Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Lucas 2-9

Ang Pagsilang ni Jesus(A)

Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya't umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala.

Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao. Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Ang mga Pastol at ang mga Anghel

Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. At tumayo(B) sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”

13 Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,

14 “Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
    at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”

15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.

20 Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.

Pinangalanan si Jesus

21 Pagsapit(C) ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.

Dinala si Jesus sa Templo

22 Nang(D) sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, 23 sapagkat(E) ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila ng handog ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon: magkapares na ibong batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.

25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

29 “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
    ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31     na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32 Ito(F) po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
    at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”

33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”

36 Naroon(G) din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa lipi ni Asher. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Ang Pagbalik sa Nazaret

39 Nang(H) maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40 Ang bata'y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos.

Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo

41 Taun-taon,(I) tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”

49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”[a] 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.

51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy(J) na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(K)

Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, “Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Sa(L) gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon.
    Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!
Matatambakan ang bawat libis,
    at mapapatag ang bawat burol at bundok.
Magiging tuwid ang daang liku-liko,
    at patag ang daang baku-bako.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’”

Kaya't(M) sinabi ni Juan sa maraming taong lumapit sa kanya upang magpabautismo, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa poot na darating? Ipakita(N) ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi kayo, at huwag ninyong sabihing mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham. Ngayon(O) pa ma'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.”

10 Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?”

11 Sumagot siya sa kanila, “Sinumang mayroong dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Gayon din ang gawin ng sinumang may pagkain.”

12 Dumating(P) din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?”

13 “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin,” tugon niya.

14 Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?”

“Huwag kayong kukuha ng pera kaninuman nang sapilitan o sa pamamagitan ng hindi makatuwirang paratang, at masiyahan kayo sa inyong sweldo,” sagot niya.

15 Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. 16 Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. 17 Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.”

18 Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita. 19 Si(Q) Herodes man na pinuno ng Galilea ay pinagsabihan din ni Juan dahil kinakasama niya ang kanyang hipag na si Herodias at dahil sa iba pang kasamaang ginagawa nito. 20 Dahil dito'y ipinabilanggo ni Herodes si Juan, at ito'y nadagdag pa sa mga kasalanan ni Herodes.

Binautismuhan si Jesus(R)

21 Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit 22 at(S) bumabâ sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ang Talaan ng mga Ninuno ni Jesus(T)

23 Magtatatlumpung taon na si Jesus nang siya'y magsimulang mangaral. Ipinapalagay ng mga tao na siya'y anak ni Jose. Si Jose naman ay anak ni Eli, 24 na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi na anak ni Melqui, at si Melqui nama'y anak ni Janai na anak ni Jose. 25 Si Jose ay anak ni Matatias na anak ni Amos. Si Amos ay anak ni Nahum na anak ni Esli. Si Esli ay anak ni Nagai, 26 anak ni Maat na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semei na anak ni Josec. Si Josec ay anak ni Joda 27 na anak ni Joanan. At si Joanan ay anak ni Resa na anak ni Zerubabel, anak ni Salatiel na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melqui na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam na anak ni Elmadam, na anak ni Er. 29 Si Er ay anak ni Josue na anak ni Eliezer, anak ni Jorim na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi 30 na anak ni Simeon na anak ni Juda. Si Juda ay anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam na anak ni Eliaquim, 31 na anak ni Melea. Si Melea ay anak ni Menna na anak ni Matata, anak ni Natan na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse na anak ni Obed, at si Obed ay anak naman ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon na anak ni Naason, 33 anak ni Aminadab na anak ni Admin. Si Admin ay anak ni Arni na anak ni Esrom, na anak ni Fares. Si Fares ay anak ni Juda 34 na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Terah na anak ni Nahor. 35 Si Nahor ay anak ni Serug na anak ni Reu, na anak ni Peleg, at si Peleg ay anak ni Eber na anak ni Sala. 36 Si Sala ay anak ni Cainan na anak ni Arfaxad na anak ni Shem. Si Shem ay anak ni Noe, anak ni Lamec 37 na anak ni Matusalem na anak ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared na anak ni Mahalaleel na anak ni Kenan. 38 Si Kenan ay anak ni Enos na anak ni Set. At si Set ay anak ni Adan na anak ng Diyos.

Ang Pagtukso kay Jesus(U)

Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang at sa loob ng apatnapung araw ay tinukso siya ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom.

Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito.”

Ngunit(V) sinagot ito ni Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao [kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos].[b]’”

Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar, at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig. Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga ito. Ipinagkaloob ang lahat ng ito sa akin, at maaari kong ibigay kung kanino ko gusto. Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging iyo na ang lahat ng ito.”

Sumagot(W) si Jesus, “Nasusulat,

‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin,
    at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”

Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka 10 dahil(X) nasusulat,

‘Sa kanyang mga anghel, ika'y ipagbibilin,
    sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,’

11 at

‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
    nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”

12 Subalit(Y) sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!’”

13 Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon.

Ang Pasimula ng Gawain ni Jesus sa Galilea(Z)

14 Bumalik sa Galilea si Jesus taglay ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinangaan siya ng lahat.

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(AA)

16 Pumunta si Jesus sa Nazaret, ang bayan kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng kasulatan, 17 at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:

18 “Ang(AB) Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
    sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya,
    at sa mga bulag na sila'y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,
19     at upang ipahayag ang panahon
    ng pagliligtas ng Panginoon.”

20 Inirolyo niya ang kasulatan, isinauli sa tagapag-ingat at siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.”

22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila.

23 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili!’ Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ 24 Tandaan(AC) ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit(AD) sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit(AE) hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa(AF) dinami-dami ng mga may ketong[c] sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.”

28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinatatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Ang Lalaking Sinasaniban ng Masamang Espiritu(AG)

31 Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha(AH) sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. 33 May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

35 Subalit sinaway siya ni Jesus, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, lumabas ang demonyo sa kanya nang hindi siya sinasaktan.

36 Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Makapangyarihan at mabisa ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at lumalayas naman sila!” 37 At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(AI)

38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.

40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng mga kasamahan nilang maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Lumabas sa marami ang mga demonyo, na sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.

Nangaral si Jesus sa Judea(AJ)

42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, sapagkat ito ang dahilan kaya ako isinugo.” 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.

Ang Pagtawag ni Jesus sa Unang Apat na Alagad(AK)

Minsan,(AL) habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nililinisan ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat at wala sila sa kanilang mga bangka. Sumakay siya sa isa sa mga ito na pag-aari ni Simon. Hiniling niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa baybayin. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”

Sumagot(AM) si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Ganoon(AN) nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.”

Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”

11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(AO)

12 Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”[d]

13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais ko. Gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. 14 Pinagbilinan(AP) siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri sa kanya. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.”

15 Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.

Pinagaling ang Isang Paralitiko(AQ)

17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo doon. Sila'y galing sa bawat bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.”

21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?”

22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sa pagkamangha ay sinabi nila, “Nakakita tayo ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!”

Ang Pagtawag kay Levi(AR)

27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.

29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't(AS) nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”

31 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”

Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(AT)

33 May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Subalit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at pag-inom.”

34 Sumagot si Jesus, “Hinahayaan ba ninyong hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Di ba hindi? 35 Darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.”

36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. 39 Kapag nakainom ka na ng lumang alak, hindi mo na gugustuhing uminom ng bagong alak. Ang sasabihin mo, ‘Mas masarap ang lumang alak.’”

Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(AU)

Isang(AV) Araw ng Pamamahinga,[e] nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga trigo, kinuskos sa kanilang mga kamay at kanila itong kinain. “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?” tanong ng ilang Pariseo.

Sinagot(AW) sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? Di(AX) ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na bawal kainin ninuman maliban sa mga pari lamang? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

Ang Taong Paralisado ang Kamay(AY)

Noong isa pang Araw ng Pamamahinga,[f] pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika, tumayo ka rito.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.

11 Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.

Pinili ang Labindalawa(AZ)

12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, 16 si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Nagturo at Nagpagaling si Jesus(BA)

17 Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. 18 Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. 19 Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya na nagpapagaling sa lahat.

Ang Pinagpala at ang Kahabag-habag(BB)

20 Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi,

“Pinagpala kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos!
21 “Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon,
    sapagkat kayo'y bubusugin.
“Pinagpala kayong mga tumatangis ngayon,
    sapagkat kayo'y magsisitawa!

22 “Pinagpala(BC) kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinaparatangang kayo ay masama. 23 Magalak(BD) kayo at lumukso sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 “Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon,
    sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan.
25 “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo'y magugutom!
“Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon,
    sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis!

26 “Kahabag-habag kayo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.”

Ang Pag-ibig sa Kaaway(BE)

27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. 31 Gawin(BF) ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.

32 “Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Ang mga makasalanan man ay nagmamahal din sa mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung ang mga gumagawa lamang ng mabuti sa inyo ang gagawan ninyo ng mabuti, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! 34 At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. 35 Sa(BG) halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong magpasalamat. 36 Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama na mahabagin.”

Ang Paghatol sa Kapwa(BH)

37 “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin. 38 Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.”

39 Tinanong(BI) sila ni Jesus nang patalinghaga, “Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon! 40 Walang(BJ) alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro.

41 “Bakit mo pinapansin ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang trosong nasa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, nang makakita kang mabuti; sa gayon, maaalis mo na ang puwing ng iyong kapatid.”

Sa Bunga Makikilala ang Puno(BK)

43 “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at wala ring masamang puno na namumunga ng mabuti. 44 Nakikilala(BL) ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. 45 Ang(BM) mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong puno ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.”

Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay(BN)

46 “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? 47 Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. 48 Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakikinig naman ng aking mga salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang bumaha at bumugso ang tubig sa bahay na iyon, kaagad itong bumagsak at lubusang nawasak.”

Pinagaling ang Alipin ng Kapitang Romano(BO)

Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya at sinabi, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.”

Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong mag-abala. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita lamang po kayo at gagaling na ang aking alipin. Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.”

Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”

10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.

Muling Binuhay ang Anak ng Isang Biyuda

11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. 12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, may isang lalaking namatay na dala ng mga tao patungo sa libingan. Ito ay kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming tao mula sa bayan ang sumama upang makipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan niya at hinipo ang kabaong at tumigil ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”

15 Bumangon ang patay at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.

16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!”

17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.

Ang mga Sugo ni Juan na Tagapagbautismo(BP)

18 Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila 19 at pinapunta sa Panginoon[g] upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. 20 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” 21 Nang oras na iyon, pinagaling ni Jesus ang maraming taong may sakit, may karamdaman at sinasapian ng masasamang espiritu. Maraming mga bulag ang binigyan niya ng paningin. 22 Kaya't(BQ) sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. 23 Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

24 Pagkaalis ng mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na inihahapay ng hangin? 25 Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may magarang damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. 26 Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 27 Sapagkat(BR) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan:

‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo,
    upang ihanda ang iyong daraanan.’

28 Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa kaharian ng Diyos.”

29 Ang(BS) lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila sapagkat ayaw nilang magpabautismo kay Juan.

31 Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? 32 Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,

‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Umawit kami ng panaghoy, ngunit hindi kayo umiyak!’

33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ 34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ 35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga tumatanggap nito.”

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus

36 Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumunta naman siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. 37 Sa(BT) bayang iyon ay may isang babaing makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya't nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa gawing paanan. Umiiyak na binasâ niya ng kanyang mga luha ang mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok, hinalikan, at binuhusan ng pabango ang mga paa nito. 39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung totoong propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”

40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”

“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.

41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang taong may utang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”

43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”

“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ang mga ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin ang pagmamahal.”

48 At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?”

50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”

Mga Babaing Naglilingkod kay Jesus

Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at(BU) ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas), si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Tinustusan ng mga ito mula sa sarili nilang ari-arian ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad.

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(BV)

Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinghagang ito:

“Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ng mga tao at tinuka ng mga ibon. May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tig-iisandaan.”

At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(BW)

Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. 10 Sumagot(BX) si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y sa pamamagitan ng talinghaga. Nang sa gayon,

‘Tumingin man sila'y hindi sila makakakita;
    at makinig man sila'y hindi sila makakaunawa.’”

Ang Paliwanag tungkol sa Talinghaga(BY)

11 “Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't pagdating ng pagsubok, sila'y tumitiwalag. 14 Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. 15 Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”

Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw(BZ)

16 “Walang(CA) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang magkaroon ng liwanag para sa mga pumapasok sa bahay. 17 Walang(CB) natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag.

18 “Kaya't(CC) pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(CD)

19 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makita kayo.”

21 Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang aking ina at mga kapatid.”

Pinatigil ang Bagyo(CE)

22 Isang araw, sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na unos at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganib na lumubog. 24 Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, Panginoon, mamamatay tayo!” sabi nila.

Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin at ang malalaking alon. Tumahimik ang mga ito at bumuti ang panahon. 25 Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang inyong pananampalataya?”

Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!”

Ang Pagpapagaling sa Geraseno(CF)

26 Dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno,[h] katapat ng Galilea sa kabilang ibayo ng lawa. 27 Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, ni ayaw ring tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan namamalagi. 28 Nang makita si Jesus ay nagsisisigaw ang lalaki, nagpatirapa at sinabi nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29 Ganoon ang sinabi nito sapagkat inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu. Madalas itong sinasapian ng masasamang espiritu, at kahit ito'y bantayan at tanikalaan ang paa't kamay, pinaglalagut-lagot lamang nito ang mga iyon. Siya'y dinadala ng demonyo sa mga liblib na pook.

30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”

“Batalyon,” sagot niya, sapagkat marami ang demonyong pumasok sa kanya. 31 Nagmakaawa kay Jesus ang mga demonyo na huwag silang itapon sa kalalimang walang hanggan.

32 Samantala, may malaking kawan ng baboy na nagsisikain sa isang bundok na malapit doon. Nakiusap ang mga demonyo na papasukin sila sa mga iyon, at pinahintulutan naman sila ni Jesus. 33 Lumabas sa tao ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. Ang kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin at tuluy-tuloy na nahulog sa lawa at nalunod.

34 Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon. 35 Lumabas ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasapian ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, nakadamit na at matino na ang isip. Sila'y lubhang natakot. 36 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung paanong gumaling ang dating sinasapian ng mga demonyo. 37 Kaya't nakiusap kay Jesus ang mga Geraseno[i] na umalis na lamang siya sa kanilang lupain, sapagkat sila'y takot na takot. Kaya't sumakay siya sa bangka at umalis sa pook na iyon. 38 Nakiusap kay Jesus ang taong inalisan ng mga demonyo na siya'y isama nito.

Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, 39 “Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos.”

Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.

Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Babaing Cananea(CG)

40 Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila. 41 Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay, 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taong gulang na ay naghihingalo.

Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao. 43 Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. [Naubos na ang kanyang kabuhayan sa mga manggagamot.][j] 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humawak sa damit ko?”

Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!”

46 Ngunit sinabi ni Jesus, “May humawak sa damit ko! Naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.”

47 Nang malaman ng babae na hindi pala maililihim ang kanyang ginawa, siya'y nanginginig na lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon kung bakit niya hinawakan ang damit ni Jesus, at kung paanong siya'y agad na gumaling.

48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka nang mapayapa.”

49 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang isang lalaking galing sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak!” sabi niya kay Jairo. “Huwag na po ninyong abalahin ang Guro.”

50 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot. Manalig ka lamang at siya'y gagaling.”

51 Pagdating sa bahay, wala siyang isinama sa loob kundi sina Pedro, Juan at Santiago, at ang mga magulang ng dalagita. 52 Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang bata. Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang.”

53 Pinagtawanan nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. 54 Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, “Bumangon ka, bata!” 55 Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y agad na bumangon. Pagkatapos, pinabigyan siya ni Jesus ng pagkain. 56 Manghang-mangha ang mga magulang ng bata, ngunit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangyayaring ito.

Isinugo ang Labindalawa(CH)

Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihan at karapatang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. Sila'y(CI) pinagbilinan niya, “Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, balutan, tinapay, salapi, o bihisan man. Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung(CJ) hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.”

Kaya't humayo ang mga alagad at pumunta sa mga nayon. Ipinangaral nila ang Magandang Balita at pinagaling ang mga maysakit sa lahat ng dako.

Ang Pagkabalisa ni Herodes(CK)

Nabalitaan(CL) ni Herodes na pinuno ng Galilea ang lahat ng mga nangyayari. Nabagabag siya sapagkat may nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo. Sinasabi naman ng iba, “Nagpakita si Elias.” May nagsasabi pang, “Ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.” Ngunit sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko na si Juan. Sino kaya ang lalaking ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya.” Kaya sinikap niyang makita si Jesus.

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(CM)

10 Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. 11 Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Nagsalita siya sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman.

12 Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi nila, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa liblib na lugar po tayo.”

13 Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”

Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay at dalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” 14 Halos limanlibo ang mga lalaking naroon.

Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.”

15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis na pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(CN)

18 Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa, lumapit sa kanya ang mga alagad. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sino raw ako?”

19 Sumagot(CO) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman po ng iba, kayo si Elias; may nagsasabi namang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong unang panahon.”

20 “Kayo(CP) naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Kayo po ang Cristo ng Diyos!” sagot ni Pedro.

21 Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman.

Ipinahayag ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(CQ)

22 Sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay papatayin ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.”

23 At(CR) sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 24 Ang(CS) naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 25 Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman at mawawala ang kanyang buhay? 26 Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(CT)

28 Makalipas(CU) ang halos walong araw pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias, 31 na nagpakitang may kaningningan. Pinag-usapan nila ang pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.

32 Natutulog sina Pedro noon at paggising nila ay nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”—ngunit hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng ulap, at natakot sila nang matakpan sila nito. 35 May isang(CV) tinig na nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang.[k] Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.

Pinagaling ang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(CW)

37 Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. 40 Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.”

41 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.”

42 Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. 43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(CX)

Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Natakot naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin.

Ang Pinakadakila(CY)

46 At(CZ) nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos(DA) ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(DB)

49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.”

50 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 52 Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. 53 Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang(DC) makita ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila'y lipulin [tulad ng ginawa ni Elias]?[l]

55 Ngunit hinarap sila ni Jesus at sila'y pinagalitan. [“Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo. Ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang ipahamak kundi iligtas ang mga tao.”][m] 56 At nagpunta sila sa ibang nayon.

Pagsunod kay Jesus(DD)

57 Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan kayo pumunta.” 58 Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang mapagpahingahan.” 59 At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” 60 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.” 61 May(DE) isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking pamilya.” 62 At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.