Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel
Isang Maskil[a] ni Asaf.
78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
2 Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
3 Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
4 Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
5 Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
6 Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
7 Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal
30 Nagtayo(A) si Josue ng isang altar sa Bundok ng Ebal para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 31 Mga(B) batong hindi tinapyas ng paet ang ginamit niya sa altar ayon sa bilin ni Moises at nasasaad sa Kautusan. Sa ibabaw ng altar na iyon ay nag-alay sila kay Yahweh ng mga handog na sinusunog at mga handog na pinagsasaluhan. 32 Sa lugar na iyon, sa harapan ng buong Israel, iniukit ni Josue sa mga bato ng altar ang kopya ng Kautusang isinulat ni Moises. 33 Lahat(C) ng Israelita, kasama ang mga matatanda, ang mga pinuno, at ang mga hukom, at pati ang mga dayuhang kasama nila, ay tumayo sa magkabilang panig ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, paharap sa mga paring Levita na may dala niyon. Ang kalahati ng bayan ay tumayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim, at ang kalahati'y sa tapat ng Bundok ng Ebal. Ganito ang utos ni Moises na gagawin nila pagsapit ng panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas. 34 Sa sandaling iyo'y binasa ni Josue ang Kautusan, ang mga pagpapala at ang mga sumpa, ayon sa nasusulat sa aklat ng Kautusan. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga Kautusan sa lahat ng taong naroon, pati sa mga babae at mga bata, at sa mga dayuhang kasama nila.
13 Hinipan(A) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14 Iniutos nito sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates.” 15 At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taóng ito. 16 Narinig ko na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon (200,000,000). 17 Sa(B) aking pangitain ay nakita ko ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre. 18 Ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay pinatay ng tatlong salot na ito: ang apoy, usok at asupre na nagmula sa bibig ng mga kabayo. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang kanilang mga buntot ay parang ahas na may ulo, na siyang ginagamit nila sa pananakit ng tao.
20 Ang(C) natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man. 21 Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.