Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 83:1-4

Panalangin Upang Matalo ang mga Kalaban

Awit ni Asaf.

83 Huwag kang manahimik, O Diyos, huwag kang magpabaya, ikaw ay kumilos.
Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa,
    at ang namumuhi'y kinakalaban ka.
Sila'y nagbabalak laban sa hinirang,
    laban sa lahat ng iyong iningatan.
Ganito ang sabi, “Ating papawiin, ang kanilang bansa'y ating lilipulin;
    upang ang Israel, malimutan na rin!”

Mga Awit 83:13-18

13 Ikalat mo silang parang alikabok,
    tulad ng dayami na tangay ng unos.
14 Tulad ng pagtupok ng apoy sa gubat,
    nang ang kaburula'y kubkob na ng ningas,
15 gayon mo habulin ng bagyong malakas,
    ito ang gawin mo't nang sila'y masindak.
16 Mga taong yaon sana'y hiyain mo,
    upang matutong maglingkod sa iyo.
17 Lupigin mo sila't takuting lubusan,
    lubos mong hiyain hanggang sa mamatay.
18 Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid,
    ang tangi't dakilang hari ng daigdig!

Exodo 5:1-6:13

Sina Moises at Aaron sa Harapan ng Faraon

Pagkatapos nito, nagpunta sa Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na payagan ninyong pumunta sa ilang ang kanyang bayang Israel upang magpista bilang parangal sa kanya.”

“Sinong Yahweh? Sino siyang mag-uutos sa akin na payagan kong umalis ang mga Israelita? Wala akong kilalang Yahweh. Hindi! Hindi ko papayagang umalis ang mga Israelita,” sagot ng Faraon.

Sinabi nila, “Nagpakita po sa amin ang Diyos naming mga Hebreo kaya isinasamo naming payagan na ninyo kaming maglakbay nang tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog kay Yahweh na aming Diyos. Kung hindi, lilipulin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”

Sinabi ng hari ng Egipto kina Moises at Aaron, “At bakit ninyo ilalayo ang mga tao sa kanilang trabaho? Bumalik kayo ngayon din sa inyong mga trabaho. Mas marami na nga ang mga Hebreo kaysa mga Egipcio, nais pa ninyong tumigil sa pagtatrabaho?” sabi sa kanila ng Faraon.

Nang araw ding iyon, ipinatawag ng Faraon ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas na Israelita. Sinabi niya, “Huwag na ninyo silang bibigyan ng dayaming ginagamit sa paggawa ng tisa. Hayaan ninyong sila ang manguha ng gagamitin nila. At ang dami ng gagawin nila ay tulad din ng dati; huwag babawasan kahit isa. Tinatamad lang ang mga iyan kaya nagpapaalam na maghandog sa kanilang Diyos. Lalo ninyong damihan ang kanilang gawain at lalo silang higpitan sa pagtatrabaho para hindi sila makapakinig ng kung anu-anong kasinungalingan.”

10 Pagkasabi nito ng Faraon, lumakad ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas. Sinabi nila sa mga tao, “Ipinapasabi ng Faraon na hindi na kayo bibigyan ng dayami. 11 Kayo na ang bahalang manguha ng kailangan ninyo kung saan mayroon, at ang tisang gagawin ninyo araw-araw ay sindami rin ng dati.” 12 Ginalugad ng mga Israelita ang buong Egipto sa paghahanap ng dayami. 13 Sila'y inaapura ng mga tagapangasiwa at pilit na pinagagawa ng tisang sindami rin noong sila'y binibigyan pa ng dayami. 14 Kapag kulang ang kanilang nagawa, ang mga kapatas na Israelita ay binubugbog ng mga tagapangasiwa, at tinatanong: “Bakit kakaunti ang nagawa ninyo ngayon?”

15 Dahil dito, pumunta sa Faraon ang mga kapatas at nagreklamo, “Bakit po naman ninyo kami ginaganito? 16 Pinagagawa pa po kami ng tisa ngunit hindi na binibigyan ng dayami. At ngayon po'y binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang may pagkukulang!”

17 Sinabi ng Faraon, “Mga batugan! Tinatamad lang kayo kaya ninyo hinihiling sa akin na payagan kayong maghandog kay Yahweh. 18 Sige, magbalik na kayo sa inyong trabaho. Hindi kayo bibigyan ng dayami, at ang gagawin ninyong tisa ay sindami pa rin ng dati ninyong ginagawa.”

19 Nakita ng mga kapatas ang hirap ng kanilang katayuan nang sabihin sa kanilang sindami rin ng dati ang kanilang gagawin. 20 Pag-uwi nila mula sa pakikipag-usap sa Faraon, nakita nila sa daan sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila. 21 Sinabi nila sa dalawa, “Parusahan sana kayo ni Yahweh. Dahil sa ginawa ninyong ito, nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Binigyan pa ninyo sila ng dahilang patayin kami.”

Nanalangin si Moises

22 Kaya, nanalangin si Moises, “Yahweh, bakit po ninyo pinahihirapan ng ganito ang inyong bayan? Bakit pa ninyo ako sinugo kung ganito rin lamang ang mangyayari? 23 Mula nang makipag-usap ako sa Faraon ay lalo niyang pinahirapan ang inyong bayan, ngunit wala kayong ginagawa upang tulungan sila.”

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Hindi lamang siya mapipilitang pumayag na kayo'y umalis, ipagtatabuyan pa niya kayo.”

Muling Isinugo si Moises

Sinabi(A) ng Diyos kay Moises, “Ako si Yahweh. Nagpakita ako kina Abraham, Isaac at Jacob bilang Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pangalang Yahweh. Gumawa ako ng kasunduan sa kanila at nangako akong ibibigay sa kanila ang Canaan, ang lupaing tinirhan nila noon bilang mga dayuhan. Narinig ko ang daing ng bayang Israel na inaalipin ng mga Egipcio, at hindi ko nalilimutan ang ginawa kong kasunduan sa kanilang mga ninuno. Kaya ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo'y palalayain ko mula sa pagkaalipin. Ituturing ko kayong aking sariling bayan at ako ang magiging Diyos ninyo. At makikilala ninyong ako si Yahweh, ang inyong Diyos, ang nagligtas sa inyo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob at iyon ay ibibigay ko sa inyo. Ako si Yahweh.’” Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, ngunit ayaw na nilang maniwala dahil sa panghihina ng loob at dahil sa matinding kahirapang kanilang dinaranas.

10 Nang muli silang mag-usap, sinabi ni Yahweh kay Moises, 11 “Pumunta ka sa Faraon, at sabihin mong payagan nang umalis ang mga Israelita.”

12 “Kung ang mga Israelita ay ayaw makinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Ako'y hindi mahusay magsalita.” sagot ni Moises.

13 Ngunit sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na inatasan ko kayo na ilabas sa Egipto ang mga Israelita.”

Pahayag 3:7-13

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Filadelfia

“Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Filadelfia:

“Ito ang sinasabi ng banal at mapagkakatiwalaan, ang may hawak ng susi ni David. Walang makakapagsara ng anumang binubuksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sinasarhan niya. Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong kaunti lamang ang iyong kakayahan ngunit sinunod mo ang aking salita, at naging tapat ka sa akin. Kaya't binuksan ko para sa iyo ang isang pinto na hindi maisasara ninuman. Tingnan(B) mo! Palalapitin ko sa iyo at paluluhurin ang mga kampon ni Satanas na nagpapanggap na mga Judio ngunit hindi naman, at sa halip ay nagsisinungaling. Malalaman nilang minamahal kita. 10 Sapagkat tinupad mo ang aking utos na magtiis, iingatan naman kita sa panahon ng pagsubok na darating sa lahat ng tao sa buong daigdig! 11 Darating ako sa lalong madaling panahon. Kaya't ingatan mo kung ano ang nasa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala. 12 Ang(C) magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hinding-hindi na siya lalabas doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng kanyang lungsod. Ito ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa aking Diyos. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.

13 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.