buong sansinukob?

23 “May taong namamatay sa gitna ng kasaganaan,
    panatag ang katayuan, maginhawa ang kabuhayan.
24 Katawan niya ay malusog,
    at malalakas ang tuhod.
25 Mayroon namang namamatay sa kahirapan,
    ni hindi nakalasap kahit kaunting kaligayahan.
26 Ngunit pareho silang sa alabok nahihimlay,
    at kapwa inuuod ang kanilang katawan.

27 “Alam ko kung ano ang binabalak ninyong gawin
    at ang masamang iniisip ninyo laban sa akin.
28 Tiyak na itatanong ninyo kung nasaan ang tahanan
    ng taong namuhay sa kasamaan.

29 “Hindi ba ninyo naitatanong sa mga manlalakbay,
    mga ulat nila'y hindi ba ninyo pinaniniwalaan?
30 Sa panahon ng kahirapan at kasawiang-palad,
    di ba't ang masama ay laging naliligtas?
31 Sa kanyang kasamaa'y walang nagpapamukha,
    walang naniningil sa masama niyang gawa.
32 Kapag siya ay namatay at inihatid na sa hukay,
    maraming nagbabantay sa kanyang libingan.
33     Napakaraming sa kanya'y maghahatid sa libing,
    pati lupang hihigan niya, sa kanya ay malambing.
34 Ngunit pang-aaliw ninyo'y walang kabuluhan,
    pagkat lahat ng sagot ninyo'y pawang kasinungalingan!”

Ang Ikatlong Sagutan(P)

22 Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman:
“Ang(Q) tao ba'y may maitutulong sa Diyos na Manlilikha,
    kahit na siya'y marunong o kaya ay dakila?
May pakinabang ba ang Makapangyarihang Diyos kung ikaw ay matuwid,
    may mapapala ba siya kung ikaw man ay malinis?
Dahil ba sa takot mo sa kanya, kaya ka niya sinasaway,
    pinagsasabihan at dinadala sa hukuman?
Hindi! Ito'y dahil sa napakalaki ng iyong kasalanan,
    at sa mga ginagawa mong mga kasamaan.
Mga kapatid mo'y iyong pinaghuhubad,
    upang sa utang nila sa iyo sila'y makabayad.
Ang mga nauuhaw ay hindi mo pinainom;
    hindi mo pinakain ang mga nagugutom.
Lakas mo ang ginagamit kaya lupa'y nakakamkam,
    at ibinibigay ito sa iyong kinalulugdan.
Hindi mo na nga tinulungan ang mga biyuda,
    inaapi mo pa ang mga ulila.
10 Kaya napapaligiran ka ngayon ng mga bitag,
    at bigla kang binalot ng mga sindak.
11 Paligid mo'y nagdidilim kaya di ka makakita,
    maging tubig nitong baha ay natatabunan ka.

12 “Di ba't ang Diyos ay nasa mataas na kalangitan,
    at ang mga bituin sa itaas ay kanyang tinutunghayan?
13 Ngunit ang sabi mo, ‘Ang Diyos ay walang nalalaman,
    at hindi tayo mahahatulan, pagkat sa ulap siya'y natatakpan.’
14 Akala mo'y dahil sa ulap ay di na siya makakakita,
    at sa ibabaw ng himpapawid, ay palakad-lakad lang siya.

15 “Talaga bang nais mong lakaran ang dating daan,
    landas na tinahak ng mga nasanay sa kasamaan?
16 Kahit wala pa sa panahon sila'y tinatangay na ng baha,
    sapagkat ang kanilang pundasyon ay lubos na nagiba.
17 Sinabi nila sa Diyos na sila'y kanyang layuan,
    at wala naman daw magagawa sa kanila ang Diyos na Makapangyarihan.
18 Sa kabila nito, sila pa rin ay pinagpala;
    di ko talaga maunawaan ang pag-iisip ng masama.
19 Natutuwa ang matuwid, ang mabuti'y nagagalak
    kapag nakita nilang ang masama'y napapahamak.
20 Sabi nila, ‘Ang mga kaaway nati'y nalugmok,
    at ang mga ari-arian nila ay natupok.’

21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, makipagkasundo ka sa kanya,
    ang buhay mo'y gaganda at magiging maginhawa.
22 Makinig ka sa kanyang itinuturo,
    mga sinasabi niya'y itanim mo sa iyong puso.
23 Manumbalik ka sa Makapangyarihan, ikaw ay magpakumbaba,
    at alisin mo sa iyong tahanan lahat ng gawaing masama.
24 Ang lahat mong kayamanan ay itapon mo sa alabok,
    at ang mamahaling ginto ay ihagis mo na sa ilog.
25 Ang Diyos na Makapangyarihan ang ituring mong yaman,
    na siyang ginto't pilak na iyong papahalagahan.
26 Sa Makapangyarihang Diyos ka palaging magtiwala,
    at ang Maykapal ang pagkukunan mo ng tuwa.
27 Papakinggan niya ang iyong panalangin,
    kaya't ang mga panata mo ay iyong tuparin.
28 Lagi kang magtatagumpay sa iyong mga balak,
    at ang landas mo ay magliliwanag.
29 Ang mga palalo'y ibinabagsak nga ng Diyos,
    ngunit inililigtas ang mapagpakumbabang-loob.
30 Ililigtas ka niya kung wala kang kasalanan,
    at kung ang ginagawa mo ay nasa katuwiran.”

Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan

23 Ito naman ang sagot ni Job:
“Hanggang ngayon ay masama pa itong aking loob,
    bagama't ako'y nananangis, pinaparusahan pa rin ng Diyos.
Kung alam ko lamang kung saan siya matatagpuan,
    pupuntahan ko siya sa kanyang kinaroroonan.
Ihaharap ko sa kanya ang aking kalagayan
    at ilalahad kong lahat ang aking katuwiran.
Gusto kong malaman ang isasagot niya sa akin;
    nais kong maunawaan ang kanyang sasabihin.
Gagamitin kaya sa akin ang lahat niyang kapangyarihan?
    Hindi! Sa halip, hinaing ko'y kanyang papakinggan.
Sapagkat ako'y taong matuwid na haharap sa kanya,
    kanyang ipahahayag na ako'y walang sala.

“Sa dakong silangan, hindi ko siya natagpuan;
    hindi ko rin siya nakita sa gawing kanluran.
Di ko rin siya nakita sa dakong hilaga,
    at sa bandang timog, ni bakas ay wala.
10 Ngunit alam ng Diyos ang aking bawat hakbang;
    kapag sinubok niya, lalabas ang kadalisayan.
11 Pagkat landas niya'y aking nilakaran,
    hindi ako lumihis sa ibang daanan.
12 Ako'y hindi lumalabag sa kanyang kautusan,
    at ang kanyang mga salita ay aking iniingatan.

13 “Hindi siya nagbabago at di kayang salungatin,
    walang makakapigil sa nais niyang gawin.
14 Isasakatuparan niya ang plano niya sa akin,
    ang marami niyang balak ay kanyang gagawin.
15     Kaya ako'y natatakot na sa kanya'y humarap;
    isipin ko lamang ito, ako ay nasisindak.
16 Pinanghihina ng Diyos ang aking kalooban,
    tinatakot ako ng Makapangyarihan.
17 Sapagkat kadiliman ang nasa aking palibot,
    dilim nitong taglay sa mukha ko ay bumalot.

Inireklamo ni Job ang Ginagawa ng Masama

24 “Bakit di nagtatakda ang Makapangyarihang Diyos ng araw ng paghuhukom,
    upang masaksihan ng mga matuwid ang kanyang paghatol?

“Binabago ng mga tao ang hangganan ng mga lupa,
    nagnanakaw ng mga hayop na iba ang nag-alaga.
Tinatangay nila ang asno ng mga ulila,
    kinakamkam sa mga biyuda ang bakang isinangla.
Ang mahirap ay itinataboy sa lansangan;
    at dahil sa takot, naghahanap ito ng taguan.

“Kaya ang dukha, tulad ay asnong mailap,
    hinahalughog ang gubat,
    mapakain lang ang anak.
Gumagapas sila sa bukid na hindi kanila,
    natirang ubas ng mga masasama pinupulot nila.
Kanilang katawan ay walang saplot;
    sa lamig ng gabi, wala man lamang kumot.
Nauulanan sila doon sa kabundukan;
    mga pagitan ng bato ang kanilang silungan.

“Inaalipin ng masasama ang mga ulila;
    mga anak ng may utang, kanilang kinukuha.
10 Hubad na pinaglalakad ang mga mahirap,
    labis ang gutom habang sila'y pinapagapas.
11 Sila ang nagkakatas ng ubas at olibo,
    ngunit di man lamang makatikim ng alak at langis nito.
12 Mga naghihingalo at mga sugatan, sa loob ng lunsod ay nagdadaingan,
    ngunit di pa rin pansin ng Diyos ang kanilang panawagan.

13 “May mga taong nagtatakwil sa liwanag;
    di nila ito maunawaan, patnubay nito'y ayaw sundan.
14 Bumabangon ang mamamatay-tao sa madaling araw,
    at ang kawawang dukha'y kanyang pinapaslang.
    Pagsapit naman ng gabi, siya ay nagnanakaw.
15 Ang nakikiapid ay naghihintay na dumilim,
    nagtatakip ng mukha upang walang makapansin.
16 Kung gabi naman sumasalakay ang mga magnanakaw;
    ayaw nila sa liwanag kaya't nagtatago pagsikat ng araw.
17 Liwanag ng araw ay kanilang kinatatakutan,
    ngunit di sila nasisindak sa matinding kadiliman.”

18 Sinabi ni Zofar,
“Ang masamang tao'y tinatangay ng baha,
    sinumpa ng Diyos ang kanilang lupa;
    sa ubasan nila'y ni walang mangahas magsaka.
19 Kung paanong ang yelo ay natutunaw sa tag-init,
    gayundin ang masama, naglalaho sa daigdig.
20 Kahit ang kanyang ina sa kanya'y nakakalimot;
    parang punong nabuwal, inuuod at nabubulok.
21 Pagkat inapi niya ang babaing di nagkaanak,
    at ang mga biyuda ay kanyang hinamak.
22 Winawasak ng Diyos ang buhay ng malalakas;
    kapag siya ay kumilos, ang masama'y nagwawakas.
23 Hayaan man ng Diyos na mabuhay ito nang tiwasay,
    sa bawat sandali, siya'y nagbabantay.
24 Umunlad man ang masama, ngunit panandalian lamang,
    natutuyo ring tulad ng damo at halaman,
    parang bungkos ng inani na binunot sa taniman.
25 Kasinungalingan ba ang sinasabi ko?
Sinong makapagpapatunay na ito'y di totoo?”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.