Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pista ng Paskwa
12 Sinabi(A) ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, 2 “Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. 3 At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. 4 Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. 5 Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taóng gulang, walang kapintasan. 6 Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop. 7 Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. 8 Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay. 9 Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang hayop; kundi lilitsunin ninyo ito nang buo, kasama ang ulo, ang mga pata at ang laman-loob. 10 Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Kung may matira, kailangang sunugin kinaumagahan. 11 Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.
12 “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. 13 Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. 14 Ang(B) araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa.
Awit ng Pagpupuri
149 Purihin si Yahweh!
O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,
purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya.
2 Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa.
3 Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.
4 Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,
sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.
5 Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan.
6 Papuri(A) sa ating Diyos, ipahayag nang malakas,
hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas,
7 upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan,
at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.
8 Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin,
sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin,
9 upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda.
Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala.
Purihin si Yahweh!
Mga Tungkulin sa Kapwa
8 Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. 9 Ang(A) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.
11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.[a] 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. 14 Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung(A) magkasala [sa iyo][a] ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo na ang inyong pagsasamahan bilang magkapatid. 16 Ngunit(B) kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.”
Kapangyarihang Magbawal o Magpahintulot
18 “Tandaan(C) ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot ninyo dito sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
19 “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. 20 Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.