Bible in 90 Days
20 Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring tapat na naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon ay mapasailalim siya sa karapatan at kapangyarihan ng gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. 22 Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”
23 Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, 24 “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakaukit dito?”
“Sa Emperador po,” tugon nila.
25 Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
26 Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkamangha sa kanyang sagot.
Katanungan tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)
27 Ilang(B) Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong walang muling pagkabuhay ng mga patay. 28 Sabi(C) nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang batas na ito, ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki'y dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 29 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. 31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito. At silang lahat ay namatay na walang anak. 32 Sa kahuli-hulihan, namatay naman ang babae. 33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?”
34 Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. 35 Ngunit ang mga lalaki't babaing karapat-dapat na mapasama sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. 36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y napabilang sa mga muling binuhay. 37 Maging(D) si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa salaysay tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ 38 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y nabubuhay ang lahat.”
39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!” 40 At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.
Katanungan tungkol sa “Anak ni David”(E)
41 Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga tao na ang Cristo ay anak ni David? 42 Si(F)(G) David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa kanan ko,
43 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’
44 Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga tao na siya'y anak ni David?”
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(H)
45 Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong batiin sa mga pamilihan. Mahilig silang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga upuang pandangal sa mga handaan. 47 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda, at ginagamit ang kanilang mahahabang dasal bilang pakitang-tao. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusa sa kanila.”
Ang Handog ng Isang Biyuda(I)
21 Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng mga handog sa Templo. 2 Nakita rin niya ang isang dukhang biyuda na naghulog ng dalawang salaping tanso. 3 Sinabi niya, “Ang inihandog ng dukhang biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. 4 Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng kanilang kasaganaan, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang kabuhayan.”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(J)
5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 “Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(K)
7 Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?”
8 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo,’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. 9 Huwag kayong matatakot kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi kaagad darating ang wakas.” 10 At sinabi pa niya, “Maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakaibang bagay at mga kakila-kilabot na kababalaghan buhat sa langit.
12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipagpasya(L) ninyo na huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng pananalita at karunungang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo kahit ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.”
Ang Darating na Pagkawasak ng Jerusalem(M)
20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. 21 Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22 Sapagkat(N) iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito at darating ang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.”
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(O)
25 “Magkakaroon(P) ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27 Sa(Q) panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo at tumingala sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
Ang Aral mula sa Puno ng Igos(R)
29 At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinghaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang kaharian ng Diyos. 32 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang salinlahing ito. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.”
Mag-ingat Kayo
34 “Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito; kung hindi ay bigla kayong aabutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang malampasan ninyo ang lahat ng mangyayaring ito, at makatayo kayo sa harap ng Anak ng Tao.”
37 Araw-araw,(S) si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38 Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya.
Ang Balak Laban kay Jesus(T)
22 Malapit(U) nang ipagdiwang noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paskwa. 2 Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang mapatay nila si Jesus, ngunit nag-iingat sila dahil natatakot sila sa mga tao.
Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(V)
3 Noon(W) nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa. 4 Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus. 5 Natuwa sila at pumayag na babayaran si Judas ng salapi. 6 Nakipagkasundo siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao.
Paghahanda para sa Pista ng Paskwa(X)
7 Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siyang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong Pampaskwa. 8 Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating Hapunang Pampaskwa.”
9 “Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila.
10 Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lungsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. 11 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung nasaan ang silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa Hapunang Pampaskwa.’ 12 Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda.”
13 Lumakad sila at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskwa.
Itinatag ang Banal na Hapunan ng Panginoon(Y)
14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, “Matagal ko nang hinahangad na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskwa na ito bago ako magdusa. 16 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.”
17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.”
19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan [na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Gayundin(Z) naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo].[a]
21 “Ngunit(AA) kasalo ko rito ang magkakanulo sa akin. 22 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya.” 23 At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.
Ang Pinakadakila
24 Nagtalu-talo(AB) rin ang mga alagad kung sino sa kanila ang dapat kilalaning pinakadakila. 25 Kaya't(AC) sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinipilit ng mga hari ng mga Hentil na sila'y ituring na panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik. 26 Ngunit(AD) hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. 27 Sino(AE) ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod.
28 “Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. 29 Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. 30 Kayo'y(AF) kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel.”
Ang Pagkakaila ni Pedro(AG)
31 “Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa ginagawa ng magsasaka na inihihiwalay ang ipa sa mga trigo. 32 Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”
33 Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!”
34 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.”
Paghahanda sa Darating na Pagsubok
35 Pagkatapos(AH) nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?”
“Hindi po,” tugon nila.
36 Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may balutan o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. 37 Sinasabi(AI) ko sa inyo, dapat matupad sa akin ang sinasabi ng Kasulatang ito, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.” 38 Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya.
Nanalangin si Jesus(AJ)
39 Lumabas si Jesus, at gaya ng kanyang kinagawian, nagpunta siya sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40 Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”
41 Iniwan niya sila at pumunta sa di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.][b]
45 Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. 46 “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Ang Pagdakip kay Jesus(AK)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan, 48 subalit tinanong siya ni Jesus, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”
49 Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?” 50 Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito.
51 Sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom.
52 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa mga pinuno ng bayan na pumunta roon upang dakpin siya, “Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? 53 Araw-araw(AL) akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit takdang oras ninyo ngayon at ng kapangyarihan ng kadiliman.”
Ikinaila ni Pedro si Jesus(AM)
54 Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila na malayo ang agwat. 55 Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. 56 Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, “Kasama rin ni Jesus ang taong ito!”
57 Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, “Babae, ni hindi ko siya kilala!”
58 Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y sinabihan, “Ikaw man ay kasamahan nila.”
Ngunit sumagot siya, “Ginoo, hindi nila ako kasama!”
59 Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, “Siguradong kasama ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea.”
60 Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!”
Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” 62 Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait.
Kinutya at Binugbog si Jesus(AN)
63 Samantala, si Jesus ay kinutya at binugbog ng mga nagbabantay sa kanya. 64 Siya'y piniringan nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang sumuntok sa iyo?” 65 Marami pang panlalait ang ginawa nila sa kanya.
Sa Harapan ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(AO)
66 Kinaumagahan ay nagkatipon ang mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Dinala nila si Jesus sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at siya'y kanilang tinanong, 67 “Sabihin mo sa amin, ikaw nga ba ang Cristo?”
Sumagot si Jesus, “Sabihin ko man sa inyo ay hindi kayo maniniwala. 68 Kung tanungin ko naman kayo, hindi rin kayo sasagot. 69 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ang Anak ng Tao ay uupo sa kanan ng Makapangyarihang Diyos.”
70 “Ibig mo bang sabihin, ikaw ang Anak ng Diyos?” tanong ng lahat.
“Kayo na rin ang nagsasabi,” tugon niya.
71 “Hindi na natin kailangan ng mga saksi; tayo na mismo ang nakarinig mula sa sarili niyang bibig!” sabi nila.
Sa Harapan ni Pilato(AP)
23 Tumayo ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at dinala si Jesus kay Pilato. 2 Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na inililigaw ng taong ito ang aming mga kababayan at pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador. Sinasabi pa niyang siya raw ang Cristo, na isang hari.”
3 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”
“Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus.
4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”
5 Ngunit iginiit nila, “Sa kanyang pagtuturo ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.”
Sa Harapan ni Herodes
6 Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. 7 At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. 8 Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. 9 Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan.
10 Samantala, ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang pakundangang pinaparatangan si Jesus. 11 Siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng magarang damit, at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.
Hinatulang Mamatay si Jesus(AQ)
13 Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao. 14 Sinabi niya sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa paratang na inililigaw niya ang mga taong bayan. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin ang taong ito. Wala siyang ginawang karapat-dapat para sa hatol na kamatayan. 16 Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain.” [17 Tuwing Pista ng Paskwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggong mapipili ng taong-bayan.][c]
18 Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!” 19 Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lungsod, at dahil na rin sa salang pagpatay.
20 Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, 21 ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!”
22 Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Kaya't ipahahagupit ko siya at pagkatapos ay palalayain.”
23 Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Nanaig ang kanilang sigaw 24 kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang hinihingi. 25 Ang taong hiningi nila, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ay pinalaya niya at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan.
Si Jesus ay Ipinako sa Krus(AR)
26 Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus.
27 Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. 28 Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29 Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa(AS) mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang mangyayari sa kahoy na tuyo?”
32 May dalawa pang kriminal na inilabas ang mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [34 Sinabi(AT) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][d]
Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghati-hatian ang kasuotan niya. 35 Ang(AU) mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
36 Nilait(AV) din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”
38 Mayroon ding nakasulat sa kanyang ulunan [sa wikang Griego, Latin at Hebreo],[e] “Ito ang Hari ng mga Judio.”
39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”
40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Ang Pagkamatay ni Jesus(AW)
44 Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. 45 Nawalan(AX) ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. 46 Sumigaw(AY) nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.
47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!”
48 Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib dahil sa lungkot. 49 Nakatayo(AZ) naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kanya mula sa Galilea. Pinagmasdan nila ang mga pangyayaring ito.
Ang Paglilibing kay Jesus(BA)
50-51 May isang lalaki roon na ang pangala'y Jose. Siya'y taga-Arimatea, isang bayan sa Judea. Mabuti at matuwid ang taong ito, at isa siya sa mga naghihintay sa kaharian ng Diyos. Kahit na siya'y kagawad ng Kapulungan, hindi siya sang-ayon sa kanilang ginawa kay Jesus. 52 Nagpunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinabâ niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato na hindi pa napaglilibingan. 54 Araw noon ng Paghahanda at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga.
55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula pa sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. 56 Pagkatapos,(BB) umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.
Pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, nangilin sila ayon sa Kautusan.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(BC)
24 Maagang-maaga pa ng araw ng Linggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. 2 Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. 3 Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 Samantalang nagtataka sila kung ano ang nangyari, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit. 5 Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay? 6 Wala(BD) siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, 7 ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’”
8 Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una, 9 kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari. 10 Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol. 11 Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan. [12 Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Yumuko siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang lino na ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.][f]
Sa Daang Papunta sa Emaus(BE)
13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro[g] ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?”
Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ng isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.”
19 “Anong mga pangyayari?” tanong niya.
Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”
25 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kay hahangal ninyo! Kay kukupad ninyong maniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.
28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Palubog na ang araw at dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-aalab ang ating puso habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”
33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(BF)
36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila [at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!”][h] 37 Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y nakakita sila ng multo. 38 Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.”
[40 Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.][i] 41 Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?” 42 Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. 43 Kinuha niya ito at kinain sa harap nila.
44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.”
45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magdusa at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Tandaan(BG) ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(BH)
50 Pagkatapos(BI) ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. 51 Habang(BJ) binabasbasan niya sila, siya'y umalis [at dinala paakyat sa langit].[j] 52 Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem na punung-puno ng kagalakan. 53 Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.
Ang Salita ng Buhay
1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. 4 Nasa kanya ang buhay,[k] at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. 5 Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.
6 Sinugo(BK) ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. 7 Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. 8 Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. 9 Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.[l]
10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.
14 Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.
15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya, na isinisigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang dumarating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’”
16 Mula sa kapuspusan ng kanyang kagandahang-loob, tumanggap tayong lahat ng abut-abot na kagandahang-loob. 17 Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises; ngunit dumating ang kagandahang-loob at katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit ang natatanging Diyos[m] na pinakamamahal ng Ama, ang nagpakilala sa Ama.
Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(BL)
19 Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng mga pari at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. 20 Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.”
21 “Sino(BM) ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?”
“Hindi ako si Elias,” tugon niya.
“Ikaw ba ang Propeta?”
Sumagot siya, “Hindi rin.”
22 “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli.
23 Sumagot(BN) si Juan ayon sa nasusulat sa aklat ni Propeta Isaias,
“Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,
‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’”
24 Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. 25 Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”
26 Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Dumarating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.”
28 Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.
Ang Kordero ng Diyos
29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. 31 Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”
32 Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. 33 Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siyang nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makitang bumabâ at manatili ang Espiritu, siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ 34 Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”
Ang Unang Apat na Alagad ni Jesus
35 Kinabukasan, naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. 36 Nang makita niya si Jesus na nagdaraan ay kanyang sinabi, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos!”
37 Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, kaya't sumunod sila kay Jesus. 38 Lumingon si Jesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?”
Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro.
39 “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Jesus.
Sumama sila kay Jesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Noo'y mag-aalas kuwatro na ng hapon.
40 Ang isa sa dalawang alagad na nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Unang hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon. Sinabi niya rito, “Nakita na namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito'y Cristo. 42 At isinama ni Andres si Simon kay Jesus.
Tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas”[n] (na ang katumbas ay Pedro[o]).
Ang Pagkatawag kina Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan, minabuti ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nakita niya roon si Felipe at sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, tulad nina Andres at Pedro.
45 Nakita ni Felipe si Nathanael at sinabi niya dito, “Natagpuan na namin ang tinutukoy ni Moises sa kanyang isinulat sa aklat ng Kautusan at gayundin ng mga propeta. Siya'y si Jesus na taga-Nazaret, na anak ni Jose.”
46 “May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?” tanong ni Nathanael.
Sumagot si Felipe, “Halika't tingnan mo.”
47 Nang malapit na si Nathanael ay sinabi ni Jesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita. Wala siyang anumang pagkukunwari.”
48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano ninyo ako nakilala?”
Sumagot si Jesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.”
49 Sumagot si Nathanael, “Rabi, kayo nga po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!”
50 Sinabi ni Jesus, “Sumampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa riyan ang masasaksihan mo.” 51 At(BO) sinabi niya sa kanya, “Pakatandaan mo: makikita ninyong bukás ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Ang Unang Himala ni Jesus
2 Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3 Naubos ang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.”
4 Sinabi ni Jesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang.[p] Hindi pa ito ang aking tamang oras.”
5 Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
6 May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa rituwal ng mga Judio. 7 Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.”
At pinuno nga nila ang mga banga na halos mag-umapaw. 8 Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.”
Dinalhan nga nila ang namamahala, at 9 tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!”
11 Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kaluwalhatian at naniwala sa kanya ang mga alagad niya.
12 Pagkatapos(BP) nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw.
Pagmamalasakit para sa Templo(BQ)
13 Malapit(BR) na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. 15 Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”
17 Naalala(BS) ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”
18 Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?”
19 Sumagot(BT) si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.”
20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
21 Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22 Kaya't nang siya'y muling nabuhay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito, at sila'y naniwala sa kasulatan at sa sinabi ni Jesus.
Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao
23 Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang naniwala sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya. 24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao. 25 Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang nasa isip ng lahat ng tao.
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.”
3 Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli[q] ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.”
4 “Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong ni Nicodemo.
5 Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’[r] 8 Umiihip ang hangin[s] kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.”
9 “Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo.
10 Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? 11 Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung(BU) hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13 Wala(BV) pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.”
14 At(BW) kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
18 Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.
Si Jesus at si Juan
22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon nang kaunting panahon na kasama nila at nagbautismo ng mga tao. 23 Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. 24 Hindi(BX) pa noon nabibilanggo si Juan.
25 Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio[t] tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!”
27 Sumagot si Juan, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. 28 Kayo(BY) mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. 29 Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”
Si Jesus ang Mula sa Langit
31 Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Pinapatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit walang tumatanggap sa kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang sinasabi ng Diyos ay totoo. 34 Ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, sapagkat lubusang ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Espiritu. 35 Iniibig(BZ) ng Ama ang Anak, at ibinigay niya rito ang pamamahala sa lahat ng bagay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.
Si Jesus sa Samaria
4 Nabalitaan ng mga Pariseo na si Jesus ay mas maraming nahihikayat na maging alagad at nababautismuhan kaysa kay Juan. Nalaman ito ng Panginoon[u] 2 (bagaman hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo, kundi ang kanyang mga alagad), 3 kaya umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea. 4 Kailangan dumaan siya sa Samaria.
5 Dumating(CA) siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. 6 Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil napagod si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon.
7 May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” 8 Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan.
9 Sinabi(CB) sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako. Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano.[v]
10 Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”
11 Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang pansalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?”
13 Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”
15 Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na iyan upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.”
16 “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus.
17 “Wala akong asawa,” sagot ng babae.
Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa 18 sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.”
19 Sinabi ng babae, “Ginoo, palagay ko ay isa kang propeta. 20 Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.”
21 Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. 23 Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama. 24 Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”
25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.”
26 “Akong kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus.
27 Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nagtaka sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?”
28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, 29 “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?”
30 Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus.
31 Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Rabi, kumain na kayo.”
32 Ngunit sumagot siya, “Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.”
33 Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”
34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin.
35 “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan pa at anihan na’? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't magkasamang magagalak ang nagtatanim at ang umaani. 37 Dito nagkakatotoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan.”
39 Maraming Samaritano sa bayang iyon ang naniwala kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa.” 40 Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw.
41 At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. 42 Pagkatapos, sinabi nila sa babae, “Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.”
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno ng Pamahalaan
43 Pagkaraan ng dalawang araw, bumalik si Jesus sa Galilea. 44 (Si(CC) Jesus na rin ang nagpatotoo na ang isang propeta'y hindi iginagalang sa sarili nitong bayan.) 45 Pagdating(CD) niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.
46 Nagpunta(CE) muli si Jesus sa Cana sa Galilea, kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit 47 at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.”
49 Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.”
50 Sumagot si Jesus, “Umuwi ka na, hindi mamamatay ang iyong anak.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. 51 Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak.
52 Tinanong niya ang mga iyon, “Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?”
“Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat,” tugon nila.
53 Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi mamamatay ang iyong anak.” Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus.
54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea.
Ang Pagpapagaling sa Bethzata
5 Pagkaraan nito'y dumating ang isang pista ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking imbakan ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata.[w] 3 Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. [4 Sila'y naghihintay na gumalaw ang tubig, dahil may panahong ang isang anghel ng Panginoon ay bumababa at pinapagalaw ang tubig, at ang maunang lumusong sa tubig matapos na ito'y gumalaw ay gumagaling sa anumang karamdaman.][x]
5 May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. 6 Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”
7 Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”
8 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.
Noo'y Araw ng Pamamahinga 10 kaya't(CF) sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.”
11 Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.”
12 At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” 13 Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat maraming tao sa lugar na iyon at nakaalis na si Jesus.
14 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.”
15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat ginawa niya ito sa Araw ng Pamamahinga.
17 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain hanggang ngayon, at gayundin ako.” 18 Lalo(CG) namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.
Ang Kapangyarihan ng Anak
19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.
24 “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. 27 Binigyan niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig 29 at sila'y(CH) babangon. Lahat ng gumawa ng kabutihan ay babangon patungo sa buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay babangon patungo sa kaparusahan.”
Mga Saksi para kay Jesus
30 “Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpadala(CI) kayo ng mga sugo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. 35 Si(CJ) Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawang ipinapagawa sa akin ng Ama na siya ko namang ginaganap, ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At(CK) ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik(CL) ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.
41 “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. 42 Subalit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala sa akin kung ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. 46 Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.