Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
Isang Awit ng Pasasalamat.
100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
2 Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!
3 O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
4 Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!
5 Napakabuti(A) ni Yahweh,
pag-ibig niya'y walang hanggan,
pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!
Mga Salita ng Pag-asa
40 “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
“Aliwin ninyo sila!
2 Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem,
tapos na ang kanilang pagdurusa
sapagkat nabayaran na nila ng lubos
ang kasalanang ginawa nila sa akin.”
3 Ganito(A) (B) ang isinisigaw ng isang tinig:
“Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang;
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang.
4 Tambakan ang mga libis,
patagin ang mga burol at bundok,
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
5 Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh,
at makikita ito ng lahat ng tao.
Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.”
6 “Magpahayag(C) ka!” ang sabi ng tinig.
“Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko.
Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
7 Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak,
kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh.
Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo.
8 Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak,
ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”
Ang Diyos ay Narito Na
9 Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion,
magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem!
Sumigaw ka at huwag matatakot,[a]
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
“Narito na ang inyong Diyos!”
10 Dumarating(D) ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan,
dala ang gantimpala sa mga hinirang.
11 At(E) tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan;
sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin.
Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
at papatnubayan ang mga tupang may supling.
22 Ipinakita(A) rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2 at(B) umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ito'y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. 3 Wala(C) roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.
Makikita sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. 5 Doo'y(D) wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging liwanag nila, at maghahari sila magpakailanman.
Ang Pagdating ni Jesus
6 At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.”
7 At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Pinagpala ang sumusunod sa mga salita ng propesiya na nasa aklat na ito!”
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin. 9 Ngunit sinabi niya, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.