Add parallel Print Page Options

Nagalit si Jesus(A)

12 Pumasok si Jesus sa Templo at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda at namimili roon. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 13 Sinabi(B) niya, “Sinasabi sa Kasulatan,

‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan.’
    Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

14 Habang si Jesus ay nasa Templo, lumapit sa kanya ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa niya at marinig ang mga batang sumisigaw sa loob ng Templo, “Purihin ang Anak ni David!”

16 Sinabi(C) nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?”

“Naririnig ko,” tugon ni Jesus. “Hindi ba ninyo nabasa sa kasulatan: ‘Pinalabas mo sa bibig ng mga sanggol at ng mga pasusuhin ang wagas na papuri’?”

17 Iniwan sila ni Jesus at lumabas siya ng lungsod papuntang Bethania. Doon siya nagpalipas ng gabi.

Read full chapter

Pinalayas ang mga Nangangalakal sa Templo(A)

15 Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 16 Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda 17 at(B) tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!”

18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang patayin si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo.

19 Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lungsod.

Read full chapter

Pagmamalasakit para sa Templo(A)

13 Malapit(B) na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. 15 Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”

17 Naalala(C) ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”

18 Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?”

19 Sumagot(D) si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.”

20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”

21 Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya't nang siya'y muling nabuhay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito, at sila'y naniwala sa kasulatan at sa sinabi ni Jesus.

Read full chapter