Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 83:1-4

Panalangin Upang Matalo ang mga Kalaban

Awit ni Asaf.

83 Huwag kang manahimik, O Diyos, huwag kang magpabaya, ikaw ay kumilos.
Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa,
    at ang namumuhi'y kinakalaban ka.
Sila'y nagbabalak laban sa hinirang,
    laban sa lahat ng iyong iningatan.
Ganito ang sabi, “Ating papawiin, ang kanilang bansa'y ating lilipulin;
    upang ang Israel, malimutan na rin!”

Mga Awit 83:13-18

13 Ikalat mo silang parang alikabok,
    tulad ng dayami na tangay ng unos.
14 Tulad ng pagtupok ng apoy sa gubat,
    nang ang kaburula'y kubkob na ng ningas,
15 gayon mo habulin ng bagyong malakas,
    ito ang gawin mo't nang sila'y masindak.
16 Mga taong yaon sana'y hiyain mo,
    upang matutong maglingkod sa iyo.
17 Lupigin mo sila't takuting lubusan,
    lubos mong hiyain hanggang sa mamatay.
18 Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid,
    ang tangi't dakilang hari ng daigdig!

Exodo 7:14-25

Ang Unang Salot: Naging Dugo ang Tubig

14 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Nagmamatigas ang Faraon. Ayaw pa ring paalisin ang mga Israelita. 15 Kaya, bukas ng umaga, dalhin mo ang tungkod na naging ahas, at hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa tabing ilog. 16 Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod. 17 Ngunit(B) tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig 18 at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito.’”

19 Idinugtong pa ni Yahweh, “Pagkatapos, sabihin mo kay Aaron na itaas ang kanyang tungkod at sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto. Ang lahat ng tubig sa mga ilog, kanal at lawa ay magiging dugo, pati ang nasa mga batya at tapayan.”

20 Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh. Sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito ay inihampas ni Aaron sa tubig ang kanyang tungkod at naging dugo nga ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya't hindi mainom ng mga Egipcio ang tubig nito. Naging dugo rin ang lahat ng tubig sa buong Egipto. 22 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkerong Egipcio sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan kaya't lalong nagmatigas ang Faraon. Ayaw pa rin niyang pakinggan sina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh. 23 Ang ginawa nila'y hindi pinansin ng Faraon, umuwi na lang ito sa palasyo. 24 Samantala, ang mga Egipcio ay humukay sa tabing ilog upang kumuha ng inumin sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.

25 At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig.

Mateo 12:22-32

Si Jesus at si Beelzebul(A)

22 Dinala noon kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Jesus kaya't siya'y nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi nila, “Ito na kaya ang Anak ni David?” 24 Nang(B) marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” 25 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 26 Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? 27 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang ginagawa nila ang magpapatunay na maling-mali kayo. 28 Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.

29 “Hindi(C) mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. 30 Ang(D) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang paglapastangan sa Espiritu Santo. 32 Sinumang(E) magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.