Bible in 90 Days
Isinugo ni Jesus ang Pitumpu't Dalawa
10 Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng pitumpu't dalawa.[a] Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. 2 Sinabi(A) niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. 3 Humayo(B) kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. 4 Huwag(C) kayong magdala ng lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas. Huwag na kayong tumigil upang bumati kaninuman sa daan. 5 Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ 6 Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong pagbasbas. 7 Makituloy(D) kayo sa bahay na iyon at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng sahod. 8 Pagpasok ninyo sa isang bayan at tinanggap kayo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. 9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa mga tagaroon, ‘Malapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’ 10 Ngunit(E) pagpasok ninyo sa isang bayan at hindi kayo tinanggap, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 ‘Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay inaalis namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, malapit na ang kaharian ng Diyos!’ 12 Sinasabi(F) ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa bayang iyon sa Araw ng Paghuhukom!”
Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(G)
13 “Kawawa(H) kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 14 Mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom. 15 At(I) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay!
16 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang(J) nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
Bumalik ang Pitumpu't Dalawa
17 Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa.[b] Iniulat nila, “Panginoon, kahit po ang mga demonyo ay napapasunod namin dahil sa kapangyarihan ng inyong pangalan.”
18 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. 19 Binigyan(K) ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at daigin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. 20 Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasunod ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.”
Nagalak si Jesus(L)
21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.[c] Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga walang muwang. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.
22 “Ibinigay(M) sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong minarapat ng Anak na makakilala sa Ama.”
23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Pinagpala kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at marinig ang inyong naririnig, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”
Ang Mabuting Samaritano
25 Isang(N) dalubhasa sa Kautusan ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.
26 Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”
27 Sumagot(O) ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong lakas mo, at buong pag-iisip mo;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”
28 Sabi(P) ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”
29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”
30 Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, hinubaran, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. 33 Ngunit(Q) may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nang makita niya ang biktima, siya'y naawa. 34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang lalaki sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan siya doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang namamahala ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran kita pagbalik ko.’”
36 At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”
37 “Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng dalubhasa sa kautusan. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon, humayo ka at ganoon din ang gawin mo.”
Dumalaw si Jesus kina Martha at Maria
38 Si(R) Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan ni Martha. 39 May kapatid siyang si Maria na naupo sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Martha naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.”
41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang kailangan.[d] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”
Katuruan tungkol sa Pananalangin(S)
11 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,
‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
Dumating nawa ang iyong kaharian.
3 Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw.[e]
4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso.’”
5 Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, pahiram muna ng tatlong tinapay. 6 Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ 7 At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo akong gambalain! Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng kahit ano.’ 8 Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. 9 Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”[f]
Si Jesus at si Beelzebul(T)
14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. 15 Subalit(U) sinabi naman ng ilan sa mga naroon, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.”
16 May(V) mga nagnanais na siya'y subukin kaya't patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 17 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 18 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.
23 “Ang(W) hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat.”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(X)
24 “Kapag lumabas sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ 25 Sa pagbabalik niya ay madadatnan niyang malinis at maayos ang bahay. 26 Kaya't lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”
Ang Tunay na Pinagpala
27 Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, “Pinagpala ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo.”
28 Ngunit sumagot siya, “Higit na pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(Y)
29 Nang(Z) dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung(AA) paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa(AB) Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa(AC) Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon.”
Ang Ilaw ng Katawan(AD)
33 “Walang(AE) nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, [o kaya'y ilagay sa ilalim ng banga].[g] Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. 34 Ang iyong mata ang ilaw ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman. 35 Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(AF)
37 Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. 38 Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay bago kumain. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? 41 Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.
42 “Kahabag-habag(AG) kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Dapat lamang na gawin ninyo ito ngunit hindi dapat kaligtaan ang mas mahahalagang bagay.
43 “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. 44 Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't nalalakaran ng mga tao nang hindi nila namamalayan.”
45 Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo.”
46 Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila. 47 Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. 49 Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’ 50 Sa gayon, pananagutan ng salinlahing ito ang pagpaslang sa lahat ng mga propetang pinaslang mula nang likhain ang daigdig, 51 magmula(AH) kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Dakong Banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, mananagot ang salinlahing ito.
52 “Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.”
53 At umalis si Jesus doon. Mula noon, tinuligsa na siya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo at pinagtatatanong tungkol sa maraming bagay, 54 upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.
Babala Laban sa Pagkukunwari(AI)
12 Samantala,(AJ) dumaragsa ang libu-libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo. Ang tinutukoy ko ay ang kanilang pagkukunwari. 2 Walang(AK) natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 3 Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan.
Ang Dapat Katakutan(AL)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin higit pa rito. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!
6 “Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi kinakalimutan ng Diyos. 7 Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”
Pagkilala kay Cristo(AM)
8 “Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. 9 Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.
10 “Ang(AN) sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
11 “Kapag(AO) kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga pinuno at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Maling Pag-iipon ng Kayamanan
13 Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na paghatian namin ang aming mana.”
14 Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”
16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos,(AP) ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’
20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Pananalig sa Diyos(AQ)
22 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, sa inyong kakainin, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. 23 Sapagkat ang buhay ay higit pa kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang imbakan o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagdagdag sa kanyang buhay[h] ng kahit isang oras dahil sa pagkabalisa? 26 Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nababalisa tungkol sa ibang mga bagay? 27 Tingnan(AR) ninyo ang mga bulaklak sa parang kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 28 Kung dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. 30 Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 31 Subalit, bigyang halaga ninyo nang higit sa lahat ang kaharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang mga bagay na ito.”
Ang Kayamanang Hindi Mawawala(AS)
32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nauubos. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”
Mga Aliping Laging Handa
35 “Maging(AT) handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad(AU) kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Pinagpala ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Pinagpala sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. 39 Sinasabi(AV) ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at Di Tapat na Alipin(AW)
41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?”
42 Sumagot ang Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43 Pinagpala ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,’ bubugbugin niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing, 46 darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan[i] ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.
47 “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.”
Pagkabaha-bahagi ng Sambahayan(AX)
49 “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! 50 May(AY) isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. 51 Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. 52 Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.
53 Ang(AZ) ama laban sa anak na lalaki,
at ang anak na lalaki laban sa ama;
ang ina laban sa anak na babae,
at ang anak na babae laban sa ina;
ang biyenang babae laban sa manugang na babae,
at ang manugang na babae laban sa biyenang babae.”
Pagkilala sa mga Palatandaan(BA)
54 Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyo agad na uulan, at ganoon nga ang nangyayari. 55 At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?”
Makipagkasundo sa Kaaway(BB)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang tamang gawin? 58 Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo ka sa nagsakdal sa iyo bago dumating sa hukuman; baka kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Magsisi Upang Hindi Mapahamak
13 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. 2 Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? 3 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila. 4 At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.”
Ang Talinghaga ng Puno ng Igos
6 Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. 7 Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!’ 8 Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, 9 baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’”
Pinagaling ni Jesus ang Babaing Kuba
10 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. 11 May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat. 12 Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Malaya ka na sa iyong karamdaman.” 13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y nakatayo siya nang tuwid at nagpuri sa Diyos.
14 Ngunit(BC) nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi ng tagapamahala sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang pagalingin at huwag sa Araw ng Pamamahinga.”
15 Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? 16 Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?” 17 Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.
Ang Talinghaga ng Buto ng Mustasa(BD)
18 Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19 Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpugad sa mga sanga nito.”
Ang Talinghaga ng Pampaalsa(BE)
20 Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang kaharian ng Diyos? 21 Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina,[j] kaya't umalsa ang buong masa.”
Ang Makipot na Pintuan(BF)
22 Habang nagpapatuloy si Jesus papuntang Jerusalem, siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan. 23 Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?”
Sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag tumayo na ang pinuno ng sambahayan at isinara na ang pinto, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Sasagot(BG) naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Iiyak(BH)(BI) kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay(BJ) ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”
Ang Pagmamahal ni Jesus para sa Jerusalem(BK)
31 Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, “Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”
32 Subalit sumagot siya, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. 33 Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.
34 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinusugo sa iyo!
Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. 35 Kaya't(BL) pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Manas
14 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. 2 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas. 3 Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”
4 Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. 5 Pagkatapos(BM) ay sinabi niya sa kanila, “Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang mahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?”
6 Hindi sila nakasagot sa tanong na ito.
Pagmamataas at Pagpapakumbaba
7 Napansin ni Jesus na pinipili ng ilang mga panauhin ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinghagang ito sa kanila. 8 “Kapag(BN) inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas kilala kaysa sa iyo. 9 Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. 10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. 11 Sapagkat(BO) ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”
12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at sa gayon ay susuklian ang iyong ginawa. 13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. 14 Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Ang Talinghaga ng Malaking Handaan(BP)
15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya roon, at sinabi sa kanya, “Pinagpala ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!”
16 Sumagot si Jesus, “Isang lalaki ang naghanda ng isang malaking salu-salo, at marami siyang inanyayahan. 17 Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ 18 Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ 19 Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang magkapares na baka at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ 20 Sinabi naman ng isa, ‘Ako'y bagong kasal, kaya't hindi ako makakadalo.’
21 “Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, ‘Pumunta ka kaagad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lungsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.’ 22 Pagkatapos sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.’ 23 Kaya't sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumunta ka sa mga lansangan at sa mga daan, at pilitin mong pumarito ang sinumang makita mo upang mapuno ang aking bahay. 24 Sinasabi ko sa inyo, isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking handa!’”
Ang Pagiging Alagad(BQ)
25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, 26 “Hindi(BR) maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 27 Ang(BS) hindi magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.
28 “Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, ‘Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.’
31 “O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung kaya niya, gamit ang sampung libo niyang kawal, na sumagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.
Asin na Walang Alat(BT)
34 “Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? 35 Wala itong kabutihang maibibigay sa lupa, o kahit sa tambakan man ng dumi, kaya't ito'y itinatapon na lamang. Makinig ang may pandinig!”
Ang Nawala at Natagpuang Tupa(BU)
15 Isang(BV) araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama at nakikisalo sa mga makasalanan.” 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito.
4 “Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”
Ang Nawala at Natagpuang Salaping Pilak
8 “O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’ 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.”
Ang Dalawang Anak
11 Sinabi pa ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. 13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili[k] ng bunso ang kanyang bahagi at nagpunta sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. 14 Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. 15 Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. 16 Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga pinagbalatan ng mga bungangkahoy na pinapakain sa mga baboy. 17 Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, ‘Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. 19 Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’ 20 At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila.
“Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ 22 Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Dali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya! Suotan ninyo siya ng singsing at ng sandalyas. 23 Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y kumain at magdiwang. 24 Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga'y nagdiwang.
25 “Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?’ 27 ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’ 28 Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. 29 Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkasayahan kami ng aking mga kaibigan. 30 Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!’ 31 Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32 Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’”
Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala
16 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ari-arian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5 Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6 Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang[l] langis po.’ Kaya sabi ng katiwala, ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu.’ 7 At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8 Pinuri ng amo ang madayang katiwala dahil sa katusuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas tuso kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.”
9 At(BW) nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?
13 “Walang(BX) aliping maaaring maglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa kayamanan.”
Hindi Mawawalan ng Bisa ang Kautusan(BY)
14 Nang marinig ito ng mga Pariseo, na mga sakim sa salapi, ay kinutya nila si Jesus. 15 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.
16 “Ang(BZ) Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, at ang lahat ay nagpupumilit na makapasok dito. 17 Mas(CA) madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kahit isang tuldok ng Kautusan.
18 “Kapag(CB) hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Ang Mayaman at si Lazaro
19 “May isang mayamang laging nakasuot ng mamahaling damit at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman 21 sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay,[m] natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24 Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. 26 Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’
27 “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ 29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ 31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”
Mga Sanhi ng Pagkakasala(CC)
17 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tiyak na darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! 2 Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. 3 Kaya't(CD) mag-ingat kayo!
“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. 4 Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”
Pananampalataya sa Diyos
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!”
6 Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.”
Ang Tungkulin ng Alipin
7 “Kapag nanggaling ang inyong alipin sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, inaanyayahan ba ninyo siya agad upang kumain? 8 Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.’ 9 Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? 10 Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’”
Pinagaling ang Sampung Ketongin
11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Habang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”
14 Pagkakita(CE) sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.”
Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.
17 “Hindi ba't sampu ang pinagaling?”
tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
Ang Pagdating ng Kaharian ng Diyos(CF)
20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagdating ng kaharian ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing ‘Narito na!’ o ‘Naroon!’ Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”
22 At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May magsasabi sa inyo, ‘Naroon!’ o, ‘Narito!’ Huwag kayong pupunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. 24 Sapagkat [pagsapit ng takdang araw,][n] ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng salinlahing ito. 26 Ang(CG) pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. 27 Ang(CH)(CI) mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.
31 “Sa(CJ) araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. 32 Alalahanin(CK) ninyo ang asawa ni Lot. 33 Ang(CL) sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. [36 May dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.]”[o]
37 “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad.
Sumagot siya, “Kung nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”
Ang Biyuda at ang Hukom
18 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lungsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.’ 4 Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’” 6 At nagpatuloy ang Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. 7 Ngayon,(CM) ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?”
Ang Talinghaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis
9 Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. 10 “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ 14 Sinasabi(CN) ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(CO)
15 Inilalapit ng mga tao kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang mga kamay. Nang ito'y makita ng mga alagad, sinaway nila ang mga tao. 16 Ngunit tinawag ni Jesus ang mga bata at sinabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga katulad nila ang kaharian ng Diyos. 17 Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos gaya ng pagtanggap ng isang bata ay hindi makakapasok doon.”
Ang Lalaking Mayaman(CP)
18 May isang pinuno ng bayan na nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lamang ang mabuti! 20 Alam(CQ) mo ang mga utos, ‘Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; at igalang mo ang iyong ama at ina.’”
21 Sinabi ng lalaki, “Ang lahat pong iyan ay tinupad ko na mula pa sa pagkabata.”
22 Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi ang pinagbilhan sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin.” 23 Nalungkot ang lalaki nang marinig iyon, sapagkat siya'y napakayaman.
24 Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”
26 Nagtanong ang mga taong nakarinig nito, “Kung gayon, sino ang maliligtas?”
27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus.
28 Sinabi naman ni Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang aming mga tahanan at sumunod sa inyo.”
29 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos, 30 tatanggap siya ng higit pa sa panahong ito. At sa panahong darating, tatanggap siya ng buhay na walang hanggan.”
Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(CR)
31 Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil; kukutyain, hahamakin, at duduraan. 33 Siya'y hahagupitin at papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” 34 Subalit ang Labindalawa ay walang naunawaan sa kanilang narinig; inilihim sa kanila ang kahulugan niyon, at hindi nila nalalaman ang sinasabi ni Jesus.
Pinagaling ang Lalaking Bulag(CS)
35 Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari.
37 “Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret,” sabi nila sa kanya.
38 At siya'y sumigaw, “Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”
40 Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” “Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli,” sagot niya.
42 At sinabi ni Jesus, “Makakita ka! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
43 Noon di'y nakakita ang bulag at nagpupuri sa Diyos na sumunod kay Jesus. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos.
Nakilala ni Zaqueo si Jesus
19 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at siya'y mayaman. 3 Sinikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil siya'y pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.”
6 Nagmamadaling bumabâ si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” sabi nila.
8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.”
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang(CT) Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.”
Ang Talinghaga ng Salaping Ginto(CU)
11 Habang(CV) ang mga tao ay nakikinig, nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita at isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na darating na agad ang kaharian ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang siya'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi.[p] Sinabi niya sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.’ 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.
“Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.’ 17 ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 At sinabi niya sa alipin, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idineposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ 24 At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 ‘Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. 26 ‘Sinasabi(CW) ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’”
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(CX)
28 Pagkasabi(CY) nito, nauna si Jesus papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo'y matatagpuan ninyo ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.”
32 Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”
34 “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila.
35 Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. 36 Habang siya'y nakasakay sa asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. 37 Nang siya'y malapit na sa lungsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!”
39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin ninyo ang inyong mga alagad.”
40 Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem
41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”
Si Jesus sa Templo(CZ)
45 Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi(DA) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”
47 Araw-araw,(DB) si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Pag-aalinlangan sa Kapangyarihan ni Jesus(DC)
20 Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nangangaral ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. 2 Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”
3 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung 4 kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”
5 Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ 6 Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” 7 Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!”
8 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.”
Ang Talinghaga ng Ubasan at sa mga Magsasaka(DD)
9 Pagkatapos, isinalaysay(DE) ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. 10 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa mga magsasaka ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang bahagi. Ngunit binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinauwing walang dala. 11 Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. 12 Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. 13 Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa'y papuntahin ko ang minamahal kong anak. Tiyak na siya'y igagalang nila.’ 14 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, nag-usap-usap sila at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 15 Siya'y inihagis nila sa labas ng ubasan at pinatay.
“Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus. 16 “Pupunta siya roon at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ipapaupa niya sa iba ang ubasan.”
Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong mangyari!” 17 Tiningnan(DF) sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng nasusulat na ito,
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan’?
18 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.”
Tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(DG)
19 Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang tinutukoy niya sa talinghaga, ngunit natakot sila sa mga tao.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.