Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Mabuting Pastol
11 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. 12 Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. 13 Titipunin ko sila mula sa iba't ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan. 14 Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan ng Israel. 15 Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. 16 Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, ngunit pupuksain[a] ko ang mga malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang katarungan.
20 “Dahil dito,” sabi ni Yahweh, “ako mismo ang magbubukod-bukod sa malulusog at mahihinang tupa. 21 Ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mga mahihina hanggang sa sila'y mangalat kung saan-saan. 22 Dahil dito, ako ang mangangalaga sa aking kawan at hindi ko papayagang sila'y inyong apihin. Ihihiwalay ko ang mabubuti sa masasama. 23 Itatalaga(A) ko sa kanila ang isang hari, tulad ng lingkod kong si David. Siya ang magiging pastol nila. 24 Akong(B) si Yahweh ang magiging Diyos nila at ang mamamahala sa kanila ay isang haring tulad ng lingkod kong si David. Akong si Yahweh ang maysabi nito.
Awit ng Pagpupuri
Isang Awit ng Pasasalamat.
100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
2 Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!
3 O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
4 Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!
5 Napakabuti(A) ni Yahweh,
pag-ibig niya'y walang hanggan,
pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!
Ang Panalangin ni Pablo
15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon 20 ang(A) muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. 21 Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. 22 Ipinailalim(B)(C) ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, 23 na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay.
Ang Paghuhukom
31 “Sa(A) maluwalhating pagdating ng Anak ng Tao, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Tipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat(B) ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’
37 “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’
40 “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’
41 “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’
44 “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’
45 “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ 46 Itataboy(C) ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.