Bible in 90 Days
Ang Sermon sa Bundok
5 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad 2 at siya'y nagsimulang magturo sa kanila.
Ang mga Pinagpala(A)
3 “Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.
4 “Pinagpala(B) ang mga nagdadalamhati,
sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
5 “Pinagpala(C) ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
6 “Pinagpala(D) ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat sila'y bibigyang kasiyahan ng Diyos.
7 “Pinagpala ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
8 “Pinagpala(E) ang mga may malinis na puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.
9 “Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.
10 “Pinagpala(F) ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.
11 “Pinagpala(G) ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan [na pawang kasinungalingan][a] nang dahil sa akin. 12 Magsaya(H) kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo.”
Asin at Ilaw(I)
13 “Kayo(J) ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?
14 “Kayo(K) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Walang(L) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng banga. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin(M) naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Katuruan tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta.[b] Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan(N) ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.”
Ang Katuruan tungkol sa Pagkagalit
21 “Narinig(O) ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ 22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.
25 “Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. 26 Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang barya na dapat mong bayaran.”
Ang Katuruan Laban sa Pangangalunya
27 “Narinig(P) ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung(Q) ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung(R) ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”
Paghihiwalay Dahil sa Pangangalunya(S)
31 “Sinabi(T) rin naman, ‘Kapag makikipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit(U) sinasabi ko sa inyo, kapag nakipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, maliban kung ito ay nakikiapid,[c] itinutulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Katuruan tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig(V) din ninyong sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ 34 Ngunit(W) sinasabi ko sa inyo, huwag kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; 35 o(X) kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”
Katuruan Laban sa Paghihiganti(Y)
38 “Narinig(Z) ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong balabal. 41 Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya,[d] pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”
Pagmamahal sa Kaaway(AA)
43 “Narinig(AB) ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang(AC) kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
46 “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya(AD) maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”
Katuruan tungkol sa Paglilimos
6 “Pag-ingatan(AE) ninyong hindi pakitang-tao ang pagtupad ninyo sa inyong mga tungkulin sa Diyos. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.
2 “Kaya nga, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y purihin ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipaalam ito maging sa matalik mong kaibigan. 4 Gawin mong lihim ang iyong pagbibigay ng limos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
Katuruan tungkol sa Pananalangin(AF)
5 “Kapag(AG) nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
7 “Sa(AH) pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. 9 Ganito kayo mananalangin,
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.
10 Dumating nawa ang iyong kaharian.[e]
Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw;[f]
12 at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.
13 At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.]’[g]
14 “Sapagkat(AI) kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang inyong kapwa, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.”
Katuruan tungkol sa Pag-aayuno
16 “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa(AJ) halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok 18 upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
Ang Kayamanan sa Langit(AK)
19 “Huwag(AL) kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. 20 Sa(AM) halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
Ang Ilaw ng Katawan(AN)
22 “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”
Diyos o Kayamanan?(AO)
24 “Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.
25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa [inyong iinumin][h] upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?
28 “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit(AP) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit nang singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinadamitan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!
31 “Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. 33 Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos][i] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
34 “Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”
Paghatol sa Kapwa(AQ)
7 “Huwag kayong humatol, nang kayo'y di hatulan. 2 Sapagkat(AR) hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba. 3 Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? 4 Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo? 5 Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.
6 “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang banal na bagay, baka pagkatapos ay kayo pa ang balingan at sakmalin nila. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.”
Humingi, Humanap, Kumatok(AS)
7 “Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 9 Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? 10 Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!
12 “Gawin(AT) ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.”
Ang Makipot na Pintuan(AU)
13 “Pumasok(AV) kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. 14 Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.”
Sa Gawa Makikilala(AW)
15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat. 16 Makikilala(AX) ninyo sila sa kanilang mga gawa. Mapipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa matitinik na halaman? 17 Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno. 19 Ang(AY) bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. 20 Kaya't(AZ) makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.”
Hindi Ko Kayo Kilala(BA)
21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, hindi po ba't sa iyong pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?’ 23 Ngunit(BB) sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.’”
Sa Bato o sa Buhanginan?(BC)
24 “Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. 25 Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. 26 Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. 27 Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.”
Ang Kapangyarihan ni Jesus
28 Namangha(BD) kay Jesus ang mga tao nang kanilang marinig ang kanyang pagtuturo 29 sapagkat nagturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(BE)
8 Pagbaba ni Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2 Lumapit sa kanya ang isang taong may ketong,[j] lumuhod sa harapan niya, at sinabi, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” 3 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Oo, nais ko. Maging malinis ka.” Gumaling at luminis nga agad ang ketongin. 4 Pagkatapos,(BF) sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip, pumunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog na iniuutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw nga'y magaling at malinis na.”
Ang Pagpapagaling sa Katulong ng Kapitang Romano(BG)
5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, 6 “Ginoo, ang aking katulong ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan.” 7 Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” 8 Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. 9 Ako'y(BH) nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, ‘Pumunta ka roon!’ siya'y pumupunta; at ang isa naman, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa nga niya iyon.” 10 Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. 11 Tandaan(BI) ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. 12 Ngunit(BJ) ang mga taong dapat sana'y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” 13 At sinabi ni Jesus sa opisyal, “Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng kapitan.
Maraming Pinagaling si Jesus(BK)
14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon ang babae at naglingkod kay Jesus.
16 Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. 17 Sa(BL) gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling ang ating mga karamdaman.”
Ang Paglilingkod kay Jesus(BM)
18 Nang makita ni Jesus ang mga tao[k] sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga alagad na maghandang tumawid sa kabilang ibayo. 19 Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, sasama po ako sa inyo saanman kayo pupunta.” 20 Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” 21 Isa(BN) naman sa mga alagad[l] ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” 22 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.”
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo sa Lawa(BO)
23 Sumakay si Jesus sa bangka, kasama ng kanyang mga alagad. 24 Habang sila'y naglalayag sa lawa, si Jesus ay natutulog. Biglang bumugso ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. 25 Kaya nilapitan ng mga alagad si Jesus at ginising. “Panginoon, iligtas ninyo kami! Mamamatay kami!” sabi nila. 26 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!” Bumangon siya, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at bumuti ang panahon. 27 Namangha silang lahat at sinabi, “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!”
Mga Gadarenong Pinalaya sa Pang-aalipin ng mga Demonyo(BP)
28 Nang dumating si Jesus sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno,[m] sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng mga demonyo. Sila ay nakatira sa libingan. Napakababangis nila kaya't walang sinuman ang dumaraan doon. 29 Biglang nagsisigaw ang dalawang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami kahit hindi pa panahon?” 30 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 31 Nakiusap sa kanya ang mga demonyo, “Kung palalayasin mo kami, papasukin mo kami sa mga baboy na iyon.” 32 Sinabi ni Jesus, “Sige, lumayas kayo.” Lumabas nga sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod.
33 Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy. Pagdating doon, ipinamalita nila ang buong pangyayari, pati ang naganap sa mga lalaking sinapian ng mga demonyo. 34 Kaya't lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, ipinakiusap nilang lisanin niya ang kanilang lupain.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(BQ)
9 Sumakay si Jesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sarili niyang bayan. 2 Pagdating doon, dinala sa kanya ng ilang tao ang isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” 3 May ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon at sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan niya ang Diyos.” 4 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 5 Ano ba ang mas madali, ang sabihing, ‘pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘tumayo ka at lumakad’? 6 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 7 Tumayo nga ang lalaki at umuwi. 8 Nang makita ito ng mga tao, sila'y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao.
Tinawag si Mateo(BR)
9 Pag-alis ni Jesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya.
10 Nang(BS) si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila'y magkakasalong kumain. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” 12 Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 13 Humayo(BT) kayo at unawain ang kahulugan nito: ‘Habag ang nais ko at hindi handog.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”
Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(BU)
14 Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, “Kami po ay [madalas][n] mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?” 15 Sumagot siya, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.
16 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 17 Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.”
Pagbuhay na Muli sa Anak ng Pinuno at Pagpapagaling sa Isang Babae(BV)
18 Habang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito, may dumating namang isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harap niya at nakiusap, “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae; sumama po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” 19 Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, gayundin ang kanyang mga alagad.
20 Habang sila'y naglalakad, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hinawakan ang laylayan ng kanyang damit. 21 Sinabi ng babae sa sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa kanya'y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y gumaling ang babae.
23 Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang mga taong nagkakaingay. 24 Sinabi niya, “Lumabas muna kayo. Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” At siya'y pinagtawanan nila. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus sa kuwarto, hinawakan niya sa kamay ang bata at ito'y bumangon. 26 Ang pangyayaring ito ay ipinamalita ng mga tao sa buong lupaing iyon.
Ang Pagpapagaling sa Dalawang Bulag
27 Pag-alis ni Jesus doon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila habang nasa daan, “Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!”
28 Pagpasok ni Jesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” “Opo, Panginoon!” sagot nila. 29 Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin iyon kaninuman. 31 Ngunit nang sila'y makaalis, ipinamalita nila sa buong lupaing iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.
Pinagaling ang Piping Sinasaniban ng Demonyo
32 Nang paalis na sila, dinala kay Jesus ang isang piping sinasapian ng demonyo. 33 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at nakapagsalita agad ang pipi. Namangha ang mga tao at nasabi nila, “Kailanman ay wala pang nakitang katulad nito sa Israel!” [34 Subalit(BW) sinabi naman ng mga Pariseo, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.”][o]
Nahabag si Jesus sa mga Tao
35 Nilibot(BX) ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon doon. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang(BY) makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y litung-lito at hindi alam ang gagawin, parang mga tupang walang pastol. 37 Kaya't(BZ) sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakaraming aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. 38 Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.”
Ang Labindalawang Alagad(CA)
10 Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 2 Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Una ay si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; 3 si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, 4 si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(CB)
5 Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. 7 Humayo(CC) kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. 8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. 9 Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. 10 Sa(CD) inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.
11 “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ 13 Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. 14 At(CE) kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Tandaan(CF) ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”
Mga Pag-uusig na Darating(CG)
16 “Tingnan(CH) ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. 17 Mag-ingat(CI) kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag iniharap na kayo sa hukuman, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magsasalita sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 “Ipagkakanulo(CJ) ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 22 Kapopootan(CK) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 23 Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.
24 “Walang(CL) alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. 25 Sapat(CM) nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.”
Ang Dapat Katakutan(CN)
26 “Kaya(CO) huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan.[p] 28 Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. 29 Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. 30 At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. 31 Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”
Pagpapatotoo kay Cristo(CP)
32 “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit(CQ) ang sinumang ikaila ako sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit.”
Hindi Kapayapaan Kundi Tabak(CR)
34 “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. 35 Naparito(CS) ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. 36 At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay.
37 “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang(CT) hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang(CU) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”
Mga Gantimpala(CV)
40 “Ang(CW) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. 42 Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.”
Ang mga Isinugo ni Juan na Tagapagbautismo(CX)
11 Pagkatapos ng mga tagubiling ito sa kanyang labindalawang alagad, umalis si Jesus upang magturo at mangaral sa mga bayang malapit doon.
2 Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad 3 upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” 4 Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. 5 Nakakakita(CY) ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling[q] ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 6 Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
7 Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? 8 Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! 9 Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta?[r] Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 10 Sapagkat(CZ) si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ 11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula(DA) nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas.[s] 13 Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa kaharian ng langit.[t] 14 Kung(DB) naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. 15 Makinig ang may pandinig!
16 “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa lansangan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ 18 Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ 19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.”
Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi(DC)
20 Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, 21 “Kawawa(DD) kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo. 23 At(DE) kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo[u] hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. 24 Ngunit(DF) sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom!”
Lumapit sa Akin at Magpahinga(DG)
25 Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. 26 Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo.
27 “Ibinigay(DH) na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya.
28 “Lumapit(DI) kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. 29 Pasanin(DJ) ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan 30 sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(DK)
12 Isang(DL) Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” 3 Sumagot(DM) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? 4 Pumasok(DN) siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. 5 Hindi(DO) ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! 6 Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. 7 Kung(DP) nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang nais ko at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. 8 Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Kamay(DQ)
9 Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. 10 May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?”
11 Sumagot(DR) siya, “Kung kayo'y may tupang nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? 12 Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.”
13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. 14 Kaya't umalis ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus.
Ang Lingkod na Hinirang
15 Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. 16 Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. 17 Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias,
18 “Narito(DS) ang lingkod ko na aking hinirang,
ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
at siya ang magpapahayag ng katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipag-away o maninigaw,
ni magtataas ng boses sa mga lansangan,
20 hindi niya babaliin ang tambong marupok,
hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap,
hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap;
21 at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak.”
Si Jesus at si Beelzebul(DT)
22 Dinala noon kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Jesus kaya't siya'y nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi nila, “Ito na kaya ang Anak ni David?” 24 Nang(DU) marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” 25 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 26 Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? 27 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang ginagawa nila ang magpapatunay na maling-mali kayo. 28 Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
29 “Hindi(DV) mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. 30 Ang(DW) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang paglapastangan sa Espiritu Santo. 32 Sinumang(DX) magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.”
Sa Bunga Nakikilala(DY)
33 “Sinasabi(DZ) ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. 34 Lahi(EA) ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. 35 Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso.
36 “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. 37 Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.”
Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(EB)
38 Sinabi(EC) naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” 39 Sumagot(ED) si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung(EE) paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa ilalim ng lupa. 41 Sa(EF) Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. 42 Sa(EG) araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(EH)
43 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas mula sa isang tao, siya'y gumagala sa mga lupaing tigang upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kung wala itong matagpuan 44 ay sinasabi sa sarili, ‘Babalik ako sa tahanang aking pinanggalingan.’ Pagbalik niya at makita itong walang laman, malinis at maayos, 45 aalis muna siya't magsasama pa ng pitong espiritung mas masama pa kaysa kanya at papasok sila at maninirahan doon. Dahil dito, ang kanyang magiging kalagayan ay mas masama pa kaysa dati. Ganyan ang mangyayari sa masamang lahing ito.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(EI)
46 Habang si Jesus ay nagsasalita sa maraming tao, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas dahil nais nila siyang makausap. [47 May nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.”][v] 48 Ngunit sinabi niya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.”
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(EJ)
13 Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. 2 Dahil(EK) sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao 3 at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya:
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. 4 Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. 5 May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, 6 ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. 7 May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang matitinik at sinakal ng mga ito ang mga binhing tumubo doon. 8 Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. 9 Makinig ang may pandinig!”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(EL)
10 Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” 11 Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Sapagkat(EM) ang mayroon ay bibigyan pa, at lalong magkakaroon; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 13 Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. 14 Natutupad(EN) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,
‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa kailanman,
at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita kailanman.
15 Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
nakarinig ang kanilang mga tainga,
nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
at pinagaling ko sila.’
16 “Subalit(EO) pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! 17 Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”
Ipinaliwanag ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(EP)
18 “Makinig kayo at unawain ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.
20 “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong nakikinig ng mensahe na kaagad at masayang tumatanggap nito 21 ngunit hindi tumitimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nananatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.
22 “Ang binhi namang nahulog sa may matitinik na halaman ay ang mga taong nakikinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, nawawalan ng puwang sa kanilang puso ang mensahe at hindi ito nagkakaroon ng bunga.
23 “At ang katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. 25 Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. 26 Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. 27 Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ 28 Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ 29 ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. 30 ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Sa pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”
Talinghaga tungkol sa Buto ng Mustasa(EQ)
31 Sa pagpapatuloy, isa pang talinghaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”
Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(ER)
33 Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinghaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, hanggang umalsa ang buong masa ng harina.”
Ang Paggamit ni Jesus ng mga Talinghaga(ES)
34 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Sa(ET) gayon, natupad ang sinabi ng propeta:[w]
“Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga,
ihahayag ko ang mga bagay na inilihim mula pa nang likhain [ang daigdig].”[x]
Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
36 Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” 37 Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, 38 ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. 40 Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. 41 Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa kanyang kaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama. 42 Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!”
Ang Natatagong Kayamanan
44 “Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.”
Ang Perlas na Mahalaga
45 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. 46 Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”
Ang Lambat
47 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, 50 at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”
Kayamanang Bago at Luma
51 “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na tinuruan tungkol sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.”
Si Jesus ay Hindi Tinanggap sa Nazaret(EU)
53 Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinghagang ito. 54 Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, “Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 55 Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?” 57 At(EV) siya'y hindi nila pinaniwalaan.
Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya gumawa roon ng maraming himala.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(EW)
14 Ang balita tungkol kay Jesus ay nakarating kay Herodes na gobernador ng Galilea,[y] 2 kaya't nasabi niya sa kanyang mga lingkod, “Si Juan na Tagapagbautismo iyon! Siya'y muling nabuhay kaya't nakakagawa ng mga himala!”
3 Itong(EX) si Herodes ang nagpahuli kay Juan. Ipinagapos niya ito at ipinabilanggo dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 4 Sapagkat(EY) sinasabi ni Juan kay Herodes, “Bawal na magsama kayo ng asawa ng iyong kapatid.” 5 Ibig ni Herodes na ipapatay si Juan, ngunit natatakot siya sa mga Judio sapagkat kinikilala nilang propeta si Juan na Tagapagbautismo.
6 Nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias sa harap ng mga panauhin. Labis na nasiyahan si Herodes, 7 kaya't sumumpa siyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. 8 Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga sa hari, “Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 9 Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niya na ibigay sa dalaga ang hiningi nito. 10 Kaya't pinapugutan niya si Juan sa bilangguan. 11 Inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga. Dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos, ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.
Ang Mahimalang Pagpapakain sa Limanlibo(EZ)
13 Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. 14 Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.
15 Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Malapit na pong lumubog ang araw at liblib ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.”
16 “Hindi na sila kailangang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain,” sabi ni Jesus.
17 Sumagot sila, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda.”
18 “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. 20 Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. 21 May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(FA)
22 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. 23 Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. 24 Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. 27 Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!”
28 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, papuntahin mo ako diyan sa kinaroroonan mo sa ibabaw ng tubig.”
29 Sumagot siya, “Halika.”
Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin,[z] siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya.
31 Agad siyang hinawakan ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro.
32 Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin 33 at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(FB)
34 Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. 35 Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya't dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. 36 Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling.
Mga Minanang Katuruan(FC)
15 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, 2 “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa tamang paraan!”
3 Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Sinabi(FD) ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 5 Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos,’ 6 hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama [at ang kanyang ina].[aa] Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. 7 Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo,
8 ‘Ang(FE) paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
9 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’”
Ang Nagpaparumi sa Tao(FF)
10 Pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo at unawain ang aking sasabihin. 11 Ang lumalabas sa bibig ng tao, hindi ang pumapasok, ang siyang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.”
12 Pagkatapos, lumapit naman ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Hindi po ba ninyo alam na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?”
13 Sumagot siya, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan(FG) ninyo sila. Sila'y mga bulag na taga-akay [ng mga bulag;][ab] at kapag bulag ang umakay sa kapwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.”
15 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinghagang [ito.]”[ac]
16 At sinabi ni Jesus, “Pati ba kayo'y wala ring pang-unawa? 17 Hindi ba ninyo nalalaman na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at pagkatapos ay idinudumi? 18 Ngunit(FH) ang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Iyan ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri. 20 Iyan ang nagpaparumi sa tao sa paningin ng Diyos. Hindi nagiging marumi ang isang tao kung siya man ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay.”
Ang Pananalig ng Isang Cananea(FI)
21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.”
23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” 24 Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.”
26 Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.”
27 “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Pag-alis doon, naglakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. 31 Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(FJ)
32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.”
33 Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?”
34 “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus sa kanila.
“Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila.
35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 37 Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. 38 May apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.
39 Nang napauwi na ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at nagtungo sa lupain ng Magadan.[ad]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.