Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
2 Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
3 Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
4 Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
5 Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
6 Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
7 Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
8 Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
9 Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.
15 Pagkaraan noon, si Moises ay bumalik mula sa bundok dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. 16 Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang tapyas na bato at nag-ukit ng mga utos na nakasulat doon.
17 Nang pabalik na sila, narinig ni Josue ang sigawan ng mga tao. Sinabi niya kay Moises, “May ingay ng labanan sa kampo.”
18 “Ang naririnig ko'y hindi sigaw ng tagumpay o ng pagkatalo, kundi awitan,” sagot ni Moises.
19 Nang sila'y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito'y nadurog. 20 Kinuha niya ang guya at sinunog. Pagkatapos, dinurog niya ito nang pino saka ibinuhos sa tubig at ipinainom sa mga Israelita. 21 Hinarap niya si Aaron, “Ano bang ginawa nila sa iyo at pumayag kang gawin ang malaking kasalanang ito?”
22 Sumagot si Aaron, “Huwag ka nang magalit sa akin, kapatid ko. Alam mo naman kung gaano katigas ang kanilang ulo. Ayaw nilang paawat sa paggawa ng kasamaang ito. 23 Sinabi nila sa akin na igawa ko sila ng mga diyos na mangunguna sa kanila sapagkat hindi raw nila alam kung ano na ang nangyari sa iyo. 24 Kaya't tinanong ko sila kung sino ang may ginto. Ibinigay naman nila sa akin ang mga alahas, tinunaw ko sa apoy at lumabas ang guyang iyon.”
25 Nakita ni Moises na nagkakagulo ang mga tao sapagkat sila'y pinabayaan ni Aaron na sumamba sa diyus-diyosan. At naging katawatawa sila sa paningin ng mga kaaway na nakapaligid. 26 Kaya't tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Lumapit sa akin ang lahat ng nasa panig ni Yahweh!” At lumapit sa kanya ang mga Levita. 27 Sinabi niya sa kanila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel: ‘Kunin ninyo ang inyong mga tabak, galugarin ninyo ang buong kampo at patayin ang lahat ng inyong makita, maging kapatid, kaibigan o sinuman.’” 28 Sinunod ng mga Levita ang utos ni Moises at may tatlong libong katao ang napatay nila nang araw na iyon. 29 Sinabi ni Moises, “Ngayo'y inilaan ninyo ang inyong mga sarili sa paglilingkod kay Yahweh dahil sa pagkapatay ninyo sa inyong mga anak at mga kapatid. Kaya, tatanggapin ninyo ngayon ang kanyang pagpapala.”
30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa mga tao, “Napakalaki ng nagawa ninyong kasalanan. Aakyat ako ngayon sa bundok at mananalangin kay Yahweh, baka sakaling maihingi ko kayo ng tawad.” 31 Umakyat nga sa bundok si Moises at nanalangin kay Yahweh. Sinabi niya, “Napakalaking pagkakasala ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyus-diyosang ginto. 32 Ipinapakiusap(A) ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na rin ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan.”
33 Sumagot si Yahweh, “Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. 34 Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na paparusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan.”
35 At pinadalhan ni Yahweh ng sakit ang mga tao sapagkat pinagawa nila ng guya si Aaron.
Mga Babala at mga Payo
17 Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Noon(A) pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at sumusunod sa masasamang pagnanasa ng laman.” 19 Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga makamundo at wala sa kanila ang Espiritu.
20 Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.
22 Kaawaan[a] ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang iba upang mailigtas sa apoy. Ang iba nama'y kaawaan ninyo nang may halong takot; kasuklaman ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.
Bendisyon
24 Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kaluwalhatian, kadakilaan, kapamahalaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.