Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 17:1-7

Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(A)

17 Mula(B) sa disyerto ng Sin, naglakbay ang mga Israelita, sila'y humihinto at nagpapatuloy kapag sinabi ni Yahweh. Sila'y nagkampo sa Refidim ngunit walang tubig doon, kaya nagalit sila kay Moises. Sinabi nila, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”

“Bakit kayo nagagalit? Bakit ninyo sinusubukan ang kakayahan ni Yahweh?” tanong ni Moises.

Ngunit talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga alagang hayop?”

Kaya, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh, “Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Gusto na nila akong batuhin?” Sumagot si Yahweh, “Magsama ka ng ilang pinuno ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo at lumakad na kayo. Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Sinai.[a] Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao.” Iyon nga ang ginawa ni Moises; at ito'y nasaksihan ng mga kasama niyang pinuno ng Israel.

Ang lugar na iyon ay pinangalanan niyang “Masah”[b] at “Meriba”[c] sapagkat nagtalu-talo doon ang mga Israelita at sinubok nila si Yahweh. Ang pinagtalunan nila ay kung pinapatnubayan nga sila ni Yahweh o hindi.

Mga Awit 78:1-4

Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel

Isang Maskil[a] ni Asaf.

78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
    inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
    nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
    nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
    ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
    mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
    na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.

Mga Awit 78:12-16

12 Ang(A) (B) lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
    ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi(C) niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
    ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag(D) araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
    at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May(E) tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
    sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
    daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.

Filipos 2:1-13

Ang Halimbawa ni Cristo

Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.

Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos,
    hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos,
    at namuhay na isang alipin.
Ipinanganak siya bilang tao.
    At nang siya'y maging tao,
nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
    maging ito man ay kamatayan sa krus.
Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa(A) gayon, sa pangalan ni Jesus
    ay luluhod at magpupuri ang lahat
    ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.[a]
11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Maging Ulirang Anak ng Diyos

12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, 13 sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.

Mateo 21:23-32

Pag-uusisa tungkol sa Karapatan ni Jesus(A)

23 Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?”

24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”

Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ 26 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!”

Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ 29 ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. 30 Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. 31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?”

“Ang nakatatanda po,” sagot nila.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat(B) naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.