Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Guyang Ginto(A)
32 Nang magtagal si Moises sa bundok, ang mga Israelita'y lumapit kay Aaron. Sinabi nila, “Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin sa Egipto.”
2 “Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa't mga anak at dalhin sa akin,” sagot ni Aaron. 3 Ganoon nga ang kanilang ginawa. 4 Kinuha(B) (C) ni Aaron ang mga hikaw at tinunaw; ibinuhos niya sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya.
Pagkayari, sinabi nila: “Israel, narito ang diyos mong naglabas sa iyo sa Egipto!”
5 Nang ito'y makita ni Aaron, gumawa siya ng altar sa harap nito at sinabi sa mga tao, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh.” 6 Kinabukasan,(D) maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila'y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan.
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako. 8 Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila'y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto. 9 Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo. 10 Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi'y gagawin kong isang malaking bansa.”
11 Nagmakaawa(E) si Moises kay Yahweh: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan. 12 Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita'y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila. 13 Alalahanin(F) ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila'y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.” 14 Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita.
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
106 Purihin(A) si Yahweh!
Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
3 At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.
4 Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
5 upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.
6 Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
19 Sa(A) may Bundok ng Sinai,[a] doon ay naghugis niyong gintong guya,
matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,
ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.
Sa Dagat na Pula[b] yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
23 Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,
agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya,
at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila.
Ilang mga Tagubilin
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking kagalakan at karangalan, sa ganitong paraan ay magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.
2 Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon. 3 Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong katuwang, tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang mga pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay.
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! 5 Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. 6 Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
8 Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. 9 Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)
22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, 2 “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang haring nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. 3 Isinugo niya ang kanyang mga lingkod upang tawagin ang mga inanyayahan, ngunit ayaw nilang dumalo. 4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga lingkod at kanyang pinagbilinan ng ganito: ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na nakahanda na ang mga pagkain, kinatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat. Halina kayo!’ 5 Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Sa halip, pumunta sila sa kani-kanilang lakad. May nagpunta sa kanyang bukid at mayroon namang nag-asikaso ng kanyang negosyo. 6 Sinunggaban naman ng iba ang mga lingkod, hinamak at pinatay. 7 Galit na galit ang hari kaya't pinapunta niya ang kanyang mga kawal upang puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang kanilang lungsod. 8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, ‘Nakahanda na ang mga pagkain ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. 9 Pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga lingkod at isinama nila ang lahat ng kanilang natagpuan, masasama't mabubuti, at napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
11 “Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin. Nakita niya ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. 12 Tinanong niya ito, ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakasuot ng damit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang tao, 13 kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”
14 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.