Bible in 90 Days
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
15 Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. 2 Naliligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; maliban na lamang kung walang kabuluhan ang inyong pagsampalataya.
3 Sapagkat(A) ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; 4 inilibing(B) siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan; 5 at(C) siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. 6 Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan. 7 At nagpakita rin siya kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol.
8 Sa(D) kahuli-huliha'y nagpakita rin siya sa akin, kahit na ako'y tulad ng isang batang ipinanganak nang wala sa panahon. 9 Sapagkat(E) ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya't maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? 13 Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo. 14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 15 Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. 16 Kung hindi muling binubuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. 17 At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y nananatili pa sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 18 Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng mga namatay na sumampalataya kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito,[a] tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
20 Ngunit sa katunayan si Cristo'y muling binuhay at ito'y katibayan na muli ngang bubuhayin ang mga patay. 21 Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. 22 Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. 23 Ngunit ang bawat isa'y may kanya-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. 24 At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagkat(F) si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 26 Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Ganito(G) ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ng Anak, ipapailalim naman siya sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, ang Diyos ay mangingibabaw sa lahat.
29 Kung(H) hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila? 30 At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? 31 Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, [mga kapatid!][b] Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! 32 Kung(I) ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway[c] sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”
33 Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao.” 34 Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.
Ang Uri ng Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?”
36 Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. 37 At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. 38 Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.
39 At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda.
40 May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. 41 Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang ningning ng mga bituin, at maging ang mga bituin ay magkakaiba ang ningning.
42 Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang inilibing ay mabubulok, ngunit hindi mabubulok kailanman ang muling binuhay; 43 walang karangalan at mahina nang ilibing, marangal at malakas sa muling pagkabuhay; 44 inilibing na katawang pisikal, muling mabubuhay bilang katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding katawang espirituwal. 45 Ganito(J) ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay espiritung nagbibigay-buhay. 46 Ngunit hindi nauna ang espirituwal; ang pisikal muna bago ang espirituwal. 47 Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. 48 Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. 49 Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.
50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang nasisira ay hindi maaaring magmana ng hindi nasisira.
51 Isang(K) hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, 52 sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. 53 Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. 54 Kapag(L) ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!”
55 “Nasaan,(M) O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”
56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.
57 Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!
58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya.
Tulong sa mga Kapatid sa Judea
16 Tungkol(N) naman sa ambagan para sa mga kapatid, gawin ninyo ang tulad sa ipinagbilin ko sa mga iglesya sa Galacia. 2 Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita at ipunin iyon upang hindi na kailangang mag-ambagan pa pagpunta ko riyan. 3 Pagdating ko riyan, bibigyan ko ng sulat ang mga taong pipiliin ninyo upang magdala ng inyong tulong sa Jerusalem. 4 At kung kailangang pumunta rin ako, sasama ako sa kanila.
Mga Balak ni Pablo
5 Pupunta(O) ako riyan pagkagaling ko sa Macedonia, sapagkat binabalak kong dumaan doon. 6 Mananatili muna ako riyan at maaaring diyan na ako magpalipas ng taglamig upang ako'y matulungan ninyo sa pagpapatuloy ng aking paglalakbay, saanman ako pupunta. 7 Ayaw kong ako'y dadaan lamang diyan; nais kong magtagal nang kaunti kung loloobin ng Panginoon.
8 Titigil(P)(Q) ako sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes 9 dahil may magandang pagkakataong nabuksan doon para sa gawain, kahit na maraming kumakalaban.
10 Pagdating(R) diyan ni Timoteo, ipadama ninyo ang inyong pagtanggap sa kanya upang mapanatag ang kanyang kalooban, sapagkat siya'y tulad kong naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang maliitin, sa halip ay tulungan ninyo upang makabalik siya sa akin nang mapayapa, sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.
12 Tungkol naman sa ating kapatid na si Apolos, kinausap ko siyang mabuti upang dalawin kayo kasama ng ibang mga kapatid. Ngunit hindi pa siya makakapunta ngayon. Saka na siya dadalaw sa inyo kapag nagkaroon ng pagkakataon.
Pangwakas na Pananalita
13 Maging handa kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Maging matapang kayo at magpakatibay, 14 at ang lahat ng ginagawa ninyo'y gawin ninyo nang may pagmamahal.
15 Mga(S) kapatid, alam ninyong ang sambahayan ni Estefanas ang unang nakakilala sa Panginoon sa Acaya, at itinalaga nila ang kanilang sarili sa paglilingkod para sa mga hinirang ng Diyos. Nakikiusap ako sa inyo na 16 kayo'y pasakop sa mga tulad nila at sa sinumang kasama nilang nagpapakahirap sa paglilingkod.
17 Nagagalak ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat ginagawa nila ang hindi ninyo magawâ para sa akin. 18 Sila ang nagpasigla sa akin, gayundin sa inyo. Pahalagahan ninyo ang gayong mga tao.
19 Kinukumusta(T) kayo ng mga iglesya sa Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila, at ng mga kapatid na nagtitipon sa kanilang bahay sa pangalan ng Panginoon. 20 Kinukumusta rin kayo ng lahat ng kapatid dito.
Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[d]
21 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito.
22 Sumpain ang sinumang walang pag-ibig sa Panginoon!
Marana tha—Dumating ka nawa, Panginoon namin!
23 Sumainyo nawa ang pagpapala ng Panginoong Jesus.
24 Sumainyong lahat ang aking pagmamahal sa pangalan ni Cristo Jesus.
1 Mula(U) kay Pablo na isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, kasama ang kapatid nating si Timoteo—
Para sa iglesya ng Diyos sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya.
2 Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat ni Pablo
3 Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kahabagan at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. 4 Inaaliw niya kami sa aming mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay maaliw naman namin sa mga nahahapis. 5 Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo. 6 Kung naghihirap man kami, ito'y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin. 7 Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan.
8 Mga(V) kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami. 9 Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.
Nagbago ng Balak si Pablo
12 Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat[e] at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa kagandahang-loob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao. 13 Ang isinulat namin sa inyo ay iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan. 14 Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong maipagmamalaki namin kayo.
15 Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang dalawang ulit kayong pagpalain. 16 Binalak(W) kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea. 17 Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala? 18 Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang aming salita sa inyo ay “Oo” kung “Oo” at “Hindi” kung “Hindi”. 19 Ang(X) Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” 20 sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin. 22 Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako.
23 Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko. 24 Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo.
2 Sapagkat[f] ipinasya kong huwag na munang pumunta riyan upang hindi kayo muling madulutan ng kalungkutan. 2 Dahil kung dudulutan ko kayo ng kalungkutan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba't kayo rin? 3 Kaya sumulat muna ako sa inyo noon upang sa pagpunta ko riyan ay hindi ako mabigyan ng lungkot ng mga taong dapat sana ay magpasaya sa akin. Sapagkat natitiyak kong ang aking kagalakan ay kagalakan din ninyong lahat. 4 Ang puso ko'y puno ng kalungkutan at pag-aalala nang sulatan ko kayo, at maraming luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sumulat ako sa inyo hindi upang kayo'y dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama kung gaano kalaki ang aking pagmamahal sa inyo.
Patawarin ang Nagkasala
5 Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ito sa akin idinulot; hindi sa pinalalaki ko ang bagay na ito, pero ang totoo, kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan. 6 Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo. 7 Dapat na ninyo siyang patawarin at aliwin upang hindi naman siya tuluyang masiraan ng loob dahil sa matinding lungkot. 8 Kaya nakikiusap akong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo.
9 Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang subukin kayo at alamin kung sinusunod ninyo ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo. 10 Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, 11 upang hindi tayo malamangan ni Satanas, sapagkat hindi lingid sa atin ang kanyang mga pamamaraan.
Hindi Mapanatag si Pablo sa Troas
12 Nang(Y) dumating ako sa Troas upang mangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, nagbukas ang Panginoon ng pintuan upang maisagawa iyon. 13 Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na ating kapatid. Kaya ako'y nagpaalam sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia.
Nagtagumpay Dahil kay Cristo
14 Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya. 15 Para kaming mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Diyos at nalalanghap naman ng mga naliligtas at ng mga napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, ito'y parang alingasaw na nakamamatay, ngunit sa mga naliligtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay. Sino ang may sapat na kakayahang gumawa ng mga bagay na ito? 17 Hindi kami katulad ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos. Sa halip, bilang sugo ng Diyos, sa kanyang harapan at sa aming pakikipag-isa kay Cristo ay buong katapatan kaming nangangaral.
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Akala ba ninyo'y pinupuri na naman namin ang aming sarili? Kami ba'y tulad ng iba na nangangailangan pa ng rekomendasyon para sa inyo o mula sa inyo? 2 Kayo mismo ang aming sulat ng rekomendasyon. Nakasulat kayo sa aming puso upang makilala at mabasa ng lahat. 3 Ipinapakita ninyo na kayo ay sulat ni Cristo na ipinadala niya sa pamamagitan namin, hindi nakasulat sa tinta, kundi isinulat ng Espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas na bato kundi nakaukit sa puso ng mga tao.
4 Nasasabi namin ito dahil kami ay may pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. 5 Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos. 6 Binigyan(Z) niya kami ng kakayahang maging lingkod ng bagong tipan, isang kasunduang hindi ayon sa kautusang nakasulat kundi ayon sa Espiritu. Sapagkat ang kautusang nakasulat ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay.
7 Nang(AA) ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, 8 gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? 9 Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala. 10 Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. 11 Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman.
12 Dahil sa pag-asa naming iyan, malakas ang aming loob. 13 Hindi(AB) kami tulad ni Moises na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaluwalhatiang iyon. 14 Ngunit naging matigas ang kanilang ulo kaya't hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na iyon habang binabasa nila ang lumang tipan. Maaalis lamang ang talukbong na iyon sa pakikipag-isa kay Cristo. 15 Hanggang ngayon, may talukbong pa ang kanilang isip tuwing binabasa nila ang mga aklat ni Moises. 16 Ngunit(AC) kapag lumapit ang tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong. 17 Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon ay mayroong kalayaan. 18 At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.
Kayamanang Espirituwal sa Sisidlang Yari sa Putik
4 Dahil sa habag ng Diyos, ibinigay niya sa amin ang paglilingkod na ito kaya't hindi humihina ang aming loob. 2 Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya't maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Diyos.
3 Kung may talukbong pa ang Magandang Balitang ipinapahayag namin, ito'y may talukbong lamang sa mga napapahamak. 4 Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos. 5 Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. 6 Sapagkat(AD) ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo.
7 Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik, upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. 8 Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa. 9 Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan. Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok. 10 Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. 11 Habang kami'y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. 12 Kaya't habang nagwawagi sa amin ang kamatayan, nagwawagi naman sa inyo ang buhay.
13 Sinasabi(AE) ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. 14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.
Nabubuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. 18 Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
5 Alam(AF) naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. 2 Dumaraing kami habang kami'y nasa toldang ito, at labis na nananabik sa aming tahanang makalangit, 3 upang kung mabihisan[g] na kami nito ay hindi kami matagpuang hubad. 4 Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na naming iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na naming mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. 5 Ang Diyos mismo ang naghanda sa amin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa amin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad.
6 Kaya't laging malakas ang aming loob. Alam naming habang kami'y narito pa sa katawang-lupa, hindi kami makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. 7 Sapagkat namumuhay kami batay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Malakas ang aming loob at mas gusto pa nga naming iwan ang katawang ito na aming tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. 9 Kaya naman, ang pinakananais namin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa o maging nasa piling na niya. 10 Sapagkat(AG) lahat tayo'y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo'y nabubuhay pa sa katawang ito.
Pakikipagkaibigan sa Diyos sa Pamamagitan ni Cristo
11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. 12 Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami'y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. 13 Kung kami'y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo. 14 Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. 15 Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.
16 Kaya ngayon, ang pagtingin namin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang aming pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. 17 Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. 18 Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya kaming mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinagkatiwalaan niya kami upang maglingkod nang sa gayon ang mga tao ay maging kaibigan rin niya. 19 Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito.
20 Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. 21 Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.
6 Yamang kami'y magkakasama sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang kagandahang-loob na ibinibigay sa inyo ng Diyos. 2 Sapagkat(AH) sinasabi niya,
“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”
Ngayon na ang kaukulang panahon! Ito na ang araw ng pagliligtas!
3 Iniwasan naming makagawa ng anumang makakahadlang kaninuman upang hindi mapulaan ang aming paglilingkod. 4 Sa halip, sa lahat ng paraan sinisikap naming ipakita ang aming katapatan bilang mga lingkod ng Diyos. Kami'y matiyagang nagtiis sa lahat ng uri ng kahirapan, kapighatian at mga kagipitan. 5 Kami'y(AI) hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan namin ang magtrabaho nang labis, mapuyat at magutom. 6 Namuhay kami nang malinis, may kaalaman, pagtitiis, kabutihan, patnubay ng Espiritu Santo, tunay na pag-ibig, 7 tapat na pananalita, at kapangyarihan ng Diyos. Ang pagiging matuwid ang siya naming sandatang panlaban at panangga. 8 Naranasan naming maparangalan at ipahiya, ang laitin at papurihan. Kami'y itinuring na sinungaling, gayong totoo naman ang aming sinasabi; 9 hindi kinikilala, gayong kami'y kinikilala ng marami; itinuturing na patay na, ngunit buháy naman; pinaparusahan kami, subalit hindi pinapatay. 10 Ang tingin sa amin ay nalulungkot, gayong kami'y laging nagagalak; mga dukha, ngunit marami kaming pinapayaman; mga walang-wala, ngunit sagana sa lahat ng bagay.
11 Mga taga-Corinto, tapatan ang pagsasalita namin sa inyo. Binuksan namin ang aming puso sa inyo. 12 Hindi namin isinara ang aming puso sa inyo; kayo ang nagsara ng inyong puso sa amin. 13 Kinakausap ko kayo bilang mga anak, buksan naman ninyo sa amin ang inyong puso, tulad ng ginagawa namin sa inyo.
Ang Pakikisama sa mga Di-sumasampalataya
14 Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman? 15 Maaari bang magkasundo si Cristo at ang Diyablo[h]? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di- sumasampalataya? 16 O(AJ) di kaya'y ng templo ng Diyos sa diyus-diyosan? Hindi ba't tayo ang templo[i] ng Diyos na buháy? Siya na rin ang maysabi,
“Mananahan ako
at mamumuhay sa piling nila.
Ako ang magiging Diyos nila,
at sila'y magiging bayan ko.
17 Kaya't(AK) lumayo kayo sa kanila,
humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon.
“Iwasan ninyo ang anumang marumi,
at tatanggapin ko kayo.
18 Ako(AL) ang magiging ama ninyo,
at kayo'y magiging mga anak ko,”
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.
7 Mga minamahal, yamang ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos.
Ang Kagalakan ni Pablo
2 Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong puso. Kailanma'y hindi namin kayo ginawan ng masama, itinulak na gumawa ng masama, o nilamangan ang sinuman sa inyo. 3 Sinasabi ko ito hindi upang hatulan kayo sapagkat gaya ng sinabi ko, mahal na mahal namin kayo at kami'y kasama ninyo sa buhay at kamatayan. 4 Lubos ang aking pagtitiwala sa inyo; lagi ko kayong ipinagmamalaki! Sa kabila ng lahat naming tinitiis, ang nadarama ko'y kaaliwan; nag-uumapaw sa puso ko ang kagalakan.
5 Nang(AM) kami'y nasa Macedonia, hindi rin kami nakapagpahinga. Sa lahat ng pagkakataon ay naranasan namin ang matinding hirap, panunuligsa mula sa labas at pangamba naman na nasa aming kalooban. 6 Subalit ang Diyos na umaaliw sa naghihinagpis ay nagbigay-aliw sa amin sa pagdating ni Tito. 7 Hindi lamang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Maging ang pag-aliw ninyo sa kanya ay nakaaliw din sa amin. Ibinalita niya ang inyong pananabik na ako'y makita, ang inyong kalungkutan at pagmamalasakit sa akin, kaya't lalo akong nagalak.
8 Hindi ko pinagsisisihan ang pagkasulat ko sa inyo kahit na nalungkot kayo dahil dito. Nalungkot nga ako nang malaman kong nasaktan kayo nang kaunting panahon dahil sa aking sulat. 9 Ngayon ay nagagalak na ako sapagkat ang kalungkutang iyon ang ginamit ng Diyos para akayin kayo na pagsisihan at talikuran ang inyong pagkakasala, kaya't hindi kayo napinsala dahil sa amin. 10 Sapagkat ang kalungkutang buhat sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabago tungo sa kaligtasan. Ngunit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan. 11 Tingnan ninyo ang ibinunga ng kalungkutang buhat sa Diyos: naging masikap kayo at masigasig na linisin ang inyong pangalan; nagalit kayo sa mali; nagkaroon kayo ng banal na pagkatakot; nanabik kayo sa aking pagdating; nagkaroon ng malasakit at hangaring maparusahan ang nagkasala! Ipinakita ninyo sa lahat ng paraan na kayo'y walang sala sa mga bagay na iyon.
12 Kaya nga, ang pagsulat ko sa inyo ay hindi dahil sa taong nagkasala o sa taong ginawan ng kasalanan, kundi upang sa harapan ng Diyos ay makita ninyo na kayo'y nagmamalasakit sa amin. 13 Kaya't ang ginawa ninyo ay nagdulot sa amin ng malaking kaaliwan.
At nalubos ang aming kagalakan dahil pinasigla ninyo ang kalooban ni Tito. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at hindi naman ako napahiya. Sapagkat kung paanong lahat ng sinasabi ko sa inyo ay totoo, napatunayang totoo rin ang lahat ng sinabi ko kay Tito tungkol sa inyo. 15 At lalo kayong napapamahal sa kanya habang naaalala niya ang pagkamasunurin ninyong lahat at ang inyong pagtanggap sa kanya nang may takot at paggalang. 16 Labis akong nagagalak dahil kayo'y lubos kong mapagkakatiwalaan.
Paano Dapat Magbigay ang Isang Cristiano?
8 Mga(AN) kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. 2 Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay. 3 Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat 4 mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan, 5 at higit pa sa inaasahan namin. Ibinigay nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos ay sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. 6 Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. 7 Masagana kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin.[j] Sikapin ninyong maging masagana rin sa pagkakawanggawang ito.
8 Hindi sa inuutusan ko kayo. Sinasabi ko lamang sa inyo ang pagsisikap ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. 9 Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha.
10 Kaya ito ang payo ko: mas mabuting ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa paghahangad. 11 Kaya't tapusin na ninyo ito! Ang sigasig ninyo noon sa paghahangad ay tumbasan ninyo ng sigasig na tapusin ang bagay na ito. Magbigay kayo ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung may hangaring magbigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong kaloob ayon sa inyong makakaya at hindi ayon sa hindi ninyo kaya.
13 Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo. 14 Ang ibig ko ay matulungan ninyo ang isa't isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ninyo. 15 Tulad(AO) ng nasusulat,
“Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis,
at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.”
Si Tito at ang Kanyang mga Kasama
16 Salamat sa Diyos dahil inilagay niya sa puso ni Tito ang gayunding pagmamalasakit. 17 Hindi lamang niya pinaunlakan ang aming pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya ang pupunta riyan. 18 Pinasama namin sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Magandang Balita. 19 Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong pagkakawanggawa ay para sa ikaluluwalhati ng Panginoon at upang maipakita ang aming hangaring makatulong.
20 Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Ang(AP) layunin namin ay gawin kung ano ang marangal, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao.
22 Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga kinatawan ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo. 24 Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo.
Tulong sa mga Kapatid na Nangangailangan
9 Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga kapatid sa iglesya. 2 Alam kong handa na kayong tumulong, kaya't ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon, at dahil dito'y lalo silang sumigla sa pagtulong. 3 Kaya't pinapapunta ko riyan ang mga kapatid na ito upang mapatunayang tama ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo, at nang maihanda na ninyo ang inyong tulong, gaya ng sinabi ko. 4 Kung hindi, kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at makita nilang hindi pala kayo handa, baka mapahiya ako at pati kayo. 5 Kaya't pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, makikita na talagang kusang-loob ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan.
6 Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami. 7 Ang(AQ) bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan. 8 Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa. 9 Tulad(AR) ng nasusulat,
“Siya'y masaganang nagbibigay sa mga dukha;
ang kanyang kabutihan ay walang hanggan.”
10 Ang(AS) Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. 12 Ang paglilingkod ninyo upang tumulong sa mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa Diyos. 13 Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. 14 Kaya't buong pagmamahal nila kayong ipapanalangin, dahil sa di-masukat na kagandahang-loob ng Diyos sa inyo. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kaloob na walang kapantay!
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
10 Akong si Pablo, na ang sabi ng ilan ay mapagpakumbaba at mabait kapag kaharap ninyo ngunit matapang kapag wala riyan, ay nakikiusap sa inyo, alang-alang sa kababaang-loob at kabutihan ni Cristo. 2 Ipinapakiusap kong huwag ninyo akong piliting magsalita nang mabigat, pagdating ko riyan, dahil kaya kong gawin iyon sa mga nagsasabing kami'y namumuhay ayon sa pamamaraan ng mundong ito. 3 Kung nabubuhay man kami sa mundong ito, hindi naman kami nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng mundong ito. 4 Ang sandata namin sa pakikipaglaban ay hindi makamundo, kundi ang kapangyarihan ng Diyos na nakakapagpabagsak ng mga kuta. Sinisira namin ang mga maling pangangatuwiran, 5 ginagapi namin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo. 6 Kapag lubos na ang inyong pagsunod, nakahanda kaming parusahan ang lahat ng mga ayaw sumunod.
7 Ang mga bagay na panlabas lamang ang tinitingnan ninyo. Kung naniniwala ang sinuman na siya'y nakipag-isa kay Cristo, isipin niyang kami man, tulad niya, ay nakipag-isa rin kay Cristo. 8 Ipagmalaki ko man ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Diyos sa ikakatibay ninyo at hindi sa ikapapahamak, hindi ako mapapahiya. 9 Huwag ninyong isiping tinatakot ko kayo sa mga sulat ko. 10 Sinasabi ng ilan na sa mga sulat ko lamang ako matapang, ngunit kapag kaharap nama'y mahina at ang mga salita'y walang kuwenta. 11 Dapat malaman ng mga taong nagsasabi ng ganyan na kung ano ang sinasabi namin sa sulat ngayong wala kami riyan, ay siya rin naming gagawin kapag kaharap na ninyo kami.
12 Hindi kami nangangahas na ipantay o ihambing man lamang ang aming sarili sa ilang nagbubuhat ng sariling bangko. Napakahangal nila! Ang sarili rin nila ang ginagawa nilang sukatan at pamantayan ng kanilang sarili! 13 Hindi kami lalampas sa hangganang ibinigay ng Diyos para sa gawaing itinakda niya sa amin, at kasama riyan ang gawain namin sa inyo. 14 Hindi kami lumampas sa hangganang iyon gayong kami ang unang pumunta riyan sa inyo dala ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 15 Hindi kami lumalampas sa hangganan sa pamamagitan ng pagyayabang sa pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kaming tatatag ang inyong pananampalataya sa Diyos, at dahil diyan ay lalawak pa ang aming saklaw sa inyo. 16 Sa gayon, maipapangaral namin ang Magandang Balita sa ibang mga lupain, hindi lamang sa inyo, nang hindi ipinagyayabang ang pinaghirapan ng iba.
17 Tulad(AT) ng sinasabi sa kasulatan, “Kung may nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang ginawa ng Panginoon.” 18 Hindi ang taong pumupuri sa sarili ang katanggap-tanggap, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon.
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
11 Ipagpaumanhin ninyo ang aking kaunting kahangalan. 2 Nag-aalala ako sa inyo tulad ng pag-aalala ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. 3 Ngunit(AU) nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat [at dalisay][k] na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. 4 Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at may Jesus na ipinangangaral na iba sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo.
5 Palagay ko nama'y hindi ako pahúhulí sa magagaling na mga “apostol” na iyan. 6 Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng bagay at pagkakataon.
7 Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakababà upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito? 8 Ibang iglesya ang tumustos sa aking mga pangangailangan. Parang ninakawan ko sila, makapaglingkod lamang sa inyo. 9 At(AV) nang ako'y kapusin diyan, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Iniwasan ko, at patuloy kong iiwasan na maging pabigat sa inyo sa anumang paraan. 10 Habang ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, hindi mapapatigil ang pagmamalaki kong ito saanman sa Acaya. 11 Bakit ko ginagawa ito? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal!
12 At patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang mawalan ng batayan ang pagmamalaki ng iba na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa. 13 Ang mga iyan ay mga huwad na apostol, madadayang manggagawa at nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 Hindi ito kataka-taka sapagkat si Satanas man ay nagkukunwaring anghel ng liwanag. 15 Kaya, hindi kataka-taka na ang kanyang mga lingkod ay magkunwaring lingkod ng katuwiran. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa.
Mga Tiniis ni Pablo Bilang Apostol
16 Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang nang kaunti. 17 Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. 18 Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. 19 Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! 20 Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. 21 Nakakahiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!
Kung may nangangahas na magyabang, ako'y mangangahas din na magyabang. Ako'y nagsasalita tulad ng isang hangal. 22 Sila ba'y Hebreo? Ako rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin. Sila ba'y mula sa lahi ni Abraham? Ako rin. 23 Sila(AW) ba'y mga lingkod ni Cristo? Mas mabuti akong lingkod ni Cristo kaysa kanila. Para akong isang baliw na nagsasalita ngayon. Higit ang aking pagpapagal kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nabilanggo, hinagupit nang napakaraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. 24 Limang(AX) beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; 25 tatlong(AY) ulit kong naranasang hagupitin [ng mga Romano][l], at minsang pinagbabato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y buong araw at gabi akong lulutang-lutang sa dagat. 26 Sa(AZ) malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib: sa mga ilog, sa mga tulisan, sa aking mga kababayan at sa mga Hentil; mga panganib sa lungsod, sa ilang, sa dagat, sa mga huwad na kapatid. 27 Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. 28 Bukod sa lahat ng ito ay araw-araw kong pinapasan ang mga alalahanin para sa lahat ng mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, nanghihina rin ako, at kapag may nahuhulog sa pagkakasala, labis ko itong ikinagagalit.
30 Kung kailangan kong magyabang, ipagyayabang ko ang mga bagay na nagpapakita ng aking kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling. Alam iyan ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Nang(BA) ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lungsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. 33 Ngunit isinakay ako sa isang malaking kaing, pinadaan ako sa butas sa pader at ibinabâ sa kabila upang ako'y makatakas.
Mga Pangitain at mga Pahayag
12 Kailangan ko pang magmalaki, kahit wala akong mapapala dito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. 2 May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. 3 Alam kong ang taong iyon ay dinala sa Paraiso. Hindi ko lang alam kung iyon ay isang pangitain o tunay na pangyayari. Tanging Diyos ang nakakaalam. 4 Nakarinig siya ng mga bagay na hindi kayang ilarawan ng salita at hindi maaaring sabihin ninuman. 5 Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. 6 At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. 7 Ngunit upang hindi ako magyabang sa dami ng kamangha-manghang mga bagay na nasaksihan ko, ako'y binigyan ng pahirap sa aking katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. 8 Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit 9 ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas.
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Ako'y naging hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa akin na magkaganoon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kuwenta, hindi naman ako nahúhulí sa magagaling na apostol na iyan. 12 Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. 13 Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Sila'y nakalamang dahil hindi ako naging pabigat sa inyo. Ipagpatawad ninyo ang pagkukulang kong iyon.
14 Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi pa rin ako magiging pabigat sa inyo. Sapagkat kayo ang nais ko, at hindi kung anong mayroon kayo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. 15 At ikaliligaya kong gugulin ang lahat pati ang aking sarili upang kayo'y mabuhay. Kung madagdagan ang pagmamahal ko sa inyo, dapat bang mabawasan ang pagmamahal ninyo sa akin? 16 Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko kayo. 17 Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang espiritu, at iisa ang aming pamamaraan?
19 Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo.
20 Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.
Pangwakas na Babala at mga Pagbati
13 Ito(BB) ang ikatlong pagpunta ko riyan. “Ang anumang sumbong ay kailangang patunayan ng dalawa o tatlong saksi.” 2 Ngayong ako'y wala riyan,
inuulit ko sa mga nagkasala, at sa iba pa, ang sinabi ko noong pangalawang dalaw ko; hindi ako mag-aatubiling parusahan sila pagdating ko riyan. 3 Gagawin ko ito upang patunayan sa inyong si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. 4 Kahit na siya'y mahina nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pakikipag-isa namin sa kanya, kami'y mahina rin, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay nabubuhay na kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
5 Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok. 6 Umaasa akong makikita rin ninyo na hindi kami bigo. 7 Idinadalangin namin sa Diyos na sana'y huwag kayong gumawa ng masama, hindi upang palabasing kami'y tama, kundi upang magawa ninyo ang mabuti, kahit lumitaw na kami'y nabigo. 8 Sapagkat para sa katotohanan lamang ang maaari naming gawin at hindi laban sa katotohanan. 9 Kami'y nagagalak kapag kami ay mahina at kayo naman ay malakas. Kaya't idinadalangin naming kayo'y maging ganap. 10 Isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa riyan upang sa aking pagdating, hindi na kailangan pang magpakita ako ng bagsik sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon. Ang kapangyarihang ito'y ibinigay sa akin upang kayo'y tumibay at hindi upang kayo'y masira.
11 Mga kapatid, paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa na kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.
12 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[m]
Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kabilang sa sambayanan ng Diyos. 13 Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo.
1 Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao o sa pamamagitan ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Jesus, 2 at mula sa lahat ng mga kapatid na kasama ko, pagbati sa mga iglesya sa Galacia:
3 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Inialay ni Jesu-Cristo ang kanyang sarili para
sa ating kasalanan ayon sa kalooban ng ating Diyos Ama upang mahango tayo sa kasamaang naghahari ngayon sa sanlibutang ito. 5 Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen.
Ang Tunay na Magandang Balita
6 Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo[n] at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita. 7 Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. 8 Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! 9 Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo.
10 Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo.
Paano Naging Apostol si Pablo
11 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko'y hindi katha ng tao. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin.
13 Hindi(BC) kaila sa inyo kung paano ako namuhay noon bilang kaanib ng relihiyon ng mga Judio. Walang awa kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na ito'y wasakin. 14 Sa(BD) relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang maraming kasing-edad ko at ako'y lubhang masugid sa kaugalian ng aming mga ninuno.
15 Ngunit(BE) dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, pinili niya ako bago pa ako ipanganak at tinawag upang maglingkod sa kanya. 16 Nang minabuti niyang ihayag sa akin ang kanyang Anak upang maipangaral ko siya sa mga Hentil, hindi ako sumangguni sa sinumang tao. 17 Ni hindi rin ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin; sa halip, nagpunta ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco. 18 Pagkaraan(BF) ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem upang makipag-usap kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. 19 Wala akong nakitang iba pang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20 Totoong lahat ang isinusulat ko sa inyo. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.
21 Pagkatapos, pumunta ako sa ilang lugar sa Siria at sa Cilicia. 22 Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na nasa Judea. 23 Nakarating lamang sa kanila ang ganitong balita, “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” 24 Kaya't nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
Si Pablo at ang Ibang mga Apostol
2 Makalipas(BG) ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. 2 Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa. 3 Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito 4 kahit may ilang huwad na kapatid na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus. Nais nila kaming maging mga alipin. 5 Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita.
6 Ngunit(BH) walang idinagdag sa akin ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos. 7 Sa halip, kinilala nila na ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. 8 Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil. 9 Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, kaya't kami ni Bernabe ay buong puso nilang tinanggap bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiling lamang nila ay huwag naming kakaligtaan ang mga dukha, na siya namang masikap kong ginagawa.
Pinagsabihan ni Pablo si Pedro
11 Subalit nang dumating si Pedro sa Antioquia, harap-harapan ko siyang sinaway sapagkat maling-mali ang kanyang ginagawa. 12 Dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagnanais na tuliin din ang mga Hentil. 13 At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. 14 Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”
Pinapawalang-sala Dahil sa Pananampalataya
15 Kami nga'y ipinanganak na Judio at hindi makasalanang Hentil. 16 Gayunman,(BI) alam naming ang tao'y pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng Kautusan. Sapagkat walang taong pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung sa pagsisikap naming mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuan kaming makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! 18 Ngunit kung itinatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. 19 Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus. 20 Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko tinatanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo!
Kautusan o Pananampalataya?
3 Mga hangal kayong mga taga-Galacia! Sino ang nakagayuma sa inyo? Sa harap mismo ng inyong mga mata ay ipinakita ang pagkamatay ni Jesu-Cristo sa krus! 2 Sabihin nga ninyo, tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ayon sa Kautusan o sa pamamagitan ng inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? 3 Talagang napakahangal ninyo! Nagsimula na kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa pamamagitan ng inyong sariling kapangyarihan! 4 Wala na bang halaga sa inyo ang mga naranasan ninyo? Marahil naman ay mayroon. 5 Dahil ba sa pagsunod ninyo sa kautusan ay ipinagkakaloob ng Diyos ang Espiritu sa inyo at gumagawa kayo ng mga himala, o dahil sa pananampalataya na inyong narinig tungkol kay Cristo?
6 Tulad(BJ) ng nangyari kay Abraham, “Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos na matuwid.” 7 Kung(BK) gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang mga tunay na anak ni Abraham. 8 Bago(BL) pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Magandang Balitang ito ay ipinahayag na kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ang lahat ng bansa.” 9 Kaya naman pagpapalain ang mga sumasampalataya tulad ni Abraham na sumampalataya.
10 Ang(BM) lahat ng nagtitiwala sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” 11 Malinaw(BN) na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”[o] 12 Ang(BO) Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng itinatakda ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.”
13 Tinubos(BP) tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat binibitay sa punongkahoy.” 14 Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus at sa pamamagitan ng pananalig ay matanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.
Ang Kautusan at ang Pangako
15 Mga kapatid, narito ang isang pangkaraniwang halimbawa. Kapag nalagdaan na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-saysay ni madaragdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo. 17 Ito(BQ) ang ibig kong sabihin, pinagtibay ng Diyos ang isang kasunduan at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang kasunduang iyon at ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon. 18 Kung(BR) ang pamana ay ipinagkakaloob dahil sa Kautusan, hindi na ito dahil sa pangako. Ngunit ang pamana ay ibinigay ng Diyos kay Abraham bilang katuparan ng kanyang pangako.
19 Kung ganoon, ano ang silbi ng Kautusan? Idinagdag ito upang maipakita kung ano ang paglabag, at may bisa ito hanggang sa dumating ang anak na pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Kapag may tagapamagitan, nangangahulugang higit sa isang panig ang gumagawa ng kasunduan—subalit ang Diyos ay iisa.
Ang mga Anak at ang mga Alipin
21 Ang ibig bang sabihin nito'y salungat ang Kautusan sa mga pangako [ng Diyos]?[p] Hinding-hindi! Kung ang kautusang ibinigay ay nakapagbibigay-buhay, ang tao'y magiging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod niya sa Kautusan. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ng tao'y alipin ng kasalanan, kaya't ang ipinangako ng Diyos ay matatanggap sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo na ibinibigay sa lahat ng sumasampalataya.
23 Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, tayo'y nakakulong sa Kautusan hanggang sa ang pananampalatayang ito kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ang naging taga-disiplina natin hanggang sa dumating si Cristo upang tayo'y maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 25 Ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng taga-disiplina.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.