Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
2 Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
3 Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
4 Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
5 Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
6 Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
7 Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
8 Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
9 Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.
Nagpatuloy ng Paglalakbay ang Israel
33 Sinabi(A) (B) ni Yahweh kay Moises, “Umalis na kayo rito at magtuloy sa lupaing aking ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay ko sa kanilang lahi. 2-3 Ang pupuntahan ninyo'y isang mayaman at masaganang lupain. Pauunahin ko sa inyo ang isang anghel upang palayasin ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Hindi ako ang sasama sa inyo at baka malipol ko lamang kayo sa daan dahil sa katigasan ng inyong ulo.”
4 Nang malaman ito ng mga Israelita, labis silang nalungkot at isa ma'y walang nagsuot ng alahas. 5 Sapagkat sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na matitigas ang ulo nila. Baka kung ako ang sasama sa kanilang paglalakbay ay malipol ko lang sila. Ipaalis mo ang kanilang mga alahas, at pagkatapos ay magpapasya ako kung ano ang gagawin ko sa kanila.” 6 Kaya't mula sa Bundok ng Sinai,[a] hindi na sila nagsuot ng alahas.
13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.
15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na.
17 Mga(A) kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati.
Ilang mga Tagubilin
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking kagalakan at karangalan, sa ganitong paraan ay magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.