Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
149 Purihin si Yahweh!
O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,
purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya.
2 Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa.
3 Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.
4 Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,
sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.
5 Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan.
6 Papuri(A) sa ating Diyos, ipahayag nang malakas,
hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas,
7 upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan,
at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.
8 Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin,
sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin,
9 upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda.
Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala.
Purihin si Yahweh!
Ang Ikasiyam na Salot: Ang Kadiliman sa Egipto
21 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay, at mababalot ng dilim ang buong Egipto.” 22 Ganoon(B) nga ang ginawa ni Moises at nagdilim sa buong lupain sa loob ng tatlong araw. 23 Hindi magkakitaan ang mga tao sa buong Egipto, kaya't walang taong umalis sa kanyang kinaroroonan sa loob ng tatlong araw. Madilim na madilim sa buong Egipto maliban sa tirahan ng mga Israelita.
24 Tinawag ng Faraon si Moises. Sinabi niya, “Makakaalis na kayo upang sumamba kay Yahweh. Maaari ninyong isama ang inyong mga pamilya, ngunit iiwan ninyo ang lahat ng tupa, kambing at baka.”
25 Sumagot si Moises, “Hindi po maaari. Kailangang bigyan ninyo kami ng mga hayop na ihahandog namin kay Yahweh na aming Diyos. 26 Kaya kailangang dalhin din namin ang lahat naming hayop at wala ni isa mang maiiwan sapagkat pipiliin pa namin sa mga ito ang ihahandog namin kay Yahweh. At hindi namin malalaman kung alin ang ihahandog namin sa kanya hanggang hindi kami dumarating sa lugar na pagdarausan namin ng pagsamba.”
27 Pinagmatigas pa rin ni Yahweh ang Faraon; ayaw na naman niyang paalisin ang mga Israelita. 28 Sinabi niya kay Moises, “Lumayas ka na at huwag ka nang magpapakita sa akin. Ipapapatay na kita kapag nakita ko pa ang pagmumukha mo.”
29 “Masusunod ang gusto ninyo,” sagot ni Moises. “Hindi mo na ako muling makikita.”
15 At(A) paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” 16 Ngunit(B) hindi lahat ay sumunod sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?” 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.
18 Subalit(C) ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat,
“Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
ang sinasabi nila'y nakarating hanggang sa dulo ng daigdig.”
19 Ito(D) pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises,
“Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa
upang kayo'y inggitin,
gagamitin ko ang isang bansang hangal
upang kayo'y galitin.”
20 Buong(E) tapang namang ipinahayag ni Isaias,
“Natagpuan ako ng mga hindi naghanap sa akin.
Nagpahayag ako sa mga hindi nag-usisa tungkol sa akin.”
21 Subalit(F) tungkol naman sa Israel ay sinabi niya,
“Buong maghapon akong nanawagan
sa isang suwail at mapaghimagsik na bayan!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.