Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 63:1-8

Pananabik sa Presensya ng Diyos

Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
    ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
    para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
    at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
    kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
    at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
    magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
    magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
    ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
    kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.

Exodo 40:34-38

Ang Ulap at ang Tabernakulo(A)

34 Nang(B) magawâ ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. 35 Hindi makapasok si Moises sapagkat nanatili sa loob nito ang ulap at napuspos ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. 36 Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. 37 Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. 38 Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ni Yahweh ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama'y ang haliging apoy. Ito'y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.

Pahayag 18:1-10

Ang Pagbagsak ng Babilonia

18 Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. Sumigaw(A) siya nang napakalakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay kulungan na lamang siya ng mga demonyo, ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. Sapagkat(B) pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.”

Narinig(C) ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi,

“Umalis ka sa Babilonia, bayan ko!
    Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan,
    upang hindi ka maparusahang kasama niya!
Sapagkat(D) abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya,
    at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan.
Gawin(E) ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba,
    gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Punuin ninyo ang kanyang kopa
    ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa iba.
Kung(F) paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan,
    palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian.
Sapagkat lagi niyang sinasabi,
‘Ako'y nakaluklok na isang reyna!
    Hindi ako biyuda,
    hindi ako magluluksa kailanman!’
Dahil dito, daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw:
    sakit, dalamhati, at taggutom;
at tutupukin siya ng apoy.
    Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.”

Tatangis(G) at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lungsod. 10 Tatayo sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa kanya!”

Pahayag 18:19-20

19 Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lungsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!”

20 Magalak(A) ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.