Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
2 Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
3 Wala silang tinig o salitang ginagamit,
wala rin silang tunog na ating naririnig;
4 ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
5 tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
walang nakapagtatago sa init nitong taglay.
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Ang Tatlong Pangunahing Pista
14 “Ipagpipista ninyo ako nang tatlong beses isang taon. 15 Ipagdiriwang(A) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Ito'y gagawin ninyo sa takdang araw ng unang buwan, ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. Walang haharap sa akin nang walang dalang handog.
16 “Ipagdiriwang(B) din ninyo ang Pista ng Pag-aani tuwing aanihin ninyo ang unang bunga ng inyong mga bukirin.
“At ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng mga Tolda sa pagtatapos ng taon, sa pitasan ng ubas at ng mga bungangkahoy. 17 Tatlong beses isang taon, lahat ng lalaki ay haharap sa Panginoong Yahweh.
18 “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang mga hayop na ihahandog ninyo sa akin, at huwag ninyong hahayaang matira sa kinabukasan ang taba ng mga hayop na handog ninyo sa pagpipista para sa akin.
19 “Dadalhin(C) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga pinakamainam na unang ani ng inyong mga bukirin.
“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.
14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, 15 upang(A) kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang mga hirap at pagod ko sa inyo.
17 Kung ang buhay ko ma'y ibuhos bilang handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. 18 Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.
Ang Tunay na Pagiging Matuwid
3 Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para sa inyong kapakanan.
2 Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng maselang bahagi ng kanilang katawan. 3 Tayo at hindi sila, ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus at hindi tayo umaasa sa mga pisikal na bagay.
4 Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.