Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
2 Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
3 Di niya ako hahayaang mabuwal,
siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
4 Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
hindi natutulog at palaging gising!
5 Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
laging nasa piling, upang magsanggalang.
6 Di ka maaano sa init ng araw,
kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.
7 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
sa mga panganib, ika'y ililigtas.
8 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.
Ang Pagtatalaga sa Panganay
13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ilaan(A) ninyo sa akin ang mga panganay sapagkat akin ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel, maging tao o hayop.”
Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa
3 Sinabi naman ni Moises sa mga Israelita, “Aalalahanin ninyo ang araw na ito ng inyong paglaya sa pagkaalipin sa bansang Egipto; mula roo'y inilabas kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. 4 Umalis kayo ng Egipto sa araw na ito ng unang buwan. 5 Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Hivita at Jebuseo. Pagdating doon, ipagdiriwang ninyo taun-taon ang araw na ito. 6 Ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw ay tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay ipagpipista ninyo si Yahweh. 7 Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw. At sa panahong iyon, huwag magkakaroon ng pampaalsa o tinapay na may pampaalsa sa inyong lupain. 8 Sa araw na iyon, sasabihin ng bawat isa sa kanyang mga anak: ‘Ginagawa natin ito bilang pag-aalaala sa pagliligtas sa amin ni Yahweh nang ilabas niya kami sa Egipto.’ 9 Ang pag-alalang ito'y magiging isang palatandaan sa inyong kamay, o sa inyong noo, upang hindi ninyo malimutan ang mga utos ni Yahweh, sapagkat inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. 10 Gaganapin ninyo ang pag-aalaalang ito sa takdang araw taun-taon.”
Sinumpa ang Puno ng Igos(A)
18 Kinaumagahan, nang si Jesus ay pabalik sa lungsod, siya'y nakaramdam ng gutom. 19 Nakita niya ang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan iyon. Wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya dito, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” Agad na natuyo ang puno.
20 Nakita ng mga alagad ang nangyari at sila'y namangha. “Paanong natuyo agad ang puno ng igos?” tanong nila.
21 Sumagot(B) si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y maniniwala at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. 22 Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung naniniwala kayo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.