Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Daniel 9:1 - Hosea 13:6

Ang Panalangin ni Daniel para sa Kanyang mga Kababayan

Noon ay unang taon ng paghahari ni Dario sa Babilonia. Siya ay anak ni Xerxes at buhat sa lahing Medo. Akong(A) si Daniel ay nagbabasa ng mga aklat upang alamin ang kahulugan ng pitumpung taóng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias.

Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo. Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos at inihingi ko ng kapatawaran ang mga kasalanan ng aking mga kababayan. Ganito ang sinabi ko:

“O Panginoon, dakila at Kamangha-manghang Diyos na laging tapat sa kasunduan at tunay na nagmamahal sa mga umiibig sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. Nagkasala po kami at nagpakasama. Naghimagsik po kami at sumuway sa inyong mga tuntunin at utos. Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na binigyan ninyo ng kapangyarihang magpahayag sa aming mga hari, pinuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon,(B) lagi po kayong nasa katuwiran at kami hanggang ngayo'y nasa kahihiyan, gayundin po ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, pati ang mga ipinatapon ninyo sa iba't ibang dako dahil sa kanilang kataksilan. Kami po, O Yahweh, ang aming mga hari, pinuno at magulang ay nahihiya sapagkat nagkasala kami sa inyo. Panginoon naming Diyos, kayo po ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming paghihimagsik 10 at pagsuway sa mga utos na ibinigay ninyo sa amin na inyong mga alipin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang(C) buong Israel ay nagkasala sa inyo, sumuway sa inyong kautusan at hindi nakinig sa inyong tinig. Dahil dito, ibinuhos ninyo sa amin ang mga sumpa na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod ninyong si Moises. 12 Tinupad ninyo ang inyong sinabi sa amin at sa aming mga pinuno na kami'y inyong paparusahan dahil sa aming pagkakasala; sapagkat sa buong daigdig ay wala pang nangyaring tulad ng dinanas ng Jerusalem. 13 Tulad ng nasusulat sa Kautusan ni Moises, naranasan namin ang kapahamakang ito. Gayunman, Yahweh, aming Diyos, wala kaming ginawa upang maglubag ang inyong kalooban. Hindi rin namin tinalikuran ang aming kasamaan ni kinilala ang katotohanang inyong ipinapahayag. 14 Kaya, pinarusahan ninyo kami dahil sa aming pagsuway sapagkat kayo, O Yahweh na aming Diyos ay matuwid sa lahat ng inyong gawa. 15 Panginoon(D) naming Diyos, ipinakilala ninyo ang inyong kapangyarihan mula nang ilabas ninyo ang inyong bayan mula sa lupain ng Egipto hanggang ngayon. Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa inyo. 16 Kaya nga, O Panginoon, alang-alang sa inyong mabuting gawa, huwag na po kayong mapoot sa Jerusalem na inyong lunsod, ang inyong banal na bundok. Dahil sa kasamaan namin at ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang inyong bayan ay hinahamak ng mga bansang nakapaligid sa amin. 17 Dahil(E) dito, O aming Diyos, pakinggan po ninyo ang pakiusap at daing ng inyong alipin at alang-alang sa inyo O Diyos, kahabagan po ninyo ang inyong Templong nawasak. 18 O(F) Diyos ko, pakinggan po ninyo kami. Masdan ninyo ang masaklap naming kalagayan at ang pagkawasak ng lunsod na nagtataglay ng inyong pangalan. Lumalapit po kami sa inyo hindi dahil sa kami'y matuwid kundi dahil sa kayo'y mahabagin. 19 Dinggin po ninyo kami, O Panginoon; patawarin po ninyo kami, O Panginoon; kahabagan po ninyo kami, O Panginoon. Alang-alang sa inyo, aking Diyos, huwag na po kayong mag-atubili, yamang ang inyong lunsod at ang inyong sambayanan ay nakatatag sa ibabaw ng inyong kapangyarihan.”

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pahayag

20 Habang ako'y nananalangin at ipinapahayag ko ang aking kasalanan at ang kasalanan ng bayan kong Israel, nakikiusap ako Yahweh, aking Diyos, alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos, 21 ang(G) anghel na si Gabriel, na nakita ko sa aking unang pangitain, ay mabilis na lumipad palapit sa akin sa oras ng paghahandog sa gabi. 22 Sinabi niya, “Daniel, naparito ako para bigyan ka ng karunungan at pang-unawa. 23 Sa simula pa lamang ng iyong pakikiusap ay tinugon ka na ng Diyos. Labis ka niyang minamahal. Naparito ako para sabihin sa iyo ang kanyang tugon, kaya makinig ka upang maunawaan mo ang pangitain.

24 “Pitumpung linggo[a] ang panahong palugit sa iyong sambayanan at sa banal na lunsod upang tigilan ang pagsuway, wakasan ang kasamaan, at pagbayaran ang kasalanan. Pagkatapos, maghahari na ang walang hanggang katarungan, magaganap ang kahulugan ng pangitain at ang pahayag; itatalaga na rin ang Kabanal-banalan. 25 Unawain mo ito: Mula sa pagbibigay ng utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas ang pitong linggo.[b] Muling itatayo ang Jerusalem, ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu't dalawang linggo;[c] ito ay panahon rin ng kaguluhan. 26 Pagkalipas ng animnapu't dalawang linggo,[d] papatayin ang hinirang ng Diyos. Ang lunsod at ang templo ay wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari. Ang wakas ay darating na parang baha at magkakaroon ng digmaan at pagkawasak na itinakda ng Diyos. 27 Ang(H) haring ito'y gagawa ng isang matibay na kasunduan sa maraming tao sa loob ng isang linggo.[e] Pagkaraan ng kalahating linggo,[f] papatigilin niya ang paghahandog. Ilalagay niya sa itaas ng Templo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. Mananatili ito roon hanggang sa wakasan ng Diyos ang naglagay nito.”

Ang Pangitain ni Daniel sa Pampang ng Ilog Tigris

10 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Ciro ng Persia, isang pahayag ang dumating kay Daniel na tinatawag ding Beltesazar. Ang pahayag na iyon ay totoo ngunit mahirap unawain. Ngunit naunawaan din ito ni Daniel sa pamamagitan ng pangitain.

Noon, akong si Daniel ay tatlong linggo nang nagluluksa. Tatlong linggo na rin akong hindi kumain ng anumang masarap na pagkain, ni tumikim man lamang ng karne o alak. Ni hindi ako naglagay ng langis sa aking ulo. Noong ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang nakatayo ako sa pampang ng malaking Ilog Tigris, tumingala(I) ako at may nakita akong isang lalaking nakadamit ng telang lino at may sinturong yari sa lantay na ginto. Ang katawan niya'y kumikinang na parang topaz at ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat. Nagliliyab na parang sulo ang kanyang mga mata at ang kanyang mga paa't kamay ay nagniningning na parang makinis na tanso. Ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao. Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitain sapagkat nagtakbuhang nanginginig sa takot at nagsipagtago ang aking mga kasama. Naiwan akong mag-isa, kaya ako lang ang nakakita sa pangitain. Nawalan ako ng lakas at ako'y namutla. Nagsalita ang lalaking iyon; at nang marinig ko ang kanyang tinig, walang malay akong nasubasob sa lupa.

Ipinaliwanag ang Pangitain

10 Walang anu-ano, may kamay na biglang humawak sa akin. Dahil sa takot, nanginginig pa rin ang aking mga kamay at mga tuhod. 11 Sinabi niya, “O Daniel, lubos kitang minamahal, tumayo ka at pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko. Isinugo ako para sabihin ito sa iyo.” Nanginginig naman akong tumayo. 12 Sinabi pa niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula pa nang nagpakumbaba ka sa harapan ng Diyos upang magkaroon ka ng pang-unawa, dininig na ang iyong dalangin. Kaya naparito ako. 13 Ngunit(J) pinigilan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw, hanggang sa dumating si Miguel, isa sa mga pangunahing pinuno na sumaklolo sa akin sapagkat naiwan ako noong nag-iisa kasama ng mga hari ng Persia.[g] 14 Nagtuloy na ako rito upang ipaliwanag kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayan pagdating ng araw. Ang nakita mong pangitain ay tungkol sa hinaharap.”

15 Matapos niyang sabihin ito, napayuko na lamang ako at hindi makapagsalita. 16 At may isang kahawig ng tao na biglang humipo sa aking labi at muli akong nakapagsalita. Sinabi ko sa aking kaharap, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing ito. 17 Hindi po ako makapagsalitang tulad ninyo sapagkat wala nga akong lakas. Halos hindi ako makahinga.”

18 Kaya muli niya akong hinipo at nanumbalik ang aking lakas. 19 Sinabi niya sa akin, “Ikaw na labis na minamahal, huwag kang matakot. Ipanatag mo ang iyong kalooban at magpakatapang ka.” Pagkatapos niyang magsalita, tuluyan nang nagbalik ang aking lakas.

Sinabi ko, “Magpatuloy kayo, ginoo, at naibalik na ninyo ang aking lakas.”

20 Sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako naparito? Babalik ako sa Persia upang ituloy ang pakikipaglaban sa pinuno ng kahariang iyon. Pagkatapos ay darating naman ang pinuno ng Grecia. 21 Naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang nasa Aklat ng Katotohanan. Sa pakikipaglaban ko'y wala akong makatulong kundi si Miguel na iyong pinuno.”

11 “Nang unang taon ng paghahari ni Dario na taga-Media, pinalakas ni Miguel ang aking kalooban at tinulungan niya ako.

Ang mga Hari ng Egipto at Siria

“Ngayon, sasabihin ko sa iyo ang katotohanan: Magkakaroon pa ng tatlong hari ang Persia. Pagkatapos, lilitaw naman ang ikaapat na hari na magiging mas mayaman kaysa sa kanilang lahat. Dahil sa kanyang kayamanan, siya'y magiging makapangyarihan at hahamunin niya ang kaharian ng Grecia. Pagkatapos, lilitaw ang isa na namang makapangyarihang hari. Ito ay maghahari sa isang malawak na nasasakupan at gagawin niya ang anumang kanyang maibigan. Kapag naghahari na siya, mahahati sa apat ang kanyang kaharian ngunit isa ma'y walang mauuwi sa kanyang mga kaanak. Ang kaharian niya'y masasakop ng mga taga-ibang bayan, ngunit sinuman sa kanila'y hindi magkakaroon ng kapangyarihang mamahala tulad ng sa kanya.

“Ang hari sa Egipto ay magiging makapangyarihan. Ngunit magiging mas makapangyarihan kaysa kanya ang isa niyang pinuno, at mas magiging malawak ang kaharian nito. Pagkalipas ng ilang taon, ang hari ng Egipto ay makikipagkasundo sa hari ng Siria at ipakakasal sa kanya ang anak nitong babae. Ngunit ang pagkakasundo ay di magtatagal. Siya, ang kanyang asawa't anak at ang mga lingkod na sumama sa kanya ay papataying lahat.

“Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay. Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon. At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain.

10 “Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto. 11 Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila. 12 Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay. 13 Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbo na mas malaki kaysa una nitong hukbo. Pagkalipas ng ilang taon, muli itong sasalakay kasama ang mas maraming kawal na may dalang napakaraming kagamitang pandigma.

14 “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila upang matupad ang kanilang hangarin, ngunit mabibigo silang lahat. 15 Ang hari ng Siria ay darating upang kubkubin at salakayin ang isang matibay na lunsod. Walang magagawa ang hukbo ng hari ng Egipto pati ang mga pinakamahuhusay na kawal nito. 16 Kaya't magagawa ng Asirianong manlulupig ang lahat ng gusto niya at walang sinumang makakahadlang sa kanya. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.

17 “Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari doon at iaalok ang kanyang anak na babae upang maging asawa nito sa layuning wasakin ang kaharian ng Egipto. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. 18 Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang marami sa mga tagaroon. Ngunit matatalo siya ng isang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan upang hindi siya makaganti. 19 Ang haring ito ay babalik sa mga kuta ng kanyang lupain ngunit matatalo rin at mamamatay.

20 “Ang papalit sa haring ito ay magsusugo ng mga taong sapilitang maniningil ng buwis para sa karangalan ng kaharian. Ngunit hindi magtatagal, siya'y mamamatay nang hindi dahil sa labanan o sa digmaan.

Ang Masamang Hari ng Siria

21 “May lilitaw na isang malupit at kinapopootang tao na gustong maging hari. Ngunit hindi ibibigay sa kanya ang karapatan sa trono. Kaya, bigla niyang aagawin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya at katusuhan. 22 Gagapiin niya at dudurugin ang mga hukbong sandatahan pati ang Dakilang Pari. 23 Makikipagkasundo siya sa maraming mga bansa, ngunit dadayain niya ang mga ito. Bagama't kakaunti ang kanyang mga tauhan, siya ay magiging makapangyarihan. 24 Lihim niyang kukunin ang pinakamayayamang bahagi ng lalawigan. Gagawin niya ang mga bagay na hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Ang kanyang mga tagasunod ay bibigyan niya ng bahagi mula sa mga nasamsam nila sa digmaan. Iisip siya ng mga panukala upang lusubin ang iba't ibang kuta, ngunit hindi siya magtatagal.

25 “Ang haring ito ay magtatatag ng isang malaking hukbo upang ipakita ang kanyang lakas at tapang laban sa hari ng Egipto, ngunit mas malaki at mas malakas ang hukbong ihaharap nito sa kanya. Gayunman, madadaya ang hari ng Egipto at siya ay hindi magtatagumpay. 26 Pagtatangkaan siyang patayin maging ng mga kasalo niya sa pagkain. Malulupig din ang kanyang hukbo at marami ang mamamatay sa labanan. 27 Ang dalawang hari na kapwa may masamang balak ay magkasalong kakain at magsasalita ng kasinungalingan sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon. 28 Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago siya umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos.

29 “Pagdating ng takdang araw, sasalakayin niyang muli ang Egipto, ngunit sa pagkakataong iyon, ang mangyayari'y hindi tulad noong una. 30 Hahadlangan(K) siya ng hukbong-dagat ng Kitim at matatakot siya. Dahil dito, aatras siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga tumalikod sa presensya ng Diyos. 31 Magpapadala(L) siya ng mga hukbong sandatahan upang lapastanganin ang Templo. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ipapalit ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. 32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga Judiong tumalikod sa kasunduan, ngunit maninindigan ang mga nananatiling tapat sa kanilang Diyos. 33 Tuturuan ng marurunong sa lupain ang mga tao kahit na sa simula ay mamamatay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng espada at apoy o mabihag at pagnakawan. 34 Sa kanilang pagkatalo, may ilan lamang na tutulong sa kanila bagama't marami ang magkukunwaring kasama nila. 35 Ilan sa marurunong ang nagbubuwis ng buhay upang ang mga nalabi sa kanila ay maging dalisay at malinis hanggang sa dumating ang takdang wakas.

36 “Gagawin(M) ng hari ang kanyang magustuhan. Itataas niya ang kanyang sarili at gagawing higit kaysa alinmang diyos; hahamakin niya maging ang Kataas-taasang Diyos. Magtatagumpay lamang siya habang hindi pa ibinubuhos ng Diyos ang kanyang poot, sapagkat kailangang maganap ang mga bagay na itinakda. 37 Hindi niya pahahalagahan ang mga diyos ng kanyang mga ninuno ni ang sinasamba ng mga kababaihan. Sa katunayan, wala siyang pahahalagahang diyos, sapagkat ipalalagay niyang higit siya sa lahat. 38 Wala siyang kikilalaning diyos kundi ang diyos na nagbabantay ng mga muog. Mag-aalay siya ng ginto, pilak, mamahaling bato at mamahaling regalo sa diyos na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. 39 Gagamitin niya ang mga taong sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi kilala upang ipagtanggol ang kanyang mga muog. Pagkakalooban niya ng malaking karangalan ang lahat ng tatanggap sa kanya bilang pinuno. Sila'y gagawin niyang tagapamahala at bibigyan ng lupain bilang gantimpala.

40 “Darating ang araw na ang hari ng Siria ay sasalakayin ng hari ng Egipto, ngunit haharapin niya ito sa pamamagitan ng maraming karwaheng pandigma, kabayuhan at mga sasakyang pandagat. Sasakupin niya ang mga bansa na parang dinaanan ng isang malaking baha. 41 Papasukin din niya ang lupang pangako at libu-libo ang mamamatay sa labanan. Ngunit makakaligtas ang mga Edomita, Moabita at ang mga nalabing Ammonita. 42 Maraming bansa ang masasakop niya, kabilang dito ang Egipto. 43 Pamamahalaan niya ang ginto, pilak at lahat ng kayamanan ng Egipto; pati ang Libya at ang Etiopia[h] ay masasakop niya. 44 Ngunit mabibigla siya dahil sa balitang darating mula sa silangan at hilaga. Dahil dito'y mag-aalab ang kanyang galit at papatay ng marami sa labanan. 45 Magtatayo siya ng mala-palasyong tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok na kinalalagyan ng Templo. Ngunit doon siya mamamatay ng wala man lang tutulong sa kanya.

Pahayag tungkol sa Huling Panahon

12 “Sa(N) panahong iyon, darating ang dakilang anghel na si Miguel, ang makapangyarihang pinuno at tagapagtanggol ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos. Muling(O) mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan. Ang marurunong na pinuno ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit at ang mga umaakay sa marami sa pagiging matuwid ay sisikat na parang bituin magpakailanman. Daniel,(P) ingatan mo muna ang mga pahayag na ito at isara ang aklat upang hindi ito mabuksan hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Marami ang magsasaliksik at magsisikap na maunawaan ang maraming bagay.”

Akong si Daniel ay tumingin at may nakita akong dalawang tao, isa sa magkabilang pampang ng ilog. Tinanong ng isa ang anghel na nakatayo sa gawing dulo, “Gaano pa katagal bago maganap ang mga pangitaing ito?”

Itinaas(Q) ng anghel ang dalawang kamay at narinig kong sinabi niya, “Sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman, magaganap ang lahat ng ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng bayan ng Diyos.”

Hindi ko naunawaan ang kanyang sagot, kaya't ako'y nagtanong, “Ginoo, ano po ba ang kahihinatnan ng lahat ng ito?”

Sinabi niya sa akin, “Makakaalis ka na, Daniel. Ang kahulugan nito'y mananatiling lihim hanggang dumating ang wakas. 10 Marami(R) ang dadalisayin at mapapatunayang may malinis na kalooban. Ngunit magpapakasama pa ang masasama, at wala isa man sa kanila ang makakaunawa sa mga bagay na mauunawaan ng marurunong. 11 Lilipas(S) ang 1,290 araw mula sa panahon na papatigilin ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam. 12 Mapapalad ang mananatiling tapat hanggang sa matapos ang 1,335 araw. 13 Daniel, maging tapat ka nawa hanggang sa wakas. Mamamatay ka ngunit muling bubuhayin sa huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala.”

Ang(T) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh kay Hosea, na anak ni Beeri. Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias. Si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari noon ng Israel.

Ang Asawa at mga Anak ni Hosea

Nang unang mangusap si Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya, “Mag-asawa ka ng isang babaing nakikipagtalik sa iba-ibang mga lalaki. Magkaroon ka ng mga anak sa kanya. Sapagkat katulad din ng babaing iyan, ang mga tao sa lupaing ito ay nagtaksil sa akin.”

Napangasawa nga ni Hosea si Gomer na anak ni Diblaim. Di nagtagal, ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. Sinabi(U) ni Yahweh kay Hosea, “Jezreel[i] ang ipapangalan mo sa bata sapagkat paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa maramihang pagpaslang sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng Israel. Sa araw na iyon, wawasakin ko sa libis ng Jezreel ang lakas ng hukbong Israel.”

Naglihing muli si Gomer at isang babae naman ang kanyang naging anak. Sabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siyang Lo-ruhama[j] sapagkat hindi ko na kahahabagan ni patatawarin man ang Israel. Ngunit kahahabagan ko ang sambahayan ni Juda. Ililigtas ko sila, subalit hindi sa pamamagitan ng pana, tabak, digmaan, mga kabayo, ni ng mga mangangabayo man, kundi sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan.”

Nang si Lo-ruhama ay mahiwalay na sa pagpapasuso ng ina, naglihi muli si Gomer at nagsilang ng isang lalaki. At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siyang Lo-ammi,[k] sapagkat ang Israel ay hindi ko na ituturing na aking bayan at hindi na ako ang kanilang Diyos.”

Ang Israel ay Panunumbalikin

10 Gayunma'y(V) magiging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga taga-Israel, hindi mabibilang dahil sa sobrang dami. Ngayo'y sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi ko bayan,” ngunit darating ang panahon na sasabihin sa kanila, “Kayo ang mga anak ng Diyos na buháy.”

11 Muling magkakasama ang mga taga-Juda at mga taga-Israel; itatalaga nila ang isang pinuno, at muli silang uunlad at magiging sagana sa kanilang lupain. Ang araw na iyon ay magiging isang dakilang araw sa Jezreel.

Kaya't tatawagin ninyo ang inyong mga kapwa Israelita na “Ammi”[l] at “Ruhama”.[m]

Ang Taksil na si Gomer—ang Taksil na Israel

Pakiusapan mo ang iyong ina, pakiusapan mo siya,
    sapagkat hindi ko na siya itinuturing na asawa,
    at wala na akong kaugnayan sa kanya.
Pakiusapan mo siyang itigil ang pangangalunya,
    at tigilan na ang kanyang kataksilan.
Kung hindi'y huhubaran ko siya
    tulad ng isang sanggol na bagong silang;
gagawin ko siyang tulad ng disyerto,
    tulad ng isang tigang na lupa,
    at hahayaan ko siyang mamatay sa uhaw.
Hindi ko kakahabagan ang kanyang mga anak,
    sapagkat sila ay mga anak sa pagkakasala.
Ang kanilang ina ay naging taksil na asawa;
    at siyang sa kanila'y naglihi ay naging kahiya-hiya.
Sinabi pa nga niya, “Susundan ko ang aking mga mangingibig,
    na nagbibigay ng aking pagkain at inumin,
    ng aking damit at balabal, langis at alak.”
Dahil dito, haharangan ko ng mga tinik ang kanyang mga landas;
    paliligiran ko siya ng pader,
    upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig,
    ngunit sila'y hindi niya maaabutan.
Sila'y kanyang hahanapin,
    ngunit hindi niya matatagpuan.
Kung magkagayon, sasabihin niya,
    “Babalik ako sa aking unang asawa,
    sapagkat higit na mabuti ang buhay ko sa piling niya noon kaysa kalagayan ko ngayon.”
Hindi niya kinilalang
    ako ang nagbigay sa kanya
    ng pagkaing butil, ng alak at ng langis.
Sa akin nanggaling ang pilak
    at ginto na ginagamit niya sa pagsamba kay Baal.
Kaya't babawiin ko
    ang pagkaing butil na aking ibinigay
    maging ang bagong alak sa kapanahunan nito.
Babawiin ko rin ang mga damit at balabal,
    na itinakip ko sa kanyang kahubaran.
10 Ngayo'y ilalantad ko ang kanyang kahubaran
    sa harapan ng kanyang mga mangingibig,
    walang makakapagligtas sa kanya mula sa aking mga kamay.
11 Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang pagdiriwang,
    ang mga kasayahan at mga araw ng pangilin,
    gayundin ang lahat ng itinakda niyang kapistahan.
12 Sasalantain ko ang kanyang mga ubasan at mga punong igos,
    na sinasabi niyang upa sa kanya ng kanyang mga mangingibig.
Lahat ng iyan ay kakainin ng mga hayop,
    at masukal na gubat ang kauuwian.
13 Paparusahan ko siya dahil sa mga kapistahan, na kanyang ipinagdiwang sa karangalan ni Baal;
    nagsunog siya ng insenso sa mga diyus-diyosan,
nagsuot din siya ng mga singsing at alahas,
    pagkatapos ay humabol sa kanyang mga mangingibig,
    at ako'y kanyang nilimot, sabi ni Yahweh.

Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Kanyang Bayan

14 “Ngunit masdan mo, siya'y muli kong susuyuin,
    dadalhin ko sa ilang,
    kakausapin nang buong giliw.
15 Doon(W) ay ibabalik ko sa kanya ang kanyang mga ubasan,
    at gagawin kong pinto ng pag-asa ang Libis ng Kaguluhan.
Tutugon naman siya tulad noong panahon ng kanyang kabataan,
    nang siya'y ilabas ko sa lupain ng Egipto.”

16 “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “Ang itatawag mo sa akin ay ‘Aking Asawa,’ at hindi mo na ako tatawaging ‘Aking Baal.’ 17 Sapagkat ipalilimot ko na sa iyo ang mga pangalan ng mga Baal, at hindi na muling ipababanggit ang mga ito. 18 Sa araw na iyon, alang-alang sa iyo, makikipagkasundo ako sa mga hayop sa parang, sa mga ibon sa kalawakan, sa mga nilikhang sa lupa'y gumagapang. Aalisin ko sa lupain ang pana, ang espada at ang digmaan. Upang kayo'y makapagpahingang matiwasay.

19 Ikaw ay magiging aking asawa magpakailanman, Israel;
    mabubuklod tayo sa katuwiran at katarungan,
    sa wagas na pag-ibig at sa pagmamalasakit sa isa't isa.
20 Ikaw ay magiging tapat kong asawa,
    at kikilalanin mong ako nga si Yahweh.”

21 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh,
    “Tutugunin ko ang panalangin ng aking bayan,
    magkakaroon ng ulan upang ibuhos sa lupa.
22 Sa gayon, sasagana sa lupain ang pagkaing butil, ang alak at ang langis.
    Ito naman ang katugunan sa pangangailangan ng Jezreel.
23 Sa(X) panahon ding iyon ay ibabalik ko ang mga Israelita sa kanilang lupain.
Kahahabagan ko si Lo-ruhama,
    at sasabihin ko kay Lo-ammi, ‘Ikaw ang aking Bayan’,
    at tutugon naman siya, ‘Ikaw ang aking Diyos.’”

Si Hosea at ang Babaing Mangangalunya

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Umalis kang muli, at ipakita mo ang iyong pag-ibig sa iyong asawa bagaman siya'y nangangalunya. Sapagkat mahal pa rin ni Yahweh ang Israel kahit na sumamba sila sa ibang mga diyos at laging naghahandog sa mga ito ng tinapay na may pasas.”

Kaya't binili ko siya sa halagang labinlimang pirasong pilak at 150 kilong sebada. At sinabi ko sa kanya, “Manatili kang tapat sa akin. Huwag ka nang mangalunya o makipagtalik pa sa ibang lalaki. Ako ay magiging tapat sa iyo.” Sapagkat ang mga taga-Israel ay mamumuhay na walang hari at walang pinuno sa loob ng mahabang panahon. Mawawalan din sila ng mga handog, Ashera, efod, at larawan ng mga diyus-diyosan. Pagkatapos, magbabalik-loob sila kay Yahweh na kanilang Diyos at kay David na kanilang hari. Sa mga huling araw, nanginginig silang lalapit kay Yahweh at malalasap nila ang kanyang kabutihan.

Ang Paratang ni Yahweh Laban sa Israel

Dinggin ninyo, mga taga-Israel, ang pahayag ni Yahweh,
    sapagkat may bintang siya laban sa inyo.
“Sa lupaing ito ay walang katapatan,
    walang pagmamahalan at walang pagkilala sa Diyos.
Sa halip ay laganap ang pagtutungayaw at pagsisinungaling,
    pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya.
Nilalabag nila ang lahat ng batas
    at sunud-sunod ang mga pamamaslang.
Kaya't nagdadalamhati ang lupain,
    nalulumbay ang lahat ng naninirahan dito.
Halos malipol ang mga hayop sa parang,
    ang mga ibon sa papawirin,
    at ang mga isda sa dagat.

Ang Paratang ni Yahweh Laban sa mga Pari

“Gayunma'y huwag magbintang ang sinuman,
    at huwag usigin ang iba,
    sapagkat ang hinanakit ko'y laban sa inyo, mga pari.
Araw at gabi'y lagi kayong nabibigo,
    at ang propeta'y kasama ninyong bigo.
    Kaya't lilipulin ko ang Israel na inyong ina.
Nalipol ang aking bayan dahil sa kamangmangan;
    sapagkat itinakwil ninyo ang karunungan,
    itinatakwil ko rin kayo bilang pari.
At dahil kinalimutan ninyo ang kautusan ng inyong Diyos,
    kalilimutan ko rin ang inyong mga anak.

“Habang dumarami ang mga pari,
    lalo naman silang nagkakasala
    sa akin;
    kaya gagawin kong kahihiyan ang kanilang kadakilaan.
Yumayaman sila dahil sa kasalanan ng mga tao;
    nabubusog sila sa kasamaan ng aking bayan.
At gayon nga ang nangyayari, kung ano ang pari, gayundin ang bayan.
    Kaya't paparusahan ko sila at pagbabayarin,
    dahil sa kanilang kasamaan.
10 Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
    makikipagtalik sila sa mga babae sa templo, ngunit hindi sila magkakaanak;
sapagkat itinakwil nila si Yahweh
    at sila'y bumaling sa ibang mga diyos.”

Isinumpa ni Yahweh ang Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

11 “Ang alak, luma man o bago,
    ay nakakasira ng pang-unawa.
12 Sumasangguni ang aking bayan sa diyus-diyosang kahoy; itinatanong nila sa haliging kahoy kung ano ang dapat gawin.
    Sinasagot sila sa pamamagitan ng tungkod.
Sila'y iniligaw ng masamang pamumuhay,
    at ipinagpalit nila sa kahalayan ang kanilang Diyos.
13 Nag-aalay sila ng mga handog na susunugin sa mga sagradong bundok,
    at nagsusunog ng mga handog sa ibabaw ng mga burol,
sumasamba sila sa ilalim ng mga ensina, alamo at roble,
    sapagkat mayabong ang mga ito at malawak ang lilim.
Kaya't nakikipagtalik kahit kanino ang iyong mga anak na dalaga,
    at nangangalunya naman ang mga manugang mong babae.
14 Gayunman, hindi ko paparusahan ang iyong mga anak na dalaga kahit sila'y magpakasama.
    Gayundin ang iyong mga manugang kahit na sila'y mangalunya;
sapagkat ang mga lalaki ay nakikipagtalik din sa mga babae sa templo,
    at kasama nilang naghahandog sa mga diyus-diyosan.
Ganyan winawasak ng mga taong hangal ang kanilang sarili.

15 “Bagaman ikaw ay nangalunya, O Israel,
    hindi naman kailangang papanagutin din ang Juda.
Huwag kang pumasok sa Gilgal,
    ni umakyat sa Beth-aven;[n]
    at huwag kang sumumpa ng, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy.’[o]
16 Matigas ang ulo ng Israel,
    tulad ng dumalagang baka.
Kaya't pakakainin pa ba sila ni Yahweh
    tulad ng mga tupang dinadala niya sa maluwang na pastulan?
17 Nakiisa sa mga diyus-diyosan ang Efraim;
    pabayaan mo na siya.
18 Bagaman ubos na ang kanilang alak, patuloy pa rin sila sa pangangalunya;
    higit nilang nais ang kahihiyan kaysa karangalan.
19 Tatangayin sila ng malakas na hangin,
    at mapapahiya sila nang labis dahil sa kanilang handog sa mga diyus-diyosan.

“Pakinggan ninyo ito, mga pari!
    Dinggin ninyo ito, sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, sambahayan ng hari!
    Sapagkat kayo ang tinutukoy sa kahatulan.
Kayo'y naging bitag sa Mizpa,
    at lambat na nakalatag sa Bundok Tabor.
Kayo'y naghimagsik at nagpakagumon sa kasalanan,
    kaya't paparusahan ko kayong lahat.
Kilala ko si Efraim;
    walang lihim sa akin ang Israel;
sapagkat ikaw ngayon Efraim ay naging babaing masama,
    at ang Israel naman ay naging marumi.”

Babala Laban sa Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

Dahil sa kanilang mga ginawa,
    hindi na sila makapanumbalik sa Diyos.
Sapagkat nasa kanila ang espiritu ng kasamaan,
    at hindi nila nakikilala si Yahweh.
Ang kapalaluan ng Israel ay sumasaksi laban sa kanya.
    Matitisod ang Efraim sa kanyang kasalanan;
    at kasama niyang matitisod ang Juda.
Dadalhin nila ang kanilang mga kawan ng tupa at baka
    upang hanapin si Yahweh,
subalit siya'y hindi nila matatagpuan;
    lumayo na siya sa kanila.
Naging taksil sila kay Yahweh;
    kaya't nagkaanak sila sa labas.
    Masisira ang kanilang mga pananim at sila'y malilipol pagdating ng bagong buwan.

Digmaan ng Juda at ng Israel

“Hipan ang tambuli sa Gibea!
    Hipan ang trumpeta sa Rama!
Ibigay ang hudyat sa Beth-aven!
    Nasa likuran mo na sila, Benjamin!
Mawawasak ang Efraim sa araw ng pag-uusig.
Ang ipinapahayag kong ito'y tiyak na mangyayari.

10 “Nangangamkam ng lupa ang mga pinuno ng Juda;
    binago nila ang palatandaan ng pagbabahagi sa kanilang lupain.
Kaya parang bahang ibubuhos ko sa kanila ang aking poot.
11 Ang Efraim ay inaapi at tadtad sa kahatulan,
    sapagkat patuloy siyang umaasa sa mga diyus-diyosan.
12 Ako'y parang kalawang sa Efraim,
    at bukbok sa sambahayan ni Juda.

13 “Nang makita ni Efraim ang maselan niyang karamdaman,
    at ni Juda ang kanyang mga sugat,
si Efraim ay nagpasugo sa hari ng Asiria.
Subalit hindi na siya kayang pagalingin,
    hindi na mabibigyang-lunas ang kanyang mga sugat.
14 Sapagkat parang leon akong sasalakay sa Efraim,
    parang isang mabangis na batang leon na gugutay sa Juda.
Lalapain ko ang Juda saka iiwan,
    at walang makakapagligtas sa kanila.

15 “Pagkatapos ay babalik ako sa aking tahanan
    hanggang sa harapin nila ang kanilang pananagutan,
    at sa kanilang paghihirap ako ay hanapin.”

Hindi Taos ang Pagsisisi ng Israel

“Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh;
    sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling.
Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot.
Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo;
    sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon,
    upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan.
Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala.
    Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala,
tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig,
    tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.”

Ang Tugon ni Yahweh

“Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim?
    Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda?
Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga,
    gaya ng hamog na dagling napapawi.
Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta,
    at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita;
    simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking[p] hatol.
Sapagkat(Y) wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog,
    pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog.

“Ngunit tulad ni Adan ay sumira kayo sa ating kasunduan,
    nagtaksil kayo sa aking pag-ibig.
Ang Gilead ay lunsod ng mga makasalanan,
    tigmak sa dugo ang mga lansangan nito.
Nagkakaisa ang mga pari,
    parang mga tulisang nag-aabang sa bibiktimahin.
Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem;
    mabigat na kasalanan ang ginagawa nila.
10 Kahindik-hindik ang nakita ko sa sambahayan ni Israel.
    Ang Efraim ay nalulong na sa kalaswaan; ang Israel naman ay nahandusay sa putikan.

11 “Nakatakda na rin ang parusa sa iyo, Juda,
    sa sandaling ibalik ko ang kasaganaan ng aking bayan.

Nais ko sanang pagalingin ang Israel,
    ngunit nakikita ko naman ang kabulukan ng Efraim,
    at ang masasamang gawa ng Samaria.
Sila'y manlilinlang, magnanakaw at tulisan.
Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan
    ang lahat ng kanilang masasamang gawain.
Sila'y lipos ng kasamaan,
    at nakikita ko ang lahat ng ito.”

Sabwatan sa Palasyo

“Napapaniwala nila ang hari sa kanilang kasamaan,
    at maging ang mga pinuno ay kanilang nalinlang.
Lahat sila'y mangangalunya;
    para silang nag-aapoy na pugon
na pinababayaan ng panadero,
    mula sa panahon ng pagmamasa hanggang sa panahon ng pag-alsa.
Nang dumating ang araw ng ating hari,
    nalasing sa alak ang mga pinuno,
    at pati ang hari'y nakipag-inuman sa mga manlilibak.
Nag-aalab[q] na parang pugon ang kanilang mga puso;
    pawang kasamaan ang kanilang binabalak.
    Magdamag na nag-aalimpuyo ang kanilang galit,
    at kinaumagaha'y nagliliyab na parang apoy.
Lahat sila'y parang pugon na nag-iinit sa galit,
    pinatay nila ang kanilang mga pinuno.
Bumagsak ang lahat ng mga hari nila;
    at wala ni isa mang nakaisip na sa aki'y tumawag.”

Ang Israel at ang mga Bansa

“Nakikisama ang Efraim sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    ang katulad nila'y tinapay na hindi lubusang luto.
Inuubos ng mga dayuhan ang lakas ni Efraim,
    ngunit hindi niya ito namamalayan.
Pumuputi ang kanyang buhok,
    at hindi niya ito napapansin.
10 Ang kapalaluan ng Israel ang magpapahamak sa kanila.
    Gayunman, ayaw nilang manumbalik kay Yahweh na kanilang Diyos,
    ayaw nilang hanapin ang kanilang Diyos.
11 Ang Efraim ay katulad ng isang kalapati,
    mangmang at walang pang-unawa;
    tumatawag sa Egipto, at sumasangguni sa Asiria.
12 Sa kanilang pag-alis, lambat ko sa kanila'y ihahagis,
    huhulihin ko sila na parang mga ibon sa papawirin.
    Paparusahan ko sila dahil sa masasama nilang gawain.

13 “Mapapahamak sila dahil sa paglayo sa akin!
    Lilipulin sila sapagkat naghimagsik sila laban sa akin!
Tutubusin ko sana sila,
    ngunit nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
14 Tumatangis sila sa kanilang mga higaan,
    ngunit hindi taos puso ang kanilang pagtawag sa akin.
Sinasaktan nila ang sarili dahil sa pagkain at sa alak,
    pagkatapos ay naghihimagsik sila laban sa akin.
15 Bagama't sinanay ko sila at pinalakas,
    nagbalak pa sila ng masama laban sa akin.
16 Humihingi sila ng tulong kay Baal;
    ang katulad nila'y taksil na mandirigma.
Masasawi sa espada ang mga pinuno nila
    dahil sa kanilang palalong dila.
Ito ang dahilan ng panlilibak sa kanila sa lupain ng Egipto.”

Hinatulan ni Yahweh ang Israel

Sinabi ni Yahweh, “Hipan mo ang trumpeta!
    Dumarating ang isang agila sa bayan ng Diyos,
sapagkat sumira sa tipan ang aking bayan,
    at nilabag nila ang aking kautusan.
Tumangis ngayon ang Israel sa akin,
    ‘Tulungan mo kami, sapagkat ikaw ang aming Diyos.’
Ngunit tinalikuran na ng Israel ang kabutihan;
    kaya't hahabulin sila ng kanilang kaaway.

“Pumili sila ng mga hari nang wala akong pahintulot;
    naglagay sila ng mga pinuno, ngunit hindi naman ayon sa aking kagustuhan.
Ginawa nilang diyus-diyosan ang kanilang pilak at ginto
    na nagdala sa kanila sa kapahamakan.
Kinasusuklaman ko ang guyang sinasamba ng mga taga-Samaria.
    Napopoot ako sa kanila.
Hanggang kailan pa sila mananatili sa karumihan?
    Ang diyus-diyosang iyan ay mula sa Israel!
Ang guyang iyan ay ginawa ng tao, at iya'y hindi Diyos.
Ang guya ng Samaria ay magkakadurug-durog.

“Naghahasik sila ng hangin,
    at ipu-ipo ang kanilang aanihin.
Ang mga nakatayong trigo'y walang uhay,
    kaya't walang makukuhang harina.
At kung magbunga man iyon,
    kakainin lamang ng mga dayuhan.
Nilalamon na ang Israel;
    naroon na sila sa gitna ng mga bansa
    bilang kasangkapang walang kabuluhan.
Sapagkat naparoon sila sa Asiria,
    gaya ng asnong naggagalang mag-isa.
    Ang Efraim nama'y umupa ng mga mangingibig.
10 Bagama't humingi sila ng tulong sa ibang mga bansa,
    ngayo'y titipunin ko silang lahat.
Hindi magtatagal at sila'y daraing
    dahil sa pahirap ng hari at ng mga pinuno.

11 “Ang mga altar na ginawa sa Efraim,
    ang siya ring nagparami ng inyong mga sala.
12 Sumulat man ako ng sampung libong kautusan,
    ito'y pagtatawanan lang nila at tatanggihan.
13 Nag-aalay sila ng handog sa akin;
    at ang karneng handog, kanila mang kainin,
    hindi pa rin ito kalugud-lugod sa akin.
Gugunitain niya ngayon ang kanilang kalikuan,
    at paparusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan;
    sila'y magbabalik sa lupain ng Egipto.
14 Kinalimutan ng Israel ang lumikha sa kanya,
    at nagtayo siya ng mga palasyo.
Ang Juda nama'y nagparami ng mga lunsod na may pader,
    subalit lalamunin ng apoy ang kanilang mga lunsod at mga palasyo.”

Ang Parusa sa Patuloy na Pagtataksil ng Israel

Huwag kang magalak, Israel!
    Huwag kang magdiwang tulad ng ibang mga bansa,
sapagkat naging tulad ka ng mahalay na babae.
    Tinalikuran mo ang iyong Diyos at nakipagtalik sa iba-ibang lalaki.
Ikinatuwa mong ika'y isang babaing bayaran,
    kahit saang lugar ika'y sinisipingan.
Ngunit ang ginagawa nila sa giikan at sa pisaan ng alak ay hindi nila ikabubuhay,
    at ang bagong alak ay hindi nila matitikman.
Hindi sila mananatili sa lupain ni Yahweh;
    subalit ang Efraim ay magbabalik sa Egipto,
    at kakain sila sa Asiria ng mga pagkaing nagpaparumi at ipinagbabawal.

Hindi na sila papayagang maghandog ng alak kay Yahweh,
    at hindi naman siya malulugod sa kanilang mga handog.
Ang pagkain nila'y matutulad sa pagkain ng namatayan;
    magiging marumi ang lahat ng kakain nito.
Sapagkat ang pagkain nila'y para lamang sa kanilang katawan;
    hindi iyon maihahandog sa Templo ni Yahweh.

Ano ang gagawin mo sa araw ng itinakdang kapistahan,
    at sa araw ng kapistahan ng pagdiriwang para kay Yahweh?
Makatakas man sila sa pagkawasak,
    titipunin rin sila ng Egipto,
    at ililibing sa Memfis.
Matatakpan ng damo ang kanilang mga kagamitang pilak;
    at tutubuan ng dawag ang mga tahanan nilang wasak.

Dumating(Z) na ang mga araw ng pagpaparusa,
    sumapit na ang araw ng paghihiganti;
    ito'y malalaman ng Israel.
Ang sabi ninyo, “Mangmang ang isang propeta,
    at ang lingkod ng Diyos ay baliw!”
Totoo iyan sapagkat labis na ang inyong kasamaan,
    at matindi ang inyong poot.
Ang propeta'y siyang bantay sa Efraim, ang bayan ng aking Diyos,
    ngunit may bitag na laging sa kanya'y nakaumang,
    at kinapopootan siya maging sa templo ng kanyang Diyos.
Nagpakasamang(AA) lubha ang aking bayan
    gaya ng nangyari sa Gibea.
Gugunitain ng Diyos ang kanilang kalikuan,
    at paparusahan ang kanilang mga kasalanan.

Ang Kasalanan ng Israel at ang mga Resulta Nito

10 “Ang(AB) Israel ay tulad ng mga ubas sa ilang,
    gayon sila noong una kong matagpuan.
Parang unang bunga ng puno ng igos,
    nang makita ko ang iyong mga magulang.
Ngunit nang magpunta sila sa Baal-peor,
    sila'y naglingkod sa diyus-diyosang si Baal,
    at naging kasuklam-suklam gaya ng diyus-diyosang kanilang inibig.
11 Ang kaningningan ng Efraim ay maglalaho, para itong ibong lumipad na palayo.
    Wala nang isisilang, walang magdadalang-tao, at wala na ring maglilihi.
12 At kahit pa sila magkaroon ng mga anak,
    kukunin ko ang mga ito hanggang sa walang matira.
Kahabag-habag sila
    kapag ako'y lumayo na sa kanila!
13 Gaya ng aking nakita, ang mga anak ni Efraim ay nakatakdang mapahamak.
    Mapipilitan ang kanilang ama na dalhin sila sa patayan.”
14 O Yahweh, bigyan mo po sila ng mga sinapupunang baog
    at ng mga susong walang gatas.

Hinatulan ni Yahweh ang Efraim

15 “Lahat ng kanilang kasamaan ay nagpasimula sa Gilgal;
    doon pa ma'y kinapootan ko na sila.
Dahil sa kasamaan ng kanilang gawain
    sila'y palalayasin ko sa aking tahanan.
Hindi ko na sila mamahalin pa;
    mapaghimagsik ang lahat ng kanilang mga pinuno.
16 Mapapahamak ang Efraim,
    tuyo na ang kanyang mga ugat;
    hindi na sila mamumunga.
At kung magbunga ma'y papatayin ko
    ang pinakamamahal nilang mga supling.”

Nagsalita ang Propeta tungkol sa Israel

17 Itatakwil sila ng aking Diyos
    sapagkat hindi sila nakinig sa kanya;
    sila'y magiging palaboy sa maraming mga bansa.

10 Ang Israel ay tulad ng punong ubas na mayabong
    at hitik sa bunga ang mga sanga.
Habang dumarami ang kanyang bunga,
    dumarami rin naman ang itinatayo niyang altar.
Habang umuunlad ang kanyang lupain,
    lalo niyang pinapaganda ang mga haliging sinasamba.
Marumi ang kanilang puso
    at ngayo'y dapat silang magdusa.
Wawasakin ni Yahweh ang kanilang mga altar,
    at sisirain ang mga haliging sinasamba.
Ngayon nama'y sasabihin nila,
    “Wala kaming hari,
sapagkat hindi kami sumasamba kay Yahweh.
    Ngunit ano nga ba naman ang magagawa ng isang hari para sa amin?”
Puro siya salita ngunit walang gawa;
    puro pangako ngunit laging napapako;
ang katarungan ay pinalitan ng kawalang-katarungan,
    at ito'y naging damong lason na sumisibol sa buong lupain.
Matatakot at mananaghoy ang mga taga-Samaria
    dahil sa pagkawala ng mga guya sa Beth-aven.
Ipagluluksa ito ng sambayanan;
    mananangis pati mga paring sumasamba sa diyus-diyosan,
    dahil sa naglaho nitong kaningningan.
Ang diyus-diyosang ito'y dadalhin sa Asiria
    bilang kaloob sa dakilang hari.
Mapapahiya ang Efraim,
    at ikakahiya ng Israel ang mga itinuring nilang diyos.

Ang hari ng Samaria ay mapapahamak
    tulad ng sanga na tinatangay ng tubig.
Wawasakin(AC) ang mga altar sa burol ng Aven,
    na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
Tutubo ang mga tinik at dawag sa mga altar,
    at sasabihin nila sa kabundukan, “Itago ninyo kami,”
    at sa kaburulan, “Tabunan ninyo kami.”

Hinatulan ni Yahweh ang Israel

Sinabi(AD) ni Yahweh, “Ang Israel ay patuloy sa pagkakasala;
    mula pa noong sila'y nasa Gibea.
    Dahil dito'y aabutan siya ng digmaan sa Gibea.
10 Sasalakayin[r] ko ang bayan,
    at magsasanib ang mga bansa laban sa inyo.
    Kayo'y pinarusahan ko dahil sa patung-patong na kasalanan.

11 “Ang Efraim ay parang dumalagang baka
    na sanay at mahilig sa gawang paggiik,
ngunit ngayo'y isisingkaw ko na siya;
    ang Juda ang dapat humila ng araro;
    at ang Israel naman ang hihila ng suyod.
12 Maghasik(AE) kayo ng katuwiran,
    at mag-aani kayo ng tapat na pag-ibig.
    Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa,
sapagkat panahon na upang hanapin natin si Yahweh.
    Lalapit siya sa inyo at pauulanan kayo ng pagpapala.
13 Ngunit naghasik kayo ng kalikuan,
    at kawalang-katarungan ang inyong inani,
    kumain din kayo ng bunga ng kasinungalingan.

“Dahil sa pagtitiwala ninyo sa inyong mga kapangyarihan,
    at sa lakas ng marami ninyong mandirigma,
14 masasangkot sa digmaan ang inyong bayan,
    at mawawasak lahat ng inyong mga kuta,
gaya ng ginawa ni Salman sa Beth-arbel nang salakayin niya ito
    at patayin ang mga ina at mga bata.
15 Ganito ang gagawin sa sambahayan ng Israel,
    sapagkat malaki ang inyong kasalanan.
Sa pagsapit ng bukang-liwayway,
    ang hari ng Israel ay ganap na mamamatay.”

Ang Pag-ibig ng Diyos sa Rebelde Niyang Bayan

11 “Nang(AF) bata pa ang Israel, siya'y aking minahal,
    at tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.
Ngunit habang siya'y tinatawag ko,
    lalo naman siyang lumalayo.
Lagi na lamang siyang naghahandog sa mga Baal,
    at nagsusunog ng insenso sa mga diyus-diyosan.
Ako ang nagturo kay Efraim na lumakad,
    inakay ko siya sa kanyang paghakbang;
    ngunit hindi niya kinilala ang pag-aalaga ko sa kanya.
Pinatnubayan ko siya nang buong pagmamalasakit
    at nang buong pagmamahal.
Ang katulad ko'y isang nag-aalis ng busal sa kanilang bibig,
    at yumuko ako upang sila'y mapakain.

“Magbabalik sila sa Egipto,
    at paghaharian ng Asiria,
    sapagkat ayaw nilang magbalik sa akin.
Lulusubin ng kaaway ang kanilang mga lunsod,
    wawasakin ang pampinid sa kanilang mga pinto,
    at lilipulin sila sa loob ng kanilang mga kuta.
Ang bayan ko'y nagpasya nang tumalikod sa akin;
    kaya't sa pamatok sila'y itinakda,
    at walang sinumang makakapag-alis nito.

“Pababayaan(AG) ba kita, Efraim?
    Ikaw ba'y ibibigay ko sa kaaway, Israel?
Maitutulad ba kita sa Adma?
    Magagawa ko ba sa iyo ang aking ginawa sa Zeboim?
Hindi ito kayang gawin ng puso ko;
    kahabagan ko'y nananaig.
Hindi ko ipadarama ang bigat ng aking poot;
    Hindi ko na muling sisirain ang Efraim.
Sapagkat ako'y Diyos at hindi tao,
    ang Banal na Diyos na nasa kalagitnaan ninyo,
    at hindi ako naparito upang kayo'y wasakin.

10 “Susundin nila si Yahweh;
    siya'y uungal na parang leon,
at mula sa kanlura'y nanginginig na darating
    ang kanyang mga anak na lalaki.
11 Nagmamadali silang darating na parang mga ibong mula sa Egipto,
    at mga kalapating mula sa Asiria.
    Sa kanilang tahana'y ibabalik ko sila,” sabi ni Yahweh.

Hinatulan ang Israel at ang Juda

12 Sinabi ni Yahweh, “Nililinlang ako nitong si Efraim,
    at dinadaya ako nitong si Israel.
Ang Juda nama'y naghahanap pa rin ng ibang diyos,
    at kinakalaban ang Banal at Matapat.

12 Ang Efraim ay umaasa sa wala,
    at maghapong naghahabol sa hangin.
Puro kasinungalingan at karahasan ang ginagawa;
    nakikipag-isa sa Asiria,
    at nakikipagkalakal sa Egipto.”

May paratang si Yahweh laban sa Juda.
    Paparusahan niya si Jacob ayon sa masama nitong pamumuhay,
    at gagantihan ayon sa kanyang mga gawa.
Nang(AH) (AI) sila'y nasa sinapupunan pa, dinaya na ni Jacob ang kanyang kakambal,
    at nakipagbuno sa Diyos nang siya'y malaki na.
Nakipagbuno(AJ) siya sa anghel at nagwagi,
    umiyak siya at nakiusap na nawa'y pagpalain.
Nakatagpo niya ang Diyos doon sa Bethel,
    at ito'y nakipag-usap sa kanya.
Si Yahweh ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    Yahweh ang kanyang pangalan.
Kaya't manumbalik kayo sa Diyos,
    at mamuhay kayong may pag-ibig at katarungan,
    patuloy kayong umasa sa kanya.

Sinabi ni Yahweh, “Gustung-gusto nilang gamitin
    ang timbangang may daya.
Nais nilang apihin ang kanilang kapwa.
Sinasabi nila, ‘Ako'y talagang mayaman,
    nakamtan ko ang kayamanang ito para sa aking sarili.’
Ngunit lahat man ng kanyang kayamanan ay hindi sapat,
    pambayad sa nagawa niyang kasalanan.
Ako(AK) si Yahweh, ang Diyos
    na naglabas sa inyo sa Egipto;
muli ko kayong papatirahin sa mga tolda,
    gaya nang panahon ng mga itinakdang kapistahan.

10 “Nagsalita ako sa pamamagitan ng mga propeta;
    at sa kanila'y nagbigay ng maraming pangitain.
    Maraming talinghaga rin ang sa kanila'y aking itinagubilin.
11 Laganap sa Gilead ang pagsamba sa diyus-diyosan,
    at lahat ng sumasamba rito'y nakalaang mamatay.
Naghahandog sa mga diyus-diyosang toro ang mga taga-Gilgal,
    at ang mga altar nila'y mawawasak
    magiging mga bunton ng bato sa gitna ng kabukiran.”

12 Tumakas(AL) si Jacob papuntang Aram,
    at doo'y nakatagpo ng mapapangasawa.
Nagpastol siya roon ng mga tupa
    upang makamtan ang kamay ng isang dalaga.
13 Inilabas(AM) ni Yahweh ang Israel sa Egipto sa pamamagitan ng isang propeta.
    At sa pamamagitan din ng propetang ito ay pinangalagaan niya ang Israel.
14 Matindi na ang galit ni Yahweh kay Efraim, dahil sa kasamaang ginagawa nito.
    Kaya't siya'y paparusahan ni Yahweh,
    at pagbabayarin sa kanyang mga kasalanan.

Ang Pagkawasak ng Efraim

13 Noong una, kapag nagsalita si Efraim,
    ang mga tao ay nanginginig sa takot,
    sapagkat siya ay pinaparangalan sa Israel.
Ngunit nagkasala siya at nahatulang mamatay dahil sa pagsamba kay Baal.
Hanggang ngayo'y patuloy sila sa paggawa ng kasalanan.
Tinutunaw ang mga pilak at ginagawang diyus-diyosan.
Pagkatapos ay sinasabi, “Maghandog kayo rito!
    At halikan ninyo ang mga guyang ito.”
Kaya nga, matutulad sila sa mga ulap sa umaga
    o sa hamog na madaling naglalaho;
gaya ng ipa na inililipad ng hangin,
    gaya ng usok na tinatangay sa malayo.

Sinabi ni Yahweh, “Ako si Yahweh na inyong Diyos.
    Ako ang nagpalaya sa inyo sa Egipto.
Noon, wala kayong ibang Diyos kundi ako,
    at walang ibang tagapagligtas maliban sa akin.
Kinalinga(AN) ko kayo sa ilang,
    sa lupaing tuyo at tigang.
Ngunit nang kayo'y mabusog ay naging palalo;
    at kinalimutan na ninyo ako.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.