Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Nangako si Yahweh na Sila'y Papatnubayan
12 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Iniutos ninyo sa aking pangunahan ko ang bayang ito papunta sa lupaing ipinangako ninyo. Ngunit hindi ninyo sinabi kung sino ang makakatulong ko. Sinabi pa ninyong nalulugod po kayo sa akin at kilalang-kilala ninyo ako. 13 Kung ito'y totoo, ipinapakiusap kong sabihin ninyo sa akin ang inyong mga balak gawin para malaman ko upang patuloy kayong malulugod sa akin. Alalahanin din ninyo na ang bayang Israel ay inyo.”
14 “Sasamahan ko kayo at bibigyan ko kayo ng kapayapaan,” sagot ni Yahweh.
15 Sinabi ni Moises, “Kung hindi ninyo kami sasamahan, huwag na po ninyo kaming paalisin dito. 16 Sapagkat kung hindi kayo sasama sa amin, paano malalaman ng lahat na kami po ay inyong kinalulugdan? Kung sasama kayo sa amin, maliwanag na kami'y naiiba sa lahat ng mga bansa.”
17 “Sige, gagawin ko ang hiling mo sapagkat ako'y nalulugod sa iyo at kilalang-kilala kita,” sabi ni Yahweh.
18 Kaya't hiniling ni Moises, “Yahweh, ipakita po ninyo sa akin ang inyong kaluwalhatian!”
19 “Makikita mong lahat ang aking kaluwalhatian at bibigkasin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh. Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan, 20 ngunit hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon. 21 Dito sa tabi ko'y may matatayuan kang bato. 22 Pagdaan ng aking maningning na kaluwalhatian, ipapasok kita sa siwang ng batong ito at tatakpan kita ng aking kamay. 23 Pagkalampas ko'y aalisin ko na ang aking kamay at makikita mo ang likod ko, ngunit hindi ang aking mukha,” sagot ni Yahweh.
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
kaya daigdig ay nayayanig.
2 Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
3 Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
si Yahweh ay banal!
4 Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
Si Yahweh ay banal!
6 Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
7 Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.
8 O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
9 Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!
1 Mula(A) kina Pablo, Silas, at Timoteo—
Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo.
Kagandahang-loob at kapayapaan nawa ang sumainyo.
Ang Pamumuhay at Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica
2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin. 3 Inaalala namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawa dahil sa inyong pananampalataya, ang inyong pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Mga kapatid, nalalaman namin na kayo'y pinili ng Diyos na nagmamahal sa inyo. 5 Sapagkat ang Magandang Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin alang-alang sa inyo. 6 Sinundan(B) ninyo ang aming halimbawa at ang halimbawa ng Panginoon. Kahit dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, tinanggap ninyo ang salita ng Diyos nang may kagalakang mula sa Espiritu Santo. 7 Kaya't naging huwaran kayo ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya, 8 sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Ang inyong pananampalataya sa Diyos ay nabalita rin sa lahat ng dako, kaya't hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. 9 Ang mga tagaroon na rin ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsasabi kung paano ninyo tinalikuran ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, 10 at maghintay sa pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit. Ito'y si Jesus na muli niyang binuhay; na siya ring nagliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.
Ang Pagbabayad ng Buwis(A)
15 Umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga alagad kasama ng ilang tagasunod ni Herodes. Sinabi ng mga sugo, “Guro, nalalaman naming kayo'y tapat at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong itinatangi sapagkat patas ang pagtingin ninyo sa mga tao. 17 Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”
18 Alam ni Jesus ang kanilang masamang layunin kaya't sinabi niya, “Kayong mga mapagkunwari! Bakit binibitag ninyo ako? 19 Ipakita ninyo sa akin ang isang salaping pambayad sa buwis.”
At ipinakita nga nila ang isang salaping pilak. 20 “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?” tanong ni Jesus.
21 “Sa Emperador po,” tugon nila.
Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
22 Namangha sila nang marinig ito, at sila'y umalis.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.