Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 28

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
    sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
    para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
    kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
    na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
    kung magsalita'y parang mga kaibigan,
    ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
    pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
    ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
    mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
    at hindi na muling pababangunin.

Si Yahweh ay dapat purihin!
    Dininig niya ang aking mga daing.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
    tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
    sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.

Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
    siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
    ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
    tulad ng pastol sa kanyang kawan.

Jeremias 31:10-14

10 “Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ni Yahweh,
    at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
‘Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila'y muli kong titipunin at aalagaan,
    gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.’
11 Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob,
    at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na higit na malakas sa kanya.
12 Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Zion,
    puspos ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ni Yahweh:
    saganang trigo, bagong alak at langis,
    at maraming bakahan at kawan ng tupa.
Matutulad sila sa isang halamanang dinidilig,
    hindi na sila muling magkukulang.
13 Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga,
    makikigalak pati mga binata't matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
    aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
14 Bubusugin ko ng pinakamainam na pagkain ang mga pari,
    at masisiyahan ang buong bayan sa kasaganaang aking ibibigay.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

Juan 5:19-40

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.

24 “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. 27 Binigyan niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig 29 at sila'y(A) babangon. Lahat ng gumawa ng kabutihan ay babangon patungo sa buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay babangon patungo sa kaparusahan.”

Mga Saksi para kay Jesus

30 “Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpadala(B) kayo ng mga sugo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. 35 Si(C) Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawang ipinapagawa sa akin ng Ama na siya ko namang ginaganap, ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At(D) ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik(E) ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.