Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 121

Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
    sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
    sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.

Di niya ako hahayaang mabuwal,
    siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
    hindi natutulog at palaging gising!
Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
    laging nasa piling, upang magsanggalang.
Di ka maaano sa init ng araw,
    kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.

Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
    sa mga panganib, ika'y ililigtas.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
    saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.

Exodo 12:29-42

Ang Huling Salot: Namatay ang Lahat ng Panganay

29 Nang(A) hating-gabing iyon, pinatay ni Yahweh ang lahat ng panganay na lalaki sa buong Egipto, mula sa panganay ng Faraon at tagapagmana ng trono, hanggang sa anak ng bilanggong nasa piitan; namatay din ang panganay ng mga hayop. 30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon, ang kanyang mga tauhan at lahat ng Egipcio, at nagkaroon ng napakalakas na iyakan sa buong Egipto, sapagkat lahat ng bahay ay namatayan ng panganay na lalaki. 31 Nang gabi ring iyo'y ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Sige, umalis na kayo sa Egipto! Lumakad na kayo at sumamba kay Yahweh tulad ng hinihiling ninyo. 32 Dalhin na ninyo pati inyong mga tupa, kambing at baka. Umalis na kayo at ipanalangin din ninyo ako.”

33 Inapura sila ng mga Egipcio at sinabi sa kanila, “Mamamatay kaming lahat kapag hindi pa kayo umalis dito.” 34 Kaya, binalot nila ng damit ang minamasang harina na di na nalagyan ng pampaalsa, ni alisin sa sisidlan; pinasan nila iyon at umalis. 35 Noo'y(B) nahingi na nila sa mga Egipcio ang mga alahas na pilak at ginto at mga damit, tulad ng iniutos sa kanila ni Moises. 36 Ibinigay ng mga Egipcio ang anumang hingin ng mga Israelita sapagkat niloob na ni Yahweh na sila'y igalang ng mga ito. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang kayamanan ng mga Egipcio.

Ang Pag-alis ng mga Israelita sa Egipto

37 Mula sa Rameses, naglakbay ang mga Israelita patungong Sucot; humigit-kumulang sa animnaraang libo ang mga lalaki bukod pa sa mga babae at mga bata. 38 Maraming hindi Israelita ang sumama sa kanila; marami rin silang dalang tupa, kambing at baka. 39 At niluto nila ang dala nilang gagawing tinapay na wala pang pampaalsa. Hindi nila ito nakuhang lagyan pa ng pampaalsa sapagkat apurahan ang kanilang pag-alis sa Egipto; wala na silang panahong magluto ng pagkain.

40 Nanirahan(C) ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41 Huling araw ng ika-430 taon nang umalis sa Egipto ang lahat ng lipi ng bayan ni Yahweh. 42 Nang gabing iyon sila iniligtas ni Yahweh at inilabas sa Egipto, kaya ang gabing iyon ay itinalaga nila sa pag-aalaala sa pagliligtas sa kanila ni Yahweh. Ang pag-aalaalang iyon ay patuloy nilang gagawin habang panahon.

Roma 13:1-7

Paggalang sa Pamahalaan

13 Ang(A) bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila'y nararapat sa parusa. Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa.[a] Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi.

Iyan(B) din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.