Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Amos 9:11 - Nahum 3:19

Manunumbalik ang Israel

11 “Sa(A) araw na iyon, ibabangon kong muli
    ang nawasak na kaharian ni David,
at aayusin kong muli ang mga nasirang dako.
    Ibabalik ang mga guho;
    itatayo kong muli iyon, kagaya noong una.
12 Sa gayon ay sasakupin ng Israel ang nalalabi sa lupain ng Edom
    at ang lahat ng bansang dati'y aking pag-aari,”
    sabi ni Yahweh na siyang gagawa ng mga bagay na ito.

13 Sinabi rin ni Yahweh, “Darating ang panahon,
    mag-aararo ang magbubukid habang nag-aani pa ang manggagapas;
    at maghahasik na ng binhi ng ubas ang magsasaka habang gumagawa pa ng alak ang mag-aalak.
Dadaloy sa mga bundok ang bagong alak,
    at masaganang aagos sa mga burol.
14 Ibabalik ko sa kanilang lupain ang aking bayan.
    Itatayo nilang muli ang kanilang mga lunsod na nawasak, at doon sila maninirahan.
Tatamnan nilang muli ang mga ubasan at sila'y iinom ng alak.
    Magtatanim silang muli sa mga halamanan at kakain ng mga bunga niyon.
15     Ibabalik ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila,
    at hindi na sila maaalis pang muli roon.”
Si Yahweh na inyong Diyos ang nagsasalita.

Ang aklat na ito ay naglalaman ng pangitaing ibinigay ng Panginoong Yahweh kay Propeta Obadias tungkol sa Edom.

Paparusahan ni Yahweh ang Edom

May narinig kaming ulat buhat sa Panginoong Yahweh;
    may isang sugo na ipinadala sa mga bansa:
    “Humanda kayo at ang Edom ay salakayin!”
Sinabi ni Yahweh sa Edom,
    “Gagawin kitang pinakamahinang bansa,
    at kamumuhian ka ng lahat ng mga tao.
Nilinlang ka ng iyong kayabangan;
dahil ang kapitolyo mo'y nakatayo sa batong buháy;
    dahil ang tahanan mo'y nasa matataas na kabundukan.
Kaya't sinasabi mo,
    ‘Sinong makakapagpabagsak sa akin?’”
Kasintaas man ng pugad ng agila ang iyong bahay,
    o maging ang mga bituin man ay iyong kapantay,
    hahatakin kitang pababa at ikaw ay babagsak.

“Kung sa gabi'y dumating ang magnanakaw,
    ang kinukuha lamang nila'y ang kanilang magustuhan.
Kapag ang mga tao'y namimitas ng ubas,
    kahit kaunting bunga'y nagtitira sila.
Ngunit ang mga kaaway mo'y walang ititira kahit isa.
O lahi ni Esau, ang yaman mo'y sasamsamin;
    at ang lahat ng sa iyo'y kukuhanin.
Nilinlang ka ng iyong mga kapanalig,
    itinaboy ka mula sa iyong lupain.
Nasasakop ka na ngayon ng iyong mga kakampi.
    Ang iyong mga kaibigang noo'y kasalo, ngayo'y naglagay ng patibong para sa iyo;
    at kanila pang sinasabi, ‘Nasaan na ang kanyang katusuhan?’”
Sinabi ni Yahweh:
“Darating ang araw na paparusahan ko ang Edom,
    lilipulin ko ang kanyang mga matatalinong tao,
    at ang kaalaman nila'y aking papawiin.
Mga mandirigma ng Teman ay pawang nasisindak,
    at ang mga kawal ng Edom ay malilipol na lahat.

Bakit Pinarusahan ang Edom

10 “Dahil sa ginawa mong karahasan sa angkan ng kapatid mong si Jacob,
    sa kahihiya'y malalagay ka,
    at mahihiwalay sa akin magpakailanman.
11 Pinanood mo lamang sila,
    nang araw na pasukin ng mga kaaway.
Kasinsama ka ng mga dayuhan
    na nananamsam at naghahati-hati
    sa kayamanan ng Jerusalem na kanilang tinangay.
12 Hindi mo dapat ikinatuwa ang[a] kapahamakang sinapit
    ng iyong mga kapatid sa lupain ng Juda.
Hindi ka dapat nagalak sa araw ng kanilang pagkawasak;
hindi ka dapat naging palalo sa araw ng kanilang kasawian.
13 Hindi mo dapat pinasok ang lunsod ng aking bayan,
    ni pinagtawanan ang kanilang kasawian.
At sinamsam mo pa ang kanilang kayamanan
    sa panahon ng kanilang kapahamakan.
14 Hindi(B) ka dapat nag-abang sa mga sangang-daan
    upang ang mga pugante doon ay hadlangan.
Hindi mo na dapat sila ibinigay sa kalaban
    sa araw na iyon ng kanilang kapahamakan.

Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa

15 “Malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa,” sabi ni Yahweh.
“Ang ginawa mo Edom, sa iyo'y gagawin din;
    ang ibinigay mo sa iba, siya mo ring tatanggapin.
16 Sa banal na bundok ko ay nalasap ng aking bayan
    ang mapait na alak na sa kanila'y kaparusahan.
Ngunit ang mga bayan na dito'y nakapaligid,
    higit na parusa ang kanilang matitikman;
    iinom sila nito at lubos na mapaparam.

Ang Tagumpay ng Israel

17 “Ngunit sa Bundok Zion ay may ilang makakatakas,
    at ang bundok na ito'y magiging banal na dako.
Muling aariin ng lahi ni Jacob
    ang lupaing sa kanila ay ipinagkaloob.
18 At maglalagablab naman ang lahi ni Jose.
    Lilipulin nila ang lahi ni Esau,
    at susunugin ito na parang dayami.
    Walang matitira isa man sa kanila.
Akong si Yahweh ang maysabi nito.

19 “Sasakupin ng mga taga-Negeb ang Bundok ng Edom.
    Sasakupin ng mga nasa kapatagan ang lupain ng mga Filisteo.
Makukuha nila ang lupain ng Efraim at Samaria.
    Ang Gilead nama'y sasakupin ng lahi ni Benjamin.
20 Magbabalik ang hukbong binubuo ng mga dinalang-bihag, sila na nagmula sa hilagang Israel.
    Sila ang sasakop sa lupain ng Fenicia hanggang sa Zarefat doon sa hilaga.
Ang mga taga-Jerusalem na itinapon sa Sardis[b]
    ang siya namang sasakop sa mga lunsod sa timog ng Juda.
21 Ang matagumpay na hukbo ng Jerusalem,
    sasalakay sa Edom at doo'y mamamahala.
Si Yahweh mismo ang doo'y maghahari.”

Pinagtaguan ni Jonas si Yahweh

Ang(C) aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Jonas na anak ni Amitai. Isang araw, sinabi sa kanya ni Yahweh: “Pumunta ka sa Nineve na isang malaking lunsod, at sabihin mo sa mga tagaroon na umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasalanan.” Sa halip na sumunod, ipinasya ni Jonas na takasan si Yahweh. Nagtungo siya sa Joppa, at doon ay nakatagpo ng isang barkong patungong Tarsis. Pagkatapos na magbayad ng pamasahe, sumakay siya sa barko upang maglakbay kasama ng iba pang mga pasahero patungong Tarsis. Sa ganitong paraan ay inakala niyang makakatakas siya kay Yahweh.

Ngunit nang sila'y nasa laot na, nagpadala si Yahweh ng isang malakas na bagyo kaya't halos mawasak ang barko. Dahil dito, labis na natakot ang mga tripulante kaya't silang lahat ay humingi ng tulong sa kani-kanilang diyos. Pagkatapos, inihulog nila sa dagat ang mga kargamento para gumaan ang sasakyan. Samantala, si Jonas naman ay mahimbing na natutulog sa isang sulok sa ibabang palapag ng barko.

Nakita siya ng kapitan at ginising, “Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong diyos, baka sakaling kaawaan niya tayo at iligtas sa kamatayan.”

Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito.” Gayon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonas. Kaya't siya'y kinausap nila, “Sabihin mo sa amin kung sino ang dapat sisihin sa nangyayaring ito. Anong ginagawa mo rito? Saang bansa ka galing? Tagasaan ka at anong lahi mo?”

Sumagot si Jonas, “Ako ay isang Hebreo at sumasamba ako kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan na lumikha ng dagat at ng lupa.” 10 Sinabi ni Jonas na tinakasan niya si Yahweh. Nakadama ng matinding takot ang mga nakarinig kaya sinabi nila kay Jonas, “Napakalaking kasalanan ang ginawa mo!”

11 Lalong lumakas ang bagyo, kaya tinanong nila si Jonas, “Ano ang dapat naming gawin sa iyo para pumayapa ang dagat?”

12 “Ihagis ninyo ako sa dagat at papayapa ito. Alam kong ako ang dahilan kaya nagkaroon ng ganito kalakas na bagyo,” sagot niya.

13 Gayunpaman, sinikap ng mga tripulante na itabi ang barko, ngunit wala silang magawâ sapagkat lalong lumalakas ang bagyo. 14 Kaya't nanalangin sila kay Yahweh nang ganito: “Yahweh, huwag po ninyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin sa taong ito. Huwag po ninyo kaming parusahan kung mamatay man ang taong ito. Kayo po Yahweh ang may pananagutan dito.” 15 Pagkasabi nito, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat. Agad namang pumayapa ang dagat. 16 Dahil dito, nagkaroon sila ng matinding takot kay Yahweh kaya't sila'y nag-alay ng handog at nangakong maglilingkod sa kanya.

17 Sa(D) utos ni Yahweh, nilamon si Jonas ng isang dambuhalang isda at siya'y nanatili ng tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan nito.

Ang Panalangin ni Jonas

Habang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya ng ganito:

“Yahweh, nang ako'y nasa kagipitan, nanalangin ako sa inyo,
    at sinagot ninyo ako.
Mula sa daigdig ng mga patay
    ako'y tumawag sa inyo, at dininig ninyo ako.
Itinapon ninyo ako sa kalaliman;
    sa pusod ng karagatan.
    Nabalot ako ng malakas na agos ng tubig,
    at malalaking alon ang sa akin ay tumabon.
Akala ko'y malayo na ako sa inyo,
    at hindi ko na kailanman makikitang muli ang banal mong Templo.
Hinigop ako ng kalaliman,
    hanggang sa tuluyang lumubog;
    napuluputan ang aking ulo ng mga halamang dagat.
Ako'y bumabâ sa paanan ng mga bundok,
    sa libingan ng mga patay.
Ngunit mula roo'y buháy akong iniahon, O Yahweh.
Nang maramdaman kong malalagot na ang aking hininga,
    naalala ko kayo, Yahweh. Ako'y nanalangin,
    at mula sa banal ninyong Templo, ako'y inyong narinig.
Ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan
    ay hindi naging tapat sa inyo.
Ngunit aawit ako ng pasasalamat
    at sa inyo'y maghahandog;
    tutuparin ko ang aking mga pangako,
O Yahweh na aking Tagapagligtas!”

10 Pagkatapos, inutusan ni Yahweh ang isda na iluwa si Jonas sa dalampasigan.

Si Jonas sa Nineve

Muling sinabi ni Yahweh kay Jonas, “Pumunta ka sa Lunsod ng Nineve at ipahayag mo ang mga ipinapasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Nineve. Malaki ang lunsod na ito; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin. Siya'y(E) pumasok sa lunsod. Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Nineve pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno silang lahat at nagdamit ng panluksa bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.

Nang mabalitaan ito ng hari ng Nineve, bumabâ siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit ng panluksa at naupo sa abo. At ipinasabi niya sa mga taga-Nineve, “Ito'y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang dapat kumain ng anuman. Wala ring iinom, maging tao o hayop. Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng panluksa. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at iwan ang masamang pamumuhay. Baka sa paraang ito'y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasya at hindi na niya ituloy ang balak na pagpatay sa atin.”

10 Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na niya pinarusahan ang mga ito tulad ng kanyang naunang sinabi.

Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Diyos

Ngunit dahil dito, nalungkot si Jonas at siya'y nagalit sapagkat hindi niya nagustuhan ang pagpapatawad ng Diyos sa Nineve. Kaya't(F) siya'y nanalangin, “O Yahweh, hindi ba bago pa ako magpunta rito ay sinabi kong ganito nga ang gagawin ninyo? At ito ang dahilan kaya ako tumakas patungong Tarsis! Alam kong kayo ay Diyos na mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig. Alam kong lagi kayong handang magpatawad. Mabuti(G) pang mamatay na lang ako, Yahweh. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mabuhay.”

Sumagot si Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Jonas?” Pagkasabi nito, lumakad si Jonas papunta sa silangan ng lunsod at naupo. Gumawa siya ng isang silungan at doon hinintay kung ano ang mangyayari sa lunsod. Pinatubo ng Diyos na si Yahweh sa may tabi ni Jonas ang isang malagong halaman na nagbibigay ng lilim sa kanya. Labis naman itong ikinagalak ni Jonas. Ngunit kinabukasan, ang halaman ay ipinasira ng Diyos sa isang uod at ito'y natuyo. Sumikat nang matindi ang araw at umihip ang nakakapasong hangin; halos mahilo si Jonas sa tindi ng init. Kaya sinabi niya, “Mabuti pang mamatay na ako.”

Sinabi sa kanya ng Diyos, “Dapat ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?”

Sumagot siya, “Opo, nagagalit po ako. Gusto ko nang mamatay.”

10 Sinabi ni Yahweh, “Tumubo ang halamang iyon, lumago sa loob ng magdamag, at namatay kinabukasan. Wala kang hirap diyan ngunit nalungkot ka nang iyan ay mamatay. 11 Ako pa kaya ang hindi malulungkot sa kalagayan ng Nineve? Ito'y isang malaking lunsod na tinitirhan ng mahigit na 120,000 taong hindi alam kung ano ang mabuti o ang masama, bukod pa sa maraming kawan!”

Ang(H) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Mikas na isang taga-Moreset. Noong panahon ng paghahari sa Juda ni Haring Jotam, Haring Ahaz, at Haring Hezekias, sinabi sa kanya ni Yahweh ang mga pahayag tungkol sa Samaria at sa Jerusalem.

Pagdadalamhati para sa Samaria at sa Jerusalem

Pakinggan ninyo ito, mga bansa,
    kayong lahat na naninirahan sa buong daigdig.
Ang pahayag ng Panginoong Yahweh laban sa inyo ay pakinggan.
    Siya'y nagsasalita buhat sa kanyang banal na templo.
Lalabas si Yahweh mula sa kanyang dakong banal.
    Bababâ at maglalakad sa mga sagradong bundok.
Sa sandaling yapakan niya ang mga bundok,
    ang mga ito'y matutunaw.
At ang mga libis ay mabibiyak na gaya ng kandilang nadarang sa init ng apoy,
    gaya ng tubig na aagos mula sa burol.
Ang lahat ng ito'y magaganap dahil sa pagsuway ng lahi ni Jacob,
    dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ni Israel.
Sino ang dapat sisihin sa paghihimagsik ng Israel?
    Walang iba kundi ang Samaria!
Sino ang sumamba sa mga diyus-diyosan?
    Walang iba kundi ang mga taga-Jerusalem!
Kaya't sinabi ni Yahweh,
“Gigibain ko ang Samaria at lubusang iguguho, hanggang siya'y maging isang bunton ng lupa,
    na angkop lamang pagtaniman ng ubas.
Paguguhuin ko papunta sa libis ang kanyang mga bato,
    at wawasakin ko ang kanyang mga pundasyon.
Madudurog ang lahat ng imahen doon;
    masusunog ang lahat ng ibinabayad ng mga sumasamba roon.
    At ang mga diyus-diyosan doon ay mawawasak;
sapagkat ang mga ito'y bayad sa mga upahang babae ng mga sumasamba sa mga diyus-diyosan,
    kaya't iyon ay tatangayin ng kanilang mga kaaway.”

Dahil dito'y mamimighati ako at tatangis.
    Lalakad akong hubad at nakayapak.
Mananaghoy akong gaya ng mga asong-gubat,
    at mananangis na tulad ng mga kuwago.
Sapagkat ang sugat ng Samaria ay hindi na gagaling.
    Ito rin ay kakalat sa buong Juda;
papasok sa pinto ng Jerusalem
    na tirahan ng aking bayang pinili.

Ang Pagpasok ng mga Kaaway sa Jerusalem

10 Huwag ninyong ibalita sa Gat ang ating pagkatalo.
    Huwag ninyong ipapakita sa kanya ang inyong pagtangis.
Sa bayan ng Afra kayo maglupasay.
11 Mga taga-Safir, magpabihag kayo,
    at hayaan ninyong kayo'y itapong nakahubad
    at kahiya-hiya ang kalagayan.
Mga taga-Zaanan, huwag kayong umalis sa inyong lunsod.
Sa pamimighati ng Bethezel,
    malalaman ninyong hindi na ito maaaring pagkanlungan.
12 Ang mga taga-Marot ay nababalisang hinihintay ang saklolo,
    sapagkat malapit na sa Jerusalem ang kapahamakang ipinadala ni Yahweh.
13 Kayong mga taga-Laquis,
    isingkaw ninyo sa mga karwahe ang mabibilis na kabayo.
Sapagkat tinularan ninyo ang mga kasalanan ng Israel,
    at kayo ang nag-akay upang magkasala ang Jerusalem.
14 At ngayon, mga taga-Juda, magpaalam na kayo
    sa bayan ng Moreset-Gat.
Walang maaasahang tulong ang mga hari ng Israel
    mula sa bayan ng Aczib.
15 Mga taga-Maresa, ipapasakop kayo ni Yahweh sa inyong kaaway.
Ang mga pinuno ng Israel ay tatakas
    at magtatayo sa yungib ng Adullam.
16 Mga taga-Juda, gupitin ninyo ang inyong buhok
    bilang pagluluksa sa mga anak ninyong minamahal.
Ahitan ninyo ang inyong mga ulo gaya ng mga agila,
    sapagkat ang mga anak ninyo'y inagaw at dinalang-bihag.

Sumpa sa mga Mapang-api

Kakila-kilabot ang mangyayari sa mga hindi na natutulog dahil sa pagbabalak ng kasamaan at maagang bumabangon upang agad itong isagawa sa sandaling magkaroon ng pagkakataon. Kapag nagustuhan nila ang lupa ng may-lupa, kinakamkam nila ito. Inaapi nila ang mga tao sa pamamagitan ng pandaraya upang maalipin nila ang pamilya ng mga ito at masamsam ang kanilang mga ari-arian.

Kaya nga, sinasabi ni Yahweh, “Paparusahan ko ang sambahayang ito, at walang sinumang makakatakas dito. Hindi na kayo muling makapagmamataas pagkaraan ng araw ng inyong kapahamakan. Sa araw na iyon ay kukutyain kayo ng inyong mga kaaway sa pamamagitan ng pag-awit tungkol sa inyong kasawian:

‘Ganap na kaming nawasak;
inalis na ni Yahweh ang aming karapatan sa mga lupaing bahagi ng aming sambahayan
at pinaghati-hati ang mga ito sa mga bumihag sa amin.’”

Kaya't kapag dumating na ang panahong ibabalik na ni Yahweh ang lupain sa kanyang bayan, wala na kayong bahagi dito.

Sasabihin nila, “Huwag kang magpahayag. Huwag mong ipahayag ang gayong mga bagay. Hindi kami ilalagay ng Diyos sa kahihiyan. Sa palagay mo ba'y hinahatulan ang sambayanan ng Israel? Ubos na ba ang pasensiya ni Yahweh? Talaga bang magagawa niya iyon? Hindi ba't mabait siya sa mga gumagawa ng matuwid?”

Sumagot si Yahweh, “Subalit sinasalakay ninyo na parang kaaway ang aking bayan. Nagsisiuwi sila mula sa digmaan na ang akala'y ligtas sila sa kanilang bayan. Ngunit naroon pala kayo at naghihintay upang sila'y hubaran.

“Itinaboy ninyo ang mga kababaihan ng aking bayan mula sa kanilang mga tahanang pinagyayaman. Lubusan ninyong pinagkait ang aking pagpapala sa kanilang mga anak. 10 Maghanda kayo at umalis dito; hindi na ligtas ang dakong ito para sa inyo. Sinumpa na ng inyong mga kasalanan ang dakong ito at ito'y wawasakin.

11 “Ang gusto nilang propeta ay iyong nagpapahayag ng kasinungalingan at pandaraya at nagsasabing, ‘Sasagana kayo sa alak.’

12 “Gayunman, darating ang panahon na kayong mga naiwan sa Israel ay titipunin ko. Pagsasama-samahin ko kayo, tulad ng mga tupa sa kawan. Gaya ng pastulang puno ng mga tupa, ang inyong lupain ay mapupuno ng mga tao.”

13 Magbubukas ang Diyos ng daan para sa kanila at palalayain sila mula sa pagkabihag. Magtatakbuhan silang palabas sa mga pintuang lunsod at magiging malaya. Si Yahweh mismo na kanilang hari ang sa kanila'y mangunguna.

Ang mga Katiwalian ng mga Pinuno sa Israel

At sinabi ko, “Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel! Katarungan ang dapat ninyong pairalin. Ngunit ayaw ninyo ng mabuti at ang nais ninyo'y kasamaan. Binabalatan ninyo nang buháy ang aking bayan at unti-unting hinihimay ang kanilang mga laman. Kinakain ninyo ang kanilang laman, binabakbak ang kanilang balat, binabali ang mga buto, at tinatadtad na parang karneng iluluto. Darating ang araw na kayo'y dadaing kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo tutugunin. Hindi niya kayo papakinggan dahil sa inyong mga kasamaang ginawa.”

Ganito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa mga bulaang propeta na naging dahilan ng pagkaligaw ng bayang Israel: “Nangangako sila ng kapayapaan sa mga nagsusuhol sa kanila, ngunit pinagbabantaan nilang didigmain ang ayaw magsuhol sa kanila.”

“Sasapit ang gabi ngunit hindi kayo magkakaroon ng pangitain; lalaganap ang dilim subalit hindi kayo tatanggap ng pahayag mula sa Diyos. Lulubog na ang araw para sa mga propeta; malagim ang kahihinatnan nila. Mapapahiya ang mga manghuhula, pagtatawanan ang kanilang mga pahayag, sapagkat hindi na sila sinasagot ng Diyos.

“Subalit ako'y puspos ng kapangyarihan, ng espiritu ni Yahweh, ng katarungan at kapangyarihan upang ipahayag sa mga Israelita ang kanilang mga kasalanan. Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel. Nasusuklam kayo sa katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran! 10 Itinayo ninyo ang Zion sa pamamagitan ng pagpatay; itinatag ninyo ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan. 11 Ang kanyang mga pinuno'y nagpapasuhol muna bago humatol, nagpapaupa ang mga pari para magturo, at ang mga propeta nama'y nanghuhula dahil sa salapi. Gayunman, umaasa sila kay Yahweh at sinasabi, ‘Nasa kalagitnaan natin si Yahweh kaya walang kasamaang darating sa atin.’”

12 Kaya't(I) dahil sa inyo, ang Zion ay bubungkalin tulad ng isang bukirin, magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem, at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.

Ang Pag-iral ng Kapayapaan sa Daigdig

Darating ang panahon,
na ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh
    ay mamumukod sa kataasan sa lahat ng bundok.
Higit itong dadakilain kaysa lahat ng burol, at dudulog dito ang maraming bansa.
Daragsa ang maraming tao at sasabihin nila,
“Halikayo, tayo na sa bundok ni Yahweh,
    sa templo ng Diyos ni Jacob,
upang malaman natin ang nais niyang gawin natin
    at matuto tayong lumakad sa kanyang landas.
Sapagkat magmumula sa Zion ang katuruan,
    at sa Jerusalem ang salita ni Yahweh.”

Siya(J) ang mamamagitan sa mga bansa,
    at magpapairal ng katarungan sa lahat ng lahi.
Kaya't gagawin nilang talim ng araro ang kanilang mga tabak,
    at karit naman ang kanilang mga sibat.
Mga bansa'y di na mag-aaway,
    at sa pakikidigma'y di na magsasanay.
Sa(K) halip, bawat tao'y mamumuhay nang payapa
    sa kanyang ubasan at mga puno ng igos.
Wala nang babagabag sa kanila,
    sapagkat ito ang pangako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

Kahit na magpatuloy sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan ang lahat ng bansa, kami'y kay Yahweh na aming Diyos lamang sasamba magpakailanman.

Matutubos sa Pagkabihag ang Israel

Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong titipunin ko ang mga napilayan at ang mga binihag, gayundin ang aking mga pinarusahan. Ang mga pilay na nalabi ay bibigyan ko ng bagong buhay, at ang mga itinapon ay gagawin kong isang malakas na bansa. Akong si Yahweh, ang maghahari sa kanila buhat sa Bundok ng Zion sa araw na iyon at magpakailanman.”

At tungkol naman sa iyo, burol ng Zion, kung saan binabantayan ng Diyos ang kanyang bayan gaya ng isang pastol, ikaw ay muling magiging sentro ng kaharian katulad noon. Bakit ka dumaraing nang malakas? Wala na bang haring mangunguna sa iyo? Namatay na ba ang tagapayo mo, kaya't namimilipit ka sa sakit tulad ng isang babaing malapit nang manganak? 10 Mamilipit kayo't dumaing dahil sa matinding sakit, mga taga-Jerusalem, sapagkat aalis kayo sa lunsod at maninirahan sa kabukiran. Itatapon kayo sa Babilonia ngunit kukunin muli roon; ililigtas kayo ni Yahweh mula sa kamay ng inyong mga kaaway.

11 Maraming bansa ang nag-aabang upang salakayin ka. Sinabi nila, “Wasakin natin ang Zion. Panoorin natin ang kanyang pagkawasak.” 12 Ngunit hindi nila alam ang iniisip ni Yahweh, hindi nila nauunawaan ang kanyang layunin. Sila'y kanya lamang tinitipon upang parusahan, gaya ng ginapas na trigo, upang dalhin sa giikan. 13 Mga taga-Jerusalem, humanda kayo at parusahan ninyo ang inyong mga kaaway. Gagawin ko kayong kasinlakas ng isang toro na ang sungay ay bakal, at tanso naman ang mga paa. Dudurugin ninyo ang maraming bansa, ang mga kayamanang nasamsam ninyo ay ihahandog ninyo sa akin na Panginoon ng buong mundo.

Mga taga-Jerusalem, tipunin ninyo ang inyong mga hukbo sapagkat kinukubkob na tayo ng mga kaaway. Sinasalakay na nila ang pinuno ng Israel!

Ang Paghahari ng Tagapagpalaya

Sinabi(L) ni Yahweh, “Ngunit ikaw, Bethlehem Efrata, bagama't pinakamaliit ka sa mga angkan ng Juda ay magmumula sa iyong angkan ang isang mamumuno sa Israel. Ang kanyang pinagmulan ay buhat pa noong una, noong unang panahon pa.” Kaya nga, ang bayan ni Yahweh ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na mamumuno. Pagkatapos, ang mga Israelitang binihag ng ibang bansa ay kanyang ibabalik sa kanilang mga kababayan. Pagdating ng pinunong iyon, pamamahalaan niya ang kanyang bayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Yahweh sapagkat taglay niya ang kadakilaan ng pangalan ni Yahweh na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay na ligtas, sapagkat kikilalanin ng buong daigdig ang haring iyon. At sa kanya magmumula ang kapayapaan.

Ang Pagliligtas at ang Pagpaparusa

Kapag dumating ang mga taga-Asiria upang sakupin ang ating lupain, magsusugo tayo ng sapat na bilang ng pinakamalalakas na pinunong lalaban sa kanila. Sa(M) pamamagitan ng mga sandata ay tatalunin nila ang Asiria na lupain ni Nimrod at ipagtatanggol nila tayo kapag sumalakay ang mga taga-Asiria.

Ang mga nakaligtas na Israelita ay maninirahan sa maraming mga bansa. Matutulad sila sa hamog na mula kay Yahweh at para silang ulan na dumidilig sa damuhan. Sa Diyos sila aasa at hindi sa tao. At ang mga Israelitang naiwan sa mga bansa ay magiging parang leon na maghahanap ng pagkain sa kagubatan. Lulusubin nila ang mga kawan ng tupa, at lalapain sila; walang sinumang makakapagligtas sa mga tupa. Sasakupin at papatayin ng Israel ang kanyang mga kaaway.

10 “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “aalisan ko kayo ng mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lunsod at ibabagsak ang matitibay ninyong tanggulan. 12 Wawasakin ko ang inyong mga agimat at mawawala na rin ang mga manghuhula. 13 Wawasakin ko ang inyong mga diyus-diyosan at mga haliging itinuturing ninyong sagrado, at hindi na kayo sasamba sa ginawa ng inyong mga kamay. 14 Dudurugin ko rin ang inyong mga diyus-diyosang Ashera at iguguho ang inyong mga lunsod. 15 Ibabagsak ko sa inyo ang aking poot, at isasagawa ang aking paghihiganti sa mga bansang hindi sumunod sa akin.”

Ang Paratang sa Israel

Pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel.

Tumayo kayo, O Yahweh, at ilahad ninyo ang inyong paratang. Hayaan ninyong marinig ng mga bundok at ng mga burol ang inyong sasabihin. Mga bundok, mga di natitinag na pundasyon ng daigdig, pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel na kanyang bayan.

Sinabi niya, “Bayan ko, sagutin ninyo ako. Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Paano ba ako naging pabigat sa inyo? Inilabas(N) ko kayo sa lupain ng Egipto at tinubos sa pagkaalipin. Isinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo'y pangunahan. Bayan(O) ko, gunitain ninyo ang plano ni Balac na hari ng Moab, at ang tugon sa kanya ni Balaam na anak ni Beor, at ang nangyari mula sa Sitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga ito at malalaman ninyo ang ginawa ni Yahweh upang iligtas kayo.”

Ang Hinihingi ni Yahweh

Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan? Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan? Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.

Mainam ang magkaroon ng takot kay Yahweh. Ito ang kanyang panawagan sa lunsod: “Makinig kayo, bayang nagtitipun-tipon sa lunsod! 10 Sa mga bahay ng masasamang tao ay matatagpuan ang mga kayamanang nakuha nila sa masamang paraan. Gumagamit sila ng madayang takalan na aking kinasusuklaman. 11 Mapapatawad ko ba ang mga taong gumagamit ng madayang timbangan? 12 Mapang-api ang inyong mayayaman, at kayong lahat ay sinungaling. Ang kanilang dila'y mahusay sa panlilinlang. 13 Kaya't sinimulan ko na ang inyong pagbagsak at pagkawasak dahil sa inyong mga kasalanan. 14 Kayo'y kakain ngunit hindi mabubusog, sa halip; gutom pa rin ang inyong madarama. Mag-iimpok kayo ngunit wala ring mangyayari, at ang inyong inipon ay masisira sa digmaan.

15 “Kayo'y maghahasik subalit hindi mag-aani. Magpipisa kayo ng olibo ngunit hindi makikinabang sa langis nito. Magpipisa kayo ng ubas ngunit hindi makakatikim ng alak na katas nito. 16 Mangyayari(P) ito dahil sumunod kayo sa masasamang gawain ni Haring Omri at ng kanyang anak na si Haring Ahab. Ipinagpatuloy ninyo ang kanilang mga patakaran kaya't wawasakin ko kayo at hahamakin kayo ng lahat. Kukutyain kayo ng lahat ng bansa.”

Kabulukang Moral sa Israel

Nakakalungkot ang nangyari. Ang katulad ko'y isang taong gutom. Naghahanap ng bungangkahoy ngunit walang makita ni isa man. Wala ni isang ubas o kaya'y isang igos na labis kong kinasasabikan. Wala nang natirang matapat sa Diyos sa lupain. Wala nang matuwid. Ang lahat ay nag-aabang ng mapapatay. Bawat isa'y naghahanda ng bitag laban sa kanyang kababayan. Bihasa sila sa paggawa ng kasamaan, ang pinuno at ang hukom ay humihingi ng suhol. Kasabwat nila sa paggawa ng masama ang mga kinikilalang tao ng bansa. Ang pinakamabuti sa kanila'y parang dawag, parang tinik. Dumating na ang araw ng pagpaparusa sa kanilang mga bantay. Nalalapit na ang araw ng pagkapahiya. Huwag kang magtiwala sa kapwa mo o sa iyong kaibigan. Huwag mong isisiwalat ang iyong lihim kahit sa iyong asawa. Lalapastanganin(Q) ng anak na lalaki ang kanyang ama, at lalabanan ng anak na babae ang kanyang ina. Aawayin ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao'y ang kanya mismong kasambahay.

Ngunit para sa akin, kay Yahweh ako mananalig. Hihintayin kong may pagtitiwala ang Diyos na magliligtas sa akin at ako'y kanyang diringgin.

Ang Gagawing Pagliligtas ni Yahweh

Mga kaaway ko, huwag kayong magalak dahil sa nangyari sa akin! Kung ako ma'y nadapa, muli akong babangon. Kung ako ma'y nasa kadiliman, tatanglawan ako ngayon ni Yahweh. Titiisin ko ang galit niya sapagkat nagkasala ako sa kanya. Magtitiis ako hanggang sa ipagtanggol niya ako at bigyan ng katarungan. Dadalhin niya ako sa kaliwanagan at makikita ko ang kanyang pagliligtas. 10 Ito'y makikita ng aking kaaway, at mapapahiya siya na nagsabi sa akin, “Nasaan si Yahweh na iyong Diyos?” Makikita ko naman ang kanyang pagbagsak, at niyuyurakan siyang parang putik sa lansangan.

11 Mga taga-Jerusalem, darating ang araw na itatayong muli ang inyong mga pader at lalong lalawak ang inyong nasasakupan. 12 Sa araw na iyon ay babalik sa inyo ang mga tao buhat sa Asiria sa silangan hanggang sa Egipto, sa timog; buhat sa dakong ang hangganan ay ang Ilog Eufrates, mula sa malalayong dagat, at kabundukan. 13 Ngunit magiging disyerto ang lupa dahil sa masasamang gawain ng mga naninirahan doon.

Ang Pag-ibig ni Yahweh para sa Israel

14 Yahweh, patnubayan mong gaya ng isang pastol ang iyong bayan, ang bayan na iyong pinili. Bagama't sila'y nag-iisa sa ilang, napapalibutan naman sila ng masasaganang lupain. Hayaan mo silang manirahan at manginain sa sariwang pastulan ng Bashan at Gilead gaya noong unang panahon.

15 Magpakita ka sa amin ng mga kamangha-manghang bagay tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan. 16 Ito'y makikita ng mga bansa at sila'y mapapahiya sa kabila ng kanilang lakas. Mapapahiya sila at matitigilan. Tatakpan nila ang kanilang mga bibig at mga tainga. 17 Gagapang silang parang mga ahas; nanginginig silang lalabas mula sa kanilang mga tanggulan. Takot na lalapit sila kay Yahweh na ating Diyos.

18 Wala nang ibang diyos na tulad mo, O Yahweh. Pinapatawad mo ang mga kasalanan ng mga nakaligtas sa bayan mong pinili. Hindi nananatili ang iyong galit magpakailanman. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pag-ibig. 19 Muli mo kaming kaaawaan. Tatapakan mo ang aming mga kasalanan at ihahagis sa kalaliman ng dagat. 20 Patunayan mo ang iyong katapatan sa bayan ni Jacob at ang iyong pag-ibig sa angkan ni Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno mula pa noong unang panahon.

Ang(R) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh patungkol sa Nineve sa pamamagitan ni Nahum na isang taga-Elcos.

Ang Poot ni Yahweh sa Nineve

Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin at mapaghiganti;
    si Yahweh ay naghihiganti at napopoot.
Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin;
    kanyang mga kaaway, kanyang pinaparusahan.
Si Yahweh ay hindi madaling magalit
    subalit dakila ang kanyang kapangyarihan;
at tiyak na mananagot ang sinumang sa kanya'y kumalaban.

Bagyo at ipu-ipo ang kanyang dinaraanan;
    ang mga ulap ay kagaya lamang ng alikabok sa kanyang mga paa.
Sa utos lamang niya'y natutuyo ang dagat,
    gayundin ang mga ilog.
Natitigang ang kabukiran ng Bashan at ang Bundok Carmel,
    at nalalanta ang mga bulaklak ng Lebanon.
Nayayanig sa harapan niya ang mga bundok,
    at gumuguho ang mga burol;
ang lupa'y nayayanig sa presensya ni Yahweh,
    at nanginginig ang daigdig, gayundin ang lahat ng naninirahan rito.
Sino ang makakaligtas sa galit ni Yahweh?
    Sino ang makakatagal sa kanyang matinding poot?
Bumubugang parang apoy ang kanyang poot.
    Batong malalaki ay nadudurog dahil sa kanyang galit.

Si Yahweh ay napakabuti;
    matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan.
Mga nananalig sa kanya'y kanyang inaalagaan.
Tulad ng malaking baha, lubos niyang pupuksain ang kanyang mga kaaway,
    at tutugisin sila hanggang mamatay.
Ano ang binabalak ninyo laban kay Yahweh?
    Wawasakin niya ang kanyang mga kaaway,
    at ang paghihiganti nila'y di na mauulit pa.
10 Tulad ng mga lasenggo, sila'y malulunod sa alak;
    tulad ng sala-salabat na mga tinik at tuyong dayami, kayo ay matutupok sa apoy.

11 Di ba sa inyo nagmula ang taong nagbalak ng masama at nanghikayat na magtaksil sa kanya? 12 Sabi niya sa kanyang bansang Israel, “Kahit na malakas at marami ang mga taga-Asiria, mawawasak sila at maglalaho. Kahit na pinahirapan ko kayo noon, ito'y hindi ko na uulitin. 13 At ngayon nga, wawakasan ko na ang pagpapahirap sa inyo ng Asiria at palalayain ko na kayo sa pagkaalipin.”

14 Ito ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Asiria: “Malilipol ang lahi ninyo, wala nang magdadala ng inyong pangalan; aalisin ko sa mga templo ng inyong mga diyos ang mga imahen na nililok ng kamay. Ipaghahanda ko kayo ng libingan sapagkat wala kayong karapatang mabuhay.”

15 Masdan(S) mo't dumarating na mula sa kabundukan ang tagapaghatid ng Magandang Balita! Nasa daan na siya upang ipahayag ang kapayapaan. Ipagdiwang ninyo, mga taga-Juda ang inyong mga kapistahan, at tuparin ninyo sa Diyos ang mga ipinangako ninyo sa kanya. Hindi na kayo muling sasakupin ng masasama sapagkat lubusan na silang nawasak.

Ang Pagbagsak ng Nineve

Nineve, sinasalakay na kayo!
Dumating na ang kapangyarihang wawasak sa inyo.
    Bantayan ninyo ang mga pader at ang daan!
    Maghanda kayo para sa labanan!
Sapagkat papanumbalikin na ni Yahweh ang kadakilaan ng Israel,
    gaya noong panahong hindi pa sila nilulusob ng mga kaaway.
Naghahanda na silang sumalakay,
    pula ang mga kalasag ng mga kawal,
    at pula rin ang kanilang kasuotan.
Nagliliyab na parang apoy ang kanilang mga karwahe!
    Rumaragasa ang kanilang mga kabayong pandigma.[c]
Ang mga karwahe'y humahagibis sa mga lansangan,
    paroo't parito sa mga liwasan;
parang naglalagablab na sulo ang mga ito,
    at gumuguhit na parang kidlat.
Pagtawag sa mga pinuno'y
    nagkakandarapa sila sa paglapit.
Nagmamadali nilang tinungo ang pader na tanggulan,
    upang ilagay ang pananggalang laban sa mantelet.
Nabuksan na ang mga pintuan sa ilog,
    at ang mga tao sa palasyo ay nanginginig sa takot.
Ang reyna ay dinalang-bihag,
    kaya't dinadagukan ng mga lingkod ang kanilang dibdib.
    Sila'y nag-iiyakan, gaya ng mga kalapating nananaghoy.
Tulad ng tubig sa isang lawa na wasak ang pampang,
    ang mga tao'y mabilis na tumatakas mula sa Nineve.
“Huminto kayo!” ang sigaw nila,
    ngunit kahit isa ay wala man lang lumingon.
Samsamin ang pilak!
    Samsamin ang ginto!
Ang lunsod ay puno ng kayamanan!

10 Wasak na ang Nineve!
Iniwan na ng mga tao at ngayo'y mapanglaw na.
    Ang mga tao'y nasisindak,
    nanginginig ang mga tuhod;
    wala nang lakas, at putlang-putla sa takot.
11 Wala na ang lunsod na parang yungib ng mga leon,
    ang dakong tirahan ng mga batang leon.
Wala na rin ang dakong pinagtataguan ng inahing leon,
    ang lugar kung saan ligtas ang kanyang mga anak.
12 Pinatay na ng leon ang kanyang biktima
    at nilapa ito para sa kanyang asawa at mga anak;
    napuno ng nilapang hayop ang kanyang tirahan.

13 “Ako ang kalaban mo,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Susunugin ko ang iyong[d] mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang mga kawal mo. Kukunin ko sa iyo ang lahat ng iyong sinamsam sa iba. Ang tinig ng iyong mga sugo ay hindi na maririnig kailanman.”

Tiyak na ang iyong pagkawasak!

    Lunsod ng mga sinungaling at mamamatay-tao,
    puno ng kayamanang mananakaw at masasamsam.
Lumalagapak ang mga latigo,
    dumadagundong ang mga gulong,
    humahagibis ang mga kabayo,
    rumaragasa ang mga karwahe!
Sumusugod ang mga mangangabayo,
    kumikinang ang kanilang espada, kumikislap ang dulo ng sibat!
Nakabunton ang mga bangkay,
    di mabilang ang mga patay,
    sa mga ito'y natatalisod ang mga nagdaraan!
Ang Nineve ay katulad ng isang mahalay na babae,
    mapanukso at puno ng kamandag.
Binighani niya ang ibang mga bansa at inalipin ang mga ito.

Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
“Paparusahan kita, Nineve!
    Huhubaran kita nang makita ka ng ibang mga bansa.
    Dahil dito'y mapapahiya ka.
Tatabunan kita ng dumi,
    at gagawing hamak.
    Mandidiri sa iyo ang mga tao.
Lalayuan ka ng lahat ng makakakita sa iyo.
    Sasabihin nila, ‘Wasak na ang Nineve!
    Sino ang magmamalasakit sa kanya?
    Sino ang aaliw sa kanya?’”

Hindi Maipagtatanggol ng Nineve ang Kanyang Sarili

Nakahihigit ka ba sa Tebez?
Siya rin naman ay may ilog
    na nakapalibot gaya ng isang pader,
    ang Ilog Nilo na kanyang tanggulan.
Pinangunahan niya ang Etiopia[e] at Egipto,
    walang hanggan ang kanyang kapangyarihan;
    ang Libya ay kapanalig ng Tebez.
10 Gayunma'y dinala siyang bihag ng kanyang kaaway.
Ipinaghampasan sa mga panulukang daan ang kanilang mga anak.
Ginapos ng tanikala ang magigiting nilang lalaki,
    at ang mga ito'y pinaghati-hatian ng mga bumihag sa kanila.
11 Nineve, ikaw man ay malalasing at mahihilo.
    Sisikapin mo ring tumakas sa iyong mga kaaway.
12 Ang lahat ng iyong kuta ay magiging parang mga puno ng igos
    na hinog na ang mga bunga.
Kapag inuga ang mga puno, malalaglag ang mga bunga
    sa mismong bibig ng gustong kumain.
13 Parang mga babae ang iyong mga hukbo,
    at ang iyong bansa ay hindi kayang magtanggol laban sa kaaway.
Lalamunin ng apoy ang mga panara sa iyong mga pintuan.
14 Mag-ipon ka na ng tubig para sa panahon ng pagkubkob sa iyo.
    Tibayan mo ang iyong mga tanggulan.
Simulan mo na ang pagmamasa ng luwad,
    at hulmahin ang mga tisa.
15 Anuman ang gawin mo, matutupok ka pa rin
    at mamamatay sa labanan.
    Malilipol ka tulad ng pananim na kinain ng mga balang.
Magpakarami kang gaya ng mga balang!
16 Pinarami mo ang iyong mangangalakal;
    higit pa sila sa mga bituin sa kalangitan!
Ngunit wala na sila ngayon,
    tulad ng mga balang na nagbubuka ng kanilang mga pakpak upang lumipad palayo.
17 Ang mga pinuno mo ay parang mga balang,
    na nakadapo sa mga pader kung malamig ang panahon,
ngunit nagliliparan pagsikat ng araw,
    at walang nakakaalam kung saan sila pupunta.

18 Ang mga pinuno mo'y patay na, Asiria, gayon din ang iyong mga maharlika. Nagkalat sa parang ang iyong mamamayan at walang magtipon sa kanila. 19 Wala man lang gumamot sa iyong sugat na malubha at nagnanaknak. Lahat ng makabalita sa sinapit mo ay natutuwa't pumapalakpak, sapagkat ginawan mo silang lahat nang napakasama.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.