Bible in 90 Days
Ang mga Hangganan
13 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ito ang gagawing paghahati ng lupain para sa labindalawang lipi ng Israel; dalawang bahagi ang mauuwi sa lipi ni Jose. 14 Pare-pareho ang gagawing hati. Ang lupaing ito ang aking ipinangako sa inyong mga magulang upang maging inyo.
15 “Ito ang hangganan ng buong lupain, sa hilaga; ang Dagat Mediteraneo, tuloy ng Hetlon, sa may pagpasok ng Hamat at tuloy ng Sedad, 16 Berota, Sibraim na nasa may hangganan ng Damasco at Hamat, hanggang sa Hazerhatico, sa hangganan ng Hawan. 17 Samakatuwid, ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat Mediteraneo hanggang Hazar-enon, sa gawing hilaga ng Damasco.
18 “Sa silangan: mula sa Hazar-enon, pagitan ng Damasco at Hauran, sa baybayin ng Jordan, pagitan ng Gilead at Israel, sa dagat sa gawing silangan hanggang Tamar.
19 “Sa timog: mula sa Tamar hanggang sa tubigan ng Meriba-kades, binaybay ang Batis ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo.
20 “Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo hanggang sa tapat ng pagpasok sa Hamat.
21 “Ito ang lupaing hahatiin mo sa mga lipi ng Israel. 22 Ito ang pinakamana mo at ng mga taga-ibang lugar na kasama ninyo at nagkaanak nang kasama ninyo. Sila'y ituturing na parang tunay na Israelita at kahati sa lupaing mamanahin ng Israel. 23 Ang mapupunta sa kanila ay magmumula sa bahagi ng liping kinabibilangan niya.”
Ang Paghahati ng Lupain
48 Ito ang magiging ayos ng partihan ng bawat lipi: mula sa dulong hilaga, sa gawi ng Hetlon hanggang Lebohamat at Hazar-enan sa gawing timog ng Damasco, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Dan. 2 Kahangga ng lipi ni Dan, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Asher. 3 Kahangga ng lipi ni Asher mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Neftali. 4 Kahangga ng lipi ni Neftali mula sa silangan hanggang kanluran, isang bahagi para sa lipi ni Manases. 5 Kahangga ng lipi ni Manases mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Efraim. 6 Kahangga ng lipi ni Efraim, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Ruben. 7 Kahangga ng lipi ni Ruben, mula sa silangan hanggang kanluran, ay para naman sa lipi ni Juda.
Ang Gitnang Bahagi ng Lupain
8 Ang bahaging nasasakupan ng lipi ni Juda ay ibubukod; ang sukat nito ay 12.5 kilometro parisukat. Sa loob nito itatayo ang templo.
9 Ang iuukol ninyo kay Yahweh ay 12.5 kilometro ang haba at 10 kilometro ang luwang. 10 Ganito naman ang gagawing hati sa bahaging iniukol kay Yahweh: ang inilaang bahagi ay mauuwi sa mga pari: 12.5 kilometro ang haba, at limang kilometro naman ang luwang. Ang templo ni Yahweh ay sa gitna nito itatayo. 11 Ang bahaging ito ay para sa mga pari, sa mga anak ni Zadok pagkat patuloy nilang sinunod ang aking mga utos kahit noong tumalikod sa akin ang Israel. Di nila tinularan ang mga Levita. 12 Ang bahaging ito ng lupaing itatalaga kay Yahweh ay tanging para sa kanila. 13 Katabi nito sa gawing timog ay para naman sa mga Levita; 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro naman ang luwang. 14 Hindi nila ito maaaring ipagbili o ipagpalit; ni hindi nila ito maaaring isalin sa iba pagkat itinalaga kay Yahweh.
15 Ang natitirang 2.5 kilometro sa luwang, at 12.5 kilometro sa haba ay para sa lahat. Maaari itong tirhan at gamitin ng kahit sino at sa gitna nito ang lunsod. 16 Ito naman ang sukat ng lunsod: 2,250 metro ang haba, gayon din ang luwang. 17 Sa paligid nito ay mag-iiwan kayo ng bakanteng 125 metro. 18 Ang natitira pa sa magkabilang dulo na humahangga sa bahaging iniukol kay Yahweh na tiglimang kilometro ang haba at dalawa't kalahating kilometro ang luwang ay para naman sa mga mag-aasikaso ng lunsod; lahat ng aanihin dito ay ukol sa kanila. 19 Ang mga manggagawang ito sa lunsod ay mula sa iba't ibang lipi ng Israel. 20 Lahat-lahat ng inyong ibubukod ukol kay Yahweh at sa lunsod ay 12.5 kilometrong parisukat.
Ang Kaparte ng Pinuno
21 Ang natitira sa magkabilang panig ng itinalaga kay Yahweh at ng bahagi para sa lunsod ay ukol naman sa pinuno. Ang ukol kay Yahweh 22 at sa lunsod ay nasa gitna ng dalawang bahagi ukol sa pinuno at ito naman ay nakapagitan sa bahaging ukol sa lipi nina Juda at Benjamin.
Ang Kaparte ng Ibang Lipi
23 Ito naman ang para sa iba pang lipi: mula rin sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Benjamin. 24 Karatig ng bahagi ng lipi ni Benjamin ang bahagi naman ukol sa lipi ni Simeon. 25 Karatig ng lipi ni Simeon ang ukol sa lipi ni Isacar; 26 karatig ng lipi ni Isacar ang ukol sa lipi ni Zebulun; 27 karatig ng lipi ni Zebulun ang ukol sa lipi ni Gad. 28 Sa timog, ang hangganan ng ukol sa lipi ni Gad ay mula sa Tamar hanggang sa may bukal ng Kades, sa hangganan ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo. 29 Ganyan ang magiging paghahati ng lupain sa mga lipi ng Israel.
Ang mga Pintuan ng Jerusalem
30 Ganito(A) naman ang tungkol sa mga pintuan ng lunsod: Sa hilaga—ang luwang ay 2,250 metro— 31 ay tatlong pinto para sa lipi nina Ruben, Juda at Levi. Ang pangalan ng mga pintong ito ay isusunod sa pangalan ng mga lipi ng Israel. 32 Sa gawing silangan—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin para naman sa lipi nina Jose, Benjamin at Dan. 33 Sa gawing timog—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlo rin ang pinto at para naman sa lipi nina Simeon, Isacar at Zebulun. 34 Sa gawing kanluran—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin at para naman sa lipi nina Gad, Asher at Neftali. 35 Ang sukat sa paligid ng lunsod ay 9,000 metro. Mula ngayon, ang ipapangalan sa lunsod ay, ‘Naroon si Yahweh.’
Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan
1 Nang(B) ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim sa Juda, ang Jerusalem ay kinubkob ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia. 2 Pinahintulutan(C) ng Panginoon na bihagin niya si Haring Jehoiakim at samsamin ang ilang kasangkapan sa Templo. Lahat ng ito ay dinala ni Nebucadnezar sa lupain ng Babilonia at inilagay sa kabang-yaman ng templo ng kanyang mga diyos.
3 Iniutos ng hari kay Aspenaz, ang pinakamataas na opisyal ng palasyo, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika. 4 Ang pipiliin nila ay mga kabataan na walang kapansanan, makikisig, matatalino, madaling turuan, may malawak na pang-unawa at karapat-dapat maglingkod sa palasyo. Tuturuan din sila ng wika at panitikan ng mga taga-Babilonia. 5 Iniutos ng hari na sila'y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang sasanayin bago maglingkod sa hari. 6 Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na pawang nagmula sa lipi ni Juda. 7 Binigyan sila ni Aspenaz ng mga bagong pangalan. Si Daniel ay Beltesazar, Shadrac naman si Hananias, Meshac si Misael, at Abednego si Azarias.
8 Ngunit ipinasya ni Daniel na hindi niya durungisan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga pagkain at alak na galing sa hari. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakainin at painumin ng mga iyon. 9 Niloob naman ng Diyos na siya'y kalugdan at pagbigyan ni Aspenaz. 10 Ngunit sinabi niya kay Daniel, “Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari na naglalaan ng pagkain at inumin ninyo kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa sa ibang mga kabataan na kasing-edad ninyo. Tiyak na papupugutan niya ako ng ulo.”
11 Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na pinagkatiwalaan ni Aspenaz na mangalaga sa kanya at sa tatlo niyang kaibigan. 12 Pakiusap niya, “Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lang at tubig ang ibigay ninyo sa amin. 13 Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kasing-edad namin na pinapakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at gawin ninyo sa amin ang nararapat.”
14 Sinubok nga sila sa loob ng sampung araw. 15 At pagkalipas ng sampung araw, nakitang mas malulusog at malalakas sila kaysa mga kasing-edad nilang pinakain ng pagkaing galing sa hari. 16 Kaya, gulay at tubig na lang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inuming galing sa hari.
17 Binigyan ng Diyos ang apat na kabataan ng kaalaman at kakayahan sa panitikan at agham. Bukod dito, binigyan pa si Daniel ng kakayahang umunawa at magpaliwanag ng lahat ng uri ng pangitain at panaginip.
18 Pagkaraan ng tatlong taon na itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nebucadnezar. 19 Kinausap sila ng hari at nakita niyang walang kapantay sina Daniel, Hananias, Misael at Azarias. Kaya't naging lingkod sila ng hari. 20 Nakita ng hari na sa lahat ng bagay na itanong sa kanila, sampung ulit na mas mahusay at magaling sila kaysa mga salamangkero at mga enkantador ng kaharian. 21 Naglingkod si Daniel doon hanggang sa unang taon ng paghahari ni Ciro.
Ang Panaginip ni Nebucadnezar
2 Noong ikalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, siya ay nagkaroon ng masamang panaginip. Kaya siya'y nabagabag at hindi makatulog. 2 Dahil dito, ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero, enkantador, mangkukulam, at astrologo upang ipaliwanag ang kanyang panaginip. 3 Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at ito ang bumabagabag sa akin hanggang ngayon. Ipaliwanag nga ninyo ang kahulugan ng aking panaginip.”
4 Sumagot ang mga astrologo sa wikang Aramaico,[a] “Mabuhay ang hari! Sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”
5 Sinabi ng hari sa mga astrologo, “Ipinag-uutos kong sabihin muna ninyo ang aking panaginip saka ninyo ipaliwanag. Kung hindi, ipapapatay ko kayo at ipawawasak ang inyong mga tahanan. 6 Kapag nasabi naman ninyo at naipaliwanag ang aking panaginip, gagantimpalaan at pararangalan ko kayo. Kaya sabihin na ninyo at ipaliwanag sa akin ang aking panaginip.”
7 Muli silang sumagot, “Mahal na hari, sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.”
8 Sinabi naman ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil sa sinabi ko sa inyo 9 na iisa ang hatol ninyo kapag hindi ninyo nasabi at naipaliwanag sa akin ang aking panaginip. Nagkaisa kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Sabihin ninyo ang aking panaginip at saka ako maniniwalang maipapaliwanag nga ninyo iyon.”
10 Sumagot ang mga astrologo, “Wala pong tao sa daigdig na makakagawa ng iniuutos ninyo. Wala ring hari, gaano man ang kapangyarihan niya, na nag-utos ng ganyan sa sinumang salamangkero, manghuhula, o astrologo. 11 Napakahirap gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makakagawa niyan at hindi sila namumuhay na kasama ng tao.”
12 Dahil sa sagot na ito, nagalit ng husto ang hari kaya't ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga tagapayo sa buong Babilonia. 13 Saklaw ng kautusang ito ang lahat ng matatalinong tao sa kaharian pati si Daniel at ang kanyang mga kaibigan.
Inihayag ng Diyos kay Daniel ang Panaginip
14 Kaya, maingat na kinausap ni Daniel si Arioc, ang kapitan ng mga tanod ng hari na siyang inutusan upang patayin ang mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 15 Tinanong niya ito, “Bakit po nag-utos ng ganito kabigat[b] ang mahal na hari?” At sinabi naman sa kanya ni Arioc ang dahilan.
16 Dahil dito, nagpunta sa hari si Daniel at nakiusap na bigyan pa siya ng panahon at ipapaliwanag niya ang panaginip nito. 17 Matapos payagan, umuwi si Daniel at sinabi kina Hananias, Misael at Azarias ang pangyayari. 18 Hiniling niyang sama-sama silang manalangin sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang iyon upang hindi sila patayin kasama ng mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. 19 Nang gabing iyon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos ng kalangitan. 20 Ang sabi ni Daniel:
“Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos,
pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos.
21 Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan,
naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan;
siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
22 Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan;
nakatatalos sa mga nasa kadiliman,
sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
23 Pinupuri ko kayo at pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang,
dahil sa kaloob ninyo sa aking lakas at karunungan,
ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan,
panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari
24 Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc, ang opisyal na inutusan upang patayin ang mga tagapayo ng Babilonia. Sinabi niya, “Huwag mo munang patayin ang mga matatalinong tao. Samahan mo ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”
25 Dali-daling iniharap ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi niya, “Mahal na hari, narito po ang isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag sa inyong panaginip.”
26 Si Daniel na tinatawag na Beltesazar ay tinanong ng hari, “Masasabi at maipapaliwanag mo ba sa akin ang aking panaginip?”
27 Sumagot si Daniel, “Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o manghuhula. 28 Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y natutulog:
29 “Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga. 30 Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi dahil ako'y higit na matalino kaysa iba, kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at upang maunawaan ninyo ang gumugulo sa inyong isipan.
31 “Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan. 32 Ang ulo nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang tiyan at mga hita nito. 33 Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong bakal at putik. 34 Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. 35 Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.
36 “Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan: 37 Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at karangalan. 38 Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon. 39 Ang susunod sa inyo ay ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong daigdig. 40 Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. 41 Ang kahulugan naman ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at putik ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal sapagkat ito'y nakahalo sa putik. 42 Ganito naman ang kahulugan ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at putik: May bahagi itong matibay at may bahagi namang marupok. 43 Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik. 44 Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman. Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan. 45 Katulad ito ng inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak ang kahulugan nito.”
Ginantimpalaan si Daniel
46 Yumukod si Haring Nebucadnezar na lapat ang mukha sa lupa at nagbigay galang kay Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang handugan ito ng insenso at iba pang alay. 47 Sinabi niya kay Daniel, “Tunay na ang Diyos mo ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos at Panginoon ng mga hari. Siya ang tagapagpahayag ng mga hiwaga kaya naipahayag mo ang hiwagang ito.” 48 Pinarangalan ng hari si Daniel at binigyan ng napakaraming handog. Siya ay ginawa nitong tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng mga tagapayo ng Babilonia. 49 Hiniling naman ni Daniel sa hari na sina Shadrac, Meshac at Abednego ay gawing tagapangasiwa sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa palasyo ng hari.
Iniutos sa Lahat na Sumamba sa Rebultong Ginto
3 Si Haring Nebucadnezar ay nagpagawa ng rebultong ginto na dalawampu't pitong metro ang taas at may tatlong metro naman ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. 2 Pagkatapos, ipinatawag niya ang mga pinuno ng mga rehiyon, mga pinuno ng mga hukbo, mga gobernador ng mga lalawigan, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, mga mahistrado at iba pang mga pinuno ng kaharian, para sa pagtatalaga sa nasabing rebulto. 3 Nang nasa harap na sila ng rebulto, 4 malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Iniuutos sa lahat ng tao, mula sa lahat ng bansa at wika, 5 na lumuhod at sumamba sa rebultong ipinagawa ni Haring Nebucadnezar sa sandaling marinig ang tunog ng tambuli, plauta, lira, sitar, alpa, at iba pang instrumento. 6 Sinumang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis agad sa naglalagablab na pugon.” 7 Nang marinig nga ng mga tao ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebultong ginto na ipinagawa ni Haring Nebucadnezar.
Pinaratangan ang Tatlong Judio
8 Sinamantala ito ng ilang mga mamamayan ng Babilonia upang paratangan ang mga Judio. 9 Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Mabuhay ang mahal na hari! 10 Iniutos po ninyo na lumuhod at sumamba sa inyong rebultong ginto ang sinumang makarinig sa tugtog ng mga instrumento. 11 At sinumang hindi sumunod ay ihahagis sa naglalagablab na pugon. 12 Hindi po sumusunod sa utos ninyo sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ang mga Judiong inilagay ninyo bilang mga tagapamahala sa Babilonia. Hindi po sila naglilingkod sa inyong diyos ni sumasamba sa ipinagawa ninyong rebultong ginto.”
13 Nagalit si Haring Nebucadnezar nang marinig ito, at ipinatawag niya ang tatlong lalaki. 14 Sinabi niya, “Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo bang hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos ni sumasamba sa rebultong ginto na aking ipinagawa? 15 Iniuutos ko sa inyong lumuhod kayo at sumamba sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Sa palagay ba ninyo'y may diyos na makakapagligtas sa inyo mula sa aking kapangyarihan?”
16 Sinabi nina Shadrac, Meshac at Abednego, “Mahal na haring Nebucadnezar, wala po kaming masasabi sa inyo tungkol sa bagay na ito. 17 Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa naglalagablab na pugon at mula sa inyong kapangyarihan. 18 Kung hindi man niya kami iligtas, hindi pa rin kami maglilingkod sa inyong mga diyos ni sasamba sa rebultong ginto na ipinagawa ninyo.”
Inihagis ang Tatlong Kabataan sa Naglalagablab na Pugon
19 Namula ang mukha ni Haring Nebucadnezar sa tindi ng galit kina Shadrac, Meshac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painitin pa ng pitong ulit ang pugon. 20 Inutusan din niya ang ilan sa mga pinakamalakas niyang kawal na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego at ihagis sa naglalagablab na pugon. 21 Ginapos nga sila nang hindi na inalis ang damit, ang panloob at panlabas, turbante, at iba pang nakasuot sa kanila, at inihagis sila sa naglalagablab na apoy. 22 Dahil sa mahigpit ang utos ng hari na patindihin ang init ng pugon lumabas ang apoy kaya nasunog at namatay ang mga kawal na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. 23 Samantala, nakagapos pa rin na bumagsak sa naglalagablab na apoy ang tatlong kabataan.
24 Nagtaka at biglang napatindig si Haring Nebucadnezar at itinanong sa kanyang mga tagapayo, “Hindi ba't tatlo lamang ang inihagis sa apoy?”
“Opo, kamahalan,” sagot nila.
25 “Bakit apat ang nakikita kong walang gapos at naglalakad sa gitna ng apoy nang hindi nasusunog? At ang tingin ko sa ikaapat ay parang anak ng mga diyos.”
Pinalaya at Itinaas sa Tungkulin sina Shadrac, Meshac at Abednego
26 Lumapit si Haring Nebucadnezar sa may bunganga ng pugon. Sinabi niya, “Lumabas kayo riyan at halikayo rito, Shadrac, Meshac at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos!” Lumabas nga silang tatlo mula sa pugon 27 at lumapit sa kanila ang lahat ng mga pinuno ng kaharian. Tiningnan silang mabuti ng mga ito ngunit wala man lamang nakitang bakas ng apoy sa katawan ng tatlo. Hindi nasunog ni bahagya man ang kanilang buhok at ang kanilang kasuotan. Hindi rin sila nag-amoy usok.
28 Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego! Isinugo niya ang kanyang anghel upang iligtas ang mga lingkod niyang ito na ganap na sumampalataya sa kanya. Hindi sinunod ng mga ito ang aking utos; ginusto pa nilang sila'y ihagis sa apoy kaysa sumamba sa diyus-diyosan. 29 Kaya, ipinag-uutos ko: Sinuman mula sa alinmang lahi, bansa o wika na magsasalita laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego ay papatayin at ang kanilang bahay ay wawasakin. Walang ibang diyos na makakapagligtas sa tao, tulad ng ginawa ng kanilang Diyos.”
30 At sina Shadrac, Meshac at Abednego ay itinaas niya sa tungkulin sa lalawigan ng Babilonia.
Ang Ikalawang Panaginip ni Haring Nebucadnezar
4 Gumawa si Haring Nebucadnezar ng isang pahayag para sa lahat ng lahi, bansa at wika sa buong daigdig. Ganito ang isinasaad:
“Kapayapaan nawa ang sumainyo. 2 Buong kagalakang ipinapahayag ko sa inyo ang mga kababalaghan at himala na ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3 “Ang kanyang kababalaghan ay kamangha-mangha
at kagila-gilalas ang mga himala!
Walang hanggan ang kanyang kaharian;
kapangyarihan niya'y magpakailanman.
4 “Akong si Nebucadnezar ay panatag at masaganang namumuhay sa aking palasyo. 5 Minsan, nagkaroon ako ng isang nakakatakot na panaginip at mga nakakasindak na pangitain habang natutulog. 6 Kaya, ipinatawag ko ang mga tagapayo ng Babilonia upang ipaliwanag sa akin ang panaginip na iyon. 7 Dumating naman ang mga salamangkero, mga enkantador, mga astrologo at mga manghuhula. Sinabi ko sa kanila ang aking panaginip ngunit hindi nila ito maipaliwanag. 8 Ang kahuli-hulihang nagpunta sa akin ay si Daniel na pinangalanan kong Beltesazar, ayon sa pangalan ng aking diyos sapagkat sumasakanya ang espiritu ng mga banal na diyos. At inilahad ko sa kanya ang aking panaginip. Ang sabi ko: 9 Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos at alam mo ang lahat ng hiwaga. Ngayo'y sasabihin ko sa iyo ang aking panaginip at ipaliwanag mo ito sa akin.
10 “Ito ang panaginip ko habang ako'y natutulog: May isang napakataas na punongkahoy na nakatanim sa gitna ng daigdig. 11 Tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito ng buong daigdig. 12 Madahon ang mga sanga nito at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat. Sumisilong sa lilim nito ang mga hayop at ang mga ibon naman ay namumugad sa kanyang mga sanga. Dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.
13 “Nakita ko rin sa panaginip na bumababa mula sa langit ang isang anghel na nagbabantay. 14 Sumigaw siya nang malakas, ‘Ibuwal ang punongkahoy na iyan! Putulin ang mga sanga! Lagasin ang mga dahon at isabog ang mga bunga. Itaboy ang mga hayop na nakasilong dito pati ang mga ibong namumugad sa mga sanga nito. 15 Ngunit huwag gagalawin ang tuod at mga ugat nito. Tanikalaan ito ng bakal at tanso. Bayaan ito sa damuhan sa gitna ng parang. Bayaang mabasa ng hamog ang taong ito at manirahan sa parang kasama ng mga hayop at mga halaman. 16 Ang isip niya'y papalitan ng isip ng hayop sa loob ng pitong taon. 17 Ito ang hatol ng mga bantay na anghel upang malaman ng lahat na ang buong daigdig ay sakop ng Kataas-taasang Diyos. Maaari niyang gawing hari ang sinumang nais niya, kahit na ang pinakaabang tao.’
18 “Ito ang panaginip ko, Beltesazar. Ipaliwanag mo ito sa akin. Ito'y hindi naipaliwanag ng mga tagapayo ng Babilonia ngunit naniniwala akong kayang-kaya mo, sapagkat sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos.”
Ang Paliwanag ni Daniel sa Panaginip ng Hari
19 Si Daniel, na tinatawag na Beltesazar ay nabahala at hindi agad nakapagsalita. Sinabi sa kanya ng hari, “Beltesazar, huwag kang mabahala kung anuman ang kahulugan ng aking panaginip.”
Sumagot si Daniel, “Mahal na hari, sa mga kaaway nawa ninyo mangyari ang inyong panaginip. 20 Ang lumaking punongkahoy na nakita ninyo sa panaginip, tumaas hanggang langit at kitang-kita ng buong daigdig, 21 may makapal na dahon at maraming bungang makakain ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon, 22 ay kayo po. Kayo ang lumakas at lumaking puno na abot sa langit na ang nasasakop ay hanggang sa magkabilang panig ng daigdig. 23 Ang bantay na inyong nakita ay isang anghel mula sa langit. Sinabi niyang ibubuwal ang punongkahoy at sisirain ngunit iiwan ang tuod nito at lalagyan ng tanikalang bakal at tanso. Sinabi pa niyang ito'y pababayaang mabasa ng hamog, at makakasama siya ng mga hayop sa parang at paparusahan sa loob ng pitong taon. 24 Ito po ang kahulugan, mahal na hari: Iyon ang hatol sa inyo ng Kataas-taasang Diyos. 25 Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Kakain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa kaparangan kayo maninirahan at pitong taóng paparusahan hanggang sa kilalanin ninyong ang kaharian ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya ang kahariang ito sa sinumang kanyang naisin. 26 Ganito naman ang kahulugan ng tuod na naiwan sa lupa: Maghahari kayong muli sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. 27 Kaya,(D) mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa mahihirap na mamamayan upang manatiling payapa ang inyong buhay.”
28 Lahat ng ito'y naganap sa buhay ni Haring Nebucadnezar. 29 Lumipas ang labindalawang buwan mula nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip. Minsan, namamasyal ang hari sa hardin sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia. 30 Sinabi niya, “Talagang dakila na ang Babilonia. Ako ang nagtatag nito upang maging pangunahing lunsod at maging sagisag ng aking karangalan at kapangyarihan.”
31 Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Haring Nebucadnezar, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian. 32 Ipagtatabuyan ka sa parang at doon maninirahan kasama ng mga hayop. Kakain ka ng damo tulad ng baka. Pitong taon kang mananatili sa gayong kalagayan hanggang sa kilalanin mong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang kaharian ng mga tao, at maaari niyang ibigay ito kaninuman niyang naisin.”
33 Nangyari agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya sa parang at kumain ng damo, tulad ng baka. Nabasa siya ng hamog. Humaba ang buhok niya na parang balahibo ng agila, at ang kuko ay naging tila kuko ng ibon.
Patotoo ni Nebucadnezar
34 “Pagkatapos(E) ng takdang panahon, akong si Nebucadnezar ay tumingala sa langit at nanumbalik ang dati kong pag-iisip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman.
Ang kapangyarihan niya'y walang hanggan,
ang paghahari niya'y magpakailanman.
35 Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga;
ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya.
Walang maaaring mag-utos sa kanya
ni makakatutol sa kanyang ginagawa.
36 “Nang manauli ang aking pag-iisip, nanumbalik din ang aking karangalan at kapangyarihan. Muli kong tinanggap ang aking mga tagapayo at mga tagapamahala at ako'y naging higit na dakila at makapangyarihan kaysa dati.
37 “Kaya, akong si Nebucadnezar ay nagpupuri ngayon at nagpapasalamat sa Hari ng kalangitan sapagkat lahat ng gawa at tuntunin niya ay matuwid at makatarungan; ibinabagsak niya ang mga palalo.”
Ang mga Sulat sa Pader
5 Minsan, si Haring Belsazar ay nagdaos ng malaking handaan para sa sanlibo niyang tagapamahala, at nakipag-inuman siya sa kanila. 2 Nang lasing na si Haring Belsazar, ipinakuha niya ang mga sisidlang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nebucadnezar sa Templo sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman niya at ng mga tagapamahala ng kaharian, ng kanyang mga asawa at mga asawang lingkod. 3 Dinala naman sa bulwagang pinagdarausan ng handaan ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam mula sa Templo ng Diyos sa Jerusalem, at ininuman nila ang mga ito. 4 Habang sila'y nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga diyos na yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.
5 Walang anu-ano'y lumitaw ang isang kamay ng tao at sumulat ito sa pader ng palasyo sa tapat ng lalagyan ng ilawan. Nakita ito ng hari, 6 namutla siya, nangatog ang mga tuhod at nalugmok sa matinding takot. 7 Sumigaw siya, “Dalhin dito ang mga enkantador, mga astrologo, at mga manghuhula.” Sinabi niya sa mga ito, “Sinumang makabasa at makapagpaliwanag sa nakasulat na ito ay bibihisan ko ng damit na kulay ube, kukuwintasan ko ng ginto, at gagawin kong ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian.” 8 Dumating lahat ang mga tagapayo ng hari ngunit isa ma'y walang makabasa o makapagpaliwanag sa kahulugan ng nakasulat sa pader. 9 Lalong nabagabag at namutla ang hari. Litung-lito naman ang kanyang mga tagapamahala.
10 Ang inang reyna ni Haring Belsazar ay pumasok sa bulwagan nang marinig niya ang pag-uusap ng anak niyang hari at ng mga tagapamahala nito. Sinabi niya, “Mabuhay ang anak kong hari. Huwag kang mabagabag at mamutla sa takot. 11 Sa kaharian mo ay may isang taong kinakasihan ng espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong amang si Nebucadnezar, nagpakita siya ng pambihirang katalinuhan, tulad ng katalinuhan ng mga diyos. Ang lalaking iyon ay hinirang noon ng iyong ama bilang pinuno ng mga salamangkero, mga enkantador, mga nakikipag-usap sa mga espiritu, at mga astrologo 12 dahil sa pambihira niyang talino sa pagpapaliwanag ng mga panaginip at ng mga palaisipan, at paglutas ng mabibigat na suliranin. Ang lalaking iyon ay si Daniel na tinawag ng hari na Beltesazar. Ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ito sa iyo.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat sa Pader
13 Iniharap nga si Daniel sa hari. Sinabi nito kay Daniel, “Ikaw pala ang Daniel na kasama sa mga dinalang-bihag ng aking amang hari. 14 Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. Mayroon ka raw pambihirang talino at karunungan. 15 Ang sulat na ito ay ipinabasa ko na sa mga tagapayo at mga enkantador upang ipaliwanag sa akin, ngunit hindi nila ito nagawa. 16 Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga panaginip at lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, bibihisan kita ng damit na kulay ube, kukuwintasan kita ng ginto at gagawing ikatlo sa kapangyarihan sa aking kaharian.”
17 Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na lang po ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na lamang po at ipapaliwanag ang nakasulat.
18 “Mahal na hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan siya ng karangalan. 19 Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao sa bawat bansa at wika ay nanginig at natakot sa harapan niya. Ipinapapatay niya ang gusto niyang ipapatay at inililigtas niya sa kamatayan ang nais niyang iligtas. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas at ibinababâ naman ang gusto niyang ibaba. 20 Ngunit nang siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas, inalis siya sa pagiging hari at nawala ang kanyang karangalan. 21 Inihiwalay siya sa lipunan at nanirahang kasama ng maiilap na asno. Ang isip niya'y pinalitan ng isip ng hayop. Kumain siya ng damo, tulad ng mga baka. Sa labas siya natutulog at doo'y nababasa ng hamog. Ganyan ang kanyang kalagayan hanggang sa kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang namamahala sa kaharian ng mga tao, at inilalagay niya sa trono ang sinumang nais niya.
22 “At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsazar, hindi kayo nagpakumbaba. 23 Sa halip, nagmataas kayo sa harapan ng Panginoon ng kalangitan. Ipinakuha ninyo ang mga sisidlang mula sa kanyang Templo at ininuman ninyo at ng inyong mga tagapamahala, mga asawa at asawang lingkod. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig ni nakakaunawa man. At ang Diyos na nagbibigay at nagtatakda ng inyong buhay ay hindi ninyo pinarangalan. 24 Kaya, ipinadala niya ang kamay na iyon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo.
25 “Ito ang nakasulat: Mene, Mene, Tekel, Parsin.[c] 26 Ito naman ang kahulugan: ‘Mene,’ nabibilang na ang araw ng iyong paghahari sapagkat wawakasan na ito ng Diyos. 27 ‘Tekel,’ tinimbang ka at napatunayang kulang. 28 ‘Peres,’ ang kaharian mo ay mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”[d]
29 Iniutos ni Haring Belsazar na bihisan si Daniel ng damit na kulay ube at kuwintasan ng yari sa dalisay na ginto. Pagkatapos, ipinahayag niyang ito ang ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian. 30 Nang gabi ring iyon, pinatay si Belsazar, ang hari ng Babilonia. 31 Ang kanyang kaharian ay kinuha ni Dario, hari ng Media na noo'y animnapu't dalawang taon na.
Si Daniel sa Kulungan ng mga Leon
6 Si Haring Dario ay pumili ng isandaa't dalawampung pinuno ng mga rehiyon sa buong kaharian. 2 Pumili rin siya ng tatlong mamamahala sa mga pinuno ng rehiyon at mangangalaga sa kapakanan ng hari, at isa rito si Daniel. 3 Si Daniel ang naging pangunahin sa tatlong tagapamahala at sa mga pinuno ng mga rehiyon dahil sa pambihira niyang karunungan. Dahil dito, inisip ng hari na siya ang gawing tagapamahala sa buong kaharian. 4 Kaya, ang dalawang kasama niyang tagapamahala at ang mga pinuno ng mga rehiyon ay humanap ng maibibintang kay Daniel upang huwag matuloy ang magandang balak ng hari para sa kanya. Ngunit wala silang makitang dahilan sapagkat laging matapat si Daniel sa kanyang tungkulin. 5 Kaya't sinabi nila, “Wala tayong maibibintang sa kanya maliban sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”
6 Nagkaisa silang humarap sa hari. Sinabi nila, “Mabuhay ang Haring Dario! 7 Kami pong mga tagapamahala ng kaharian, mga pinuno ng mga rehiyon, at mga tagapayo ay nagkakaisa ng palagay. Mabuti po'y ipag-utos ninyong sa loob ng tatlumpung araw ay walang sasamba o mananalangin sa ibang diyos o tao liban sa inyo. Sinumang hindi susunod sa utos na ito ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon. 8 Kaya, mahal na hari, magpalabas po kayo ng gayong kautusan at inyong lagdaan upang maging batas ng Media at Persia—batas na hindi mababago ni mapapawalang bisa.” 9 At gayon nga ang ginawa ni Haring Dario.
10 Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian. 11 Ngunit binabantayan pala siya ng kanyang mga kaaway. Nang makita siyang nananalangin, 12 siya'y kanilang isinumbong sa hari at sinabing, “Hindi po ba't pinagtibay ninyo ang isang kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa sinumang diyos o tao liban sa inyo at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sinumang lumabag dito?”
Sumagot ang hari, “Ang kautusan ng Media at Persia ay hindi mababago ni mapapawalang bisa.”
13 Sinabi nila, “Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda ay lumabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.”
14 Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel. 15 Nang magkaroon muli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, “Alalahanin ninyo, mahal na hari, na batas sa Media at Persia na hindi maaaring baguhin ang alinmang kautusan na pinagtibay ng hari.”
16 Dahil(F) dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.” 17 Ang bunganga ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga tagapamahala para hindi mabuksan ng sinuman. 18 Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Ngunit magdamag itong hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw rin niyang paaliw.
19 Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon. 20 Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na lingkod ng Diyos na buháy! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?”
21 Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang hari! 22 Wala(G) pong nangyari sa akin sapagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na isinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito sapagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagawang masama laban sa inyo.”
23 Dahil dito, labis na nagalak ang hari at iniutos na iahon si Daniel mula sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon na, wala silang nakita kahit man lang bahagyang galos sa katawan ni Daniel sapagkat nagtiwala siya sa kanyang Diyos. 24 Ang mga nagbintang kay Daniel ay ipinahulog ng hari sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon.
25 Pagkatapos, sinulatan ni Haring Dario ang lahat ng tao sa bawat bansa at wika sa buong daigdig. Isinasaad sa sulat: “Sumainyo ang kapayapaan! 26 Iniuutos ko sa lahat ng aking mga nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel.
“Sapagkat siya ang Diyos na buháy,
at mananatili magpakailanman.
Hindi mawawasak ang kanyang kaharian,
at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan.
27 Siya ay sumasaklolo at nagliligtas;
gumagawa siya ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa.
Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”
28 At naging matagumpay si Daniel sa panahon ni Haring Dario at sa panahon ni Haring Ciro ng Persia.
Ang Pangitain ni Daniel tungkol sa Apat na Halimaw
7 Noong unang taon ni Belsazar bilang hari ng Babilonia, si Daniel ay nagkaroon ng pangitain sa kanyang panaginip. Isinulat ito ni Daniel.
2 Isang gabi nakita ko na kabi-kabila ay binabayo ng malakas na hangin ang malaking dagat. 3 Mula(H) sa dagat ay may umahong apat na iba't ibang halimaw. 4 Ang(I) una ay parang leon, ngunit may mga pakpak ng agila; habang ako'y nakatingin, nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong parang tao. Binigyan ito ng isip ng tao. 5 Ang ikalawa naman ay parang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.” 6 Ang ikatlo ay kahawig ng leopardo. Ito'y may apat na pakpak sa likod tulad ng sa ibon, apat din ang ulo, at binigyan ito ng kapangyarihan. 7 Pagkaraan,(J) nakita ko ang ikaapat na halimaw. Nakakatakot ito at napakalakas. Bakal ang ngipin nito at niluluray ang anumang makagat at tinatapakan ang matira doon. Kakaiba ito sa tatlong nauna sapagkat ito'y may sampung sungay. 8 Pinagmasdan(K) kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ang sungay na ito ay may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan.
Ang Pangitain tungkol sa Nabubuhay Magpakailanpaman
9 Habang(L) ako'y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono niya'y naglalagablab at ang mga gulong nito'y nagliliyab. 10 Parang(M) bukal ang apoy na dumadaloy mula sa kanya. Pinaglilingkuran siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap niya. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.
11 Dahil sa sobrang kayabangang sinasabi ng sungay, muli akong tumingin at nakitang pinatay ang ikaapat na hayop at inihagis ito sa apoy. 12 Ang iba namang halimaw ay inalisan ng kapangyarihan ngunit binigyan pa ng panahong mabuhay.
13 Patuloy(N) ang aking pangitain. Nakita ko sa alapaap sa langit ang parang isang tao. Lumapit siya sa Nabubuhay Magpakailanpaman. 14 Binigyan(O) siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian upang paglingkuran siya ng lahat ng tao sa bawat bansa at wika. Ang pamamahala niya ay hindi magwawakas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak.
Ang Kahulugan ng mga Pangitain
15 Akong si Daniel ay nalito at nabagabag dahil sa pangitaing iyon. 16 Kaya't nilapitan ko ang isang nakatayo roon at tinanong ko siya kung ano ang kahulugan ng mga bagay na aking nasaksihan. Ipinaliwanag naman niya ang mga ito sa akin. 17 Ang sabi niya, “Ang apat na halimaw ay apat na kahariang lilitaw sa daigdig. 18 Ngunit(P) ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.”
19 Hinangad kong malaman ang kahulugan ng ikaapat na halimaw sapagkat malaki ang kaibahan nito sa tatlo at dahil sa nakakatakot ang anyo nito: bakal ang mga ngipin at tanso ang mga panga. Dinudurog nito saka nilulunok ang lahat ng abutan at tinatapakan ang matira. 20 Hinangad ko ring malaman ang kahulugan ng sampung sungay at ang kahulugan noong isang sungay na tumubo at naging dahilan para mabunot ang tatlo. Gusto ko ring malaman ang kahulugan ng mga mata at ng bibig sa sungay na sobrang kayabangan ang pinagsasasabi, at kung bakit ang sungay na ito'y mas malaki kaysa iba.
21 Samantalang(Q) ako'y nakatingin, nakita kong dinigma at nilupig ng sungay na ito ang mga hinirang ng Diyos. 22 Pagkatapos,(R) dumating ang Nabubuhay Magpakailanpaman at nagbigay ng hatol sa panig ng mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian.
23 Ganito ang sinabi niya sa akin: “Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kahariang lilitaw sa daigdig. Kakaiba ito sa lahat ng kaharian sapagkat masasakop, yuyurakan at dudurugin nito ang buong daigdig. 24 Ang(S) sampung sungay ay kumakatawan sa sampung hari ng kahariang ito. Sa gitna nila'y lilitaw ang isa na kaiba sa mga nauna at tatlong hari ang kanyang pababagsakin. 25 Magsasalita(T) siya laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Tatangkain niyang baguhin ang kautusan at mga takdang kapanahunan. Ang mga hinirang ng Diyos ay ipapailalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati. 26 Ngunit siya'y hahatulan. Kukunin sa kanya ang kaharian at pupuksain siya nang lubusan. 27 Ang(U) kaharian at ang karangalan ng mga kaharian sa buong daigdig ay ibibigay sa mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Sila ay maghahari magpakailanman. Maglilingkod at susunod sa kanila ang lahat ng kaharian.”
28 Dito natapos ang pangitain. Akong si Daniel ay lubhang nabahala at namutla sa takot. Sinarili ko na lamang ang mga bagay na ito.
Ang Pangitain tungkol sa Barakong Tupa at Kambing
8 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belsazar, akong si Daniel ay nagkaroon ng ikalawang pangitain.[e] 2 Sa pangitaing iyon ako'y nasa pampang ng Ilog Ulai, sa napapaderang lunsod ng Susa, lalawigan ng Elam. 3 Nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog ang isang barakong tupa. May dalawang sungay ito na parehong mahaba ngunit mas mahaba ang sungay na huling tumubo. 4 Nakita kong ito'y nanunuwag pakanluran, pahilaga, at patimog. Walang ibang hayop na makalaban sa kanya, ni walang makalapit upang saklolohan ang sinumang daluhungin nito. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging palalo siya.
5 Habang ito'y pinagmamasdan ko, isang barakong kambing ang sumulpot na humahagibis mula sa kanluran na hindi na halos sumasayad sa lupa ang mga paa. Kapansin-pansin ang sungay nito sa pagitan ng dalawang mata. 6 Galit na galit na sinugod niya ang barakong tupa na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. 7 Walang pakundangan niya itong pinagsusuwag hanggang sa mabali ang dalawang sungay ng tupa. Hindi naman ito makalaban. Ibinuwal ito ng kambing at niyurakan. Walang makasaklolo sa tupa.
8 Kaya naging palalo ang barakong kambing. Nang nasa sukdulan na ang kanyang lakas, nabali ang sungay niyang malaki ngunit may pumalit na apat na kapansin-pansing sungay na nakatutok sa iba't ibang apat na direksiyon ng kalangitan. 9 Ang isa sa apat niyang sungay ay nagkaroon ng maliit na sanga. Ito ay lumaki nang lumaki hanggang umabot sa timog, sa silangan at sa lupang pangako. 10 Umabot(V) ang kapangyarihan nito hanggang sa kalangitan, at pinabagsak sa lupa ang ilan sa mga bituin at tinapakan ang mga iyon. 11 Kaya naging sobrang yabang ang maliit na sungay at kinalaban nito pati ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. Inalis nito ang araw-araw na paghahandog at winasak ang dakong doo'y sinasamba ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. 12 Dinaig din nito ang hukbo ng kalangitan at ang araw-araw na paghahandog ay napalitan ng kasamaan. Ang katotohanan ay niyurakan at nagawa ng sungay ang lahat ng gusto niyang gawin. 13 May narinig akong nag-uusap na dalawang anghel. Ang tanong ng isa, “Hanggang kailan tatagal ang mga pangyayaring ito sa pangitain? Hanggang kailan tatagal ang pagpigil sa araw-araw na paghahandog, ang paghahari ng kasamaan, at ang pagyurak sa Templo at sa hukbo ng kalangitan?”
14 “Mangyayari ang mga ito sa loob ng 2,300 gabi at umaga. Pagkatapos, muling itatalaga at gagamitin ang Templo,” sagot ng ikalawa.
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pangitain
15 Habang akong si Daniel na nakakita ng pangitaing ito ay nagsisikap na maunawaan ang kahulugan nito, biglang lumitaw sa harapan ko ang tulad ng isang tao. 16 At(W) mula sa pampang ng Ilog Ulai ay narinig ko ang isang tinig ng tao na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa taong ito ang pangitain.” 17 Nang lumapit siya sa akin, dumapa ako sa lupa dahil sa matinding takot.
Sinabi niya sa akin, “Tao, unawain mo ito: ang pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.”
18 Samantalang nagsasalita siya, walang malay-tao akong bumagsak sa lupa. Ngunit hinawakan at itinayo niya ako. 19 Sinabi niya sa akin, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa katapusan ng panahon kapag ipinakita na ng Diyos ang kanyang poot. 20 Ang dalawang sungay ng barakong tupa na nakita mo ay ang mga hari ng Media at Persia. 21 Ang barakong kambing ay ang hari ng Grecia at ang malaking sungay sa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari. 22 Tungkol naman sa apat na sungay na humalili sa unang sungay, nangangahulugan itong mahahati sa apat ang kaharian ngunit hindi magiging makapangyarihang tulad noong una. 23 Sa bandang huli, kapag nasa sukdulan na ang kanilang kasamaan, isang malupit at tusong hari ang lilitaw. 24 Magiging makapangyarihan siya at katatakutan ng lahat sapagkat magagawa niya ang lahat niyang magustuhan; lulupigin niya pati ang malalakas at ang mga hinirang ng Diyos. 25 Dahil sa kanyang katusuhan, lahat ng balakin niya ay magtatagumpay. Magiging palalo siya at walang pakundangan niyang yuyurakan ang marami. Walang sinumang taong makakahadlang sa kanya; pati ang Pinuno ng mga pinuno ay lalabanan niya. Ngunit pababagsakin siya hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao. 26 Ang pangitaing nakita mo tungkol sa paghahandog sa gabi at sa umaga ay totoo ngunit ilihim mo muna ito sapagkat matatagalan pa bago ito maganap.”
27 Akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Pagkatapos, nagbalik ako sa gawain ko sa palasyo ng hari. Nabagabag ako ng pangitaing iyon sapagkat hindi ko iyon maunawaan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.