Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 78:1-4

Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel

Isang Maskil[a] ni Asaf.

78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
    inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
    nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
    nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
    ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
    mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
    na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.

Mga Awit 78:12-16

12 Ang(A) (B) lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
    ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi(C) niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
    ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag(D) araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
    at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May(E) tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
    sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
    daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.

Isaias 48:17-21

Ang Plano ni Yahweh sa Kanyang Bayan

17 Ganito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel,
    ni Yahweh na sa iyo'y tumubos:
“Ako ang iyong Diyos na si Yahweh.
    Tuturuan kita para sa iyong kabutihan,
    papatnubayan kita sa daan na dapat mong lakaran.

18 “Kung sinusunod mo lang ang aking mga utos,
    pagpapala sana'y dadaloy sa iyo,
    parang ilog na hindi natutuyo ang agos.
Tagumpay mo sana ay sunud-sunod,
    parang along gumugulong sa dalampasigan.
19 Ang iyong lahi ay magiging sindami sana ng buhangin sa dagat,
    at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”

20 Lisanin(A) ninyo ang Babilonia, takasan ninyo ang Caldea!
Buong galak na inyong ihayag sa lahat ng lugar
    na iniligtas ni Yahweh ang lingkod niyang si Israel.
21 Nang patnubayan ni Yahweh ang bayang Israel, sa pagtawid sa malawak at mainit na disyerto,
    hindi ito nauhaw bahagya man
    sapagkat binutas niya ang isang malaking bato, at ang tubig ay bumukal.

Santiago 4:11-16

Huwag Humatol sa Kapwa

11 Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang naninira o humahatol sa kanyang kapatid ay naninira at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito. 12 Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magparusa. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa?

Huwag Magmalaki

13 Makinig(A)(B) kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming mananatili roon, mangangalakal kami at kikita nang malaki.” 14 Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala. 15 Sa halip ay sabihin ninyo, “Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay pa kami at gagawin namin ito o iyon.” 16 Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.