Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 90:1-6

IKAAPAT NA AKLAT

Ang Diyos at ang Tao

Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.

90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
    buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
    hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
    ikaw noon ay Diyos na,
    pagkat ika'y walang hanggan.

Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
    sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
    sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
    isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
    parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
    kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.

Mga Awit 90:13-17

13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
    Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
    at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
    singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
    at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
    magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
    Magtagumpay nawa kami!

Deuteronomio 31:14-22

Ang Huling Tagubilin ni Yahweh kay Moises

14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila. 15 Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan.

16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nalalapit na ang iyong kamatayan. Kapag nangyari na ito, ang Israel ay magpapakasama at maglilingkod sa mga diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan nila. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 17 Kung magkaganoon, magagalit ako sa kanila. Itatakwil ko sila't tatalikuran, at sila'y madaling mabibihag ng kaaway. Daranas sila ng mga kaguluhan at kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito'y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama.

18 “Pababayaan ko sila dahil sa kasamaang ginawa nila, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan. 19 Kaya nga, isulat mo ang awiting ito at ituro sa bansang Israel upang maging tagapagpaalala sa kanila. 20 Kapag nadala ko na sila sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, tulad ng aking pangako sa kanilang mga ninuno, mamumuhay na sila nang sagana at tiwasay. Ngunit sasamba sila at maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. 21 Kung dumating na sa kanila ang matinding kahirapan at kaguluhan, ang awit na ito ang siyang susumbat sa kanila sapagkat matatanim ito sa isipan ng magiging lahi nila. Hindi ko pa sila nadadala sa lugar na ibibigay ko sa kanila ay alam ko na ang kanilang binabalak.”

22 Nang araw ring iyon, sinulat niya ang isang awit at itinuro ito sa mga Israelita.

Tito 1:5-16

Mga Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Italaga(A) mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[a] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. 12 Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.