Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)
105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
2 Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
37 Pagkatapos(A) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(B) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(C) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(D) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.
43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(E) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.
Purihin si Yahweh!
Ang Manna at mga Pugo
16 Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at ikalabing limang araw ng ikalawang buwan mula ng sila'y lumabas sa Egipto nang sila'y dumating sa ilang ng Sin, sa pagitan ng Elim at Sinai. 2 Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”
4 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. 5 Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”
6 Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. 7 At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” 8 Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”
9 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.” 10 Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap kay Yahweh, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaluwalhatian ni Yahweh. 11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo'y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.”
13 Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. 14 Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. 15 Hindi(B) nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?”
Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh. 16 At ito ang utos niya tungkol diyan: Bawat isa ay kukuha ng kailangan niya at ng mga kasama niya sa tolda, kalahating salop bawat isang tao.”
17 Namulot nga ang mga Israelita—may kumuha ng marami at may kumuha ng kaunti. 18 Ngunit(C) nang takalin nila ang kanilang nakuha, ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang. Sapat lang sa kanila ang kanilang nakuha. 19 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan.” 20 Ngunit ang ilan sa kanila'y hindi nakinig kay Moises. Kinabukasan, inuod at bumaho ang itinira nila. Kaya nagalit sa kanila si Moises. 21 Mula noon, tuwing umaga'y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito'y natutunaw.
5 Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok. 6 Umaasa akong makikita rin ninyo na hindi kami bigo. 7 Idinadalangin namin sa Diyos na sana'y huwag kayong gumawa ng masama, hindi upang palabasing kami'y tama, kundi upang magawa ninyo ang mabuti, kahit lumitaw na kami'y nabigo. 8 Sapagkat para sa katotohanan lamang ang maaari naming gawin at hindi laban sa katotohanan. 9 Kami'y nagagalak kapag kami ay mahina at kayo naman ay malakas. Kaya't idinadalangin naming kayo'y maging ganap. 10 Isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa riyan upang sa aking pagdating, hindi na kailangan pang magpakita ako ng bagsik sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon. Ang kapangyarihang ito'y ibinigay sa akin upang kayo'y tumibay at hindi upang kayo'y masira.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.