Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:41-48

Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh

(Vav)

41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
    ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
    yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
    pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
    yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
    hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
    di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
    sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.

Deuteronomio 26:16-27:7

Bayang Nakalaan kay Yahweh

16 “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso't kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo ngayon na si Yahweh ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at papakinggan ang kanyang tinig. 18 Ipinahayag(A) naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayang hinirang, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. 19 Pagpapalain niya kayo higit sa lahat ng bansang kanyang itinatag. Kayo ang bansang nakalaan sa kanya. At tulad ng kanyang pangako, kayo ay tatanggap ng papuri, katanyagan at karangalan.”

Ang Altar sa Bundok ng Ebal

27 Ganito naman ang bilin ni Moises, kasama ang matatandang namumuno sa sambayanan: “Sundin ninyong lahat ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagkatawid(B) ninyo sa ibayo ng Jordan at papasok na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, maglagay kayo ng malalaking bato, at inyong palitadahan sa ibabaw. At isusulat ninyo roon ang lahat ng mga batas na ito pagdating ninyo sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ang lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ilagay ninyo iyon sa Bundok ng Ebal at palitadahan ninyo, tulad ng sinasabi ko ngayon. Magtayo(C) kayo roon ng altar na bato para kay Yahweh na inyong Diyos. Mga batong hindi ginamitan ng paet ang inyong gamitin. Mga batong hindi tinapyas ang gagamitin ninyo para sa altar at doon ninyo iaalay ang inyong mga handog na susunugin. Dito rin ihahain ang handog na pangkapayapaan at sa harap nito kayo magsasalu-salo sa panahon ng inyong pasasalamat sa Diyos ninyong si Yahweh.

Mateo 19:16-22

Ang Binatang Mayaman(A)

16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

17 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.”

18 “Alin(B) sa mga iyon?” tanong niya.

Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang(C) mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”

20 Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”

21 Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.