Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Paggunita sa Exodo
114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
2 Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.
3 Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
4 Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.
5 Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
6 Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?
7 Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
8 sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.
Ang Haliging Apoy at Ulap
17 Nang payagan na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sa daan patungong Filistia sila pinaraan ng Diyos kahit na iyon ang pinakamalapit. Ayaw niyang ang mga Israelita'y mapasubo agad sa labanan, baka magbago pa sila ng isip at magbalik sa Egipto. 18 Kaya, sila'y pinaligid niya sa ilang, patungong Dagat na Pula;[a] sila'y handang-handang makipaglaban. 19 Ang(A) mga buto ni Jose ay dinala ni Moises sa kanilang pag-alis bilang pagtupad sa kahilingan nito. Ang sinabi noon ni Jose, “Tiyak na ililigtas kayo ni Yahweh; pag-alis ninyo rito'y dalhin ninyo ang aking mga buto.”
20 Umalis sila ng Sucot at tumigil muna sa Etam bago pumasok ng ilang. 21 Sa kanilang paglalakbay araw-gabi, patuloy silang pinapatnubayan ni Yahweh: kung araw ay sa pamamagitan ng haliging ulap at kung gabi'y sa pamamagitan naman ng haliging apoy na tumatanglaw sa kanila. 22 Laging(B) nasa unahan nila ang haliging ulap kung araw at ang haliging apoy kung gabi.
Magmahalan Tayo
11 Ito(A) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(B) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.
13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(C) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.