Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 105:1-6

Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)

105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
    ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
    ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
    ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
    lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
    siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
    ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
    gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.

Mga Awit 105:37-45

37 Pagkatapos(A) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
    malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
    pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(B) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
    at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(C) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
    at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(D) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
    pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
    ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.

43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
    nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(E) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
    sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
    yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.

Purihin si Yahweh!

Exodo 15:22-27

Ang Batis ng Mapait na Tubig

22 Pinagayak ni Moises ang mga Israelita, at umalis sila sa Dagat na Pula[a] patungo sa ilang ng Shur. Tatlong araw na silang naglalakbay ngunit wala pa silang nakikitang tubig. 23 Sa wakas, dumating sila sa batis ng Mara, ngunit hindi nila mainom ang tubig nito dahil mapait. Kaya, tinawag nila itong Batis na Mapait.[b] 24 Nagreklamo kay Moises ang mga Israelita, “Ano ngayon ang iinumin namin?” 25 Dahil(A) dito, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh. Itinuro naman sa kanya ang isang putol na kahoy. Kinuha ito ni Moises at inihagis sa tubig; nawala ang pait niyon.

Doon, sinubok sila ni Yahweh at binigyan ng tuntunin. 26 Ang sabi niya, “Kung ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang aking kautusan at mga tuntunin, hindi ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang inyong manggagamot.”

27 Pagkatapos, nakarating sila sa Elim. Doon ay may labindalawang balon at pitumpung puno ng palma at sila'y nagkampo sa tabi ng mga balon.

2 Corinto 13:1-4

Pangwakas na Babala at mga Pagbati

13 Ito(A) ang ikatlong pagpunta ko riyan. “Ang anumang sumbong ay kailangang patunayan ng dalawa o tatlong saksi.” Ngayong ako'y wala riyan,

inuulit ko sa mga nagkasala, at sa iba pa, ang sinabi ko noong pangalawang dalaw ko; hindi ako mag-aatubiling parusahan sila pagdating ko riyan. Gagawin ko ito upang patunayan sa inyong si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. Kahit na siya'y mahina nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pakikipag-isa namin sa kanya, kami'y mahina rin, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay nabubuhay na kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.