Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh
(Mem)
97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.
18 Sabihin mo naman sa buong bayan na ihanda nila ang kanilang mga sarili sapagkat bukas ay makakakain na sila ng karne. Nagrereklamo na naman sila. Itinatanong nila kung kailan pa sila makakatikim ng karne. Sinabi pang mabuti pa sa Egipto at marami silang pagkain. Kaya, bukas, ibibigay ko sa kanila ang pagkaing gusto nila. 19 Hindi lamang para sa isa, dalawa, lima, sampu, dalawampung araw ang ibibigay ko sa kanila, 20 kundi para sa isang buong buwan. Laging ito ang kakainin nila hanggang sa magsawa sila at magkandasuka sa pagkain nito sapagkat itinakwil nila ako at sinabi pa nilang mabuti pang hindi na sila umalis sa Egipto.”
21 Sumagot si Moises, “Lahat-lahat ng kasama ko'y 600,000, at sinasabi mong bibigyan mo sila ng karne para sa isang buong buwan? 22 Kahit na patayin ang lahat naming hayop o mahuli ang lahat ng isda sa dagat ay hindi sasapat sa ganito karaming tao.”
23 Sinabi ni Yahweh, “Moises, mayroon ba akong hindi kayang gawin? Ngayon di'y ipapakita ko sa iyo kung totoo o hindi ang aking sinasabi.”
Nagpadala ng Napakaraming Pugo si Yahweh
31 Si Yahweh ay nagpadala ng hanging may tangay na laksa-laksang pugo mula sa kabila ng dagat. Ang mga ito'y nagliliparan sa paligid ng kampo. Isang metro lang ang taas ng kanilang lipad mula sa lupa at ang lawak ay isang araw na lakarin sa kabi-kabilang kampo. 32 Lumabas ng kampo ang mga Israelita at nanghuli ng pugo hanggang kinabukasan; ang pinakakaunting nahuli ng isang tao ay aabot sa sampung malalaking sisidlan.[a] Ang mga ito'y ibinilad nila sa paligid ng kampo.
Sino ang Pinakadakila?(A)
18 Nang(B) mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” 2 Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila 3 at(C) sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. 4 Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. 5 Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.