Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
19 Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpahuli sa kanila, gayundin ang haliging ulap. 20 Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio. Madilim sa panig ng mga Egipcio, maliwanag naman sa mga Israelita. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay hindi makalapit sa mga Israelita.
21 Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ni Yahweh ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. 22 Ang(A) mga Israelita'y tumawid sa dagat na ang nilakara'y tuyong lupa, sa pagitan ng tubig na parang pader. 23 Hinabol sila ng mga Egipcio hanggang sa dagat. Ang mga ito'y mga kawal ng Faraon na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio'y ginulo ni Yahweh mula sa haliging apoy at ulap. 25 Napabaon[a] ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makahabol nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat si Yahweh na ang kalaban natin.”
26 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang mga karwahe.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at sa pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio'y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ni Yahweh ang pagdagsa ng tubig kaya't nalunod silang lahat. 28 Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe't kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira. 29 Ngunit ang mga Israelita'y nakatawid sa dagat, na tuyong lupa ang dinaanan, sa pagitan ng tubig na parang pader.
30 Nang araw na iyon ang mga Israelita'y iniligtas ni Yahweh sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa tabing dagat. 31 Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises.
Awit ng Paggunita sa Exodo
114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
2 Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.
3 Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
4 Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.
5 Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
6 Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?
7 Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
8 sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.
Ang Awit ni Moises
15 Ito(A) ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para kay Yahweh:
“Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay;
ang mga kabayo't kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
2 Si(B) Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
Siya'y aking Diyos na aking pupurihin,
Diyos ng aking ama, aking dadakilain.
3 Siya'y isang mandirigma;
Yahweh ang kanyang pangalan.
4 “Mga karwahe't kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon,
sa Dagat na Pula[a] nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling.
5 Sa malalim na dagat sila'y natabunan,
tulad nila'y batong lumubog sa kailaliman.
6 Ang kanang kamay mo, Yahweh'y makapangyarihan,
dinudurog nito ang mga kaaway.
7 Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway;
sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok.
8 Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas,
parang pader na tumayo, kailalima'y tumigas.
9 Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila't huhulihin,
kayamanan nila'y aking sasamsamin,
at sa tabak kong hawak, sila'y lilipulin.’
10 Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila'y nangalunod,
parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog.
11 “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya?
Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha,
sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?
20 Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin. 21 Habang sila'y nagsasayaw, ganito ang inaawit ni Miriam:
“Purihin si Yahweh sa kanyang dakilang tagumpay;
itinapon niya sa dagat ang mga karwahe't ang nakasakay.”
Huwag Hatulan ang Inyong Kapatid
14 Tanggapin(A) ninyo ang mahihina sa kanilang paniniwala, at huwag makipagtalo sa kanya tungkol sa kanyang kuru-kuro. 2 May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa kanyang paniniwala. 3 Huwag hamakin ng taong kumakain ng anuman ang taong kumakain ng gulay lamang. At huwag namang hatulan ng kumakain ng gulay lamang ang taong kumakain ng anuman, sapagkat siya'y tinatanggap din ng Diyos. 4 Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At ituturing naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon.
5 May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito. 6 Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos. 7 Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung tayo'y nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, para sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. 9 Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Ngunit(B) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat(C) nasusulat,
“Sabi ng Panginoon, ‘Dahil ako'y buháy,
ang lahat ay luluhod sa harap ko,
at ang bawat isa'y magpupuri sa Diyos.’”
12 Kaya't bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos.
Ang Talinghaga tungkol sa Lingkod na Di Marunong Magpatawad
21 Lumapit(A) si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”
22 Sinagot(B) siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.[a] 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso.[b] 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.
28 “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso.[c] Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.
31 “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya't pumunta sila sa hari at nagsumbong. 32 Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.