Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 78:1-4

Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel

Isang Maskil[a] ni Asaf.

78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
    inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
    nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
    nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
    ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
    mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
    na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.

Mga Awit 78:12-16

12 Ang(A) (B) lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
    ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi(C) niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
    ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag(D) araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
    at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May(E) tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
    sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
    daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.

Mga Bilang 20:1-13

Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(A)

20 Nang unang buwan, nakarating ang buong sambayanan ng Israel sa ilang ng Zin at nagkampo sila sa Kades. Doon namatay at inilibing si Miriam.

Wala(B) silang makuhang tubig doon, kaya nagpulong sila laban kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa'y namatay na kami sa harap ng Tolda ni Yahweh kasama ng iba naming mga kapatid. Bakit pa ninyo kami dinala rito? Upang patayin ba kasama ng aming mga alagang hayop? Bakit ninyo kami inilabas sa Egipto at dinala sa disyertong ito na wala kahit isang butil na pagkain, igos, ubas o bunga ng punong granada! Wala man lang tubig na mainom!” Nagpunta sina Moises at Aaron sa may pintuan ng Toldang Tipanan at nagpatirapa roon. Nagningning sa kanila ang kaluwalhatian ni Yahweh.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin mo ang tungkod na nasa harap ng Kaban ng Tipan at isama ninyo ni Aaron ang buong bayan sa harap ng malaking bato. Pagdating doon, magsalita ka sa bato at lalabas ang tubig para sa taong-bayan at sa kanilang mga alagang hayop.” Kinuha nga ni Moises ang tungkod mula sa Kaban ng Tipan.

10 Tinipon nina Moises at Aaron sa harap ng malaking bato ang buong bayan. Sinabi niya, “Makinig kayo, mga mapanghimagsik. Gusto ba ninyong magpabukal pa kami ng tubig mula sa batong ito?” 11 Pagkasabi(C) noon, dalawang ulit na pinalo ni Moises ang bato sa pamamagitan ng tungkod. Biglang bumukal ang masaganang tubig at nakainom ang mga tao pati ang kanilang mga alagang hayop.

12 Ngunit pinagsabihan ni Yahweh sina Moises at Aaron. Sabi niya, “Dahil kulang ang inyong pananalig sa akin na maipapakita ko sa mga Israelita na ako'y banal, hindi kayo ang magdadala sa bayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”

13 Nangyari ito sa bukal ng Meriba, kung saan nagreklamo ang Israel laban kay Yahweh at ipinakita niya na siya ay banal.

Mga Gawa 13:32-41

32 Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno 33 ay(A) tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Gaya ng nakasulat sa ikalawang Awit,

‘Ikaw ang aking Anak,
    sa araw na ito ako'y naging iyong Ama.’

34 Tungkol(B) naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala
    gaya ng ipinangako ko kay David.’

35 At(C) sinabi rin niya sa iba pang bahagi,

‘Hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal.’

36 Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. 37 Subalit ang muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok. 38 Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangangaral sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinalalaya na sa lahat ng pagkakasala na mula sa mga ito ay hindi kayo kayang palayain ng Kautusan ni Moises. 40 Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41 ‘Tingnan(D) ninyo, kayong mga nangungutya!
    Manggilalas kayo at mamatay!
Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan
    ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan,
    kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.