Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 16:2-15

Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”

Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”

Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”

Sinabi ni Moises kay Aaron, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.” 10 Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap kay Yahweh, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaluwalhatian ni Yahweh. 11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo'y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.”

13 Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. 14 Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. 15 Hindi(B) nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?”

Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh.

Mga Awit 105:1-6

Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)

105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
    ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
    ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
    ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
    lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
    siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
    ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
    gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.

Mga Awit 105:37-45

37 Pagkatapos(A) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
    malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
    pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(B) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
    at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(C) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
    at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(D) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
    pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
    ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.

43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
    nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(E) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
    sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
    yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.

Purihin si Yahweh!

Filipos 1:21-30

21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang. 22 Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin. 23 May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. 24 Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. 25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. 26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.

27 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay nang nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y naninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y ililigtas ng Diyos. 29 Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo. 30 Ngayon,(A) kasama ko na kayo sa pakikipaglabang nakita ninyong ginawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon.

Mateo 20:1-16

Ang Talinghaga tungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan

20 “Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang kumuha ng manggagawa para sa kanyang ubasan. Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak[a] sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ ‘Wala po kasing magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya't sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta rin kayo sa aking ubasan.’

“Nang(A) gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. 11 Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga ito na huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?’ 13 Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't pumayag ka sa isang salaping pilak? 14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? 15 Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?’”

16 At(B) sinabi ni Jesus, “Ang nahúhulí ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.