Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
IKALIMANG AKLAT
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(A) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
Nagpadala ng mga Espiya sa Jerico
2 Buhat(A) sa kampo ng Sitim, si Josue na anak ni Nun ay nagpadala ng dalawang espiya. Sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta kayo sa lupain ng Canaan, manmanan ninyo ito, lalung-lalo na ang lunsod ng Jerico.” Pumunta nga sila roon at tumuloy sa bahay ni Rahab, isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw at doon sila nagpalipas ng gabi. 2 Nakaabot sa kaalaman ng hari ng Jerico ang balita na may mga espiyang Israelita na nakapasok sa bayan nang gabing iyon. 3 Kaya't ang hari ay nagpadala ng sugo kay Rahab at ipinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking nasa bahay mo. Naparito ang mga iyan upang lihim na magsiyasat sa ating lupain.”
4 Ngunit itinago ni Rahab ang dalawa, at pagkatapos ay ganito ang isinagot, “Mayroon nga pong mga lalaking nakituloy sa amin, ngunit hindi ko po alam kung tagasaan sila. 5 Umalis po sila nang isasara na ang pintuan ng lunsod bago kumagat ang dilim. Hindi ko po natanong kung saan sila papunta, ngunit kung hahabulin ninyo agad ay aabutan pa ninyo.”
6 Sa itaas ng bubong niya pinatago ang dalawang espiya, at tinabunan ng mga tangkay ng lino na isinalansan niya roon. 7 Hinabol nga ng mga tauhan ng hari ang dalawang espiya hanggang sa tawiran ng Ilog Jordan. Pagkalabas ng mga humahabol, isinara ang pinto ng lunsod.
8 Bago natulog ang mga espiya, umakyat si Rahab sa bubong 9 at sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito, at ang mga tagarito'y takot na takot sa inyo. 10 Nabalitaan(B) namin kung paanong pinatuyo ni Yahweh ang Dagat na Pula[a] nang kayo'y tumawid galing sa Egipto. Nalaman din namin na pinatay ninyo sina Sihon at Og, mga hari ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan, at nilipol ang kanilang mga hukbo. 11 Kinilabutan kami nang marinig ang mga balitang iyon. Natakot kaming humarap sa inyo, sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng langit at ng lupa. 12 Kaya ngayo'y ipangako ninyo sa ngalan ni Yahweh na hindi ninyo gagawan ng masama ang aking sambahayan alang-alang sa pagtulong kong ito sa inyo. Bigyan ninyo ako ng isang katibayang 13 ililigtas nga ninyo ang aking ama't ina, ang aking mga kapatid at ang kanilang mga pamilya; katibayang hindi ninyo kami hahayaang mapatay.”
14 Sinabi sa kanya ng mga espiya, “Ang buhay namin ang garantiya sa buhay ninyo. Huwag mo lang ipagsasabi ang pakay namin dito, ipinapangako naming walang masamang mangyayari sa inyo kapag ibinigay na sa amin ni Yahweh ang lupaing ito.”
Mga Huwad na Guro
2 Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. 2 At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay malalapastangan. 3 Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang aral na kathang-isip lamang. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.