Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pananabik sa Presensya ng Diyos
Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
2 Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
3 Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
4 Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
5 Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
6 Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
7 ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
8 Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
Nag-usap sina Miriam at Aaron Laban kay Moises
12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita ng laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang pinakasalan—sapagkat siya'y nag-asawa nga ng isang babaing taga-Cus. 2 Ang sabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Yahweh? Hindi ba't sa pamamagitan din natin?” Narinig ni Yahweh ang usapan nilang ito. 3 Si(A) Moises naman ay isang taong mapagpakumbaba higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa.
4 Dahil dito, tinawag ni Yahweh sina Moises, Aaron at Miriam. Sinabi niya, “Magpunta kayong tatlo sa Toldang Tipanan.” At nagpunta nga sila. 5 Si Yahweh ay bumabâ sa anyo ng haliging ulap at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan. Tinawag niya sina Aaron at Miriam. Paglapit nila, 6 sinabi niya, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang sinuma'y nais kong piliing propeta, nagpapakita ako sa kanya sa pangitain at kinakausap ko siya sa panaginip. 7 Ngunit(B) kaiba ang ginawa ko kay Moises sapagkat ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayang Israel. 8 Kinakausap ko siya nang harap-harapan at sinasabi ko sa kanya ang lahat sa maliwanag na paraan, hindi sa pamamagitan ng talinghaga. At siya lamang ang nakakita sa aking anyo. Bakit hindi man lamang kayo natakot na magsalita laban sa kanya?” 9 Nagalit sa kanila si Yahweh, at siya'y umalis.
21 Pagkatapos,(A) isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato at inihagis iyon sa dagat. Sinabi niya, “Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! 22 Hindi(B)(C) na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga manggagawa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! 23 Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.”
24 At natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa daigdig.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.