Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 128

Ang Bunga ng Pagsunod kay Yahweh

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

128 Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot,
    ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos.

Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan,
    ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,
    at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya.
Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,
    buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.

Mula sa Zion, pagpapala nawa ni Yahweh ay tanggapin,
    at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem;
ang magiging iyong apo, nawa iyong makita rin,
    nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel!

Josue 6:1-16

Ang Pagbagsak ng Jerico

Isinara ang mga pintuan ng Jerico upang huwag makapasok ang mga Israelita. Ipinagbawal na lumabas o pumasok ang sinuman. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Pakinggan mo ito! Ibinigay ko na sa iyong mga kamay ang Jerico, upang sakupin ito at gapiin ang kanyang hari at magigiting na kawal. Ikaw at ang iyong mga kawal ay liligid sa palibot ng Jerico minsan isang araw sa loob ng anim na araw. Pauunahin mo sa Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang mga trumpeta na yari sa sungay. Sa ikapitong araw, pitong beses kayong liligid sa lunsod, at hihipan ng mga pari ang dala nilang trumpeta. Pagkarinig ninyo ng isang malakas at mahabang tunog ng tambuli, lahat kayo'y ubod-lakas na sisigaw. Sa sandaling iyon, babagsak ang mga pader ng lunsod at walang sagabal na makakapasok doon ang lahat.”

Kaya't tinawag ni Josue ang mga pari ng Israel at sinabi sa kanila, “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh; mauuna ang pitong paring may dalang mga trumpeta.” At sinabi naman niya sa mga taong-bayan, “Lumakad na kayo! Lumigid kayo sa lunsod, at paunahin ninyo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh ang mga sandatahang lalaki.”

Tulad ng sinabi ni Josue, lumakad nga sa unahan ng Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang trumpeta, at habang lumalakad ay hinihipan nila ang mga ito.

Nauuna sa mga pari ang unang hanay ng mga kawal. Kasunod naman ng Kaban ng Tipan ang mga kawal na nasa panghuling hanay. Samantala, walang tigil ang tunog ng mga trumpeta. 10 Ngunit sinabi ni Josue sa mga tao, “Huwag kayong sisigaw, o magsasalita man, hanggang hindi ko kayo binibigyan ng hudyat.” 11 Sa utos nga ni Josue, iniligid nilang minsan sa lunsod ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo at doon sila nagpalipas ng gabi.

12 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue. Binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, 13 at muling nauna rito ang pitong pari na walang tigil sa pag-ihip ng dala nilang trumpeta. Muling pumuwesto sa unahan nila ang unang hanay ng mga kawal, samantalang ang mga panghuling hanay ay nasa likuran ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Patuloy ang pag-ihip sa mga trumpeta. 14 Nilibot nga nilang minsan ang lunsod noong ikalawang araw, at pagkatapos ay bumalik silang muli sa kampo. Ganito ang ginawa nila araw-araw sa loob ng anim na araw.

15 Nang ikapitong araw, bumangon sila nang magbukang-liwayway, at lumibot nang pitong beses sa lunsod. Noon lamang nila ito nilibot nang pitong beses. 16 Sa ikapitong libot, hinipan ng mga pari ang mga trumpeta at iniutos ni Josue sa mga tao, “Sumigaw na kayo sapagkat ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lunsod!

Josue 6:20

20 Kaya't(A) hinipan nga ng mga pari ang mga trumpeta at nagsigawan nang napakalakas ang mga tao nang marinig iyon. Bumagsak ang mga pader ng lunsod at sumalakay sila. Nakapasok sila nang walang sagabal at nasakop nila ang lunsod.

Mga Gawa 13:1-12

Ang Pagkasugo kina Bernabe at Saulo

13 May mga propeta at mga guro sa iglesya sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Maitim, Lucio na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes[a] na pinuno ng Galilea at Saulo. Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinahayo na.

Ang Pangangaral sa Cyprus

Dahil isinugo ng Espiritu Santo, sina Bernabe at Saulo ay nagpunta sa Seleucia at buhat doo'y sumakay sila sa isang barkong papunta sa Cyprus. Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Katulong nila si Juan[b] sa kanilang gawain.

Nilibot nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Natagpuan nila roon ang isang salamangkerong Judio na isang huwad na propeta; Bar-Jesus ang kanyang pangalan. Kaibigan ito ni gobernador Sergio Paulo, isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang marinig ang salita ng Diyos. Ngunit sinalungat sila ng salamangkerong si Elimas (ito ang pangalan ni Bar-Jesus sa wikang Griego) upang hadlangan ang gobernador sa pananampalataya. Si Saulo, na tinatawag ring Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig kay Elimas 10 at nagsabi, “Ikaw na anak ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng mabuti! Punô ka ng pandaraya at kasamaan! Hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matuwid na landas ng Panginoon? 11 Ngayon, paparusahan ka niya! Mabubulag ka at pansamantalang hindi ka makakakita ng liwanag.”

Noon di'y naramdaman ni Elimas na parang tinakpan ng maitim na ulap ang kanyang mga mata, at siya'y naghanap ng taong aakay sa kanya. 12 Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, at humanga siya sa katuruan tungkol sa Panginoon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.